Kasaysayan ng Simbahan
13 Sa Bawat Posibleng Paraan


“Sa Bawat Posibleng Paraan,” kabanata 13 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 13: “Sa Bawat Posibleng Paraan”

Kabanata 13

Sa Bawat Posibleng Paraan

kampo ng mga tepee

Sa pagsapit ng taglagas noong 1853, nakatira na si Augusta Dorius sa Lunsod ng Salt Lake nang humigit-kumulang isang taon. Ang lunsod ay hindi sinlaki ng Copenhagen. Karamihan sa mga gusali ay mga bahay na yari sa troso o mga istrukturang yari sa adobe na may isa o dalawang palapag. Bukod sa malaking Council House, kung saan maraming pulong ng pamahalaan at Simbahan ang idinadaos, nagtayo ang mga Banal ng isang opisina at imbakan para sa pangongolekta ng ikapu at isang social hall para sa sayaw, dula, at iba pang mga kaganapan sa komunidad. Sa di-kalayuan, sa paligid ng templo, ay may iba’t ibang mga pagawaan para sa pagtatayo ng templo at isang bagong tabernakulo na yari sa adobe na may kapasidad na magpaupo ng halos tatlong libong katao.1

Tulad ng iba pang kabataang babae na nandarayuhan sa lambak, nagtrabaho si Augusta bilang isang kasambahay para sa isang pamilya. Ang pagtira at pagtatrabaho sa kanila ay nakatulong sa kanya na mabilis na matutuhan ang Ingles. Gayunpaman, nangungulila siya sa Denmark at sa kanyang pamilya.2 Ang kanyang kapatid na si Johan ay pinakawalan mula sa bilangguan sa Norway, at ngayon, siya at si Carl ay nangangaral ng ebanghelyo sa Denmark at Norway, at kung minsan sila ay magkasamang nangagngaral. Ang kanyang ama rin ay nangaral sa buong Denmark kapag ito ay hindi nag-aalaga sa tatlong nakababatang kapatid ni Augusta. Ang ina ni Augusta ay nakatira sa Copenhagen, at hindi pa rin interesado sa Simbahan.3

Noong huling bahagi ng Setyembre, nagdiwang si Augusta nang ang grupo na may mahigit dalawang daang mga Banal na Danish ay dumating sa Lunsod ng Salt Lake. Bagama’t ang kanyang pamilya ay hindi kabilang sa mga ito, ang pagdating ng mga kapwa Danes ay nakatulong kay Augusta na maging higit na kampante sa Utah. Subalit halos pagkadating lamang ng pangkat, hinirang ni Brigham Young ang mga bagong dating na Danes na tumulong sa pagtatatag ng isa pang bahagi ng teritoryo.4

Simula noong dumating sa Rocky Mountains, ang mga Banal ay nagtatag ng mga pamayanan lampas ng Lambak ng Salt Lake, kabilang ang Ogden sa hilaga at Provo sa timog. Iba pang mga bayan ang itinatag sa pagitan at lagpas pa sa mga pamayanang ito. Nagpadala rin si Brigham ng mga pamilya upang bumuo ng isang gawaan ng bakal sa katimugang Utah upang maglinang ng mga produktong bakal at gawing mas nakatatayo sa sariling paa nito ang teritoryo.5

Pinapunta ni Brigham ang mga Danes upang palakasin ang mga pamayanan sa Lambak ng Sanpete, mga 160 kilometro sa timog-silangan ng Lunsod ng Salt Lake.6 Unang dumating ang mga dayuhan sa Sanpete noong taglagas ng 1849 sa paanyaya ni Walkara, isang makapangyarihang pinuno ng mga Ute na tumanggap ng binyag noong sumunod na tagsibol.7 Sa panahong ito, gayunman, lumitaw ang mga problema nang ang tatlong naninirahan sa kalapit na Lambak ng Utah ay pinaslang ang isang Ute na nagngangalang Old Bishop dahil sa isang argumento sa isang kamiseta.

Nang gumanti ang mga Ute, unang hinikayat ni Brigham ang mga dayuhan na huwag lumaban. Ang kanyang pangkalahatang patakaran ay ituro sa mga Banal na mamuhay nang mapayapa sa piling ng kanilang mga kapitbahay na Indian. Ngunit matapos sumangguni sa mga lider ng pamayanan ng Provo, na itinago ang pagpaslang kay Old Bishop mula sa kanya, sa huli ay iniutos ni Brigham sa milisya na maglunsad ng isang kampanya laban sa mga sumalakay na Ute. Noong unang bahagi ng 1850, sinalakay ng milisya ang kampo ng mga pitumpung Ute sa Ilog Provo. Pagkaraan ng dalawang araw na labanan, nagkalat ang kampo, at tinugis ng milisya ang karamihan sa pangkat hanggang sa timog ng Lawa ng Utah, kung saan ang mga natitirang lalaking Ute ay pinaligiran at pinatay ng milisya.

Ang mabilis at madugong kampanya ang tumapos sa labanan sa paligid ng Provo.8 Subalit ang tensyong nilikha nito ay mabilis na kumalat sa Lambak ng Sanpete, kung saan ang mga naninirahan ay umangkin ng piling lupain, hinaharangan ang daan ng mga Indian sa mga lugar ng pangingisda at pangangaso. Bunsod ng gutom at kawalan ng pag-asa, sinimulan ng ilang Indian na lusubin ang mga baka o humingi ng pagkain mula sa mga naninirahan.9

Ang mga pinuno ng mga teritoryo ay ginalit din si Walkara at kanyang mga tao sa pamamagitan ng pagkontrol ng kalakal sa lugar, kabilang ang kaugalian ng ilang Indian na pagkuha ng bihag mula sa ibang tribo upang ibenta bilang alipin. Bagama’t pinagbabawalan ng mga batas ng Utah ang mga Indian na magbenta ng kanilang mga bihag sa mga Espanyol at Mehikanong nangangalakal ng mga alipin, maaari pa ring ibenta nina Walkara at iba pang mga Indian ang mga ito sa mga Banal bilang mga napagkasunduang tagapaglingkod. Marami sa mga bihag na ito ay kababaihan at mga bata, at madalas bilhin ng mga Banal ang mga ito, naniniwalang nililigtas nila ang mga ito mula sa labis na pagpapahirap, kapabayaan, o kamatayan. Ang ilang mga Banal ay umupa ng mga dating bihag bilang mga manggagawa, habang ang iba naman ay itinuring ang mga ito bilang mga miyembro ng pamilya.

Ang pagkawala ng merkadong Espanyol at Mehikano ay matinding dagok sa kabuhayan ng mga Ute, lalo na dahil sa sila ay mas umaasa sa kalakalan ng mga alipin matapos mawala ang kanilang lupain sa mga bagong pamayanan.10

Umabot sa sukdulan ang tensiyon noong Hulyo 1853 nang pinatay ng isang lalaki sa Lambak ng Utah ang isang Ute sa isang labanan at gumanti si Walkara.11 Ang mga lider ng milisya sa Lunsod ng Salt Lake ay nag-atas ng mga yunit ng milisya na depensibong tumugon at iwasang pumaslang ng mga Ute, subalit ilang naninirahan ang kumilos laban sa mga utos, at bawat panig ay brutal na sinalakay ang bawat isa.12

Bagama’t ang paglipat sa Lambak ng Sanpete ay maglalagay sa kanya sa gitna ng labanang ito, nagpasiya si Augusta na sumama sa mga Banal na Danish. Naglalakbay patimog, nasaksihan nila na ang mga nag-iingat na naninirahan ay pinabayaan ang mga mas maliliit na bukid at bayan at nagtayo ng mga kuta.13

Sa Lambak ng Sanpete, ang grupo ay nanirahan sa isang lugar na tinatawag na Spring Town. Inayos ng labinlimang pamilya ng bayan ang kanilang kubo sa isang siksik na bilog. Dahil walang bakanteng kubo, sina Augusta at ang iba pang mga bagong dating ay nanirahan sa kanilang mga bagon. Tuwing umaga at gabi ay tinatawag ng tunog ng tambol ang mga naninirahan sa pamayanan sa isang tawag, kung saan itinatalaga ni Bishop Reuben Allred ang mga bantay at inaatas ang iba pang mga tungkulin. Dahil natuto si Augusta ng Ingles habang nagtatrabaho para sa pamilya sa Lambak ng Salt Lake, kinuha siya ng bishop bilang tagapagsalin para sa mga Banal na Danish.14

Sa paglipas ng panahon, naging kaunti ang suplay ng pagkain ng pamayanan, at ang bishop ay nagpadala ng mabilis na mensahero sa kalapit na bayan ng Manti para sa tulong. Nang bumalik ang grupo, dumating sila na may balitang si Walkara ay lumipat patimog at hindi na isang banta.15 Sa iba pang bahagi ng teritoryo, tila lumitaw na ang katapusan ng digmaan.16

Ngunit ang malalakas na buhos ng niyebe at napakalamig na temperatura noong taglamig na iyon ay ginawang kapwa mas desperado ang mga naninirahan at mga Ute kaysa rati habang nagiging kakaunti ang pagkain. Natatakot na ang pagsalakay sa kanilang bayan ay malapit nang maganap, nagpasiya ang mga lider ng Spring Town na lahat ay kailangang lumipat sa Manti para sa kaligtasan. Noong Disyembre, iniwan nina Augusta at ng iba pang mga naninirahan ang bayan habang isang malakas na bagyo ng niyebe ang humahagupit sa kanila.17


Habang inaayos ni Augusta ang kanyang paglipat sa Manti at nananatiling hindi nalutas ang sigalot sa mga tao ni Walkara, ang tatlumpung-limang-taong-gulang na si Matilda Dudley ay nakipag-usap sa ilan sa kanyang mga kaibigan sa Lunsod ng Salt Lake upang talakayin kung ano ang magagawa nila upang tulungan ang mga Indian na babae at bata.18

Mula nang magsimula ang sigalot kay Walkara, hinikayat nina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan ang mga Banal na pigilin ang pagkapoot sa mga Ute at iba pang Katutubo. “Sikapin sa bawat posibleng paraan na maabot ang mga Indian na may isang mensahe ng kapayapaan,” pakiusap niya.

Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1853, naobserbahan ni Brigham na naglalakbay ang mga missionary sa mundo upang tipunin ang Israel habang ang mga Indian—mga labi ng sambahayan ni Israel—ay nakatira na sa kanilang kalipunan. Pagkatapos ay hinirang niya ang mahigit dalawampung missionary upang gugulin ang taglamig sa pag-aaral ng mga wika ng mga Indian upang maaari silang maglingkod sa kanila sa tagsibol.

Pinayuhan din ni Brigham ang mga Banal na huwag maghiganti kung ang mga Indian ay kukuha ng mga kabayo, baka, o iba pang ari-arian mula sa kanila. “Nakakahiya kayo kung nais ninyong paslangin sila,” sabi niya. “Sa halip na paslangin sila, ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.”19 Hinikayat din ni Parley Pratt ang mga Banal na pakainin at damitan ang mga babae at batang Indian.20

Ang gayong mga salita ay nagbigay-inspirasyon kay Matilda, isang inang walang asawa at may isang anak na lalaki. Noong siya ay isang sanggol sa silangang Estados Unidos, pinaslang ng mga Indian ang kanyang ama at pagkatapos ay dinakip siya at ang kanyang ina. Subalit isang may edad na Indian na lalaki ang nagpakita ng habag sa pagligtas ng kanilang buhay. Nagawa niyang itangi ang kahalagahan ng pagkakaisa, pagpapakumbaba, at pagmamahal. At naniwala siya na mahalaga para sa kanya at sa kanyang mga kaibigan na mag-organisa ng isang samahan ng mga kababaihan upang gumawa ng mga damit para sa mga Indian.21

Isa sa kanyang mga kaibigan, si Amanda Smith, ay pumayag na tumulong. Si Amanda ay nakaligtas sa pagpaslang sa Hawn’s Mill at isang dating miyembro ng Female Relief Society ng Nauvoo. Bagama’t pinatigil ni Brigham Young ang mga pulong ng Relief Society siyam na buwan pagkamatay ni Joseph Smith, patuloy sina Amanda at ang iba pang kababaihan ng Simbahan sa paglilingkod sa kanilang komunidad at alam ang kabutihang magagawa ng Relief Society.22

Noong Pebrero 9, 1854, idinaos ni Matilda ang unang opisyal na pulong ng kanyang bagong relief organization. Ang mga babae mula sa iba’t ibang bahagi ng lunsod ay nagpulong sa kanyang bahay at naghalal ng mga pinuno ng grupo. Si Matilda ay naging kanilang pangulo at ingat-yaman at hiniling na ang bawat miyembro ay magbabayad ng dalawampu’t limang sentimo upang makasali sa samahan. Iminungkahi rin niya na magkakasama silang gumawa ng mga basahang alpombra at ibenta ito upang makalikom ng pera para sa materyal na gagawing mga damit para sa mga Indian na babae at bata.23

Nagsimulang magtipon ang mga babae kada linggo sa natitirang bahagi ng taglamig at tagsibol, nananahi ng mga basahan para sa alpombra at masaya sa pagsasama-sama ng bawat isa. “Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa amin,” itinala ni Amanda Smith, “at nanaig ang pagsasama.”24


Nang dumating ang tagsibol sa Lambak ng Salt Lake, ang mga lalaki na tinawag sa Indian mission ay nagtungo sa katimugan, sinamahan ng isang grupo ng dalawampung missionary na nakadestino sa mga Isla ng Hawaii. Kasabay niyon, nilisan din nina Brigham Young at ng maraming lider ng Simbahan ang Lunsod ng Salt Lake upang bisitahin ang mga pamayanan sa katimugan at makipagkita kay Walkara. Ang mga pinuno ng Ute ay kamakailan lamang nangakong tatapusin ang labanan kapalit ang mga handog at isang pangako na wakasan ang pagsalungat ng teritoryo sa pangangalakal ng alipin.25

Batid na ang labanan ay magpapatuloy hanggang sa ang mga naninirahan at ang mga Ute ay gumalang sa mga batas ng teritoryo at gumalang sa karapatan ng bawat isa, nakipag-ayos si Brigham upang makipagpulong kay Walkara sa lugar na tinawag na Chicken Creek, malapit sa pamayanan ng Salt Creek, kung saan pinatay ng mga nanirahan ang siyam na mga Ute noong nakaraang taglagas.26

Dumating ang pangkat ni Brigham sa Chicken Creek noong ika-11 ng Mayo. Humigit-kumulang isang dosenang tao sa kampo ng mga Ute, pati na ang anak na babae ni Walkara, ang maysakit. Binantayan ng ilang mandirigma ang tolda ni Walkara. Sa pahintulot ng mga Ute, pumasok sina Brigham at iba pang mga lider ng Simbahan sa tolda at natagpuan si Walkara na balot ng kumot at nakahiga sa sahig. Ang ibang mga lider ng Ute mula sa mga kalapit na lambak ay nakaupo sa malapit.

Tila maysakit at bugnutin si Walkara. “Ayokong magsalita. Nais kong marinig si Pangulong Young na magsalita,” sabi niya. “Wala akong kahit puso o espiritu at ako ay natatakot.”

“Nagdala ako ng ilang baka para sa inyo,” sabi ni Brigham. “Nais kong katayin ang isa upang maaari kayong magkaroon ng isang piging habang narito tayo.” Tinulungan niyang umupo si Walkara at pagkatapos ay umupo sa tabi nito.27

“Brother Brigham, mangyaring ipatong mo ang iyong mga kamay sa akin,” sabi ni Walkara, “sapagkat ang aking espiritu ay wala na sa akin, at nais kong bumalik itong muli.” Binigyan siya ni Brigham ng basbas, at bagama’t tila agad na nagmukhang bumuti ang kalagayan ni Walkara, ayaw pa niyang magsalita.28

“Hayaan si Walkara na matulog at mamahinga sandali, at pagkatapos ay baka sakaling maaari siyang magsalita,” sinabi ni Brigham sa iba pang mga lalaki sa tolda.29 Ibinigay niya sa mga Ute ang mga regalong hayop, tabako, at harina, at nang gabing iyon ang buong kampo ay nagpiging.30

Kinaumagahan, binasbasan ni Brigham ang anak na babae ni Walkara, at ang doktor ng grupo ay nagbigay ng gamot sa kanya at sa iba pang maysakit sa kampo. Pagkatapos ay nangako si Brigham na ipagpapatuloy ang kanyang pakikipagkaibigan sa mga Ute at nag-alok na tutustusan sila ng pagkain at mga damit kung mangangako sila na huwag lumaban. Subalit hindi siya sumang-ayon sa pag-alis ng pagbabawal sa kalakalan ng mga alipin.31

Pumayag si Walkara na hindi na sasalakayin ang mga dayuhan. “Ngayon ay nauunawaan na natin ang isa’t isa,” sabi niya. “Ngayon ang lahat ay makapaglalakbay na nang may kapayapaan at hindi matatakot.” Nagkamayan ang dalawang lalaki at nanigarilyo ng pipa ng kapayapaan.32

Habang nagpatuloy si Brigham patimog kasama ang kanyang pangkat ng mga lider ng Simbahan at mga missionary, nagsalita siya sa mga pamayanan tungkol sa mga Indian.33 “Sinabi sa akin ng Panginoon na tungkulin ng mga taong ito na iligtas ang mga labi ng sambahayan ni Israel, na ating mga kapatid,” sinabi ni Brigham sa isang kongregasyon.

Ipinaalala niya sa kanila na maraming mga Banal, bago tumungo sa kanluran, ang nagpropesiya o nakakita ng mga pangitain ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga Indian at nagtuturo sa kanila ng mga kasanayan tulad ng pananahi at pagsasaka. Ngunit ngayon ang mga tao ring ito ay nais na walang maging kinalaman sa mga Indian. “Dumating na ang panahon,” ipinahayag niya, “na kinakailangan ninyong isagawa ang yaong nakita ninyo ilang taon na ang nakararaan.”34

Matapos bumisita sa Lunsod ng Cedar, ang pinakatimog na pamayanan ng mga Banal sa teritoryo, nakipaghiwalay si Brigham sa mga lalaking patungo sa misyon sa mga Indian at Hawaii. Nang makabalik sa hilaga, ginamit niya ang kanyang unang Linggo sa bahay upang kausapin ang kababaihan ng Lunsod ng Salt Lake tungkol sa pag-organisa ng bawat ward ng relief society na gaya ng kay Matilda Dudley upang tumulong damitan ang mga babae at batang Indian.35

Ang mga ward sa Lambak ng Salt Lake ay kaagad na inorganisa ang mahigit dalawampung Indian Relief Society. Binisita ng mga kababaihan ang mga tahanan at humingi ng mga donasyon ng tela o alpombra, mga gamit sa pananahi, at mga bagay na maaari nilang ibenta kapalit ang pera.36


Kabilang sa mga missionary na naglakbay sa timog kasama ni Brigham Young ay ang labinlimang taong gulang na si Joseph F. Smith, ang bunsong anak ni Hyrum Smith, ang patriyarkang pinaslang. Noong gabi ng Mayo 20, 1854, pagkatapos magsimulang umuwi ni Brigham, naglatag si Joseph ng kumot sa Lunsod ng Cedar at nahiga upang matulog sa matigas na lupa. Siya ay nasa daan buong hapon, naglalakbay sa gitna ng teritoryo habang patungo sa baybayin ng California. Subalit hindi siya makatulog. Tumingala siya sa langit, nakita ang mga hindi mabilang na bituin ng Milky Way, at nangungulila sa kanyang tahanan.

Si Joseph ay ang pinakabata sa dalawampung missionary na pupunta sa Hawaii. Bagama’t dalawa sa mga pinsan ng kanyang ama ay hinirang kasama siya, nadama niyang nawalay siya sa lahat ng kanyang minamahal at iginagalang.37 Ang mga binatilyong kaedad niya ay hindi karaniwang hinihirang sa mga misyon. Si Joseph ay isang espesyal na kaso.

Ang init ng kanyang ulo ay naging “puting apoy” sa halos sampung taon—simula nang ang kanyang ama at tiyo ay pinaslang. At ito ay lalo lamang sumidhi habang nagkakaedad siya at nadarama na ang mga tao ay hindi naipakita ang wastong paggalang sa kanyang ina, si Mary Fielding Smith. Naniwala si Joseph na madalas itong nakakaligtaan nang mamatay ang asawa nito, lalo na noong paglalakbay pakanluran.38

Naalala niya kung paanong ang kanilang kapitan ng grupo ay nagreklamo na si Mary at kanyang pamilya ay magpapabagal sa grupo ng kanyang mga bagon. Gayunpaman, sumumpa si Mary na siya at ang kanyang pamilya ay uunahan ito sa lambak at nais ni Joseph na tulungan itong matupad ang panata nito. Kahit siyam na taong gulang lamang noon, nagpatakbo siya ng isang bagon, inalagaan ang mga baka, at ginawa ang anumang ipagawa sa kanya ng kanyang ina. Sa huli, ang malakas na loob at pananampalataya nito ang nagdala sa pamilya sa lambak bago dumating ang kapitan, tulad ng sinabi nito na gagawin nila.39

Nanirahan ang pamilya sa timog ng Lunsod ng Salt Lake, at pumanaw si Mary sa isang impeksyon sa baga noong taglagas ng 1852. Nawalan ng malay-tao si Joseph nang malaman niya ang tungkol sa kamatayan nito.40 Sa ilang panahon, siya at ang kanyang nakababatang kapatid na babae, si Martha Ann, ay nakatira sa isang bukirin kasama ang isang mabait na babae, ngunit namatay rin ito. Ang kanilang tiya na si Mercy Thompson ang nag-alaga kay Martha Ann habang si Apostol George A. Smith, ang pinsan ng kanilang ama, ang kumalinga kay Joseph.

Umasa rin si Joseph sa suporta ng kanyang mga nakatatandang kapatid. Bagama’t ang kanyang ate, si Lovina, ay nanatili sa Illinois kasama ang asawa at mga anak nito, ang kanyang kuya na si John at kanyang mga ate na sina Jerusha at Sarah ay nakatira sa malapit.

Tulad ng maraming kabataang lalaki na kanyang kaedad, nagtrabaho si Joseph bilang isang pastol, binabantayan ang mga baka at tupa ng kanyang pamilya.41 Ngunit kahit may ganitong gawain upang maging abala siya, hindi nagtagal ay naging mabangis at maigahin siya. Nang matanggap niya ang kanyang tawag na magmisyon, maaari niyang tanggihan ito, tulad ng ginawa ng ilang lalaki, at sinunod ang kanyang galit sa iba pang landas. Subalit ang halimbawa ng kanyang mga magulang ay lubhang napakahalaga sa kanya. Sa loob lamang ng ilang linggo, inorden siya sa Melchizedek Priesthood, binigyan ng endowment, at itinalaga upang ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo.42

Habang nakahiga siya sa ilalim ng mga bituin sa Lunsod ng Cedar, wala siyang gaanong alam kung saan siya pupunta o kung ano ang dapat asahan pagdating niya roon. Siya ay labinlimang taong gulang lamang, kung tutuusin. Kung minsan ay nadama niyang siya ay malakas at mahalaga, ngunit sa ibang mga pagkakataon ay naramdaman niya ang kanyang sariling mga kahinaan at kawalang-saysay.

Ano ang alam niya tungkol sa daigdig o pangangaral ng ebanghelyo?43


Isang maingat na kapayapaan ang nanahan sa Lambak ng Sanpete noong tag-init ng 1854. Sa sandaling iyon ay sumama si Augusta Dorius kina Bishop Reuben Allred at isang pangkat ng labinlimang pamilya sa pagtatayo ng kuta labing-isang kilometro sa hilaga ng Manti. Karamihan sa mga tao sa pangkat ay mga Danes mula sa Spring Town, ngunit isang Banal na Canadian na nagngangalang Henry Stevens, ang kanyang asawa, si Mary Ann, at kanilang apat na anak ay sumama rito upang maglakbay. Sina Henry at Mary Ann ay mga miyembro ng Simbahan sa loob ng maraming taon at kasama ng mga bagong pioneer sa Lambak ng Sanpete.44

Dinala ni Bishop Allred ang grupo sa gilid ng isang sapa malapit sa isang mababang bundok tagaytay. Ang lugar ay tila napakagandang tirhan, kahit na ang takot sa pagsalakay ng mga Indian na nakatira sa lupain ay nagtataboy sa karamihan ng mga tao sa lugar.

Agad na nagsimula ang mga Banal sa pagtatayo ng kanilang kuta. Nagmimina ng apog mula sa kalapit na kabundukan, nagtayo sila ng pader na siyam na talampakan ang taas na may mga silipan kada dalawampung talampakan para sa tanggulan. Sa harap ng mga istruktura, na pinangalanan nilang Fort Ephraim, nagtayo sila ng tore at isang napakalaking tarangkahan kung saan maaaring magmasid ang mga bantay para sa mga panganib. Sa loob, ang kuta ay may hustong laki upang magsilbing kural ng mga kabayo, baka, at tupa ng mga dayuhan sa gabi. Sa paligid ng dingding sa loob ay mga bahay na yari sa putik at troso para sa mga naninirahan.

Tumira si Augusta kasama nina Bishop Allred at ng kanyang asawa, si Lucy Ann. Ang mga Allred ay may pitong anak na nakatira sa kanila, kabilang na si Rachel, isang Indian na bata na kanilang inampon. Bagama’t ang mga nanirahan sa Ephraim ay kulang sa kagamitan, sila ay puno ng pag-asa sa kinabukasan ng kanilang bagong tirahan. Sa araw, naglalaro ang mga bata sa kuta habang nagtatrabaho ang mga kababaihan at kalalakihan.45

Mahigit dalawang taon na ang lumipas mula nang nilisan ni Augusta ang Denmark. Maraming pamilya ang kumupkop sa kanya at inalagaan siya, ngunit nais niyang magkaroon ng sariling pamilya. Sa edad na labing-anim, narating niya ang edad kung saan ilan sa mga kababaihan sa ilang ay nagpapakasal. Nakatanggap na rin siya ng ilang alok sa kasal, ngunit nadama niyang napakabata pa niya para magpakasal.

Pagkatapos ay nag-alok ng kasal sa kanya si Henry Stevens, at mataimtim niyang pinag-isipan ito. Naging matiwasay ang ilang babae sa maramihang pag-aasawa, ngunit ang ilan ay natagpuan ang kaugalian bilang mahirap at kung minsan ay malungkot. Madalas, yaong mga piniling ipamuhay ang alituntunin ay ginawa ito dahil sa pananampalataya kaysa sa romantikong pagmamahal. Mula sa pulpito, at sa pribadong lugar, ang mga lider ng Simbahan ay madalas payuhan yaong mga nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa upang maglinang ng pagiging di-makasarili at ng dalisay na pag-ibig ni Cristo sa loob ng kanilang tahanan.46

Sa Lambak ng Sanpete, mga sangkapat ng mga naninirahan ay kabilang sa mga pamilya na nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa.47 Habang pinagninilayan ni Augusta ang alituntunin, nadama niya na ito ay tama. Bagama’t hindi niya gaanong kilala sina Henry at Mary Ann, na mahina at madalas na may karamdaman, naniniwala siya na sila ay mabubuting tao na gustong pangalagaan at itaguyod siya. Gayunpaman, ang pagsali sa kanilang pamilya ay pagpapakita ng pananampalataya.

Sa huli ay nagpasiya si Augusta na tanggapin ang alok ni Henry, at sila ay kaagad na naglakbay sa Lambak ng Salt Lake upang mabuklod sa Council House. Nang bumalik sila sa Fort Ephraim, ipinuwesto ni Augusta ang kanyang sarili sa pamilya. Gaya ng karamihan sa mga babaeng may asawa, ginatasan niya ang mga baka; gumawa ng mga kandila, mantikilya, at keso; nagpaikot ng balahibo ng tupa at naghabi ng tela; at gumawa ng mga damit para sa pamilya, kung minsan ay pinapalamutian ang mga kasuotan ng mga kababaihan gamit ang malikhaing gantsilyo.

Walang kalan ang pamilya, kaya sina Augusta at Mary Ann ay nagluluto sa tsimineya na siya ring nagpapainit at nagbibigay-liwanag sa kanilang simpleng tahanan. Sa gabi, kung minsan ay dumadalo sila sa sayawan at iba pang mga aktibidad kasama ang kanilang mga kapitbahay.48


Noong Setyembre 26, tinakpan ng ulan ang mga Isla ng Hawaii mula kina Joseph F. Smith at iba pang mga missionary na patungo sa daungan sa Honolulu. Sa hapon, tumila ang ulan at sumilip ang araw sa hamog, ipinapakita ang magandang bista ng pinakamalapit na isla. Mula sa kubyerta ng barko, nakita na ng mga missionary ang daloy ng tubig mula sa ulan sa makitid na bangin patungo sa Dagat Pasipiko.49

Dumating ang mga missionary sa Honolulu noong sumunod na araw, at ipinadala si Joseph sa tahanan nina Francis at Mary Jane Hammond sa pulo ng Maui. Karamihan sa mga orihinal na missionary sa Hawaii, kabilang na si George Q. Cannon, ay nakabalik na sa Estados Unidos. Sa ilalim ng pamumuno ni Francis, nagpatuloy na umunlad sa pulo ang gawaing misyonero, bagama’t maraming Banal ang naghahandang lumipat sa mga bagong lugar na pagtitipunan sa Lanai, kung saan ang mga Banal ay nagtayo ng pamayanan sa Lambak ng Palawai.50

Halos pagkadating ni Joseph sa bahay ng mga Hammond, nagkaroon siya ng tinatawag ng mga missionary bilang “lagnat Lahaina.” Si Mary Jane, na nagpapatakbo ng isang paaralan para sa mga Hawaiian habang ang kanyang asawa ay nangangaral, ay nagsimulang mag-alaga kay Joseph hanggang sa paggaling nito at ipinakilala ito sa mga lokal na miyembro ng Simbahan.51

Noong Oktubre 8, 1854, sa unang Linggo ni Joseph sa Maui, dinala siya ni Mary sa isang Sabbath meeting kasama ang anim na Hawaiian na mga Banal. Dahil narinig na si Joseph ay ang pamangkin ni propetang Joseph Smith, ang mga Banal ay sabik upang pakinggan siyang mangaral. Tila mayroon silang agarang pagmamahal para sa kanya, kahit na hindi siya makapagsalita ng isang pangungusap sa kanila sa kanilang sariling wika.

Noong mga sumunod na araw, lumala ang lagay ng kalusugan ni Joseph. Matapos magturo sa paaralan, binigyan ni Mary Jane si Joseph ng tsaa at ibinabad ang kanyang mga paa upang tulungang bumaba ang kanyang lagnat. Pinawisan siya sa buong magdamag, at kinaumagahan ay gumanda ang kanyang pakiramdam.

Hindi nagtagal ay inilibot siya ni Francis sa Lanai. Tahanan ito para sa mga isandaang Banal lamang, ngunit inaasahan ng mga missionary ang mahigit isang libo na magtitipon doon sa darating na mga buwan. Upang makapaghanda para sa kanilang pagdating, ilang missionary ang nagsimulang mag-araro sa bukid, magtanim ng mga pananim, at magplano ng isang lunsod.52

Matapos ang kanyang pagbisita sa Lanai, nagbalik si Joseph sa Maui, kung saan nakatira sina Jonathan at Kitty Napela. Nais ni Joseph na maging isang mabuting missionary, kaya’t inilaan niya ang sarili sa gawain, nag-aaral ng wika at madalas na nakikipag-usap sa mga Banal na Hawaiian.

“Masaya akong sabihin na ako ay handa nang sumuong sa hirap at ginhawa para sa layuning ito kung saan ako ay abala,” isinulat niya kay George A. Smith, “at tunay na umaasa at nananalangin na mapatunayan akong tapat hanggang wakas.”53