“Walang Pag-aalinlangan ni Pagkasiphayo,” kabanata 16 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)
Kabanata 16: “Walang Pag-aalinlangan ni Pagkasiphayo”
Kabanata 16
Walang Pag-aalinlangan ni Pagkasiphayo
Habang nagmamadali patungong silangan ang unang grupo ng pagsagip, nagkampo ang pangkat ni Edward Martin malapit kay Jesse Haven at sa grupo ng mga bagon ng mga Hodgett sa Fort Laramie, isang kampo ng militar sa gitna ng Florence at Lunsod ng Salt Lake. Nauubos na ang suplay ng pagkain ng mga nandarayuhan, at walang grupo ng pagsagip na nakikitang dumarating mula sa lambak.
Binuksan ng lalaking namamahala sa kuta ang kanyang tindahan sa mga Banal, na ipinagbili ang kanilang mga relo at iba pang mga suplay upang makabili pa ng harina, bacon, at bigas. Subalit noon pa man ang kanilang panustos ay hindi magiging sapat upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan para sa natitirang mga walong daang kilometro ng paglalakbay.1
Nabahala si Jesse Haven para sa mga Banal na naglakbay gamit ang mga kariton. Ang isang librang harina kada araw ay hindi sapat upang tustusan ang isang tao na humihila ng kariton sa mga mabuhanging daanan at mga mabatong burol, at hindi maglalaon ang nakalaang ito ay maaaring mabawasan. Ang pagtitiis ay mas mahirap sa mga may edad na mga Banal, na nagsimulang pumanaw sa nakababahalang bilang.
“Sila ay tunay na maralita at naghihirap na mga tao,” iniulat ni Jesse sa kanyang liham kay Brigham Young. “Naghihinagpis ang puso ko para sa kanila.”2
Sa kabila ng kanilang mga kalagayan, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga nandarayuhan. Naglakbay ang mga bagon ni Jesse malapit sa grupo ni Martin, nagbibigay ng tulong kung saan sila maaaring makatulong. Mas mabagal na umuusad ang mga nandarayuhan na may gamit ng kariton. Hindi pa nagtatagal matapos lisanin ang kuta, si Aaron Jackson, ang British na trabahador ng seda, ay nagkaroon ng lagnat. Napaigtad ng karamdaman ang kanyang lakas, at tila nawawalan siya ng hangaring sumulong.
Nais ni Aaron na kumain ng higit pa kaysa sa kanyang rasyon, ngunit wala nang sobrang pagkain. Matapos siyasatin ang imbakan ng pagkain ng mga grupo, binawasan ni Kapitan Martin ang pang-araw-araw na rasyon sa kanyang grupo sa tatlong-kapat ng isang librang harina bawat tao. Sinubukan ng pamilya at mga kaibigan ni Aaron na hayaan siyang maglakad, subalit mas lalo lamang siyang nahapo sa pagsisikap.3
Noong umaga ng ika-19 ng Oktubre, naupo si Aaron upang magpahinga sa tabi ng daan habang nagpatuloy ang iba sa grupo patungo sa Ilog North Platte. Pagsapit ng tanghali, nadama niyang napakahina pa rin niya upang kumilos. Bumagsak nang husto ang temperatura sa nakaraang ilang araw, at nagsisimulang umulan ng niyebe. Kung hindi siya tatayo at muling sasamahan ang kanyang grupo, hindi magtatagal ay mamamatay siya sa sobrang ginaw.
Kalaunan, natagpuan si Aaron ng dalawang lalaki mula sa grupo, inilagay siya sa isang bagon na may iba pang maysakit na mga Banal, at dinala siya sa North Platte. Natagpuan niya ang kanyang pamilya sa gilid ng ilog, naghahanda sa paghila ng kanilang kariton sa patawid ng ilog. Dahil napakahina ng mga baka ng bagon upang ligtas na hilahin ang kanilang pasanin sa mga nagngangalit na agos ng tubig, kinakailangang bumaba ni Aaron upang palakad na tumawid ng ilog.
Nanghihina siyang tumapak sa nagyeyelong tubig habang ang kanyang asawa, si Elizabeth, at hipag na si Mary ay nanatili sa mga bata at sa kariton. Nagawa niyang lumakad nang ilang distansiya, ngunit pagkatapos ay napatapak siya sa isang maliit na pulo ng buhangin at hinimatay mula sa matinding pagod. Agad na lumusong si Mary palapit sa kanya at hinila siya upang makatayo habang ang isang lalaking nakasakay ng kabayo ay lumapit, kinuha siya, at dinala sa kabilang ibayo ng ilog.4
Umihip ang hangin mula sa hilaga sa kabuuan ng grupo, at nagsimulang bumagsak ang nagyeyelong ulan. Bumalik si Mary sa kariton at hinila nila ito ni Elizabeth patawid ng ilog. Habang nahihirapan ang ibang nandarayuhan na tumawid, ang mga kalalakihan at kababaihan ay muling tinahak ang ilog upang iligtas ang mga kaibigan. Ang ilan ay kinarga ang mga Banal na masyadong matanda, napakabata pa, o lubhang maysakit upang tumawid nang mag-isa. Ang labingsiyam na taong gulang na si Sarah Ann Haigh ay lumusong sa nagyeyelong tubig nang paulit-ulit, tumutulong sa maraming tao na tumawid.
Hindi na magawang makalakad pa, inilagay si Aaron Jackson sa isang kariton at dinala sa kampo para sa gabing iyon, ang kanyang mga paa ay nakabitin sa likod ng kariton. Sina Elizabeth at Mary ay sumunod sa lalong madaling panahon, handang mag-asikaso sa kanya oras na marating nila ang kampo. Sa likod nila, ang mga Banal ay pagal na naglakad sa dapithapon, ang kanilang mga gula-gulanit na damit ay nagyeyelo sa kanilang mga katawan.5
Noong gabing iyon, tinulungan ni Elizabeth ang kanyang asawa na mahiga sa higaan at nakatulog sa tabi nito. Nang magising siya makalipas ang ilang oras, pinakinggan niya ang paghinga ni Aaron at walang anumang narinig. Natataranta, ipinatong niya ang kanyang kamay dito at natagpuan ang katawan nitong malamig at matigas.
Humiyaw si Elizabeth upang humingi ng tulong, ngunit walang magagawa ang sinuman. Naisip niyang magsindi ng apoy upang makita niya si Aaron, subalit wala siyang paraan upang magparingas nito.
Nahiga sa tabi ng bangkay ng kanyang asawa, hindi makatulog si Elizabeth. Naghintay siya at nanalangin, nagdadalamhati habang minamasdan niya ang mga unang palatandaan ng bukang liwayway. Mabagal na lumipas ang mga oras. Batid niya na naroroon pa rin ang kanyang mga anak upang alagaan—at naroroon pa rin ang kanyang kapatid na si Mary upang tulungan siya. Ngunit kahit si Mary ay nagkakasakit na rin. Ang taong tanging tunay na masasandigan ni Elizabeth ay ang Panginoon. Nang gabing iyon humiling siya sa Kanya ng tulong, nagtitiwalang mapapanatag siya Nito at tutulungan ang kanyang mga anak.
Pagsapit ng umaga, pinanghihinaan ng loob ang mga nandarayuhan nang makita ang ilang pulgada ng niyebe sa lupa. Isang grupo ng mga lalaki ang nagdala kay Aaron palayo kasama ang labintatlong ibang mga tao na namatay sa loob ng magdamag. Dahil napakahirap tibagin ang lupa, binalot nila ng kumot ang mga patay at tinatabunan ang mga ito ng niyebe.6
Iniutos ni Kapitan Martin sa grupo na magpatuloy, sa kabila ng panahon. Itinulak at hinila ng mga nandarayuhan ang kanilang mga kariton sa loob ng ilang kilometro ng makapal na niyebe at malupit na hagupit ng hangin. Kumapit ang basang niyebe sa mga gulong, ginagawang mas mabigat at mas mahirap hatakin ang mga kariton.7
Kinabukasan, nagpatuloy ang grupo sa mas malalim pang niyebe.8 Marami ang walang sapat na sapatos o bota upang magprotekta laban sa lamig. Natalop ang balat ng kanilang mga paa at naging duguan dahil sa niyebe. Sinikap ng mga Banal na pasiyahin ang kanilang mga espiritu sa pamamagitan ng pag-awit ng mga himno.9 Subalit apat na araw matapos tawirin ang North Platte, kakaunti pa lamang ang nagawa nilang pag-usad.
Mahina at nangangayayat dahil sa gutom, nahirapan ang mga nandarayuhan na magpatuloy na sumulong. Ang harina ay halos ubos na. Ang mga baka ay nangamamatay na ngunit masyadong payat upang magbigay ng sustansiya. May mga taong walang sapat na lakas upang itayo ang kanilang mga tolda, kung kaya’t natulog sila sa niyebe.10
Noong ika-23 ng Oktubre, nagpasiya si Kapitan Martin na ipahinga ang grupo sa isang lugar na tinatawag na Red Buttes. Sa pagdaan ng mga araw, lalo lamang lumala ang sitwasyon sa kampo. Patuloy na bumagsak ang temperatura, at hindi nagtagal, ang mga namatay sa grupo ay umabot na sa higit sa limampu. Sa gabi, ang mga lobo ay patalilis na pumapasok sa kampo, hinalukay ang mga libingan, at kinain ang mga labi.11
Araw-araw, tinatawag ni Kapitan Martin ang mga Banal upang manalangin para sa tulong at humingi ng pagbabasbas sa mga maysakit at nagdurusa sa kampo. Mukha siyang pagod at malungkot, subalit tiniyak niya sa mga Banal na darating ang tulong.12
Noong gabi ng ika-27 ng Oktubre, si Elizabeth ay naupo sa isang malaking bato at niyakap ang kanyang mga anak. Libu-libong kilometro ang layo mula sa England, dukha at naipit sa isang nagyeyelong bansa na may mabatong bundok, siya ay unti-unting nawawalan ng pag-asa. Isa na siyang balo. Ang kanyang mga anak ay wala nang ama. Walang magpoprotekta sa kanila mula sa mga unos ng taglamig maliban sa gula-gulanit na damit at ilang kumot.
Kung minsan sa gabi, nakakatulog siya at napapanaginipan na si Aaron ay nakatayo sa tabi niya. “Magsaya ka, Elizabeth,” sabi nito, “ang kaligtasan ay nalalapit na.”13
Kinabukasan, matapos kumain ng kanilang kakarampot na almusal, nakakita ang mga dayo ng tatlong taong bumababa sa kalapit na burol sakay ng mga kabayo. Habang papalapit ang mga tao, nakilala ng mga Banal si Joseph Young, ang dalawampu’t dalawang taong gulang na anak ni Brigham Young na naglingkod bilang missionary sa England nang tatlong taon. Kasama nito sina Daniel Jones at Abel Garr, dalawang lalaki mula sa Lambak ng Salt Lake. Pumasok sila sa kampo, tinipon ang lahat ng tao, at ipinamahagi ang pagkain at mga suplay na dinala nila na buhat ng kanilang mga hayop.
“Maraming mga pagkain at damit na parating sa inyo sa daan,” ipinaaalam ni Joseph, “subalit bukas ng umaga ay kailangan ninyong lumipat mula rito.” Ang iba pang sumaklolo ay mga pitumpung kilometro ang layo na lulan ng mga bagon na may dalang mga pagkain, damit, at kumot. Kung magpapatuloy ang mga nandarayuhan, makakatagpo nila ang mga ito sa loob ng ilang araw.14
Nagbunyi ang mga nandarayuhan, niyapos ang mga lalaki, at hinalikan ang kanilang mga pisngi. Tumawa ang mga pamilya at niyapos ang isa’t isa habang umaagos ang mga luha mula sa kanilang mga mata. “Amen!” hiyaw nila.
Umawit ang grupo ng himno at nagpahinga sa kanilang mga tolda pagsapit ng gabi. Magsisimula na silang tumungo sa kanluran sa umaga.15
Tatlong araw pagkaraan, noong ika-31 ng Oktubre, nakasalubong ng pangkat ni Martin ang iba pang mga tagasagip sa daan. Si George D. Grant, ang pinuno ng maliit na grupo, ay nagulat sa nakita niya. Lima o anim na raang mga Banal ang humatak at humila ng kanilang mga kariton sa isang magulong linya mga apat hanggang anim na kilometro ang haba. Nakikita niya na pagal sila matapos hilahin ang kanilang mga kariton nang buong araw sa gitna ng niyebe at putik. May mga taong nakahiga sa mga kariton, lubhang maysakit o pagod upang kumilos. Ang mga bata ay umiiyak, ang ilan sa kanila ay umiiyak habang nahihirapan din, kasama ang kanilang mga magulang sa niyebe. Lahat ay mukhang giniginaw, at ang mga paa ng ilang tao ay matigas at duguan dahil sa pagkakalantad sa niyebe.16
Noong mga sumunod na ilang araw, tinulungan ng mga tagasagip ang grupo ni Martin na lumipat sa kanluran. Umaasang maprotektahan ang mga nandarayuhan mula sa panahon, nais ng pangkat ng mga tagasagip na ilipat sila sa isang lugar na hindi kalayuan mula sa dalawang talampas na tinatawag na Devil’s Gate. Ngunit upang makarating doon, kinakailangang tawirin ng mga dayo ang nagyeyelong Ilog Sweetwater. Sariwa pa sa kanilang alaala ang kanilang nakasisindak na nakaraang pagtawid sa ilog, marami sa mga nandarayuhan ang takot na takot na tumawid. Ang ilan sa kanila ay nagawang tumawid ng ilog sa mga bagon. Ang iba ay lumusong sa kanilang mga paa. Marami sa mga tagasagip at ilan sa mga nandarayuhan ay bumuhat ng mga tao sa napakalamig na agos. Limang batang tagasagip—sina David P Kimball, George W. Grant, Allen Huntington, Stephen Taylor, at Ira Nebeker—ay gumugol ng ilang oras sa nagyeyelong tubig, matapang na tinutulungan ang grupo na magawa ang pagtawid.
Sa oras na ang mga nadarayuhan ay naisaayos na sa ligtas na lugar, na kalaunan ay pinangalanan nilang Martin’s Cove, muling nagsimulang umulan ng niyebe. Ang kampo ay naging lubhang malamig, at mas maraming tao ang pumanaw. Inilarawan ng isang nandarayuhan ang lugar bilang “isang masikip na libingan.”17
Pagdating ng ika-9 ng Nobyembre, sina Jesse Haven at ang iba pang mga Banal sa mga natitirang dalawang grupo ng bagon ay kasama na ang grupo ni Martin. Umaliwalas ang panahon, at nagpasiya ang mga tagasagip na patuloy na paglakbayin ang grupo pakanluran, sa kabila ng hindi pagkakaroon ng sapat na suplay at panustos upang tustusan ang bawat nandarayuhan para sa natitirang 523 kilometro papuntang Lunsod ng Salt Lake. Itinapon ng mga nandarayuhan ang karamihan sa kanilang mga kariton at halos lahat ng kanilang ari-arian, itinatabi lamang ang kailangan upang labanan ang lamig. Humigit kumulang sa sangkatlo ng mga Banal lamang sa grupo ni Martin ang nakakapaglakad. Inilagay ng mga tagasagip ang iba sa mga bagon.18
Nauunawaan ni George D. Grant na kailangan ng mga nandarayuhan ang karagdagang tulong kaysa maibibigay ng kanyang mga tauhan. “Patuloy naming ginagawa ang lahat ng aming makakaya, walang pag-aalinlangan ni pagkasiphayo,” iniulat ni George sa kanyang liham kay Brigham. “Hindi ko pa nakikita ang gayong lakas at pananampalataya sa mga ‘bata,’ ni napakabuting espiritu tulad ng sa mga taong sumama sa akin.”
“Nanalangin kami nang walang humpay,” kanyang patotoo, “at ang pagpapala ng Diyos ay aming kapiling.”19
Natagpuan nina Ephraim Hanks, Arza Hinckley, at iba pang mga tagasagip ang grupo sa kanluran ng Martin’s Cove at nagbigay ng karagdagang pagkain at tulong para sa mga nandarayuhan. Sampu pang mga bagon ng pagsagip ang nakarating sa mga nandarayuhan sa lugar na tinatawag na Rocky Ridge, mga 402 kilometro pa mula sa Lunsod ng Salt Lake. Sa sandaling iyon, mahigit 350 lalaki mula sa lambak ang nangahas sa kumakapal na niyebe upang tumulong. Nagtayo sila ng kampo sa daanan, hinawi ang niyebe, nagsindi ng mga siga, at nagbigay ng iba pang mga bagon upang walang sinuman ang kailangang maglakad. Nagluto rin ang mga sumaklolo ng pagkain para sa mga nandarayuhan at nagsayawan at nagkantahan upang libangin sila mula sa kanilang mga pagdurusa.20
Nanatiling malupit ang panahon, ngunit nadama ng mga Banal ang Diyos na sumusuporta sa kanila. “Halos araw-araw ang mga nagngangalit na unos ay dumarating na lubhang nakakabahala, at base sa kanilang hitsura ay iisipin ng isang tao na hindi namin makakayanan ang mga unos,” isinulat ni Joseph Simmons, isa sa mga sumaklolo, sa isang kaibigan sa lambak. “Kung wala ang tulong ng mataas na langit, naipit na sana kami sa gitna ng niyebe sa kabundukan noon pa man.”21
Habang patuloy na nalalaman ni Brigham ang tungkol sa mga Banal na nasa daan pa, nahihirapan siyang magtuon sa ibang bagay maliban sa kanilang pagdurusa. “Ang aking isipan ay nasa mga yaong naglalakbay sa niyebe,” sinabi niya sa isang kongregasyon noong ika-12 ng Nobyembre. “Hindi ako basta makalabas o makapasok subalit sa bawat isa o dalawang minuto ang aking isipan ay bumabalik sa kanila.”22
Noong ika-30 ng Nobyembre, habang pinamumunuan niya ang isang pulong sa Sabbath sa Lunsod ng Salt Lake, nalaman ni Brigham na ang sumagip na mga bagon na may dalang mga miyembro ng grupo ni Martin ay darating kalaunan nang araw na iyon. Agad niyang kinansela ang mga natitirang pulong sa araw na iyon. “Kapag dumating na ang mga taong iyon,” sabi niya, “Nais ko silang ikalat sa lunsod sa mga pamilyang may mga mabubuti at komportableng mga bahay.”23
Dumating ang mga nandarayuhan sa lunsod noong tanghali. Sa sandaling iyon, lubusan silang dukha. Mahigit isandaang tao sa grupo ang pumanaw. Marami sa mga nakaligtas ay may mga nagyeyelong kamay at paa, may ilan na nangangailangang putulin. Kung hindi dumating ang mga sumagip, marami pa sanang tao ang pumanaw.
Tinanggap ng mga Banal sa teritoryo ang mga bagong nandarayuhan sa kanilang mga tahanan. Lumipat sina Elizabeth Jackson at kanyang mga anak sa bahay ng kanyang kapatid na si Samuel sa Ogden, sa hilaga ng Lambak ng Salt Lake, kung saan sila nagpahinga at nagpalakas mula sa kanilang malupit na paglalakbay.24
Si Jesse Haven, na dumating sa Lambak ng Salt Lake dalawang linggo kasunod ng grupo ni Martin, ay napaiyak nang makita niya ang lambak sa unang pagkakataon sa apat na taon. Diretso siyang umuwi sa kanyang mga asawa, sina Martha at Abigail, at sa kanyang anak, si Jesse, na isinilang habang siya ay nasa South Africa. Pagkatapos ay binisita niya si Brigham Young, nagpapasalamat na ang propeta ay nagpadala ng mga pangkat sa pagsagip upang iligtas ang mga Banal.
“Ang taglagas ng 1856 ay matagal kong maaalala,” isinulat niya sa kanyang journal matapos dumating sa lambak. “Ako’y kasapi ng Simbahang ito sa labingsiyam na taon. Nakita ko ang mas maraming pagdurusa ng mga Banal noong huling taglagas kaysa sa nakita ko noon.”25
Si Patience Loader, isang miyembro ng grupo ni Martin, ay kalaunang ginunita kung paano siya biniyayaan ng Panginoon ng lakas na matiis ang paglalakbay. “Masasabi kong inilagay namin ang aming tiwala sa Diyos,” kanyang patotoo. “Kanyang narinig at sinagot ang aming panalangin at dinala kami sa mga lambak.”26