Kasaysayan ng Simbahan
37 Tungo sa Luklukan ng Biyaya


“Tungo sa Luklukan ng Biyaya,” kabanata 37 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 37: “Tungo sa Luklukan ng Biyaya”

Kabanata 37

Tungo sa Luklukan ng Biyaya

Manti temple

Dumating sina Wilford Woodruff at George Q. Cannon sa Manti temple noong hatinggabi ng Mayo 15, 1888. Nilisan nila ang Lunsod ng Salt Lake ilang araw na ang nakakaraan, naglalakbay pagkatapos ng paglubog ng araw upang maiwasan ang mga marshal. Ang huling bahagi ng kanilang biyahe ay isang paglalakbay sakay ng karwahe na mga animnapu’t limang kilometro sa gitna ng mapanganib na bangin. Bumabagtas sa kadiliman, dalawang beses lumampas ang kutsero ng karwahe sa daan at napunta sa bangin, halos itinitilapon ang mga apostol sa kabundukan.1

Nagtungo si Wilford sa Lambak ng Sanpete upang ilaan ang pangatlong templo sa Utah. Dahil ang pagpapakita sa mga pagtitipon ay magdudulot ng panganib kina George at iba pang mga lider ng Simbahan, nagpasiya si Wilford na ilaan ang templo sa isang maliit at pribadong seremonya. Kalaunan, nagdaos ang mga Banal ng isang pampublikong dedikasyon nang wala siya para sa mga taong may espesyal na recommend mula sa kanilang bishop o stake president.2

Ang ganda ng bagong templo ay nakamamangha. Itinayo gamit ang kulay kremang apog mula sa mga kalapit na kabundukan at makikita ito sa tuktok ng burol kung saan tanaw ang malawak na mga taniman ng trigo. Ang mga palamuting banayad ang pagkakaukit at mga makukulay na mural ay gumayak sa loob ng templo, at dalawang kahanga-hangang paikot na hagdanan ang nakatayo na tila nakalutang sa hangin, na wala ni isang poste bilang suporta.3

Ang pagtatapos sa templo ay isang masayang yugto sa mahirap na panahon para kay Wilford. Ang mga hindi pagkakasundo sa Korum ng Labindalawa ay patuloy na bumabawas sa kanilang kakayahan na epektibong pamunuan ang Simbahan. Walong buwan na ang lumipas mula nang pumanaw si John Taylor, at ilang junior na apostol ang humahanap pa rin ng kamalian kay George. Handa nang iorganisa ni Wilford ang Unang Panguluhan, ngunit hindi niya magawa ito hanggang hindi nagkakasundo ang korum.

Nakagawa ng kaunting pagbuti ang mga apostol para maghilom ang mga hidwaan sa kanilang korum. Noong Marso, tinipon sila ni Wilford nang ilang beses upang ipagkasundo ang kanilang di-pagkakaunawaan. Sa isang pulong, ipinaalala niya sa korum na dapat silang gabayan ng pagpapakumbaba at pagmamahal. Mapagkumbaba niyang ipinagtapat ang kanyang sariling kasalanan sa pagsasalita nang masakit sa ilang pagkakataon, hinihikayat ang bawat apostol na ipagtapat ang kanyang kasalanan at humiling sa iba ng kapatawaran. Pagkaraan niyon, gayunman, tutol pa rin ang ilang miyembro ng korum na suportahan ang pagbubuo ng isang bagong Unang Panguluhan.4

Patuloy na binabantaan ng Batas nina Edmunds-Tucker (Edmunds-Tucker Act) ang Simbahan. May kapangyarihang kumpiskahin ang mga ari-arian ng Simbahan na higit sa $50,000 ang halaga, sapilitang kinuha ng mga pederal na opisyal ang kontrol sa tanggapan ng ikapu ng Simbahan, tanggapan ng pangulo, at paligid ng templo, na kinabibilangan ng hindi pa natatapos na Salt Lake temple. Pagkatapos ay inialok ng pamahalaan na paupahan sa mga Banal ang paligid ng templo sa magandang-loob na halaga ng isang dolyar kada buwan. Pakiwari ni Wilford ay nakakainsulto ang alok, ngunit pumayag siya upang hayaang magpatuloy ang pagtatayo ng templo.5

Inilipat ng bagong batas ang pangangasiwa ng mga pampublikong paaralan ng Utah sa mga kamay ng isang pederal na komisyon, at nag-alala ang mga apostol na hindi kukunin ang mga gurong Banal sa mga Huling Araw kapag naghanap sila ng trabaho sa pagtuturo. Noong unang bahagi ng taong iyon, iminungkahi ni George ang pagkakaroon ng mas maraming akademya na pag-aari ng Simbahan upang kunin ang mga gurong ito at ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga estudyante. Nagkakaisang sinuportahan nina Wilford at ng mga apostol ang plano, at noong ika-8 ng Abril ay ibinalita nila ang pagtatatag ng isang lupon ng edukasyon na mamamahala sa bagong sistema.6

Habang nakaambang sa buong Simbahan ang mga bagay na ito, inilaan ni Wilford ang Manti temple noong Mayo 17, 1888. Sa silid-selestiyal, lumuhod siya sa altar at nanalangin, nagpapasalamat sa Diyos para sa kamangha-manghang pagpapala ng isa pang templo sa Sion.

“Iyong nasaksihan ang mga gawa ng Iyong mga Banal sa pagtatayo ng bahay na ito. Ang kanilang mga hangarin at kanilang mga pagsisikap ay Inyong batid,” panalangin niya. “Inihahandog namin ito sa Iyo, O Panginoong aming Diyos, bilang bunga ng mga ikapu at kusang handog ng Iyong mga tao.”

Noong araw na iyon, matapos ang paglalaan, tumanggap si Wilford ng ulat na ang pederal na marshal na si Frank Dyer ay iginigiit na dapat isuko ng Simbahan ang lahat ng ari-arian nito sa Logan, kabilang na ang bahay ng ikapu, tabernakulo, at templo. Itinala ni Wilford ang isang simpleng panalangin sa kanyang journal, hinihiling sa Diyos na protektahan ang mga templo mula sa mga taong nagtatangkang dungisan ang mga ito.7

Noong sumunod na linggo, pinamunuan ni apostol Lorenzo Snow ang pampublikong paglalaan ng Manti temple. Bago nagsimula ang unang sesyon, narinig ng maraming Banal sa bulwagan ng pagtitipon ng templo ang mga tinig na malaanghel na umaawit sa buong silid. Sa ibang pagkakataon, nakita ng mga Banal ang mahihiwagang liwanag na bumabalot sa mga tagapagsalita. Iniulat ng ilang tao na kanilang nakita sina Joseph Smith, Brigham Young, John Taylor, at iba pang mga personahe. Habang binabasa ni Lorenzo ang panalangin ng paglalaan, isang tao sa kongregasyon ang nakarinig ng isang tinig na nagsasabing, “Aleluya, Aleluya, purihin ang Panginoon.”

Para sa mga Banal, ang mga espirituwal na pagpapakitang ito ay tanda ng maingat na pangangalaga ng Diyos. “Inaalo nila ang mga tao,” isinulat ng isang saksi ukol sa maraming espiritwal na pagpapakita,“bilang patunay na sa pinakamasasamang panahon, ang Panginoon ay kasama nila.”8


Habang nasa kanilang misyon pa rin sa Hawaii, sinimulan nina Susa at Jacob Gates ang mag-isip tungkol sa kung ano ang kanilang gagawin kapag nagbalik sila sa Utah. Isang araw noong 1888, sinabi ni Jacob, “Su, nais kong makapasok ka sa Exponent bilang katuwang na patnugot.” Nakapaglathala na si Susa ng mga artikulo sa Woman’s Exponent sa ilalim ng bansag na “Homespun,” at malaki ang tiwala ni Jacob sa kanyang talento sa pagsulat.

Nais gamitin ni Susa ang kanyang pagsusulat upang tumulong sa Simbahan. Minsan siyang hinikayat ni Eliza Snow na “huwag sumulat ng isang linya o isang salita na hindi nilayong makatulong at maging kapaki-pakinabang sa kahariang ito,” at sinikap ni Susa na sundin ang payong iyon. Nitong mga huling araw, nagsimula siyang mag-isip tungkol sa pagsusulat ng mga artikulo sa mga magasin sa silangang Estados Unidos bilang pagtatanggol sa Simbahan. Subalit hindi niya naisip kailanman ang magtrabaho bilang patnugot.9

Ang totoo, nahihirapan siyang humanap ng oras upang magsulat. Bumabangon siya ng alas-sais ng umaga sa karamihan ng mga umaga, inaasikaso ang tatlong anak at ang walang katapusang gawain ng pamamahala sa isang tahanan.10 Halos isang taon na ang lumipas mula nang pumanaw ang kanyang maliliit na anak na lalaki, sina Jay at Karl, at nahihirapan pa rin siya sa kanilang pagkawala, na kung minsan ay ninanais niyang basta na lamang lisanin ang Laie upang maiwasan ng kanyang isipan na bumalik sa dalawang puntod sa taas ng burol malapit sa bahay niya. Isang ubo sa sinuman sa kanyang mga anak ay nagpapakaba pa rin sa kanya.11 Ngayon ba ang tamang panahon upang tumanggap ng mas maraming responsibilidad?

Subalit noong ang ideya na magtrabaho para sa Exponent ay naitanim sa isipan ng Susa, nagsimula itong mag-ugat. Sumulat siya kay Zina Young at inilarawan ang kanyang hangaring gawin ang Woman’s Exponent na isang buwanang magasin na nakalimbag sa maayos na papel, katulad ng mga kilalang magasing pambabae ng panahong iyon.

“Hinahangad ng aking kaluluwa ang pagtatayo ng kaharian. Ako ay masigasig na gagawa upang matulungan ang aking mga kapatid na babae,” isinulat niya. “Ang gawain ay isang trabaho na buong pagmamahal kong gagawin, dahil alam ninyo na mahal ko ang pagsusulat.”12

Kasabay nito, nagpadala siya ng liham kay Emmeline Wells, ang patnugot ng pahayagan, at sa iba pa na kanyang iginagalang, upang humingi ng payo. Si Romania Pratt, isa sa iilang babaeng doktor at isang regular na manunulat para sa Woman’s Exponent, ang unang tumugon.

“Ang mahal kong bata pa at magaling na kaibigan,” isinulat niya, “hindi ko nadarama na pinakamainam para sa iyo na maging isang miyembro o kasama sa Exponent.” Nais ni Emmeline na pamahalaan ang pahayagan ayon sa kanyang sariling paraan, ipinaliwanag ni Romania, at hindi ito matutuwa sa paglahok ni Susa. Sa halip, iminungkahi ni Romania na magsimula si Susa ng isang bagong magasin para sa mga kabataang babae ng Simbahan.13

Nagustuhan ni Susa ang ideya, at sumulat siya sa kaibigan niyang si Joseph F. Smith tungkol dito. Sumagot agad si Joseph kalaunan, na puno ng suporta. Nakita ni Joseph sa kanyang isip ang isang magasing isinulat at ginawa ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw, at hinikayat niya si Susa na humanap ng “mabubuti at matatalinong tagapayo” upang tulungan ito.

“Wala ni isa na may kakayahan ang dapat pagkakaitan ng pribilehiyo na gawin ang lahat ng kanilang makakaya,” isinulat niya. “Ang ating komunidad ay kaiba sa iba pa. Ang ating pag-unlad ay nagmumula sa ating pagkakaisa, pagtutulungan, at magkakasamang pagsisikap. Walang sinuman ang nagsasarili.”14

Sa rekomendasyon ni Joseph, sumulat si Susa kay Wilford Woodruff at sa panguluhan ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association, hinihingi ang kanilang pagsuporta sa magasin. Sumulat pabalik si Wilford upang ibigay ang kanyang pahintulot pagkaraan ng ilang buwan. Ang panguluhan ng Y.L.M.I.A. ay nagbigay din ng pagsuporta.

“Ah, ito ay nasa mga kamay ng Panginoon,” isinulat ni Susa sa kanyang journal. Oras na makabalik siya sa Estados Unidos, sisikapin niya na iorganisa ang magasin.15


Noong taglagas ng 1888, nagpasya si George Q. Cannon na nararapat lamang siyang magtungo sa bilangguan para sa kaniyang sariling kapakanan at sa kapakanan ng Simbahan. Ilang buwan bago ang kamatayan ni John Taylor, inihayag ng Panginoon na kailangang bumalik ni George sa pagtatago kasama ang propeta upang makatulong sa pangangasiwa ng Simbahan. Ngayong pumanaw na si John at ang pamunuan ng Simbahan ay pinangangasiwaan ng Labindalawang Apostol, wala nang tungkulin si George na mananatiling nakatago.16

Naniniwala rin si Wilford Woodruff na kailangan ng mga Banal na ayusin ang kanilang uganayan sa pamahalaan ng Estados Unidos upang matamo ang pagiging estado ng Utah. Sa ilalim ng pamahalaan ng estado, maaaring gamitin ng mga Banal ang kanilang boto ng nakararami upang maghalal ng mga lider na magpoprotekta sa kanilang mga kalayaang panrelihiyon. Dahil angkop lamang ang Batas nina Edmunds-Tucker sa mga teritoryo, hindi na ito magkakaroon ng kapangyarihan na ipahamak ang Simbahan kapag naging estado ang Utah.17 Ngunit mataas ang posibilidad na hindi ipagkakaloob ng Kongreso ng Estados Unidos ang pagiging estado sa Utah habang ang isang kilalang apostol ay nagtatago mula sa batas.

Nang malaman niya na ang abogado ng Estados Unidos ay handang magrekomenda ng isang magaang hatol, nagsimulang pagnilayan ni George kung paano niya isusuko ang sarili para sa kapakanan ng mga Banal. Ang kanyang pagsuko ay maaaring magsilbing isang tanda ng kapayapaan sa mga mambabatas sa Washington. Umasa rin siya na ang kanyang mga gagawin ay magpapalakas ng determinasyon ng iba pang lalaki na harapin ang kahihinatnan ng mga katulad na paratang.18

Noong ika-17 ng Setyembre, umamin siya ng pagkakasala sa dalawang paratang ng labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal, batid na maaari siyang gumugol ng halos isang taon sa bilangguan. Ang punong mahistrado, na sinasabing mas mahinahon sa kanyang pakikitungo sa mga Banal kung ihahambing sa mga nakaraang hukom, ay binigyan siya ng maikling sentensiya ng 175 araw sa loob ng bilangguan.19

Nais ni George na simulan ang kanyang pagkakabilanggo sa pinakamaagang panahon, kung kaya sa araw na ibinigay ang kanyang sentensiya ay dinala siya sa bilangguan ng teritoryo ng Utah. Ang luma at giray-giray na bilangguan ay matatagpuan sa isang burol sa Lunsod ng Salt Lake.20 Karaniwan, kapag pumapasok ang mga bagong bilanggo sa bakuran, mahilig silang kantiyawan ng mga bilanggo sa pagsigaw ng, “Sariwang isda!” Ngunit nang dumating si George, walang sinuman ang sumigaw. Sa halip, pinaikutan siya ng mga tao, gulat at interesadong makita ang isang apostol sa bilangguan.

Sa loob, natagpuan ni George ang tatlong palapag ng maliliit na selda. Binigyan siya ng warden ng isang selda sa pinakataas na palapag at sinabi sa kanya na maaari siyang manatili sa loob nang hindi kinakandado ang mabigat na pintuang bakal. Gayunman, hindi naghahangad ng espesyal na pagtrato si George. Sinuot niya ang parehong puti at itim na uniporme ng mga bilanggo at sumunod sa mga parehong panuntunan tulad ng ibang mga bilanggo.21

Pagkaraan ng maikling panahon sa bilangguan, bumuo si George ng isang klase para pag-aralan ang Biblia. Mahigit animnapung tao ang dumalo sa unang pulong sa araw ng Linggo, kabilang na ang ilang mga hindi Banal sa mga Huling Araw. Binasa at tinalakay ng mga bilanggo ang unang limang kabanata ng Mateo. “Isang lubos na nakasisiyang diwa ang nanaig,” isinulat ni George sa kanyang journal.22

Ang isang linggo ay sinundan ng isa pang linggo, at natagpuan ni George ang kanyang panahon sa bilangguan na naging mas masaya kaysa inaasahan niya. Sa mga araw ng pagdalaw, nagsasagawa siya ng gawain ng Simbahan at nakikipagkita sa iba pang mga apostol, kabilang na si Heber Grant, na ang loob nito ay nagsisimulang gumaan sa kanya. Tumanggap din siya ng mga pagbisita mula sa mga kaibigan at mga kapamilya, at gumugol siya ng maraming panahon sa pagpapayo sa mga kapwa bilanggo.

“Ang aking piitan ay tila isang makalangit na lugar,” isinulat ni George sa kanyang journal. “Nadarama ko na ang mga anghel ay naroon.”23


Habang ginugugol ni George Q. Cannon ang kanyang sentensya, naglakbay si Joseph F. Smith patungo sa Washington, DC, upang tumulong sa tagapagtanggol ng Simbahan, na si Franklin S. Richards, na hikayatin ang mga mambabatas na gawing estado ang Utah.24 Isa pa ring takas, minsang inisip ni Joseph kung dapat ba niyang sundin ang halimbawa ni George at isuko ang kanyang sarili sa mga awtoridad. Subalit iniatas ni Wilford Woodruff kay Joseph na pangasiwaan ang mga gawain sa pulitika ng Simbahan sa Washington, at naniwala si Joseph na maaaring ang pagiging estado o tulong ng langit ang tanging paraan tungo sa walang hanggang kalayaan sa relihiyon para sa mga Banal.25

Sa Washington, malaya si Joseph na lumibot sa buong bayan, bagama’t siya ay nag-iingat upang maiwasan ang mga bulwagan ng Kongreso, kung saan siya ay maaaring makilala. Ginugol niya ang ilang araw sa pagtulong kay Franklin na maghanda ng mensahe para sa komite na sa huli ay magmumungkahi kung ang Kongreso ay boboto na sang-ayon o tutol na gawing estado ang Utah. Pagkatapos, ilang oras bago ang mensahe, binasbasan niya si Franklin na manahan ang mabuting espiritu rito.26

Noong nagsasalita siya, inilarawan ni Franklin ang maramihang pag-aasawa bilang kaugalian na unti-unti nang itinitigil. Kadalasan, sinabi niya, ang mga kaso ng poligamya na inuusig ng pamahalaan ay laban sa mga matatandang lalaki na nagsabuhay ng maramihang pag-aasawa noon. Ipinaliwanag din ni Franklin na ang mga residente ng Utah, na karamihan sa kanila ay hindi nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa, ay dapat may kalayaang maghalal ng kanilang sariling opisyal sa ilalim ng pamahalaan ng estado.27

Pagkatapos ng ilang araw ng masusing pag-iisip, nagpasiya ang komite na hindi magbigay rekomendasyon sa Kongreso. Nalungkot si Joseph, ngunit lubhang nasasaisip niya ang talumpati ni Franklin kaya nagpadala siya ng mga kopya nito sa mahigit sa tatlong libong mambabatas at kilalang tao sa buong bansa.

Hindi nagtagal, gayunman, tumanggap siya ng telegrama na ipinaaalam sa kanya na balak ni George Peters, ang abogado ng Estados Unidos para sa Utah, na ipatawag ang mga miyembro ng pamilya ni Joseph upang magbigay-saksi laban sa kanya sa harapan ng malaking lupon ng tagahatol.28

Itinuring ito ni Joseph bilang pagpapakita ng pagkakanulo. Ilang buwan na ang nakararaan, nangikil si Peters ng $5,000 sa Simbahan na may pangako na siya ay magpaparaya sa mga pag-uusig sa mga Banal sa mga Huling Araw sa hinaharap. Bagama’t ang mga pabor na pampulitika ay madalas binibili at ipinagbibili noong panahong ito sa Estados Unidos, nasusuklam ang buong pagkatao ni Joseph sa kaisipan na magbayad kay Peters. Ngunit matapos talakayin ang bagay na ito kay Wilford, nagpasiya si Joseph na ang pag-ayon sa pangingikil ay maaaring makatulong na protektahan ang mga Banal.29

Agad na sumagot si Joseph sa telegrama, nagbibigay ng mga tagubilin kung saan maaaring nagtatago ang kanyang asawa at mga anak. Subalit kinabahan siya sa buong maghapon. “Ipinapanalangin ko sa Diyos na protektahan ang pamilya ko mula sa walang awang kamay ng walang habag at may kinikilingang kaaway,” isinulat niya sa kanyang journal.30


Sa buong taglamig ng 1888–89, ang Korum ng Labindalawa ay hindi pa rin magkasundo sa pagbuo ng isang bagong Unang Panguluhan. Samantala, patuloy ang mga pederal na marshal sa pagdakip ng mga lider ng Simbahan. Noong Disyembre, sumuko si apostol Francis Lyman sa awtoridad, sinasamahan si George Q. Cannon sa bilangguan. Bilang pangulo ng Labindalawa, napilitan si Wilford Woodruff na pamunuan ang Simbahan nang may paunti at paunting mga apostol sa kanyang tabi.31

Ginugol ni Wilford ang ilan sa kanyang oras sa pagtatrabaho sa kanyang bukid, pagsusulat ng mga liham, at paglalagda ng mga recommend para sa mga Banal na nagnanais na dumalo sa mga templo sa Logan, Manti, o St. George.32 Noong Pebrero 1889, pinalaya si George Q. Cannon matapos manatili ng limang buwan sa bilangguan. Inanyayahan siya ni Wilford at ang ilang kaibigan sa opisina nito kinabukasan upang magdiwang. Dinala papasok ng mga miyembro ng Tabernacle Choir ang isang organ, at umawit ng mga himno ang koro. Pagkatapos ay ilang Hawaiian na Banal na nandayuhan sa Utah ang umawit ng tatlong awitin, kabilang na ang dalawang isinulat para sa okasyon. Ang isa sa mga lalaki, si Kanaka, ay mahigit siyamnapung taong gulang. Bininyagan siya ni George habang nasa misyon sa Hawaii sa mga unang taon ng dekada ng 1850.

Nang gabing iyon, sumama si Wilford sa pamilya Cannon para pagsaluhan ang isang pabo sa hapunan. “Ang iyong ama ay isa sa taong may pinakamatalas na isip sa kaharian,” sinabi niya sa isa sa mga anak na lalaki ni George. Ngayon na si George ay pinalaya na mula sa bilangguan, umaasa si Wilford na lahat ng apostol ay kikilalanin na ang kabutihan nito at magkakasamang sumulong sa pamumuno ng Simbahan.33


Nang makauwi na si Zina Young sa Lunsod ng Salt Lake mula sa Cardston, nadama niya ang buong bigat ng kanyang bagong tungkulin bilang pangkalahatang pangulo ng Relief Society. Siya ngayon ang namumuno sa mahigit dalawampu’t dalawang libong kababaihan sa daan-daang ward at branch sa buong mundo. Bukod pa sa paglilingkod bilang espirituwal na pinuno, pinangangasiwaan niya ang maraming institusyon, tulad ng Deseret Hospital, at maraming ari-arian, kabilang na ang mahigit tatlumpu’t dalawang libong bushel ng butil sa imbakan.

Pinili ni Zina ang dalawang bihasang lider ng Relief Society, sina Jane Richards at Bathsheba Smith, na tutulong sa kanya bilang mga tagapayo, ngunit ang mga kahilingan ng tungkulin ay tila napakabigat pa rin. Ang kanyang anak, si Zina Presendia, ay nagpaalala sa kanya ng isa pang tao na maaaring makatulong. “Kausapin ninyo ang mahal na Tiya Em,” isinulat niya. “Siya ay isang likas na magaling na pinuno.”34

Tinutukoy ni Zina Presendia si Emmeline Wells, na naglingkod bilang kalihim ng Relief Society, isang tungkulin na inilagay sa kanyang pamamahala ang komunikasyon, pakikipagkalakalan, at pag-aayos ng mga pagbisita sa mga Relief Society sa buong teritoryo. Ang mga tungkulin ni Emmeline bilang patnugot ng Woman’s Exponent ay ginagawa na siyang lubhang abala.35 Gayunpaman, handa siyang sumang-ayon upang matulungan si Zina sa kanyang bagong responsibilidad.

“Malinaw na ang trabaho ko ay magiging mas marami sa hinaharap kaysa noon,” isinulat ni Emmeline sa kanyang journal. “Maraming responsibilidad ang mabilis na dumarating sa mga kababaihan ng Sion.”36

Kapwa sina Zina at Emmeline ay lubos na sang-ayon sa karapatang bumoto ng kababaihan—isang karapatan na kinuha sa kanila ng Batas nina Edmunds-Tucker. Noong taglamig ng 1889, nakipag-usap sina Zina at Emmeline kay Wilford Woodruff at iba pang mga lider ng Simbahan upang talakayin ang pagbuo ng isang samahan para sa karapatang bumoto ng kababaihan sa Utah. Ibinigay nina Wilford at iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa ang kanilang lubos na pagsuporta.37

Hindi nagtagal, nagsimulang sundan ng mga pulong sa karapatang bumoto ng kababaihan ang mga regular na pulong ng Relief Society sa mga ward sa buong Utah at Idaho. Madalas maglathala si Emmeline ng mga ulat ng mga pulong na ito sa Woman’s Exponent. Samantala, hiniling ni Zina sa pamahalaan ng Estados Unidos na ibalik ang “bigay ng Diyos na karapatang bumoto” ng mga kababaihan ng Utah. “Sa pamamagitan nito at dahil dito ay magkakaroon tayo ng kakayahan na gawin ang maraming kabutihan sa mundo,” sabi niya. Ipinahayag din niya ang kanyang pangako ng pakikipagtulungan sa mga babaeng hindi miyembro ng Simbahan. “Inaasahan namin na abutin ang kababaihan ng Amerika,” sinabi niya, “at sasabihin natin na kaisa ninyo kami sa dakilang pakikibakang ito.”38

Sa paglago ng Relief Society, nag-alala si Zina na ang bawat stake ay nawawalan ng ugnayan sa mga pangkalahatang lider ng Relief Society at mula sa isa’t isa. Ang kanyang solusyon ay anyayahan ang mga Relief Society mula sa mga liblib na stake sa Lunsod ng Salt Lake para sa isang kumperensya. Matagumpay na nagdaos ng kahalintulad na mga kumperensya ang Young Men’s Mutual Improvement Association.39

Ang unang pangkalahatang kumperensya ng Relief Society ay itinakda noong Abril 6, 1889, upang tumugma sa pangkalahatang kumperensya. Nang gabing iyon, tumayo si Zina sa Assembly Hall sa Temple Square sa harap ng kababaihan na nagtipon sa Sion mula sa maraming bansa. Sa nakalipas na apatnapung taon, mahigit walumpung libong Banal sa mga Huling Araw ang nandayuhan sa Amerika mula sa ibayong dagat. Karamihan ay mula sa United Kingdom, ngunit marami pang iba ay nagmula sa Scandinavia at mga lugar sa Europa na gamit ang wikang Aleman. May iba pa rin na nanggaling mula sa New Zealand, Australia, at iba pang mga pulo ng Pasipiko.

Hinikayat ni Zina ang magkakaibang kongregasyon na bumisita sa pulong ng isa’t isa at maging pamilyar sa isa’t isa. “Ito ay magsusulong ng pagkakaisa at pagkakasundo, pagtataguyod ng tiwala sa sarili, at palalakasin ang mga taling nagbibigkis sa atin,” nangako siya, “sapagka’t may mas malaki pang kaibhan sa paraan ng ating pagsasalita kaysa sa mga motibo ng ating mga puso.”

“Mga kapatid, tayo ay maging isang maringal na grupong handang lumaban at manindigan sa tama,” sinabi niya. “Huwag mag-alinlangan sa kabutihan ng Diyos o sa katotohanan ng gawaing kinabibilangan natin.”40


Noong unang Biyernes ng Abril 1889, tinipon ni Wilford Woodruff ang mga apostol. Halos dalawang taon na ang lumipas mula noong pagpanaw ni John Taylor, at matiyagang naghintay si Wilford sa korum na magkaisa. Namuno siya, ayon sa mga iniutos ng paghahayag, nang malumanay at may kaamuan, nang may mahabang pagtitiis at hindi mapagkunwaring pag-ibig. Ngayon, isang araw bago magsimula ang pangkalahatang kumperensya ng Abril, nadama niya na dumating na ang panahon upang muling iorganisa ang Unang Panguluhan.

Noong mga nakaraang buwan, nagkaroon ng isang lumalaking kasunduan sa mga apostol na ang pagbuo ng Unang Panguluhan ay sa pinakamataas na interes ng Simbahan at si Wilford ang pinili ng Panginoon na mamuno sa kanila, sinuman ang piliin niya bilang kanyang mga tagapayo. Sumulat pa si Wilford kay Francis Lyman na nasa bilangguan at tinanggap ang suporta nito.41

Nagkakaisang sumang-ayon ang mga apostol na bumuo ng isang bagong Unang Panguluhan. Pagkatapos ay hinirang ni Wilford si George Q. Cannon bilang kanyang unang tagapayo at si Joseph F. Smith bilang kanyang pangalawang tagapayo.

“Matatanggap ko lamang ang nominasyon dahil nalalaman ko na ito ay ang kalooban ng Panginoon,” sinabi ni George, “at ito ay may magiliw at buong pagsang-ayon ng aking mga kapatid.”

“Ako ay nanalangin tungkol sa bagay na ito,” tiniyak ni Wilford sa kanya, “at alam ko na ito ang isipan at kalooban ng Panginoon.”

Sa kabila ng mga patuloy niyang agam-agam laban kay George, bumoto si Moses Thatcher nang may pagsang-ayon. “Kapag ako ay bumoto para sa kanya, ito ay gagawin ko nang malaya at susubukan kong sang-ayunan nang buong lakas ko,” sabi niya. Isinatinig din ni Heber Grant ang pagsuporta niya sa pasiya ni Pangulong Woodruff na may kaunting pag-aalinlangan lamang.

Buong pusong sinang-ayunan ng iba pang mga apostol ang bagong panguluhan, at nasiyahan si Wilford na sa wakas ang korum ay nagkakakisa na. “Hindi pa ako nakakita ng panahon na kailangan ng Simbahan ang paglilingkod ng Labindalawa nang higit sa ngayon,” sinabi niya.42

Noong Linggo, libu-libong Banal ang pumasok sa tabernakulo para sa panghapong sesyon ng pangkalahatang kumperensya. Sa kapita-pitagang kapulungang ito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga miyembro ng Simbahan na sang-ayunan ang kanilang bagong Unang Panguluhan. Nang basahin ang mga pangalan nina Wilford at kanyang mga tagapayo, maraming mga kamay ang tumaas bilang suporta.43

“Ako ay may matinding hangarin na, bilang mga tao, tayo ay maaaring magkakasama sa puso, na may pananampalataya sa mga paghahayag ng Diyos at umasa sa mga bagay na ipinangako sa atin,” kalaunang sinabi ni Wilford sa mga Banal noong pulong. Pagkatapos ay nagpatotoo siya tungkol kay Jesucristo.

“Sa kaamuan at mapagpakumbabang puso, Siya ay gumawa nang buong katapatan habang Siya ay nanirahan sa laman upang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama,” sinabi niya. “Tuntunin ang kasaysayan tungkol kay Jesucristo, ang Tagapagligtas ng daigdig, mula sa sabsaban hanggang sa krus, nang pasulong sa lahat ng pagdurusa, na hinaluan ng dugo, tungo sa luklukan ng biyaya, at mayroong halimbawa para sa mga elder ng Israel, isang halimbawa para sa lahat ng yaong sumunod sa Panginoong Jesucristo.”44