Kasaysayan ng Simbahan
14 Mahirap Mawalay


“Mahirap Mawalay,” kabanata 14 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 14: “Mahirap Mawalay”

Kabanata 14

Mahirap Mawalay

lalaking humihila ng kariton

Sa pagtatapos ng Marso 1855, wala pang naririnig si Ann Eliza Secrist mula sa kanyang asawang si Jacob sa loob ng siyam na buwan. Nasira ang ilang liham sa nakaraang pakikipaglaban kay Walkara. At ang pagsasara ng mga ruta ng koreo sa panahon ng taglamig ay tiyak na isang sanhi ng katahimikan. Nais niyang sumulat dito, ngunit hindi niya alam kung saan ipadadala ang kanyang mga liham. Ang huling narinig niya, ipinapangaral ni Jacob ang ebanghelyo sa Switzerland. Ngunit nakasaad sa isang bagong liham mula kay Daniel Tyler, isang mission leader sa bansang iyon, na hindi niya alam kung saan naglilingkod si Jacob.1

Mahigit isang taon bago iyon, sumulat si Jacob na kaagad siyang babalik sa Utah. Ang ikatlong anibersaryo ng paghirang sa kanya na magmisyon ay sa darating pang anim na buwan, at inaasahan ni Ann na nakauwi na ito sa panahong iyon. Ang iba pang mga missionary na umalis sa teritoryo kasama nito ay nakauwi na, at ang mga bata ay nagsisimula nang magtanong kung bakit ang kanilang ama ay hindi pa dumarating.2

Kamakailan lamang ay maraming nangyari sa pamilya. Noong nagsimula ang tunggalian sa pagitan ng mga mamamayan at ng mga Ute, nagpasiya si Ann Eliza na huwag bumalik sa bukid at sa halip ay manatili sa Lunsod ng Salt Lake, kung saan mas ligtas. Sa ilang panahon ay pinaupahan niya ang bahagi ng kanilang bahay sa lunsod sa isang bagong dating na pamilya ng mga nandarayuhang Scottish. Nagpalaki rin siya ng dalawang matatabang baboy na nagtustos sa karamihan ng pagkain ng pamilya para sa taglamig. Ang mga bata ay pumapasok sa paaralan, humuhusay sa pagbabasa, at nag-aaral ng ebanghelyo. Sa buong panahong wala si Jacob, siya ay naging maingat sa mga panustos ng pamilya at sinikap na umiwas sa utang.3

Noong Marso 25, 1855, binisita ng tatlong Banal na Swiss sina Ann Eliza at ang mga bata. Isa sa mga Banal ay si Serge Louis Ballif, isang naunang miyembro ng Simbahan sa Switzerland. Siya ay isang lider sa Swiss mission nang dumating si Jacob. Bago nandayuhan sina Serge at ang kanyang pamilya sa Sion, binigyan siya ni Jacob ng nakasulat na kasaysayan ng kanyang misyon at mga regalong ibibigay kina Ann Eliza at sa mga bata.

Sa pagtatapos ng kanyang kasaysayan ng misyon, isinulat ni Jacob ang ilang pagbubulay sa kanyang paglilingkod bilang missionary. “Gumawa ako ngunit ng kakaunti lamang, at kung gaano kabuti ang aking magagawa habang nasa Switzerland, panahon lamang ang makapagsasabi,” isinulat niya. “Nakita ko ang ilan na magsaya nang lubos sa ilalim ng aking mga tagubilin at tiwala na makikita ko ang panahon sa bansang ito na ang mga Banal ay magsasaya sa aking mga turo, na simple lamang.”4

Para kina Louisa at Mary Elizabeth, nagpadala si Jacob ng ilang pares ng gunting, at inatasan niya ang mga batang babae na panatilihing makintab ang mga ito. Kay Moroni, nagpadala siya ng isang maliit na kahon na puno ng laruang sundalo at ilang holen na ibabahagi sa kanyang dalawang taong gulang na kapatid na si Nephi. Ipinangako rin niya na magdadala para sa mga bata ng mga espada mula sa Europa.5

Matapos basahin ang tungkol sa mga karanasan ni Jacob, sumulat si Ann Eliza sa kanya at ipinadala ito sa tanggapan ng misyon sa Liverpool, England. Pinanatili niyang maikli ang kanyang liham, hindi tiyak kung ito ay makararating kay Jacob bago ito umuwi. Tulad ng dati, ibinahagi niya ang balita tungkol sa mga bata at sa sakahan.

“Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko mula noong lumisan ka,” isinulat niya. “Ang pananalangin ko sa Diyos na patuloy kang pagpalain at pangalagaan ay ang taimtim na hangarin ng iyong mapagmahal na asawa.”6


Noong Mayo 5, 1855, nagising si George Q. Cannon sa isang nagyeyelong umaga ng tagsibol sa Lambak ng Salt Lake. Siya ay nakauwi na mula sa Hawaii mula pa noong huling bahagi ng Nobyembre.7 Labindalawang araw matapos niyang bumalik, nanghiram siya ng isang hindi gaanong kasyang amerikana at pinakasalan si Elizabeth Hoagland sa tahanan ng mga magulang nito—isang sandaling inaasam nila ni Elizabeth bago umalis si George para sa kanyang unang misyon.8

Ngayon, limang buwan matapos ang kanilang kasal, ang mag-asawa ay inanyayahang dumalo sa paglalaan ng Endowment House, isang bagong gusali sa paligid ng templo kung saan ang mga Banal ay maaaring tumanggap ng mga sagradong ordenansa habang itinatayo ang templo.

Kasunod ng paglalaan, tatanggapin ni Elizabeth ang kanyang endowment, at sila ni George ay ibubuklod. Kalaunan ang mag-asawa ay aalis patungo sa San Francisco, na kung saan ay tinawag sa isang misyon si George upang ilathala ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Hawaiian.

Dumating sina George at Elizabeth sa Endowment House bago ang ikawalo ng umaga. Ito ay isang simple at walang palamuting gusali na may matibay na pader na yari sa adobe, apat na tsimenea, at isang pundasyon na yari sa sandstone. Sa loob, ang bahay ay nahahati sa ilang mga silid para sa mga ordenansa ng endowment at pagbubuklod.

Ginanap ni Brigham Young ang serbisyo ng paglalaan sa itaas na palapag, at nag-alay si Heber Kimball ng panalangin ng paglalaan. Nang matapos ang panalangin, ipinahayag ni Brigham ang istruktura na malinis at ipinahayag ito bilang bahay ng Panginoon.9 Pagkatapos ay pinangasiwaan nina Heber, Eliza Snow, at iba pa ang endowment para sa limang lalaki at tatlong babae, kabilang na si Elizabeth. Kalaunan, ibinuklod ni Heber sina George at Elizabeth sa panahon at kawalang-hanggan.

Ayon sa plano, ang mag-asawa ay nagpaalam sa kanilang mga pamilya kalaunan nang araw na iyon. Inaasahan ni George na ang kanilang paglisan ay magiging mahirap kay Elizabeth, isang guro sa paaralan na hindi nawalay sa kanyang pamilya, ngunit nanatili siyang kalmado. Si Abraham Hoagland, ang kanyang ama at bishop sa Lunsod ng Salt Lake, ay binasbasan ang mag-asawa at hinikayat sila na gawin ang tama. “Alagaan mo si Elizabeth at tratuhin nang maayos,” sinabi niya kay George.10

Ang mag-asawa ay naglakbay patungong timog sa daan ding iyon na tinahak ni George patungo sa California noong 1849. Noong ika-19 ng Mayo ay dumating sila sa Lunsod ng Cedar kasabay ng Unang Panguluhan, na pumaroon upang siyasatin ang umuunlad na industriya ng bakal ng bayan. Namangha si George sa pag-unlad ng mga Banal doon. Bukod sa pagkakaroon ng pagawaan ng bakal, sila ay nagtayo ng mga komportableng tahanan, isang meetinghouse, at isang nagpoprotektang pader sa palibot ng lunsod.11

Kinabukasan, inorganisa ni Brigham ang isang stake at hinirang ang isang lalaking nagngangalang Isaac Haight na mamuno rito.12

Kalaunan, sa tahanan ng mga Haight, sina George at Elizabeth ay dumalaw kasama sina Brigham Young at Jedediah Grant, na hinirang sa Unang Panguluhan matapos ang pagpanaw ni Willard Richards noong 1854. Binasbasan nina Brigham at Jedediah si George na sumulat at maglathala nang may karunungan at inspirasyon at magsalita nang walang takot. Binasbasan din nila si Elizabeth na maisagawa ang mabuting gawain kasama si George at balang araw ay makasama ang kanyang mga mahal sa buhay sa lambak.

Pagkatapos, hinikayat ni Brigham si George na linangin ang kanyang mga talento ng pagsusulat, hangga’t maaari. “Roar!” Dagdag ni Jedediah. “Ipaalam mo sa kanila na ikaw ay isang Cannon.”13


Sa panahon na umalis ang mga Cannon patungong California, ang labintatlong taong gulang na si Martha Ann Smith ay nakatanggap ng liham mula sa kanyang kuyang si Joseph F. Smith na nasa Hawaii. “Ako ay maayos at malusog,” magiliw nitong isinulat, “at malaki ang iniunlad ko mula nang huli mo akong nasilayan.”

Kung ang kanyang tinutukoy ay ang kanyang pag-unlad ay pisikal o espirituwal, hindi sinabi ni Joseph. Tila mas interesado siya sa pagbibigay ng mabuting payo sa kanyang nakababatang kapatid na babae kaysa sa paglalarawan ng kanyang bagong buhay bilang missionary sa Pasipiko.

“Maaari akong magbigay sa iyo ng maraming payo, Marty, na magiging kapaki-pakinabang sa inyo habang kayo ay nabubuhay sa mundong ito,” magara niyang ipinahayag. Hinikayat niya itong makinig sa kanyang mga nakatatandang kapatid at huwag makipag-away sa kanyang mga kapatid. “Maging mahinahon at madasalin,” payo niya rito, “at ikaw ay lalaki sa mga yapak ng iyong ina.”14

Pinahalagahan ni Martha Ann ang payo ng kanyang kapatid. Siya ay labing isang taong gulang lamang nang pumanaw ang kanyang ina, ngunit nanatiling malinaw ang kanyang mga alaala rito. Habang lumalalaki, bihirang makita ni Martha Ann na ngumiti ang kanyang biyudang ina. Sa katunayan, kapag napatawa ni Martha Ann o ng kanyang mga kapatid ang kanilang ina, itinuturing nila ito bilang isang tagumpay. Subalit si Mary ay isang mapagmahal na ina, at ngayon ang mundo ni Martha Ann ay tila hungkag nang wala ito.

Mas kakaunti ang mga alaala ni Martha Ann sa kanyang ama, si Hyrum Smith. Tatlong taon lamang siya nang ito ay namatay, ngunit naaalala pa rin niya ang panahon nang ang kanyang ina ay ipinagtahi ito ng isang pares ng pantalon. Matapos niyang isuot ito, nagmamalaki siyang naglakad nang pabalik-balik na nakalagay ang kanyang mga kamay sa bulsa niya. Naaalala niya ito na mapagmahal, mabait, at malambing sa kanyang mga anak.15

Pagdating na pagdating ng pamilya Smith sa Lambak ng Salt Lake, nanirahan sila sa tabi ng isang sapa na di kalayuan sa isang bangin sa timog-silangan ng lunsod, at magkakasama silang bumuo ng isang bukirin. Makaraan ang ilang taon, sila at ang kanilang mga kapitbahay ay inorganisa bilang Sugar House Ward sa ilalim ng pamumuno ni Bishop Abraham Smoot, isa sa mga pinakaunang nabinyagan ni Wilford Woodruff. Kinuha ng ward ang pangalan nito mula sa pabrika na pag-aari ng Simbahan sa lugar, na pinamamahalaan ni Bishop Smoot upang makabuo ng pulot mula sa mga beet.16

Sinuportahan nina Martha Ann at kanyang mga kapatid ang bawat isa sa pagdating ng mga bagong pagsubok. Ang banayad na taglamig ng 1854–55 ay lumikha ng tagtuyot sa buong Teritoryo ng Utah, na umaasa sa ragasa ng tubig mula sa mabigat na bagsak ng niyebe mula sa kabundukan upang punuin ang mga batis at ilog nito. Pinahirapan ng tagtuyot ang pamilya ni Martha Ann tulad ng ginawa nito sa iba. Sa paglipas ng mga linggo at kaunting ulan lamang ang bumuhos, ang lupain sa lambak ay lalong natuyo, pinapatay ang mga pananim na itinanim ng mga Banal noong unang bahagi ng taong iyon. Nagsimulang matuyo at magbitak ang mga kanal ng irigasyon.17

Ang mas nagpalala pa, ang mga pulutong ng tipaklong ay nagpugad sa mga pamayanan, nilalamon ang kakaunting pananim at sinisira ang mga pag-asa para sa isang magandang ani. Sinikap ng mga Banal sa Sugar House at iba pang mga pamayanan na magtanim pa ng mga binhi, ngunit pinahirapan ng tagtuyot ang pag-usbong ng mga ito, at patuloy na dumarating ang mga tipaklong.18

Ang pagdating ng bagong pagsubok matapos ang isang pagsubok ay tila sumusunod sa mga Smith, at walang makapagsasabi kung paano maaapektuhan ng tagtuyot at pamemeste ang mga Banal. Bilang bunso sa kanyang pamilya, si Martha Ann ay wala pang mga responsibilidad na katulad ng sa kanyang mga nakatatandang kapatid.19 Subalit ang bawat Banal ay inaasahang magtulungan upang makayanan ang paghihirap at tumulong na itatag ang Sion. Ano ang maaari niyang gawin?

Nag-alok si Joseph ng karagdagang payo sa kanyang sumunod na liham. “Magkaroon ng kahinahunan at mahabang pagtitiis,” isinulat niya. “Maging isang Mormon, sa lahat ng antas, at kayo ay pagpapalain.”20


Sa parang, 1,600 kilometro sa silangan, sa isang maliit na pamayanan ng mga dayuhan na tinatawag na Mormon Grove, ang binyagang Danish na si Nicolai Dorius at isang grupo ng mga bagon ng mga Banal ng halos apat na raan mula sa Denmark, Norway, Nova Scotia, at England ay nagsimulang maglakbay patungo sa Lambak ng Salt Lake.21 Ang mga lider ng pangkat ay inaasahan na ang paglalakbay ay magtatagal ng apat na buwan, na nangangahulugan na maaaring asahan ni Nicolai na makasama ang kanyang anak na si Augusta, na ngayon ay labimpitong taong gulang na, kasing-aga ng Setyembre.22

Anim na buwan na ang nakararaan, nilisan ni Nicolai ang Copenhagen kasama ang kanyang tatlong bunsong anak na babae, sina Caroline, Rebekke at Nicolena. Ang kanyang mga anak na lalaki na sina Johan at Carl ay naglilingkod pa sa misyon sa Norway, kaya hindi niya nagawang magpaalam sa kanila mismo.23

Ang mga dayong tulad ni Nicolai ay nasasabik na magtungo sa Sion hindi lamang dahil sa kanilang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo kundi dahil nais nilang makatakas sa mga kasamaan ng mundo at maghanap ng mas magandang buhay para sa kanilang sarili at kanilang pamilya sa lupang pangako. Nabigyang-inspirasyon ng masigasig na paglalarawan ng mga Amerikanong missionary tungkol sa Utah, marami sa kanila ay inilarawan ang Lambak ng Salt Lake tulad ng Halamanan ng Eden at ginawa ang lahat ng sakripisyo upang makarating doon.24

Halos anim na linggo ang inabot upang tawirin ang karagatan. Si Peter Hansen, ang unang missionary sa Denmark, ay ang namuno sa grupo sa barko. Siya at ang kanyang dalawang tagapayo ay inorganisa ang mga Banal sa pitong distrito at tumawag ng mga elder upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa bawat yunit. Nang dumaong ang barko sa New Orleans, pinuri ng kapitan nito ang kanilang mabuting pag-uugali.

“Sa hinaharap,” sabi niya, “kung ako ay maaaring pumili, wala akong ibang dadalhin maliban sa mga Banal sa mga Huling Araw.”25

Sa New Orleans, sina Nicolai at kanyang mga anak na babae ay sumakay ng bapor at naglakbay sa nagyeyelong Ilog Mississippi kasama ang kanilang grupo. Isang trahedya ang naganap nang ang anim na taong gulang na si Nicolena ay nagkasakit at namatay hindi pa natatagalan matapos lisanin ang New Orleans. Mas maraming tao ang namatay sa mga sumunod na araw. Pagdating ni Nicolai sa Mormon Grove, ang labing apat na taong gulang na si Caroline ay pumanaw na rin, at tanging siya at ang labing-isang taon na si Rebekke ang natitira upang muling makasama si Augusta pagdating nila sa Utah.26

Sa Mormon Grove, nakakuha ang mga nandarayuhang Banal ng pansamantalang trabaho upang kumita ng pera para makabili ng mga baka, mga bagon, at mga panustos para sa paglalakbay pakanluran.27 Inorganisa rin sila sa mga grupo. Sina Nicolai, Rebekke, at iba pang mga Banal mula sa Denmark at Norway ay inilagay sa isang grupo na pinamumunuan ni Jacob Secrist.28 Matapos mawalay sa kanyang asawa at apat na anak nang halos tatlong taon, si Jacob ay sabik na muli silang makasama sa Utah. Dahil siya ay hindi marunong magsalita ng wikang Danish, ang pinakakaraniwang wikang ginagamit ng grupo, umasa siya kay si Peter Hansen na magsalin para sa kanya.29

Nilisan ng grupo ang Mormon Grove noong Hunyo 13, 1855. Sa paglalakbay pakanluran, madalas mawalan ng pasensya si Jacob sa mga dayong Scandinavian. Karamihan sa kanila ay hindi pa nakapaggagabay ng baka noon, at kung minsan ay kailangan ang apat na lalaki upang mapanatili ang dalawang baka na tumahak sa tuwid na linya.30 Ang mas nakababahala ay ang kalusugan ng grupo. Karaniwan ay kakaunti lamang, kung mayroon man, ang pumapanaw sa mga nandarayuhang mga Banal sa kanilang mga grupo.31 Subalit sa unang araw ng paglalakbay, namatay dahil sa kolera ang isang lalaki sa grupo ni Secrist. Walong iba pa ang namatay noong sumunod na dalawang linggo.32

Ang mga elder sa grupo ay nag-ayuno at nagbigay ng mga basbas ng pagpapagaling at kapanatagan sa mga maysakit, ngunit patuloy na kumitil ng buhay ang kolera. Malapit sa pagtatapos ng Hunyo, mismong si Jacob ay nagkaroon ng sakit na dahilan upang di makaagapay sa mga bagon. Ang iba pang mga pinuno ng grupo ay nagpadala ng isang karwahe pabalik para sa kanya, at nang muli siyang sumama sa kampo, binasbasan siya ng mga elder. Gayunman, patuloy na lumala ang kanyang kalusugan, at siya ay pumanaw noong hapon ng ika-2 ng Hulyo. Nais ng mga nandarayuhan na ihatid ang kanyang mga labi sa kanyang asawa at mga anak sa lambak, ngunit dahil walang paraan upang mapreserba ang kanyang katawan, ibinaon nila ang kanyang labi sa daanan.33

Sina Nicolai, Rebekke, at ang iba pa sa grupo ay nagpatuloy sa kabuuan ng Agosto at sa mga unang linggo ng Setyembre. Wala nang paglaganap pa ng kolera sa kanila. Noong ika-6 ng Setyembre, umakyat sila sa huling daanan ng bundok at nagkampo sa tabi ng sapa hindi kalayuan sa kanilang destinasyon.

Kinaumagahan, hinilamusan ng mga nandarayuhan ang kanilang mga sarili at nagsuot ng malinis na damit bilang paghahanda para sa pagdating nila sa Lambak ng Salt Lake. Sinabi ni Peter Hansen na nararapat na maglinis sila matapos silang dumating sa lunsod, dahil maalikabok ang daan nila sa hinaharap, ngunit pinili ng mga nandarayuhan na ipagsapalaran ang alikabok.

Naglakbay sila sa huling ilang kilometro na puno ng pag-asa, sabik na makita ang lugar na narinig nila nang husto. Subalit nang pumasok sila sa lambak, hindi nila nakita ang Halamanan ng Eden. Natagpuan nila ang lugar na tinamaan ng tagtuyot na natatakpan ng sagebrush, dagat ng asin na lubhang tuyot, at mga tipaklong na sindami ng abot ng nakikita ng mata.34


Ang balita ng pagpanaw ni Jacob Secrist ay inilathala sa Deseret News noong ika-8 ng Agosto, mga isang buwan bago dumating ang kanyang grupo sa lambak. Ang kanyang kamatayan ay iniulat kasama ng dalawang iba pang mga missionary, sina Albert Gregory at Andrew Lamoreaux, na pumanaw rin sa kanilang pag-uwi sa Utah. “Itong ating mga kapatid ay binabagtas ang kanilang daan pauwi na may pusong galak na tumitibok,” nakasaad sa artikulo. “Subalit ang mga batas ng isang matalinong Maykapal ay humayo, at tulad ng magigiting na sundalo sila ay mapagkumbabang yumukod kasama ang kanilang mga baluti at ngayon ay nagpapahinga mula sa kanilang mga gawain, at ang kanilang mga gawa ay susunod sa kanila.”35

Sa panahong ito, natanggap ni Ann Eliza ang kanyang huling liham mula kay Jacob. Ang liham ay may petsang ika-21 ng Mayo mula sa St. Louis. “Ako ay nasa mabuting kalusugan at halos handa nang simulan ang pagtawid sa Ilog Missouri,” sabi ng bahagi nito. “Nawa’y pagpalain ka ng Diyos ng Israel ng mga pagpapala ng kanyang Espiritu, at kalusugan, pananampalataya, at mahabang buhay.”36

Matapos dumating ang kanyang grupo sa unang bahagi ng Setyembre, dalawang lalaki ang naghatid ng mga personal na gamit ni Jacob at isang kabayo kay Ann Eliza. Tulad ng ipinangako, nagdala si Jacob ng espada para sa bawat isa sa mga anak na lalaki pati na rin ang mga materyal para sa magandang amerikana. Para sa mga anak na babae ay nagdala siya ng mga damit at tela. Naglalaman din ang bagon ng kanyang mga liham at iba pang papeles at isang taong suplay ng mga produkto para sa pamilya.37

Tulad ng kanyang binalak gawin ilang taon na ang nakararaan, bumalik si Ann Eliza kasama ang kanyang mga anak sa bukirin sa hilaga ng Lunsod ng Salt Lake. Ang mga liham nila ni Jacob sa isa’t isa ay itinabi at pinangalagaan. Sa isa sa mga ito, na ipinadala ni Ann Eliza noong unang taon ng misyon ni Jacob, pinagnilayan niya ang sakripisyo na tinawag silang gawin.

“Mukhang mahirap mawalay sa mga lubos nating mahal sa lupa,” isinulat niya, “subalit kapag pinagninilayan ko kung para saan sila ipinatawag, maging ang pagtulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, ako ay walang dahilan upang dumaing o bumulung-bulong.”

“Ni hindi ko kailangang dumaing,” isinulat niya, “batid na ang aking kadakilaan ay higit sa daigdig na iyon, kung saan mayroong walang kalungkutan o pag-iyak, ngunit lahat ng luha ay papahirin mula sa ating mga mata.”38


Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1855, alam ni Brigham Young na ang mga Banal sa Teritoryo ng Utah ay may problema. Winasak ng mga tipaklong ang marami sa kanilang mga halamanan at bukirin, at winasak ng tagtuyot ang mga hindi nasira ng mga tipaklong. Umihip ang mga ulap ng alikabok sa kabuuan ng mga lambak, at nagkalat ang napakalaking sunog sa kabuuan ng mga tuyong dalisdis, na siyang sumira sa pagkain para sa mga baka. Walang paraan upang mapakain ang mga grupo ng mga baka na hihila ng bato patungo sa ginagawang templo, tumigil ang paggawa sa bahay ng Panginoon.

Naniniwala sina Brigham at kanyang mga tagapayo na ang tagtuyot at pamemeste ay isang “magiliw na pagpaparusa” mula sa Panginoon. “Tumalima sa mga bulong ng Espiritu at huwag tutuksuhin ang Panginoon na magdala sa atin ng mas mabigat na bakal ng disiplina,” inatasan nila ang mga Banal noong taglagas na iyon, “upang tayo ay lubusang makatakas sa mga kahatulang iyon ng Hari ng langit.”39

Ang mas nakapagpapabahala kay Brigham ay ang epekto ng pinsala sa pagtitipon. Habang ang mga misyon sa India, China, at Siam ay nagbunga ng ilang pagbibinyag, ang mga misyon sa Europa at sa South Africa ay nakabuo ng mga branch ng mga Banal na ngayon ay nais magtipon sa Sion. Gayunman, napakamahal ng pandarayuhan, at karamihan sa mga bagong miyembro ay maralita at kailangan ang mga pautang mula sa Perpetual Emigrating Fund.40

Sa kasamaang palad, pininsala ng tagtuyot ang ekonomiya ng Utah, na halos lubusang umaasa sa matatagumpay na ani. Nawalan ng kanilang ikabubuhay, maraming mga Banal ang hindi makapagbigay ng ikapu o muling mabayaran ang kanilang mga utang sa pondo. At hindi nagtagal ang Simbahan ay nagkaroon ng malaking utang sa pamamagitan ng paghiram ng pera upang makatulong na tustusan ang maraming grupo ng mga bagon na pupunta sa kanluran noong taong iyon.41

Sa isang liham sa mga Banal noong Oktubre 1855, ipinaalala ng Unang Panguluhan sa mga miyembro ng Simbahan na ang pag-aambag sa emigrating fund ay nakatulong na dalhin ang kanilang mga kapwa Banal sa isang lugar kung saan makararanas sila ng industriya at matapat na pagtatrabaho. “Ito ang tunay na pag-ibig sa kapwa-tao,” ipinahayag ng panguluhan, “hindi lamang upang pakainin ang nagugutom at damitan ang hubad, ngunit para ilagay ang mga ito sa isang sitwasyon kung saan sila ay maaaring makabuo ng kanilang ikabubuhay sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap.”42

Hinikayat nina Brigham at kanyang mga tagapayo ang mga Banal na mag-ambag ng kanilang makakaya para sa Perpetual Emigrating Fund. Batid na hindi gaanong makakatulong ang karamihan ng mga Banal, nagmungkahi rin sila ng mas murang paraan ng pagtitipon. Sa halip na tumungo sa Sion gamit ang mahal na mga baka at mga bagon, ang mga mandarayuhan sa hinaharap ay maaaring tumungo gamit ang mga kariton.

Ang paghihila sa mga kariton sa mga kapatagan, paliwanag ng Unang Panguluhan, ay mas mabilis at mas mura kaysa paglalakbay gamit ang bagon. Ang bawat kariton ay binubuo ng isang kahong yari sa kahoy na nakapatong sa ehe at dalawang gulong. Dahil mas maliit ang mga kariton kaysa sa mga bagon, hindi magagawa ng mga mandarayuhan na magdala ng kasindaming suplay at panustos. Subalit ang mga bagon sa lambak ay magagawang salubungin ang mga kariton sa bahagi ng paglalakbay ng mga ito upang magbigay ng tulong kung kinakailangan.

“Hayaang ang lahat ng mga Banal, na may kakayahan, ay magtipon para sa Sion at pumunta habang ang daan ay bukas para sa kanila,” ipinahayag ng Unang Panguluhan. “Hayaan silang tumungo gamit ang kanilang mga paa, na may hilang mga kariton o karetilya; hayaan silang bigkisin nila ang kanilang mga balakang at maglakad, at walang maaaring humadlang o magpanatili sa kanila.”43

Agad na ibinahagi ni Brigham ang mga plano kay apostol Franklin Richards, ang Pangulo ng European mission. “Nais ko po itong makitang sinusubukan,” isinulat niya. “Kung susubukan ito nang minsan, makikita ninyo na ito ang magiging paboritong paraan ng pagtawid sa mga kapatagan.”44