Kasaysayan ng Simbahan
38 Sa Aking Sariling Takdang Panahon at Paraan


“Sa Aking Sariling Takdang Panahon at Paraan,” kabanata 38 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 38: “Sa Aking Sariling Takdang Panahon at Paraan”

Kabanata 38

Sa Aking Sariling Takdang Panahon at Paraan

dalawang lalaking nakasakay sa maliit na bangka

Noong 1889, nahihirapan si Joseph Dean na makahanap ng mga matuturuan sa Samoa. Pagkarating nila ng kanyang asawang si Florence sa isla ng Aunu‘u noong nakaraang tag-init, mabilis na umunlad ang gawain, at ang isla ay kaagad na nagkaroon ng sapat na bilang ng mga Banal upang bumuo ng isang branch na may Sunday School at Relief Society. May mga bagong missionary rin na ipinadala mula sa Lunsod ng Salt Lake upang tulungan ang mga Dean at ang mga Banal na Samoan.

Subalit ang Samoa ay nasa kalagitnaan ng isang digmaang sibil, at ang mga mapanganib na labanan ay nagsisimula sa buong kapuluan habang nag-aagawan ng kontrol ang magkakaibang grupo. Ang nagpapalala pa, tutol ang hari sa Simbahan. Lumaganap ang sabi-sabi na ginawa niyang labag sa batas na magpabinyag at maging isang Banal sa mga Huling Araw at sinumang nabinyagan ay itatapon sa piitan. Ngayon, paunti nang paunti ang bilang ng tao na humihiling ng binyag.1

Sa kabila ng mga hamong ito, nagtayo ang mga Banal na Samoan ng isang meetinghouse, tinakpan ang bubong gamit ang mga dahon ng niyog at tinakpan ang sahig gamit ang mga puting bato at kabibe. Sina Florence Dean at Louisa Lee, isa pang babae na naglilingkod sa mission kasama ang kanyang asawa, ay nagdaos ng mga pulong ng Relief Society tuwing Biyernes. Samantala, bumili ang mga elder ng isang maliit na bangka upang magawa nilang ipangaral ang ebanghelyo sa iba pang mga isla ng Samoa. Pinangalanan nila ang bangka ng Faa‘aliga, isang salitang Samoan na nangangahulugang “paghahayag.”2

Noong huling bahagi ng 1888, sina Joseph, Florence, ang maliit nilang anak na lalaki, at ilan sa mga missionary ay lumipat mula Aunu‘u papunta sa mas malaking katabing isla, ang Tutuila. Subalit ang isla ay may maliit na populasyon, at karamihan sa mga lalaki ay nasa malayo upang makipaglaban sa digmaan. Iilang tao ang interesado sa ebanghelyo, at hindi nagtagal ay nadama ni Joseph na siya at ang iba pang mga missionary ay wala nang nagagawang pag-unlad. Nagpasiya siyang tumungo sa isla ng Upolu at bumisita sa Apia, isang lunsod na sentro ng pamahalaan at kalakalan ng Samoa.3

Sa Upolu, binalak ni Jose na makipag-ugnayan sa konsul ng Amerika at talakayin ang haka-hakang pagbabanta ng hari laban sa mga Banal. Nais din niyang mahanap ang isang lalaking nagngangalang Ifopo, na nabinyagan ng Hawaiian na missionary na si Kimo Belio may dalawampu’t limang taon na ang nakararaan. Nagpadala na si Ifopo ng dalawang liham kay Joseph, at nasasabik siyang makilala ang mga missionary na maaaring tumulong sa pagtatatag ng Simbahan sa kanyang isla.4

Noong gabi ng ika-11 ng Marso, si Joseph at ang dalawa niyang kasama, sina Edward Wood at Adelbert Beesley, ay naglayag patungo sa Upolu, isang paglalakbay na mga isandaan at labindalawang kilometro ang layo. Naunawaan nila ang panganib ng paglalakbay gamit ang isang maliit na bangka sa posibleng malalakas na alon kasama ang tatlong bagong marino. Gayon pa man nadama ni Joseph na nais ng Panginoon na gawin nila ang paglalakbay.

Matapos ang isang gabi ng mahirap na paglalayag, narating ng mga missionary ang Upolu. Ngunit habang papalapit sila sa pampang, ginulat sila ng malakas na buga ng hangin. Tumagilid ang bangka at kaagad napuno ng tubig. Pinilit ng mga lalaki na kumapit sa mga sagwan, mga kahon, at mga baul na ngayon ay palutang-lutang kasama nila sa mga alon. Noong nakita nila ang isa pang bangka mga kalahating kilometro ang layo, sumigaw sila at sumipol hanggang sa umikot itong muli.

Ang mga Samoan na dumating upang iligtas ang mga missionary ay gumugol ng mahigit isang oras upang itama ang kanilang bangka, sumisid sa ilalim ng mga alon upang kunin ang mga layag at angkla, at tumulong sa mga missionary na tipunin ang kanilang mga ari-arian. Si Joseph ay nanlumo na wala siyang salaping maibibigay sa mga lalaki para sa kanilang paglilingkod, subalit mabait nilang tinanggap ang kanyang pakikipagkamay, at hiniling niya sa Panginoon na pagpalain sila.

Nang makarating sina Joseph at kanyang mga kasama sa lungsod ng Apia, pagod na pagod na sila. Nag-alay sila sa Diyos ng isang panalangin ng pasasalamat para sa pagprotekta sa kanilang paglalakbay. Noong mga sumunod na araw, sinimulan nila ang paghahanap sa konsul ng Amerika at kay Ifopo.5


Sa Utah, ang dalawampu’t siyam na taon gulang na si Lorena Larsen ay nagdadalantao sa kanyang ikaapat na anak. Ang kanyang asawa, si Bent, ay katatapos lamang gumugol ng anim na buwang sentensiya sa bilangguan dahil sa labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal. Dahil si Lorena ay isang maramihang asawa, ang kanyang pagbubuntis ay magagamit bilang katibayan na muling lumabag sa batas si Bent. Upang manatiling ligtas ang kanyang pamilya, nagdesisyon siyang magtago.6

Unang nakatagpo si Lorena ng kanlungan sa Manti temple. Ang templo ay mga siyamnapu’t limang kilometro ang layo mula sa kanyang bayang sinilangan sa Monroe, Utah, at ang kanyang ward ay nahilingan na magpadala ng mga manggagawa sa templo. Lumipat si Lorena sa Manti at naglingkod sa templo nang ilang panahon, ngunit mahirap mawalay sa kanyang mga anak na naiwan sa pangangalaga ni Bent at iba pang mga kapamilya. Matapos halos makunan, marangal na ini-release si Lorena ng pangulo ng templo, si Daniel Wells.7

Pagkatapos ay nagpasiya sina Lorena at Bent na umupa ng bahay para sa kanya at sa kanyang mga anak sa bayan ng Redmond, na nasa pagitan ng Monroe at Manti. Dahil nasa lahat ng dako ang mga tagasuplong, kinakailangang ilihim ni Lorena ang kanyang pagkakakilanlan. Ang pangalan niya ngayon ay Hannah Thompson, sinabi niya sa kanyang mga anak, at kung darating ang kanilang ama upang dumalaw, tatawagin nila ito bilang “Tiyo Thompson.” Muli’t muli, binigyang-diin ni Lorena ang kahalagahan ng hindi pagbubunyag ng kanilang mga tunay na pangalan.8

Nang dumating ang pamilya sa Redmond, iniwasan ni Lorena ang mga pampublikong lugar at ginugol ang karamihan sa kanyang oras sa bahay. Isang hapon, gayunman, sumali siya sa isang grupo ng mababait na kababaihan ng Relief Society, at sinabi nila kay Lorena na noong tinanong nila sa kanyang dalawang taong gulang na anak na babae ang pangalan nito, sumagot ito ng, “Tiyo Thompson.”

Ang mga mababait na Banal sa Redmond ay mabilis na naglingkod sa pamilya ni Lorena. Noong Linggo ng Pagkabuhay, natagpuan niya ang isang timba ng sariwang itlog at kalahating kilo ng mantikilya sa kanyang pintuan. Gayunpaman, nangungulila pa rin siya sa kanyang bahay sa Monroe. Nagdadalantao at nag-iisa, nahihirapan siya bawat araw sa pag-aalaga ng tatlong anak sa isang hindi pamilyar na bayan.9

Isang gabi ay nanaginip si Lorena. Nakita niya ang kanyang damuhan sa Monroe na natatakpan ng mga ligaw na palumpong at baging. Masakit makitang magulo ang kanyang bahay, kung kaya ay agad siyang nagtrabaho upang bunutin ang mga damo sa bakuran. Nang sinimulan niyang bunutin ang malalalim na ugat, biglang natagpuan ni Lorena ang kanyang sarili sa tabi ng isang magandang puno, hitik sa pinakamaiinam na prutas na noon lamang niya nakita. Narinig niya ang isang tinig na nagsasabing, “Ang puno sa pagtatago ay nagdudulot din ng napakagandang bunga.”

Sa panaginip, kaagad na napalibutan si Lorena ng kanyang mga mahal sa buhay. Ang kanyang mga anak, ngayon ay lubos na malalaki na, ay lumapit sa kanya, may tangang mga pinggan, mangkok, at maliliit na basket. Magkakasama, pinuno nila ang mga mangkok ng masasarap na bunga at ipinagpasa-pasa ang mga ito sa karamihan, ang ilan sa kanila ay natanto ni Lorena bilang kanyang mga inapo.

Nagdiwang ang puso ni Lorena, at nagising siya na puno ng pasasalamat.10


Hindi nagtagal pagkarating sa Apia, si Joseph Dean at kanyang mga kasama ay nakipagkita sa pangalawang konsul ng Amerika sa Samoa, si William Blacklock, at tinanong kung totoo ang mga bali-balita tungkol sa pagkakabilanggo ng mga Samoan na Banal sa mga Huling Araw. “Ito ay walang iba kundi isang kabulastugan,” tiniyak sa kanila ng pangalawang konsul. Isang kasunduan sa pagitan ng magkakatunggaling pangkat sa kapuluan ang pumapayag sa mga tao na sumamba sa kung ano ang gusto nila.11

Subalit nananahan ang banta ng digmaan sa mga pulo. Pitong barkong pandigma ang nakahimpil sa daungan sa Apia—tatlo mula sa Germany, tatlo mula sa Estados Unidos, at isa mula sa Great Britain. Determinado ang bawat bansa na ipagtanggol ang mga interes nito sa Pasipiko.12

Sabik na matagpuan si Ifopo, ang mga missionary ay nagbalak na maglakbay sakay ng bangka patungo sa kanyang nayon, ang Salea‘aumua, sa dulong silangan ng isla.13 Ngunit isang bagyo ang agad na rumagasa sa Apia. Malalakas na hangin at rumaragasang mga alon ang tumulak kina Joseph at kanyang mga kasama na tumakbo sa masisilungan. Matapos silang makatagpo ng masisilungan sa isang silid sa itaas ng kamalig ng isang lokal na negosyante, nadama ng mga missionary na ang gigiray-giray na gusali ay inaalog ng lumalakas na bagyo, at sila ay natakot na baka bumagsak ang istruktura.

Lumakas ang bagyo, at ang mga missionary ay nakatayo sa bintana habang takot na pinapanood ang malakas na paghampas ng bagyo sa mga malaking barko na nasa daungan. Malahiganteng alon ang sumalpok sa kubyerta ng isang barko, tinatangay ang mga lalaki papunta sa dagat. Ang ilang marino sa isa pang barko ay nagmamadaling umakyat sa mga palo at palubid at palayag, mahigpit na nakakapit sa mga lubid tulad ng mga gagamba, habang ang iba ay tumalon sa malakas na umaagos na karagatan upang subukang lumangoy tungo sa kaligtasan. Ang mga barko ay mga siyamnapung metro lamang ang layo mula sa pampang, ngunit walang magagawa upang matulungan ang mga lalaki. Ang tanging nagawa ni Joseph ay manalangin para sa awa. 14

Pagkaraan ng bagyo, ang mga labi at wasak na piraso mula sa mga barkong-pandigma ay nakahanay sa dalampasigan, at mga dalawang daang tao ang nasawi.15 Nag-iingat na ang mga missionary na pumalaot muli. Kapag panahon ng bagyo, isa pang bagyo ang maaaring dumating nang walang babala.16 Gayunman, isinantabi nila ang kanilang takot at naglayag ang mga missionary patungo sa Salea‘aumua upang hanapin si Ifopo.

Noong dumating sila, isang grupo ng mga Samoan ang nagsagwan upang salubungin sila, at isa sa mga lalaki ang nagpakilala bilang si Ifopo. Sa loob ng dalawang dekada ay nanatili siyang tapat sa kanyang patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, kahit na sa buong panahong ito ay hindi nakasisiguro kung may mga bagong missionary na pupunta pa sa kanyang isla. Ngayong dumating na si Joseph at kanyang mga kasama, panahon na upang magdiwang. Nakilala nila ang kabiyak ni Ifopo, si Matalita, at pinagsaluhan nila ang marangyang hain ng inihaw na baboy at prutas.17

Sa mga sumunod na araw, nakilala ng mga missionary ang mga kaibigan at kapitbahay ni Ifopo. Sa isang pulong, isandaang tao ang nagtipon upang makinig kay Joseph na magsalita, at ang Espiritu ay malakas. Tapat ang mga tao sa kanilang pagtatanong, sabik na malaman pa ang tungkol sa ebanghelyo.

Isang hapon, naglakad sina Ifopo at ang mga missionary sa isang kalapit na sapa. Bagama’t si Ifopo ay nabinyagan na, maraming taon na ang lumipas, hiniling niyang mabinyagang muli. Lumusong si Joseph sa tubig kasama ang kanyang bagong kaibigan at inilubog ito. Pagkatapos ay lumuhod si Ifopo sa gilid ng tubig, at kinumpirma siya ng mga missionary bilang miyembro ng Simbahan.

Makalipas ang ilang araw ay nagbago ang ihip ng hangin, na pinahihintulutan sina Joseph at kanyang mga kasama upang simulan ang paglalakbay pabalik sa Tutuila. Sinamahan sila ni Ifopo hanggang makalampas sila sa mga bahura upang ituro sa kanila ang daan. Noong oras na para magpaalam, idinikit niya ang kanyang ilong sa bawat isa sa mga missionary, nagpapaalam sa kanila gamit ang halik ng mga Samoan.18


Noong tagsibol ng 1889, ang asawa ni Lorena Larsen, si Bent, ay nagpasya na iwasan ang mga pederal na marshal sa pamamagitan ng pagpunta sa mas ligtas na Colorado, isang kalapit na estado kung saan hindi angkop ang Batas nina Edmunds-Tucker. Ang kanyang unang asawa, si Julia, ay maaaring manatili sa Monroe kasama ang iba pa sa kanyang pamilya. Subalit nais niyang manatili sa Utah sina Lorena at kanilang mga anak kasama ang kapatid na lalaki nito hanggang sa maayos na siyang makalipat sa Colorado upang ipasundo sila.19

Ayaw ni Lorena sa plano. Ang kanyang kapatid na lalaki ay maralita, ipinaalala niya kay Bent, at ang kanyang hipag kamakailan lamang ay nagkasakit ng tipus. Wala silang kakayahan upang tulungan si Lorena at kanyang mga anak. Palapit na rin ang mga huling buwan ng pagdadalantao ni Lorena at nais niya ang kanyang asawa sa kanyang tabi.

Sumang-ayon si Bent, at hindi nagtagal ay nagsimulang maglakbay patungong Colorado si Lorena at kanilang mga anak kasama niya. Ang paglalakbay ay mahigit walong daang kilometro, sa gitna ng mga disyerto at kabundukan. Walang naninirahan sa lupaing ito, at ang mga lalaki na kanilang nakakasalubong habang nasa daan ay madalas na tila mapanganib. Sa isang bahagi ng daan, ang makukuhang tubig ay yaong naipon lamang sa mga butas sa mabatong gilid ng bundok. Naghanap si Bent ng tubig habang dahan-dahang ginagabayan ni Lorena ang bagon sa tabi ng bangin, paminsan-minsang tinatawag ang kanyang pangalan upang matiyak nito na hindi siya mawawala sa dilim.

Nagpapasalamat si Lorena nang sa wakas ay dumating ang kanyang pamilya sa Sanford, Colorado, at sumama sa maliit na komunidad ng mga Banal doon. Nang dumating na ang panahon upang magsilang si Lorena, nanghihina pa rin siya dahil sa paglalakbay. Ang kanyang panganganak ay napakahirap kung kaya ang ilan ay natakot na siya ay mamamatay. Ang anak ni Lorena na si Enoch, sa wakas, ay isinilang noong ika-22 ng Agosto, at sinambit ng komadrona na ito ang pinakamalaking sanggol na naipanganak niya sa loob ng dalawampu’t anim na taon.20

Samantala, ang mga batas at kaugalian na ginawa upang pilayan ang Simbahan ay patuloy na sinusupil ang mga pamilya tulad ng mga Larsen. Maging ang mga Banal na hindi isinasabuhay ang maramihang pag-aasawa ay naapektuhan.

Sa Idaho, nagpasa ng batas ang lehislatura ng teritoryo na inaatasan ang mga magiging botante na sumumpa na hindi sila kabilang sa isang simbahan na nagtuturo o naghihikayat ng poligamya. Hindi na mahalaga kung ang mga botante ay isinasabuhay ang kaugalian o hindi. Mabisang nahadlangan nito ang lahat ng Banal sa Idaho, o halos sangkapat ng populasyon, mula sa pagboto o paghawak ng katungkulan. Kasabay nito ang mga Banal sa mga Huling Araw na nandayuhan sa Estados Unidos ay iba rin ang pagtrato na natanggap mula sa mga namumuno sa pamahalaan at mga hukom na tumutol na payagan silang maging mga mamamayan.

Ang mga kaso na humahamon sa pagiging legal ng mga hakbang na ito ay umikot sa hudikatura ng Estados Unidos, ngunit ang pampublikong opinyon laban sa Simbahan ay malakas, at kakaunti ang mga desisyong pabor sa Simbahan na ginawa ng hukuman. Gayunman, kaagad na hinamon ng mga tagapagtanggol ng Simbahan ang legalidad ng Batas nina Edmunds-Tucker matapos itong maipasa ng Kongreso, at umaasa ang mga Banal na ipapawalang-bisa ito ng Korte Suprema. Kamakailan lamang ay sinimulang dinggin ng hukuman ang kaso, ngunit hindi pa inilabas ang desisyon nito, kung kaya balisang naghihintay ang mga Banal.21

Kahit sa isang liblib na bayan tulad ng Sanford, batid ni Lorena na ang kanyang pamilya at ang Simbahan ay mananatiling hiwalay at natatakot hangga’t ang pamahalaan ay patuloy na nagkakait sa mga Banal ng kanilang karapatan sa relihiyon.22


Habang nagtatago ang mga Larsen at iba pang mga miyembro ng Simbahan upang pag-ingatan ang kanilang pamilya at isabuhay ang kanilang pananampalataya, humanap ang Unang Panguluhan ng mga bagong paraan upang mapangalagaan ang kalayaan sa relihiyon ng mga Banal. Determinadong makakuha ng mga kakampi sa Washington, DC, at sa huli ay makamit ang pagiging estado ng Utah, sinimulang hikayatin ni Wilford Woodruff ang mga patnugot ng pahayagan na mga Banal sa mga Huling Araw na tumigil sa pagtuligsa sa pamahalaan sa kanilang mga lathalain. Hinikayat niya ang mga lider ng Simbahan na tumigil sa pagsasalita sa publiko tungkol sa maramihang pag-aasawa upang maiwasang galitin ang mga kritiko ng Simbahan sa pamahalaan. At hiniling niya sa pangulo ng Logan temple na ihinto ang pagsasagawa ng maramihang pagpapakasal sa bahay ng Panginoon.23

Sa ilalim ng mga bagong patakarang ito, paunti nang paunti ang mga Banal na pumapasok sa maramihang pag-aasawa. Subalit may ilang Banal na umaasa pa rin na sundin ang alituntunin tulad ng dating naituro. Karaniwan silang hinihikayat na pumunta sa Mexico o Canada, kung saan pribadong isinagawa ng mga lider ng Simbahan ang mga kasal nang hindi abot ng pamahalaan ng Estados Unidos. Bagama’t paminsan-minsan ay isinasagawa pa rin ang mga maramihang pagpapakasal sa teritoryo ng Utah.24

Noong Setyembre 1889, habang binibisita ang mga Banal sa hilaga ng Lunsod ng Salt Lake, nakipag-usap sina Wilford Woodruff at George Q. Cannon sa isang stake president na nagtanong kung dapat ba siyang magbigay ng temple recommend sa mga Banal na nais magsabuhay ng maramihang pag-aasawa.

Hindi kaagad tumugon si Wilford sa stake president. Sa halip, ipinaalala niya rito na ang mga Banal ay minsang inutusang magtayo ng templo sa Jackson County, Missouri, ngunit napilitan silang itigil ang kanilang mga plano nang naging masyadong matindi ang oposisyon. Sa kabila noon ay tinanggap ng Panginoon ang handog ng mga Banal, at ang mga bunga ng hindi pagtatayo ng templo ay naranasan ng mga tao na humadlang nito.

“Gayon din ngayon sa bansang ito,” sabi ni Wilford, “at ang mga bunga nito ay mararanasan ng mga taong tatahak sa daang ito upang maiwasan ang ating pagsunod sa kautusang ito.”

Pagkatapos ay malinaw siyang sumagot sa tanong ng stake president. “Nadarama ko na hindi nararapat para sa anumang pagpapakasal ng ganitong uri ang isagawa sa teriroryong ito sa kasalukuyang panahon,” sabi niya. Pagkatapos, ibinabaling ang pansin kay George, idinadagdag pa niya, “Narito si Pangulong Cannon. Maaari niyang sabihin ang kanyang nasasaisip tungkol sa bagay na ito.”

Nagulat si George. Hindi pa niya narinig noon si Wilford na napakalinaw na magsalita tungkol sa paksa—at hindi niya alam kung sang-ayon siya rito. Dapat bang tumigil ang mga Simbahan sa pagsasagawa ng maramihang pagpapakasal sa Teritoryo ng Utah? Siya mismo ay hindi handa tulad ni Wilford na sagutin ang tanong na iyon, kung kaya ay hindi siya sumagot, hinahayaan ang pag-uusap na lumipat sa ibang mga bagay.

Ngunit kalaunan, habang itinatala ni George ang usapan sa kanyang journal, patuloy siyang naguguluhan sa sinabi ni Wilford. “Para sa akin, ito ay isang tanong na labis na seryoso,” isinulat niya, “at ito ang unang pagkakataon para sa anumang bagay ng ganitong uri ang binigkas, sa pagkaalam ko, ng isang taong mayhawak ng mga susi.”25


Sa gitna ng mga dumaraming tanong tungkol sa landas na tatahakin ng Simbahan sa hinaharap, inilathala ni Susa Gates ang unang isyu ng Young Woman’s Journal noong Oktubre 1889.

Sinimulan ni Susa ang pagtataguyod ng magasin matapos siya at si Jacob ay bumalik sa Utah noong unang bahagi ng taong iyon. Noong Hunyo, ang kapatid niyang si Maria Dougall, isang tagapayo sa panguluhan ng pangkalahatang Young Ladies’ Mutual Improvement Association, ay humikayat sa mga kabataang babae sa Salt Lake Stake na suportahan at mag-ambag sa bagong magasin. Makalipas ang ilang buwan, ilang pahayagan ang naglimbag ng mga patalastas ukol sa nalalapit na paglalathala nito.26

Inanyayahan din ni Susa ang ilang manunulat na mga Banal sa mga Huling Araw na magpadala ng kanilang mga tula at sanaysay sa magasin. Sa loob ng ilang taon, ang mga Banal na may talento sa panitikan ay humasa sa kanilang kasanayan sa pagsusulat sa mga pahayagan at magasin na sinusuportahan ng Simbahan tulad ng Woman’s Exponent, Juvenile Instructor, at ang Contributor. Sa Europa, nagbigay rin ang mga Banal ng mga sulatin para sa Millennial Star ng British mission, ang Skandinaviens Stjerne at Nordstjarnan ng Scandinavian mission, at ang pahayagan ng Swiss-German mission na Der Stern.27

Minsan ay tinatawag ng mga Banal ang pagsusulat na ito bilang “panitikang pantahanan,” isang kataga na nagpapaalala sa ideya ni Brigham Young sa “industriyang pantahanan,” o mga produktong gawa sa lokal, tulad ng asukal, bakal, at seda. Sa isang sermon noong 1888, hinikayat ni Bishop Orson Whitney ang mga kabataan ng Simbahan na gumawa ng mas maraming panitikang pantahanan upang itanghal ang mga pinakadakilang talentong pampanitikan ng mga Banal at patotohanan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

“Sumulat para sa mga pahayagan, sumulat para sa mga magasin—lalo na ang ating pantahanang lathalain,” panghihimok niya. “Sumulat kayo mismo ng mga aklat, na hindi lamang magiging kapuri-puri sa inyo at sa mga lupain at mga tao na lumikha sa inyo kundi magiging biyaya at kapaki-pakinabang din sa sangkatauhan.”28

Sa unang isyu ng Young Woman’s Journal, inilathala ni Susa ang mga gawa ng panitikang pantahanan ng ilan sa mga pinakakilalang manunulat sa Simbahan, kabilang na sina Josephine Spencer, Ruby Lamont, Lula Greene Richards, M. A. Y. Greenhalgh, at ang magkapatid na sina Lu Dalton at Ellen Jakeman. Isinama rin niya ang ilan sa sarili niyang likha, isang liham mula sa pangkalahatang panguluhan ng Y.L.M.I.A., at isang artikulo ukol sa kalusugan at kalinisan ni Romania Pratt.29

Sa kanyang unang editoryal para sa magasin, ipinahayag ni Susa ang pag-asa na ang magasin ay kaagad magtatampok ng mga artikulo mula sa mga kabataang babae sa buong Simbahan. “Tandaan, mga batang babae, ito ay inyong magasin” isinulat niya. “Hayaang ang impluwensya nito ay kumalat mula sa Canada patungong Mexico, mula sa London hanggang sa Sandwich Islands.”30


Kalaunan noong taglagas na iyon, isang pederal na hukom sa Utah ang nagkait ng pagiging mamamayan ng Estados Unidos sa ilang mga nandayuhang Europeo dahil sila ay mga Banal sa mga Huling Araw at sa gayon, sa isip ng mga hukom, ay hindi tapat sa Estados Unidos. Noong panahon ng mga pagdinig, ang mga mapaghimagsik na miyembro ng Simbahan ay nagsabi na ang mga Banal ay gumawa ng mapanira at laban sa pamahalaan na mga sumpa sa kanilang mga templo. Sinipi rin ng mga abogado ng distrito ang mga mensahe mula sa mga panahon nang marubdob na nagwika ang mga lider ng Simbahan laban sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan at ng mga taong tumalikod sa Simbahan. Ang mga mensaheng ito, pati na rin ang iba pang mga turo ng Simbahan tungkol sa mga huling araw at kaharian ng Diyos, ay binigyang-kahulugan bilang katibayan na binabalewala ng mga Banal ang awtoridad ng pamahalaan.31

Batid nina Wilford at iba pang mga lider ng Simbahan na kailangan nilang tumugon sa mga salaysay na ito. Subalit ang pagtugon sa mga pahayag na may kaugnayan sa templo, kung saan gumawa ang mga Banal ng mga taimtim na pangako na huwag talakayin, ay magiging mahirap.32

Noong huling bahagi ng Nobyembre, kinausap ni Wilford ang mga manananggol na nagpapayo sa mga lider ng Simbahan na bigyan ang hukuman ng karagdagang impormasyon tungkol sa templo. Inirekomenda rin nila na magbigay siya ng isang opisyal na pahayag na walang nang maramihang pagpapakasal ang isasagawa ng Simbahan. Hindi tiyak ni Wilford kung paano tutugon sa mga kahilingan ng mga manananggol. Tunay bang kailangan ang mga gayong hakbang upang pahupain lamang ang mga kaaway ng Simbahan? Kailangan niya ng oras upang hanapin ang kalooban ng Diyos.33

Sumapit na ang gabi nang iniwang mag-isa ng mga manananggol si Wilford. Sa loob ng ilang oras, siya ay nagnilay-nilay at nanalangin para sa patnubay sa kung ano ang gagawin.34 Siya at ang mga Banal ay dumating sa Lambak ng Salt Lake noong 1847 na humahanap ng isa pang pagkakataon upang itatag ang Sion at tipunin ang mga anak ng Diyos para sa kapayapaan at kaligtasan ng nasasakupan nito. Ngayon, mahigit apatnapung taon na ang nakalipas, ang mga kalaban ng Simbahan ay pinaghihiwalay ang mga pamilya, inaalis sa mga kababaihan at kalalakihan ang kanilang mga karapatan sa pagboto, lumilikha ng mga balakid para sa pandarayuhan at pagtitipon, at ipinagkakaila ang mga karapatan ng mamamayan sa mga tao dahil lamang kabilang sila sa Simbahan.

Hindi magtatagal ay maaaring mas marami ang mawala sa mga Banal—kabilang na ang mga templo. Ano ang mangyayari ngayon sa kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing?

Habang nanalangin si Wilford, tumugon sa kanya ang Panginoon. “Ako, si Jesucristo, ang Tagapagligtas ng daigdig, ay kapiling ninyo,” wika Niya. “Lahat ng Aking inihayag at ipinangako at sinabi hinggil sa salinlahi kung saan kayo nabubuhay ay mangyayari, at walang kapangyarihan ang makapipigil sa Aking kamay.”

Hindi sinabi ng Tagapagligtas kay Wilford kung ano ang eksaktong gagawin, ngunit ipinangako Niya na lahat ay magiging maayos kung susundin ng mga Banal ang Espiritu.

“Manampalataya sa Diyos,” sabi ng Tagapagligtas. “Hindi Niya kayo pababayaan. Ako, ang Panginoon, ay ililigtas ang aking mga Banal mula sa kapangyarihan ng masasama sa aking sariling takdang panahon at paraan.”35