“Hanggang sa Lumipas ang Bagyo,” kabanata 33 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)
Kabanata 33: “Hanggang sa Lumipas ang Bagyo”
Kabanata 33
Hanggang sa Lumipas ang Bagyo
Sa araw bago ang Pasko noong 1882, si punong Hare Teimana ng mga Māori ay nakatayo sa gilid ng bangin sa tabi ng kanyang nayon malapit sa Cambridge, New Zealand. Sa ibaba, nakikita niya ang isang lalaking determinadong umaakyat ng bangin. Ngunit bakit inaaakyat ng estrangherong ito ang nayon kung mas madaling tahakin ang kalsada? Bakit siya nagmamadaling abutin ang tuktok? Mayroon ba siyang mahalagang bagay na dapat sabihin?
Habang pinagmamasdan ni Hare ang dayuhan na umakyat, kanyang natanto na kilala niya ito. Isang gabi ilang buwan na ang nakararaan, nagpakita si apostol Pedro, na nakasuot ng puting damit, sa silid ni Hare. Sinabi niya kay Hare na isang lalaki ang darating sa mga Māori taglay ang katulad na ebanghelyo na ipinangaral ni Jesucristo noong narito Siya sa lupa. Sinabi ni Pedro na makikilala ni Hare ang lalaking ito kapag nakita niya.1
Ang mga Protestante at Katolikong missionary ay bininyagan ang karamihan sa mga Māori sa Kristiyanismo noong dekada ng 1850, dahil dito ay pamilyar si Hare sa misyon ni Pedro sa sinaunang Simbahan ni Cristo. Naniniwala rin siya sa katotohanan ng mga pangitain at paghahayag. Bumabaling ang mga Māori sa kanilang matakite, o mga tagakita, upang tumanggap ng patnubay mula sa Diyos. Kahit matapos mabinyagan sa Kristiyanismo, ang ilang matakite, mga pinuno ng tribo, at mga patriyarka ng pamilya ay patuloy na nakakakita ng mga pangitain at tumatanggap ng mga banal na tagubilin para sa kanilang mga tao.2
Sa katunayan, isang taon bago iyon, tinanong ng mga lider ng mga Māori si Pāora Te Pōtangaroa, isang lubos na iginagalang na matakite, kung saang simbahan sasapi ang mga Māori. Matapos ang pag-aayuno at pagdarasal nang tatlong araw, sinabi ni Pāora na ang simbahang kanilang sasalihan ay hindi pa dumarating. Ngunit sinabi niya na darating ito sa taong 1882 o 1883.3
Nakikilala ang tao sa bangin na binanggit ni Pedro sa kanyang pangitain, sabik si Hare na marinig kung ano ang sasabihin nito. Pagod na pagod ang umaakyat nang makarating siya sa nayon, at kailangan siyang hintayin ni Hare na makapahinga saglit. Nang sa wakas ay nagsalita ang lalaki, ito ay sa wikang Māori. Sinabi nito na ang kanyang pangalan ay William McDonnel, at siya ay isang missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagbigay siya kay Hare ng ilang polyetong panrelihiyon at nagpatotoo na ang mga ito ay naglalaman ng ebanghelyong itinuro ni Cristo sa panahon ng Kanyang ministeryo. Nagsalita rin siya tungkol kay Cristo na nag-uutos kay Pedro na ipahayag ang ebanghelyo matapos ang Kanyang pag-akyat sa Langit.4
Napukaw ang interes ni Hare, ngunit si William ay sabik na muling makapiling ang kanyang dalawang kompanyon sa misyon, na binagtas ang kalsada patungo sa nayon. Nang nagsimulang umalis si William, hinablot siya ni Hare sa kuwelyo ng kanyang tunika. “Huminto ka rito at sabihin mo sa akin ang tungkol sa ebanghelyo,” giit niya.
Sinimulan ni William na ibahagi ang lahat ng alam niya, at patuloy ang mahigpit na pagkakahawak ni Hare sa kanyang kuwelyo. Labinlimang minuto na ang lumipas, at nakita ni William ang kanyang mga kasama, ang mission president na si William Bromley at si Thomas Cox, na dumating sa nayon mula sa pangunahing kalsada. Iwinagayway niya ang kanyang sumbrero upang makuha ang kanilang atensyon, at sa huli ay binitawan na ni Hare ang kanyang kuwelyo. Pagkatapos, kasama si William na nagsisilbing tagapagsalin, nakipag-usap ang mga lalaki kay Hare upang ipahayag ang kanilang hangarin na makipag-usap sa mga Māori sa lugar na iyon.
Inanyayahan silang bumalik ni Hare kalaunan sa araw na iyon. “Maaari kayong magkaroon ng pulong sa bahay ko,” sabi niya.5
Nang gabing iyon, naupo si William McDonnel kasama sina Pangulong Bromley at Thomas Cox sa bahay ni Hare Teimana. Tubong Irish, lumipat si William sa New Zealand nang sinabi sa kanya ng isang kapitan ng barko na ito ay isang magandang bansa. Kalaunan ay nanirahan siya nang ilang taon kasama ng mga Māori at natutuhan ang kanilang wika. Pagkatapos ay lumipat siya sa lunsod ng Auckland, New Zealand, kung saan siya ay ikinasal noong 1874 at sumapi sa Simbahan pagkaraan ng ilang taon.6
Bagama’t ang mga missionary ay tinawag na mangaral sa New Zealand at kalapit na Australia mula noong mga unang taon ng dekada ng 1850, ang Simbahan sa New Zealand ay maliit pa lamang. Sa nakaraang tatlong dekada, hindi bababa sa 130 miyembro ang nagtipon sa Lambak ng Salt Lake, pinapaliit ang mga branch sa New Zealand tulad ng sa iba pang mga bansa.
Karamihan sa mga miyembro ay mga nandayuhang Europeo tulad ni William. Ngunit pagkatapos agad ng binyag ni William, dumating si Pangulong Bromley sa New Zealand na may isang atas mula kay Joseph F. Smith, ang bagong pangalawang tagapayo sa Unang Panguluhan, na dalhin ang ebanghelyo sa mga Māori.7 Nanalangin si Pangulong Bromley upang mahanap ang mga tamang tao na ipapadala, at nadama niya na si William ay isa sa mga tao na maaaring gumawa nito. Bininyagan ni William ang unang Māori na tumanggap ng ordenansa sa New Zealand, isang lalaking nagngangalang Ngataki, pagkaraan ng anim na buwan.8
Ngayon, habang nakaupo kasama ang mga kababaihan at kalalakihang Māori sa bahay ni Hare, naisasagawa ng mga missionary ang utos ni Joseph F. Smith. Magbabasa si Pangulong Bromley ng isang talata mula sa Biblia sa wikang Ingles, at si William ay babaling sa bahaging iyon sa Biblia na nasa wikang Māori at iaabot ito sa isang tao upang basahin. Ang grupo ay nakikinig nang mabuti sa mensahe, at sinabi ni William sa grupo na babalik siya sa susunod na gabi.
Bago umalis ang mga missionary, dinala ni Hare si William upang makita ang kanyang anak na si Mary. Ilang linggo na siyang maysakit, at sinabi ng mga doktor na kaunting panahon na lamang bago siya pumanaw. Katatapos lamang ituro ni William na ang mga elder na may priesthood ng Diyos ay maaaring magsagawa ng basbas ng pagpapagaling, at naisip ni Hare na basbasan nila ang kanyang anak.
Tila maaari nang mamatay anumang sandali ang batang babae. Lumuhod sina William, Pangulong Bromley, at Thomas sa tabi niya at inilagay ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo. Napuspos ng mabuting espiritu ang silid, at binasbasan siya ni Thomas na mabuhay pa.
Nang gabing iyon, hindi makatulog si William. Nanampalataya siya na mapapagaling si Mary. Ngunit paano kung hindi ito ang kalooban ng Diyos? Paano nito maaapektuhan ang pananampalataya nina Hare at iba pang mga Māori kung mamamatay ito?
Makalipas ang bukang liwayway, nagtungo si William sa bahay ni Hare. Sa di kalayuan, nakita niya ang isang babae mula sa nayon na papalapit sa kanya. Nang nagpang-abot sila, inangat siya nito mula sa lupa sa isang mahigpit na yakap. Pagkatapos ay hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya patungo sa bahay ni Hare.
“Kumusta po ang bata?” tinanong ni William.
“Napakabuti!” sinabi ng babae.
Pagpasok ni William sa bahay, nakita niya si Mary na nakaupo sa kama at nakatingin sa paligid ng silid. Nakipagkamay siya rito at hiniling sa ina nito na kumuha ng strawberry upang makain.9
Nang gabing iyon, sina Hare at kanyang asawa, si Pare, ay tumanggap ng binyag, tulad ng ginawa ng isa pang tao sa nayon. Naglakbay ang grupo patungo sa Ilog Waikato, kung saan lumusong si William sa tubig, itinaas ang kanyang kanang kamay sa parisukat at inilubog ang bawat isa sa kanila sa tubig. Pagkatapos, bumalik siya sa Auckland habang sina Thomas Cox at kanyang asawa, si Hannah, ay patuloy na naglingkod sa mga Māori sa Cambridge.
Makalipas ang dalawang buwan, noong Pebrero 25, 1883, ang unang Māori branch ng Simbahan ay itinatag.10
Matapos siyang mabinyagan, sabik na dinggin ni Anna Widtsoe ang panawagan ng Panginoon na magtipon sa Sion. Si Anthon Skanchy, isa sa mga missionary na nagturo sa kanya ng ebanghelyo, ay madalas na sumusulat sa kanya upang hikayatin siya at ang kanyang mga anak na lalaki na sumama sa kanya at sa iba pang mga Banal na Scandinavian sa Utah. Nauna nang nandayuhan sa Logan, Utah, kung saan ang mga Banal ay tinatapos ang templo na katulad sa laki at anyo ng templo sa Manti, nauunawaan nito ang kagustuhan niyang lisanin ang Norway.
“Lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti,” pagtitiyak niya sa isang liham. “Ikaw at ang iyong mga anak ay hindi malilimutan.”11
Sabik man si Anna na manirahan sa Utah, alam niyang hahanap-hanapin niya ang kanyang bayang tinubuan. Ang kanyang yumaong asawa ay inilibing doon, at malalim ang kanyang pagmamahal sa iba pang mga miyembro ng Simbahan sa kanyang bayan. Madalas, kapag nililisan ng mga Banal na taga-Europa ang kanilang branch upang magsitungo sa Sion, nag-iiwan sila ng mga bakanteng katungkulan sa pamunuan ng lokal na Simbahan, pinahihirapan nito ang maliliit na kongregasyon na umunlad. Si Anna ay isang tagapayo sa Relief Society ng kanyang branch, at kung magpapasiya siyang manirahan sa Utah, tunay na madarama ng maliit na grupo ng kababaihan ang kanyang pagkawala.
Naroroon din ang kanyang dalawang anak na lalaki na kailangan niyang isaalang-alang. Ang labing-isang taong gulang na si John at limang taong gulang na si Osborne ay matatalino at mababait na mga bata. Sa Utah, kailangan nilang matuto ng bagong wika at makibagay sa bagong kultura, na maaaring maglagay sa kanila sa pagkadehado kung ihahambing sa ibang mga bata sa kanilang edad. At paano niya itataguyod ang mga ito? Mula nang mabinyagan, lumago ang negosyong patahian ng damit ni Anna. Kung lilisanin niya ang Norway, mawawala ang pensiyon ng kanyang asawa at kakailanganin niya na muling itatag ang kanyang negosyo sa isang bagong lugar.12
Muling nakatagpo ni Anna si Hans, isang dating manliligaw, na tila interesado na muling buhayin ang kanilang pag-iibigan. Hindi ito miyembro ng Simbahan, ngunit tila sumusuporta ito sa kanyang pananampalataya. Gayunman, wala gaanong pag-asa si Anna na sasapi ito sa mga Banal, dahil tila mas interesado ito sa mga makamundong mithiin kaysa sa paghahanap sa kaharian ng Diyos.13
Habang pinagninilayan ni Anna ang mga bagay na ito, kanyang natanto na ang pananatili sa Norway ay pipigil lamang sa kanya at kanyang mga anak. Hindi kinikilala ng pamahalaang Norwegian ang Simbahan ni itinuturing ito bilang Kristiyano. Tinugis ng mga mandurumog ang mga missionary, at madalas batikusin ng mga mangangaral ang Simbahan sa mga sermon at mga polyeto. Bukod sa kanyang nakababatang kapatid na babae na si Petroline, na may taglay na interes sa Simbahan, tinalikuran din ng sarili niyang pamilya si Anna nang sumapi siya sa mga Banal.
Noong taglagas ng 1883, nagpasiya si Anna na lisanin ang Norway. “Ako ay maglalakbay pauwi sa Utah sa pinakamaagang pagkakataon,” nagliham siya kay Petroline noong Setyembre. “Kung hindi natin maiiwan ang lahat ng bagay, maging ang ating buhay kung kinakailangan, tayo ay hindi mga disipulo.”14
Gayunman, isang hadlang ang pananalapi. Hindi siya tutulungan ng kanyang pamilya na isagawa ang paglalakbay, at hindi alam ni Anna kung paano babayaran ang gastusin ng pandarayuhan. Hindi naglaon ay nag-ambag ng pera sa kanya ang dalawang nagbabalik na missionary at isang Banal na Norwegian. Binigyan din siya ni Hans ng kaunting pera para sa paglalakbay, at hinayaan siya ng Simbahan na gamitin ang ilan sa kanyang ikapu upang makatulong sa pagbabayad ng pamasahe ng kanyang pamilya.
Sa kanyang huling pulong kasama ang kanyang Relief Society, ipinahayag ni Anna kung gaano siya kasaya na ang kaharian ng Diyos ay muling nasa lupa—at na siya ay nagkaroon ng pagkakataong tumulong sa pagtatayo nito. Habang nakikinig siya sa mga patotoo ng mga kababaihan ng Relief Society, hiniling niya na siya at sila ay laging mamuhay upang ang Espiritu ng Diyos ay kanilang makasama at maliwanagan sila.
Noong Oktubre 1883, sumakay ng barko sa Oslo sina Ana, John, at Osborne at tumungo sa England. Sa dalampasigan, ang mga kapwa nila Banal na Norwegian ay kumaway ng pamamaalam gamit ang mga panyo. Ang kagila-gilalas na baybayin ng Norway ay hindi kailanman naging ganoon kaganda sa paningin ni Anna. Sa pagkakaalam niya, hindi niya na ito makikitang muli kailanman.15
Noong unang bahagi ng tag-init ng 1884, naglilingkod si Ida Hunt Udall bilang pangulo ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association ng Eastern Arizona Stake, isang posisyon na kinakailangan niyang pangalagaan at turuan ang mga kabataang babae sa Snowflake, sa St. Johns, at sa iba pang mga pamayanan sa lugar na iyon. Bagama’t hindi siya madalas na makapunta sa bawat samahan sa stake, nagagalak siya kapag nagtitipon sila para sa kumperensya bawat ikatlong buwan.16
Mula noong kanyang pagpapakasal kay David Udall, lumipat pabalik ng St. Johns si Ida kung saan dinaranas ng mga Banal ang mariing pagtutol. Ang bayan ay pinangangasiwaan ng mga makapangyarihang mamamayan na hindi nais manirahan ang mga Banal sa county. Kilala bilang ang Ring, ginugulo ng grupo ang mga miyembro ng Simbahan at hinadlangan silang bumoto. Naglathala rin sila ng isang pahayagan na naghihikayat sa mga mambabasa na takutin ang mga Banal.
“Paano napatalsik ng Missouri at Illinois ang mga Mormon?” tanong ng isang artikulo. “Sa pamamagitan ng paggamit ng baril at lubid.”17
Nasa tahanan kasama sina David at Ella, gayunpaman, nakatagpo si Ida ng kapayapaan. Sa loob ng ilang panahon, nahirapan si Ella na masanay sa bagong katayuan ni Ida sa tahanan, subalit naging magkalapit ang dalawang babae habang tinutulungan nila ang isa’t isa sa gitna ng mga karamdaman at iba pang mga hamon sa araw-araw. Mula nang sumapi sa pamilya, tinulungan ni Ida si Ella noong panahon ng pagsilang nito sa dalawang anak na babae, sina Erma at Mary. Si Ida mismo ay hindi pa rin nagkakaanak.
Noong Hulyo 10, 1884, limang araw matapos isilang si Mary, nagliligpit si Ida ng pinagkainan ng hapunan nang dumating sa may pintuan ang bayaw ni David na si Ammon Tenney. Isinakdal siya sa salang poligamya, at ang asawa niyang si Eliza, ang kapatid ni David, ay ipinatawag ng subpoena upang magbigay-saksi laban sa kanya. Sa halip na sumunod sa batas at maging mahalagang saksi sa paglilitis ng kanyang asawa, nagpasiya si Eliza na magtago mula sa mga marshal.18
“Ang susunod na pagtawag ay maaaring para sa iyo,” binalaan ni Ammon si Ida. Bilang bishop ng St. Johns—at isang kilalang nagsasagawa ng poligamya—ang kanyang asawa ay magiging pangunahing tao para sa pag-uusig. Kapag si Ida ay nahuli ng isang marshal na may subpoena, mapipilitan siyang magbigay-saksi laban kay David sa korte. Sa ilalim ng Batas ni Edmunds, maaari siyang magbayad ng multa na $300 at masintensyahan ng anim na buwan sa bilangguan dahil sa paglabag sa batas ng pagsasama nang hindi kasal. At ang parusa laban sa poligamya ay mas marahas. Kapag nahatulan, maaaring magmulta si David ng halagang $500 at masintensyahan ng limang taon sa bilangguan.19
Unang pumasok sa isip ni Ida si Ella, na nagpapagaling mula sa pagsilang ng kanyang anak na babae. Kailangan pa rin ni Ella ang tulong niya, at ayaw siyang iwan ni Ida. Ngunit ang pananatili sa bahay ay ilalagay lamang ang pamilya sa mas malaking panganib.
Mabilis na isinuot ni Ida ang alampay sa kanyang ulunan at tahimik na lumabas. Nagtatago sa isang kapitbahay sina Eliza at iba pang mga kababaihan mula sa mga marshal, at sumama sa kanila si Ida. Karamihan sa mga kababaihan ay iniwan ang kanilang mga anak, walang pagpipilian kundi ipagkatiwala ang kanilang mga anak sa pangangalaga ng iba.
Bawat araw ay nanatiling mapagmasid sa daan ang kanilang mga mata, mabilis na nagtatago sa ilalim ng kama o sa likod ng kurtina tuwing may estranghero na lumalapit sa bahay.
Matapos manatili ni Ida sa kapitbahay sa loob ng anim na araw, isang kaibigan ang nag-alok na lihim na ihatid siya at ang iba pang kababaihan patungo sa Snowflake. Bago nilisan ang bayan, umuwi si Ida at mabilis na nag-empake ng ilang gamit para sa kanyang paglalakbay. Habang hinahagkan niya si Ella at nagpaalam sa mga bata, nadama niya na mahabang panahon ang lilipas bago niya makita silang muli.20
Nagsalita si Ida sa organisasyon ng young women sa Snowflake Ward pagkarating niya, sariwa pa sa kanyang isipan ang pagdurusa sa St. Johns. “Yaong mga nagdurusa ng pag-uusig para sa kapakanan ng ebanghelyo ay nagkaroon ng kapayapaan at kapanatagan na halos hindi nila inaasahan,” pagpapatotoo niya. “Hindi natin dapat asahang magkaroon ng buhay sa Simbahang ito nang walang mga pagsubok. Ang ating mga buhay ay tiyak na malalagay sa panganib.”21
Noong katapusan ng tag-init, ilang mga Banal sa Teritoryo ng Utah ang dinakip sa ilalim ng bisa ng Batas ni Edmunds, subalit walang nasakdal o nabilanggo. Ilan sa mga Banal na dinakip ay si Rudger Clawson, ang nakasaksi sa pagpaslang sa kanyang kompanyon sa misyon, si Joseph Standing, limang taon na ang nakararaan. Kasal si Rudger sa dalawang babae, sina Florence Dinwoody at Lydia Spencer. Matapos ang kanyang pagkakadakip, nagtago si Lydia at iniwan ang mga taga-usig nang walang mahalagang saksi.22
Nagsimula ang paglilitis ni Rudger noong Oktubre. Sa pagdinig, ang mga saksing Banal sa mga Huling Araw, kabilang na si Pangulong John Taylor, ay sinikap na hangga’t maaari ay hindi makatulong sa korte. Nang tinanong ng mga tagausig ang propeta kung saan maaaring hanapin ang mga talaan ng mga kasal ng Simbahan, malabo ang kanyang mga sagot.
“Kung nais mo itong makita,” tanong ng isang abogado sa kanya, “may anumang paraan ba upang malaman kung saan?”
“Malalaman ko kung magtatanong ako,” sabi ni Pangulong Taylor.
“Gayon ba ang iyong kabaitan upang gawin ito?” tanong ng tagapagtanggol.
“Aba,” nagpapatawang sagot ng propeta “ako ay hindi mabuti upang gawin ito.” Ang korte ay biglang humalakhak.23
Matapos ang isang linggong pakikinig sa kahalintulad na mga pahayag, nabigo ang may labindalawang miyembro na lupon ng tagahatol na magkaroon ng isang desisyon tungkol sa kaso, at ipinagpaliban ng hukom ang paglilitis. Ngunit nang gabi ring iyon, isang deputy marshal ang nakahanap kay Lydia Clawson at hinainan siya ng subpoena upang magbigay-saksi laban kay Rudger sa hukuman.
Nagsimula agad ang panibagong paglilitis. Matapos marinig ang mga pahayag ng ilang saksi na nagpakita sa nakaraang paglilitis, tinawag ng tagalitis si Lydia sa pulpito ng mga saksi. Tila maputla siya ngunit determinado. Nang sinubukan ng klerk na pasumpain siya, tumanggi siyang magbigay ng panunumpa ng pagsasabi ng katotohanan.24
“Hindi mo ba batid na mali na ikaw ay hindi manumpa?” tanong ng hukom kay Lydia.
“Maaari,” sagot niya.
“Maaari kang mabilanggo,” nagbabala ang hukom.
“Iyan ay nakadepende sa inyo,” sabi ni Lydia.
“Kumuha ka ng nakatatakot na responsibilidad sa gawaing salungatin ang pamahalaan,” sabi ng hukom. Pagkatapos ay ipinagkatiwala siya sa pangangalaga ng mga marshal at ipinagpaliban ang paglilitis.
Noong gabing iyon, pagkatapos mailipat sa bilangguan ng estado, tumanggap si Lydia ng mensahe mula kay Rudger. Nakiusap ito sa kanya na magbigay-saksi laban dito. Nagdadalantao siya, at kung tututol siyang makipagtulungan sa hukuman, maaari siyang magsilang ng kanyang sanggol sa isang piitang pederal, ilang daang kilometro ang layo mula sa kanyang tahanan at pamilya.25
Kinabukasan ay sinamahan ng marshal si Lydia sa siksikang hukuman, kung saan muling tinawag siya ng mga tagausig sa pulpito ng mga saksi. Ngayon, hindi siya tumanggi noong pinangangasiwaan ng klerk ang panunumpa. Pagkatapos ay tinanong siya ng tagalitis kung siya ay ikinasal.
Halos bumubulong, sinabi ni Lydia na siya nga.
“Kanino?” mariin niyang tanong.
“Rudger Clawson,” sabi niya.
Wala pang dalawampung minuto ang kinailangan ng lupon ng tagahatol upang hatulan siya na nagkasala—ang kauna-unahan sa ilalim ng Batas ni Edmunds.26 Makalipas ang siyam na araw, humarap si Rudger sa hukom para sa sintensiya. Bago magbigay ng kanyang hatol, tinanong ng hukom si Rudger kung may nais itong sabihin.
“Ikinalulungkot ko nang labis na ang mga batas ng aking bansa ay makikipagtunggali sa mga batas ng Diyos,” sabi ni Rudger, “ngunit kapag ginawa nila ito, walang atubili kong pinipili ang huli.”
Sumandal ang hukom sa kanyang upuan. Handa siyang maging maluwag kay Rudger, ngunit ang pagiging matigas ng ginoo ay nagpabago ng isip niya. Seryosong nakatingin, pinatawan niya ng parusang apat na taon sa bilangguan si Rudger at pinagmulta ito ng $500 dahil sa poligamya at $300 dahil sa mga labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal.
Tahimik ang hukuman. Isang marshal ang naghatid kay Rudger palabas ng silid, pinahintulutan siyang magpaalam sa mga kaibigan at kamag-anak, at pagkatapos ay dinala siya sa bilangguan. Ginugol ni Rudger ang kanyang unang gabi sa bilangguan kasama ang limampu sa mga pinakamasasamang kriminal ng teritoryo.27
Noong taglamig na iyon, sa mga pamayanan sa buong Teritoryo ng Utah, patuloy na ginugulo ng mga marshal ang mga Banal sa kanilang mga tahanan, umaasang pabiglang makahuli ng mga maramihang pamilya. Araw at gabi, nasisindak na nakamasid ang mga ama at ina habang nilulusob ng mga pulis ang kanilang mga tahanan at pinaaalis ang mga bata mula sa kanilang mga kama. Ang ilang marshal ay tahimik na dumaan sa mga bintana o nagbantang sisirain ang pinto. Kung nakatagpo sila ng isang maramihang asawa, maaari nilang dakpin ito kung tututol itong magbigay-saksi laban sa asawa nito.
Nais man ni John Taylor na hikayatin ang mga Banal na patuloy na ipamuhay ang kanilang relihiyon, nakita niya na ang mga pamilya ay pinaghihiwalay, at pakiramdam niya ay responsable siya para sa kanilang kapakanan.28 Hindi nagtagal ay nagsimula siyang humingi ng payo sa mga lider ng Simbahan tungkol sa paglipat ng mga Banal sa labas ng Estados Unidos upang maiwasan ang pagdakip at humanap ng mas malawak na kalayaan.29
Noong Enero 1885, siya at si Joseph F. Smith ay umalis ng Lunsod ng Salt Lake kasama ang ilang mga apostol at pinagkakatiwalaang mga kaibigan upang bisitahin ang mga Banal sa Teritoryo ng Arizona, na nasa bandang hilaga ng Mexico. Maraming Banal ang naninirahan doon sa takot, at ang ilan ay tumalilis na patungong Mexico upang makatakas mula sa mga marshal.30
Nababalisang makita sa kanilang sarili kung ang iba pang mga Banal ay makakatagpo ng kanlungan sa bansang iyon, tinawid nina John, Joseph, at kanilang mga kasamahan ang hangganan patungo sa Mexico. Doon ay may natagpuan silang ilang tila mainam na lugar malapit sa sapat na tubig upang suportahan ang mga pamayanan.31 Nang bumalik ang grupo sa Arizona makalipas ang ilang araw, masinsinang nag-usap sina John at ang kanyang mga kasama tungkol sa susunod na gagawin.
Sa huli, nagpasiya silang bumili ng lupain at magtayo ng mga pamayanan sa isang estado ng Mexico, ang Chihuahua. Hiniling ni John sa ilang lalaki na simulang maglikom ng pera. Pagkatapos ay siya at ang iba ay naglakbay sa pamamagitan ng tren patungong San Francisco.32 Pagdating doon, tumanggap si John ng mahalagang telegrama mula kay George Q. Cannon. Ang mga kaaway sa tahanan ay aktibo, babala ni George, at nailatag na ang isang plano upang dakpin ang Unang Panguluhan.
Ilang kalalakihan ang humimok kay John na manatili sa California hanggang sa mawala ang panganib. Hindi tiyak kung ano ang gagawin, nanalangin ang propeta para sa patnubay. Pagkatapos ay ipinahayag niya na siya ay babalik sa Lunsod ng Salt Lake at ipapadala si Joseph F. Smith sa Hawaii sa isa pang misyon. Ilang lalaki ang tumutol, tiyak na sina John at ang iba ay darakpin kung uuwi sila. Subalit tiyak si John sa kanyang pasya—ang kanyang lugar ay nasa Utah.
Dumating si John sa kanilang tahanan makalipas ang ilang araw at tinawag ang mga lider ng Simbahan sa isang espesyal na pagpupulong. Sinabi niya sa kanila ang kanyang plano na bumili ng lupain sa Mexico, at sinabi niya ang kanyang layon na iwasan ang pagkakadakip sa pamamagitan ng pagtatago. Pinayuhan niya ang mga Banal na gawin ang lahat ng kanilang makakaya, nang iniiwasan ang karahasan, upang maiwasan ang pag-uusig. Ngayon ay gayon din ang kanyang gagawin.33
Noong Linggong iyon, nagsalita sa publiko sa mga Banal si John sa tabernakulo, sa kabila ng mga banta ng pagdakip. Ipinaalala niya sa kongregasyon na hinarap nila noon ang pang-aapi. “Itaas ang kwelyo ng inyong amerikana at ibutones ang inyong sarili at itaboy ang lamig hanggang sa lumipas ang bagyo,” ipinayo niya sa kanila. “Ang bagyo ay lilipas tulad ng ginawa noon ng iba.”34
Nang mahikayat ang mga Banal sa abot ng kanyang makakaya, nilisan ni John ang tabernakulo, sumakay sa isang karwahe, at naglakbay sa kalaliman ng gabi.35