“Nanumbalik ang Kaloob,” kabanata 13 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 13: “Nanumbalik ang Kaloob”
Kabanata 13
Nanumbalik ang Kaloob
Nang bumalik si Joseph sa Kirtland sa huling bahagi ng Agosto 1831, naroon pa rin ang tensiyon sa pagitan niya at ng ilan sa mga elder na nagpuntang kasama niya sa Independence. Matapos ang kanilang away sa pampang ng Ilog Missouri, si Joseph at karamihan sa mga elder na naglakbay kasama niya ay nagpakumbaba ng kanilang sarili, ipinagtapat ang kanilang mga kasalanan, at humingi ng kapatawaran. Kinaumagahan, pinatawad sila ng Panginoon at nangako ng kapanatagan at panghihikayat.1
“At yayamang kayo ay nagpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ko,” sabi Niya, “ang mga pagpapala ng kaharian ay sa inyo.”2
Ang iba pang mga elder, isa sa kanila si Ezra Booth, ay hindi sinunod ang paghahayag o kaya’y nilutas ang mga hindi pagkakaintindihan nila ni Joseph. Nang bumalik si Ezra sa Kirtland, patuloy niyang pinintasan si Joseph at nagreklamo tungkol sa kanyang mga ikinilos sa misyon.3 Isang pagpupulong ng mga Banal ang kalaunang bumawi sa lisensya na mangaral si Ezra, at nagsimula siyang sumulat sa kanyang mga kaibigan ng mga napakasasakit na liham na umaatake sa pagkatao ni Joseph.4
Sinuwatan ng Panginoon ang mga pag-atakeng ito sa unang bahagi ng Setyembre at sinabihan ang mga elder na itigil ang pagkondena sa mga kamalian ni Joseph at ang pamimintas sa kanya nang walang kadahilanan. “Siya ay nagkasala,” pagkilala ng Panginoon, “subalit katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan sa mga yaong umaamin ng kanilang mga kasalanan sa aking harapan at humihingi ng kapatawaran.”
Pinagsabihan Niya ang mga Banal na maging mapagpatawad din. “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong Aking patatawarin,” pahayag Niya, “subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.”
Hinimok din niya ang mga Banal na gumawa ng mabuti at itatag ang Sion, sa halip na hayaan ang kanilang hindi pagkakasundo na hatiin sila. “Huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain,” paalala Niya sa kanila. “Hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan; at ang may pagkukusa at ang masunurin ay kakainin ang taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.”
Bago wakasan ang Kanyang mga salita, tumawag ang Panginoon ng ilang miyembro ng simbahan na ipagbili ang kanilang ari-arian at pumunta sa Missouri. Gayunman, ang karamihan sa mga Banal ay mananatili sa Ohio, at patuloy na magbabahagi ng ebanghelyo roon. “Sapagkat ako, ang Panginoon,” sinabi Niya kay Joseph, “ay niloob na magpapanatili ng matatag na muog sa lupain ng Kirtland, sa loob ng limang taon.”5
Sabik na nakinig si Elizabeth Marsh habang inilalarawan ng mga elder na nagsibalik sa Ohio ang lupain ng Sion. Inilarawan nila ang mayaman, itim na lupa, mga umiindayog na parang na kasinglawak ng karagatan, at umaagos na ilog na tila may sariling buhay. Kahit na kakaunti ang mabubuting masasabi nila tungkol sa mga taga-Missouri, marami sa mga nagsibalik na mga elder ang positibo ang pananaw tungkol sa hinaharap ng Sion.
Sa isang sulat sa kanyang hipag sa Boston, isinalaysay muli ni Elizabeth ang lahat ng bagay na nalaman niya tungkol sa lupang pangako. “Nagtayo sila ng bato para sa templo at lunsod,” iniulat niya, “at bumili ng lupain hangga’t pinahihintulutan ng pagkakataon para sa mga mana ng mga mananampalataya.” Ang pook mismo ng templo ay sa isang kagubatan sa kanlurang bahagi ng hukuman, pansin niya, na tumutupad sa propesiya sa Biblia na ang mga kagubatan ay “mainam na bukid” at “ang mapapanglaw na lugar ay magsasaya.”6
Ang asawa ni Elizabeth, si Thomas, ay nasa Missouri pa rin at ipinapangaral ang ebanghelyo, at inaasahan niyang uuwi ito sa isang buwan o mahigit pa. Ayon sa mga elder, karamihan sa mga tao sa Missouri ay hindi interesado sa mensahe na kanyang ibinabahagi, ngunit ang mga missionary ay nagbibinyag ng mga tao sa ibang lugar at pinapupunta sila sa Sion.7
Hindi magtatagal, daan-daang mga Banal ang magtitipon sa Independence.
Ilang daang milya sa timog-kanluran ng Kirtland, binisita ng dalawampu’t limang taong gulang na si William McLellin ang puntod ng kanyang asawang si Cinthia Ann, at ng kanilang anak. Wala pang dalawang taong kasal sina William at Cinthia Ann nang siya at ang sanggol ay namatay. Bilang guro sa paaralan, si William ay mabilis mag-isip at may kaloob sa pagsusulat. Ngunit wala siyang nakita upang aliwin siya sa malulungkot na oras mula nang nawala ang kanyang pamilya.8
Isang araw, matapos magturo sa kanyang klase, narinig ni William ang dalawang lalaki na nangangaral tungkol sa Aklat ni Mormon. Isa sa kanila, si David Whitmer, ang nagpahayag na nakita niya ang isang anghel na nagpatotoo na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Ang isa pa, si Harvey Whitlock, ay gumulat kay William bunsod ng kapangyarihan at kalinawan ng kanyang pangangaral.
Inanyayahan ni William ang mga lalaki na magturo pa sa kanya, at muli siyang naapektuhan ng mga sinabi ni Harvey. “Hindi pa ako nakaririnig ng ganitong pangangaral sa buong buhay ko,” pagsulat ni William sa kanyang journal. “Tila ang kaluwalhatian ng Diyos ay pinalibutan ang lalaki.”9
Nananabik na makilala si Joseph Smith at siyasatin ang kanyang mga sinasabi, sumunod si William kina David at Harvey sa Independence. Nakabalik na si Joseph sa Kirtland noong sila ay dumating, ngunit nakilala ni William sina Edward Partridge, Martin Harris, at Hyrum Smith at narinig ang kanilang mga patotoo. Nakausap din niya ang iba pang mga kalalakihan at kababaihan sa Sion at namangha sa pag-ibig at kapayapaan na nakita niya sa kanila.10
Habang naglalakad sa gitna ng kakahuyan isang araw, nakipag-usap siya kay Hyrum tungkol sa Aklat ni Mormon at sa pagsisimula ng simbahan. Nais maniwala ni William, pero sa kabila ng lahat ng narinig niya, hindi pa rin siya kumbinsidong sumapi sa simbahan. Gusto niya ng patunay mula sa Diyos na natagpuan niya ang katotohanan.
Kinabukasan nang maaga, nanalangin siya para sa patnubay. Pinagninilayan ang kanyang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, napagtanto ni William na binuksan nito ang kanyang isipan sa bagong liwanag. Noon niya nalaman na ito ay totoo at naramdaman niyang ikararangal niya na patotohanan ito. Natiyak niya na natagpuan niya ang buhay na simbahan ni Jesucristo.11
Bininyagan at kinumpirma ni Hyrum si William nang araw na iyon, at hindi nagtagal ang dalawang lalaki ay umalis patungo sa Kirtland.12 Habang nangangaral sila sa daan, natuklasan ni William na mayroon siyang talento na makaakit ng mga tagapakinig at makipagdebate sa mga ministro. Gayunman, kung minsan ay kumilos siya nang may kapalaluan kapag siya ay nangangaral, at nalulungkot siya kapag ang kanyang pagmamalaki ay nagtataboy palayo sa Espiritu.13
Pagdating nila sa Kirtland, nasasabik na makausap ni William si Joseph. Marami siyang partikular na mga tanong na nais niyang masagot, ngunit sinarili lamang niya ang mga ito, nanalangin na mahiwatigan ito ni Joseph sa kanyang sarili at ihayag ang sagot sa mga ito. Hindi na ngayon sigurado si William kung saan pupunta at ano ang gagawin sa kanyang buhay. Dahil wala siyang pamilya, maiuukol niya ang sarili nang lubos sa gawain ng Panginoon. Ngunit may bahagi sa pagkatao niya ang nais unahin ang sarili niyang kapakanan.
Nang gabing iyon, umuwi si William kasama ni Joseph at humingi sa kanya ng isang paghahayag mula sa Panginoon, gaya ng alam niya na ginawa ng marami pang iba. Pumayag si Joseph, at habang tinatanggap ng propeta ang paghahayag, narinig ni William na sinagot ng Panginoon ang bawat isa sa kanyang mga tanong. Ang kanyang pag-aalala ay nagbigay-daan sa kagalakan. Alam niya na natagpuan niya ang isang propeta ng Diyos.14
Pagkalipas ng ilang araw, noong Nobyembre, 1, 1831, tinipon ni Joseph ang isang konseho ng mga lider ng simbahan. Kamakailan lamang ay naglathala ng liham si Ezra Booth sa isang lokal na pahayagan na inaakusahan si Joseph sa paggawa ng mga huwad na propesiya at itinatago mula sa publiko ang kanyang mga paghahayag. Malawakang nabasa ang liham, at maraming tao ang nagsimulang mabahala sa mga Banal at sa kanilang mensahe.15
Maraming Banal ang nais ding mabasa ang salita ng Panginoon para sa kanilang sarili. Dahil sa nakasulat-kamay lamang ang kopya ng mga paghahayag na natanggap ni Joseph, hindi pamilyar ang karamihan sa mga miyembro ng simbahan sa mga ito. Ang mga elder na nais gamitin ang mga ito sa gawaing misyonero ay kailangang kopyahin ang mga ito nang de-kamay.
Batid ito, iminungkahi ni Joseph na ilathala ang mga paghahayag sa isang aklat. Tiwala siya na ang ganitong aklat ay matutulungan ang mga missionary na mas madaling ibahagi ang salita ng Panginoon at makapagbigay ng tamang impormasyon tungkol sa simbahan sa mga mausisang kapitbahay.
Nag-usap ang konseho tungkol sa bagay na ito sa loob ng ilang oras. Si David Whitmer at ilan pa sa kanila ay tutol sa paglalathala ng mga paghahayag, inaalala na ang lalong pagsasapubliko ng mga plano ng Panginoon para sa Sion ay makapagdulot ng mga problema para sa mga Banal sa Jackson County. Tumutol sina Joseph at Sidney, iginigiit na nais ng Panginoon na ilathala ng simbahan ang Kanyang mga salita.16
Pagkatapos ng marami pang debate, pumayag ang konseho na maglathala ng sampung libong kopya ng mga paghahayag bilang Book of Commandments. Inatasan nila sina Sidney, Oliver, at William McLellin na sumulat ng paunang salita sa aklat ng mga paghahayag at ipakita ito sa kanila nang araw ring iyon.17
Ang tatlong lalaki ay agad na nagsimulang sumulat, pero nang bumalik sila na dala ang paunang salita, hindi nasiyahan dito ang konseho. Binasa nila ito, hinihimay ito nang linya kada linya, at hiniling kay Joseph na hingin ang kalooban ng Panginoon tungkol dito. Nanalangin si Joseph, at inihayag ng Panginoon ang bagong paunang salita ng aklat. Itinala ni Sidney ang Kanyang mga salita habang sinasabi ni Joseph ang mga ito.18
Sa bagong pambungad, inutusan ng Panginoon ang lahat ng tao na pakinggan ang Kanyang tinig. Ipinahayag Niya na ibinigay Niya kay Joseph ang mga kautusan upang tulungan ang Kanyang mga anak na patibayin ang kanilang pananampalataya, magtiwala sa Kanya, at tanggapin at ipahayag ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo at walang hanggang tipan. Tinalakay rin Niya ang pangamba ng mga katulad ni David na nag-alala tungkol sa nilalaman ng mga paghahayag.
“Kung ano ang sinabi ko, ang Panginooon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili,” pahayag Niya, “ at bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”19
Pagkatapos sabihin ni Joseph ang mga kataga para sa paunang salita, maraming miyembro ng konseho ang nagsabing handa silang magpatotoo sa katotohanan ng mga paghahayag. Ang ibang nasa silid ay nag-aatubili pa ring ilathala ang mga paghahayag sa kasalukuyang anyo nito. Alam nila na si Joseph ay isang propeta, at alam nila na ang mga paghahayag ay totoo, ngunit sila ay nahihiya na ang salita ng Diyos ay napasakanila na sinala sa limitadong bokabularyo at mahinang gramatika ni Joseph.20
Hindi kabahagi ang Panginoon sa kanilang alalahanin. Sa Kanyang paunang salita, pinatotohanan Niya na ang mga paghahayag ay mula sa Kanya, at ibinigay sa Kanyang mga tagapaglingkod “sa kanilang kahinaan, alinsunod sa pamamaraan ng kanilang wika.”21 Upang matulungan ang mga lalaki na malaman na nagmula sa Kanya ang mga paghahayag na ito, naghayag Siya ng isang bagong paghahayag, hinahamon ang konseho na piliin ang pinakamatalinong tao sa silid na sumulat ng paghahayag na katulad ng mga natanggap ni Joseph.
Kung hindi ito magawa ng lalaking napili, lahat ng nasa silid ay malalaman ito at may responsibilidad na magpatotoo na ang mga paghahayag ng Panginoon kay Joseph ay tunay, sa kabila ng mga kahinaan nito.22
Humawak ng panulat, sinubukan ni William na sumulat ng paghahayag, tiwala sa kanyang kadalubhasaan sa wika. Subalit nang matapos siya, alam niya at ng ibang mga lalaki sa silid na ang isinulat niya ay hindi nagmula sa Panginoon.23 Inamin nila ang kanilang kamalian at pumirma ng isang pahayag na nagpapatotoo na ang mga paghahayag ay ibinigay sa propeta sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos.24
Sa konseho, nagpasiya sila na dapat repasuhin ni Joseph ang mga paghahayag at “iwasto ang mga kamalian o pagkakamaling maaari niyang matuklasan sa pamamagitan ng banal na Espiritu.”25
Sa panahon ding ito, pinatuloy ni Elizabeth Marsh ang naglalakbay na mangangaral na nagngangalang Nancy Towle sa kanyang tahanan sa Kirtland. Si Nancy ay isang maliit at payat na babae na may malalaking mata na kumikinang sa sidhi ng kanyang mga paniniwala. Sa edad na tatlumpu’t lima, nakagawa na ng pangalan si Nancy para sa kanyang sarili sa pangangaral sa malalaking kongregasyon ng mga kababaihan at kalalakihan sa mga paaralan, sa mga simbahan, at mga sa camp meeting sa magkabilang panig ng Estados Unidos. Pagkatapos makipag-usap sa kanya, masasabi ni Elizabeth na siya ay may pinag-aralan at matatag sa kanyang paniniwala.26
Nagpunta si Nancy sa Kirtland nang may layunin. Bagama’t karaniwang bukas ang kanyang isipan tungkol sa ibang mga simbahang Kristiyano, kahit pa siya ay hindi sang-ayon sa kanila, nakatitiyak si Nancy na ang mga Banal ay nalinlang. Nais niyang malaman pa ang tungkol sa kanila upang matulungan niya ang iba na labanan ang kanilang mga turo.27
Hindi sinusuportahan ni Elizabeth ang gayong misyon, pero nauunawaan niya na pinagtatanggol ni Nancy ang inaakala niyang katotohanan. Nakinig siya sa kanilang pangangaral at nakita ang ilang pagbibinyag na isinagawa sa kalapit na ilog. Nang hapong iyon, siya at si Elizabeth ay dumalo sa pulong para sa kumpirmasyon kasama sina Joseph, Sidney, at iba pang mga lider ng simbahan.28
Sa miting, hinarap ni William Phelps si Nancy tungkol sa pag-aalinlangan nito sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. “Hindi ka maliligtas maliban kung maniniwala ka sa aklat na iyon,” sinabi niya sa kanya.
Pinandilatan ni Nancy si William. “Kung may kopya ako ng aklat na iyon, ginoo, susunugin ko ito,” sabi niya. Nagulat si Nancy na napakaraming may talento at matatalinong tao ang sumusunod kay Joseph Smith at naniniwala sa Aklat ni Mormon.
“Ginoong Smith,” sabi niya, na kinakausap ang propeta, “maaari bang sa harapan ng Pinakamakapangyarihang Diyos, magbitaw ka ng salita ng panunumpa na ipinakita sa iyo ng isang anghel mula sa langit ang lugar ng mga lamina?”
“Hindi ako manunumpa,” sabi ni Joseph nang nakangiti. Sa halip, nilapitan niya ang mga taong kabibinyag pa lang, ipinatong ang kanyang kamay sa kanilang ulunan, at kinumpirma sila.
Bumaling kay Nancy, nagpatotoo si Elizabeth tungkol sa kanyang sariling kumpirmasyon. “Hindi pa natatagalan ang pagpatong ng kanyang kamay sa ulo ko,” sabi niya, “nang madama ko ang Espiritu Santo tulad ng maligamgam na tubig na bumuhos sa akin.”
Nasaktan si Nancy, na tila inakusahan siya ni Elizabeth na hindi niya alam kung ano ang pakiramdam ng Espiritu ng Panginoon. Tumingin siyang muli kay Joseph. “Hindi ka ba nahihiya sa gayong mga pagkukunwari?” sabi niya. “Ikaw, na isa lamang ignoranteng taga-araro ng aming lupain!”
Simpleng nagpatotoo lamang si Joseph: “Ang kaloob ay muling ibinalik, tulad noong unang panahon, sa mga mangmang na mangingisda.”29