Kasaysayan ng Simbahan
9 Ayon sa Utos ng Espiritu


“Ayon sa Utos ng Espiritu,” kabanata 9 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 9: “Ayon sa Utos ng Espiritu”

Kabanata 9

Ayon sa Utos ng Espiritu

dalawang lalaki sa kalsada sa isang lunsod sa Europa

Noong Oktubre 6, 1849, ang unang araw ng kumperensya ng Simbahan sa taglagas, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ay nagbalita ng pinakamalaking pagsisikap sa gawaing misyonero ng Simbahan mula nang mamatay ni Joseph Smith. “Ang panahon ay dumating,” ipinahayag ni Heber Kimball sa kanyang pambungad na mensahe. “Nais natin ang mga taong ito na magkaroon ng interes na samahan tayo sa pagtataguyod ng kaharian sa lahat ng bansa sa mundo.”1

Mula nang dumating sa lambak, ginugol ng mga Banal ang kanilang lakas sa pagtatatag ng mga pamayanan at pagsiguro ng kanilang kaligtasan. Ngunit saganang-sagana ang ani sa taong iyon, na nagbigay ng sapat na pagkain para sa taglamig. Matapos magsimulang lumipat mula sa kuta ang mga Banal at nagtayo ng mga tahanan sa lunsod, inorganisa sila ng mga lider ng Simbahan sa dalawampu’t tatlong ward, bawat isa ay pinamumunuan ng isang bishop. Ang mga bagong pamayanan ay nagsimula ring umusbong sa Lambak ng Salt Lake at sa mga lambak sa hilaga at timog, at maraming mga Banal ang nagsimulang magtayo ng mga tindahan, gilingan, at pabrika. Nagsisimulang mamukadkad ang lugar ng pagtitipon habang inihahanda ito ng mga Banal upang salubungin ang mga tao ng Diyos.2

Pamumunuan ng Labindalawa ang bagong pagsisikap sa gawaing misyonero. Noong unang bahagi ng taong iyon, tinawag ni Brigham sina Charles Rich, Lorenzo Snow, Erastus Snow, at Franklin Richards upang punan ang mga bakante sa korum. Ngayon ay ipinadala ng Unang Panguluhan si Charles sa California upang tumulong kay Amasa Lyman; si Lorenzo sa Italy kasama si Joseph Toronto, isang Banal na Italyano; si Erastus papuntang Denmark kasama si Peter Hansen, isang Banal na Danish; si Franklin sa Great Britain; at ang beteranong apostol na si John Taylor sa France.3

Sa kumperensya, nagsalita rin si Heber tungkol sa Perpetual Emigrating Fund, isang bagong programa na idinisenyo upang tulungan ang mga Banal na tuparin ang tipan na ginawa nila sa templo ng Nauvoo na tulungan ang mga maralita. “Tayo ay narito at malusog at maraming makakain, maiinom, at magagawa,” sabi ni Heber. Ngunit maraming Banal ang nanatiling naiwan sa mga pamayanan sa Ilog Missouri, sa mga himpilan sa daaan sa Iowa, Nauvoo, at Great Britain. Kung minsan, ang mga Banal ay pinanghihinaan ng loob at nililisan ang Simbahan.

“Atin bang isasakatuparan ang tipang iyon,” tanong niya, “o hindi natin gagawin?”4

Sa ilalim ng bagong programa, nag-ambag ang mga Banal ng pera upang matulungan ang mga maralita na magtipon sa Sion. Tumanggap ng mga pautang ang mga dayo upang tustusan ang mga gastusin sa paglalakbay, na kanilang babayaran sa sandaling sila ay manirahan sa Sion. Gayunman, upang gumana ang programa, kailangan nito ang perang kontribusyon—isang bagay na iilang Banal lamang ang makapagbibigay sa isang ekonomiya ng pagpapalitan o barter. Nanawagan ang Unang Panguluhan sa mga Banal na mag-ambag ng kanilang sobra sa pondo, ngunit tinalakay rin nila ang posibilidad ng pagpapadala ng mga missionary upang maghukay ng ginto sa California.5

Nanatiling may alinlangan si Brigham sa opsyong iyon. Naniwala siya na ang pagnanais sa ginto ay nagpasama at ginulo ang mga mabubuting tao palayo sa kapakanan ng Sion. Subalit ang ginto ay maaaring maghatid ng banal na papel kung makatutulong itong tustusan ang Simbahan at ang pandarayuhan.6 Kung siya ay tatawag ng mga missionary sa mga minahan ng ginto sa California, posibleng makakalap sila ng kinakailangang pondo para sa gawain ng Diyos.

Ngunit ang mga missionary na ito ay dapat na mabubuti at matutuwid na lalaking walang pagnanais sa ginto tulad ng pagnanais nila sa alikabok na nasa ilalim ng kanilang mga paa.7


Sa unang tingin, tila walang ipinagkaiba si George Q. Cannon sa mga naghahanap ng ginto na dumadaan sa Lambak ng Salt Lake patungo sa California. Siya ay dalawampu’t dalawang taong gulang noon, walang asawa, at puno ng ambisyon ng kabataan. Subalit wala siyang hangaring lisanin ang tahanan. Mahal niya ang malalaking bundok at payapang espiritu ng lambak. At siya ay hindi mag-aaksaya ng panahon sa paghuhukay para sa ginto. Bawat minuto ay mahalaga sa kanya. Nais niyang magbasa ng mga aklat, magtayo ng isang bahay na yari sa adobe sa kanyang mga lote sa lunsod, at balang-araw ay pakasalan ang dalagang si Elizabeth Hoagland.8

Sina George at Elizabeth ay naglakbay pakanluran sa parehong grupo dalawang taon na ang nakararaan. Isang ulila mula noong kanyang kabataan, dumating si George kasama ang kanyang tiya at tiyo na sina Leonora at John Taylor upang ihanda ang isang tahanan para sa kanyang pamilya. Ang kanyang mga nakababatang kapatid ay nakatakdang dumating sa lambak anumang araw. Naglalakbay sila kasama ang kanyang panganay na kapatid at bayaw, sina Mary Alice at Charles Lambert, na inaruga sila sa pagkamatay ng kanilang mga magulang. Sabik si George na muli silang makasama.9

Bago dumating ang pamilya ni George, gayunman, tinawag siya ng mga lider ng Simbahan sa isang misyon upang maghanap ng ginto sa California.10 Ang tawag na maglingkod ay dumating bilang isang dagok, at hindi masaya si Elizabeth. “Ako ay tinawag para lamang sa isang taon,” sinabi ni George sa kanya, sinisikap na magpanatag ito. “Mas nanaisin mo ba na magpunta ako ng, marahil ay, tatlong taon sa France?”

“Mas nanaisin ko na magpunta ka upang magligtas ng mga kaluluwa kaysa maghanap ng ginto, kahit na sa mas mahabang panahon pa,” sabi ni Elizabeth.11

Hindi makatanggi si George. Bilang isang bata sa England, hinahangaan niya ang mga missionary na tulad ng kanyang tiyo na sina John at Wilford Woodruff, inaasam ang araw na siya ay maglilingkod din sa isang misyon.12 Ngunit ang tawag upang maghukay ng ginto ay hindi niya naisip.

Pagkatapos ng unang araw ng kumperensya ng Oktubre, nakipag-usap si George sa mga bagong tawag na missionary at iba pa. Nagsalita nang matagal sa kanila si Brigham tungkol sa paggalang sa mga bagay ng Diyos. “Ang isang tao ay dapat laging mamuhay nang may pagmamahal ng priesthood sa kanyang puso,” itinuro niya, “at hindi ang pagmamahal sa mga bagay ng mundong ito.”13

Noong mga sumunod na araw, abalang naghahanda si George para sa kanyang misyon. Noong ika-8 ng Oktubre, binasbasan siya nina John Taylor, Erastus Snow, at Franklin Richards, na magtagumpay sa kanyang misyon at maging mabuting halimbawa sa iba pang mga missionary. Nangako sila sa kanya na siya ay babantayan ng mga anghel at siya ay ligtas na makakauwi.14

Pagkaraan ng tatlong araw, binagabag ng kalungkutan at pangamba si George habang siya ay paalis ng bahay kasama ang iba pang mga missionary na maghahanap ng ginto. Lumipat siya nang ilang beses sa kanyang buhay, ngunit hindi pa siya nalalayo sa isang miyembro ng pamilya nang higit sa isa o dalawang araw. Hindi niya alam kung ano ang aasahan.

Nagplano ang mga missionary na maghahanap ng ginto na makipagkita kina Addison Pratt at Jefferson Hunt at sundan ang mga ito patungong California. Sa kanilang paglisan sa lambak, humimpil ang mga missionary sa isang salu-salo para sa mga elder na patungo sa Europa. Humigit-kumulang na isandaang mga Banal ang nagtipon upang makita sila. Ang ilan ay nagpiging sa mesa na may haing lahat ng uri ng pagkain samantalang ang iba naman ay sumasayaw sa ilalim ng isang malaking tolda na ginawa mula sa mga takip ng mga bagon. Nang lumapit si George sa salu-salo sakay ng kanyang kabayo, nakita niya ang karwahe ni Brigham Young na papalapit sa kanya.

Tumigil ang karwahe, at umibis si George upang kamayan ni Brigham. Sinabi ni Brigham na tatandaan niya si George at ipagdarasal siya habang wala ito. Nagpapasalamat sa mabait na mga salita ng propeta, naaliw si George sa pagpapatawa at pakikisama ng kapwa niya mga Banal sa isang gabi pa. Sa umaga, siya at ang mga missionary na maghahanap ng ginto ay sumakay ng kanilang mga kabayo at nagtungo na sa timog sa California.15


Noong Marso 1850, ang asawa ni Brigham na si Mary Ann ay bumisita kay Louisa Pratt upang malaman kung kailangan nito ng tulong mula sa Simbahan. Hindi alam ni Louisa kung paano tutugon. Ang mga kaibigang katulad ni Mary Ann ay madalas mag-alok ng tulong o mga paanyaya sa hapunan, ngunit ang buhay na wala si Addison ay walang kasing lungkot, at tila walang makapagpapabago rito.

“May pagnanais ka bang puntahan ang iyong asawa?” tinanong ni Mary Ann.16

Sinabi sa kanya ni Louisa na isang kaibigan ang nagboluntaryo upang dalhin ang kanyang pamilya sa California kung mapagpasyahan ng Simbahan na ipadala sila sa mga Isla sa Pasipiko. Sa pagtatapat na ito kay Mary Ann, nag-alala si Louisa na mapapagkamalan siyang masyadong sabik na pumunta. Ang pananatili sa Lunsod ng Salt Lake ay maaaring magpahiwalay sa kanya at kay Addison ng limang taon pa. Subalit ang pagsama sa kanya sa mga isla ay may kaakibat ding panganib. Sina Ellen at Frances kalaunan ay mga nasa hustong gulang na upang magpakasal. Ngayon ba ang pinakamainam na panahon upang ilayo sila mula sa lambak?

Nanalangin siya nang madalas upang malaman ang kalooban ng Panginoon. Ngunit may bahagi niya na gusto lamang na sulatan siya ni Addison ng isang liham na humihiling sa kanya na pumunta. Ang mabatid ang nais nito ay mas magpapadali ng kanyang desisyon. Ngunit ang isang bahagi niya ay nag-iisip kung nais man lang ba talaga nitong sumama siya. Tinanggap ba nito ang pinakabagong tawag sa misyon dahil gusto lamang nitong umalis muli?

“Kung ako ay isang elder,” sinabi ni Louisa kay Willard Richards isang araw, “Hindi ako sasang-ayon na mahiwalay nang napakatagal mula sa aking pamilya.” Sinabi niya na gagampanan niya ang kanyang misyon sa lalong madaling panahon at pagkatapos ay babalik pauwi. Ngumiti si Willard at hindi umimik, ngunit naisip ni Louisa na sang-ayon ito sa kanya.17

Dumalo si Louisa sa kumperensya noong umaga ng ika-7 ng Abril. Nagsalita si George A. Smith nang halos dalawang oras. Nang matapos siya, tumayo sa entablado si Heber Kimball. “Narito ang ilang mga tungkulin ng mga elder para sa mga bansa,” sabi niya. Tinawag ni Heber ang dalawang lalaki sa mga Isla sa Pasipiko, ngunit wala siyang sinabi tungkol kina Louisa at sa mga anak na babae nito. Pagkatapos ay sinabi niya, “iminumungkahi na si Brother Thomas Tompkins ay magpunta sa mga isla kung saan si Addison Pratt ay nagtatrabaho at dalhin ang pamilya ni Brother Pratt na kasama niya.”18

Isang hindi maipaliwanag na damdamin ang pumalibot kay Louisa, at halos wala na siyang narinig pa sa pulong. Pagkatapos ng sesyon, hinanap niya si Mary Ann sa pulutong ng mga tao at hinimok ito na hilingin kay Brigham na isaalang-alang na hirangin din sa misyon ang kanyang kapatid at bayaw na sina Caroline at Jonathan Crosby. Pumayag si Mary Ann, at tumanggap ng pagtawag ang mga Crosby noong sumunod na araw.

Ilang sandali bago sila umalis, binisita nina Louisa at kanyang mga anak na babae si Brigham. Sinabi niya kay Louisa na siya ay tinawag at itinalaga upang magtungo sa mga isla at tulungan si Addison sa pagtuturo sa mga tao. Pagkatapos ay binasbasan niya ito na lahat ng nais nito ay ibibigay at magkakaroon ito ng kapangyarihan laban sa kaaway, gumawa ng mabubuting gawain, at babalik mula sa misyon nito nang may kapayapaan.19


Habang ang mga Pratt at Crosby ay patungo sa mga isla, ang mga bagong tawag na missionary patungo sa Europa ay bumaba sa England at ang mga apostol ay maikling naglibot sa British mission, na kinabibilangan ng mga branch sa Wales at Scotland. Samantala, ang tatlumpu’t isang taong gulang na missionary na Danish na si Peter Hansen ay sabik na magpatuloy patungong Denmark, sa kabila ng mga tagubilin ni Erastus Snow na huwag pumunta roon hanggang sa siya at ang iba pang mga missionary na Scandinavian ay makakasama sa kanya.

Iginagalang ni Peter ang kanyang mission president, ngunit pitong taon na mula nang siya ay nasa kanyang sinilangang bayan, at labis na niyang ninanais na maging unang missionary na mangaral ng ebanghelyo roon. Isang bapor na patungo sa Copenhagen ang nasa kalapit na daungan, at nagpasiya si Peter na hindi na siya makapaghihintay ng kahit isang sandali pa.

Dumating siya sa kabisera ng Denmark noong Mayo 11, 1850. Naglalakad sa mga kalye nito, nagagalak siyang makabalik sa kanyang bayang sinilangan. Ngunit nag-aalala siya na walang sinuman doon ang nagtatamasa ng liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Nang lisanin ni Peter ang Denmark pitong taon na ang nakararaan, ang bansa ay walang mga batas sa pagpoprotekta sa kalayaang panrelihiyon at ipinagbawal ang pangangaral ng lahat ng doktrina maliban sa mga yaong simbahan na sinusuportahan ng estado.20

Habang lumalaki, tumututol si Peter sa mga limitasyong ito, kaya nang malaman niya na ang kanyang kapatid sa Estados Unidos ay tinanggap ang isang bagong pananampalataya, ginawa niya ang lahat ng pagsisikap na sumama sa kanya. Ang desisyon ay ikinagalit ng kanyang ama, isang mahigpit na lalaking may matibay na paniniwala. Noong araw ng paglisan ni Peter, sinira ng kanyang ama ang kanyang maleta at sinunog ang mga nilalaman nito.

Umalis pa rin si Peter at hindi na lumingon pabalik. Lumipat siya sa Estados Unidos at sumapi sa Simbahan. Pagkatapos ay sinimulan niyang isalin ang Aklat ni Mormon sa wikang Danish at naglakbay sa paunang grupo patungo sa Lambak ng Salt Lake. Samantala, sa Denmark ang mga mambabatas ay nagkaloob sa lahat ng mga simbahan ng karapatan upang ibahagi ang kanilang mga paniniwala.21

Umaasa na ang kanyang mga gawain ay makikinabang sa bagong klima ng kalayaan sa relihiyon, hinanap ni Peter ang mga miyembro ng mga simbahan na kabahagi sa ilang paniniwala ng mga Banal. Sa pakikipag-usap sa isang pastor na Baptist, nalaman niya na sa kabila ng bagong batas, ang simbahan ng estado ay inuusig pa rin ang mga tao dahil sa kanilang mga paniniwala sa relihiyon. Nakisimpatiya si Peter sa kanila, na nakaranas ng pag-uusig dahil sa kanyang paniniwala sa Estados Unidos. Hindi nagtagal ay sinimulan niyang ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pastor at kanyang kongregasyon.

Bunsod ng tungkulin, hinanap din ni Peter ang kanyang ama, na nalaman ang kanyang pagdating bilang missionary. Isang araw, nakita siya ni Peter sa daan at binati ito. Tumingin sa kanya nang blangko ang matandang lalaki. Inihayag ni Peter kung sino siya, at itinaas ng kanyang ama ang kamay nito at hinawan siya palayo.

“Wala akong anak,” sabi nito. “At kayo, kayo ay pumarito upang guluhin ang kapayapaan ng publiko sa lupaing ito.”

Bumalik si Peter sa kanyang mga gawain, hindi nagugulat at hindi natitinag ng galit ng kanyang ama. Nagpadala siya ng mga liham kay Erastus sa England, ipinaaalam sa kanya ang kanyang mga ginagawa sa misyon, at nagpatuloy sa kanyang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Isinulat din niya at inilathala ang isang polyeto sa wikang Danish at isinalin ang ilang mga himno sa kanyang katutubong wika.

Hindi masaya si Erastus sa desisyon ni Peter na suwayin ang kanyang mga tagubilin, subalit pagdating niya sa Copenhagen noong ika-14 ng Hunyo, nasiyahan si Erastus na si Peter ay naglatag ng pundasyon para sa pagsulong ng gawain ng Panginoon.22


Noong Setyembre 24, 1850, dumating si apostol Charles Rich sakay ng kabayo sa isang sentral na kampo ng minahan sa California upang hanapin ang mga missionary na maghahanap ng ginto. Gabi noon, ang oras ng pagbalik ng mga naghahanap ng ginto sa kanilang mga tolda at kubo, nagsisindi ng mga ilawan at mga lutuan, at nagpapalit ng kanilang basang damit. Sa kahabaan ng pampang ng ilog kung saan sila nagtatrabaho, ang lupain ay mukhang pinagwatak-watak ng isang libong pala at piko.23

Halos isang taon na ang lumipas mula nang lisanin ng mga missionary na maghahanap ng ginto ang Lunsod ng Salt Lake. Sa ngayon wala pa ring nakakahanap ng napakaraming ginto. Nakakita ang ilang missionary ng sapat na ginto upang ipadala ang maliliit na dami nito pabalik sa Lunsod ng Salt Lake, na ang ilan ay tinunaw at ginawang pera. Ngunit ginagamit nila ang karamihan sa namina nila upang tustusan ang mataas na halaga ng pagkain at mga suplay.24 Samantala, ang ilang mga lokal na Banal na naging mayaman sa paghahanap ng ginto, ay nagbigay ng kaunting tulong. Si Sam Brannan ay mabilis na naging isa sa mga pinakamayamang lalaki sa California, subalit siya ay tumigil sa pagbabayad ng ikapu at ikinaila ang anumang kaugnayan sa Simbahan.

Natagpuan ni Charles ang mga missionary na naghahanap ng ginto sa kanilang kampo. Noong huli niyang binisita ang kampo sa minahan, ilang buwan na ang nakakaraan, ang mga missionary at iba pang mga naghahanap ng ginto ay gumawa ng dike sa ilog, umaasang mailantad ang ginto sa mabuhanging ilalim nito. Karamihan sa kanila ay gumugol pa rin ng kanilang mga araw sa paggawa ng dike o paghahanap ng ginto. Pinamahalaan ni George Q. Cannon ang tindahan ng kampo.25

Kinaumagahan, kinausap ni Charles ang mga tao tungkol sa hinaharap ng misyon. Ang pinakamagandang panahon sa pagmimina ay halos tapos na, at ang kakulangan sa tagumpay ng misyon ay nagpatibay ng pag-aalinlangan ni Brigham tungkol sa paghahanap ng ginto. Sa halip na manatili sa taglamig sa California, kung saan ang halaga ng pamumuhay ay mataas, iminungkahi ni Charles na tapusin ng ilan sa mga missionary ang kanilang misyon sa mga Isla ng Hawaii. Ang mga missionary ay maaaring mamuhay nang mura roon habang nangangaral sa maraming nandarayuhan na nagsasalita ng wikang Ingles.26

Sinabi ni George kay Charles na handa siyang gawin ang anumang matanto ng mga lider ng Simbahan bilang pinakamainam. Kung nais nila siyang magtungo sa Hawaii, pupunta siya. Bukod pa rito, ang minahan ng ginto ay isang mahirap na lugar para sa isang kabataang Banal sa mga Huling Araw. Hindi bihira ang makarinig ng tungkol sa pagnanakaw at maging pagpatay na nagaganap sa mga kampo. Minsa’y si George mismo ay sinalakay ng ilang minero na nagpilit ng alak sa kanyang lalamunan.27

Bago umalis ng kampo, itinalaga ni Charles ang mga missionary para sa kanilang bagong misyon. “Kapag kayo ay dumating sa mga isla,” sinabi niya sa kanila, “kumilos ayon sa utos ng Espiritu ukol sa inyong mga tungkulin.” Sinabi niya na mas alam ng Espiritu kaysa sa kanya ang landas na kanilang dapat tahakin pagdating nila sa mga isla.28

Hindi naglaon at nagbalik ang mga missionary sa ilog upang tapusin ang dike at maghanap ng mas maraming ginto. Pagkaraan ng ilang linggo, nakatagpo sila ng sapat na ginto para tumanggap ang bawat isa ng higit sa $700. Pagkatapos niyon, wala na silang nahanap pa.29

Kalaunan ay nilisan nila ang kampo ng minahan at pumunta na sa baybayin. Isang gabi, sila ay nagpulong para sa mga Banal sa California at sa ibang interesado sa ebanghelyo. Nag-aalala si George. Ang mga missionary ang inasahang magsalita sa gayong pagtitipon, ngunit hindi pa siya nakapangaral sa mga hindi naniniwala. Alam niya na kailangan niya talagang magsalita, ngunit ayaw niyang mauna.

Gayunman, matapos magsimula ang pulong, ang elder na nangangasiwa ay hiniling sa kanya na mangaral. Atubiling tumayo si George. “Ako ngayon ay naririto at naglilingkod,” sinabi niya sa kanyang sarili, “at hindi tama para sa akin na biglang tumigil.” Binuksan niya ang kanyang bibig, at ang mga salita ay madaling dumaloy. “Sabik na sabik ang mundo na mahanap ang katotohanan,” sabi niya. “Dapat lubos tayong magpasalamat na nasa atin ito, at ang alituntunin kung paano tayo makasusulong mula sa isang katotohanan patungo sa isa pa.”

Nagsalita siya ng lima pang minuto, ngunit pagkatapos ang kanyang isipan ang naging magulo, naging blangko ang isip niya, at siya ay pautal na nagsalita sa natitirang bahagi ng kanyang sermon. Napahiya, bumalik siya sa kanyang upuan, tiyak na wala nang mas sasahol pa sa unang karanasan niya bilang nangangaral na missionary.

Subalit hindi siya lubos na pinanghinaan ng loob. Siya ay nasa misyon, at siya ay hindi susuko o mabibigo sa kanyang mga responsibilidad.30


Sa panahong ito, nakita ng labinlimang taong gulang na si Frances Pratt ang isla ng Tubuai mula sa kubyerta ng barko na sakay ang mahigit dalawampung Amerikanong Banal na patungong South Pacific Mission. Si Frances, na naging malungkot at hindi kumikibo sa karamihan ng paglalakbay, ay agad na sumaya. Sinuri niya ang isla sa pamamagitan ng isang teleskopyo, umaasang masulyapan ang kanyang ama sa dalampasigan. Ang kanyang nakatatandang kapatid, si Ellen, ay nakatitiyak na aakyat ito ng barko sa oras na dumaong ito.

Pinanabikan ni Louisa na muling makasama si Addison, ngunit hilung-hilo siya sa buong paglalakbay, at wala na siyang ibang maisip pa maliban sa matatag na lupa, ilang disenteng pagkain, at isang malambot na kama. Ang kanyang kapatid na si Caroline ay nagdusa sa kanyang tabi, naduduwal at halos hindi makalakad.31

Pagkaraan ng dalawang araw ng pakikipaglaban sa sumasalungat na hangin at mapanganib na batuhan, ibinaba ng barko ang angkla malapit sa isla, at dalawang lalaking Tubuaian ang nagsagwan upang batiin sila. Nang sila ay sumakay ng barko, tinanong ni Louisa kung si Addison ay nasa isla. Wala, sagot ng isa sa mga lalaki. Dinakip siya sa isla ng Tahiti bilang isang bilanggo ng Pranses na gobernador, na duda sa sinumang banyagang missionary na hindi kabilang sa Simbahang Katoliko.

Naihanda na ni Louisa ang kanyang sarili laban sa masasamang balita, ngunit hindi ang kanyang mga anak na babae. Naupo si Ellen at itiniklop ang kanyang mga kamay sa kanyang kandungan, at siya at nakatulala. Ang iba pang mga dalagita ay palakad-lakad sa kubyerta.

Hindi nagtagal ay dumating ang isa pang bangka, at dalawang Amerikanong lalaki ang umakyat sa kubyerta. Isa sa kanila ay si Benjamin Grouard. Nang huli siyang nakita ni Louisa sa Nauvoo, siya ay isang masiglang kabataang lalaki. Ngayon, pagkaraan ng pitong taon bilang missionary sa Pasipiko, mukha siyang banal at marangal. May mga matang puno ng kagalakan at pagkagulat, kanyang binati ang mga bagong salta at inanyayahan sila sa dalampasigan.32

Sa dalampasigan, malugod na binati ng mga Banal na Tubuaian sina Louisa at ang iba pang mga pasahero. Nagtanong si Louisa kung maaari niyang makilala sina Nabota at Telii, mga kaibigan ni Addison mula sa kanyang unang misyon. Hinawakan ng isang lalaki ang kanyang kamay. “‘O vau te arata‘i ia ‘oe,” sabi niya. Dadalhin kita sa kanila.33

Tumulak siya patungo sa isla at sumunod si Louisa, ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya upang makipag-ugnayan dito. Ang iba pang mga tao ay malapit na nakasunod, nagtatawanan habang naglalakad. Namangha si Louisa sa matataas na mga puno ng palmera na nagtutumayog at ang malalagong halaman na bumabalot sa isla. Dito at doon ay nakita niya ang mahahaba at mabababang tirahan na pinahiran ng puting dayap na gawa sa coral.

Si Telii ay tuwang-tuwa nang makita niya ang mga bagong missionary. Kahit na nagpapagaling pa mula sa karamdaman, bumangon siya mula sa kanyang kama at nagsimulang maghanda ng piging. Nag-ihaw siya ng baboy sa isang hukay, nagprito ng isda, at naghanda ng tinapay mula sa harina na galing sa isang ugat sa isla, at naghain ng isang hanay ng mga sariwang prutas. Nang matapos siyang magluto, nagtipon ang mga Banal mula sa iba’t ibang panig ng isla upang makilala ang mga bagong dating.

Ang grupo ay masayang nagsasalu-salo habang umaakyat ang kabilugan ng buwan sa mataas na kalangitan. Pagkatapos, ang mga Banal na Tubuaian ay nagtipon sa bahay at naupo sa banig na yari sa damo habang ang mga Banal na Amerikano ay umawit ng mga himno sa Ingles. Umawit ang mga Banal mula sa isla ng mga himno sa kanilang sariling wika, ang kanilang mga tinig ay malakas at malinaw at may pagkakaisa.

Habang natutuwa siya sa musika, sumulyap si Louisa sa labas ng bahay at humanga sa kagila-gilalas na tanawin. Matatangkad at mayayabong na puno na may makikinang na dilaw na bulaklak ang nakapaligid sa bahay. Sumisilip ang liwanag ng buwan sa pagitan ng mga sanga sa napakaraming iba’t ibang hugis. Naisip ni Louisa ang distansyang tinahak ng kanyang pamilya, at ang paghihirap na naranasan nila upang makarating sa napakagandang lugar, at alam niya ginabayan sila ng Diyos.34


Dalawang buwan matapos dumating si Louisa sa Tubuai, ang mga missionary na naghahanap ng ginto ay umakyat sa gilid ng bundok kung saan tanaw ang Honolulu sa isla ng Oahu at inilaan ang mga Isla ng Hawaii sa gawaing misyonero. Nang sumunod na gabi, inatasan ng mission president si George Q. Cannon na magtrabaho sa pulo ng Maui, sa timog-silangan ng Oahu, kasama sina James Keeler at Henry Bigler.35

Ang Maui ay isang pulo na mas malaki kaysa sa Oahu. Ang Lahaina, ang pangunahing bayan nito, ay nakalatag sa isang patag na kahabaan ng dalampasigan at walang daungan. Mula sa karagatan, halos lahat ng bayan ay natatakpan ng mga puno ng palmera at makakapal na dahon. May isang matangkad na bulubundukin na di-kalayuan sa likod nito.36

Ang mga missionary ay nagsimulang magtrabaho, ngunit hindi nagtagal ay natuklasan nila na mas kaunting puting dayuhan ang naninirahan sa isla kaysa sa inaasahan. Pinanghinaan ng loob si George. Ang mga missionary na maghahanap ng ginto ay dumating sa Hawaii na umaasang magturo sa mga dayuhan na nagsasalita ng Ingles, ngunit tila wala sa kanila ang interesado sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Kung sila ay mangangaral lamang sa mga mamamayang puti, napagtanto nila, ang kanilang misyon ay magiging maikli at walang bunga.

Isang araw, tinalakay nila ang kanilang mga opsiyon. “Lilimitahan ba natin ang ating mga pagsisikap sa mga puting tao lamang?” tanong nila sa kanilang sarili. Hindi sila inatasan na mangaral sa mga Hawaiian, ngunit hindi rin sila sinabihan na huwag. Sa California, pinayuhan lamang sila ni Charles Rich na umasa sa Espiritu para gabayan ang kanilang misyon.

Naniniwala si George na ang kanilang tawag at tungkulin ay ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng tao. Kung siya at ang iba pang mga missionary ay magsisikap na matutuhan ang wika ng buong lupain, tulad ng ginawa ni Addison Pratt sa Tubuai, maaari nilang magampanang maigi ang kanilang tungkulin at maantig ang puso’t isipan ng mas maraming tao. Gayon din ang naramdaman nina Henry at James.37

Agad na natuklasan ng mga missionary na ang wikang Hawaiian ay mahirap para sa kanila na maunawaan. Ang bawat salita ay tila karugtong o bahagi ng susunod na salita.38 Subalit maraming Hawaiian ang sabik na tulungan silang matuto. Dahil hindi marami ang textbook na nasa Maui, bumili ang mga missionary ng ilan mula sa Honolulu. Napakalakas ng hangarin ni George na magsalita, at wala siyang pinalampas na pagkakataon upang magsanay sa wika. Kung minsan siya at ang iba ay gumugol ng buong maghapon sa bahay, nagbabasa at pinag-aaralan ito.

Unti-unti, nagsimulang gamitin ni George ang wika nang mas may kumpiyansa. Isang gabi, habang siya at ang kanyang mga kasama sa bahay ay nag-uusap kasama ang kanilang mga kapitbahay na Hawaiian, natanto kaagad ni George na nauunawaan niya ang karamihan sa sinabi nila. Mabilis na tumayo, ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa gilid ng kanyang ulo at ibinulalas na siya ay nakatanggap ng pagpapaliwanag ng mga wika.

Hindi niya maintindihan ang bawat salitang sinabi nila, ngunit naunawaan niya ang pangkalahatang kahulugan ng mga ito. Napuspos siya ng pasasalamat, at alam niyang biniyayaan siya ng Panginoon.39