“Ang Katulad na Dakilang Gawain,” kabanata 21 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)
Kabanata 21: “Ang Katulad na Dakilang Gawain”
Kabanata 21
Ang Katulad na Dakilang Gawain
“Ang kaguluhan sa digmaan ay nagtutulak sa mga tao na mabaliw,” isinulat ng mga apostol na sina Orson Pratt at Erastus Snow kay Brigham Young noong tagsibol ng 1861. “Ang mga hukbo ay nangangalap ng mga kasapi, nagsasanay, humahayo, at nagtitipon bilang paghahanda sa malaking sigalot. At marahil ay darating agad ang panahon kung saan walang sinuman ang papayagang manatili sa Hilaga o sa Timog na hindi lalaban.”1
Ang dramatikong paghiwalay ng South Carolina mula sa Estados Unidos ay nagpasimula ng paghihimagsik na laganap sa buong Timog. Sa mga sumunod na buwan, sampung estado pa sa timog ang humiwalay sa bansa, at nagkukumahog ang pamahalaan ng Estados Unidos upang patibayin ang mga base militar nito. Gayunman, mabilis na nasakop ng mga puwersa mula sa timog ang lahat maliban sa mga pinakamalalakas na muog, at nangalap si Pangulong Abraham Lincoln ng pitumpu’t limang libong kawal upang sugpuin ang rebelyon. Kalaunang napag-alaman na ang hukbo ay masyadong maliit upang harapin ang krisis.2
Pinapanood ni Orson ang paglaki ng kaguluhan mula nang siya at si Erastus ay naglakbay pasilangan noong taglagas upang pangasiwaan ang misyon sa silangan. Bilang bata pang missionary noong dekada ng 1830, dinala ni Orson sa kanyang bulsa ang kopya ng propesiya ni Joseph Smith tungkol sa digmaan, na kung minsan ay kanyang binabasa sa kongregasyon. Inaakala ng karamihan sa mga tao na kalokohan lamang ito noon, ngunit ito ay nagkakaroon na ng ibang epekto ngayon.3 Binasa ni Orson ang paghahayag sa publiko at inayos ito upang mailathala sa New York Times.4 Inilathala rin sa iba pang mga pahayagan ang propesiya.
“Wala ba tayong isang propeta sa atin?” tanong ng isang pahayagan sa Philadelphia na naglathala ng paghahayag. “Dahil sa ating mga problema sa kasalukuyan, ang propesiyang ito ay tila nasa gitna ng pagsasakatuparan, kung si Joe Smith man ay isang manloloko o hindi.”5
Habang ang mga hukbo ng Hilaga at Timog ay kumikilos para sa digmaang sibil, tinipon ng mga missionary sa ilalim nina Orson at Erastus ang mga Banal sa silangan upang magtipon sa Sion. Ginalugad ng mga pinuno ng Simbahan ang mga lunsod at kanayunan para sa mga Banal na umalis na mula sa Simbahan at hinimok silang bumalik.6
Nakakataba ng puso ang tugon. Humigit-kumulang isang libong mga Banal mula sa Philadelphia, New York, at Boston ang sumakay ng tren patungong Florence noong Hunyo. “Ang tren ay napakahaba at napakabigat,” ibinalita ni Orson kay Brigham, “kaya dalawang makina ang kinailangan upang paandarin ito.” Mga limandaang miyembro ng Simbahan mula sa mga estado sa gitnang-kanluran ang naglakbay pakanluran nang naglalakad at gamit ang bagon.7
Subalit ang malakihang pandarayuhan ay hindi limitado sa mga Amerikano. Ang mga Banal ay naglakbay pakanluran na tinatawid ang Dagat Atlantiko nang grupu-grupo noong tagsibol ng 1861. Noong nakaraang taon, hinirang ng Unang Panguluhan si George Q. Cannon na sumama kina Amasa Lyman at Charles Rich upang pamunuan ang British mission at pamahalaan ang pandarayuhan.8 Noong panahong iyon, nagpadala sila ng dalawang libong mga Banal mula sa Europa at South Africa patungo sa Sion.
Sa halip na magbigay ng kariton para sa maraming nandarayuhan na hindi mabayaran ang kanilang paglalakbay patungong Utah, nagpadala ang Simbahan ng dalawang daang bagon at isang libo’t pitong daang mga baka—marami sa mga ito ay binigay ng mga ward sa Utah—sa Ilog Missouri. Pagkatapos ang mga nangangailangang Banal ay hinati sa apat na balikang grupo ng mga bagon na dinala sila sa Utah sa may kababaang presyo ng labing-apat na dolyar para sa matatanda at pitong dolyar para sa mga bata.9
Samantala, inisip ng mga tao sa buong bansa kung ang Utah ay mananatili sa Union, sasali sa mga rebelde sa Timog, o bubuo ng sariling bansa. Maraming Banal ang sinisisi pa rin ang pamahalaan ng Estados Unidos sa kabiguan nitong itama ang mga kawalan na dinanas nila sa Missouri at sa Illinois. Kinamumuhian din nila ang mga opisyal na itinalaga ng pamahalaan, ang presensya ng hukbo sa Utah, at ang pagtanggi ng Kongreso na gawing estado ang Utah.10
Sa kabila nito ay naniniwala si Brigham na ang wastong landas para sa Utah ay manatili sa bansa, anuman ang mga patakaran nito laban sa mga Banal. “Hindi tumiwalag ang Utah,” tiniyak niya sa mga mambabatas sa Silangan, “ngunit ito ay naninindigan para sa Konstitusyon at mga batas ng ating minsa’y masayang bansa.”11
Matapos magsimula ang digmaang sibil sa Silangan, ang mga regular na ulat ukol sa mga madugong labanan ay nakarating sa kanluran kasama ng koreo. Ang mga kahila-hilakbot na tala ay nag-ulat ng daan-daan, minsan ay libo-libo, na pagkamatay.12 Naniniwala ang ilang tao sa Simbahan na pinarurusahan ng Diyos ang Estados Unidos dahil sa pagtrato nito sa mga Banal.13
Isang maliit na grupo ng mga Banal ang nagtungo sa silangan upang makiisa sa digmaan, ngunit halos lahat ng miyembro ng Simbahan ay kuntento na manatili sa Utah at itatag ang Sion. Noong tag-init na iyon, nagmungkahi si Brigham Young na iahon ang pundasyon ng templo, na nanatiling nakatago mula noong paglipat sa timog, at simulan ang pagtatayo ng mga pader ng templo. Ibinalita rin niya ang plano, na isinasagawa na, upang bumuo ng isang malaking teatro mga ilang kanto ang layo mula sa kinatatayuan ng templo.14
Bagama’t ang Social Hall ng lunsod ay nagsisilbi na bilang isang maliit na teatro, nais ni Brigham ang isang teatro na makapagbibigay-inspirasyon sa mga isipan at imahinasyon ng mga Banal. Ang dula ay isang paraan ng pagtuturo at pagpapatibay sa mga tao sa paraang hindi kaya ng mga mensahe o sermon. Ang pagkakaroon ng isang napakagandang teatro sa Lunsod ng Salt Lake ay magpapakita rin sa mga bisita na ang mga Banal ay may pinag-aralan at maginoong mga tao, na nilalabanan ang mga negatibong imahe ng mga Banal sa maraming pahayagan.15
Nagkaroon ng ideya si Brigham na magtayo ng isang teatro noong simula ng taong iyon. Siya at si Heber ay nanood ng isang dula sa tahanan ng pamilya Bowring, na nagkabit sa silong ng bahay ng isang maliit na entablado. Sina Henry at Marian Bowring ay kasapi ng Mechanics’ Dramatic Association, isang grupo ng pag-arte na karamihang binubuo ng mga Banal na British, kabilang na ang ilang mga pioneer na naglakbay gamit ang mga kariton. Si Marian mismo ay nagtungo sa kanluran kasama ang kanyang anak, si Emily, sa grupo ng mga kariton ni Martin.
Nasiyahan sina Brigham at Heber sa pagtatanghal sa teatro ng mga Bowring, at sila ay bumalik noong sumunod na gabi upang manood ng isa pang dula kasama ang kanilang mga pamilya.16 Hindi nagtagal ay nagmungkahi si Brigham na pagsamahin ang Mechanics’ Dramatic Association sa isa pang grupo ng pag-arte, ang Deseret Dramatic Association, at magtayo ng isang mas malaking teatro upang mas maraming Banal ang maaaring magtamasa ng mga pinakamahusay na libangan sa teritoryo.
Bagama’t naniniwala si Brigham sa kahalagahan ng paggawa, hinikayat din niya ang mga Banal na magpahinga at tamasahin ang buhay. “Ang mga tao ay dapat magkaroon ng libangan,” ipinahayag niya. Naniwala siya na ang libangan at pisikal na ehersisyo ay mahalaga kapwa sa katawan at kaluluwa.17
Upang matustusan ang teatro, inilipat ni Brigham ang mga pondo mula sa isang nahintong proyektong pankonstruksyon, ang Seventies Hall of Science.18 Ang proyekto ng teatro ay tumanggap ng karagdagang pagpopondo noong tag-init na iyon nang ang mga sundalo ng Hukbo ng Estados Unidos na nakadestino sa Lambak ng Cedar ay pinadala sa silangan upang lumaban sa Digmaang Sibil. Bago umalis ang mga sundalo, ipinadala ni Brigham si Hiram Clawson, ang kanyang manugang at tagapangasiwa ng bagong teatro, upang bilhin ang ilan sa mga bakal ng hukbo, mga hayop, dry goods, at iba pang mga materyal sa mababang halaga. Pagkatapos ay ipinagbili ni Brigham ang mga bagay na ito sa mas mataas na halaga upang pondohan ang pagtatayo ng teatro.19
Noong ika-5 ng Agosto, binisita ng Unang Panguluhan at ng kanilang mga klerk ang lugar na pinagtatayuan ng teatro. Umiibis mula sa karwahe, sinuri ni Brigham ang batong pundasyon kasama si Heber. “Ang mga bato ay tila matibay at magtatagal,” sabi ni Heber.
Sumang-ayon si Brigham. “Lagi kong ninais na makita ang isang uri ng pagtatayo na nagaganap.”20
Sa mga linggo at buwan na sumunod, mabilis na naitayo ang teatro.21 Hindi nalalaman ang maingat na pagpaplano na nagaganap sa mas malaki at mas kumplikadong templo, ilang tao ang nalungkot na ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon ay tila gumagalaw nang mas mabagal kaysa sa teatro. Kamakailan lang nagsimula ang mga manggagawa sa paghuhukay ng inilibing na pundasyon ng templo at nagpuputol ng malalaking bloke ng granite sa isang bagong tibagan 32 kilometro sa timog. Bakit nag-uukol ang mga Banal ng sobrang daming oras at pera sa isang teatro habang hindi pa naitatayo ang bahay ng Panginoon?22
Hindi binagabag si Brigham ng kanilang pagtutol. Hindi niya nais na madaliin ang paggawa sa templo, at hindi siya nag-aalala sa gastos ng konstruksiyon—hangga’t sa ito ay nagagawa nang maayos. Bago ibinaon ang pundasyon ng templo noong 1858, hindi nagawang ilagak nang wasto ng mga manggagawa ang mga bato, na siyang nagparupok sa bahagi ng pundasyong standstone upang madali itong magkalamat sa ilalim ng napakatinding bigat ng templo.23 Sa oras na nahukay ang pundasyon, ipinaayos niya sa mga manggagawa ang nasirang standstone at pinapalitan ng granite na mula sa tibagan ang anumang bato na hindi na makukumpuni.
“Gawin ang mabuting gawa sa templong ito,” sinabi niya sa mga foreman ng templo. Nais niyang mag-ukol ang mga manggagawa ng oras upang gawin ito nang tama. “Nais kong makita na naitayo ang templo sa paraan na mananatili ito sa panahon ng Milenyo,” sabi niya. “Ito ay hindi ang tanging templo na ating itatayo. May daan-daang mga templo na itatayo at ilalaan sa Panginoon.”24
Nagbukas ang Salt Lake Theater noong Marso 6, 1862, para sa isang espesyal na serbisyo sa paglalaan na may panalangin at talumpati mula sa mga lider ng Simbahan. Pagkatapos, nagtanghal ang grupo ng teatro ng isang pagpapatawa na tinatawag na The Pride of the Market (Ang Pinakamagaling sa Merkado). Makalipas ang dalawang gabi, binuksan ng teatro ang mga pintuan nito sa publiko. Daan-daang tao, sabik na makakuha ng upuan, ay nagsiksikan sa labas ng teatro dalawang oras bago magsimula ang programa. Nang bumukas ang tabing, wala ni isang bakanteng upuan sa teatro.
Ang sigasig ng mga Banal para sa teatro ay nagpasaya kay Brigham. “Ang impiyerno ay malayo sa atin, at hindi tayo kailanman makararating doon, maliban kung ating babaguhin ang ating landas,” iwinika niya noong mga kasiyahan, “sapagkat ang daan na tinatahak natin ngayon ay humahantong sa langit at kaligayahan.”25
Noong ika-5 ng Mayo, tumanggap si George Q. Cannon ng nakapagtatakang telegrama mula sa Lunsod ng Salt Lake. Nasa tanggapan siya sa Liverpool ng British at European mission, kung saan siya naglingkod bilang pangulo nitong nakaraang isang taon at kalahati.
“Samahan si Senador Hooper sa Washington,” nakasaad sa telegrama. “Ikadalawampu’t lima ng Mayo.”
Nangatal ang katawan ni George, at kumapit siya sa isang kalapit na mesa upang maitayo ang kanyang sarili. Halos hindi siya makahinga. Muli, isang atas na mula sa Lunsod ng Salt Lake ang gumulat sa kanya. At ang pagiging malabo ng tungkuling ito ang mas nakakagulat dito. Bakit siya kailangan sa Washington, DC?26
Batid ni George na kamakailan lamang ay nagbalangkas ang lehislatura ng teritoryo ng Utah ng isa pang petisyon para sa Kongreso ng Estados Unidos upang gawin itong estado. Nangangahulugan ito na dalawang senador ang mahahalal na magpunta sa Kongreso upang kumatawan sa mungkahing estado at isulong ang petisyon. Tila iminumungkahi ng telegrama na si William Hooper, ang dating kinatawan ng Utah sa Kongreso, ay isa sa mga senador.27 Nahalal ba si George bilang isa pa?
May interes si George sa pulitika. Noong bata pa siya, natanggap niya ang isang basbas na nangangako sa kanya na balang-araw ay magkakaroon siya ng isang responsableng posisyon sa pamahalaan. Ngunit kahit nais niya na maging kinatawan ng Utah sa Kongreso, isinantabi niya ang pagnanais, sakaling kailangan siya ng mga lider ng Simbahan sa Washington para sa ibang kadahilanan.28
Kamakailan lamang, si Justin Morrill, isang miyembro ng Kamara ng Estados Unidos, ay nagpanukala ng isang batas sa Kongreso na gagawing krimen ang bigamya o pagpapakasal sa mahigit sa isang asawa nang sabay, sa lahat teritoryo ng Estados Unidos.29 Marahil kailangan ng mga Banal si George na magsumamo para sa kanilang karapatan na isabuhay ang maramihang pag-aasawa. Kung pumasa, ang batas ni Morrill ay gagawing kriminal sina George at iba pang mga Banal na isinasabuhay ang alituntunin. Lilimitahan din nito ang impluwensya ng Simbahan sa Utah sa paghihigpit ng halaga ng ari-arian na maaari nitong maging pagmamay-ari.30
Noong araw ng kanyang paglisan, binasbasan ni George ang kanyang asawang si Elizabeth at anak na babae, si Georgiana, na isinilang noong ang mag-asawa ay nasa England. Kahit si Elizabeth o ang sanggol ay hindi ganoon kalusog upang makasama niya, kung kaya ay ipinagkatiwala sila ni George sa pangangalaga ng kanilang mga bagong kaibigan sa England habang wala siya.
Noong dumating siya sa Estados Unidos pagkaraan ng dalawang linggo, nalaman niya na siya nga ay nahalal na maglingkod kasama si William Hooper sa Senado kung ang petisyon para sa pagiging estado ay maaaprubahan. Ang pagtatalagang ito ay ibinigay sa kanila nang walang opisyal na awtoridad, subalit maaari nilang tangkaing manghimok ng mga mambabatas na bumoto nang tutol sa batas ni Morrill na kumokontra sa bigamya at sumang-ayon sa mungkahi ng Utah na maging isang estado.31
Noong ika-13 ng Hunyo, binisita nina George at William si Pangulong Abraham Lincoln, umaasam na mapanalunan ang suporta nito para sa kanilang kahilingan. Inasahan ni George ang pangulo na mag-anyong pagod at naghihinagpis matapos ang mahigit isang taon ng digmaang sibil, ngunit si Lincoln ay magiliw na nakipagkuwentuhan at nakipagbiruan sa kanila. Siya ay isang matangkad at simpleng lalaki na may balbas sa mukha at asiwang mga braso. Magalang siyang nakinig habang sina George at William ay naglalahad ng kanilang hiling para sa pagiging isang estado, ngunit wala siyang ipinangako upang suportahan ang kanilang kahilingan.32
Bigong nilisan nina George at William ang White House. Ang pulong ay kagaya ng iba pang mga talakayan nila sa iba pang mga pulitiko sa Washington. Karamihan sa mga mambabatas ay tila bukas ang isip tungkol sa pagiging estado ng Utah, ngunit ayaw nilang ipangako ang kanilang mga boto. Naniniwalang hindi nila magagawang suportahan na gawing estado ang Utah matapos bumoto para sa batas laban sa bigamya, ilang mambabatas ang tumangging pagnilayan ang pagkakaloob na gawing estado ang Utah hanggang sa ipagbawal ng saligang batas nito ang maramihang pag-aasawa.33
Ang galit sa masaker sa Mountain Meadows ay pumigil din sa ilang tao na suportahan ang mga Banal at ang kanilang hiling para maging isang estado.34 Mga isang taon matapos ibigay ni John D. Lee ang kanyang ulat tungkol sa masaker, natuklasan ng mga imbestigador na si John at iba pang mga miyembro ng Simbahan ay sangkot sa pag-atake. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, may mga opisyal ng pamahalaan na nagsagawa ng kanilang sariling imbestigasyon. Sinikap nilang isailalim sina John D. Lee, Isaac Haight, John Higbee, at iba pa sa katarungan, ngunit walang saksi ang lumapit upang magbigay ng salaysay laban sa kanila. Gayunpaman, natagpuan ng mga imbestigador ang labing-isang batang babae at anim na batang lalaki na nakaligtas sa pagsalakay, at ibinalik ang mga ito sa mga kamag-anak o mga kaibigan noong tag-init ng 1859.35
Umasa sina George at William na ang kanilang pagsusumigasig upang makakuha ng suporta para sa petisyon ay gumagawa ng magandang impresyon sa mga mambabatas sa Washington. Gayunpaman, wala sa dalawang lalaki ang nakababatid kung ang kanilang mga pagsisikap ay sapat upang makamit ang pagiging estado para sa mga mamamayan ng Utah.36
Habang nirerepaso sa Washington ang petisyon na maging estado, ang gawaing misyonero sa Denmark, Norway, at Sweden ay lumalago. Mahigit dalawang taon na ang lumipas mula nang nilisan nina Johan at Carl Dorius ang Lambak ng Sanpete upang maglingkod sa kanilang pangalawang misyon sa Scandinavia. Sa karamihan ng panahong iyon, namuno si Carl sa mga Banal sa Norway habang si Johan ang kanyang unang tagapayo.37
Nang makarating na ang magkapatid sa Scandinavia, agad na nagtungo si Johan sa Norway. Si Carl, gayunman, ay bumisita sa kanilang nakahiwalay na ina, si Ane Sophie, sa Copenhagen. Noong una, hindi nakilala ni Ane Sophie ang kanyang anak. Ngunit oras na sinabi ni Carl sa kanya kung sino ito, hinalikan niya ito nang paulit-ulit sa noo, tuwang-tuwa na bumalik ito mula sa Amerika. Tulad ni Nicolai, ang kanyang dating asawa na ama ni Carl, siya rin ay muling nag-asawa. Siya at ang kanyang asawa, si Hans Birch, ay nag-ampon ng isang batang babae na nagngangalang Julia, na ngayon ay walong taong gulang.38
Habang sina Carl at Ane Sophie ay nag-uusap sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong taon, namangha si Carl sa mga pagbabago na dumating sa kanyang ina. Bago sila umalis ni Johan para sa Sion, nahihiya itong tabihan sila sa paglalakad sa publiko. Ngunit dahil gumanda na ang reputasyon ng Simbahan sa Denmark, at isang araw matapos ang pagdating ng Carl, pumayag si Ane Sophie hindi lamang na lumabas sa publiko kasama niya kundi pumayag din siya na dumalo sa isang pulong ng Simbahan.
Nang pumasok ang ina at anak sa bulwagan kung saan nagtitipon ang mga Banal, nakita nila na puno ang silid. Nakilala ni Carl ang maraming mukha sa kongregasyon mula sa kanyang unang misyon, at matapos siyang magsalita sa grupo, ilang tao ang lumapit upang kamayan siya at batiin siya sa pagbabalik sa bansa.
Halos hindi umalis si Ane Sophie sa tabi ng kanyang anak nang mga sumunod na araw. Matapos bisitahin ni Carl ang punong tanggapan ng Simbahan sa Denmark, siya ay medyo nahihiya na nakasuot pa rin siya ng parehong lumang amerikana na isinuot niya noong kanyang huling misyon. Isinama siya ng kanyang ina upang makakuha ng bagong amerikana at pagkatapos ay sumama sa kanya nang bisitahin niya ang mga dating kaibigan sa lunsod. Habang magkasama silang nag-uusap, masasabi ni Carl na ang kanyang ina ay mas interesado na sa Simbahan kaysa rati.
Matapos bisitahin si Ane Sophie, sumama si Carl kay Johan sa Norway. Natuklasan ng magkapatid na maraming branch na Norwegian ang lumiit ang bilang dahil sa pandarayuhan, ngunit mga 600 mga Banal ang nakatira pa rin sa Norway, na may mga 250 sa kabiserang lunsod ng Christiania. Hindi pa ginagawang legal ng pamahalaang Norwegian ang kalayaan sa relihiyon, kaya maingat ang mga missionary kapag sila ay nangangaral o nagbibinyag sa publiko.39
Noong unang bahagi ng 1862, habang nangangaral sa timog ng Norway si Carl, siya at sampung iba pang mga missionary ay dinakip ng mga pulis, tinanong sila sa harap ng mga nangungutyang tao, at binantaan sila ng mga multa at pagkabilanggo. Ang gayong mga panggigipit ay halos walang nagawa upang pigilan ang gawain. Pagdating ng tagsibol ng taong iyon, 1,556 na mga Scandinavian na Banal ang naghahanda upang mandayuhan sa Sion—ang pinakamalaking pandarayuhan noon.
Sa panahong ito, bumalik si Carl sa Copenhagen upang bisitahin muli ang kanyang ina. Tunay na nasa magandang kalagayan si Ane Sophie. Mukha siyang mas seryoso at interesado pa rin sa Simbahan. Minsan pa, dumalo siya sa mga pulong ng Simbahan kasama si Carl, at kung minsan ay isinasama si Julia.
Noong Hunyo 1862, isinama ni Carl ang kanyang ina at si Julia sa Christiania para sa isang maikling paglalakbay. Ang maling palagay at kapaitan na minsang taglay ni Ane Sophie sa mga Banal ay wala na, at siya at si Julia ay pumayag na binyagan at kumpirmahin sila ni Carl sa Simbahan. Matapos maisagawa ang mga ordenansa, binigyan ng mga Banal sa Norway si Ane Sophie ng maraming pansin, masaya na sa wakas ay nakilala nila ang ina ng kanilang lider sa misyon.40
Noong ika-20 ng Hulyo, tumanggap ng liham si Elizabeth Cannon mula kay George. Ang kanyang gawain sa Washington ay tapos na, at sabik siyang bumalik sa Liverpool sa isa sa dalawang susunod na papaalis na barko. Hindi nagbigay ang liham ng gaanong pag-asa kay Elizabeth na umasam na aabutan ni George ang naunang sasakyang-dagat. Ngunit matutuwa siya na makita ito, kailanman ito dumating.
Kinabukasan, pumunta siya sa madamong burol kung saan tanaw ang Liverpool kasama si Georgiana at minasdan itong naglalaro sa damuhan. Dahil iniwan niya ang kanyang mga maliliit na anak na sina John at Abraham sa pangangalaga ng pamilya na nasa Utah, nagpapasalamat si Elizabeth na kasama niya si Georgiana. “Siya ay malaking kaaliwan sa akin sa pagkawala ng mahal kong asawa,” isinulat niya sa kanyang journal kinabukasan. “Hindi ko mapanatag ang sarili ko kung hindi dahil sa kanya.”41
Hindi niya malalaman, na noong unang umalis si George para sa kanyang unang misyon sa California at Hawaii, kung gaano kahirap ang pagkawalay nila sa isa’t isa. Ang pagtulong upang tipunin ang mga tao ng Diyos ay mahalagang bahagi ng gawain sa mga huling araw, subalit madalas na nagdudulot ito ng matinding emosyonal at pisikal na kapaguran sa kababaihang naiwan upang mapangalagaan ang pamilya at alagaan ang tahanan at mga ari-arian habang nasa malayo ang kanilang mga asawa. Naging mapalad si Elizabeth na makasama si George sa ilan sa mga misyon nito,42 na siyang masasabi ng karamihan ng mga asawa ng mga missionary. Ngunit hindi nito pinadali ang mga mahahabang pagkakalayo kapag nangyayari ang mga ito.
Ilang araw matapos matanggap ang liham ni George, naglilinis ng bahay si Elizabeth habang si Georgiana ay nakikipaglaro kay Rosina Mathews, isang batang babaeng English na pinatira ng mga Cannon sa kanilang tahanan. Habang naglalaro ang mga bata, sumulyap si Rosina sa bintana kung saan tanaw ang kalsada. “Heto na si Pa,” pakanta niyang sinabi.
“Baka nagkamali ka,” sabi ni Elizabeth.
“Siya ay nasa karwahe,” iginiit ni Rosina, “sa pintuan.”
Sa sandaling iyon ay narinig ni Elizabeth ang pamilyar na tunog ng mga yabag ng paa ni George sa may hagdanan. Nang makita niya ito, napuspos ang kanyang puso ng kagalakan, at halos hindi siya makapagsalita. Tumakbo papunta rito si Georgiana, at dinala siya sa mga bisig nito. Mukha itong nasa mabuting kalagayan matapos ang mahabang paglalakbay at nasisiyahan na makita si Elizabeth na lumakas at mas lumusog kaysa noong umalis ito.
Nang hapong iyon, ang pamilya ay naglakad-lakad. “Lahat kami ay lubos na nasiyahan na magkakasama, matapos ang matagal na pagkawalay,” isinulat ni Elizabeth sa kanyang journal. “Ang aming tahanan ay masayang muli.”43
Sa kabila ng pinakamatinding pagsisikap ni George, ang kanyang pagsusumamo sa mga mambabatas sa Washington ay hindi nagtagumpay. Nilagdaan ni Pangulong Lincoln ang batas laban sa bigamya noong ika-8 ng Hulyo. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, ipinaalam ng mga mambabatas kina George at William na ang Kongreso ay may mga mas mahalagang bagay na pagdedesisyunan kaysa sa kung gagawing estado ang Utah—lalo na dahil ang digmaang sibil ng Amerika ay lalo lamang lumalala.44
Ngayon na si George ay nakabalik sa Europa, nais niyang libutin ang misyon kasama si Elizabeth. Nilisan nila ang Liverpool noong Setyembre kasama si John Smith, ang patriyarka ng Simbahan, na dumaan sa Englang upang magmisyon sa Scandinavia. Habang nasa daan ay sinundo nila ang kapatid ni John na si Joseph F. Smith at ang pinsan nito na si Samuel Smith, na matagal nang naglilingkod sa mga misyon sa London mula noong 1860. Isa pang pinsan ng mga Smith, si Jesse Smith, ay pangulo ng Scandinavian mission, at inanyayahan niya ang kanyang mga pinsan na bisitahin siya sa kapag dumating na si John sa Europa.
Nilisan ng grupo ang England noong ika-3 ng Setyembre at dumaan sa Hamburg, Germany, sa kanilang pagpunta ng Denmark. Mukhang pagod at payat sina Joseph at Samuel mula sa sobrang trabaho, subalit tila bumubuti ang kanilang kalagayan sa paglipas ng bawat araw. Sa Denmark, tila naaasiwa si Elizabeth sa paglalakbay sa isang bansa kung saan hindi niya alam ang wika. Gayunman, nang dumalo siya sa isang kumperensya sa lunsod ng Aalborg, masaya siyang nakikisalamuha sa mga Banal.45
Sina George at iba pang mga missionary ay nagbigay ng mensahe sa kongregasyon sa tulong ng mga tagasalin, at pagkatapos ay nagtipon sila sa isang burol kung saan tanaw ang lunsod upang mag-usap at magsiawit nang magkakasama. Karamihan sa mga awit ay nasa wikang Ingles at wikang Danish, ngunit inaliw nina George at Joseph ang mga Banal sa pag-awit din sa wikang Hawaiian. Ang galak na nadama nila bilang mga kapwa Banal, sa kabila ng pagkakaiba ng wika at nasyonalidad, ay lubhang kabaligtaran sa pagtatalong nagaganap noon sa Estados Unidos.46
“Lubos akong nasiyahan; ako ay lubos na nalulugod sa mga tao,” isinulat ni Elizabeth sa kanyang journal noong araw na iyon. “Hindi ko magawang ako ay maunawaan, subalit kami ay nasa parehong dakilang gawain at tumanggap ng gayon ding espiritu.”47