“Isang Matatag at Pasulong na Pagkilos,” kabanata 30 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)
Kabanata 30: “Isang Matatag at Pasulong na Pagkilos”
Kabanata 30
Isang Matatag at Pasulong na Pagkilos
Nang dumating si Wilford Woodruff sa Lunsod ng Salt Lake tatlong araw pagkamatay ni Brigham Young, libu-libong nananangis ang nakapila sa loob ng tabernakulo kung saan nakahimlay ang mga labi ni Brigham. Ang kabaong ng propeta ay simple at may takip na salamin, na nagpapahintulot sa mga Banal na masdan ang kanyang mukha sa isa pang pagkakataon.
Naniniwala ang mga Banal sa Utah na ang pamumuno ni Brigham ang nakatulong na tuparin ang propesiya ni Isaias tungkol sa disyerto na namumulaklak na gaya ng rosas. Sa ilalim ng pamamahala ni Brigham, pinatubigan ng mga Banal ang mga lambak ng mga bundok, dinidiligan ang mga sakahan, mga hardin, mga halamanan, at mga pastulan na tumutustos sa ilang daang pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Karamihan sa mga pamayanang ito ay naging matatag, at nagtaguyod ng mga komunidad ng mga Banal na nagsisikap na ipamuhay ang mga alituntunin ng pagkakaisa at kooperasyon. Ilang pamayanan, tulad ng Lunsod ng Salt Lake, ay mabilis na naging sentrong lunsod ng industriya at komersyo.
Subalit ang tagumpay ni Brigham bilang tagaplano at tagapanguna ay hindi humihigit sa kanyang paglilingkod bilang isang propeta ng Diyos. Marami sa mga taong nagbibigay-pugay kay Brigham noong umagang iyon ay narinig siyang magsalita o nakita siyang kasama ang mga Banal sa teritoryo. Ilan sa kanila ang kilala siya bilang missionary sa silangang Estados Unidos o England. Naalala ng ilan kung paano niya ligtas na ginabayan ang Simbahan sa gitna ng kawalan ng katiyakan kasunod ng pagkamatay ni Joseph Smith. Ang iba ay tinawid ang Great Plains at Rocky Mountains sa tabi niya. Maraming tao, kabilang na ang libu-libong mga Banal na nagtipon sa Utah mula sa Europa at iba pang panig ng mundo, ang hindi malalaman kailanman ang Simbahan kung wala siya.
Habang nakatayo si Wilford sa tabi ng kabaong, naisip niya na ang kanyang matagal nang kaibigan ay tila buhay pa. Ang Leon ng Panginoon ay nagpapahinga na.1
Noong Setyembre 2, 1877, isang araw matapos ang pagpunta sa burol, pinuno ng mga Banal ang tabernakulo para sa libing ni Brigham habang libu-libo pa ang nakatayo sa labas. Ang mga hanay ng mga magkakasilong kuwintas ng bulaklak ay nakabitin mula sa arkong kisame ng tabernakulo, at nakatakip sa organo ang itim na tela. Hindi nagsusuot ng itim ang mga Banal, tulad ng nakagawian sa mga libing sa Estados Unidos. Hiniling sa kanila ni Brigham na huwag itong gawin.2
Hindi pa sinasang-ayunan ng Simbahan ang bagong Unang Panguluhan matapos ang pagkamatay ni Brigham, kung kaya ay nangasiwa si John Taylor sa pulong bilang pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.3 Pinuri ng ilang apostol ang pumanaw na propeta. Nagsalita si Wilford tungkol sa malaking pagnanais ni Brigham na makapagtayo ng mga templo at tubusin ang mga patay. “Alam niyang nakaatang sa kanya ang responsibilidad ng dispensasyaong ito,” sabi ni Wilford. “Nagagalak ako na siya ay nabuhay nang matagal upang makapasok sa isang templo at isagawa ang paglalaan nito, at simulan ang paggawa sa iba.”4
Nagpatotoo si John na ang Diyos ay patuloy na mamumuno sa Simbahan sa gitna ng kaguluhan sa mga huling araw. Gayon na nga, hinulaan ng Salt Lake Tribune na ang pagkamatay ni Brigham ay magdudulot ng pag-aaway sa mga lider ng Simbahan at kawalan ng katapatan ng mga Banal.5 Ang iba pang kritiko ay umaasa na ang mga korte ay magdudulot ng pagkasira ng Simbahan. Si George Reynolds, na muling nilitis at nahatulan ng bigamya, ay muling inaapela ngayon ang kanyang kaso sa Korte Suprema ng Estados Unidos. Kung paninindigan ng korte ang kanyang hatol, ang mga Banal ay hindi na magkakaroon kapangyarihan na ipagtanggol ang kanilang paraan ng pamumuhay.6
Ngunit si John ay hindi natatakot sa hinaharap. “Ang gawain na ginagawa natin ay hindi gawain ng tao. Hindi ito pinasimulan ni Joseph Smith; maging ni Brigham Young,” ipinahayag niya. “Ito ay nagbuhat sa Diyos. Siya ang may-akda nito.”
“At responsibilidad natin, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, na ngayo’y tuparin ang ating tungkulin,” sabi niya, “na habang ang mga pabagu-bagong pangyayari na inaasahan natin na sasapit sa lahat ng bansa—mga rebolusyon pagkatapos ng mga resbolusyon—maaari tayong magkaroon ng isang matatag at pasulong na pagkilos, na ginagabayan ng Panginoon.”7
Matapos ang pagkamatay ng kanyang ama, nahihirapan si Susie Young Dunford na malaman kung ano ang kanyang gagawin tungkol sa kanyang nasisirang kasal. Nang ang kanyang asawa, si Alma, ay umalis para sa misyon, inasam niyang mapagbabago ito ng karanasan. Ngunit patuloy itong galit at nang-iinsulto sa mga liham nito sa kanya.8
Ayaw kumilos nang pabigla-bigla, pinagnilayan ni Susie ang kanyang mga pagpipilian, patuloy na nananalangin tungkol sa kanyang suliranin. Bago ito namatay, ipinaalala ng kanyang ama sa kanya na ang mga papel ng maybahay at ina ay pinakamahalaga sa kanyang tagumpay sa buhay. Nais ni Susie na gampanan ang mga tungkuling iyon nang matwid. Ngunit nangangahulugan ba iyon na kailangan niyang manatili sa isang abusadong buhay may-asawa?9
Isang gabi, napanaginipan ni Susie na siya at si Alma ay bumibisita sa kanyang ama sa Lion House. Si Brigham ay may isang tungkulin para sa kanila, ngunit sa halip na ibigay ito kay Alma, tulad ng dati niyang ginagawa noong siya ay buhay pa, ibinigay niya ito kay Susie. Nang umalis siya upang gampanan ang tungkulin, nakasalubong ni Susie si Eliza Snow sa pasilyo. Bakit ibinigay ng kanyang ama sa kanya ang tungkulin, itinanong ni Susie, kung lagi niyang hinihiling ito kay Alma noon?
“Hindi niya nauunawaan noon,” sabi ni Eliza sa panaginip. “Ngunit nauunawaan na niya ngayon.”
Nanahan pa ang mga salita ni Eliza kay Susie nang magising siya. Nakakapanatag na matanto na ang kanyang ama ay mayroong ibang pananaw sa daigdig ng mga espiritu kaysa sa buhay niya.
Hindit nagtagal, naghain si Susie ng petisyon para sa diborsyo at bumalik si Alma mula sa England at nagsimulang kumonsulta sa mga abogado. Madalas sinusubukan ng mga lider ng Simbahan na pagkasunduin ang mga mag-asawang nais magdiborsyo. Ngunit naniniwala rin ang mga lider na sinumang babae na nagnais ng diborsyo mula sa isang malungkot na kasal ay dapat tumanggap nito.10 Ito ay hindi malayong tunay para sa mga kababaihan na nahihirapang umangkop sa mga hamon ng maramihang pag-aasawa. Dahil hindi kinikilala ng mga lokal na hudikatura ang mga kasal na ito, pinangangasiwaan ng mga lokal na lider ng Simbahan ang mga kaso ng diborsyo na kinasasangkutan ng mga maramihang asawa.11
Dahil si Susie ang tanging asawa ni Alma, kakaiba ang kalagayan niya. Bilang isang babae sa isang abusadong buhay may-asawa, maaari siyang umasa na tumanggap ng diborsyo, ngunit siya at si Alma ay kailangang humarap sa isang korte sibil. Ang mga korte sa buong Europa at Estados Unidos ay karaniwang pumapanig sa mga lalaki sa mga kaso ng diborsyo noong panahong ito. Bagama’t pinayuhan ng mga lider ng Simbahan ang mga asawang lalaki na magbigay ng sapat para sa kanilang mga dating asawa at kanilang mga anak, iginiit ni Alma na makuha ang kanyang mga anak at halos lahat ng ari-arian ng pamilya.
Nagtagal ng dalawang araw ang paglilitis ng diborsyo nina Susie at Alma. Sa huli, natanggap ni Alma ang kabuuang pangangalaga sa kanilang apat na taong gulang na anak, si Leah. Dahil ang kanilang anak na lalaki, si Bailey, ay dalawang taon pa lamang, inilagay siya ng korte sa ilalim ng pangangalaga ni Susie habang itinatalaga si Alma bilang kanyang legal na tagapangalaga.12
Lubhang nasaktan si Susie sa pagkawala ng kanyang mga anak, at nilisan niya ang korte na nababalisa sa hatol. Ngunit dahil iniwan siya ng diborsyo na walang ari-arian at suportang pinansiyal, kakaunti lamang ang panahon niya upang pagnilayan ang sakit na kanyang nadarama. Kailangang-kailangan niya ang isang plano para sa kung ano ang susunod na gagawin.13
Hindi nagtagal matapos ang diborsyo, kinausap ni Susie si Pangulong John Taylor tungkol sa kanyang kinabukasan. Huminto siya sa pag-aaral sa edad na labing-apat, ngunit ngayon ay nais niyang bumalik. Nagbibigay-suporta si Pangulong Taylor at nag-alok ng tulong sa kanya na magsimula sa mga lokal na mataas na paaralan. Gayunman, noong nilisan ni Susie ang opisina nito, nakasalubong niya si apostol Erastus Snow.
“Kung nais mong pumasok sa eskuwela, sasabihin ko sa iyo kung saan tutungo, sabi niya. “Isang lugar kung saan mo maaaring puspusin ang iyong kaluluwa ng saganang liwanag ng inspirasyon at punuin ang iyong isipan ang pagkatuto ng mga tao noong unang panahon at ngayon. Ang lugar na ito ay ang Brigham Young Academy sa Provo.”
Kinabukasan, sumakay si Susie sa tren patimog upang makita ang akademya. Kahit ang kanyang ama ang nagtatag sa paaralan, kakaunti lamang ang alam niya tungkol dito o sa layunin nito. Pagdating niya, nakipag-usap siya sa punong-guro, ang kanyang dating guro na si Karl Maeser. Malugod siyang binati nito at idinagdag ang kanyang pangalan sa mga listahan ng akademya.14
Samantala, sa Tangway ng Kalaupapa sa pulo ng Molokai, lumala ang kalusugan ni Jonathan Napela. Noong nagsimulang manirahan si Napela sa tangway kasama ang mga taong may ketong, hindi siya nagdurusa mula sa sakit na nagpapahirap sa napakaraming iba pang Hawaiian, kabilang na ang kanyang asawang si Kitty. Ngayon, makalipas ang halos limang taon, nahawaan na rin siya ng sakit. Namamaga ang kanyang mukha at halos hindi na makilala, at marami sa kanyang mga ngipin ang nabungi na. Ang kanyang mga kamay, na nagpala ng napakaraming tao sa loob ng mahigit dalawampung taon, ay puno na ng mga sugat.15
Noong Enero 26, 1878, malugod na sinalubong nina Napela at Kitty sa kanilang tahanan ang dalawang missionary, sina Henry Richards at Keau Kalawaia, maging si Nehemia Kahuelaau, ang namumunong awtoridad ng Simbahan sa Molokai. Sina Keau at Nehemia ay matagal nang mga Banal na Hawaiian, at kapwa naglingkod sa maraming misyon. Si Henry ang bunsong kapatid ni apostol Franklin Richards at naglingkod sa kanyang unang misyon sa kapuluan noong dekada ng 1850, ilang taon matapos binyagan si Napela. Huling nakita ni Henry si Napela sa Lunsod ng Salt Lake noong 1869, ngunit ngayon, wala pang isang dekada kalaunan, nagulat siya sa laki ng ipinagbago ng hitsura ni Napela.16
Kinabukasan ay araw ng Sabbath, at balak dalhin ni Napela ang kanyang mga panauhin na bumisita sa mga branch sa tangway. Sa kabila ng kanyang karamdaman, patuloy na pinamunuan ni Napela ang Simbahan sa Kalaupapa, pinangangasiwaan ang pitumpu’t walong Banal sa dalawang branch. Ngunit bago makapaglakbay si Henry sa kabuuan ng mga pamayanan, kailangan niyang ipakita ang permit ng isang bisita kay Padre Damien, ang paring Katoliko na naglilingkod bilang superintendente ng kolonya. Dahil pinayuhan ng lupon ng kalusugan ng Hawaii ang mga bisita laban sa pagpapalipas ng gabi kasama ang mga taong may ketong, mananatili si Henry sa bahay ni Padre Damien hanggang umaga.
Sa katunayan ay nagkaroon na si Padre Damien ng ketong, ngunit ang sakit na ito ay nasa pinakamaagang yugto pa nito at walang nakakaalam tungkol sa kanyang kalagayan. Tulad ni Napela, inilaan niya ang kanyang buhay sa pangangalaga ng espirituwal at pisikal na kapakanan ng mga ipinatapon sa Kalaupapa. Bagama’t siya at si Napela ay hindi nagkakaunawaan sa ilang mga bagay na pangrelihiyon, sila ay naging malapit na magkaibigan.17
Sa umaga, dumalo sina Napela at Henry sa isang pulong ng branch sa tahanan ni Lepo, ang branch president ng mga Banal sa silangang baybayin ng tangway. Mga apatnapu hanggang limampung tao, marami sa kanila ay mga hindi miyembro ng Simbahan, ang dumalo sa pulong. Ang ilan sa kanila ay tila malusog. Ang iba naman ay natatakpan ng sugat mula ulo hanggang paa. Ang hitsura ng kanilang pagdurusa ay nagtulak kay Henry na mapaluha. Nagsalita siya at si Keau ng tig-apatnapu’t limang minuto. Nang matapos sila, nagbigay ng maikling mensahe sina Nehemia at Napela.
Pagkatapos ng pulong sa umaga, isinama ni Napela sina Henry at Keau upang bisitahin ang isa pang branch sa tangway. Pagkatapos ay ginugol ni Henry ang natitirang kabuuan ng gabing iyon at ang sumunod na umaga sa pagbisita ng mga may pinakamalubhang sakit sa pamayanan kasama si Padre Damien.
Naghihintay sina Napela, Nehemia, at Keau kay Henry pagbalik niya. Bago umalis ang kanyang mga bisita, humiling sa kanila si Napela ng basbas. Hindi magiging matagal bago siya at si Kitty ay mararatay sa banig ng karamdaman, at marahil ay hindi na nila muling makikita si Henry.
Ipinatong ni Henry ang kanyang mga kamay sa ulo ni Napela at sinambit ang mga salita ng basbas. Labis ang kalungkutan, ang mga dati nang magkakaibigan ay nagpaalam, at sina Henry, Keau, at Nehemia ay nagsimulang umakyat sa matarik na daan ng bundok.18
Kalaunan sa tag-init na iyon, sa kanayunan ng Farmington, Utah, naghapunan si Aurelia Rogers kasama ang dalawang kilalang lider ng Relief Society mula sa Lunsod ng Salt Lake, sina Eliza Snow at Emmeline Wells. Ang mga babae ay dumating sa Farmington para sa isang kumperensya ng Relief Society, at si Aurelia, isang lokal na sekretarya ng Relief Society, ay may ideyang nais niyang agad na ibahagi sa kanila.19
Marubdob na batid ni Aurelia ang mga pangangailangan ng mga bata. Noong siya ay labindalawang taong gulang, ang kanyang ina ay maagang namatay, at siya at ang kanyang ate ang nangangalaga sa apat na nakababatang mga kapatid habang ang kanilang ama ay naglingkod sa misyon. Ngayon sa kanyang ikalimang dekada, siya ay may pitong buhay na anak, kung saan ang bunso ay isang batang lalaking tatlong taong gulang lamang. Nitong mga nakaraang araw, nag-alala siya tungkol sa mga batang lalaki sa kanilang komunidad. Sila ay maingay at madalas ay nagpupuyat hanggang sa kalaliman ng gabi.
“Ano ang gagawin ng mga anak naming babae para sa mabubuting asawa?” tanong ni Aurelia noong hapunan. “Hindi ba pwedeng magkaroon ng isang organisasyon para sa mga batang lalaki, at sanayin sila upang maging mas mabuting tao?”
Naging interesado si Eliza. Pumayag siya na kailangan ng mga batang lalaki ng karagdagang moral at espirituwal na gabay kaysa sa natatanggap nila sa Sunday School o sa kanilang paaralan sa regular na araw.
Dinala ni Eliza ang ideya kay John Taylor, na nagbigay ng kanyang pagsang-ayon. Hiningi niya rin ang suporta ng bishop ni Aurelia, si John Hess. Sumulat sa kanya si Eliza tungkol sa panukalang organisasyon, at hindi naglaon ay hinirang ni Bishop Hess si Aurelia bilang pangulo ng bagong Primary Mutual Improvement Association ng ward.
Habang ginagawa ni Aurelia ang plano kung paano makatulong sa mga batang lalaki sa kanyang ward, natanto niya na hindi magiging kumpleto ang mga pulong kung wala ang mga batang babae. Sumulat siya kay Eliza, tinatanong kung dapat din ba niyang anyayahan ang mga batang babae na makibahagi sa Primary.
“Kailangan natin ang mga batang babae at gayundin ang mga lalaki,” tugon ni Eliza sa liham. “Dapat silang magkasamang sanayin.”20
Sa isang araw ng Linggo noong Agosto 1878, sina Aurelia at Bishop Hess ay nakipagpulong sa mga magulang sa Farmington upang organisahin ang mga bata sa Primary. Unang nagsalita ang bishop. “Umaasa ako na maunawaan ng mga magulang ang kahalagahan ng kilusang ito,” sabi niya. “Kung may anumang bagay sa buhay na ito ang dapat umuubos ng pansin ng mga magulang, ito ay dapat ang pag-aalaga sa kanilang mga anak.” Itinalaga niya sina Aurelia at kanyang mga tagapayo, at madamdaming nagsalita si Aurelia tungkol sa pangangailangan para sa isang organisasyon na susuporta sa mga magulang sa pagtuturo sa mga bata.
“Aking nadarama na ang gawaing ito ay labis na kapaki-pakinabang,” sabi niya. Pagkatapos ay inihambing niya ang mga bata sa Farmington sa isang taniman ng mga batang puno. “Ang ugat ng mga punong kahoy ay dapat alagaan,” sabi niya, “sapagkat kung ang ugat ay malusog, ang puno ay magiging malusog, at magkakaroon ng kaunting problema lamang sa mga sanga.”21
Mahigit dalawang daang mga bata ang nagtipon makalipas ang dalawang Linggo para sa unang pulong ng Primary. Ginawa ni Aurelia ang lahat upang mapanatili ang kaayusan. Inorganisa niya ang mga bata sa mga klase ayon sa edad at inatasan ang pinakamatandang bata sa bawat klase upang magsilbi bilang monitor. Sa sumunod na pulong, inanyayahan niya ang mga bata na itaas ang kanilang mga kamay upang sang-ayunan siya at ang iba pang mga lider.
Ang mga turo ni Aurelia sa mga bata ay simple at taos-puso: Walang bata ang mas mahusay kaysa sa iba. Iwasang makipagtalo sa iba. Palagiang gantihan ng kabutihan ang kasamaan.22
Noong Setyembre 1878, mga isang buwan matapos ang pagkakatatag ng Primary, ipinadala ni Pangulong Taylor sina apostol Orson Pratt at Joseph F. Smith sa isang misyon upang tipunin ang karagdagang impormasyon tungkol sa naunang kasaysayan ng Simbahan. Si Orson ay ang mananalaysay ng Simbahan, at nagtrabaho nang matagal si Joseph sa Historian’s Office.
Naglakbay pasilangan, humimpil sina Orson at Joseph sa Missouri upang bisitahin si David Whitmer, isa sa tatlong saksi ng Aklat ni Mormon. Nais ng mga Apostol na kapanayamin siya at tingnan kung ipagbibili niya ang manuskrito na ginamit ng manlilimbag upang magawa ang typeset ng unang edisyon ng Aklat ni Mormon. Pumanaw si Martin Harris sa Utah noong 1875, at si David na lamang ang isa sa Tatlong Saksi na buhay pa.
Pumayag si David na makipag-usap sa mga apostol sa kanilang silid sa hotel. Hindi siya bumalik sa Simbahan matapos ang kanyang pagtitiwalag noong 1838, bagama’t kamakailan lamang ay tumulong siyang magtatag ng simbahan na gumamit ng Aklat ni Mormon bilang banal na kasulatan. Ngayon ay mahigit pitumpung taon gulang, nagpahayag si David ng pagkabigla nang ipinakilala ni Orson ang sarili. Noong 1835, tinulungan ni David sina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at Martin Harris sa paghirang kay Orson bilang isa sa mga unang apostol ng dispensasyon. Noong panahong iyon, si Orson ay isang mahiyain at balingkinitang binatilyo. Ngayon, siya ay may malaking baywang, isang nakakalbong ulo at mahabang puting balbas.23
Simula pa lamang ng panayam, tinanong ni Orson si David kung naaalala nito noong makita niyang ang mga gintong lamina na ginamit ni Joseph Smith upang isalin ang Aklat ni Mormon.
“Ito ay noong Hunyo 1829,” sinabi ni David. “Tila nakaupo kami nina Joseph at Oliver dito sa isang troso, nang madaig kami ng liwanag.” Nagkuwento si David na isang anghel ang nagpakita dala ang mga sinaunang talaan, ang Urim at Tummim, at iba pang kagamitan ng mga Nephita.
“Nakita ko ang mga iyon na kasing-linaw sa pagkakakita ko sa kamang ito,” sabi niya, hinahampas ang kama na nasa kanyang tabi gamit ang kanyang kamay. “Narinig ko ang tinig ng Panginoon nang malinaw tulad ng narinig ko sa anuman sa aking buhay, nagpapahayag na ang mga talaan sa mga lamina ng Aklat ni Mormon ay isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”
Nagtanong sina Orson at Joseph ng mga karagdagang tanong tungkol sa nakaraan ng Simbahan, at tumugon sa kanila si David na sinasambit ang lahat ng detalyeng alam niya sa abot ng kanyang makakaya. Nagtanong sila tungkol sa manuskrito ng tagalimbag ng Aklat ni Mormon, na ibinigay ni Oliver Cowdery kay David. “Hindi ba ninyo ito ibibigay sa isang mamimili?” tanong ni Orson.
“Hindi. Inatasan ako ni Oliver na ingatan ito,” sabi ni David. “Itinuturing ko ang mga bagay na sagrado at hindi makikipaghiwalay o ibebenta ang mga ito para sa salapi.”24
Kinabukasan, ipinakita ni David ang manuskrito sa mga apostol. Habang ginagawa niya ito, binanggit niya na nais ng Panginoon na dalhin ng Kanyang mga lingkod ang Aklat ni Mormon sa buong mundo.
“Opo,” sagot ni Joseph, “at aming ipinadala ang aklat na iyon sa mga Dane, mga Swede, mga Espanyol, mga Italyano, mga Pranses, mga Aleman, mga Welsh, at sa mga Isla ng Pasipiko.”
“Kaya, Amang Whitmer,” pagpapatuloy ni Joseph, “Ang Simbahan ay hindi naging tamad.”25
Kalaunan noong taglagas na iyon, sa Utah, ang animnapu’t pitong taong gulang na si Ane Sophie Dorius ay naglakbay patungong St. George temple kasama ang kanyang panganay na anak, si Carl. Halos tatlumpung taon na ang lumipas mula nang nakipag-diborsyo si Ane Sophie sa ama ni Carl, si Nicolai, matapos itong sumapi sa mga Banal sa mga Huling Araw. Mula noon ay isinantabi na niya ang kanyang mapait na galit sa Simbahan, tinanggap ang walang hanggang ebanghelyo, at iniwan ang kanyang tinubuang bayang Denmark upang magtipon sa Sion. Ngayon ay makikilahok na siya sa mga sagradong ordenansa na magsisimulang magwasto ng kanyang nawasak na pamilya.26
Nandayuhan si Ane Sophie patungong Utah noong 1874, dalawang taon matapos pumanaw si Nicolai. Bago siya namatay, nagpahayag si Nicolai ng pag-asa na siya at si Ane Sophie ay mabubuklod sa walang hanggan balang araw.27
Nang dumating si Ane Sophie sa Utah, nanirahan siya sa Lambak ng Sanpete malapit sa pamilya ng kanyang tatlong naulilang anak kay Nicolai—sina Carl, Johan, at Augusta. Sa paglipas ng mga taon, nakita ni Ane Sophie ang kanyang mga anak na lalaki habang sila ay naglilingkod sa iba’t ibang misyon sa Scandinavia. Ngunit noong muli niyang nakasama si Augusta, na noon ay tatlumpu’t anim na taong gulang at may pitong anak na, iyon ang unang pagkakataon na nakita nila ang isa’t isa sa loob ng dalawang dekada.28
Naninirahan sa Ephraim, tinanggap ni Ane Sophie ang kanyang bagong buhay bilang isang ina at lola. Nang muling inorganisa nina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan ang mga ward at stake noong 1877, hinati nila ang Ephraim Ward sa gitna at hinirang si Carl na maglingkod bilang bishop ng Ephraim South Ward. Pagkatapos, tuwing dumadalo si Ane Sophie sa isang dula o musikal na pagtatanghal sa bayan, papasok siya nang walang tiket at simpleng sasabihin nang nakangiti, “ako ay ina ni Bishop Dorius.”
Naging matagumpay na panadera si Ane Sophie sa Denmark, at ang kanyang pamilya sa Utah ay nakinabang sa kanyang mga talento mula nang sya ay dumating. Masaya siya sa pananamit nang maayos para sa mga pagtitipon kung saan inihahain ang mga pasteleryang Danish. Sa kanyang kaarawan, maglalagay siya ng pulang geranium sa kanyang damit, gagawa ng isang malaking keyk, at aanyayahan ang lahat ng kanyang pamilya at mga kaibigan na makipagdiwang kasama niya.29
Pumasok sina Ane Sophie at Carl sa St. George temple noong ika-5 ng Nobyembre, at nabinyagan si Ane Sophie para sa kanyang ina at sa kanyang kapatid na pumanaw noong bata pa siya. Tinanggap ni Carl ang ordenansa para sa ama ni Ane Sophie. Kinabukasan ay tinanggap ni Ane Sophie ang kanyang endowment at kalaunan ay nagsagawa ng ordenansa para sa kanyang ina at kapatid habang isinasagawa ito ni Carl alang-alang sa kanyang lolo. Ang mga magulang ni Ane Sophie ay ibinuklod din, kung saan siya at si Carl ay nagsilbing mga kinatawan.
Noong araw na natanggap niya ang kanyang endowment, nabuklod si Ane Sophie kay Nicolai, kung saan si Carl ay nagsilbing kinatawan, nagpapagaling sa bigkis na naputol sa buhay na ito. Pagkatapos ay nabuklod si Carl sa kanyang mga magulang, kasama si apostol Erastus Snow, isa sa mga unang missionary sa Denmark, na nagsilbing kinatawan para sa kanyang ama.30
Noong unang bahagi ng Enero 1879, sina Emmeline Wells at Zina Presendia Williams, isa sa mga anak na babae ni Brigham Young, ay umalis ng Utah upang dumalo sa isang pambansang kumbensyon ng mga lider sa mga karapatan ng mga babae sa Washington, DC.31 Mula noong mga pulong ng malaking galit ng 1870, ang mga kababaihang Banal sa mga Huling Araw ay patuloy na nagsusulong ng mga karapatan ng mga kababaihan nang hayagan sa Utah at sa iba pang bahagi ng bansa. Ang kanilang mga gawa ay umakit ng pansin ng ilan sa mga namumunong aktibista ng bansa para sa karapatang pambabae, kabilang na sina Susan B. Anthony at Elizabeth Cady Stanton, na magkasamang dumating sa Lunsod ng Salt Lake at nagsalita sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw noong tag-init ng 1871.32
Habang dumadalo sa kumbensyon sa Washington, layon nina Emmeline at Zina Presendia na manghikayat sa Kongreso para sa kababaihan ng Simbahan at ng Utah. Kamakailan lamang, sa patuloy na pagsisikap na pahinain ang mga Banal sa pulitika, ilang mambabatas ang nagpanukalang kunin ang karapatang bumoto mula sa kababaihan ng Utah. Nais ipagtanggol nina Emmeline at Zina Presendia ang kanilang karapatang bumoto, magsalita laban sa pagsisikap ng pamahalaan na makialam sa Simbahan, at humingi ng suportang pampulitika sa panahong ang pagkakasakdal ni George Reynolds sa kasong bigamya ay nirerepaso ng Korte Suprema ng Estados Unidos.33
Hindi ito ang unang pagkakataon na tumanggap si Emmeline ng isang napakalaking hamon para sa Simbahan. Noong 1876, noong kasagsagan ng pamemeste ng mga tipaklong, sina Brigham Young, Eliza Snow, at ang mga pinuno ng kilusan sa pagtitipid ay naghirang sa kaniya upang pamunuan ang mga pagsisikap na mag-imbak ng butil sa teritoryo. Sa katapusan ng 1877, pinamunuan niya ang Relief Society at Young Ladies’ Association sa pangongolekta ng higit sa tatlong daan at limampung metro kubiko ng butil at pagtatayo ng dalawang kamalig sa Lunsod ng Salt Lake. Sumusunod sa kanyang mga tagubilin, maraming mga Relief Society rin sa teritoryo ang nag-imbak ng mga butil sa mga kaban sa mga bulwagan ng Relief Society o mga gusali ng ward.34
Si Emmeline, isa sa mga maramihang asawa ni Daniel Wells, ay kilala rin bilang isang matapat na tagapagtanggol ng maramihang pag-aasawa at mga karapatan ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw. Noong 1877, siya ay naging patnugot ng Woman’s Exponent, at ginamit niya ang mga artikulo nito upang ipahayag ang kanyang mga opinyon tungkol sa iba’t ibang bagay, kapwa sa pulitika at sa espirituwal. Bagama’t halos magapi ng dami ng trabaho mula nang pinamunuan niya ang pahayagan, naniwala siya na ang paglalathala nito ay mahalaga para sa layunin ng mga Banal sa mga Huling Araw.35
“Ang ating pahayagan ay nagpapabuti at nagbibigay ng kapakinabangan sa lipunan,” isinulat ni Emmeline sa kanyang journal matapos agad na pangunahan ang Woman’s Exponent. “Nais kong gawin ang lahat sa abot ng aking makakaya upang maiangat ang kondisyon ng aking mga kababayan, lalo na ng kababaihan.”36
Nang dumating sina Emmeline at Zina Presendia sa Washington, sinalubong sila nina George Q. Cannon, Susan B. Anthony, at Elizabeth Cady Stanton sa lunsod. Nalaman din nila na dalawang araw bago iyon, buong pagkakaisang kinatigan ng Korte Suprema ang pagkakasakdal kay George Reynolds, nagpapasiya na protektado ng Konstitusyon ng Estados Unidos ang mga paniniwalang relihiyon ngunit hindi palaging protektado ang mga pagkilos dahil sa relihiyon. Ang desisyon ng korte, kung saan ay hindi maaaring iapela, ay nangangahulugan na ang pederal na pamahalaan ay malayang magpasa at magpatupad ng mga batas na nagbabawal sa maramihang pag-aasawa.37
Sa mga sumunod na araw, dumalo sina Emmeline at Zina Presendia sa kumperensya para sa kababaihan, ipinagtatanggol ang maramihang pag-aasawa at ang kanilang karapatang bumoto. “Ang mga kababaihan ng Utah ay hindi lumabag sa anumang batas ng teritoryong iyon,” ipinahayag ni Emmeline, “at ito ay magiging hindi makatarungan at hindi mabuti kung pagkakaitan sila ng karapatang ito.”
“Hindi iminumungkahi ng kababaihan ng Utah na isuko ang kanilang mga karapatan,” idinagdag ni Zina Presendia, “kundi ang tulungan ang mga kababaihan sa buong lupain.”38
Noong ika-13 ng Enero, sina Emmeline, Zina Presendia, at dalawang iba pang babae mula sa kumbensyon ay nagpunta sa White House upang makipagpulong kay Pangulong Rutherford Hayes. Inanyayahan ng pangulo ang grupo sa kanyang silid-aklatan at magalang na nakinig habang binabasa ng mga babae ang mga resolusyon sa pagtitipon, pati na ang ilan na sinasaway siya sa hindi paggawa ng higit pa upang suportahan ang mga karapatan ng mga kababaihan.
Nagbabala rin sina Emmeline at Zina Presendia sa pangulo laban sa pagpapatupad ng batas ni Morrill laban sa poligamya ng 1862. “Ilang libong kababaihan ang itatakwil,” sabi nila, “at ang kanilang mga anak ay magiging mga anak sa labas sa harap ng sanlibutan.”
Nagpahayag ng pagkahabag si Pangulong Hayes, subalit wala siyang ipinangako upang tumulong. Ang kanyang asawa, si Lucy, ay kaagad pumasok sa silid, malugod na nakinig sa apela nina Emmeline at Zina Presendia, at inilibot ang mga bisita sa White House.39
Noong mga sumunod na mga linggo, tumestigo sina Emmeline at Zina Presendia sa harapan ng komite ng kongreso at nagsalita sa mga nangungunang pulitiko alang-alang sa mga Banal. Naghain sila ng isang resolusyon sa Kongreso upang hilingin ang pagpapawalang-bisa ng batas ni Morrill. Sa resolusyon, hiniling nila sa Kongreso na magpasa ng mga batas na kikilalanin ang legalidad sa mga asawa at anak sa mga umiiral na maramihang pag-aasawa.40 Ang ilang mga tao ay humanga sa kanilang matapang na pagtatanggol sa mga paniniwala ng mga Banal. Ang iba ay itinuturing sila bilang mga kakaiba o nagreklamo tungkol sa mga babaeng kabiyak ng mga maramihang pag-aasawa na pinapayagang magsalita sa pambansang kumperensya ng karapatan ng kababaihan.41
Bago lisanin ang Washington, dumalo sina Emmeline at Zina Presendia sa dalawang pagtitipon na pinangasiwaan ni Lucy Hayes. Sa kabila ng kanilang mga pagsisikap, hindi nagawa nina Emmeline at Zina Presendia na baguhin ang pananaw ng pangulo sa mga Banal, at nanatili siyang determinadong sirain ang “temporal na kapangyarihan” ng Simbahan sa Utah. Gayunpaman, pinahalagahan ni Emmeline ang kabaitan ni Lucy at humanga sa simpleng panlasa nito, kaakit-akit na paraan, at matibay na pagtangging maghain ng alak sa White House.
Sa isang handaan noong ika-18 ng Enero, binigyan ni Emmeline si Lucy ng isang kopya ng The Women of Mormondom at ng isang personal na liham. Sa loob ng aklat ay nagsulat siya ng maikling mensahe:
“Nawa ay tanggapin ninyo ang sagisag na ito ng pagpipitagan ng isang asawa na Mormon.”42