“Inspirasyon sa Banal na Bukal,” kabanata 42 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)
Kabanata 42: “Inspirasyon sa Banal na Bukal”
Kabanata 42
Inspirasyon sa Banal na Bukal
Noong unang bahagi ng Enero 1892, nakipagpulong sina Zina Young at Emmeline Wells sa Lunsod ng Salt Lake kasama ang iba pang mga miyembro ng pangkalahatang lupon ng Relief Society upang magplano ng isang “jubilee” o pagdiriwang ng ikalimampung anibersaryo ng Relief Society. Nais ng lupon na sumama ang mga babaeng Banal sa buong mundo sa mga pagdiriwang, kaya’t nagpadala sila ng isang liham sa bawat Relief Society sa Simbahan, hinihikayat sila na magsagawa ng kanilang sariling jubilee.1
Matapos ipaabot ang “isang taos-pusong pagbati” sa lahat ng kababaihan, hiniling ng liham sa panguluhan ng bawat Relief Society na anyayahan ang kanilang mga miyembro at mga lider ng priesthood sa mga lokal na jubilee at bumuo ng isang komite para planuhin ang pagdiriwang. Ang bawat pagdiriwang ay magsisimula nang alas-diyes ng umaga sa ika-17 ng Marso, ang araw na unang itinatag ang Relief Society sa Nauvoo, at makalipas ang dalawang oras ay magkakaisa sa isang “pangkalahatang panalangin ng papuri at pasasalamat sa Diyos.”2
Lubos na sumasalig si Zina kay Emmeline upang tumulong sa pagbuo ng jubilee sa Lunsod ng Salt Lake para sa kasiyahan ng lahat. At pagsapit ng unang bahagi ng Marso, abalang-abala si Emmeline sa pagpaplano. “Sinisikap kong gawin kung ano ang posible sa mga paghahanda para sa jubilee,” isinulat niya sa kanyang journal. “Ako ay mas abala kaysa rati.”3
Binalak ng lupon ng Relief Society na idaos ang jubilee sa Lunsod ng Salt Lake sa tabernakulo. Para sa mga dekorasyon, nais nilang isabit ang malaking larawan nina Joseph Smith, Emma Smith, Eliza R. Snow, at Zina Young sa likod ng pulpito.4
Dahil si Emma Smith, ang unang Pangulo ng Relief Society, ay nanatili sa Illinois at sumapi sa Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints, naniwala ang ilang tao na ang pagsabit ng kanyang larawan sa tabernakulo ay hindi angkop. Nang naging matindi ang debate, hiniling ni Zina kay Pangulong Wilford Woodruff ang pananaw nito sa pagpapakita ng larawan. “Sinumang sumasalungat dito,” sabi niya, “marahil ay lubos na makitid ang utak.”5
Noong araw ng jubilee, lahat ng apat na larawan ay nakasabit sa mga tubo ng organo sa tabernakulo. Sa tabi ng mga ito ay isang salansan ng bulaklak na hugis susi na sumasagisag sa susing inihabilin ni Joseph Smith sa mga babae noong 1842.6 Nakaupo sina Zina at Emmeline sa harapan kasama sina Bathsheba Smith, Sarah Kimball, Mary Isabella Horne, at iba pang kababaihan na nagtaguyod ng layunin ng Relief Society sa nakalipas na limampung taon. Libu-libong miyembro ng Relief Society ang nagsisiksikan sa tabernakulo. Maraming kalalakihan ang naroroon din, kabilang si Joseph F. Smith at dalawang miyembro ng Labindalawa.7
Sinimulan ni Zina ang jubilee, batid na ang kababaihan sa buong Simbahan ay ipinagdiriwang ang okasyon. “Nawa’y marinig ng lahat ng tao ang aking tinig,” sinabi niya, “hindi lang ninyo na aking mga kapatid sa tabernakulong ito at sa buong Utah, ngunit mangyari na ang mga ito ay marinig at maunawaan ng lahat ng tao sa kontinenteng ito, at hindi lamang sa kontinenteng ito kundi sa mga kontinente rin ng Europa, Asya, Africa, at sa mga pulo ng dagat.”
“Bilang mga miyembro ng organisasyong ito, tayo ay itinalaga para sa layuning aliwin at paginhawain ang mga maysakit at nahihirapan, ang mga maralita at naghinagpis,” dagdag pa niya. “Kung patuloy nating gagawin ang mga bagay na ito sa diwa nito, ang Panginoon, sa panahong darating Siya upang gawin ang Kanyang mga hiyas, ay malulugod sa atin.”
“Ano ang kahalagahan ng jubilee na ito ng mga babae?” ang tanong ni Emmeline sa kongregasyon sa pagtatapos ng pulong. “Hindi lamang na limampung taon na ang nakararaan mula nang ang samahang ito ay itinatag ng isang propeta ng Diyos, kundi ang babae ay nagiging malaya mula sa pagkakamali at pamahiin at kadiliman; na ang liwanag ay dumating sa mundo, at ang ebanghelyo ay nagpalaya sa kaniya; na ang susi ng kaalaman ay ipinihit na, at ininom niya ang inspirasyon sa banal na bukal.”8
Sa panahong ito, si Charles Eliot, ang pangulo ng Harvard University, ay bumisita sa Lunsod ng Salt Lake habang nililibot ang kanlurang Estados Unidos. Humanga si Charles sa maliit na grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw na dumating sa Harvard noong nakaraang taon, at tinanggap niya ang paanyaya na magsalita sa tabernakulo.
Pitong libong katao ang dumalo sa maikling mensahe. Isinulong ni Charles ang kalayaan sa relihiyon at pinuri ang kasigasigan at kasipagan ng mga Banal, inihahambing sila nang paayon sa mga unang nanirahang Ingles na nagtatag ng Harvard.9 Kalaunan, matapos punahin ng Salt Lake Tribune at iba pang mga pahayagan ang kanyang magandang pananaw sa mga Banal, nagpatuloy si Charles sa pagtatanggol sa kanila.
“Palagay ko dapat ngayon ay ituring sila, tungkol sa kanilang mga karapatan sa ari-arian at kanilang kalayaan sa pag-iisip at pagsamba, na tulad ng mga Romano Katoliko, Judio, Methodist, o anumang iba pang relihiyon,” sinabi niya.10
Nakaupo sa mga manonood si Anna Widtsoe, ang kanyang kapatid na si Petroline, at ang labing-apat na taong gulang na anak na lalaki ni Anna, si Osborne. Halos isang taon na ang lumipas mula nang si John, ang panganay na anak ni Anna, ay nagpunta sa Harvard, at humanga si Anna sa kilalang tagapagsalita na mataas ang paghanga sa mga mag-aaral na mga Banal sa mga Huling Araw doon.11
Ang mga Widtsoe ay nakatira ngayon kasama si Petroline sa Ikalabintatlong Ward ng Lunsod ng Salt Lake, na may sapat na bilang ng mga Banal na Scandinavian upang gawin ang mga pulong ng patotoo na isang okasyong gumagamit ng magkakaibang wika. Nagtatrabaho si Osborne sa tindahan ng Zions Cooperative Mercantile Institution sa Main Street habang sina Anna at Petroline ay nagtatrabaho bilang mga mananahi. Sina Osborne at ang kanyang ina ay dumadalo rin sa mga lingguhang lektyur sa lokal na akademya ng stake.12
Noong unang katapusan ng linggo ng Abril, umulan ng niyebe sa Lunsod ng Salt Lake na para bang ito ay gitna na ng taglamig. Gayunman, ang umaga ng Miyerkules, ika-6 ng Abril, ay maliwanag at malinaw, habang sumama sina Anna at Osborne sa mahigit apatnapung libong tao sa loob at sa paligid ng Temple Square upang makita ang paglalagay ng pinakaibabaw na bato ng Salt Lake temple sa itaas ng gitnang tore sa silangan. Ang bato na hugis ng simboryo ay dinisenyo upang suportahan ang 12 talampakang iskultura ng isang anghel na gawa ni Cyrus Dallin, na ikakabit doon kalaunan nang araw na iyon. Oras na nailagay sa lugar ang pinakaibabaw na bato at ang anghel, ang labas ng templo ay magiging kumpleto, at ang loob na lamang ang kailangang tapusin bago ang paglalaan.13
Ang mga kalsada na nakapalibot sa templo ay puno ng mga karitela. Ilang manonood ang nakatayo sa mga bagon, inakyat ang mga poste ng telegrapo, o kaya naman ay inakyat ang mga bubong upang mas makakita.14 Habang nakatayo ang mga Widtsoe sa gitna ng pulutong ng mga tao, nakikita nila si Pangulong Wilford Woodruff at iba pang mga lider ng Simbahan sa isang entablado sa paanan ng templo.
Matapos tumugtog ang isang banda at umawit ang Tabernacle Choir, nag-alay si Joseph F. Smith ng pambungad na panalangin. Ang arkitekto ng Simbahan na si Joseph Don Carlos Young, ang anak nina Brigham Young at Emily Partridge, ay sumigaw mula sa balangkas na susuporta sa tuktok ng templo, “ang pinakaibabaw na bato ay handa nang ilagay!”15
Si Pangulong Woodruff ay lumipat sa gilid ng entablado, tumingin sa mga Banal, at itinaas ang kanyang mga braso. “Lahat kayong mga bansa ng mundo!” sabi niya. “Ilalagay na natin ngayon ang tuktok na bato ng templo ng ating Diyos!” Pinindot niya ang isang buton, at ang daloy ng kuryente ay nagpabukas sa trangka na nagbaba ng pinakaibabaw na bato sa puwesto nito.16
Pagkatapos nito, isinambit ng mga Banal ang Sigaw ng Hosanna at umawit ng “Ang Espiritu ng Diyos ay Tulad ng Nag-aalab na Apoy.” Pagkatapos ay tumayo si apostol Francis Lyman sa harapan ng mga tao. “Iminumungkahi ko,” sabi niya, “na ang mga taong ito ay mangangako sa kanilang sarili, nang lahatan at nang isa-isa, na ilaan, sa bilis na ito ay kailangan, ang lahat ng perang kakailanganin upang tapusin ang templo sa pinakamaagang panahon hangga’t maaari, upang ang paglalaan ay maganap sa Abril 6, 1893.”
Ang iminungkahing petsa ay ang ikaapatnapung anibersaryo ng araw na inilatag ni Brigham Young ang batong panulok ng templo. Humiling si George Q. Cannon para sa boto ng pagsang-ayon sa mungkahi, at ang mga Banal ay nagtaas ng kanilang kanang kamay at sumigaw ng, “Aye!”17
Ipinangako ni Francis ang malaking halaga ng sarili niyang pera upang matapos ang templo. Ipinangako ni Anna ang limang dolyar para sa kanyang sarili at sampung dolyar para kay Osborne. Batid na nanaisin ni John na mangako rin ng pera, nag-ambag pa siya ng sampung dolyar sa pangalan nito.18
Noong tagsibol na iyon, dumalaw si Joseph F. Smith sa tahanan ng animnapu’t tatlong gulang na si James Brown. Noong mas bata pa siya, kasamang nagmartsa si James ng Batalyong Mormon at nagmisyon sa Tahiti at mga karatig na pulo nito kasama sina Addison at Louisa Pratt, Benjamin Grouard, at iba pa. Gayunman, habang naglilingkod sa Anaa atoll noong 1851, dinakip si James sa mga maling paratang ng sedisyon at dinala sa Tahiti, kung saan siya ibinilanggo at kalaunan ay pinalayas mula sa mga pulo.19 Pinilit ng pamahalaan ang iba pang mga missionary na umalis din, at ang mission ay sarado mula noon.
Ngayon, halos apatnapung taon kalaunan, ang mga lider ng Simbahan ay nagsimulang magpalawak ng gawaing misyonero sa Timog Pasipiko. Noong Hulyo 1891, nagpadala ang Samoan mission ng dalawang batang elder, sina Brigham Smoot at Alva Butler, upang magsimulang mangaral sa Tonga. Makaraan ang anim na buwan, dalawang iba pang missionary mula sa Samoan mission, sina Joseph Damron at William Seegmiller, ang muling bumuhay ng gawaing misyonero sa French Polynesia, nagmiministeryo sa mga Banal na matagal nang nahiwalay sa loob at sa paligid ng Tahiti.20
Ngunit hindi maganda ang kalusugan ni Joseph Damron, at natagpuan nila ni William na halos lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lugar na iyon ay sumapi na sa Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints, na nagpadala ng mga missionary sa Timog Pasipiko ilang taon na ang nakararaan. Naniniwala ang dalawang lalaki na nangangailangan ang mission ng isang taong may mas maraming karanasan upang pamunuan ang gawain sa lugar na iyon.21
Sa bahay ni James sa Lunsod ng Salt Lake, inilabas ni Joseph F. ang isang liham na natanggap niya mula sa mga missionary sa Tahiti. “Nais mo bang tanggapin ang isa pang misyon sa mga Society Islands?” tanong niya kay James.
“Hindi ko ninanais na tawagin ako ng sinumang tao na maglingkod sa anumang misyon,” sinabi ni James sa kanya.22 Siya ngayon ay isang matandang lalaki na may tatlong asawa at maraming mga anak at apo. Hindi na maganda ang lagay ng kanyang kalusugan, at wala na ang kanyang isang binti dahil sa isang aksidente sa baril ilang taon na ang nakararaan. Ang pagpunta sa Timog Pasipiko ay magiging isang mahirap na gawain para sa isang tao na nasa kanyang kalagayan.
Iniabot ni Joseph F. ang liham kay James at hiniling sa kanyang basahin ito. Pagkatapos ay umalis siya na may pangakong babalik sa susunod na araw upang malaman kung ano ang naiisip ni James tungkol dito.23
Binasa ni James ang sulat. Malinaw na nahihirapan ang mga batang missionary. Bilang isa na lamang sa mga unang missionary na nabubuhay pa, si James ay may alam sa mga tao at sa kanilang wika na magtutulot sa kanya sa gumawa ng maraming kabutihan. Nagpasiya siya na tutungo siya kung hihilignin sa kanya ng Unang Panguluhan na pumunta sa Pasipiko. May pananampalataya siya na hindi hihilingin sa kanya ng Diyos na gumawa ng anumang bagay nang hindi siya binibigyang-kakayahan para gampanan ang tungkulin.24
Pagbalik kinabukasan ni Joseph F. Smith, tinanggap ni James ang tawag na magmisyon. Pagkaraan ng ilang linggo, nagpaalam siya sa kanyang pamilya at nilisan ang lunsod kasama ang kanyang anak na si Elando, na hinirang na maglingkod kasama niya.
Sina James, Elando, at isa pang missionary ay dumating sa Tahiti noong sumunod na buwan. Sinamahan nina elder Damron at Seegmiller ang mga bagong missionary sa tahanan ng isang lalaking Tahitian na nagngangalang Tiniarau, na nagbigay ng isang kama kung saan maaaring matulog sina James at ang kanyang anak. Matapos ang lubhang nakakapagod na paglalakbay, hindi iniwan ni James ang kanyang kuwarto sa loob ng ilang araw.25
Hindi nagtagal ay nagsimulang dumating ang mga bisita. Isa ay nanggaling sa Anaa at sinabing nakilala niya si James sa pamamagitan ng tinig nito. Ang iba ay kikilalanin siya sa gayon ding paraan, sabi ng lalaki, kahit na hindi nila siya kilala sa tingin. May ilang bisita na ipinanganak matapos maglayag pauwi ni James, ngunit sila ay natuwa pa ring salubungin siya. Isang matandang babae ang nakakilala sa kaniya at nagsimula siyang kamayan nang walang tigil kung kaya’t inisip niya kung ito ba ay bibitaw. Ito ay nasa Anaa, nalaman niya, nang siya ay dinakip ng mga opisyal na Pranses at inialis siya mula sa atoll sakay ng kanilang barkong pandigma.
Isang gabi, nakilala ni James ang isa pang lalaki mula sa Anaa, si Pohemiti, na nakaaalala siya. Sumapi si Pohemiti sa Reorganized Church, subalit nagagalak siya na muling makita si James at naglaan ng pagkain para sa kanya. Kung pupunta kayo sa Anaa, ipinangako niya sa mga missionary, pakikinggan kayo ng mga tao roon.26
Sa Harvard University, tumatanggap si John Widtsoe ng maraming liham mula sa kanyang ina at kapatid na nasa Lunsod ng Salt Lake. Ang kanilang mga salita ay laging puno ng payo at panghihikayat. “Sinabi ni Inay na dapat kang maging maingat sa iyong mga eksperimento sa kimika,” sumulat sa kanya si Osborne isang araw. “Nabasa niya ang tungkol sa isang propesor na nawalan ng paningin sa dalawang mata dahil sa pagsabog o sa kahalintulad na pangyayari.”27
“Ang lahat ng bagay ay magiging wasto sa iyo,” isinulat ni Anna nang mas may tiwala. “Lagi mo lamang ituon ang iyong sarili sa paggawa ng mabuti sa lahat ng tao gamit ang lahat ng mayroon ka at mapapasaiyo, upang iyong mapaglingkuran Siya na siyang Lumikha ng lahat ng mabubuting bagay at hindi nagsasawa sa paggawa ng lahat ng bagay na mas mainam at mas maganda para sa Kanyang mga anak.”28
Nang isang karwaheng hila ng kabayo ang naghatid kay John sa Harvard isang taon bago iyon, namangha siya sa kasaysayan at tradisyon ng unibersidad. Sa gabi ay nangangarap siya tungkol sa pagtatamo sa lahat ng kaalaman sa mundo nang hindi nag-aalala kung gaano katagal maging bihasa sa bawat paksa.
Nang magsimula siyang mag-aral para sa kanyang pagsusulit para makapasok sa unibersidad, na kanyang kukunin sa taglagas, nalula siya sa dami ng kailangan niyang matutuhan. Tiningnan niya ang napakaraming aklat mula sa silid-aklatan ng kampus at pinag-aralan ang mga pahina. Subalit pinanghinaan siya ng loob nang matanto niya kung gaano kahirap lubusang matutuhan ang isang paksa man lamang. Siya ba, na isang maralitang nandayuhan mula sa Norway, ay kayang makipagsabayan sa kanyang mga kaklase? Marami sa kanila ang nakatanggap ng primera klaseng edukasyon sa ilan sa pinakamahuhusay na paaralan sa Estados Unidos. Naihanda ba siya ng kanyang pag-aaral sa Utah para sa kung ano ang naghihintay sa kanya sa hinaharap?
Nakadagdag lamang ang pangungulila sa pag-aalala ni John sa mga unang buwang iyon, at pinagnilayan niya ang pag-uwi. Ngunit nagdesisyon siyang manatili, at siya ay nagpatuloy at naipasa ang kanyang pagsusulit para makapasok sa unibersidad, kabilang na ang kanyang pagsusulit sa Ingles, kahit na pangalawang wika niya ang Ingles.
Ngayon, matapos ang isang taon ng kanyang pag-aaral, mas may tiwala na si John sa kanyang pag-aaral. Nanirahan siya sa isang paupahang bahay kasama ang iba pang mga batang Banal sa mga Huling Araw na nag-aaral sa Harvard at mga kalapit na paaralan. Matapos ang maraming panalangin, pinili niya ang kimika bilang pangunahing pinagtutuunan ng kanyang pag-aaral. Ang ilang iba pang mga estudyante na Banal sa mga Huling Araw ay nais maging siyentipiko, samantalang ang iba ay nag-aaral para sa mga propesyon sa larangan ng pagiging inhinyero, abogasya, medisina, musika, arkitektura, at negosyo. Tulad ng maraming mga estudyante sa kolehiyo, madalas nasisiyahan ang mga kabataang lalaki sa maiingay na debate sa isa’t isa tungkol sa mga matatalinong paksa.29
Noong Hulyo 1892, si James Talmage, isang kapwa kimiko at respetadong iskolar sa Simbahan, ay bumisita sa Boston upang magsaliksik at mangolekta ng mga kasangkapan sa laboratoryo para sa unibersidad ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake.30 Ang kaibigan ni James at dating kamag-aaral na si Susa Gates ay dumating din sa Harvard para sa isang kurso sa Ingles noong tag-init.
Napahanga ni Susa si John bilang isang mahusay na tagapagsalita at mahusay na manunulat. Siya naman, sa kabilang banda, ay humanga sa likas na pino at artistikong katangian ni John, at agad silang naging magkaibigan. “Mayroong isang binatilyo dito, guwapo at tahimik, masipag mag-aral at mahiyain,” isinulat ni Susa sa isang liham sa kanyang anak na si Leah, na halos kaedad ni John. “Siya ay may mabuting pagkatao at sa katunayan ang pinakamahusay na iskolar sa lahat. Palagay ko ay magugustuhan mo siya.”
“May pagdududa ako kung tunay ngang marunong siyang sumayaw,” malungkot na pansin ni Susa, “ngunit kasinglaki ng kay James Talmage ang kanyang utak at sa aking panignin ay may kasama itong guwapong mukha.”31
Matapos magtago nang mahigit dalawang taon, sina Lorena Larsen at kanyang mga anak ay muling nagkaroon ng sariling tahanan sa Monroe, Utah, di-kalayuan sa kung saan nakatira ang kanyang asawa, si Bent, na kapiling ang unang asawa nito, si Julia.32 Ngunit kahit na ang Monroe ay ang bayang sinilangan ni Lorena, hindi niya laging nadaramang tanggap siya roon.
Sa buong Simbahan, maraming maramihang pamilya ang patuloy na namumuhay na tulad ng ginagawa nila noon, tiwala na ginagawa nila ang kalooban ng Diyos. Gayunman, ilang miyembro ng Simbahan sa Monroe ang naniniwala na makasalanan para sa isang tao ang patuloy na magkaroon ng mga anak sa kanyang maramihang asawa. Nang naging malinaw na si Lorena ay nagdadalantaong muli, ang ilan sa kanyang mga kapitbahay at mga kapamilya ay nagsimula na hayagang magkutya sa kaniya.
Natatakot ang ina ni Bent na magiging sanhi si Lorena na maitapon pabalik sa piitan ang kanyang anak na lalaki. Sinabi ng kapatid na babae ni Lorena na ang buntis na maramihang asawa ay hindi nakahihigit sa isang taong nagkasala ng pakikiapid. At isang araw ang sariling ina ni Lorena, na siya ring pangulo ng Relief Society ng ward, ay pumunta sa kanyang bahay at sinumbatan siya sa patuloy na pagkaroon ng mga anak kay Bent.33
Noong gabing iyon, matapos magsibak ng kahoy si Bent para sa kanya at sa mga bata, sinabi ni Lorena sa kanya kung ano ang sinabi ng kanyang ina. Ngunit sa halip na makiramay kay Lorena, sinabi ni Bent sa kanya na sang-ayon ito sa kanyang biyenan. Tinalakay niya ang bagay na iyon sa kanyang mga kaibigan, at naisip nila na ang isang lalaking may maramihang asawa ay walang ibang maaaring gawin kundi manatili sa kanyang unang asawa at makipagdiborsyo sa iba. Siya at si Lorena ay mananatiling magkabuklod, ngunit kailangan nilang maghintay hanggang sa kabilang buhay upang maging magkasamang muli.
Hindi halos makapagsalita si Lorena. Mula noong inilabas ang Pahayag, paulit-ulit na sinabi sa kanya ni Bent na hindi siya kailanman tatalikuran nito. Ngayon, iiwan siya at ang kanyang mga anak, at ilang linggo na lamang bago ang araw ng kanyang panganganak.
Magdamag na nag-usap ang mag-asawa. Habang umiiyak si Lorena, sinabi sa kanya ni Bent na hindi mapapalitan ng mga luha ang realidad ng kanilang sitwasyon.34
“Kung hindi ako naniniwala na iyong iniisip na ginagawa mo ang paglilingkod sa Diyos,” sinabi ni Lorena kay Bent, “hindi kita mapapatawad.”
Matapos umalis ni Bent, nanalangin si Lorena upang humingi ng lakas at karunungan. Habang nagsisimulang sumilip ang bukang-liwayway sa mga bundok, natagpuan niya si Bent na nagtatrabaho sa isang sabsaban sa likod ng bahay ni Julia at sinabi niya rito na kailangan nitong sumama sa kaniya kahit hanggang ipanganak ang kanilang sanggol. Pagkatapos niyon, sabi niya, maaari itong magpunta saanman nito gusto. Ang Diyos ang tanging kanyang kaibigan ngayon, at siya ay bumabaling sa Kanya para sa tulong.35
Nagsilang si Lorena ng anak na babae pagkaraan ng dalawang linggo. Noong ang sanggol ay limang araw na gulang, nanaginip si Lorena tungkol sa pagpanaw at natatarantang nagising. Mapagkakatiwalaan ba niya si Bent upang pangalagaan ang kanilang mga anak kung siya ay papanaw? Naglaan ito para sa kanya at sa mga bata sa kabuuan ng kanyang pagbubuntis, tulad ng ipinangako nito. Subalit bihira siyang nakikisalamuha sa mga bata, at kung ginagawa niya ito, ang kanyang mabibilis at mga asiwang pagbisita ay madalas na iniiwan silang nakadarama na tila isang estranghero ang bumisita sa gabing iyon.
Nang sinabi ni Lorena kay Bent ang tungkol sa kanyang mga pahiwatig, pinagwalang-bahala lamang niya ito. “Panaginip lamang iyon,” sabi niya. Nakadarama pa rin ng pagkabalisa, madalas siyang manalangin noong sumunod na buwan, nangangako sa Panginoon na matiyaga niyang titiisin ang kanyang mga pagsubok at gagawin ang lahat ng kanyang makakaya upang maisulong ang Kanyang gawain, kabilang ang gawain sa templo.36
Limang linggo pagkaraan ng panaginip ni Lorena, isang marshal ang dumakip sa kanya at kay Bent dahil sa labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal. Pinakawalan sila ng korte sa piyansa na umaasang magbibigay-salaysay si Lorena sa hukuman laban kay Bent kapag nag-umpisa ang kanyang paglilitis kalaunan sa taong iyon.
Ang pagdakip at ang paghamak na nadama ni Lorena mula sa pamilya at mga kaibigan ay masyadong matindi para kanyang tiisin. Hindi tiyak kung ano ang gagawin, ipinagtapat niya ang lahat ng kanyang saloobin kay apostol Anthon Lund, ang pangulo ng Manti temple. Umiyak si Anthon habang pinakikinggan nito ang kanyang kuwento. “Lumakad nang diretso sa gitna ng mga panlalait at pangungutya ng lahat,” ipinayo nito sa kanya. “Ikaw ay nasa maayos na kalagayan.”37
Sinusunod ang payo ng apostol, nagpatuloy si Lorena sa kanyang buhay. Ang kanyang nakababahalang panaginip, at ang mga panalanging sumunod, ay tumulong sa kanya na maging mas mapagpasensya, mas kayang tiisin ang kanyang mga pagsubok, at mas nagpapasalamat sa Panginoon para sa kanyang buhay. Nakita rin ni Bent na ang kanyang pagpapabaya kay Lorena ay nagdulot ng matinding pagdurusa, at siya at si Lorena sa huli ay nagpasiya na magpatuloy sa kanilang buhay nang magkasama, kahit na hindi ito magiging madali.
Noong Setyembreng iyon, umamin ng pagkakasala si Bent sa paratang na labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal, at hinatulan siya ng hukom na makulong nang isang buwan sa piitan. Ang parusa ay hindi ganoon kalubha hindi tulad ng mga nakaraang taon bago iyon, noong nasintensyahan ng anim na buwan si Bent sa katulad na kaso. Sa katunayan, mula noong inilabas ang Pahayag, ang mga hatol para sa mga labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal ay kadalasang mas maikli kaysa noon. Ngunit ito ay isang paalala na kung ipagpapatuloy nina Lorena at Bent ang kanilang relasyon, ang mga bunga ay maaaring mahirap pasanin.38
Gayunpaman, ito ay isang panganib na handang harapin ng mag-asawa.