“Tulad ng Mga Uling ng Buhay na Apoy,” kabanata 22 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)
Kabanata 22: “Tulad ng Mga Uling ng Buhay na Apoy”
Kabanata 22
Tulad ng Mga Uling ng Buhay na Apoy
Dapithapon sa Washington, DC, noong Hunyo 5, 1863, nang makipagtipon si T. B. H. Stenhouse kay Pangulong Abraham Lincoln. Isang tatlumpu’t siyam na taon gulang na patnugot mula sa Scotland, si Stenhouse ay isang iginagalang na Banal sa mga Huling Araw sa magkabilang panig ng Atlantiko.
Noong binata pa siya, nakapaglingkod siya sa mga misyon sa England, Italy, at Switzerland. Kalaunan, pinagunahan niya ang mga missionary sa silangang Estados Unidos at sumulat ng mga artikulo para sa malawakang nababasang New York Herald at Deseret News. Siya at ang kanyang asawa, si Fanny, ay kinaluluguran ng mga Banal sa Lunsod ng Salt Lake at madalas ipinakikilala kapag nagpupunta ang mga pinagpipitagang bisita sa lambak.1
Sa pakikipagpulong kay Lincoln, nais matuklasan ni Stenhouse ang pagiging bukas ng pangulo na hayaan ang mga Banal na pamahalaan ang kanilang sarili. Kakaunting tao sa Utah ang umaasang ipatutupad ni Lincoln ang bagong batas laban sa bigamya. Upang masakdal ng bigamya ang isang miyembro ng Simbahan, kailangang patunayan ng mga taga-usig na naganap ang maramihang pag-aasawa—isang halos imposibleng gawain dahil ang mga kasal ay pribadong nagagaganap sa Endowment House at ang mga opisyal ng pamahalaan ay walang paraan upang makita ang mga talaan. Bukod pa rito, mababa ang posibilidad na mahatulan ng mga taga-usig sa Utah ang isang tao ng bigamya habang kasama ang mga miyembro ng Simbahan sa mga lupong tagahatol.2
Subalit maraming Banal ang nagalit tungkol sa mga taong itinalaga ni Lincoln upang pamunuan sila sa Utah. Si Alfred Cumming, ang taong pumalit kay Brigham Young noong 1858, ay nagbitiw bilang gobernador noong 1861 bilang kaibigan ng mga Banal. Ang gobernador na pinili ni Lincoln na humalili sa kanya, si John Dawson, ay agad na nawala sa kaluguran ng mga Banal nang tangkain nitong ipahinto ang petisyon sa pagiging estado noong 1862.3 Ang sumunod na itinalaga ni Lincoln, si Stephen Harding, ay tubong Palmyra, New York, na nakilala si Joseph Smith noong kanyang kabataan. Sa kabila ng ugnayang ito, mabilis na napayamot ni Harding ang mga Banal noong sinikap niyang palakasin ang batas laban sa bigamya sa pamamagitan ng pagmumungkahi ng mga batas upang maialis ang mga miyembro ng Simbahan mula sa mga lupon ng mga tagahatol.4
Nakinig ang pangulo kay Stenhouse. Nagbiro siya na hindi niya naalala ang pangalan ni Gobernador Harding at nagpahayag ng pag-asa na ang mga opisyal na ipinadala niya sa Utah ay magiging mas mabait.
Gayunman, pumasok ang Digmaang Sibil sa Amerika sa ikatlong madugong taon nito, at iniwan ang mukha ni Lincoln na lubhang pagod at nag-aalala. Sinisikap na mapanalunan ang digmaan, kamakailan lamang ay naglabas siya ng kautusan na nagpapalaya ng mga alipin sa lahat ng estado sa Katimugan at nagtutulot sa mga itim na tao na sumapi sa Hukbo ng Estados Unidos. Ngunit kailan lamang ay nagapi ng hukbo ng Timog ang mga puwersang pederal sa isang malaki at magastos na labanan mga 96 na kilometro sa timog-kanluran ng Washington, at iniwan siyang nakikipagbuno sa mga mas malalaking problema kaysa sa pagtatalo sa pagitan ng mga Banal at mga opisyal ng pamahalaan.5
“Noong aking kabataan,” sinabi ni Lincoln kay Stenhouse, “Ako ay nagsasaka ng isang piraso ng bagong hawan na lupain, at habang ginagawa ko ito ay natagpuan ko ang isang malaking troso. Hindi ako maaaring mag-araro rito, sapagkat ito ay masyadong mataas, at napakabigat kaya hindi ko maialis ang pagkakaharang nito, at lubhang basa kaya hindi ko ito masusunog. Tumayo ako at tiningnan ito at pinag-aralan ito at sa huli ay nagpasiyang magsaka sa paligid nito.”6
“Bumalik ka,” pagpapatuloy ng pangulo, “at sabihin kay Brigham Young na kung hindi niya ako gagambalain, hindi ko rin siya gagambalain.”7
Hindi nagtagal, pinaalis ni Lincoln si Gobernador Harding sa puwesto at naghirang ng isang mas malumanay na pulitiko bilang kapalit.8
Noong sumunod na Enero, ang tatlumpung tatlong-taong gulang na si Alma Smith ay nakatanggap ng liham mula sa isla ng Lanai. Ang maikli at mahalagang liham ay nilagdaan ng anim na miyembro ng Simbahan sa Hawaii. Kabilang sa kanila si Solomona, isang elder na itinalaga bilang lider ng Simbahan sa Lanai nang nilisan ni Alma at lahat ng iba pang mga missionary mula sa Utah ang Hawaii noong 1858.9
Binasa ni Alma ang liham, maingat na isinalin ang mga salitang Hawaiian sa Ingles. “Ang bagay na nais naming idulog sa iyo,” sabi roon, “ay hinggil sa ating propeta na naninirahan dito, si Walter M. Gibson. Totoo ba na siya ang aming pinuno?”10
Hindi na nakakagulat na si Walter Gibson ay nasa Lanai. Subalit ang salitang “propeta” ay nakababahala. Ipinadala ng Unang Panguluhan ang kilalang abenturero sa isang masigasig na misyon sa Japan at iba pang mga bansa sa Asya at Dagat Pasipiko noong 1861. Hindi nagtagal kalaunan, ipinaaalam niya sa kanila na siya at ang kanyang anak, si Talula, ay nanirahan kasama ng mga Banal sa Lanai.11
Mula noon, ipinapaalam ni Walter kay Brigham Young ang tungkol sa magandang paglago ng misyon at sa pamayanan ng Lanai. Isang ulat sa pahayagan na Hawaiian noong 1862, na muling inilimbag sa Deseret News, ay puro papuri para sa gawain ni Walter sa mga Banal sa Hawaii.12 Kung gayon, bakit siya tinatawag ng mga Banal doon bilang kanilang propeta? Si Walter ay isang missionary, wala nang iba.
Patuloy na nagbasa si Alma. Ikinuwento ng liham ang pagtanggi ni Walter sa awtoridad ni Brigham Young at nagtatag ng kanyang sariling uri ng priesthood sa isla. “Inorden niya ang isang korum ng labindalawang apostol, gayon din ang isang korum ng pitumpu, ilang mga bishop at high priest,” isinulat ni Solomona at ng iba pang mga Banal. “Makakamtan lamang ang mga sertipiko ng ordinasyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng salapi, at kung hindi nagbayad ng pera, ang kandidato ay hindi inoorden.”13
Ang pamamahala ni Walter sa mga lupain ng Simbahan ay nakababahala rin. Gamit ang mga donasyon mula sa mga Banal na Hawaiian, bumili siya ng lupa sa kanyang pangalan at ngayon ay inaangkin ito para sa kanyang sarili. “Sinabi ni Gibson na ang lupaing ito ay hindi para sa Simbahan, ni walang karapatan o titulo ang mga kapatid rito,” iniulat ng mga Banal na Hawaiian. “Ito ay tanging sa kanya lamang.”
Hinikayat ng mga Banal si Alma na ipakita ang kanilang liham kay Brigham Young. “Kami ay nagulat nang husto sa dayuhang ito,” isinulat nila. “Lubos namin siyang hindi pinagkakatiwalaaan.”14
Dinala ni Alma ang liham kay Brigham, na binasa ito sa Korum ng Labindalawa noong Enero 17, 1864. Sumang-ayon ang mga apostol na kailangan nilang kumilos kaagad. Pasinungaling na inihayag ni Walter ang kanyang sarili bilang isang propeta, nanggantso ng lupain mula sa Simbahan, at inapi ang mga Banal na Hawaiian.
“Gusto kong dalawa sa Labindalawa ang magdala ng ilan sa mga kabataang kapatid na nakarating na roon,” sinabi ni Brigham, “at magpunta sa mga pulo at isaayos ang Simbahan.”15
Pinili niya ang mga apostol na sina Ezra Benson at Lorenzo Snow na mamuno sa misyon. Pagkatapos ay hiniling niya kina Alma Smith at dalawang iba pang dating missionary sa Hawaii, sina Joseph F. Smith at William Cluff, na humayo at tulungan sila.16
“Gawin ang kinakailangan,” iniatas niya.17
Noong umaga ng Marso 31, 1864, isang bangka na may dalang dalawang Apostol at tatlong missionary ang nagbaba ng angkla sa panlabas na daungan ng Lahaina, Maui, sa mga Isla ng Hawaii. Habang nananatili si Joseph F. Smith sa kubyerta kasama ng mga bagahe ng grupo, ibinaba ang isang maliit na bangka sa tubig, at sina Ezra Benson, Lorenzo Snow, William Cluff, Alma Smith, at ang kapitan ng barko ay sumakay at nagsimulang tumungo sa pampang.
Sa di-kalayuan, mas malapit sa dalampasigan, bumabayo ang mga matataas na alon sa mga bato. Dahil ilang ulit nang naglakbay sa daungan bilang missionary, nag-alala si William Cluff na ang tubig ay masyadong maalon para sa bangka. Ngunit tiniyak sa kanya ng kapitan na walang dapat ikatakot kung mananatili sila sa kanilang landas.
Ilang sandali pa, isang napakalaking alon ang tumama sa bangka, itinataas ang likuran mula sa tubig. Mabilis na umusad ang bangka patungo sa mga bato, kung saan inabutan ito ng isa pang alon na itinaas ang likuran nito nang sobrang taas na hindi na naabot ng mga sagwan ang tubig. Nang humupa ang alon, pumihit ang bangka at tumaob, itinatapon ang mga lalaki sa mga delikadong alon ng karagatan.18
Sa loob ng isang sandali, walang makitang mga pasahero sa tubig. Pagkatapos ay lumitaw sina William, Ezra, at Alma, nangangapos ang mga hininga, at lumangoy patungo sa tumaob na bangka. Ang mga lalaki ay tumingin sa paligid upang hanapin sina Lorenzo at ang kapitan, ngunit hindi sila matagpuan.
Ilang Hawaiian ang nakakita sa aksidente mula sa dalampasigan at agad lumapit upang sagipin sila. Habang iniaahon ng ilang tagasagip sina William, Ezra, at Alma mula sa tubig, ang iba ay sumisid upang hanapin ang dalawang nawawalang lalaki. Mabilis na natagpuan ng mga maninisid ang kapitan na nakahandusay sa sahig ng karagatan, ngunit hindi pa rin nila matagpuan si Lorenzo.
Walang anu-ano, nakita ni William ang isang lalaking Hawaiian na lumalangoy patungo sa kanilang bangka, hila-hila ang katawan ni Lorenzo sa kanyang likuran. Ipinihit nila ang bangka, at hinila nina William at Alma ang apostol mula sa tubig at idinapa ito malapit sa kanilang mga tuhod. Ang kanyang katawan ay malamig at matigas. Hindi siya humihinga.
Nang marating nila ang pampang, binuhat nina William at Alma si Lorenzo sa dalampasigan, iniunat siya sa tabi ng isang bariles, at paulit-ulit siyang pinagulong hanggang sa bumuhos ang tubig mula sa kanyang bibig. Pagkatapos ay pinahiran nila ang mga braso at dibdib nito gamit ang langis na may matapang na amoy at ipinagulong siyang muli sa bariles upang matiyak na lahat ng tubig ay wala na rito. Hindi pa rin nagpapakita ng tanda ng buhay si Lorenzo.
“Nagawa na natin ang lahat ng maaaring gawin,” sabi ng isang lalaki mula sa pampang na tumulong sa kanila. “Imposible nang iligtas ang kaibigan mo.”
Si William o si Alma ay hindi naniniwala na dinala ng Diyos si Lorenzo sa Hawaii upang hayaan lamang itong mamatay. Bilang isang bata, si Alma mismo ay halos namatay nang nilusob ng mga mandurumog ang kanyang pamilya sa Hawn’s Mill, Missouri. Pinaslang ng mga mandurumog ang kanyang ama at kapatid at binaril siya sa balakang, inaalis ang mga kasu-kasuan. Halos ikinamatay niya ang pagdanak ng dugo sa pandayang napuno ng usok kung saan siya ay nasugatan, ngunit ang kanyang nanay ay humingi sa Diyos ng tulong, at ipinakita sa kanya ng Espiritu kung paano pagalingin ang kanyang sugat.19
Kumikilos ayon sa pananampalataya, sinubukang muli nina William at Alma na buhayin si Lorenzo. Isang kaisipan ang biglang pumasok sa isipan ni William na ipatong ang kanyang bibig sa ibabaw ng mga labi ni Lorenzo at bumuga nang husto sa abot ng kanyang makakaya sa mga baga ng apostol. Bumuga siya, paulit-ulit, hanggang sa siya ay nakarinig ng isang mahinang tunog sa lalamunan ni Lorenzo. Ang ingay ay humikayat sa kanya, at bumuga siyang muli hanggang sa ang tunog ay nauwi sa pagdaing.
“Ano ang problema?” Binulong ni Lorenzo sa wakas.
“Ikaw ay nalunod,” sabi ni William. Tinanong niya ang apostol kung nakikilala siya.
“Oo, Brother William, alam kong hindi mo ako tatalikuran,” sabi nito. “Ligtas ba ang lahat ng kapatid?”
“Brother Snow,” sabi ni William, “lahat tayo ay ligtas.”20
Noong sumunod na Linggo, sumama si Joseph F. Smith sa kanyang mga kasama habang naglalakbay sila patungo sa pamayanan ng Simbahan sa Lanai. Pagdating nila, nakilala ng ilang mga Banal na Hawaiian ang mga dating missionary at sinalubong sila na may pagpapakita ng pagmamahal.21
Nakipagkita si Walter sa mga apostol at mga missionary sa tarangkahan ng kanyang malaking bahay na pawid. Hindi niya inaasahan ang mga ito, at ang kanyang mga tingin ay sabik at nagtatanong. Malamig siyang nakipagkamay sa mga ito at ipinakilala sila sa kanyang anak na babae, si Talula, na nasa kanyang ikatlong dekada. Pagkatapos ay pinatuloy niya ang mga ito sa kanyang tahanan at naghain ng isang masaganang almusal ng kamote, nilagang kambing, at iba pang mga pagkain. Sa buong panahon ang kanyang pakikitungo ay malamig at pormal.22
Pagkatapos ng almusal, dinala ni Walter ang mga lalaki sa kanyang Sabbath meeting kasama ang mga Banal na Hawaiian. Isang “kataas-taasang bishop” na nakasuot ng magarang kasuotan ang nagpatunog ng kampana upang sama-samang tipunin ang kongregasyon. Habang pumapasok ang mga Banal, labinlima o dalawampung binata na nakasuot ng mga koronang bulaklak at luntiang mga dahon ang naupo sa isang upuan sa unahan ng meetinghouse. Labimpitong mga batang lalaki at labimpitong batang babae, kapwa suot ang uniporme, ay naupo malapit sa isang mesa kung saan nakaupo ang bishop kasama ang mga lalaking itinalaga ni Walter bilang mga apostol.
Nang pumasok sa silid si Walter, tumayo ang kongregasyon at yumukod nang mapitagan habang nilagpasan niya ang mga ito at naupo sa kabisera ng mesa. Matapos ang pambungad na panalangin, tumayo siya at kinilala ang limang bisita mula sa Utah. “Hindi ko alam kung ano ang kanilang ipinunta,” sabi niya, “subalit marahil ay sasabihin nila sa atin.”
“Ito ang aking sasambitin,” dagdag pa niya. “Nagpunta ako sa inyo rito, ibinili kayo ng lupain, at dito ako ay mananatili nang hindi magagalaw, at sa yaon ay hindi ako susuko!”23
Noong mga sumunod na dalawang araw, sarilinang nakipag-usap ang mga apostol kay Walter. Ang kanyang mga kamalian, nalaman nila, ay higit pa sa pagbebenta ng mga ordenasyon sa priesthood.24 Ito ay lubhang kakatwa upang paniwalaan.
Nang dumating sa Lanai si Walter, nakita niya ang pagkakataong simulan ang napakalawak na imperyong iyon sa Pasipiko na matagal na niyang pinangarap itatag.25 Hinikayat niya ang mga Banal na Hawaiian na mag-ambag ng kanilang mga alagang hayop at mga personal na ari-arian sa kanya upang kanyang mabili ang lupain sa pulo.26 Binibigyang-inspirasyon ang mga Banal ng kanyang pangarap na imperyo, kanyang binuo ang isang milisya sa isla at sinasanay ang mga miyembro nito para lusubin ang iba pang pulo. Nagpadala rin siya ng mga missionary sa Samoa at iba pang pulo sa Polynesia upang ihanda ang mga lupaing iyon para sa kanyang pamumuno.
Hindi nagtagal ay nagsimulang ituring siya ng mga tao na tila isang hari. Walang sinumang nakakapsok sa kanyang tahanan upang makipag-usap sa kanya maliban sa kung ito ay nakayukod at nakaluhod. Upang umakit ng pagkamangha, nagtakda siya ng isang malaking bato na binutasan malapit sa kanyang bahay upang maging pundasyon ng templo. Naglagay siya ng Aklat ni Mormon at iba pang mga dokumento sa bato, tinakpan ang mga ito ng mga sanga, at binalaan ang mga Banal na sila ay pupuksain kung sila ay lalapit dito.
Nang matapos ang mga apostol at missionary sa kanilang imbestigasyon, tinipon nina Ezra Benson at Lorenzo Snow ang mga Banal upang talakayin ang kahihinatnan ni Walter bilang pinuno. Kasama si Joseph na nagsilbing tagapagsalin, kinondena ni Ezra ang pagkamkam ni Walter sa mga lupain ng Simbahan at pang-aabuso ng awtoridad ng priesthood.
“Tungkulin natin ang pagpapawalang-karapatan sa kanya,” sinabi ni Ezra, “at kung hindi babaguhin ang kanyang mga gawain at magsisi, mapipilitan tayong itiwalag siya sa Simbahan.”27
May ibinulong si Walter kay Talula, at agad nitong kinuha ang isang bumbon ng papel na magarang napapalamutian ng mga tatak at laso. “Ginoo, narito ang aking awtoridad,” sabi niya, itinuturo ang tatlong lagda sa ibaba ng pahina. “Hindi ninyo magagawang hindi makilala ang mga pangalan nina Brigham Young at kanyang dalawang tagapayo rito.”
Binasa ni Lorenzo ang dokumento. Ito ay isang simpleng lisensya ng missionary upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga pulo ng dagat. “Ang dokumentong ito ay hindi nagtatalaga sa iyo na mamuno sa mission sa Hawaii,” sabi ni Lorenzo. “Basta mo lamang kinuha ang awtoridad na iyon.”28
“Nakausap ko si Pangulong Young,” sabi naman ni Walter. “Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa akin at binasbasan ako. At mataimtim na ibinuhos ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang Espiritu sa akin, bago ko siya nakita, noong ako ay nakahiga sa yaong bilangguan, at inihayag sa akin na ako ay may isang dakila at malaking gawain na gagawin.”
Mabilis na nagsalita si Walter, taimtim na nakikiusap sa mga Hawaiian sa silid. “Ako ang inyong patriyarka,” wika niya. “Naparito ang mga taong ito upang kunin ang inyong lupain at ipadala sa malayo ang inyong kinikita. Pag-ibig ba ito? Sino’ng nagmamahal sa inyo? Hindi ba ako? Kung gayon, sino ang aking mga anak at aking mga kaibigan? Hayaan silang tumayo!”
Minasdan ni Joseph F. Smith ang kongregasyon. Ang mga salita ni Walter ay nakaantig sa kanila, at halos lahat ng tao ay tumayo. Napuspos ang puso ni Joseph ng kalungkutan at nagtaklob ito ng madilim na anino sa kanyang pag-asa para sa pamayanan.29
Kakatwang mabait si Walter sa limang lalaki pagkatapos ng pulong. Noong nagpasiya silang iwan ang isla noong sumunod na gabi, nag-alok siya sa kanila ng mga kabayo upang sakyan sa dalampasigan at gamitin ang kanyang sariling bangka at mga tripulante upang ihatid sila pabalik sa Maui. Nagbigay rin siya kay Ezra Benson ng magandang baston at $9.75—lahat ng pera sa kanyang bulsa. Gayunman, tahasang tumanggi siyang isuko ang kanyang lisensya sa pangangaral, o ang lupain na kanyang kinamkam mula sa mga Banal.30
Matapos lisanin ang Lanai, bumalik sina Ezra Benson at Lorenzo Snow sa Utah, iniiwan si Joseph F. Smith upang mamuno sa mission sa Hawaii. Dahil ang mga missionary ay hindi legal na mababawi ang lupain na kinamkam ni Walter mula sa mga Banal sa Lanai, nagpasiya silang muling pasiglahin ang pananampalataya sa iba pang mga pulo. Inatasan ni Joseph si Alma Smith na maglingkod sa Maui at Big Island ng Hawaii habang siya ay nagtrabaho sa Oahu at William Cluff sa Kauai.31
Pinagsisihan ng ilang mga Banal ang kanilang naunang pagsuporta kay Walter. Si Jonathan Napela, na tumulong kay George Q. Cannon sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, ay naglingkod bilang pangulo ng labindalawang apostol ni Walter sa nakalipas na dalawang taon. Subalit nadama niyang nalinlang siya noong natanto niya na hindi talaga taglay ni Walter ang awtoridad na ordenahan siya sa katungkulang iyon.32
Nagsimulang makipagtipon si Napela sa mga Banal sa Maui. Karamihan sa kanila ay natanto ang maling akala kay Walter. Ipinagbili nito ang karamihan sa kanilang mga meetinghouse at ipinagbawal sa kanila ang pagsamba nang magkakasama, pangangaral ng ebanghelyo, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagdarasal bilang pamilya. Bunga nito, sila ay espirituwal na mahina at pinanghihinaan ng loob sa lahat ng kinuha ni Walter mula sa kanila.33
Ginugol ni Alma ang napakaraming oras niya upang libutin ang mabato at bulubunduking kalupaan ng Maui upang bumisita sa mga nagkalat na Banal. Noong nagsimula ang tag-init, masasabi niya na humihina ang impluwensiya ni Walter. Mas maraming Banal ang lumilisan ng Lanai, nagtutungo sa Maui nang halos walang dala maliban sa mga damit na kanilang suot. Subalit ang kanilang oras kasama si Walter ay sumubok sa kanilang pananampalataya, at ilang miyembro ng Simbahan ang tumupad sa kanilang mga tipan sa binyag noong bumalik sila.
“Hindi nga natin makita na nakinabang sila ni isang katiting mula sa ebanghelyo, sapagkat wala ni isa sa kanila ang ipinamuhay ito!” Nagreklamo si Joseph sa isang ulat kay Brigham Young. “Sa aming mga halimbawa na palaging nasa harap nila, at ang aming mga turo na umaalingawngaw sa kanilang mga tainga, dapat naming asahan ang ilan na gumawa ng mas mabuti, ngunit hindi ito gayon.”34
Pinayuhan ni Brigham si Joseph at ang iba pang mga Amerikanong missionary na umuwi kung hinikayat sila ng Espiritu. Naniwala siya na ang mga Banal na Hawaiian ay siyang responsable sa kanilang sariling espirituwal na pag-unlad. “Para sa akin ay maaari mo nang iwan ang mga gawain ng mission sa mga kamay ng mga Katutubong mga kapatid,” ang isinulat niya kay Joseph at sa iba pang mga missionary. Natanggap ng mga Hawaiian na Banal ang ebanghelyo at priesthood maraming taon na ang nakararaan at taglay nila ang lahat ng mga kailangan upang pangasiwaan ang Simbahan sa kanilang sarili.35
Noong dumating ang payo ni Brigham sa Hawaii, lumambot na ang saloobin ni Joseph sa mga Banal na Hawaiian. “Nadarama naming hindi namin nais iwanan ang mission,” isinulat niya kay Brigham. Ngunit ayaw niyang bawasan ang bilang ng mga Amerikanong missionary sa mga kapuluan at tumawag ng ilang elder na Hawaiian upang mamuno sa iba’t ibang pulo sa mission.
Ibinalita ni Joseph ang pagbabago noong Oktubre at tinawag ang mga Hawaiian sa mga katungkulan sa pamumuno sa isang kumperensya ng mission sa Honolulu. Matapos siyang magsalita, si Kaloa, isang elder na Hawaiian, ay nagpatotoo sa kanyang matibay na hangaring maglingkod sa Simbahan. “Bata pa ako nang ang mga kapatid na ito ay unang dumating sa mga pulo,” sabi niya. “Binata na ako ngayon. Huwag tayong maging bata, ngunit mga lalaki sa pananampalataya at mabubuting gawa.”
Pagkatapos ay tumayo si Napela at hinikayat ang mga Banal sa kabutihan. “Tayo ay nalinlang at naakay palayo ng mga tusong salita ni Gibson at sa gayon ay sumira sa mga sagradong tipan na ginawa natin,” sabi niya. “Ngunit ngayon tayo ay hindi na nalinlang; kung gayon, ating panibaguhin ang ating mga tipan at maging matapat.”
Si Kanahunahupu, isa pang elder na Hawaiian, ay nagpatotoo rin. “Ang mga salitang sinabi sa inyo ngayon,” sabi niya, “ay katulad ng mga uling ng buhay na apoy.”36
Sa pagtatapos ng kumperensya, ibinalita nina Joseph F. Smith at William Cluff na hindi magtatagal ay babalik na sila sa Utah. Pagkalipas ng ilang linggo ay ipinaalam ni Brigham kay Joseph na layon niyang hirangin si Francis Hammond, ang dating mission leader ni Joseph sa Hawaii, upang humalili sa kanya.37
Mula nang nawala ang pamayanan ng Lanai, si Joseph at ang iba pang mga missionary ay naghahanap ng bagong lugar na pagtitipunan ng mga Banal. Noong tag-init, nakakita sila ng lugar sa Big Island ng Hawaii na tila mainam piliin, ngunit ang halaga ay higit pa sa kaya ng mga Banal na Hawaiian.
Matapos ang kabiguan sa pamayanan ng Lanai, bukod pa rito, maraming Banal ang naging atubili na ipagsapalaran ang mas maraming pera sa isa pang lugar na pagtitipunan. Nais ng mga pamilya ang bagong pamayanan sa kanilang pulo at malapit sa kanilang tahanan.38
Gayunman, matapos ang pagpupulong noong taglagas, nagbigay ng pahintulot si Brigham Young sa mga mission leader na bumili ng lupain gamit ang salapi mula sa Simbahan.39 Nag-aalinlangan tungkol sa sukat ng lupain sa Big Island, nagpatuloy sina Joseph at William na maghanap ng mga potensyal na lugar ng pagtitipon na maaaring imungkahi kay Francis habang nililibot nila ang mga branch sa Kauai at Oahu sa huling pagkakataon.
Isang araw sa Oahu, habang binibisita ni Joseph at William ang isang maliit na branch na malapit sa isang taniman na tinatawag na Laie, lumabas si William upang maglakad mag-isa. Ang taniman ay matatagpuan sa lugar na may anim na libong acre sa paanan ng mataas at mapunong kabundukan sa hilagang-silangang dalampasigan ng pulo. Hindi tulad ng mga pamayanan sa Lanai, ang Laie ay may mainam na mapagkukunan ng tubig.
Nakadarama ng lungkot at lumbay, lumuhod si William sa isang kalapit na kumpol ng mga puno upang manalangin. Nang tumayo siya, nalulumbay pa rin, nakakita siya ng daan na tumatagos sa mga madamong lupa at makapal na halaman. Sinundan niya ito sandali nang makita niya sa pangitain si Brigham Young na naglalakad sa landas.
Binati siya ni William na tila tunay itong naroon, at sila ay naupo sa damuhan. Pinuna ni Brigham ang kagandahan ng taniman, ang mayamang lupa, ang mga luntiang kabundukan, at ang mga alon na marahang humahampas sa dalampasigan. “Ito ay isang napakagandang lugar,” iwinika niya sa wakas. “Brother William, ito ang lugar na nais naming matalaga bilang punong tanggapan para sa mission na ito.”
Pagkatapos ay nakita ni William ang sariling nag-iisa, puno ng pagkamangha at panggigilalas, tiwala sa sarili na nakita niya ang tamang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Hawaiian.40