“Ang Mga Tao ay Nagpapanibago,” kabanata 17 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)
Kabanata 17: “Ang Mga Tao ay Nagpapanibago”
Kabanata 17
Ang Mga Tao ay Nagpapanibago
Habang nagdala ng niyebe at yelo ang taglamig ng 1856–57 sa Lambak ng Salt Lake, naglilingkod si Joseph F. Smith sa Big Island ng Hawaii. Tulad ni George Q. Cannon, mabilis niyang natutuhan ang wikang Hawaiian at naging isang lider ng mission. Ngayon, halos tatlong taon matapos matanggap ang kanyang paghirang, siya ay labingwalong taong gulang na at sabik na magpatuloy sa paglilingkod sa Panginoon.1
“Hindi ko nadarama na akin nang nagawa ang misyon ko,” sulat niya sa kanyang kapatid na si Martha Ann, “at hindi ko nais umuwi hanggang sa magawa ko ang kailangan kong gawin.”2
Hindi nagtagal pagkaraan niyon, nakatanggap ng liham si Joseph mula sa kanyang kapatid na si John sa Utah. “Lumipas ang Pasko, at ang Bagong Taon ay kaagad na sumunod rito,” iniulat ni John. “Walang kasiyahan.” Bagama’t karaniwang nagkakasiyahan ang mga Banal sa mga malalaking sayawan at salu-salo sa panahon ng kapaskuhan, hindi hinimok ng mga lider ng Simbahan ang mga gayong kasiyahan ngayong taon. Ang moral na pagbabagong pinasimulan ni Jedediah Grant noong nakaraang taglagas ay isinasagawa pa rin, at ang mga gayong pagdiriwang ay itinuturing na di-naaangkop.
“Nalimutan natin ang ating sarili at hindi naging mapagbantay nang nararapat, isinantabi ang ating relihiyon, at hinayaan ang ating sarili na madaig ng mga bagay na temporal,” dagdag na paliwanag ni John. Kamakailan lamang na tinawag bilang nangungulong patriyarka ng Simbahan, isang katungkulan na itinaglay ng kanyang ama at lolo, ang dalawampu’t apat na taong gulang na si John ay lubusang sumuporta sa pagbabago, bagama’t ang kanyang matinding pagkamahiyain ay pumigil sa kaniyang sumama sa iba pang mga lider sa pangangaral sa publiko.3
Inilarawan ng ibang mga sulat mula sa bahay ang repormasyon kay Joseph. Mula noong Setyembre, muling nagbibinyag ang mga lider ng Simbahan sa mga nagsisising Banal sa anumang malapit na anyong tubig—kahit na kinailangan nilang bumasag ng yelo upang gawin ito.4 Bukod pa rito, ang Unang Panguluhan ay nag-atas sa mga bishop na tumigil sa pangangasiwa ng sakramento sa kanilang mga ward hanggang sa ang iba pang mga Banal ay muling mabinyagan at mapatunayan ang kahandaan nilang sundin ang kanilang mga tipan.5
Ang tiyahin ni Joseph na si Mercy Thompson ay naniwala na ang repormasyon ay nagkakaroon ng positibong epekto sa kanya at sa mga Banal. “Ako ay nakadarama ng pagkamangha sa mga pakikitungo ng Panginoon sa akin,” isinulat niya kay Joseph. “Nadarama ko na tinupad ng Panginoon ang higit pa sa Kanyang mga pangako sa akin.”6
Upang makahikayat ng kabutihan, ipinaalala ng mga lider ng Simbahan sa mga Banal na hayagang ipagtapat ang kanilang mga kasalanan sa mga pulong ng ward. Sa isang liham kay Joseph, isinulat ni Mercy ang tungkol kay Allen Huntington, isa sa mga binatang tumulong itawid ang mga nandarayuhang gumamit ng kariton sa Ilog Sweetwater. Si Allen ay isang binatang walang taros, subalit hindi nagtagal matapos ang pagsagip sa mga kariton, tumayo siya sa Sugar House Ward, inamin ang kanyang mga nagawang kasalanan, at nagsalita tungkol sa kung paano nabago ng pagsagip ang kanyang puso.
“Nakita niya nang lubusan ang kapangyarihan ng Diyos kaya siya ay tunay na nagsaya habang naglalakbay upang matulungan ang mga grupo sa daan at tinulungan ang mga itong matapos ang paglalakbay patungo sa Lunsod ng Salt Lake,” iniulat ni Mercy. “Hinikayat niya ang kanyang mga batang kaibigan na talikuran ang kanilang mga kamalian at hangaring itatag ang kaharian ng Diyos. Napaiyak sa galak ang kanyang ina. Tumayo ang kanyang ama at ipinahayag na ito ang pinakamasayang panahon na nakita niya.”7
Ang ilang mga lalaki ay tinatawag din bilang mga “home missionary” upang bisitahin ang mga pamilya sa Simbahan. Sa mga pagbisitang ito, naglalahad ang mga missionary ng mga pangkat ng mga pormal na tanong upang malaman kung gaano tinutupad ng mga kapamilya ang Sampung Utos, minamahal ang bawa’t isa at kanilang mga kapitbahay, at sumamba kasama ang mga miyembro ng kanilang ward.8
Habang hinihikayat nila ang higit na pagpapabuti, hinirang ng mga lider ng Simbahan ang mas maraming lalaki at babae na isabuhay ang maramihang pag-aasawa. Hindi nagtagal matapos magsimula ang repormasyon, hinikayat ni Brigham Young si John Smith na magpakasal ng pangalawang asawa. Ang ideya na magpapakasal si John sa ibang babae ay bumagabag sa kanyang asawa, si Hellen, nang lubusan. Subalit kung nais ng Panginoon si John na magpakasal sa ibang babae upang sundin ang alituntunin, sa gayon ay nais ni Hellen na isagawa ang seremonya ng kasal sa lalong madaling panahon. Marahil ang pamumuhay ng alituntunin ay mas madali pagkatapos.
Pinakasalan ni John ang isang babaeng nagngangalang Melissa Lemmon. “Ito ay mahirap para sa akin, ngunit salamat sa Panginoon na ito ay nagwakas na,” iniliham ni Hellen kay Joseph sa Hawaii. “Sinusubukan ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa lahat ng bagay, at sa aking palagay ay ito ang pinakamatinding pagsubok. Subalit nanalangin ako sa aking Ama sa Langit na bigyan ako ng karunungan at lakas ng isipan upang tumayo sa bawat pagsubok habang dumarating ang mga ito.”9
Nalaman din ni Joseph ang mas marami pa tungkol sa repormasyon sa mga liham mula sa kanyang kapatid na si Martha Ann. “Nabinyagan ako at nagsisimula na ipamuhay ang aking relihiyon,” isinulat niya noong Pebrero. “Nagsisimula pa lamang ako na matanto ang aking mga pagkakamali at iwasto ang aking mga pamamaraan.” Pagkaraan ng ilang buwan ng pakikipagtunggali kay Hellen, sa wakas ay nakipagbati na si Martha Ann sa kanyang hipag.10
“Ang mga tao ay nagbabago, at mabuti na ang kanilang pakikitungo sa akin ngayon,” sinabi ni Martha Ann kay Joseph. “Lahat kami ay mabubuting kaibigan.”11
Dahil maraming kabataan sa kanyang ward ang nagpapakasal, inisip ni Martha Ann kung panahon na upang magpakasal din siya. Lihim niyang itinatangi si William Harris, ang anak sa iba ng asawa ni Bishop Abraham Smoot. “Ang aking kamay ay nanginginig kapag sinasabi kong iniirog, ngunit ito ay gayon, at tunay ngang gayon,” ipinagtapat niya kay Joseph. “Siya ay isang mabuting binata at nakamit ang aking pagsinta.”
Nagsumamo siya sa kanyang kapatid na ingatan ang lihim. “Huwag kang magbabanggit ng anuman tungkol dito sa alinman sa iyong mga liham maliban sa akin,” isinulat niya, “at sabihin mo sa akin kung ano ang nasasaisip mo tungkol dito.”
Gayunman, hindi magtatagal ay lilisan si William para sa isang misyon sa Europa, na itinuring ni Martha Ann bilang isang matinding pagsubok. “Nalalampasan ko na ito ngayon; ibig sabihin, sinisikap kong daigin ito,” nalulungkot siyang nagwika sa kanyang liham. “Sa aking palagay ang lahat ay nasa mabuting kalagayan na.”12
Sa tagsibol ng 1857, nasisiyahan sina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan sa pagbabago ng mga Banal at ipinanumbalik ang sakramento sa buong Simbahan. Paulit-ulit na iwinika ni Brigham na ang mga Banal ay “mga taong pinagpala ng Diyos.”13
Subalit may ilang suliranin na lumitaw sa panahon ng repormasyon. Marahas na nagsalita ang mga lider ukol sa mga nag-apostasiya at mga mamamayan na hindi miyembro ng Simbahan. Dahil natatakot, ilang tao ang lumisan sa teritoryo. Ang mga bishop, mga home missionary, at mga miyembro ng Simbahan ay minsanan ding nagtutunggali kapag ang madalas na mga pagdalaw at pampublikong pagtatapat ay napatunayang nakakahiya, nakagagambala, o nakakatakot. Sa paglipas ng panahon, sinimulan ng mga lider ng Simbahan na manghikayat na gawin ang mga panayam at pagtatapat sa pribadong lugar.14
Karaniwang ginagamit ng mga lider ng Simbahan ang katamtaman at nakasisiglang pananalita sa kanilang mga mensahe upang hikayatin ang mga Banal na gawin ang mas mainam. Gayunman, ang Aklat ni Mormon ay nagbigay ng mga malilinaw na halimbawa kung paanong ang pagpapakita ng matitinding pangangaral ay maaaring magbigay-inspirasyon sa mga tao na magbago, at ang mga lider ng Simbahan ay madalas na gumamit ng matinding pananalita noong taglamig na iyon upang hikayatin ang mga Banal na magsisi. Kung minsan, kinakailangan pang magsipi nina Brigham at iba pa mula sa mga kasulatan ng Lumang Tipan upang ituro na ang ilang mabibigat na kasalanan ay mapapatawad lamang sa pamamagitan ng pagpapadanak ng dugo ng makasalanan.15
Ang gayong mga turo ay kapareho ng paggamit ng mga katagang apoy ng impiyerno at asupre ng mga mangangaral noong Protestant revival na tinatakot ang mga makasalanan upang sila ay magbago.16 Nauunawaan ni Brigham na kung minsan ay hinahayaan niyang maging labis ang kanyang mga nag-aapoy na mensahe, at hindi niya layon na hatulan ang mga tao sa kamatayan dahil sa kanilang mga kasalanan.17
Isang araw ay nakatanggap si Brigham ng liham mula kay Isaac Haight, ang stake president sa Lunsod ng Cedar, tungkol sa isang lalaking ipinagtapat ang nagawa niyang seksuwal na kasalanan kasama ng kanyang nobya matapos niyang matanggap ang kanyang endowment. Mula noon ay pinakasalan na ng lalaki ang babae at sinabi na gagawin niya ang lahat upang pagsisihan ang kanyang kasalanan, kahit na nangangahulugan ito ng pagdanak ng kanyang dugo.
“Maaari mo bang sasabihin sa akin kung ano ang sasabihin sa kanya?” tanong ni Isaac.
“Sabihin mo sa binata na humayo at huwag nang magkasala, magsisi ng lahat ng kanyang mga kasalanan, at mabinyagan para sa parehong dahilan,” sagot ni Brigham.18 Sa gitna ng mga mahihigpit na paninita ng repormasyon, madalas niyang payuhan ang mga lider na tulungan ang mga makasalanan na magsisi at humingi ng awa. Kapwa ang marubdob na mga mensahe ni Brigham at ang kanyang payo sa awa ay nilayon upang tulungan ang mga Banal na magsisi at mas mapalapit sa Panginoon.19
Sa pagtatapos ng kanilang panahon ng repormasyon, ang mga Banal ay muling nakadama ng pagkabigo sa mga opisyal ng teritoryo na hinirang ng pamahalaang pederal. Noong unang bahagi ng 1857, nagpetisyon ang lehislatura ng Utah kay James Buchanan, ang bagong halal na pangulo ng Estados Unidos, na bigyan sila ng higit na kalayaang magtalaga ng kanilang sariling mga lider ng pamahalaan.
“Lalabanan namin ang anumang pagtatangka ng mga opisyal ng pamahalaan na pawalang-saysay ang aming mga batas sa teritoryo,” kanilang pagbababala, “o ipagpilitan sa amin ang mga yaong hindi angkop at tunay na walang bisa sa teritoryong ito.”20
Ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, samantala, ay dismayado rin sa poot ng mga Banal sa mga taga-labas, pananakot sa mga lider na itinalaga ng pederal na pamahalaan, at kawalan ng paghihiwalay ng simbahan at estado sa pamahalaan ng teritoryo. Noong Marso, ilang opisyal ang nagbitiw sa kanilang mga pagkakatalaga at bumalik sa silangan dala ang mga kuwento tungkol sa maramihang pag-aasawa ng mga Banal at tila hindi demokratikong pamahalaan, tulad ng ginawa nina Perry Brocchus at ng iba pa ilang taon na ang nakararaan.
Noong unang bahagi ng tag-init na iyon, matapos matunaw ang niyebe sa kapatagan at muling nagbukas ang mga ruta ng koreo, nalaman ng mga Banal na ang kanilang kahilingang may matalas na pagkakasulat at mga ulat ng kanilang pagtrato sa mga dating opisyal ng teritoryo ay lubhang nagpabahala at nagpagalit kay Pangulong Buchanan at sa kanyang mga tagapayo. Itinuring ng pangulo ang kilos ng mga Banal bilang mapanghimagsik, at nagtalaga siya ng mga bagong tao sa mga bakanteng katungkulan sa Utah.21 Ang mga pahayagan sa silangan at mga pulitiko, samantala, ay hiningi na gamitin niya ang aksyong militar upang patalsikin si Brigham bilang gobernador, pigilan ang nababalitang pagrerebelde ng mga Banal, at tiyakin na ang mga bagong opisyal ay nakaupo at protektado.
Sa mga kritiko nito, ang plano ay tila labis at magastos, subalit ang mga bali-balita na ang Pangulo ay nilayong isagawa ito ay mabilis na kumalat. Nakita ni Buchanan bilang kanyang tungkulin ang itatag ang pederal na awtoridad sa Utah. Noong panahong iyon, nakakaranas ang Estados Unidos ng malaking kaguluhan hinggil sa mga usapin ng pang-aalipin, at maraming tao ang natatakot na ang mga may-ari ng alipin sa mga estado sa katimugan ay maaaring bumuo ng kanilang sariling bansa. Ang pagpapadala ng hukbo sa Utah ay maaaring pumigil sa ibang rehiyon mula sa paghamon sa pamahalaang pederal.22
Dahil patapos na ang kanyang termino bilang gobernador, inaasahan ngayon ni Brigham ang pangulo na magtalaga ng isang tagalabas na humalili sa kanya. Hindi makakaapekto ang pagbabago sa katayuan niya sa mga Banal, ngunit ito ay magpapahina sa kakayahan niyang tulungan sila sa pulitika. Kung tatanggalin siya ng pangulo mula sa katungkulan at magpadala ng isang hukbo upang maipatupad ang pagbabago, magiging kaunti ang pag-asa ng mga Banal para sa isang sariling pamumuno. Muli silang mapapailalim sa mga naisin ng mga taong nilibak ang kaharian ng Diyos.23
Mga isang buwan matapos marinig ni Brigham ang mga usap-usapan tungkol sa mga intensyon ni Buchanan, nalaman niya na pinaslang si apostol Parley Pratt. Ang pumaslang sa kanya, si Hector McLean, ay ang hiniwalayang asawa ni Eleanor McLean, isa sa pangmaramihang asawa ni Parley. Sumapi si Eleanor sa Simbahan sa California pagkaraan ng ilang taong pagdurusa sa pang-aabuso ni Hector at pagkalulong nito sa alak. Sinisi ni Hector si Parley noong iniwan siya ni Eleanor, at ipinadala niya ang kanilang mga anak na tumira sa piling ng mga kamag-anak sa katimugang Estados Unidos. Tinangka ni Eleanor na muli niyang makasama ang kanyang mga anak, at hindi nagtagal ay sumunod si Parley upang alalayan siya. Gayunman, noong Mayo 1857, tinugis ni Hector si Parley at malupit niya itong pinaslang.24
Labis na ikinagulat nina Brigham at ng mga Banal ang pagpatay kay Parley. Sa loob ng mahigit dalawampu’t limang taon, si Parley ay isang nangungunang manunulat ng mga Banal sa mga Huling Araw at isang missionary. Ang kanyang polyetong A Voice of Warning [Isang Tinig ng Babala] ay nakatulong na dalhin ang hindi mabilang na dami ng tao sa Simbahan. Dahil sa pagkawala ng kanyang walang kapagurang paglilingkod at walang-katulad na tinig ay lubhang nasaktan ang mga Banal.
Subalit ipinagdiwang ng mga patnugot ng mga pahayagan sa buong bansa ang pagpatay kay Parley. Para sa kanila, nasa katwirang pinaslang ni Hector McLean ang lalaking sumira ng kanyang tahanan. Isang pahayagan ang nagmungkahi pa na italaga ni Pangulong Buchanan si Hector bilang bagong gobernador ng Utah.25
Tulad ng ibang umusig sa mga Banal sa Missouri at Illinois, hindi naparusahan ang pumaslang kay Parley para sa krimen nito.26
Sa pagtindi ng tensyon sa pagitan ng mga Banal at pamahalaan ng Estados Unidos, naghanda si Martha Ann Smith na magpaalam kay William Harris, na di-magtatagal ay lilisan para sa European mission. Inaasahan ni Martha Ann na pakakasalan niya si William pag-uwi nito. Noong araw na nakipagkita ito sa Unang Panguluhan upang maitalaga para sa misyon nito, tinulungan niya ang ina nito na si Emily Smoot, na ihanda ang mga kagamitan nito para sa paglalakbay.
Habang nagtatrabaho sila, biglang pumasok si William sa silid. “Isuot mo ang iyong sumbrero, Martha, at sumama ka,” sabi nito. Habang itinatalaga si William, iminungkahi ni Brigham Young na dalhin ni William si Martha Ann sa lunsod at pakasalan ito bago siya umalis patungong Europa.
Gulat na gulat, bumaling si Martha Ann kay Emily. “Ano ang gagawin ko? “Ano ang dapat kong gawin?” tanong niya.
“Honey,” sabi ni Emily, “isuot mo ang damit na kalenkor at humayo.”
Mabilis na nagbihis si Martha Ann sa kanyang damit na kalenkor at sumakay sa bagon sa tabi ni William. Sila ay ikinasal sa Endowment House, at lumipat si Martha Ann upang manirahan kasama ni William at ng pamilya Smoot. Makalipas ang dalawang araw, isinakay ni William ang kanyang mga kagamitan sa isang kariton at nilisan ang lambak kasama ang isang grupo ng pitumpu pang mga missionary.27
Nang dumating ang mga missionary sa Lunsod ng New York makalipas ang ilang linggo, nagulat si William sa poot na nadama ng marami para sa mga Banal. “Naririnig namin ang lahat ng uri ng pang-aabuso tungkol sa mga Mormon at sa mga awtoridad ng Simbahan,” iniliham niya kay Joseph F. Smith, ang kanyang bagong bayaw. “Ang paksa ng talakayan ay Utah, Utah sa bawat pahayagan na makikita mo. Sinabi nila na sila ay magpapadala ng gobernador para sa Utah at mga sundalo, at ipatutupad niya ang batas ng Estados Unidos, palalayain ang mga babae, at kung lalaban si Young, bibigtiin siya sa leeg.”28
Noong Hulyo 24, 1857, sa ikasampung anibersaryo ng pagdating ng mga Banal sa lambak, sumama ang pamilya Smoot kay Brigham Young at dalawang libong iba pang mga Banal sa isang piknik sa lawa sa bundok sa silangan ng Lunsod ng Salt Lake. Ang mga banda ng torotot mula sa iba’t ibang pamayanan ay tumugtog habang ginugol ng mga Banal ang umaga sa pangingisda, pagsasayaw, at pagdalaw sa isa’t isa. Nagwawagayway ang mga bandila ng Amerika mula sa tuktok ng dalawang matataas na puno. Sa kabuuan ng umaga, nagpaputok ang mga Banal ng mga kanyon, pinanood ang militar na pagtatanghal ng milisya ng teritoryo, at nakinig sa mga talumpati.
Bandang tanghali, gayunman, sina Abraham Smoot at Porter Rockwell ay pumasok sa kampo, inaantala ang mga kasiyahan. Kababalik lamang ni Abraham mula sa isang biyaheng opisyal ng Simbahan sa silangang Estados Unidos. Habang nasa daan, nakita niya ang mga bagon na may kargamento na naglalakbay pakanluran upang tustusan ang isang hukbo ng isanglibo’t limandaang mga sundalo na ngayon ay opisyal na ipinadala ng pangulo sa Utah kasama ang isang bagong gobernador. Inihinto rin ng pamahalaan ang serbisyo ng koreo sa Teritoryo ng Utah, epektibong pinuputol ang komunikasyon sa pagitan ng mga Banal at ng Silangan.29
Kinabukasan, nagbalik sina Brigham at ang mga Banal sa lunsod upang paghandaan ang paglusob. Noong ika-1 ng Agosto, si Daniel Wells, ang kumander ng milisya ng teritoryo, ay nag-utos sa kanyang mga opisyal na ihanda ang bawat komunidad para sa digmaan. Kinakailangan ng mga Banal na mag-ipon ng mga panustos, walang hinahayaang masayang. Pinagbawalan niya ang mga ito sa pagbebenta ng mga butil at iba pang mga panustos sa mga bagon na patungo sa California. Kung lulusubin ng hukbo ang lambak, kakailanganin ng mga Banal ang bawat katiting ng kanilang suplay upang mabuhay.30
Hiniling din ni Brigham sa mga mission president at mga lider ng Simbahan sa mga branch sa mga liblib na lugar at mga pamayanan na magpauwi ng mga missionary at iba pang mga Banal sa Utah.
“Pauwiin ang mga elder na naglilingkod doon sa anumang haba ng panahon,” iniatas niya kay George Q. Cannon na ngayon ay namumuno sa Pacific mission sa San Francisco. “Hikayatin ang lahat nang maaari sa ating mga kabataang lalaki na bumalik, sapagkat ang kanilang mga magulang ay labis na nananabik na makita sila.”31
Narinig ni Brigham ang mga usap-usapan na si Heneral William Harney, isang lalaking kilala sa kanyang kalupitan, ang namumuno sa hukbong patungo sa Utah. Bagama’t sinabi ni Harney na siya ay walang pagkapoot sa karamihan ng mga Banal, sinasabing determinado siyang parusahan sina Brigham at iba pang mga lider ng Simbahan.32
“Kung ako man ay bibitayin nang mayroon o walang hatol,” pagbabakasakali ni Brigham, “ay pagpapasiyahan pa.”33
Habang ang mga Banal sa loob at sa paligid ng Lunsod ng Salt Lake ay naghahanda para sa paglusob, binisita ni George A. Smith ang mga pamayanan ng teritoryo na nasa timog upang balaan sila tungkol sa paparating na hukbo. Noong ika-8 ng Agosto, dumating siya sa Parowan, isang bayan na natulungan niyang maitatag, anim na taon na ang nakararaan. Ang mga Banal doon ay nagmahal at nagtiwala sa kanya.34
Ang balita tungkol sa hukbo ay umabot na sa bayan, at ang lahat ay nababahala. Natatakot sila na ang mga karagdagang hukbo mula sa California ay unang sasalakay sa katimugang Utah, lulusubin ang mga mas mahihinang pamayanan doon bago umakyat pahilaga. Ang mga hikahos sa buhay na pamayanan tulad ng Parowan, umiiral sa gilid ng buhay at kamatayan, ay walang lakas laban sa hukbo.35
Nag-alala si George para sa kaligtasan ng kanyang pamilya at mga kaibigan sa lugar. Nilayon ng hukbo na maglunsad ng digmaan ng pagpuksa laban sa Simbahan, sinabi niya sa kanila. Upang matiyak ang kanilang kaligtasan, hinikayat niya ang mga Banal sa Parowan na magbigay ng labis na butil sa kanilang bishop upang itabi para sa darating na kawalang-katiyakan. Dapat din nilang gamitin ang lahat ng kanilang mga lana upang gumawa ng mga damit.36
Kinabukasan, mas marubdob na nagsalita si George. Ang Simbahan ay kinamumuhian doon sa silangan, iwinika niya. Kung ang mga Banal ay hindi magtitiwala sa Diyos, sila ay hahatiin ng hukbo sa dalawa at madali silang malulupil.
“Pangalagaan ang inyong mga panustos, sapagkat kakailanganin natin ito,” iniatas niya. Batid niyang maaaring matukso ang mga Banal na tulungan at pakainin ang mga kawal sa pagdating ng mga ito—maaaring dahil sa kabaitan o sa hangaring makinabang mula sa kanila.
“Pagbibilhin ninyo ba sila ng butil o nahanap na pagkain?” Tinanong ni George. “Sinasabi kong isumpa ang lalaki na nagbubuhos ng langis at tubig sa kanilang mga ulo.”37