“Isang Sagisag sa mga Bansa,” kabanata 4 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)
Kabanata 4: “Isang Sagisag sa mga Bansa”
Kabanata 4
Isang Sagisag sa mga Bansa
Noong Abril 1847, nilisan nina Sam Brannan at tatlo pang lalaki ang San Francisco Bay upang hanapin si Brigham Young at ang pinakamalaking pangkat ng mga Banal. Hindi nila alam kung saan nila eksaktong matatagpuan ang mga ito, ngunit karamihan sa mga dayo ay sinundan ang parehong daan pakanluran. Kung si Sam at ang kanyang maliit na grupo ay susundan ang daang ito patungong silangan, kalaunan ay kanilang makakasalubong ang mga Banal.
Matapos humimpil sandali upang kumuha ng mga suplay sa New Hope, naglakbay ang mga lalaki patungong hilagang-silangan sa mabababang burol ng Sierra Nevada. Ang mga taong nakakaalam sa Sierras ay nagbabala kay Sam na huwag tumawid doon sa simula ng taon. Ang mga daanan sa bundok ay puno pa ng niyebe, sabi nila, na nangangahulugang ang paglalakbay ay maaaring tumagal nang dalawang buwan.
Subalit natitiyak ni Sam na kaya niyang tawirin ang mga bundok. Hinihimok pausad ang kanilang mga hayop, siya at ang kanyang mga tauhan ay ilang oras na umakyat sa mga bundok. Ang niyebe ay makapal subalit siksik, ginagawang mas madaling makalakad nang ligtas sa daan. Gayunman, ang mga batis ng kabundukan ay punung-puno, pinipilit ang mga lalaki na sumuong sa mapanganib na paglangoy o mapanganib na alternatibong ruta.
Sa kabilang panig ng bulubundukin, dinala sila ng daan sa tabi ng malalaking granite na matatalas na tuktok, papunta sa lugar kung saan tanaw ang magandang tanawin ng isang magandang lambak ng mga palotsina na may lawang kulay asul tulad ng kalangitan. Bumababa sa lambak, nakakita sila ng ilang pinabayaang kubo sa isang kampo na puno ng mga labi ng mga tao. Ilang buwan na ang nakakaraan, isang grupo ng bagon patungong California ang naipit sa niyebe. Ang mga dayo ay nagtayo ng mga matitirhang kubo upang palipasin ang isang masamang bagyo sa taglamig, at dahil paubos na ang kanilang pagkain at hindi handa sa lamig, marami sa kanila ang unti-unting namatay sa gutom o ginaw, samantalang ang iba ay bumaling sa kanibalismo.1
Ang kanilang kuwento ay isang kahila-hilakbot na paalala tungkol sa mga panganib ng paglalakbay sa lupa, ngunit tumanggi si Sam na hayaan ang trahedya na takutin siya. Nabighani siya sa ilang. “Ang isang tao ay hindi makikilala ang kanyang sarili,” nagagalak niyang sinabi, “hanggang sa siya ay maglakbay sa mga ligaw na kabundukang ito.”2
Pagdating ng kalagitnaan ng Mayo, natahak na nina Brigham Young at ng paunang grupo ang mahigit apat na raang kilometro. Tuwing umaga, ginigising ng torotot ang kampo nang alas-singko, at nagsisimula ang paglalakbay nang alas-siyete. Kung minsan ay pinababagal ng mga pagkaantala ang pag-usad ng grupo, ngunit karamihan sa mga araw ay nagagawa nilang maglakbay sa pagitan ng 24 hanggang 32 kilometro. Sa gabi ay inaayos nila nang paikot ang kanilang mga bagon, nagtitipon para sa panalangin sa gabi, at pinapatay ang mga apoy ng kampo.3
Ang nakababagot na gawain kung minsan ay binabasag ng mga tanawin ng mga kalabaw. Ang mga malalaki at mabubuhok na mga hayop ay naglalakbay sa napakalalaking grupo, maingay na naglalakad sa mga burol at kapatagan sa napakapinong paggalaw kung kaya mismong ang parang ay tila gumagalaw. Ang mga lalaki ay sabik na manghuli ng hayop, ngunit pinayuhan sila ni Brigham na gawin lamang ito kung kinakailangan at huwag mag-aksaya ng karne.4
Naglakbay ang grupo sa tabi ng isang daanan na binuo ng ibang manlalakbay na papunta sa kanluran ilang taon na ang nakararaan. Habang patuloy silang naglalakbay, ang madamong parang ay unti-unting nagbibigay-daan sa mga disyertong pastulan at mga mabibining burol. Mula sa tuktok ng isang talampas, ang kapatagan ay tila maalong tulad ng karagatan na binabagyo. Ang daan ay sumusunod sa Ilog Platte at tumatawid ng ilang sapa na nagbibigay ng tubig para sa pag-inom at paglilinis. Ngunit ang lupa mismo ay mabuhangin. Kung minsan nakakakita ang grupo ng isang puno o isang bungkos ng mga luntiang damo sa daan, ngunit malaking bahagi ng lupain ay pulos at nakakatakot ayon sa nakikita ng mata.5
Kung minsan, isang miyembro ng grupo ang magtatanong kay Brigham kung saan sila papunta. “Ipapakita ko sa inyo kapag dumating tayo roon,” sabi niya. “Nakita ko ito, nakita ko ito sa pangitain, at kapag namasdan ito ng aking mga likas na mata, malalaman ko ito.”6
Araw-araw, tinatantiya ni William Clayton ang layo ng nilakbay ng grupo at iwinawasto ang kung minsan ay hindi tumpak na mapa na gumagabay sa kanila. Di-kalayuan sa paglalakbay, siya at si Orson Pratt ay nagtatrabaho kasama si Appleton Harmon, isang bihasang manggagawa, upang magtayo ng isang “roadometer,” isang kahoy na aparato na tumpak na sinusukat ang layo ng distansya sa pamamagitan ng isang sistema ng mga ngipin ng reweda na nakakabit sa isang gulong ng bagon.7
Sa kabila ng pag-usad ng grupo, madalas na nabibigo si Brigham kapag nakita niya ang mga ginagawa ng ilang miyembro ng grupo. Karamihan sa kanila ay miyembro ng Simbahan nang ilang taon na, naglingkod sa mga misyon, at tumanggap ng mga ordenansa sa templo. Subalit marami ang hindi pinansin ang kanyang payo sa pangangaso o inubos ang kanilang libreng oras sa pagsusugal, pakikipagbuno, at sayawan hanggang sa kalaliman ng gabi. Kung minsan ay gumigising si Brigham sa umaga sa tunog ng mga lalaki na nagtatalo sa isang bagay na nangyari noong nakaraang gabi. Nag-alala siya na ang kanilang mga alitan ay kalaunang hahantong sa mga suntukan o sa mas masahol pa.
“Sa palagay ba natin,” tinanong niya ang mga lalaki noong umaga ng ika-29 ng Mayo “na maghahanap tayo ng tahanan para sa mga Banal, isang lugar na paglalagakan, isang lugar ng kapayapaan, kung saan sila ay maaaring magtayo ng kaharian at malugod na tatanggapin ang mga bansa, nang may mababa, marumi, nalalason, walang kapararakan, mapag-imbot, at masamang espiritu?”8 Bawat isa sa kanila, sinabi niya, ay dapat maging kalalakihang may pananampalataya at mga mahinahong isipan, namumuhay ayon sa panalangin at pagninilay.
“Narito ang isang pagkakataon,” sabi niya, “para sa bawat lalaki upang patunayan ang kanyang sarili, upang malaman kung siya ay mananalangin at aalalahanin ang kanyang Diyos, kahit hindi sinabihang gawin ito araw-araw.” Hinikayat niya silang maglingkod sa Panginoon, alalahanin ang kanilang mga tipan sa templo, at magsisi sa kanilang mga kasalanan.
Pagkatapos, ang mga lalaki ay pinagsama-sama ang kanilang sarili sa mga korum ng priesthood at nakipagtipan, sa pagtataas ng kamay, na gawin ang tama at lumakad nang mapagkumbaba sa harapan ng Diyos.9 Kinabukasan, nang ang mga lalaki ay tumatanggap ng sakramento, isang bagong diwa ang namayani.
“Hindi ko pa nakikita ang mga kapatid na napakatahimik at mahinahon sa araw ng Linggo,” isinulat ni Heber Kimball sa kanyang journal, “mula nang nagsimula kami sa paglalakbay.”10
Habang ang paunang grupo ay naglalakbay pakanluran, halos kalahati ng mga Banal sa Winter Quarters ay nag-aayos ng mga bagon at nag-iimpake ng pagkain para sa kanilang paglalakbay. Sa gabi, pagkatapos ng kanilang mga paghahanda, madalas silang sama-samang nagtitipon upang umawit at sumayaw sa musika ng biyolin, at tuwing Linggo ay nagkikita-kita sila upang marinig ang mga mensahe at pag-usapan ang kanilang susunod na paglalakbay.11
Gayunman, hindi lahat ay sabik na magtungo sa kanluran. Sina James Strang at iba pang mga tumiwalag ay patuloy na tinutukso ang mga Banal sa mga pangako ng pagkain, tirahan, at kapayapaan. Sina Strang at kanyang mga tagasunod ay nagtatag ng komunidad sa Wisconsin, isang hindi gaanong tinitirahang teritoryo mga 480 kilometro pahilagang-silangan ng Nauvoo, kung saan ang ilan sa mga hindi nasisiyahang Banal ay nagtitipon. Ilang pamilya na sa Winter Quarters ang nag-impake ng kanilang mga bagon at umalis upang sumama sa kanila.12
Bilang namumunong apostol sa Winter Quarters, nakiusap si Parley Pratt sa mga Banal na huwag pansinin ang mga tumalikod sa Simbahan at sundin ang mga awtorisadong apostol ng Panginoon. “Tinawag ng Panginoon na magkasama-sama tayo,” kanyang ipinaalala sa kanila, “at hindi kumalat sa lahat ng oras.” Sinabi niya sa kanila na siya at si John Taylor ay nais magpadala ng mga grupo sa kanluran sa pagtatapos ng tagsibol.13
Kinailangan nga lang ipagpaliban ni Parley ang paglisan. Bago umalis ang paunang grupo, inorganisa ng Labindalawa ang ilang grupo ayon sa paghahayag. Ang malaking bahagi ng mga grupong ito ay binubuo ng mga pamilyang nabuklod sa pamamagitan ng pag-aampon kina Brigham Young at Heber Kimball. Iniutos ng mga apostol sa kanila na mag-impake ng sapat na panustos para sa darating na taon at isama sa kanila ang mga maralitang Banal at ang mga pamilya ng mga lalaki sa Batalyong Mormon. Kung hindi susundin ng mga tao ang tipan na maglaan para sa mga pamilyang ito na nangangailangan, ang kanilang mga bagon ay kukumpiskahin at ibibigay sa mga taong susunod.14
Ngunit nakita ni Parley ang mga problema sa pagsasakatuparan ng plano ng korum. Maraming Banal sa mga grupong ito, kabilang na ang mga kapitan ng ilang grupo ay hindi pa handang umalis. Ang ilan sa kanila ay kulang sa mga kagamitan upang magawa ang paglalakbay, at kung walang sapat na suplay sila ay magiging mabigat na pasanin sa iba sa mga grupo na halos walang sapat na pagkain para sa kanilang sariling pamilya. Kasabay nito, may iba pang mga Banal na hindi inorganisa sa mga grupo ngunit mga handa at sabik nang pumunta, natatakot na mawawalan pa sila ng mga mahal sa buhay dahil sa sakit at kamatayan kung mananatili sila ng isa pang taon sa Winter Quarters.15
Nagpasiya sina Parley at John na muling organisahin ang mga grupo, inaakma ang orihinal na plano upang umangkop sa humigit-kumulang isang libo at limandaang mga Banal na handang magpunta sa kanluran. Nang ang ilang mga Banal ay tumutol sa mga pagbabago, na nagpapahayag ng pag-aalinlangan sa awtoridad ni Parley na baguhin ang plano ng Labindalawa, sinikap ng dalawang apostol na magpaliwanag sa kanila.
Sa pagkawala ni Brigham, ipinaliwanag ni John, ang apostol na pinakamatanda sa posisyon ang may awtoridad na pangasiwaan ang mga miyembro ng Simbahan. Dahil wala si Brigham sa Winter Quarters, nadama ni John na responsibilidad ni Parley—at karapatan—na gumawa ng mga desisyon para sa pamayanan.
Sumang-ayon si Parley. “Palagay ko ay mas makabubuting kumilos ayon sa ating sitwasyon,” sabi niya.16
Habang naglalakbay si Wilford Woodruff patungo sa kanluran kasama ang paunang grupo, madalas niyang pagnilayan ang sagradong misyon nito. “Ito ay dapat nauunawaan,” isinulat niya sa kanyang journal, “na tayo ay gumagawa ng isang daan para sa sambahayan ni Israel na lalakbayin sa loob ng maraming taon.”17
Isang gabi, nanaginip siya na dumating na ang grupo sa bagong lugar na pagtitipunan. Habang nakatingin sa lupa, nagpakita sa kanya ang isang napakagandang templo. Ito ay tila gawa sa puti at asul na bato. Paglingon niya sa mga lalaking nakatayo malapit sa kanya sa panaginip, tinanong niya kung nakikita nila ito. Sinabi nila na hindi, ngunit hindi nito binawasan ang galak na nadama ni Wilford sa pagkamalas nito.18
Pagsapit ng Hunyo, ang panahon ay naging mainit. Ang maiikling damo na siyang pagkain ng kanilang mga baka ay naging kayumanggi sa tuyong hangin, at ang kahoy ay mas mahirap hanapin. Kadalasan, ang tanging panggatong sa apoy ay ang tuyong dumi ng baka.19 Ang grupo, gayunman, ay nanatiling masigasig sa pagsunod ayon sa mga tagubilin ni Brigham, at nakita ni Wilford ang katibayan ng mga pagpapala ng Diyos sa pangangalaga sa kanilang suplay ng pagkain, mga hayop, at mga bagon.
“Nagkaroon kami ng kapayapaan at pagkakaisa sa aming kalipunan,” isinulat niya sa kanyang journal. “Malaking kabutihan ang uusbong sa misyong ito kung tayo ay tapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.”20
Noong ika-27 ng Hunyo, ang paunang grupo ay nakasalubong sa daan ang isang kilalang manggagalugad na nagngangalang Moses Harris. Sinabi ni Harris sa mga Banal na kapwa ang Lambak ng Bear River o ang Lambak ng Salt Lake ay hindi mainam para maging pamayanan. Iminungkahi niya na manirahan ang mga ito sa isang lugar na tinatawag na Lambak ng Cache, na nasa hilagang silangan ng Great Salt Lake.
Nang sumunod na araw, nakasalubong ng grupo ang isa pang manggagalugad, si Jim Bridger. Hindi tulad ni Harris, mataas ang pagpapahalaga ni Bridger sa mga Lambak ng Bear River at Salt Lake, bagama’t binalaan niya ang mga ito na ang malalamig na gabi sa Lambak ng Bear River ay maaaring humadlang sa kanila sa pagtatanim ng mais. Sinabi niya na ang Lambak ng Salt Lake ay mayroong mabuting lupa, ilang tubig-tabang na batis, at ulan sa buong taon. Pinuri din niya ang Lambak ng Utah, sa timog ng Great Salt Lake, subalit binalaan niya sila tungkol sa panggugulo sa mga Ute Indian na naninirahan sa rehiyong iyon.21
Ang mga salita ni Bridger tungkol sa Lambak ng Salt Lake ay nakahihikayat. Bagama’t atubili si Brigham na tukuyin ang lugar na maaaring paghimpilan hanggang sa makita niya ito, siya at ang iba pang mga miyembro ng grupo ay interesado sa paglilibot sa Lambak ng Salt Lake. At kung ito ay hindi ang lugar kung saan nais ng Panginoon na manirahan sila, kahit papaano ay maaari silang tumigil doon, magtanim ng mga pananim, at lumikha ng isang pansamantalang pamayanan hanggang sa matagpuan nila ang permanenteng tahanan sa basin.22
Makalipas ang dalawang araw, habang ang mga lalaki sa paunang grupo ay nagtatayo ng mga balsa na gagamitin sa pagtawid nang mabilis sa umaagos na ilog, dumating sina Sam Brannan at kanyang mga kasama sa kampo bago lumubog ang araw, na siyang ikinagulat ng lahat ng tao. Taimtim na nakinig ang grupo habang nalibang sila sa mga kuwento ni Sam tungkol sa Brooklyn, ang pagtatatag ng New Hope, at ang kanyang sariling mapanganib na paglalakbay sa mga kabundukan at kapatagan upang mahanap sila. Sinabi niya sa kanila na ang mga Banal sa California ay nagtanim ng ilang acre ng trigo at patatas upang maghanda para sa kanilang pagdating.
Ang pagkatuwa ni Sam sa klima at lupa ng California ay nakakahawa. Hinikayat niya ang grupo na kunin ang lugar ng San Francisco Bay bago dumating ang iba pang mga maninirahan. Ang lupain ay mainam para sa mga pamayanan, at mahahalagang tao sa California ang may simpatiya sa kapakanan ng mga Banal at handang tumanggap sa kanila.
Nakinig si Brigham kay Sam, tahimik na nagdududa sa panukala. Ang nakahuhumaling na ganda ng baybayin ng California ay walang alinlangan, ngunit alam ni Brigham na nais ng Panginoon ang mga Banal na magtayo ng bagong lugar na pagtitipunan na mas malapit sa Rocky Mountains. “Ang ating patutunguhan ay ang Great Basin,” sabi niya.23
Pagkaraan lamang ng mahigit isang linggo, nilisan ng grupo ang daang madalas puntahan para sa isang mas madalang na gamitin, isang mas malabong daan sa timog ng Lambak ng Salt Lake.24
Noong tag-init na iyon, inilipat ni Louisa Pratt ang kanyang pamilya sa isang kubo na binili niya sa halagang limang dolyar. Iyon ang kanyang ikatlong tahanan sa Winter Quarters. Matapos hindi gumana ang tsimenea sa kanyang bahay na yari sa damo, inilipat niya ang pamilya sa isang mamasa-masang lungga, na kung saan ay bahagya lamang itong nakahihigit sa isang limang talampakang butas sa lupa na may sirang bubong.
Sa bagong bahay, nagbayad si Louisa sa ilang kalalakihan upang ikabit ang isang palapag ng mga sinibak na troso. Mayroon siyang sakahan na itinayo sa harap ng kanyang bahay na maaaring upuan ng dalawampu’t limang tao, at siya at ang kanyang anak na si Ellen ay nagbukas ng isang paaralan para sa mga bata. Samantala, ang kanyang anak na si Frances ay nagtanim at nag-alaga ng isang halamanan at nagsibak ng kahoy para sa pagpapainit ng bahay at pagluluto.
Hindi pa rin maganda ang kalusugan ni Louisa. Matapos gumaling mula sa kanyang lagnat at panginginig, bumagsak siya nang malakas sa niyebe at yelo at nasaktan ang kanyang tuhod. Habang naninirahan sa lungga, nagkaroon siya ng scurvy at nawala ang kanyang mga ngipin sa harap. Ngunit siya at ang kanyang mga anak na babae ay nagdusa nang mas kaunti kaysa sa marami sa mga Banal. Ang lahat ay may mga kapitbahay at kaibigan na namatay mula sa mga sakit na nanalanta sa kampo.25
Matapos ang pagbili ng bahay at mga pagkukumpuni, kaunting pera na lamang ang natira sa kanya. Noong halos naubos na ang kanyang suplay ng pagkain, binisita niya ang kanyang mga kapitbahay at nagtanong kung sila ay interesado sa pagbili sa kanyang kamang de balahibo, ngunit wala rin silang pera. Habang kausap sila, binanggit ni Louisa na wala siyang makakain sa kanyang bahay.
“Tila hindi ka nababagabag,” sabi ng isa sa kanila. “Ano ang inaasahan mong gawin?”
“Ah, hindi, hindi ako nagulumihanan,” sabi ni Louisa. “Alam ko na ang kaligtasan ay darating sa paraang hindi inaasahan.”
Habang naglalakad siya pauwi, binisita niya ang isa pang kapitbahay. Sa kanilang pag-uusap, nabanggit ng kapitbahay ni Louisa ang makalumang bakal na sabitan, na ginagamit noon na sabitan ng kaldero sa tsiminea. “Kung ipagbibili mo ito,” sabi ng kapitbahay, “bibigyan ko kayo dalawang litro ng cornmeal.” Sumang-ayon si Louisa sa bentahan, napapagtanto na ang Panginoon ay muli siyang pinagpapala.
Noong tagsibol na iyon, pakiramdam ni Louisa na siya ay mas malusog na at siya ay sumamba kasama ang mga Banal. Ang mga babae sa pamayanan ay nagsimulang magtipon nang sama-sama upang palakasin ang isa’t isa sa pamamagitan ng kanilang mga espirituwal na kaloob. Noong isang pulong, nagsalita ang mga babae sa ibang wika habang si Elizabeth Ann Whitney, na isang espirituwal na lider sa mga Banal sa loob ng maraming taon, ay nagsasalin. Sinabi ni Elizabeth Ann na si Louisa ay magiging malusog, tatawirin ang Rocky Mountains, at doon ay masayang makikitang muli ang kanyang asawa.
Nagulat si Louisa. Inakala niya na muli silang magkikita ni Addison sa Winter Quarters at pagkatapos ay gagawin ang paglalakbay pakanluran kasama nito. Kung wala ang tulong nito, nakita niya na walang paraan, pisikal o pinansiyal, upang maisagawa ang paglalakbay.26
Habang ang mga miyembro ng paunang grupo ay tinatawid ang gitang bahagi ng Rocky Mountains, ang daan ay lalo pang naging matarik at ang mga lalaki at babae ay mas madaling mapagod. Sa harap nila, malinaw na nakikita sa ibabaw ng umaagos na kapatagan, ay mga tuktok na puno ng niyebe na mas matangkad pa sa anumang bundok na nakita nila sa silangang Estados Unidos.
Isang gabi noong unang bahagi ng Hulyo, nagising na may lagnat ang asawa ni Brigham na si Clara, nananakit ang ulo, at may matinding sakit sa kanyang balakang at likod. Hindi nagtagal ang iba ay dumaing rin ng parehong mga sintomas, at nahirapan silang makaagapay sa iba sa grupo. Bawat hakbang na kanilang tinatahak sa mga batuhan ay matinding sakit sa kanilang nanghihinang binti.27
Bumuti ang pakiramdam ni Clara sa mga araw na lumipas. Ang kakaibang karamdaman ay tila mabilis na umatake, pagkatapos ay mawawala kalaunan. Noong ika-12 ng Hulyo, gayunman, nagkaroon ng lagnat si Brigham. Siya ay nagdeliryo sa buong magdamag. Kinabukasan, bahagyang gumanda ang pakiramdam niya, ngunit siya at ang mga apostol ay nagpasiya na papahingahin ang karamihan sa grupo habang si Orson Pratt ay nagpatuloy kasama ang isang pangkat ng apatnapu’t dalawang tao.28
Makalipas ang isang linggo, inatasan ni Brigham sina Willard Richards, George A. Smith, Erastus Snow, at iba pa upang magpatuloy at habulin ang paunang grupo ni Orson. “Humimpil sa unang akmang lugar pagkatapos makarating sa Lambak ng Salt Lake,” iniutos niya, “at ilagay ang ating mga binhi ng patatas, buckwheat, at singkamas, anuman ang ating huling lokasyon.”29 Ginugunita ang ulat ni Jim Bridger ukol sa rehiyon, nagbabala siya sa grupo laban sa pagtungo sa timog sa Lambak ng Utah hanggang sa sila ay mas makilala ng mga taong Ute na naninirahan doon.30
Sina Clara, ang kanyang dalawang batang kapatid sa ina o ama, at ang kanyang ina ay nagpaiwan kasama si Brigham at ang iba pang mga pioneer na maysakit. Kapag ang grupo ay nakadama ng sapat na lakas para magpatuloy, susundan nila ang isang magulong daan sa hindi patag na lupa na may damo. Sa ilang lugar, ang mga pader ng dalisdis ay lubhang napakataas na nakukulong ang makapal na alikabok sa hangin, na nagpapahirap upang makita kung ano ang naghihintay sa may unahan.
Noong ika-23 ng Hulyo, umakyat sina Clara at ang mga maysakit na grupo sa isang mahaba at matarik na daan patungo sa tuktok ng isang burol. Mula roon ay bumaba sila sa gitna ng makapal na kakahuyan, binabagtas ang kanilang paliku-likong landas na puno ng mga tuod na naiwan ng mga taong unang gumawa ng daan. Mga ilang kilometro sa baba ng burol, ang bagon na nagdadala ng mga kapatid ni Clara ay bumaligtad sa isang bangin at humapas sa isang malaking bato. Mabilis na gumawa ang mga lalaki ng butas sa takip ng bagon at hinatak ang mga bata patungo sa kaligtasan.
Habang ang grupo ay nanahan sa ibaba ng burol, dalawang mangangabayo mula sa grupo ni Orson ang dumating sa kampo dala ang mga ulat na sila ay malapit sa Lambak ng Salt Lake. Pagod na pagod, tumulak sina Clara at ang kanyang ina kasama ang iba pa sa grupo hanggang sa gumabi. Sa ulunan nila, ang langit ay tila handang bumagyo.31
Kinabukasan, Hulyo 24, 1847, nagmamaneho si Wilford ng kanyang karwahe nang ilang kilometro papunta sa isang malalim na bangin. Nahiga sa likod niya si Brigham sa karwahe, masyadong mataas ang lagnat at napakahina upang makalakad. Hindi nagtagal ay naglakbay sila sa tabi ng batis patagos sa isa pang dalisdis hanggang sa makarating sila sa isang patag na bahagi ng lupain kung saan matatanaw ang magandang tanawin ng Lambak ng Salt Lake.
Tumingin si Wilford na may paghanga sa malawak na lupain sa ibaba. Ang matabang kabukiran ng makakapal na berdeng damong parang, na dinidiligan ng mga malilinaw na batis ng kabundukan, ay umuunat sa harapan nila nang ilang kilometro. Ang mga batis ay umuuho patungo sa isang mahaba at makitid na ilog na bumababa pahaba sa sahig ng lambak. Ang mga matataas na bundok, ang mga matutulis na tugatog ng mga ito na abot ang mga ulap, ay pinaliligiran ang lambak na tulad ng isang muog. Sa kanluran, kumikinang tulad ng salamin sa sikat ng araw, ay ang Great Salt Lake.
Matapos ang paglalakbay nang mahigit 1,600 kilometro sa gitna ng mga kapatagan, disyerto, at dalisdis, ang tanawin ay kamangha-mangha. Nawawari ni Wilford ang mga Banal na manirahan doon at magtatatag ng isa pang stake ng Sion. Maaari silang magtayo ng mga bahay, magpalago ng mga halamanan at bukirin, at tipunin ang mga tao ng Diyos mula sa buong mundo. At hindi magtatagal, ang bahay ng Panginoon ay itatatag sa mga bundok at itataas sa mga burol, tulad ng ipinropesiya ni Isaias.32
Hindi nakikita ni Brigham nang malinaw ang lambak, kung kaya ay ipinihit ni Wilford ang karwahe upang bigyan ng mas magandang bista ang kanyang kaibigan. Nakatingin sa buong lambak, ilang minuto itong pinag-aralan ni Brigham.33
“Sapat na ito. Ito ang tamang lugar,” sinabi niya kay Wilford. “Magpatuloy ka pa.”34
Nakilala ni Brigham ang lugar sa oras na nakita niya ito. Sa hilagang dulo ng lambak ay ang tuktok ng bundok mula sa kanyang pangitain. Ipinagdasal ni Brigham na direkta siyang gabayan patungo sa lugar na iyon, at sinagot ng Panginoon ang kanyang mga dalangin. Nakita niya na hindi na niya kailangang humanap ng ibang lugar.35
Sa ibaba, ang sahig ng lambak ay buhay na buhay. Bago pa man sina Brigham, Wilford, at si Heber Kimball ay bumaba sa bundok, sina Orson Pratt, Erastus Snow, at iba pang kalalakihan ay nagtayo ng isang kampo at sinimulan ang pag-aaro sa bukid, pagtatanim ng mga pananim, at pagpapatubig sa lupain. Sumama sa kanila si Wilford sa oras na makarating siya sa kampo, nagtatanim ng kalahating takalan ng patatas bago kinain ang kanyang hapunan at nagpahinga sa gabi.
Kinabukasan ay araw ng Sabbath, at ang mga Banal ay nagpasalamat sa Panginoon. Nagtipon ang grupo upang marinig ang mga sermon at makibahagi sa sakramento. Bagama’t mahina, sandaling nagsalita si Brigham upang hikayatin ang mga Banal na ipangilin ang Sabbath, alagaan ang lupain, at igalang ang ari-arian ng isa’t isa.
Noong umaga ng Lunes, ika-26 ng Hulyo, nagpapagaling pa rin si Brigham sa karwahe ni Wilford nang bumaling siya kay Wilford at sinabing, “Brother Woodruff, nais kong maglakad-lakad.”
“Sige,” sabi si Wilford.36
Naglakad sila noong umagang iyon kasama ang walo pang lalaki, naglalakbay patungo sa mga kabundukan sa hilaga. Sumakay si Brigham sa karwahe ni Wilford sa ilang bahagi ng paglalakbay, hawak nang mahigpit ng kanyang mga kamay ang isang berdeng balabal sa kanyang mga balikat. Bago sila nakarating sa mabababang burol, pumatag ang lupa sa isang kapatagan, at umibis si Brigham mula sa karwahe at dahan-dahang naglakad sa magaan at mayamang lupa.
Habang sinusundan ng mga lalaki si Brigham, na hinahangaan ang lupain, bigla siyang tumigil at itinarak ang kanyang baston sa lupa. “Dito ay itatayo ang templo ng ating Diyos,” sabi niya.37 Nakikita na niya ang isang pangitain nito sa harap niya, ang anim na taluktok nito na umuusbong mula sa sahig ng lambak.38
Tinamaan si Wilford ng mga salita ni Brigham na parang kidlat. Ang mga lalaki ay maglalakad na sana palayo, ngunit hiniling sa kanila ni Wilford na maghintay. Pumutol siya ng isang sanga mula sa isang kalapit na sagebrush at itinarak ito sa lupa bilang tanda ng lugar.
Nagpatuloy na ang mga lalaki, nakikinita ang lunsod na itatayo ng mga Banal sa lambak.39
Kalaunan noong araw na iyon, itinuro ni Brigham ang tuktok ng bundok sa hilaga ng lambak. “Nais kong umakyat sa tuktok na iyan,” sabi niya, “sapagkat nararamdaman ko ang lubos na kasiyahan na iyon ang lugar na ipinakita sa akin sa pangitain.” Ang mabilog at mabatong tuktok ay madaling akyatin at malinaw na nakikita mula sa lahat ng dako ng lambak. Iyon ay ang pinakamagandang lugar upang magtaas ng isang sagisag sa mga bansa, ipinapahiwatig sa mundo na ang kaharian ng Diyos ay muling nasa lupa.
Agad na naghanda si Brigham upang tumungo sa tuktok kasama sina Wilford, Heber Kimball, Willard Richards, at iba pa. Si Wilford ang unang nakarating sa tuktok. Mula sa tuktok, nakikita niya ang lambak na nakalatag sa harap niya.40 Sa matataas na mga bundok at malapad na parang nito, ang lambak na ito ay maaaring panatilihing ligtas ang mga Banal mula sa kanilang mga kaaway habang sinisikap nilang ipamuhay ang mga batas ng Diyos, tipunin ang Israel, magtayo ng isa pang templo, at itatag ang Sion. Sa kanyang mga pulong sa Labindalawa at sa Konseho ng Limampu, madalas ipahayag ni Joseph Smith ang kanyang hangaring makahanap ng ganoong lugar para sa mga Banal.41
Hindi nagtagal ay sumama ang mga kaibigan ni Wilford sa kanya. Tinawag nila ang pook na Ensign Peak, hinihimok ang propesiya ni Isaias na ang mga patapon ng Israel at ang mga ikinalat ng Judea ay magtitipun-tipon mula sa apat na sulok ng mundo sa ilalim ng iisang sagisag.42
Balang araw ay nais nilang iwagayway ang isang malaking bandila sa lugar na iyon. Ngunit sa ngayon, ginawa nila ang lahat upang maipagdiwang ang okasyon. Kung ano ang nangyari ay hindi tiyak, ngunit naalala ng isang tao na naglabas ng dilaw na bandana si Heber Kimball, itinali ito sa dulo ng baston ni Willard Richards, at iwinagayway ito nang pabalik-balik sa mainit na hangin ng bundok.43