Kasaysayan ng Simbahan
29 Ang Mamatay sa Bagon


“Ang Mamatay sa Bagon,” kabanata 29 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 29: “Ang Mamatay sa Bagon”

Kabanata 29

Ang Mamatay sa Bagon

Istetoskop na nakapatong sa kama ng taong may sakit

Nilisan ni Brigham Young ang mga mapupulang talampas ng timog Utah noong kalagitnaan ng Abril 1877. Pauwi sa Lunsod ng Salt Lake, alam niyang nabibilang na ang kanyang mga araw. “Maraming beses ko nang nadama na hindi ko kayang mabuhay ng mas mahabang oras,” sinabi niya sa mga Banal ng St. George bago siya umalis. “Hindi ko alam kung kailan ako papanaw, ngunit naniniwala akong nalalapit na ito.”1

Ilang araw kalaunan, humimpil siya sa Lunsod ng Cedar upang makipag-usap sa isang mamamahayag tungkol kay John D. Lee at sa masaker sa Mountain Meadows.2 Gumugol ang pamahalaang pederal ng mahigit isang dekada sa pagsisiyasat sa mga taong nagsagawa ng pagpatay. Sina John at iba pang mga lalaki, kabilang na ang Parowan stake president na si William Dame, ay dinakip ilang taon bago iyon upang humarap sa paglilitis para sa kanilang papel sa masaker, na siyang bumubuo ng panibagong pambansang interes sa isang krimen na halos dalawampung taon na ang nakararaan.3 Ang mga paratang laban kina William at iba pa mula noon ay napawalang-bisa, ngunit si John ay humarap sa paglilitis nang dalawang beses bago napatunayang nagkasala at hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbaril dahil sa kanyang pangunahing papel sa pagsalakay.

Noong panahon ng mga paglilitis, inaasahan ng mga tagausig at mamamahayag na idadawit ni John ang propeta sa masaker. Ngunit kahit na siya ay galit kay Brigham dahil sa hindi pagprotekta sa kanya mula sa kaparusahan, tumanggi si John na sisihin siya sa mga pagpaslang.4

Ang pagbitay kay John ay nagsimula ng isang pambansang kaguluhan sa mga taong mali ang paniniwalang iniutos ni Brigham ang masaker.5 Sa ilang mga lugar, ang galit sa Simbahan ay nagpapahirap sa mga missionary na makahanap ng matuturuan, at ilang elder ang pinipiling umuwi. Karaniwan ay hindi tumutugon si Brigham sa ganitong mga pag-atake sa kanya o sa Simbahan, ngunit nais niyang ipaalam sa publiko ang kanyang panig tungkol sa masaker at pumayag na sagutin ang mga tanong ng mamamahayag.6

Tinanong ng mamamahayag kay Brigham kung nakatanggap si John ng mga utos mula sa punong-tanggapan ng Simbahan na patayin ang mga dayuhan. “Wala sa aking pagkakaalam,” sagot ni Brigham, “at tiyak na wala mula sa akin.” Sinabi niya na kung nalalaman niya ang tungkol sa planong patayin ang mga dayuhan, sinikap niya sanang ipatigil ito.

“Nagtungo sana ako sa kampong iyon at nilabanan hanggang sa kamatayan ang mga Indian at puting tao na naging bahagi sa pagsasagawa ng masaker, sa halip na hayaan ang gayong gawain ay maisakatuparan,” sabi niya.7

Pagkaraan ng ilang araw, humimpil si Brigham sa Lambak ng Sanpete upang ilaan ang lugar na pagtatayuan ng templo sa Manti. Habang naroon, tumanggap siya ng pag-uudyok ng Espiritu na kailangan niyang muling iorganisa ang istruktura ng priesthood ng Simbahan.8

Nagsimula na si Brigham na gumawa ng ilang pagbabago sa organisasyon ng Simbahan. Dalawang taon na ang nakararaan, binago niya ang istruktura ng Korum ng Labindalawa upang magbigay ng seniority sa mga apostol na nanatiling tapat sa kanilang patotoo simula noong sila ay tawagin na maglingkod. Ang pagbabago na ito ay nagbigay kina John Taylor at Wilford Woodruff ng higit na seniority kaysa kina Orson Hyde at Orson Pratt, na parehong sandaling nilisan ang korum noong buhay pa si Joseph Smith. Ang mga pagbabago ay nagresulta kay John Taylor bilang pinakamatagal nang miyembro ng Labindalawa at pinakaposibleng humalili kay Brigham bilang pangulo ng Simbahan.9

Ngunit habang naglalakbay at sa mga pakikipagpulong sa mga lokal na lider ng Simbahan, natanto ni Brigham na may iba pang mga pagbabago na kailangang gawin. Ilan sa labintatlong stake ng Simbahan ay pinamumunuan ng mga stake president, habang ang mga miyembro ng Labindalawa ang namumuno sa iba—kung minsan ay walang mga tagapayo o mataas na kapulungan. Ang ilang ward ay may mga bishop at ang iba ay may presiding bishop, at halos walang sinuman ang nakakaalam kung paano nagkakaiba ang dalawang tungkulin. Ang ilang ward naman ay wala talagang bishop.10

Ang mga korum ng Aaronic Priesthood ay hindi rin organisado. Inaasikaso ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood ang mga gusali ng ward, bumibisita sa mga pamilya, at nagtuturo ng ebanghelyo. Subalit maraming ward ang kulang sa sapat na mayhawak ng Aaronic Priesthood upang bumuo ng mga korum, madalas dahil ang mga adult na lalaki lamang ang karaniwang binibigyan ng Aaronic Priesthood, at sila ay karaniwang inoordenan kaagad sa Melchizedek Priesthood.

Noong tagsibol at tag-init ng 1877, sina Brigham, ang kanyang mga tagapayo, at ang Korum ng Labindalawa ay magkakasamang nagtrabaho upang muling iorganisa ang mga ward at stake at palakasin ang mga korum ng Aaronic at Melchizedek Priesthood. Sinabi nila na lahat ng mga miyembro ng Simbahan ay dapat kabilang sa isang ward kung saan ang isang bishop ay maaaring gumabay sa kanila sa tulong ng dalawang tagapayo. Nagtalaga sila ng isang lalaki, si Edward Hunter, upang maglingkod bilang tanging presiding bishop sa Simbahan.

Hiniling din ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa sa mga lokal na lider ng priesthood na i-orden ang mga kabataang lalaki sa mga katungkulan sa Aaronic Priesthood. Partikular nilang hiniling sa mga adult na teacher at mga priest na isama ang mga kabataang lalaki sa mga pagbisita sa mga Banal, nang sa gayon ay maturuan ang mga kabataang lalaki sa kanilang mga tungkulin sa priesthood. Bawat pamayanan ay inatasang mag-organisa ng isang Mutual Improvement Association (M.I.A.) para sa mga kabataang babae at kabataang lalaki.

Naglalakbay sa buong teritoryo linggu-linggo, inalis ng Unang Panguluhan at Labindalawa ang mga apostol mula sa panguluhan ng mga stake at tumawag ng mga bagong stake president na papalit sa kanila. Tiniyak nila na ang bawat stake president ay may dalawang tagapayo at bawat stake ay may isang mataas na kapulungan. Hiniling din nila sa bawat stake na magdaos ng isang kumperensya sa bawat ikatlong buwan.11

Hindi nagtagal, ang paglalakbay at pangangaral ay pumagod kay Brigham. Mukha siyang maputla at pagod. “Sa malakas kong kagustuhan na makita ang bahay ng Diyos na maorganisa nang maayos,” pag-amin niya, “marahil ay nasagad ko ang aking lakas.”12


Noong ika-20 ng Hunyo, tumanggap si Francis Lyman ng telegrama mula kay George Q. Cannon, na ngayon ay naglilingkod bilang tagapayo sa Unang Panguluhan. “Tinatanong ng pangulo kung handa ka bang maglingkod bilang pangulo ng Tooele Stake?” naksaad dito. “Kung gayon ay maaari ka bang tumungo rito upang samahan ang Labindalawa sa Sabado ng umaga?”13

Nakatira si Francis sa Fillmore, Utah. Ang Tooele Stake ay mahigit isandaan at animnapung kilometro ang layo sa hilaga. Hindi pa niya nagawang tumira doon at iilang tao lamang ang may alam sa stake. Sa Fillmore, kung saan siya ay nanirahan nang mahigit sa isang dekada, naglingkod siya sa mga matataas na posisyon sa lokal na pamahalaan. Kung papayag siya na maglingkod sa Tooele, kakailanganin niyang isama ang kanyang pamilya at lumipat kasama nila sa bagong lugar.

At ang Sabado ng umaga ay tatlong araw na lamang.

Sa edad na tatlumpu’t pito, si Francis ay isang tapat na Banal sa mga Huling Araw na nagmisyon sa British Isles at aktibong nakibahagi sa kanyang priesthood quorum. Tinipon din niya ang talaangkanan ng kanyang pamilya, nasasabik sa araw kung saan ang mga ordenansa ay maaari nang gawin sa bahay ng Panginoon.

“Ang rurok ng hangarin ko,” na minsan niyang itinala sa kanyang journal, “ay isabuhay ang buhay ng isang Banal sa mga Huling Araw at akayin ang pamilya ko na gayon din ang gawin.”14

Ngunit sinusubukan pa rin niyang tanggapin ang pasiya ng kanyang ama, si Amasa Lyman, na sumali sa Bagong Kilusan ni William Godbe. Lagi siyang umaasa na babalik ang kanyang ama sa Simbahan. Nagtulungan sila sa talaangkanan ng pamilya nila at kamakailan lamang ay tinamasa ang ilang masasayang pakikisalamuha. Subalit namatay si Amasa noong Pebrero, na nakahiwalay pa rin sa Simbahan.

Sa paglapit ng oras ng pagpanaw nito, binisita ni Francis ang kanyang ama sa banig ng karamdaman nito. “Huwag kang umalis,” sabi ni Amasa. “Nais kong dito ka malapit sa akin.”

“Gaano katagal?” tanong ni Francis.

“Walang hanggan,” bulong niya.15

Matapos ang pagkamatay ni Amasa, balisa si Francis na maipanumbalik ang pagiging miyembro at priesthood ng kanyang ama, na siyang magpapahintulot sa kanyang pamilya na madama ang pagiging buo muli. Noong Abril, tinanong ni Francis kay Brigham Young kung ano ang maaaring gawin. Wala sa ngayon, sinabi ni Brigham. Bahala na ang Panginoon sa bagay na ito.

Tinanggap ni Francis ang pasya ni Brigham, at kusa niyang isinagawa ang bagong atas ng propeta para sa kanya sa Tooele. “Ako ay makakasama ng Labindalawa sa Sabado ng umaga,” ang mesahe niya sa telegrama para kay George Q. Cannon.16

Ang Tooele Stake ay nilikha noong Hunyo 24, 1877, at itinalaga si Francis bilang pangulo nito sa parehong araw.17 Bago iyon, ang anim na pangunahing pamayanan sa lugar ng Tooele ay may mga branch ng Simbahan na pinangangasiwaan ng isang presiding bishop na nagngangalang John Rowberry. Sa paglikha ng bagong stake, bawat isa sa mga branch ay naging isang ward na magkakaiba ang laki mula sa dalawampu’t pitong pamilya hanggang dalawang daan.18

Natatanto na ang ilang mga Banal sa Tooele ay maaaring magreklamo na ang kanilang bagong pangulo ay isang binata mula sa ibang stake, kaagad na bumili si Francis ng bahay sa gitna ng bayan at tinawag ang dalawang lokal na lalaki bilang kanyang mga tagapayo. Pagkatapos ay inanyayahan niya si Bishop Rowberry na sumama sa kanya sa pagbisita sa iba’t ibang ward, kung saan nila inorganisa ang mga bagong korum ng priesthood at mga panguluhan at nagsalita sa mga Banal, hinihikayat sila sa kanilang mga pananalangin sa Panginoon.19

“Ang ating mga temporal at espirituwal na kapakanan sa kaharian ay hindi mapaghihiwalay,” itinuro ni Francis sa mga miyembro ng kanyang bagong stake. “Maging mapagpakumbaba sa harapan ng Panginoon at taglayin ang liwanag ng kanyang Banal na Espiritu bilang ating palagiang patnubay.”20


Noong kalagitnaan ng Hulyo 1877, naupo si Jane Richards sa harapan katabi ni Brigham Young sa tabernakulo ng Weber Stake sa Ogden. Ang okasyon ay isang kumperensya para sa mga Relief Society at mga Young Ladies’ Association ng lunsod. Si Jane, ang pangulo ng Ogden Ward Relief Society, ay ang nag-organisa ng kaganapan at nag-anyaya kay Brigham na magsalita.21

Ang pamumuno sa isang malaking grupo ng mga kababaihan ay hindi laging madali para kay Jane. Una siyang sumapi sa Relief Society bilang isang dalaga sa Nauvoo.22 Ngunit noong siya ay tinawag na mamuno sa Ward Relief Society sa Ogden noong 1872, nag-atubili siya. Mahina noon pa man ang kanyang kalusugan, sa kabila ng lakas na natagpuan niya sa mga basbas ng priesthood, at lalong masama noon nang matanggap niya ang kanyang tawag na maglingkod.

Isang araw, dinalaw siya ng kaibigan niyang si Eliza Snow. Hinimok siya ni Eliza na mabuhay, tiyak na si Jane ay may bagay na higit pang gagawin sa kanyang buhay. Habang nagmiministeryo kay Jane, nangako sa kanya si Eliza na kung tatanggapin nito ang tawag na mamuno sa Relief Society sa Ogden, magtatamo ito ng kalusugan at mga pagpapala mula sa Panginoon.

Hindi nagtagal ay gumaling si Jane sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ngunit nagpalipas pa rin siya ng ilang linggo sa pagninilay kung dapat ba niyang tanggapin ang paghirang. Sa huli, ang kanyang bishop at mga kasama sa Relief Society ay hinikayat siyang gawin ito. “Ang Panginoon ay pinagpala ka ng kalusugan upang gumawa sa amin ng mabubuting gawain,” sabi nila, “at nais naming tanggapin mo ang katungkulang ito.” Pagkatapos ay natanto ni Jane na ang kanyang paglilingkod ay nakapag-ambag sa higit na kabutihan, anuman ang pagod at takot na nadama niya.23

Ngayon, limang taon na ang nakalipas, ang tabernakulo ng Weber Stake ay punung-puno ng mga kababaihan at kalalakihan na sabik na marinig ang propeta. Matapos batiin ni Brigham ang mga Banal, nagsalita ang iba pang mga lider ng Simbahan. Kabilang sa kanila ang asawa ni Jane, si apostol Franklin Richards, na kamakailan lang ay hinalinhinan bilang pangulo ng Weber Stake bilang bahagi ng muling pag-organisa ng priesthood.

Sa isang mensahe, bumaling si Brigham kay Jane at tahimik na itinanong ang kanyang mga nasasaisip tungkol sa pag-oorganisa ng mga Relief Society sa stake at sa kanilang pagdaraos ng maka-ikatlong buwan na kumperensya. Kailan lamang ay pinagninilayan niyang gawin ito bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na mas mahusay na organisahin ang Simbahan, at sumangguni na siya sa ilang tao tungkol sa bagay na ito, kabilang na si Bathsheba Smith, isa pang babaeng aktibo sa pamumuno ng Relief Society.24

Nagulat si Jane sa tanong, hindi dahil sa ang ideya ng isang Relief Society sa stake ay mahirap isipin. Bagama’t ang mga Relief Society ay umiiral lamang sa antas ng ward, siya at ang kanyang mga tagapayo sa Ogden Ward ay kumikilos na tulad ng isang di-pormal na panguluhan ng Relief Society ng stake kapag pinapayuhan nila ang mga maliliit na Relief Society sa lugar. Ang tunay na nagpagulat sa kanya ay ang ideya na magdaos ang mga Relief Society ng mga regular na kumperensya.

Si Jane ay may kakaunting oras lamang upang masanay sa ideya. Bago natapos ang kumperensya, hinirang siya ni Brigham upang maglingkod bilang pangulo ng Weber Stake Relief Society at hiniling sa kanya na mangolekta ng mga ulat mula sa mga pangulo ng mga Relief Society ng mga ward ukol sa espirituwal at pinansiyal na kalagayan ng mga kababaihan sa kanilang mga kongregasyon. Kung pahihintulutan ng kanyang kalusugan, layon niyang makipagpulong muli sa kanila sa kanilang susunod na pagpupulong upang marinig ang kanilang mga ulat.

Kasunod ng kumperensya, hiniling ni Brigham kay Jane na maglakbay kasama ang kanyang pangkat sa mga kalapit na pamayanan. Habang nasa daan, itinuro niya rito ang tungkol sa mga responsibilidad ng bagong tungkulin nito at kahalagahan ng pagkakaroon ng mga maiingat na tala ng mga nagawa niya at ng Relief Society. Ang pamumuno sa Relief Society ng stake ay isang malaking responsibilidad. Bago ang kalilipas lamang na muling pagsasaayos ng Simbahan, nagpayo si Jane sa tatlong Relief Society sa Ogden. Ang bagong tatag na Weber Stake, sa kabilang banda, ay may labing-anim na ward.25

Nang bumalik si Jane sa Ogden, nakipagpulong siya sa Relief Society ng kanyang ward. “Nais kong marinig mula sa lahat ng kababaihan at malaman kung ano ang nadarama nila sa sinabi sa atin ni Pangulong Young,” sabi niya.

Sa kabuuan ng pulong, nakinig si Jane habang nagpapatotoo ang mga kababaihan at nagbahagi ng kanilang mga karanasan sa kumperensya. Marami sa kanila ang nagpahayag ng kanilang pagmamahal sa ebanghelyo. “Taglay natin ang liwanag at kaalaman ng Banal na Espiritu,” sinabi ni Jane sa kababaihan, “at kapag nawala natin ito, lubos ang kadiliman.”

Sa sumunod na pulong makalipas ang ilang araw, nagdagdag si Jane sa kanyang patotoo. “Nais kong ipamuhay ang aking relihiyon,” ipinahayag niya, “at gawin ang lahat ng mabuting magagawa ko.”26


Noong tag-init na iyon, bagama’t ang Simbahan ay sumailalim sa malalaking muling pagsasaayos, inisip ni Susie Young Dunford kung panahon na upang gumawa ng mga pagbabago sa sarili niyang buhay. Ang kanyang asawa, si Alma, ay kaaalis lamang papunta sa misyon sa Britain. Ngunit sa halip na mangulila rito, siya ay nagpapasalamat na wala ito.

Ang kanyang pag-aasawa ay malungkot halos mula sa simula pa lang. Tulad ng kanyang pinsan na si Morley, na pinakasalan ang kapatid ni Susie na si Dora, palagiang umiinom ng alak si Alma. Matapos ilahad ang Word of Wisdom noong 1833, maraming Banal ang hindi sumunod nang mabuti sa payong ito. Ngunit noong 1867, ang ama ni Susie, si Brigham Young, ay sinimulang himukin ang mga Banal na sundin ang mga ito nang mas eksakto sa pamamagitan ng pag-iwas sa kape, tsaa, tabako, at matatapang na alak.

Hindi lahat ay tinanggap ang payo, at madalas na pinangangatwiranan ni Alma ang kanyang pag-inom. Kung minsan ay nagiging mapang-abuso ito. Isang gabi, matapos niyang makainom, pinalayas niya si Susie at ang kanilang anim na buwang gulang na anak, si Leah, palabas ng bahay at sinisigawan silang huwag nang bumalik.

Bumalik si Susie, puno ng pag-asa na magbabago ang mga bagay-bagay. Siya at si Alma ay may isang anak na lalaki na rin ngayon, si Bailey, at nais niyang maging matagumpay ang kanyang kasal. Ngunit walang nagbago. Nang matanggap ni Alma ang kanyang paghirang sa misyon, natuwa siya. Kung minsan ang mga binatang katulad ni Alma ay ipinapadala sa mga misyon upang tulungan silang lumaki at baguhin ang kanilang ugali.

Nasiyahan si Susie sa bagong tuklas na kapayapaan at katiwasayan sa kanyang tahanan. Mas maraming oras ang ginugol niyang malayo kay Alma, mas kumakaunti ang kagustuhan niyang makita itong muli.27

Nakatira ang pamilya ni Alma sa tabi ng Lawa ng Bear, malapit sa hilagang hangganan ng Utah, at binalak ni Susie na bumisita sa kanila sa tag-init na iyon. Gayunpaman, bago tumungo sa hilaga, nagpunta siya sa kanyang ama hinggil sa iba pang bagay na bumabagabag sa kanyang isipan.28

Kamakailan lamang, naglathala ang mga Banal ng isang aklat sa Lunsod ng New York na tinatawag na The Women of Mormondom upang malabanan ang mga paglalarawan sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw na matatagpuan sa mga aklat at lektura nina Fanny Stenhouse, Ann Eliza Young, at iba pang mga kritiko ng Simbahan. Nilalaman ng The Women of Mormondom ang mga patotoo ng ilang kilalang kababaihan sa Simbahan at inilahad ang kanilang mga karanasan sa isang positibong pananaw.

Upang makatulong na isulong ang aklat, nais ni Susie na simulan ang isang paglalakbay upang magsalita sa buong bansa kasama ang dalawa sa mga asawa ng kanyang ama, sina Eliza Snow at Zina Young, at ang kanyang kapatid na si Zina Presendia Williams. Laging inaasam ni Susie na maging isang mahusay na tagapagsalita at manunulat, at sabik siyang maglakbay sa bansa at magbigay ng mga lektyur.29

Pasang-ayon na nakipag-usap si Brigham kay Susie tungkol sa paglalakbay, ngunit nais nitong gawin niya ito sa mga tamang dahilan. Alam nitong siya ay masigasig, at sinikap nitong palaging suportahan ang paglinang sa mga talento niya sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanya sa paaralan kasama ang ilan sa pinakamahuhusay na guro sa teritoryo. Pero ayaw nitong hanapin niya ang makamundong parangal kapalit ng pamilya nito.

“Kung ikaw ay magiging pinakamagaling na babae sa mundo,” sinabi nito sa kanya, “at mapabayaan mo ang iyong tungkulin bilang asawa at ina, gigising ka sa umaga ng Unang Pagkabuhay na Mag-uli at malalaman na bigo ka sa lahat ng bagay.”

Tulad ng dati, hindi nagpaliguy-ligoy ang kanyang ama. Ngunit pakiramdam ni Susie ay hindi siya sinaway. Magiliw ang kanyang ama at mapag-unawa, at tila nababanaag nito ang kanyang tunay na saloobin. “Ang lahat ng magagawa mo matapos mong tugunan ang mabubuting hangarin ng iyong tahanan at pamilya,” tiniyak nito sa kanya, “ay idaragdag sa iyo at sa karangalan at kaluwalhatian ng Diyos.”

“Sana ay alam ko na totoo ang ebanghelyo,” inamin ni Susie habang nag-uusap sila. Nais niyang malaman na ito ay totoo sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, sa paraan na alam ito ng kanyang mga magulang.30

“May isang paraan lamang, anak, upang makuha mo ang patotoo ng katotohanan,” simpleng sinabi ni Brigham, “at ito ang paraan kung paano ko natamo ang aking patotoo at ang paraan kung paano nakuha ng iyong ina ang kanya. Lumuluhod sa harapan ng Panginoon, ikaw ay manalangin at diringgin at sasagutin ka Niya.”

Kinilabutan si Susie, at alam niya na ang sinabi ng kanyang ama ay totoo. “Kung hindi dahil sa Mormonismo,” sabi nito sa kanya, “Ako ngayon ay isang karpintero sa isang nayon.”

Isinantabi ni Brigham ang pagkakarpentero sa matagal na panahon bago isinilang si Susie, ngunit siya pa rin ang parehong lalaki ng pananampalataya na iniwan ang kanyang tahanan sa New York upang kamayan ang isang propeta ng Diyos sa Kirtland. Bago siya pumanaw, nais ni Susie na malaman niya kung ano ang halaga niya rito.

“Lubhang ipinagmamalaki ko at nagpapasalamat ako,” sabi niya, “na ako ay pinahintulutang pumarito sa mundo bilang iyong anak.”31


Noong gabi ng Agosto 23, 1877, naupo si Brigham kasama si Eliza Snow sa silid kung saan karaniwang nananalangin nang sama-sama ang kanyang pamilya. Tinalakay nila ang tungkol sa plano na ipadala sina Eliza, Zina, Zina Presendia, at Susie sa silangan upang ipaalam sa lahat ang The Women of Mormondom at mabigyan ang mga tao ng mas mabuting pang-unawa sa Simbahan.

“Ito ay isang eksperimento, ngunit isa na nais kong makitang masubukan,” sabi ni Brigham.

Tumayo siya at kinuha ang kanyang kandila. Mas maaga nang gabing iyon, nakipag-usap siya sa mga bishop sa Lunsod ng Salt Lake, inaatas sa kanila na tiyakin na ang mga priest at teacher ay nakikipagpulong kada buwan sa bawat miyembro ng kanilang ward. Pagkatapos ay itinalaga niya ang isang lupon upang pangasiwaan ang pagtatayo ng isang pulong bulwagan sa tabi ng templo sa Salt Lake. Ngayon ay pagod na siya.

“Siguro ngayon ako ay hahayo na at magpapahinga,” sinabi niya kay Eliza.

Sa kabuuan ng gabi, tinamaan ng matitinding sakit sa tiyan si Brigham. Sa umaga, ang kanyang anak na si Brigham Young Jr. ay nagmamadaling pumunta sa tabi niya at hinawakan siya sa kamay. “Anong pakiramdam ninyo?” tanong niya. “Sa inyong palagay ba ay gagaling kayo at mabubuhay?”

“Hindi ko alam,” sabi ni Brigham. “Tanungin mo ang Panginoon.”

Sa loob ng dalawang araw ay nakahiga siya sa kama, tinitiis ang matinding paghihirap na may kaunting tulog lamang. Sa kabila ng sakit, nagbibiro siya, sinisikap pagaanin ang pag-aalala ng pamilya at mga kaibigan na nakapaligid sa kanya. Tuwing may nagtatanong kung siya ay nahihirapan, sinasabi niya, “Hindi, hindi ko alam na nahihirapan ko.”

Ang mga apostol at iba pang mga lider ng Simbahan ay nagbigay sa kanya ng mga basbas, na siyang nagpapalakas ng kanyang espiritu. Ngunit pagkaraan ng apat na araw, ilang ulit siyang nagkaroon at nawalan ng malay. Lumala ang kanyang mga sintomas, at inoperahan man ng doktor ang kanyang tiyan, wala iyong naging saysay.

Noong ika-29 ng Agosto ay binigyan siya ng doktor ng gamot para sa hapdi at inilipat ang kanyang kama nang mas malapit sa bintana para makalanghap siya ng sariwang hangin. Sa labas, isang pulutong ng mga Banal ang nakatayo na may mapitagang katahimikan sa bakuran ng Lion House. Samantala, ang pamilya ni Brigham ay nakaluhod at nagdarasal sa paligid ng kanyang kama.

Habang nakahiga sa tabi ng bintana, nagkamalay saglit si Brigham. Binuksan niya ang mga mata niya at tumingin sa kisame. “Joseph,” sabi niya. “Joseph, Joseph, Joseph.”

Ang kanyang paghinga ay naging paikli nang paikli hanggang sa ito ay tumigil.32