Kasaysayan ng Simbahan
19 Mga Silid ng Panginoon


“Mga Silid ng Panginoon,” kabanata 19 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 19: “Mga Silid ng Panginoon”

Kabanata 19

Mga Silid ng Panginoon

mga kawal na nagmamartsang may dalang riple

Noong Setyembre 13, 1857, hinatak nina Johan at Carl Dorius ang kanilang mga kariton papasok sa Lunsod ng Salt Lake kasama ang kanilang mga asawa, sina Karen at Elen. Itinapon ang dagdag na bagahe sa daanan upang mapagaan ang kanilang mga pasanin, sila at ang kanilang mga kasamahan ay pumasok sa lunsod sa parehong sinulsing basahan na suot nila sa loob ng ilang linggo. Ilan sa mga babae ay pinalitan ang kanilang pudpod na sapatos ng magaspang na tela ng sako na nakabalot sa kanilang mga paa. Gayunpaman, matapos ang ilang buwan sa daan, nagpapasalamat ang mga nandarayuhan na makarating sa Sion at nagmamalaking iwinagayway ang watawat na Danish mula sa kanilang pangunahing kariton.1

Habang binabagtas ng mga nandarayuhan ang lunsod, inilabas ng mga Banal ang mga keyk at gatas upang salubungin sila. Kaagad na nakita ng magkapatid na Dorius ang kanilang ama sa pulutong ng tao. Buong kagalakan silang binati ni Nicolai at ipinakilala ang kanyang bagong asawa, si Hannah Rasmusen, na mula rin sa Denmark. Pagkatapos ay hinila ng magkapatid at ng kanilang mga pamilya ang kanilang mga kariton sa isang kampo sa lunsod, diniskarga ang kanilang kakaunting gamit, at sumunod kina Nicolai at Hannah pabalik sa isang maliit at komportableng tahanan sa katimugang dulo ng bayan.2

Sina Nicolai at Hannah ay naglakbay pakanluran sa parehong grupo ng bagon dalawang taon na ang nakararaan. Kasal na noon si Hannah, ngunit iniwan siya ng kanyang asawa maging ang kanilang binatilyong anak, si Lewis, sa daan. Batid ang sakit ng bigong pagsasama ng mag-asawa, nakiramay si Nicolai sa kanya. Ibinuklod sila sa Endowment House noong Agosto 7, 1857, at kaagad na ginamit ni Lewis ang panglang Dorius bilang kanyang apelyido.3

Habang nagpapahinga sina Johan, Carl, at kanilang mga asawa mula sa kanilang paglalakbay, naghahanda ang mga Banal sa kabuuan ng teritoryo para sa paparating na hukbo. Iniiwasan ang anumang maaaring mangyari, nagdeklara ng batas militar si Brigham Young noong ika-15 ng Setyembre at naglabas ng pahayag na pinagbabawalan ang hukbo na pumasok sa teritoryo. Bagama’t iginiit ng mga sugo mula sa hukbo na darating ang mga sundalo para lamang magtalaga ng isang bagong gobernador, binisita ng mga espiya ng mga Banal ang kampo ng hukbo at narinig ang mga kawal na nagmamalaki tungkol sa kung ano ang gagawin nila sa mga Banal sa oras na makarating sila sa Utah.4

Minumulto ng mga alaala ng mga milisya at mga mandurumog na dinarambong ang mga tahanan, sinusunog ang mga pamayanan, at pinapatay ang mga Banal sa Missouri at Illinois, handa si Brigham na lumikas mula sa lambak at wasakin ang Lunsod ng Salt Lake kung lulusob ang hukbo. “Bago ko pagdusahan ang pinagdaanan ko sa panahong lumipas,” sinabi niya noong kalagitnaan ng Setyembre, “hindi magkakaroon ng isang gusali, ni isang talampakan ng tabla, o ni isang patpat, ni isang puno, ni bahagyang damo at dayami na masusunog na maaabot ng ating mga kaaway.”5

Patuloy siyang nagsalita tungkol sa bagay na ito sa mga araw bago ang kumperensya ng Oktubre. “Tayo ay sumunod sa mga tuntunin ng ating Tagapagligtas,” sinabi niya sa mga Banal. “Alam ko na lahat ay itatama, at isang napakatalino at nananaig na Diyos ang magdudulot sa atin ng tagumpay.”6

Bagama’t hindi sila nangungusap ng Ingles, dumalo sina Johan at Carl Dorius sa pangkalahatang kumperensya sa unang pagkakataon noong ika-7 ng Oktubre. Sa pagtatapos ng pulong, nagbigay si Brigham ng pangwakas na panalangin. “Pagpalain ang Inyong mga Banal sa mga lambak ng mga bundok,” panalangin niya. “Itago kami sa mga silid ng Panginoon, kung saan Kayo ay nagtipon ng Inyong mga tao, kung saan kami ay nagpapahinga sa kapayapaan nang maraming taon.”7

Pagkaraan ng isang linggo, lumipat sina Nicolai at Hannah sa Fort Ephraim sa Lambak ng Sanpete, kung saan nakatira ang mga anak na babae ni Nicolai na sina Augusta at Rebekke. Samantala, sina Johan at Karen ay nanatili sa lunsod kasama sina Carl at Elen. Katulad ng karamihan sa mga Banal na lumipat sa lambak, sila ay muling bininyagan upang panibaguhin ang kanilang mga tipan. Sinimulan din nila ang paghahanda upang matanggap ang mga ordenansa sa templo sa Endowment House.

Nakahanda rin sina Johan at Carl upang ipagtanggol ang lunsod.8


Sa panahong ito, nakipag-usap si John D. Lee kina Brigham Young at Wilford Woodruff sa Lunsod ng Salt Lake upang iulat ang ukol sa pagpaslang na naganap sa Mountain Meadows. Halos lahat ng sinabi sa kanila ni John tungkol sa grupo mula sa Arkansas ay nanlilinlang. “Marami sa kanila ay kabilang sa mga mandurumog sa Missouri at Illinois,” pagsisinungaling nito. “Habang naglalakbay sila patimog, isinusumpa nila sina Brigham Young, Heber C. Kimball, at ang mga lider ng Simbahan.”9

Inulit din ni John ang maling sabi-sabi tungkol sa mga nandarayuhan na naglason ng mga hayop at nag-udyok sa mga Paiute. “Nakipaglaban sila sa mga Indian nang limang araw hanggang sa pinatay nila ang lahat ng mga tao nito,” sinabi niya nang hindi sinasabi ang tungkol sa mismong paglahok ng mga Banal. “Pagkatapos ay nagmamadali ang mga ito na pumasok sa kanilang kural at nilaslas ang lalamunan ng kanilang kababaihan at mga anak, maliban sa ilang walo o sampung bata na dinala at ipinagbili ng mga ito sa mga puti.”

Pinagtatakpan ang kanyang sariling responsibilidad sa pag-atake, sinabi ni John na siya ay nagpunta sa kaparangan matapos lamang ng pagpaslang upang tumulong ilibing ang mga labi. “Ito ay isang kahindik-hindik at kakila-kilabot na trabaho,” ikinuwento niya. “Ang buong paligid ay puno ng isang nakakasulasok na amoy.”

“Nakakadurog ito ng puso,” sabi ni Brigham, naniniwala sa ulat.10 Isinulat ni John ang kanyang salaysay ng pagpaslang makalipas ang dalawang buwan at ipinadala ito sa Lambak ng Salt Lake. Pagkatapos ay isinama ni Brigham ang mahahabang sipi mula sa liham sa kanyang opisyal na ulat ng pagpaslang sa commissioner ng Indian affairs sa Washington, DC.11


Samantala, nakarating sa California ang mga sabi-sabi tungkol sa pagpaslang. Sa loob ng isang buwan ng pagpaslang, lumitaw ang unang detalyadong salaysay ng mga pagpatay sa isang pahayagan sa Los Angeles.12 Hindi naglaon ay inilathala rin ng iba pang pahayagan ang kuwento.13 Karamihan sa mga ulat na ito ay ipinapalagay na ang mga Banal ay sangkot sa pag-atake. “Sino ang maaaring maging ganoon kabulag upang hindi makita na ang mga kamay ng mga Mormon ay nabahiran ng dugong ito?” tanong ng isang editoryal.14

Walang malay sa mga pangunahing papel ng mga Banal sa Lunsod ng Cedar sa pagpaslang, itinuring ni George Q. Cannon nang may pagdusta ang mga ulat na ito. Nagsusulat bilang patnugot ng Western Standard, ang pahayagan ng Simbahan sa San Francisco, inakusahan niya ang mga mamamahayag ng pagpupukaw ng galit laban sa mga Banal. “Ang patuloy na pang-aabuso at pagdami ng maling paratang na ito,” isinulat niya, “tayo ay pagod na sa pakikinig. Batid natin na ang mga Mormon sa Deseret ay isang masipag, mapayapa, may takot sa Diyos na mga tao, at sila ay walang-awang pinagmalupitan at ginawang masama.”15

Sa panahong ito, ang mga missionary sa buong mundo ay nagsisimulang umuwi, tumutugon sa panawagan ni Brigham Young na tulungan ang kanilang pamilya at protektahan ang Sion laban sa hukbo. Noong ika-22 ng Oktubre, ang labing-walong taong gulang na si Joseph F. Smith at iba pang mga elder mula sa Hawaiian mission ay dumating sa tanggapan ng Western Standard nang walang salapi sa bulsa. Binigyan ni George si Joseph ng kapote at mainit-init na kumot at pinapunta siya at ang kanyang mga kasama sa kanilang mga patutunguhan.16

Pagkaraan ng humigit-kumulang isang buwan, noong ika-1 ng Disyembre, ang mga apostol na sina Orson Pratt at Ezra Benson ay dumating sa San Francisco kasama ang mga elder mula sa British mission. Batid na ang Pangulo ng Estados Unidos ay nagpahayag na ang mga Banal ay hayagang naghihimagsik laban sa pamahalaan, naglakbay ang mga apostol sa ilalim ng mga pekeng pangalan upang maiwasang mapansin habang sila ay naglalakbay patungong Utah. Sa lunsod, tinawag nila si George at hinikayat itong bumalik kasama nila sa Sion.

Sa sobrang taas ng galit na nakatuon sa mga Banal sa California, hindi kinailangan ni George ang panghihikayat. Natapos na niya ang paglilimbag ng Aklat ni Mormon sa wikang Hawaiian, isa sa pangunahing layunin ng kanyang misyon. “Lilisanin ko ang San Francisco nang walang bahid ng panghihinayang,” isinulat niya sa kanyang journal.17

Samantala, maraming mga Banal, na nakarinig na ilang grupo ng mga lalaki ang umaatake sa mga miyembro ng Simbahan upang ipaghiganti ang pagpatay sa Mountain Meadows, ay tumalilis mula sa California sa maliliit na grupo.18 Nakatagpo si Joseph F. Smith ng trabaho bilang tagamaneho ng isang grupo ng mga baka papuntang Utah. Isang araw, nagtitipon siya noon ng panggatong nang ilang mga lalaki ang pumasok sa kampo na sakay ng kabayo at nagbabantang papatayin ang sinumang “Mormon” na matatagpuan nila.

Ilang kalalakihan sa kampo ay nagtago sa damuhan sa tabi ng isang kalapit na sapa. Muntik na ring tumalilis si Joseph sa kakahuyan, ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili.19 Minsan niyang hinikayat ang kanyang kapatid na babae na si Martha Ann na “maging isang Mormon, sa labas at hayagan.”20 Hindi ba dapat niyang gawin ang gayon din?

Pumasok si Joseph sa kampo na bitbit pa rin ang panggatong sa kanyang mga bisig. Isa sa mga nangangabayo ay lumapit sa kanya na may hawak na baril sa kanyang kamay. “Mormon ka ba?” tanong nito.

Tinitigan siya ni Joseph sa mata, lubos na inaasahan na babarilin siya ng lalaki. “Oo,” tugon niya. “Tunay at wagas. Taal na taal.”

Tumingin ang tao kay Joseph, nagulantang. Ibinaba niya ang kanyang baril at tila sandali ay naparalisa. “Magkamayan tayo, binata,” pagkatapos ay sinabi niya, nakaunat ang kanyang kamay. “Nasisiyahan akong makatagpo ng isang lalaking naninindigan sa kanyang mga pinaniniwalaan.”

Siya at ang iba pang mga nangangabayo ay bumaling at humayo paalis ng kampo, at sina Joseph at ang grupo ay nagpasalamat sa Panginoon sa pagliligtas sa kanila mula sa kapahamakan.21


Habang maraming Banal sa California ang agarang umalis patungong Utah, ang iba naman ay hindi handang umalis. Ilang pamilya ay nagtayo rin ng mga tahanan at magagandang negosyo sa San Bernardino, ang pinakamalaking pamayanan ng mga Banal sa California. Ipinagmamalaki nila ang kanilang magagandang bukirin at halamanan. Walang may nais na makakitang masayang ang ilang taon ng mahirap na trabaho.22

Kabilang sa kanila ay sina Addison at Louisa Pratt, na nakatira sa bayan mula nang bumalik mula sa mga isla ng Pasipiko noong 1852. Si Louisa ay handang lumipat muli, kahit gaano man niya pinahalagahan ang kanyang tahanan at taniman sa California. Subalit mas atubiling umalis si Addison. Ang krisis sa Utah ay nagbigay sa kanya ng malaking alalahanin, at naging mapanghinanakit siya.

Humarap si Addison sa ilang kabiguan noong nakalipas na limang taon. Tinangka niyang muling maglingkod sa isa pang misyon sa Timog Pasipiko, ngunit ang Pranses na pamahalaang protectorate sa Tahiti ay ginawa ang halos lahat upang pigilan siya sa kanyang pangangaral. Bukod pa rito, ang kanyang dating kompanyon na si Benjamin Grouard ay hindi na aktibo sa Simbahan.23

Mas gusto rin ni Addison ang mainit na klima ng California sa halip na sa mas madalas na hindi mabatid na klima ng Utah. At siya ay lubos na tapat sa Estados Unidos. Kung lulusubin ng mga sundalong Amerikano ang Utah, hindi niya maisip na kaya niyang labanan ang mga ito na may mabuting budhi.

Ang kanyang pag-aalinlangang lumipat ay bumagabag kay Louisa. Ang kanilang tatlong pinakamatandang anak na babae ay kasal na. Dalawa sa kanila, sina Ellen at Lois, ay nagplanong manirahan sa Utah kasama ang kanilang mga asawa. Si Ann, ang bunsong anak na babae, ay nais ring pumunta. Tanging si Frances at ang kanyang asawa lamang ang mananatili sa California.24

Sa gabi, habang ang buong San Bernardino ay nahihimlay, madalas lumabas si Louisa upang diligan ang mga puno sa kanyang taniman, na nagsisimula pa lamang mamunga. “Dapat ba akong humayo at iwan ang mga ito?” naisip niya. Sa dakong hilaga, isang daan sa talampas ang lumingkis sa madilim na bundok patungo sa tuktok ng isang mataas na daanan. Sa kabilang panig ng bundok ay nakalatag ang daan-daang kilometro ng tuyot na disyerto. Ang pagpiling gawin ang mahirap na paglalakbay papuntang Utah ay mas madali, pakiramdam niya, kung si Addison ay higit na nananabik na pumunta.25

Habang pinagninilayan niya ang desisyon na kailangan niyang gawin, nadama ni Louisa ang kanyang puso na may pagmamahal para sa Simbahan. Sa binyag, nangako siyang ipag-isa ang kanyang sarili sa mga Banal. At alam niyang kung ang mga miyembro ng Simbahan ay nagpasiyang sundin ang kanilang pansariling kagustuhan, sila ay magiging isang komunidad ng mga estranghero. Naging malinaw ang kanyang desisyon. Babalik siya sa Utah.

Umalis sina Louisa at Ann mula sa California noong unang bahagi ng Enero kasama sina Ellen, Lois, at kanilang mga pamilya. Walang sinabi si Louisa na nakahikayat kay Addison na sumama sa kanila. Sinabi lamang nito na sasama ito sa kanya sa lambak sa susunod na taon, marahil ay isasama sina Frances at asawa nito. Pagkatapos ay naglakbay ito kasama ang kanyang pamilya sa bundok at tiniyak na mayroon silang lugar sa grupo ng mga bagon.

Ilang araw pagkatapos niyon, nanangis sina Louisa at kanyang mga anak na babae para sa mga mahal sa buhay na kanilang iniwan.26


Sa huling bahagi ng Marso 1858, ang mga hukbo ng Estados Unidos, na ngayon ay nasa ilalim ng pamumuno ni Heneral Albert Sidney Johnston, ay nagkakampo sa labas ng Teritoryo ng Utah. Sinisikap na mapabagal ang pagsulong ng mga sundalo, ginugol ng milisya ng mga Banal ang bahagi ng taglagas na nilulusob ang mga suplay ng hukbo at sinusunog ang mga bagon at mga muog. Ang mga pagsalakay ay bumigo at nagpahiya sa mga kawal, na ginugol ang taglamig na nakahukot sa niyebe sa tabi ng mga sunog na labi ng kanilang mga bagon, nananatiling buhay sa kakarampot na rasyon at isinusumpa ang mga Banal.

Noong taglamig na iyon, si Thomas Kane, napagkakatiwalaang kaanib ng mga Banal na mula sa silangan, ay nagtungo rin sa Lunsod ng Salt Lake, sumama sa mapanganib na paglalayag patungong California sa pamamagitan ng Tangway ng Panama at pagkatapos ay naglakbay sa lupa papuntang Utah. Dala ang hindi opisyal na suporta ni Pangulong James Buchanan, nakipagpulong siya kay Brigham at iba pang mga lider ng Simbahan bago nagtungo sa kampo ng hukbo upang subukang makipag-ayos ng kapayapaan. Ang mga pinuno ng hukbo, gayunman, ay kinutya ang mensahe ng kapayapaan ni Thomas.27

“Ang ating mga kaaway ay desidido sa pagpaslang sa atin kung magagawa nila ito,” sinabi ni Brigham sa mga Banal sa isang espesyal na kumperensya sa Lunsod ng Salt Lake.28 Upang iligtas ang mga buhay at marahil ay makalikom ng simpatiya mula sa mga potensyal na kaanib sa mga estado sa silangan, inihayag niya ang plano na ilipat sa mas malayong timog ang mga Banal na naninirahan sa Lunsod ng Salt Lake at sa mga nakapalibot na lugar sa Provo at iba pang mga pamayanan.29 Ang malaking hakbang ay gugulo sa mga buhay ng maraming miyembro ng Simbahan, at hindi lubhang sigurado si Brigham na iyon ang tamang desisyon na gagawin.

“‘Ang isang propeta o apostol ba ay maaaring magkamali?’ Huwag akong tanungin ng gayong tanong, sapagkat kikilalanin ko ito sa lahat ng oras,” sabi niya. “Ngunit hindi ko kinikilala na aking sinadyang pamunuan ang mga taong ito na maligaw ng landas sa pinakamaliit na antas, at hindi ko sadyang gawin ang mali, kahit na ako ay makagawa ng maraming pagkakamali.”30

Naniniwala si Brigham na pinakamainam na kumilos nang may katatagan sa halip na isugal na tiisin ng mga Banal ang katulad na kilabot na naranasan nila sa Missouri at sa Illinois. Sa loob ng ilang araw, tinawag niya ang limandaang pamilya na kaagad lumipat sa timog at magtanim ng mga pananim para sa libu-libong mga Banal na susunod. Nagpadala rin siya ng mga tao upang suriin ang bagong lugar para tirhan at inutusan ang mga Banal sa mga katimugang bayan upang maghandang tanggapin ang mga yaong napilitang lisanin ang Salt Lake.31 Hindi nagtagal ang mga Banal sa Lambak ng Salt Lake ay nagkakarga na ng mga bagon at naghahandang umalis.32

Ilang linggo kalaunan, si Alfred Cumming, ang bagong hirang na gobernador ng Teritoryo ng Utah, ay dumating sa Lunsod ng Salt Lake sa paanyaya ni Thomas Kane. Bilang pagpapakita ng kapayapaan, dumating siya na walang kasamang hukbo.33 Si Alfred ay limampu’t limang taong gulang at nakapaglingkod sa pamahalaan ng Estados Unidos sa maraming kapasidad sa kanyang propesyon. Tila wala rin sa kanya ang mga karaniwang maling palagay sa mga Banal.

Sa pagpasok sa Lunsod ng Salt Lake, nakita niya ang mga taong nagkakarga ng mga kasangkapan sa bahay at mga ari-arian sa mga bagon, nangangalap ng mga hayop, at tumutungo sa timog. “Huwag kayong gagalaw! Hindi kayo masasaktan.” Isinigaw ni Alfred sa kanila. “Hindi ako magiging gobernador kung ayaw ninyo sa akin!”34 Walang nagawa ang kanyang mga salita upang magbago ang isip nila.

Habang nasa Lunsod ng Salt Lake, inimbestigahan nina Alfred at Thomas ang ilan sa mga paratang ng paghihimagsik laban sa mga Banal at nakipagkita kina Brigham at iba pang mga lider ng Simbahan. Makalipas ang ilang araw, nasisiyahan si Alfred na malaman na ang mga paratang ay pinalala.35

Mahigit isang linggo pagkatapos ng kanyang pagdating, nagsalita siya sa isang kongregasyon sa Lunsod ng Salt Lake. “Kung magkakamali ako sa aking administrasyon,” sinabi niya sa mga Banal, “nais ko, mga kaibigan, na kayo ay lumapit at magpayo sa akin.” Kinilala niya na ang mga Banal ay lubhang siniraan sa labas ng Utah at nangako na isasagawa ang kanyang mga responsibilidad nang mabuti.36

Nang matapos siya, atubili pa rin ang mga Banal, subalit tumayo si Brigham at ipinahayag ang kanyang pagsuporta. Ito ay hindi lubos na pagtanggap, ngunit may dahilan si Alfred na asamin na tatanggapin siya ng mga Banal bilang kanilang bagong gobernador.37


Sa kabila ng nakapapanatag na mga salita ng gobernador, ang daan sa timog patungo sa Provo ay puno ng mga bagon, mga karwahe, at mga alagang hayop sa layong animnapu’t limang kilometro o higit pa.38 Inookupa ng pamilya ni Brigham ang ilang gusali sa Provo. Ang iba pang mga Banal ay may kaunting ideya lamang kung saan sila maninirahan sa oras na marating nila ang mga pamayanan sa katimugan. Hindi sapat ang mga tahanan para sa lahat, at ang ilang pamilya ay walang ibang matitirhan kundi mga bagon o tolda. At sa hukbo na parating pa rin, maraming tao ang nag-iisip kung kailan nila makikita ang usok na magmumula sa Lambak ng Salt Lake.39

Noong ika-7 ng Mayo, lumipat si Martha Ann Smith Harris kasama ang kanyang biyenan at ang ibang miyembro ng pamilya Smoot sa lugar na tinatawag na Pond Town, mga dalawampu’t limang kilometro sa timog ng Provo.40 Bago lisanin ang Lunsod ng Salt Lake, inilagay ni Bishop Smoot ang limang bariles ng pulbura sa pundasyon ng kanyang bahay upang mas madali itong wasakin kung sasakupin ng hukbo ang lunsod. Ang iba pang miyembro ng Sugar House Ward ay sumunod sa mga Smoot sa Pond Town, at agad na nagmungkahi sina Bishop Smoot at kanyang mga tagapayo na mag-organisa ng isang bagong ward doon.41

Ang paglipat ay nagpatigil sa dating regular na gawain ni Martha Ann na pag-iikot at paghabi, paggagatas sa mga baka, paggawa ng mantikilya, pagtuturo sa paaralan, at pagtulong sa kanyang biyenan na matutong bumasa at sumulat. Subalit nagbigay din ito sa kanya at sa iba pa sa pamilya ng bagong trabahong gagawin.42 Ang mga Banal sa Pond Town at iba pang mga pamayanan ay nagtipon malapit sa tubig tabang, nagtayo ng mga tirahan, nagtanim ng mga pananim at halamanan, at nagtayo ng mga tindahan at gilingan.43

Ang ihip ng hangin ng tagsibol noong una ay malamig, at ang mga tirahan na hindi masyadong maayos ang pagkakagawa ay halos walang nagawa upang hindi mapasok ng mga elemento.44 Ang maruming tubig at kakulangan sa suplay ay sumalanta sa mga pansamantalang pamayanan, ngunit halos lahat ng mga Banal ay kuntento na sila ay malayo sa hukbo. Paglipas ng panahon ay nakaakma na sila sa kanilang mga bagong tahanan.45

Karamihan sa pamilya ni Martha Ann sa pamilya Smith ay lumipat patimog, ngunit nanatili ang kanyang kapatid na si Joseph, na bagong uwi mula sa Hawaii, sa Lunsod ng Salt Lake upang maglingkod sa milisya kasama ang iba pang binata, kabilang na sina Johan at Carl Dorius. “Ginagawa ko ang kakaunti o wala dito ngayon,” iniulat ni Joseph sa kanyang liham. “Ang lunsod, mga tahanan, at bansa ay mukhang malumbay at malungkot.”46

Halos walang balita si Martha Ann mula sa kanyang asawa, si William, na nasa isang misyon pa sa England. Huling nagliham ito sa kanya noong huling bahagi ng Nobyembre 1857, pagkatapos tawagin ni Brigham Young ang mga missionary na umuwi. “Martha mahal ko, ang aking isipan ay puno ng pagninilay, at halos hindi ko alam kung saan magsisimula,” isinulat ni William. “Mula sa kasalukuyang sitwasyon, hindi magtatagal ay tatawirin ko ang nagngangalit na dagat patungo sa aking tahanan sa Kanluran.”

“Kaya paalam, mahal ko,” dagdag niya, “hanggang sa muli nating pagkikita.”

Sa kanyang liham, ipinahiwatig ni William na siya ay makakauwi sa tagsibol. Subalit halos tapos na ang tagsibol, at walang nakita si Martha Ann kahit anino nito.47


Bago ang paglipat sa timog, mga walong libong tao ang nakatira sa Lunsod ng Salt Lake. Sa kalagitnaan ng Hunyo, halos isang libo at limandaang tao na lamang ang nananatili roon. Karamihan sa mga bahay at tindahan ay iniwanan na at ang mga pintuan at bintana ng mga ito ay tinakpan ng kahoy. Ang mga hardin ng mga Banal ay berde at namumulaklak sa kabila ng kawalan ng pangangalaga. Kung minsan ang tanging tunog lamang sa lunsod ay ang mahinang agos ng tubig sa mga kanal ng irigasyon na nakahanay sa mga lansangan.48

Isang komisyon ng kapayapaan ng pamahalaan ang dumating sa panahong ito at inalok sina Brigham Young at ang mga Banal ng buong pagpapatawad mula sa pangulo para sa kanilang mabibigat na kasalanan, anuman ang mga ito, bilang kapalit ng pagsunod sa pamahalaan. Hindi naniwala ang mga Banal na nakagawa sila ng mabibigat na kasalanan, subalit tinanggap pa rin nila ang mga pagpapatawad.

Sa silangang Estados Unidos, patuloy ang mga tao sa pagdududa at maling pagkaunawa sa mga Banal. Subalit ngayon na bumisita ang mga opisyal ng pamahalaan sa Utah at payapang isinuko ni Brigham ang kanyang pagiging gobernador kay Alfred Cumming, maraming taga-silangan ang hindi na naniniwala na ang mga Banal ay naghimagsik.49 Ang mga patnugot ng mga pahayagan na pumintas kay Brigham Young ay ngayo’y pumipintas kay Pangulong James Buchanan.

“Ang digmaang Mormon ay walang-alinlangang mga pulutong ng pagkakamali mula simula hanggang wakas,” isinulat ng isang mamamahayag. “Sa anumang anggulo na tingnan natin ang mga ito, ito ay isang malaking tipak na hangal na kamalian.”50

Noong Hunyo 26, 1858, pumasok ang hukbo patungo sa Lunsod ng Salt Lake. Ang lugar ay parang isang iniwanang bayan. May mga damong tumutubo sa mga lansangan at sa mga pintuan ng mga bahay. Bago umalis, ibinaon ng mga Banal ang pundasyon ng templo upang protektahan ito mula sa pandarambong ng mga sundalo. Nang dumaan ang hukbo sa lote ng templo, nakita nila ang tila inararong sakahan.51


Sa pagtatapos ng Digmaan sa Utah, na kung paano nakilala ang krisis, hinikayat ni Brigham Young ang lahat na bumalik sa kanilang mga tahanan. Maraming Banal ang nagsimulang maglakbay pahilaga noong unang bahagi ng Hulyo. Sa isang makitid na punto kung saan hinati ng mga bundok ang Utah at mga Lambak ng Salt Lake, nakita nila ang hukbo na lumalapit patungo sa kanila. Ang mga sundalo ay patungo sa Camp Floyd, isang bagong kuta sa isang liblib na lugar na tinatawag na Lambak ng Cedar, animnapu’t limang kilometro sa timog-kanluran ng Lunsod ng Salt Lake.52

Sa pagdaan ng hukbo malapit sa mga Banal, ilang sundalo ang gumugulo sa mga kabataang babae o mga lalaking naglakbay sa mga karwahe kasama ang kanilang mga maramihang asawa. Kalaunan ang daan ay naging masyadong siksikan, kaya ang mga pabalik na Banal ay naghintay ng tatlong oras upang makadaan ang hukbo. Nang tuluyang lumuwag ang mga lansangan, nagpatuloy ang mga Banal sa pag-uwi.53

Ang paglipat sa timog ay nagkalat sa Simbahan tulad ng mumo sa mga lambak sa timog, at kakailanganin pa ng oras at mga kagamitan upang tipunin sila pabalik sa hilaga. Habang umuuwi ang mga Banal, natagpuan nilang magulo ang kanilang mga tahanan, bukirin, at mga imprastraktura. Maraming ward ang tumigil sa pag-iral. Karamihan sa mga Relief Society at Sunday School ay tuluyang naghiwa-hiwalay.54

Nang umalis ang pamilya Smoot sa Pond Town noong kalagitnaan ng Hulyo, pinangungunahan ni Martha Ann ang isang pangkat ng mga kabayo para sa kanyang mga biyenan. Noong ika-12 ng Hulyo, habang iniikot niya ang bundok at nagpunta sa Lambak ng Salt Lake, nakita niya ang isang tao sa di-kalayuan na palapit sa kanya na sakay ng isang puting buriko. Naglapit sila, at sa gulat ni Martha Ann, ang nakasakay ay ang kanyang asawa, si William, nakauwi na mula sa kanyang misyon.55