Kasaysayan ng Simbahan
2 Sapat na Kaluwalhatian


“Sapat na Kaluwalhatian,” kabanata 2 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 2: “Sapat na Kaluwalhatian”

Kabanata 2

Sapat na Kaluwalhatian

mga babaeng nanonood habang nagmamartsa paalis ang mga lalaki

Umihip ang malamig na hangin nang dumating si Brigham Young sa Sugar Creek noong gabi ng Pebrero 15, 1846. Nagkalat sa paligid ng bahagi ng kakahuyan na natatakpan ng niyebe, di-kalayuan mula sa isang nagyeyelong batis, ang daan-daang mga Banal na nanginginig sa ginaw, balot ng mga basang tunika at kumot. Maraming pamilya ang nagtipon sa paligid ng apoy o sa ilalim ng mga tolda na binuo mula sa kubrekama o mga takip ng mga bagon. Ang iba ay nagsisiksikan sa mga kariton o bagon para hindi ginawin.1

Nalaman agad ni Brigham na kailangan niyang isaayos ang kampo. Sa tulong ng iba pang mga lider ng Simbahan, hinati niya ang mga Banal sa mga grupo at tumawag siya ng mga kapitan upang pamunuan ang mga ito. Nagbabala siya laban sa paggawa ng mga hindi kailangang biyahe pabalik sa Nauvoo, pagiging tamad, at paghiram ng mga kagamitan nang walang pahintulot. Palaging pangangalagaan ng mga kalalakihan ang kampo at susubaybayan nila ang kalinisan, at sama-samang mananalangin ang bawat pamilya sa umaga at sa gabi.2

Nanahan ang mabuting diwa sa kampo. Ligtas sa labas ng Nauvoo, nabawasan ang pag-aalala ng mga Banal tungkol sa mga mandurumog o sa mga pananakot ng pamahalaan na pigilan ang kanilang pag-alis. Sa gabi, isang banda ang tumutugtog ng masiglang musika habang nagsasayawan ang mga kalalakihan at kababaihan. Ang mga Banal na nagsabuhay ng maramihang pag-aasawa ay naging mas bukas tungkol dito at nagsimulang magsalita nang hayagan tungkol sa alituntunin na ito at kung paano nito pinag-uugnay ang kanilang mga pamilya.3

Samantala, naggugol ng maraming oras si Brigham sa pag-aayos ng mga plano para sa paglipat pakanluran.4 Habang nag-aayuno at nagdarasal sa templo ilang sandali bago umalis sa Nauvoo, nakakita siya ng isang pangitain kung saan nakaturo si Joseph Smith sa isang bandila na nakatayo sa tuktok ng bundok. “Itayo ang lunsod sa ilalim ng lugar kung saan nakatayo ang bandila,” utos sa kanya ni Joseph, “at kayo ay uunlad at magkakaroon ng kapayapaan.”5 Alam ni Brigham na may isang lugar na inihanda ang Panginoon para sa Simbahan, ngunit ang paggabay sa libu-libong mga Banal papunta roon ay isang napakalaking gawain.

Noong panahong ito, dumating sa kampo ang mga liham mula kay Sam Brannan, na ngayon ay naglalayag patungo sa California sakay ng Brooklyn. Kasama sa mga liham ang kontrata na nangangako ng isang ligtas na paglalakbay ng mga Banal kapalit ng lupain sa Kanluran. Maingat na binasa ni Brigham ang kontrata kasama ng mga apostol. Kung hindi nila ito lalagdaan, mungkahi ng mga liham ni Sam, maaaring iutos ng pangulo ng Estados Unidos sa mga Banal na isuko ang kanilang mga armas at tumigil sa pagtitipon.6

Hindi nakumbinsi si Brigham. Nagdududa man siya sa pamahalaan, nagpasiya na siyang subukang makipagtulungan dito sa halip na kalabanin ito. Sa katunayan, ilang sandali bago umalis sa Nauvoo, inatasan niya si Jesse Little, ang bagong namumunong elder sa mga estado sa silangan, na impluwensyahan ang pamahalaan para sa Simbahan at tanggapin ang anumang marangal na alok mula sa pederal na pamahalaan na makakatulong sa pag-alis ng mga Banal. Nahiwatigan kaagad ni Brigham at ng mga apostol na ang kontrata ay walang pinagkaiba sa isang detalyadong plano na ginawa upang pumabor sa mga taong nagsulat nito. Sa halip na lagdaan ang kasunduan, nagpasiya ang mga apostol na magtiwala sa Diyos at umasa sa Kanya para sa proteksyon.7

Sa loob ng buwang iyon, bumaba ang temperatura nang sobra-sobra, at ang ibabaw ng Ilog Mississippi ay naging yelo, na nagbigay-daan sa madaling pagtawid sa ilog. Hindi nagtagal ay humigit-kumulang dalawang libong tao ang nagkampo sa Sugar Creek, bagama’t ang ilan ay bumabalik sa Nauvoo paminsan-minsan dahil sa biglaang gawain o iba pang dahilan.

Ang daloy ng trapiko na paroo’t parito ay naging dahilan ng pag-aalala ni Brigham, na naniniwalang napapabayaan na ng mga Banal ang kanilang mga pamilya dahil masyado silang nakatuon sa kanilang ari-arian sa lunsod. Dahil ang paglalakbay pakanluran ay huli na sa iskedyul, nagpasiya siyang panahon na para sa mga Banal na magpatuloy mula sa Sugar Creek, kahit na ang mga grupo ay hindi pa lubusang handa.

Noong unang araw ng Marso, nagsimula sa paglalakbay pakanluran ang limang daang bagon patawid sa kaparangan ng Iowa. Nais pa rin ni Brigham na magpadala ng isang paunang grupo sa Rocky Mountains noong taong iyon, ngunit kailangan muna ng mga Banal ang lahat ng kagamitan upang mailipat ang kampo palayo sa Nauvoo.8


Habang paalis ang mga Banal at si Brigham sa Sugar Creek, nanatili ang apatnapu’t tatlong taong gulang na si Louisa Pratt sa Nauvoo, naghahandang lisanin ang lunsod kasama ang kanyang apat na anak na babae. Tatlong taon na ang nakararaan, tinawag ng Panginoon ang kanyang asawa na si Addison upang magmisyon sa mga Isla ng Pasipiko. Mula noon, dahil sa hindi maaasahang koreo sa pagitan ng Nauvoo at Tubuai, ang isla sa French Polynesia kung saan naglilingkod si Addison, naging mahirap na makipag-ugnayan sa kanya. Karamihan sa kanyang mga liham ay ilang buwan nang naipadala bago makarating sa kanyang asawa, at ang ilan ay mahigit isang taon nang naipadala.

Nilinaw ng pinakabagong liham ni Addison na hindi ito makakauwi sa tamang oras upang samahan siya sa paglalakbay pakanluran. Inutusan siya ng Labindalawa na manatili sa mga Isla ng Pasipiko hanggang sa pauwiin siya o magpadala ang mga ito ng mga missionary na hahalili sa kanya. Sa isang punto, inasam ni Brigham na magpadala ng mas maraming missionary sa mga kapuluan matapos matanggap ng mga Banal ang endowment, ngunit ipinagpaliban ang planong iyon dahil sa paglisan mula sa Nauvoo.9

Handa si Louisa na maglakbay nang hindi kasama ang kanyang asawa, ngunit kinakabahan siya kapag naiisip niya ang tungkol dito. Ayaw niyang lisanin ang Nauvoo at ang templo at hindi niya gusto ang ideya ng paglalakbay patungo sa Rocky Mountains sakay ng bagon. Nais niya ring makita ang kanyang mga magulang sa Canada na matatanda na—marahil sa huling pagkakataon—bago pumunta sa kanluran.

Kung ipagbibili niya ang kanyang mga baka, makakalikom siya ng sapat na pera upang mabisita ang kanyang mga magulang at mabilhan ang kanyang pamilya ng tiket sa barko patungo sa baybayin ng California, sa gayon ay maiiwasan niya ang paglalakbay sa kalupaan.

Halos buo na ang pasya ni Louisa na magpunta sa Canada, ngunit tila may hindi tama sa nararamdaman niya. Nagpasiya siyang sumulat kay Brigham Young tungkol sa kanyang mga alalahanin tungkol sa paglalakbay sa kalupaan at sa kagustuhan niyang makita ang kanyang mga magulang.

“Kung sasabihin mong ang paglalakbay gamit ang isang grupo ng baka ang pinakamainam na paraan para sa kaligtasan, sa gayon ay aayon ako rito sa layunin at sa gawa,” isinulat niya, “at naniniwala ako na matitiis ko ito nang walang pagrereklamo tulad ng sinumang babae.”10

Pagkatapos ng maikling panahon, dumating ang isang sugo dala ang tugon ni Brigham. “Halika na. Ang kaligtasan gamit ang isang grupo ng baka ang pinakaligtas na paraan,” sinabi nito sa kanya. “Sasalubungin kami ni Brother Pratt sa ilang kung saan kami tutungo, at siya ay labis na malulungkot kung hindi namin kasama ang kanyang pamilya.”

Pinagnilayan ni Louisa ang payo, inihanda niya ang kanyang puso laban sa mahirap na paglalakbay sa hinaharap, at nagpasiya siyang sundan ang pinakamalaking pangkat ng mga Banal, sa buhay man o sa kamatayan.11


Noong tagsibol na iyon, sinimulang tukuyin ng mga Banal na naglalakbay sa Iowa ang kanilang mga sarili bilang Kampo ng Israel, alinsunod sa mga sinaunang Hebreo na ginabayan ng Panginoon mula sa pagkabihag sa Egipto. Araw-araw, nakikipaglaban sila sa mga elemento dahil ang kaparangan ng Iowa ay naging malambot at maputik dulot ng walang tigil na pagbuhos ng niyebe at ulan. Ang agos ng tubig sa mga ilog at mga batis ay mataas at mabilis. Ang mga kalsadang lupa ay natunaw at naging burak. Nais ng mga Banal na tawirin ang malaking bahagi ng teritoryo sa loob ng isang buwan, ngunit sa panahong iyon ay sangkatlong bahagi pa lamang ng distansya ang kanilang natatahak.12

Noong ika-6 ng Abril, sa ikalabing-anim na anibersaryo ng pagkakatatag ng Simbahan, umulan buong maghapon. Ilang oras na nakalubog sa putikan si Brigham, tinutulungan ang mga Banal na nasa daan patungo sa isang lugar na tinatawag na Locust Creek. Doon ay tumulong siya sa pag-aayos ng mga bagon, pagtatayo ng mga tolda, at pagsisibak ng kahoy hanggang sa ang lahat ng mga Banal ay nakapirmi na sa kampo. Naisip ng isang babae na nakakita sa kanya sa putikan, nagtutulak at naghihila upang maalis sa putikan ang isang naipit na bagon, na mukha siyang masaya tulad ng isang hari, sa kabila ng mga hamon na nakapalibot sa kanya.

Nang gabing iyon, bumuhos ang sobrang lamig na ulan at niyebe sa kampo kaya nabalot ito ng yelo. Noong umaga, natagpuan ni William Clayton, ang klerk ni Brigham at kapitan ng banda, na magulo ang kampo. Maraming tolda na natumba sa nagyeyelong lupa. Naipit ng isang natumbang puno ang isang bagon. Naubusan na rin ng pagkain ang ilang miyembro ng banda.13

Ibinahagi ni William kung ano ang mayroon siya sa kanyang banda, bagama’t kulang pa ito para sa kanyang sariling pamilya. Isa sa mga unang Banal na nagsabuhay ng maramihang pag-aasawa, naglakbay si William kasama ang kanyang tatlong asawa at apat na anak. Ang kanyang isa pang asawa na si Diantha ay nasa Nauvoo pa rin sa ilalim ng pangangalaga ng ina nito. Siya ay nagdadalantao sa kanyang unang anak at may mahinang kalusugan, na dumadagdag sa pag-aalala ni William sa daan.

Habang ang mga Clayton ay nagpapahinga sa Locust Creek kasama ang Kampo ng Israel, nagmungkahi si Brigham ng isang plano na magtayo ng isang pahingahan sa gitna ng Iowa kung saan ang mga Banal ay maaaring magpalipas ng masamang panahon, magtayo ng mga kubo, at magtanim ng mga pananim para sa mga taong darating kalaunan. Pagkatapos, ang ilang Banal ay magbabantay sa pahingahan habang ang iba naman ay babalik sa Nauvoo upang gabayan ang mga grupo patawid ng Iowa. Ang natitirang bahagi ng kampo ay susulong kasama niya sa Ilog Missouri.14

Noong ika-14 ng Abril, magdamag na nasa labas si William upang tipunin ang mga kabayo at baka na nakawala sa kampo. Noong umaga, kinailangan niyang matulog, ngunit may isang tao sa kampo na nakatanggap ng liham na binabanggit si Diantha at ang pagsilang ng anak nito. Noong gabing iyon, ipinagdiwang ni William ang kapanganakan, umaawit at tumutugtog ng musika kasama ang banda hanggang sa kalaliman ng gabi.

Ang kalangitan ay maaliwalas kinabukasan, at naramdaman ni William na magiging mas maayos ang hinaharap para sa Kampo ng Israel. Nakaupo na may hawak na panulat at papel, nagsulat siya ng isang himno ng panghihikayat para sa mga Banal:

Mga Banal, halina’t gumawa,

Maglakbay sa tuwa.

Mahirap man ang ‘yong kalagayan,

Biyaya’y kakamtan.

Makabubuting magsikap

Nang pighati’y ‘di malasap.

Ligaya ay madarama—

Kay-inam Ng buhay!15


160 kilometro sa silangan, tumayo si Wilford Woodruff sa kubyerta ng isang bangka sa Ilog Mississippi, minamasdan ang templo ng Nauvoo sa pamamagitan ng isang teleskopyo. Noong huli niyang nakita ang templo, ang mga pader nito ay hindi pa rin tapos. Ngayon, mayroon na itong bubong, maningning na mga bintana, at isang maringal na tore na mayroong isang banoglawin na kahugis ng isang anghel.16 Ang ilang bahagi ng templo ay nailaan na para sa gawain ng ordenansa, at hindi magtatagal ang gusali ay matatapos at lubos nang mailalaan sa Panginoon.

Ang paglalakbay ni Wilford pauwi mula sa Britain ay naging mapanganib. Ang malalakas na hangin at alon ay humampas sa barko nang paroo’t parito. Nagpatuloy pa rin si Wilford, nahihilo sa dagat at nalulumbay. “Sinumang magbebenta ng isang bukirin at magpupunta sa dagat para maghanapbuhay,” idinaing niya noon, “ay may ibang kagustuhan kaysa sa akin.”17

Naunang naglayag si Phebe mula sa England, kasama ang kanilang mga anak na sina Susan at Joseph sakay ng isang barkong puno ng mga Banal na nandarayuhan patungo sa Estados Unidos. Nanatili si Wilford sa Liverpool nang mas matagal na panahon upang ayusin ang ilang mga bagay-bagay ukol sa pananalapi, ilipat ang pamunuan ng Simbahan sa bagong mission president, at mangalap ng mga donasyon para matapos ang pagtatayo ng templo.18

“Ang bawat Banal na tapat ang puso ay may pantay na pagpapahalaga sa pagtatayo ng templo ng Diyos, saanman sila naroroon,” paalala niya sa mga miyembro ng Simbahan.19 Bagama’t kakailanganing abandunahin kaagad ang templo pagkaraan nitong matapos, determinado ang mga Banal sa magkabilang panig ng Karagatang Atlantiko na tapusin ito bilang pagsunod sa utos ng Panginoon sa Simbahan noong 1841.

“Ipagkakaloob ko sa inyo ang sapat na panahon upang magtayo ng bahay para sa akin,” ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith, “at kung hindi ninyo gagawin ang mga bagay na ito sa katapusan ng tipanan kayo ay hindi tatanggapin bilang isang simbahan, kasama ng inyong mga patay, wika ng Panginoon ninyong Diyos.”20

Kahit na maraming Banal na British ang naghihikahos sa buhay, hinikayat sila ni Wilford na ibigay ang lahat ng kanilang makakaya para makatulong sa pagbabayad para sa templo, nangangako ng mga pagpapala para sa kanilang sakripisyo. Bukas-palad silang nagbigay, at nagpapasalamat si Wilford sa kanilang paglalaan.21

Pagdating sa Estados Unidos, sinundo ni Wilford ang kanyang anak na si Phebe Amelia sa Maine at naglakbay patimog upang bisitahin ang kanyang mga magulang na nahikayat niyang magpunta sa kanluran kasama niya.22

Matapos makarating sa Nauvoo, muling nakasama ni Wilford ang kanyang asawa at nakipagkita siya kay Orson Hyde, ang namumunong apostol sa lunsod, na wala masyadong magandang balita na maibabahagi. Kasama sa mga Banal na nasa Nauvoo pa rin ang ilan na hindi mapalagay at nakadarama na pinabayaan sila. Kinukuwestiyon pa nga ng ilan ang pag-angkin ng Labindalawa sa pamumuno sa Simbahan. Kabilang sa kanila ang kapatid at ang bayaw ni Wilford na sina Eunice at Dwight Webster.23

Nalungkot si Wilford nang ilang araw dahil sa balita. Tinuruan at bininyagan niya sina Eunice at Dwight isang dekada na ang nakararaan. Kamakailan, sila ay naakit sa isang lalaking nagngangalang James Strang, na nagsasabing lihim siyang hinirang ni Joseph Smith bilang kahalili nito. Ang pag-angkin ni Strang ay mali, ngunit nahikayat ng kanyang karisma ang ilang mga Banal sa Nauvoo, kabilang na ang mga dating apostol na sina John Page at William Smith, ang nakababatang kapatid ni propetang Joseph.24

Noong ika-18 ng Abril, nagalit si Wilford nang malaman niyang sinusubukan nina Dwight at Eunice na kumbinsihin ang kanyang mga magulang na sundin si Strang sa halip na magpunta sa kanluran. Tinipon ni Wilford ang kanyang pamilya at tinuligsa ang mga bulaang propeta. Pagkatapos, umalis siya upang kargahan ang kanyang mga bagon.

“Marami akong kailangang gawin,” isinulat niya sa kanyang journal, “at kaunti lamang ang aking oras para gawin ang mga ito.”25


Noong tagsibol na iyon, nagtrabaho nang mabilis ang mga manggagawa upang matapos ang templo bago ang paglalaan nito sa publiko noong ika-1 ng Mayo. Naglatag sila ng sahig na ladrilyo sa paligid ng bautismuhan, ikinabit nila sa puwesto ang kahoy na dekorasyon, at pininturahan nila ang mga pader. Nagpatuloy ang gawain buong araw at madalas hanggang sa kalaliman ng gabi. Dahil kulang ang pera ng Simbahan upang mabayaran ang mga manggagawa, marami sa kanila ang nagsakripisyo ng bahagi ng kanilang mga sahod upang matiyak na ang templo ay handang ilaan sa Panginoon.26

Dalawang araw bago ang paglalaan, natapos ng mga manggagawa ang pagpipintura sa bulwagan sa unang palapag. Kinabukasan, winalis nila ang alikabok at basura palabas ng malaking silid at naghanda sila para sa pulong. Hindi na nakapaglagay ng dekorasyon sa bawat silid ang mga manggagawa, ngunit alam nila na hindi ito magiging hadlang sa pagtanggap ng Panginoon sa templo. Tiwala na natupad nila ang utos ng Diyos, ipininta nila ang mga salitang “Nakita ng Panginoon ang aming sakripisyo” sa itaas ng mga pulpito sa hilera ng silangang dingding ng bulwagan.27

Batid ang utang nila sa mga manggagawa, inanunsiyo ng mga lider ng Simbahan na ang unang sesyon ng paglalaan ay magiging isang mapagkawanggawang kaganapan. Ang mga yaong dumalo ay hinilingang mag-ambag ng isang dolyar upang mabayaran ang mga manggagawang naghihikahos sa buhay.

Noong umaga ng ika-1 ng Mayo, ang labing-apat na taong gulang na si Elvira Stevens ay umalis sa kanyang kampo sa kanluran ng Mississippi at tumawid ng ilog upang dumalo sa paglalaan. Isang ulila na namatayan ng magulang pagkalipat ng kanilang pamilya sa Nauvoo, naninirahan ngayon si Elvira kasama ng kanyang kapatid na may-asawa. Dahil wala ni isa sa kanyang kampo na maaaring sumama sa kanya para sa paglalaan, nagpunta siya nang mag-isa.

Batid na maaaring ilang taon pa bago may maitayong panibagong templo sa Kanluran, pinangasiwaan ng mga apostol noon ang endowment sa ilang kabataang walang asawa, kabilang na si Elvira. Ngayon, pagkaraan ng tatlong buwan, siya ay muling umakyat sa mga hakbang patungo sa mga pintuan ng templo, nag-ambag ng kanyang dolyar, at naghanap ng isang upuan sa pulong bulwagan.28

Nagsimula ang sesyon sa pag-awit ng koro. Pagkatapos, nag-alay si Orson Hyde ng panalangin ng paglalaan. “Hayaan na mamalagi rito ang Iyong Espiritu,” pagsusumamo niya, “at nawa’y madama ng lahat ang banal na impluwensya sa kanilang mga puso na ang Kanyang kamay ay tumulong sa gawaing ito.”29

Nadama ni Elvira ang kapangyarihan ng langit sa silid. Pagkatapos ng sesyon, bumalik siya sa kanyang kampo, ngunit pagkaraan ng dalawang araw ay bumalik siya para sa susunod na sesyon, umaasa na muling mararamdaman ang gayong kapangyarihan. Nagbigay ng mga sermon sina Orson Hyde at Wilford Woodruff tungkol sa gawain sa templo, sa priesthood, at sa pagkabuhay na mag-uli. Sa pagtatapos ng pulong, pinuri ni Wilford ang mga Banal para sa pagtatapos ng templo kahit na kakailanganin nila itong iwanan.

“Natanggap ng libu-libong Banal ang kanilang endowment dito, at ang kaalamang iyon ay hindi mawawala,” sabi niya. “Ito ay sapat na kaluwalhatian para sa pagtatayo ng templo.”

Pagkatapos ng sesyon, bumalik si Elvira sa kanyang kampo, at tinawid niya ang ilog sa huling pagkakataon.30 Samantala, ginugol ng mga Banal sa Nauvoo ang natitirang araw at gabi sa pag-iimpake at pag-aalis ng mga upuan, mga mesa, at iba pang mga kagamitan hanggang sa ang templo ay wala nang laman at ipinagkatiwala na sa mga kamay ng Panginoon.31


Ilang linggo pagkatapos ng paglalaan ng templo, si Louisa Pratt at ang kanyang mga anak na babae ay nagsimula sa paglalakbay pakanluran kasama ng isang grupo ng mga Banal. Labing-apat na taong gulang na si Ellen, labindalawang taong gulang na si Frances, siyam na taong gulang na si Lois, at limang taong gulang na si Ann. Mayroon silang dalawang pares ng lalaking baka na hihila sa kanilang bagon, dalawang baka, at isang bagon na puno ng bagong damit at mga kagamitan.

Bago tumawid sa ilog papunta sa Iowa, si Louisa ay nagpunta sa kawanihan ng koreo at natagpuan ang isang mahabang liham mula kay Addison na may petsang Enero 6, 1846—limang buwan na ang nakararaan. Iniulat ni Addison na siya ngayon ay nasa Tahiti kasama ang ilang kaibigan na Tubuaian, ang mag-asawang Nabota at Telii, para tulungan ang kanyang kapwa missionary na si Benjamin Grouard sa gawaing misyonero sa kalapit na Anaa atoll. Nagpadala siya kay Louisa ng animnapung dolyar at ng magigiliw na salita para sa kanyang asawa at sa mga bata.

Inaasahan ni Addison na maglilingkod siya sa mga Banal sa isla sa loob ng maraming taon, ngunit hindi niya gagawin ito kung hindi niya makakasama ang kanyang pamilya. “Kung makakahanap ka ng anumang aklat,” isinulat niya, “at magkakaroon ng oras sa paglilibang, sa palagay ko ay dapat magsimula ka at ang mga bata na mag-aral ng wikang Tahitian, dahil sa palagay ko ay may mapaggagamitan ka nito pagkaraan ng ilang taon.”32

Pinasaya ng liham si Louisa, at nagulat siya na naging masaya ang kanyang paglalakbay pakanluran. Natapos na ang mga ulan ng tagsibol, at nagustuhan niya ang pagsakay sa likod ng kabayo sa ilalim ng maaliwalas na kalangitan habang minamaneho ng isang upahang trabahador ang kanyang mga bagon. Maaga siyang bumabangon tuwing umaga, tinitipon niya ang mga nakawalang baka, at tumutulong siya sa pangungutsero ng mga ito sa buong maghapon. Paminsan-minsan ay nag-aalala siya dahil malayo ang nilalakbay niya mula sa kanyang mga magulang at iba pang mga kamag-anak, ngunit inaalo siya ng kanyang paniniwala sa Sion. Inilarawan ng mga paghahayag ang Sion bilang isang lugar ng kanlungan, isang lupain ng kapayapaan. Iyon ang gusto niya sa kanyang buhay.

“Kung minsan ay masaya ako,” isinulat niya sa kanyang journal noong ika-10 ng Hunyo. “Tinawag tayo ng Panginoon, at itinalaga Niya tayo sa isang lugar kung saan maaari tayong mamuhay nang mapayapa at maging malaya mula sa paninindak ng ating mga malulupit na tagausig!”33

Pagkalipas ng limang araw, nakarating si Louisa at ang kanyang grupo sa Bundok Pisgah, isa sa dalawang malalaking pahingahan na itinayo ng mga Banal sa daan ng Iowa. Malapit ang kampo sa paanan ng ilang mabababa at nakahilig na burol na nababalot ng kakahuyan ng mga punong oak. Tulad ng nakinita ni Brigham, ang mga Banal doon ay tumira sa mga tolda o kahoy na kubo at nagsaka ng mga pananim upang magtustos ng pagkain para sa mga grupo na darating kalaunan. Ang iba pang mga bahagi ng kampo ay nagsilbing pastulan para sa mga hayop.

Pumili si Louisa ng isang lugar sa lilim ng ilang puno ng oak para sa kanyang pamilya. Ang lugar ay maganda, ngunit pinapaso ng matinding sikat ng araw ang mga Banal sa kampo, marami sa kanila ang pagod na pagod dahil nakipagbuno sila sa ulan at putik noong tagsibol na iyon.

“Nawa’y gantimpalaan sila ng Panginoon para sa kanilang mga sakripisyo,” naisip ni Louisa.34


Mas nauuna sa daan, si Brigham at ang Kampo ng Israel ay tumigil sa lugar na tinatawag na Mosquito Creek, di-kalayuan sa Ilog Missouri. Sila ay nagugutom, dalawang buwan nang huli sa iskedyul, at lubos na naghihikahos.35 Subalit iginiit pa rin ni Brigham na magpadala ng isang paunang grupo sa Rocky Mountains. Naniwala siya na kailangang matapos ng isang grupo ng mga Banal ang paglalakbay sa panahong iyon, dahil hangga’t ang Simbahan ay nagpapagala-gala nang walang tirahan, sisikapin ng mga kaaway nito na ikalat ito o harangan ang daan nito.36

Gayunman, alam ni Brigham na mauubos ang mga panustos ng mga Banal kapag nagbigay sila ng kagamitan sa gayong grupo. Kakaunting miyembro lamang ang may pera o pagkain na maibibigay, at wala masyadong mapagkakakitaan sa Iowa. Para manatiling buhay sa parang, maraming Banal ang nagbenta ng mahahalagang pag-aari sa daan o namasukan sa iba’t ibang trabaho upang kumita ng pera para sa pagkain at mga kagamitan. Habang naglalakbay ang kampo pakanluran at dumadalang ang mga pamayanan, nagiging mas mahirap makahanap ng mapagkakakitaan.37

Inaalala rin ni Brigham ang iba pang mga bagay. Ang mga Banal na hindi kabilang sa paunang grupo ay nangailangan din ng lugar na mapaglilipasan ng taglamig. Handang payagan ng mga Omaha at ng iba pang mga Katutubo na naninirahan sa lupain sa kanlurang bahagi ng Ilog Missouri ang mga Banal na magkampo roon sa taglamig, ngunit nag-atubili ang mga kinatawan ng pamahalaan na hayaan silang manirahan sa protektadong lupain ng mga Indian sa loob ng mahabang panahon.38

Alam din ni Brigham na ang mga Banal na maysakit at naghihikahos sa buhay ay umaasa sa Simbahan na dalhin sila sa kanluran. Sa loob ng maikling panahon, inasam niyang tulungan sila sa pamamagitan ng pagbebenta ng mahahalagang ari-arian sa Nauvoo, kabilang na ang templo. Ngunit hindi naging matagumpay ang pagsisikap na ito.39

Noong ika-29 ng Hunyo, nalaman ni Brigham na may tatlong opisyal mula sa Hukbo ng Estados Unidos na papunta sa Mosquito Creek. Nagdeklara ng digmaan ang Estados Unidos sa Mexico, at binigyan ni Pangulong James Polk ng awtoridad ang mga opisyal na bumuo ng isang batalyon na binubuo ng limang daang Banal para sa isang kampanya ng militar sa baybayin ng California.

Kinabukasan, tinalakay ni Brigham ang balita kina Heber Kimball at Willard Richards. Walang alitan si Brigham sa Mexico, at nayamot siya sa ideya ng pagtulong sa Estados Unidos. Ngunit ang Kanluran ay maaaring maging teritoryo ng Amerika kung mananalo sa digmaan ang Estados Unidos, at ang pagtulong sa hukbo ay maaaring makapagpabuti sa ugnayan ng mga Banal sa bansa. Ang higit na mahalaga ay makakatulong sa Simbahan ang mga nagpalistang kalalakihan na tustusan ang pandarayuhan nito pakanluran.40

Nakipag-usap kaagad si Brigham sa mga opisyal pagdating nila. Nalaman niya na natanggap nila ang mga utos matapos marinig ni Thomas Kane, isang binatang maraming koneksyon sa Silanging Baybayin, ang tungkol sa kalagayan ng mga Banal at maipakilala si Jesse Little sa mahahalagang opisyal sa Washington, DC. Pagkatapos ng pakikipag-usap sa ilang mambabatas, nakipag-usap si Jesse kay Pangulong Polk at hinikayat niya ito na tulungan ang mga Banal na lumipat sa kanluran sa pamamagitan ng paghimok sa ilan sa kanila na maglingkod sa militar.

Dahil nakikita niya ang mga pakinabang nito, kinatigan ni Brigham ang mga utos nang buong puso. “Ito ang unang alok na natanggap natin mula sa gobyerno na mapapakinabangan natin,” sabi niya. “Iminumungkahi ko na magtipon ng limang daang boluntaryo, at gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para tiyakin na ang lahat ng kanilang mga pamilya ay susulong, sa abot ng aking impluwensya, at papakainin ko sila kapag mayroon akong anumang pagkain.”41


Nagalit si Drusilla Hendricks sa desisyon ni Brigham na makipagtulungan sa Estados Unidos. Dahil nabaril sa leeg ang kanyang asawa na si James sa isang sagupaan laban sa mga taga-Missouri noong 1838, naparalisa ang kalahati ng katawan nito. Tulad ng iba pa sa kampo, galit pa rin siya sa pamahalaan dahil sa hindi nito pagtulong sa mga Banal noong panahong iyon. Kahit na nasa hustong gulang na ang kanyang anak na si William upang magboluntaryo para sa batalyon, ayaw niya itong pasalihin. Dahil sa pagkakaparalisa ng kanyang asawa, umaasa siya sa kanyang anak para sa tulong.42

Araw-araw bumibisita sa kampo ang mga nangangalap para sa batalyon, madalas kasama si Brigham o ang iba pang mga apostol. “Kung nais nating magkaroon ng karapatang magpunta sa isang lugar kung saan maaari nating sambahin ang Diyos alinsunod sa mga atas ng ating sariling budhi,” patotoo ni Brigham, “nararapat nating tipunin ang batalyon.”43 Isinantabi ng maraming Banal ang kanilang galit at sinuportahan nila ang gawaing ito, ngunit hindi maatim ni Drusilla na mahiwalay sa kanyang anak.

Kung minsan ay bumubulong ang Espiritu sa kanya, “Natatakot ka bang magtiwala sa Diyos ng Israel? Hindi ba nakasama mo Siya sa lahat ng iyong mga pagsubok? Hindi ba naglalaan Siya para sa iyong mga kagustuhan?” Kikilalanin niya ang kabutihan ng Diyos, ngunit pagkatapos ay maaalala niya ang kalupitan ng pamahalaan, at babalik ang kanyang galit.

Noong araw ng paglisan ng batalyon, bumangon nang maaga si William para ipasok ang mga baka. Pinanood ni Drusilla si William habang naglalakad ito sa matataas at basang damo, at nag-alala siya na ang kakulangan niya ng pananampalataya ay magdudulot dito ng higit na pinsala kaysa sa kabutihan. Maaari itong masaktan habang naglalakbay sa daan kasama ang pamilya nito tulad ng pagmamartsa nito kasama ang batalyon. At kung mangyari iyon, pagsisisihan niya na pinilit niya itong manatili.

Nagsimulang magluto ng almusal si Drusilla, hindi tiyak kung ano ang gagawin kay William. Habang umaakyat sa bagon para kumuha ng harina, muli niyang nadama ang bulong ng Espiritu: Gusto ba niyang makuha ang mga pinakadakilang pagpapala ng Panginoon?

“Oo,” sinabi niya nang malakas.

“Kung gayon, paano mo ito makukuha nang hindi ginagawa ang pinakadakilang sakripisyo?” tanong ng Espiritu. “Hayaan mo ang iyong anak na sumama sa batalyon.”

“Huli na ang lahat,” sabi niya. “Aalis na sila ngayong umaga.”

Bumalik si William, at nagtipon ang pamilya para mag-almusal. Habang binabasbasan ni James ang pagkain, nagulat si Drusilla nang gambalain ng isang lalaki ang kampo. “Lumabas kayo, mga kalalakihan!” sigaw nito. “Kulang pa tayo ng ilang kalalakihan sa batalyon.”

Binuksan ni Drusilla ang kanyang mga mata at nakita niya si William na nakatitig sa kanya. Tinitigan niya ang mukha nito, isinasaulo ang bawat katangian. Noong sandaling iyon, alam niya na sasama na ito sa batalyon. “Kahit hindi na kita muling makita hanggang sa umaga ng pagkabuhay na mag-uli,” naisip niya, “malalaman ko na ikaw ang aking anak.”

Pagkatapos ng almusal, mag-isang nanalangin si Drusilla. “Iligtas ang kanyang buhay,” pagsusumamo ni Drusilla, “at hayaan siyang makabalik sa akin at sa pagiging miyembro ng Simbahan.”

“Ito ay mapapasaiyo,” bulong ng Espiritu, “katulad ng nangyari kay Abraham nang ialay niya si Isaac sa altar.”

Hinanap ni Drusilla si William at natagpuan niya itong nakaupo sa bagon, nakasubsob ang ulo sa mga kamay nito. “Nais mo bang sumama sa batalyon?” tanong niya. “Kung oo, mayroon akong patotoo na tama para sa iyo na pumunta.”

“Sinabi ni Pangulong Young na para ito sa kaligtasan ng mga tao,” sabi ni William, “at sa palagay ko ay mas makakabuti kung magiging bahagi ako nito katulad ng iba.”

“Pinigilan kita,” sabi ni Drusilla, “ngunit kung nais mong sumama, hindi na kita pipigilan.”44