Institute
12 Matapos ang Maraming Kapighatian


“Matapos ang Maraming Kapighatian,” kabanata 12 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 12: “Matapos ang Maraming Kapighatian”

Kabanata 12

Matapos ang Maraming Kapighatian

Bangka

Noong tagsibol ng 1831, ang pitong taong gulang na si Emily Partridge ay nakatira sa isang bayan sa hilagang silangan ng Kirtland kasama ang kanyang mga magulang, sina Edward at Lydia, at apat na kapatid na babae. May maganda silang de-haliging bahay na may isang malaking silid at dalawang silid-tulugan sa ibaba. Sa itaas ay may isang kwarto, isa pang malaking silid, at isang kabinet kung saan nila inililigpit ang mga damit. Sa basement ay may isang kusina at imbakan ng gulay na napakadilim na natatakot dito si Emily.

Sa labas, ang malaking bakuran ng mga Partridge ay nagbibigay kay Emily ng lugar para makapaglaro at maggalugad. Mayroon silang hardin ng mga bulaklak at mga bungangkahoy, isang kamalig, at bakanteng lote kung saan balak ng kanyang ama na magtayo ng isa pang mas maayos na tirahan balang araw. Ang tindahan ng sumbrero ng kanyang ama ay hindi kalayuan din. Sa ilalim ng counter ng tindahan, lagi niyang nakikita ang magagarang laso at iba pang kayamanan. Ang buong gusali ay puno ng mga kagamitan at makina na ginagamit ng kanyang ama sa pagtitina ng mga tela at mga balahibo at hinuhubog ito na maging sombrero para sa kanyang mga parokyano.1

Hindi gaanong gumugugol ng oras ang kanyang ama sa paggawa ng sumbrero ngayong siya na ang bishop ng simbahan. Dahil ang mga Banal ay nagtitipon sa Ohio mula sa New York, kinailangan niyang tulungan silang makalipat sa mga bahay at makahanap ng trabaho. Kasama sa mga bagong dating ang pamilya Knight at ang kanilang branch ng simbahan mula sa Colesville. Batid na si Leman Copley ay may isang malaking sakahan dalawampung milya sa hilagang silangan ng Kirtland, na pumayag siyang ilaan sa Panginoon, isinugo roon ng ama ni Emily ang mga banal sa Colesville upang manirahan.2

Ilan sa mga Banal sa New York ay nagtungo sa Ohio na may tigdas, at dahil nanatili silang madalas sa bahay ng mga Partridge, hindi nagtagal at nagkaroon si Emily at ang kanyang mga kapatid ng mataas na lagnat at mga pantal. Kalaunan ay gumaling si Emily, ngunit ang kanyang labing-isang taong gulang na kapatid na si Eliza ay nagkaroon ng pulmonya. Walang magawa ang kanyang mga magulang kundi manood habang nahihirapan ito sa kanyang paghinga at tumaas pang lalo ang kanyang lagnat.3

Habang inaalagaan ng pamilya si Eliza, ang kanyang ama ay dumalo sa isang mahalagang kumperensya ng simbahan sa isang paaralan malapit sa bukid ng mga Morley. Nawala siya nang ilang araw, at sa pagbalik niya, sinabi niya sa kanyang pamilya na kailangan niyang umalis muli.4 Natanggap ni Joseph ang isang paghahayag na nagsasabing ang susunod na kumperensya ay gaganapin sa Missouri. Maraming lider ng simbahan, kabilang na ang kanyang ama, ay hinirang na pumunta roon sa lalong madaling panahon.5

Maraming tao ang nagsimulang gumawa ng mga plano para sa paglalakbay. Sa paghahayag, tinawag ng Panginoon ang Missouri bilang lupaing mana ng mga Banal, inuulit ang mga paglalarawan sa Biblia ng isang lupang pangako na “binubukalan ng gatas at pulot.” Doon itatayo ng mga Banal ang lunsod ng Sion.6

Hindi maluwag sa loob ng ama ni Emily na iwan ang kanyang pamilya. Si Eliza ay may sakit pa rin at maaaring mamatay habang wala siya.7 Nakita ni Emily na ang kanyang ina ay nag-aalala rin. Tapat man sa layunin ng Sion si Lydia Partridge, siya ay hindi sanay na maiwan upang alagaan ang kanyang mga anak at tahanan nang mag-isa. Tila alam na niya na nagsisimula pa lamang ang kanyang mga pagsubok.8


Maysakit si Polly Knight nang siya at ang mga Banal sa Colesville ay nanirahan sa lupain ni Leman Copley. Ang bukid ay may mahigit pitong daang acres ng napakatabang lupain, at mayroong sapat na espasyo para sa maraming pamilya na magtayo ng mga bahay, kamalig, at tindahan.9 Dito ang mga Knight ay makakapagsimulang muli at maisasabuhay ang bago nilang pananampalataya nang mapayapa, bagama’t marami ang nababahala na malapit na silang lisanin ni Polly.

Ang asawa at mga anak na lalaki ni Polly ay nagtrabaho nang mabilis, gumagawa ng mga bakod at nagtatanim sa bukid upang mapabuti ang lupain. Hinikayat din nina Joseph at Bishop Partridge ang mga Banal sa Colesville na ilaan ang kanilang ari-arian alinsunod sa batas ng Panginoon.10

Matapos nagsimulang maayos ang pamayanan, gayunman, humiwalay sa simbahan si Leman at sinabi sa mga Banal sa Colesville na umalis sa kanyang ari-arian.11 Walang ibang matutuluyan, ang mga pinalayas na Banal ay nagtanong kay Joseph na humingi ng patnubay mula sa Panginoon para sa kanila.

“Kayo ay maglalakbay sa mga [rehiyong] pakanluran,” sinabi ng Panginoon sa kanila, “patungo sa lupain ng Missouri.”12

Ngayong alam na nila na ang Sion ay matatagpuan sa Missouri, hindi sa Ohio, natanto ng mga Banal sa Colesville na sila ang mga unang miyembro ng simbahan na maninirahan doon. Nagsimula silang maghanda para sa paglalakbay, at mga dalawang linggo makaraan ng paghahayag, si Polly at ang iba pang kasapi ng branch ay umalis sa Kirtland at sumakay ng mga bangka na magdadala sa kanila pakanluran.13

Habang binabagtas ni Polly at ng kanyang pamilya ang ilog, ang kanyang pinakadakilang hangarin ay tumapak sa Sion bago siya pumanaw. Siya ay limampu’t limang taong gulang, at mahina na siya. Ang kanyang anak na lalaki na si Newel ay nakadaong na sa dalampasigan upang bumili ng mga tabla para sa isang kabaong kung sakaling pumanaw siya bago pa dumating sa Missouri.

Pero determinado si Polly na mailibing sa walang ibang lugar kundi sa Sion.14


Pagkaalis ng mga Banal sa Colesville, ang propeta, sina Sidney at Edward Partridge ay tumulak patungo sa Missouri kasama ang ilang elder ng simbahan. Naglakbay sila kadalasan sa lupa, nangangaral ng ebanghelyo sa kanilang mga nadadaanan at pinag-uusapan ang kanilang inaasahan para sa Sion.15

Positibo ang mga pananalita ni Joseph tungkol sa simbahan sa Independence. Sinabi niya sa ilang elder na si Oliver at iba pang mga missionary ay tiyak na nakapagtayo ng isang malakas na branch ng simbahan doon, tulad ng nangyari sa Kirtland. Ilan sa mga elder ay tinanggap ito bilang isang propesiya.

Habang papalapit sila sa Jackson County, hinangaan ng mga lalaki ang matiwasay at maburol na parang sa kanilang paligid. Dahil malawak ang lupain para tirahan ng mga Banal, ang Missouri ay tila mainam na lokasyon para sa Sion. At ang Independence, sa lapit nito sa isang malaking ilog at mga lupain ng mga Indian, ay maaaring perpektong lugar upang tipunin ang mga pinagtipanang tao ng Diyos.16

Ngunit nang dumating sila sa bayan, ang mga elder ay hindi natuwa sa nakita nila. Si Ezra Booth, isang dating ministro na sumapi sa simbahan matapos makita si Joseph na nagpagaling ng isang babaeng paralisado ang bisig, ay naisip na mukhang mapanglaw ang lugar at hindi maunlad. May isang hukuman ito, kaunting tindahan, mangilan-ngilang bahay na yari sa troso—at halos wala nang iba pa. Ang mga missionary ay nakapagbinyag lamang ng iilang tao sa lugar, kaya hindi naging kasintatag ang branch na tulad ng inasahan ni Joseph. Inaakalang nalinlang sila, si Ezra at ang iba ay nagsimulang pagdudahan ang mga kaloob ng propeta.17

Si Joseph ay nalungkot din. Ang Fayette at Kirtland ay maliliit na nayon, ngunit ang Independence ay mahigit-kumulang lamang na isang liblib na lugar. Ang bayan ay isang pook ng pagsisimula sa pagtahak sa landas patungo sa kanluran, kaya ito ay umaakit sa mga mangangaso na kumukuha ng balahibo ng hayop at mga nagmamaneho ng bagon o karwahe, kasama ang mga magsasaka at maliliit na negosyante. Marami nang nakatagpo si Joseph na mga tao sa ganitong pangangalakal buong buhay niya, pero sa kanyang palagay, ang mga lalaki sa Independence ay sadyang walang dinidiyos at magaspang. Higit pa rito, ang mga kinatawan ng gobyerno sa bayan ay mapaghinala sa mga missionary at malamang na gawing mahirap ang pangangaral sa mga Indian, kung hindi man imposible.18

Pinanghihinaan ng loob, idinulog niya ang kanyang mga problema sa Panginoon. “Kailan mamumulaklak ang ilang na gaya ng rosas?” tanong niya. “Kailan itatayo ang Sion sa kanyang kaluwalhatian, at saan itatayo ang Iyong templo?”19

Noong Hulyo 20, anim na araw pagkadating niya, sinagot ang mga dasal ni Joseph. “[Ang] lupaing ito,” sabi ng Panginoon sa kanya, “[ang] lupaing aking itinakda at inilaan para sa pagtitipon ng mga banal.”

Wala silang dahilan upang maghanap ng iba pang lugar. “Ito ang lupang pangako,” pahayag Niya, “at ang lugar para sa lunsod ng Sion.” Ang mga Banal ay bibili ng lahat ng magagamit na mga lupain hangga’t maaari, magtatayo ng mga bahay, at magtatanim sa bukid. At sa dalisdis sa kanlurang bahagi ng hukuman, sila ay magtatayo ng templo.20


Kahit na inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban para sa Sion, ang ilang mga Banal ay nanatiling nag-aalinlangan tungkol sa Independence. Tulad ni Ezra Booth, inaasahan ni Edward na makakita ng isang malaking branch ng simbahan sa lugar. Sa halip, itatayo niya at ng mga Banal ang Sion sa isang bayan kung saan ang mga tao ay nag-aalangan sa kanila at hindi interesado sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

Bilang bishop ng simbahan, naunawaan niya rin na karamihan ng responsibilidad para sa pagtatatag ng saligan ng Sion ay nakaatang sa kanyang mga balikat. Upang maihanda ang lupang pangako para sa mga Banal, kailangan niyang bilhin ang lahat ng lupang makakayang bilhin upang ipamahagi bilang mga mana sa mga dumating sa Sion at sinunod ang batas ng paglalaan.21 Ibig sabihin nito ay kailangan niyang manatili sa Missouri at ilipat ang kanyang pamilya nang permanente sa Sion.

Nais ni Edward na tumulong sa pagtatatag ng Sion, ngunit napakaraming bagay tungkol sa paghahayag, sa mga bago niyang responsibilidad, at sa lugar ang bumabagabag sa kanya. Isang araw, habang sinusuri niya ang lupain sa loob at paligid ng Independence, sinabi niya kay Joseph na ito ay hindi kasing-inam ng iba pang kalapit na lupain. Dismayado siya sa propeta at hindi makita kung paano maitatayo ng mga Banal ang Sion doon.

“Nakikita ko ito,” pagpapatotoo ni Joseph, “at magiging ganito ito.”22

Makalipas ang ilang araw, inihayag muli ng Panginoon ang kanyang salita kina Joseph, Edward, at iba pang mga elder ng simbahan. “Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos hinggil sa mga bagay na yaon na darating pagkaraan nito, at ang kaluwalhatiang susunod matapos ang maraming kapighatian,” pahayag Niya. “Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala.”

Sa paghahayag, pinagsabihan din ng Panginoon si Edward sa kawalan niya ng pananampalataya. “Kung siya ay hindi magsisisi ng kanyang mga kasalanan,” sinabi Niya tungkol sa bishop, “tumalima siya at baka siya bumagsak. Masdan ang kanyang misyon ay ibinigay sa kanya, at ito ay hindi ibibigay na muli.”23

Ang babala ay nagpakumbaba kay Edward. Hiniling niya sa Panginoon na patawarin ang pagkabulag ng kanyang puso at sinabi kay Joseph na mananatili siya sa Independence at ihahanda ang lupain ng Sion para sa mga Banal. Subalit nag-alala pa rin siya na hindi niya kayanin ang malaking gawaing naghihintay sa hinaharap.

“Ako ay natatakot na ang atas sa akin ay higit pa sa kaya kong gawin upang maging katanggap-tanggap sa aking Ama sa Langit,” pag-amin niya sa isang liham kay Lydia. “Ipagdasal mo ako na hindi ako mabigo.”24


Pagkaraan ng tatlong linggong paglalakbay, dumating si Polly Knight sa Independence kasama ng mga Banal ng Colesville. Tumayo siya sa lupa na nanghihina, nagpapasalamat na narating niya ang lupain ng Sion. Gayunman, ang kanyang pangangatawan ay mabilis na bumabagsak, at dalawang bagong binyag mula sa lugar na iyon ang nagdala sa kanya sa kanilang tahanan upang makapahinga siya nang maginhawa.

Habang naghahanap ang mga Knight ng lugar na matitirhan, natagpuan nila ang kanayunan na maganda at maaliwalas, at may matabang lupa na mapagyayaman at matatamnan. Ang mga tao rin ay tila magiliw, kahit na sila ay mga dayuhan. Hindi tulad ng ilan sa mga elder mula sa Kirtland, ang mga miyembro sa Colesville ay naniniwala na maitatayo roon ng mga Banal ang Sion.

Noong Agosto 2, nagtipon ang mga Banal sa Missouri ilang milya sa kanluran ng Independence upang simulan ang pagtatayo ng unang bahay sa Sion. Si Joseph at labindalawang kalalakihan mula sa Colesville Branch, na simbolikong kumakatawan sa mga lipi ni Israel, ang naglatag ng unang haligi para sa gusali. Pagkatapos ay inilaan ni Sidney ang lupain ng Sion para sa pagtitipon ng mga Banal.

Kinabukasan, sa isang lupain sa kanlurang bahagi ng hukuman sa Independence, maingat na inilapag ni Joseph ang isang bato upang markahan ang sulok ng itatayong templo sa hinaharap.25 Pagkatapos ay may nagbuklat ng Biblia at nagbasa mula sa ika-walumpu’t pitong awit: “Minahal ng Panginoon ang mga pintuang-bayan ng Sion nang higit sa lahat na tahanan ni Jacob. Maluwalhating mga bagay ang sinalita tungkol sa iyo, O bayan ng Dios.”26

Pagkalipas ng ilang araw, pumanaw si Polly, pinupuri ang Panginoon sa pagsuporta sa kanya sa kanyang mga pagdurusa.27 Nangaral ang propeta sa libing, at inilibing ng kanyang asawa ang kanyang katawan sa isang kapirasong kakahuyan na hindi kalayuan sa lugar na pagtatayuan ng templo. Siya ang unang Banal na inihimlay sa Sion.28

Noong araw ring iyon, tumanggap muli si Joseph ng paghahayag: “Pinagpala, wika ng Panginoon, sila na nagtungo sa lupaing ito na ang mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, alinsunod sa aking mga kautusan. Sa mga yaong nabubuhay ay mamanahin ang lupa, at yaong mga namamatay ay mamamahinga mula sa lahat ng kanilang gawain.”29


Pagkatapos ng libing, nagsimula sina Ezra at iba pang mga elder ng simbahan sa kanilang paglalakbay pabalik sa Kirtland kasama sina Joseph, Oliver, at Sidney. Natuwa si Ezra na umuwi sa Ohio. Hindi tulad ni Edward, hindi siya nagkaroon ng pagbabago ng puso tungkol kay Joseph o sa lugar ng Sion.

Inilunsad ng mga kalalakihan ang mga bangka sa malawak na Ilog Missouri, bandang hilaga ng Independence, at sumagwan sa ilog. Sa pagtatapos ng unang araw ng paglalakbay, sila ay masisigla at masayang naghapunan ng ligaw na pabo sa may kahabaan ng pampang. Subalit, nang sumunod na araw, ang panahon ng Agosto ay mainit at ang ilog ay mabangis at mahirap maglayag. Mabilis na napagod ang mga kalalakihan at di nagtagal ay pinintasan ang isa’t isa.30

“Yamang buhay ang Panginoong Diyos,” sigaw sa wakas ni Oliver sa mga kalalakihan, “kung hindi kayo kikilos nang mas mahusay, ilang aksidente ay sasapit sa inyo.”

Namuno si Joseph sa kanyang bangka kinabukasan ng hapon, ngunit ilan sa mga elder ang nagalit sa kanya at kay Oliver at tumutol magsagwan. Sa isang mapanganib na paliko sa ilog, tumama sila sa isang punong nakalubog sa tubig at muntik nang tumaob. Natakot para sa buhay ng lahat ng nasa pangkat, inutusan nina Joseph at Sidney ang mga elder na umalis sa ilog.31

Matapos nilang magtayo ng kampo, sinubukan nina Joseph, Oliver, at Sidney na kausapin ang pangkat at bawasan ang tensyon. Naiinis, tinawag na duwag ng mga lalaki sina Joseph at Sidney dahil sa pag-alis ng mga ito sa ilog, kinutya ang pamamaraan ng pagsagwan ni Oliver sa kanyang bangka, at inakusahan si Joseph na kumikilos tulad ng isang diktador. Ang alitan ay tumagal nang buong magdamag.

Sa halip na manatiling gising kasama ng grupo, nagpahinga nang maaga si Ezra, labis na pinupulaan si Joseph at ang mga elder. Isip-isip niya, bakit ipagkakatiwala ng Panginoon ang mga susi ng Kanyang kaharian sa mga taong tulad nito?32


Kalaunan sa tag-init na iyon, natanggap ni Lydia Partridge ang liham ni Edward mula sa Missouri. Kasama ng pagbabahagi ng kanyang mga alalahanin tungkol sa kanyang tungkulin, ipinaliwanag niya na siya ay hindi makauuwi ayon sa plano ngunit at sa halip ay mananatili sa Jackson County upang bumili ng lupain para sa mga Banal. Kalakip ng liham ang isang kopya ng paghahayag kay Edward, na iniaatas ang kanilang pamilya na manirahan sa Sion.

Nagulat si Lydia. Noong umalis si Edward, sinabi niya sa kanilang mga kaibigan na babalik siya sa Ohio sa oras na matapos ang kanyang gawain sa Missouri. Ngayon, sa dami ng mga responsibilidad sa Sion, hindi siya tiyak kung makababalik siya upang tulungan si Lydia at ang mga bata na gawin ang kanilang paglalakbay. Ngunit alam niya na ang iba pang mga pamilya sa Ohio ay lilipat sa Missouri noong taglagas na iyon, kabilang na ang kanyang mga tagapayo sa bishopric. Gayon din sina Sidney Gilbert, isang may tindahan sa Kirtland, at William Phelps, isang manlilimbag, na kapwa magtatayo ng mga negosyo para sa simbahan sa Sion.33

“Marahil ang pinakamainam sa lahat ay sumama ka sa kanila,” isinulat niya.34

Batid na iilang karangyaan ang maaaring matamasa sa Independence, nagbigay rin si Edward kay Lydia ng isang mahabang listahan ng mga bagay na iiimpake at mga bagay na iiwanan. “Kailangan nating magdusa,” babala niya, “at sa ilang pagkakataon magkakaroon ng maraming kasalatan dito, kung saan ikaw at ako ay hindi sanay.”35

Nagsimulang maghanda si Lydia para sa paglipat. Ang mga bata ay malusog na para maglakbay, at inayos niyang maglakbay kasama ang mga pamilya Gilbert at Phelps. Habang ipinagbibili niya ang ari-arian ng kanyang pamilya, sinabi ng kanyang mga kapitbahay na hindi sila makapaniwala na isusuko niya at Edward ang kanilang magandang bahay at maunlad na negosyo upang sundan ang batang propeta sa ilang.36

Walang pagnanais si Lydia na talikuran ang utos ng Panginoon na itatag ang Sion. Alam niyang ang pagtalikod sa kanyang maayos na tahanan ay isang pagsubok, ngunit naniniwala siya na isang karangalan na ilatag ang pundasyon ng lunsod ng Diyos.37