Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 17: Mapanatiling Matatag para sa Isa’t Isa


“Mapanatiling Matatag para sa Isa’t Isa,” kabanata 17 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)

Kabanata 17: “Mapanatiling Matatag para sa Isa’t Isa”

Kabanata 17

Mapanatiling Matatag para sa Isa’t Isa

kabayanan ng Lunsod ng Salt Lake at mga sasakyan noong dekada ng 1920 na nasa niyebe

Habang patuloy na lumalaganap ang Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo, nahirapang mag-isip si Pangulong Heber J. Grant ng gagawin niya para sa kinabukasan ng edukasyon ng Simbahan. Ang gastusin sa pamamahala sa mga paaralan ng Simbahan ay tumaas nang sampung beses sa nakalipas na dalawampu’t limang taon. Ang ilang pagsisikap, tulad ng pagkakaroon ng programa na seminary kapalit ng magastos na pagpapamahala ng sistema ng akademiya sa stake, ay nakatipid ng pera. Ngunit ang Brigham Young University, Latter-day Saints’ University, at iba pang mga kolehiyo ng Simbahan ay patuloy na lumalaki. Kung nais ng mga institusyong ito na makapagbigay ng kalidad na katulad ng University of Utah at iba pang mga lokal na paaralan na itinataguyod ng estado, kakailanganin nila ng mas maraming pera kaysa mailalaan ng pondo ng ikapu.1

Binabagabag ng gastusin ang propeta sa tuwina. “Wala nang mas nakababalisa sa akin mula nang maging pangulo ako,” sabi niya sa Pangkalahatang Lupong Pang-edukasyon ng Simbahan [General Church Board of Education] noong Pebrero 1926. Sa Brigham Young University pa lang ay mahigit isang milyong dolyar na ang magagastos sa pagpapalawak ng kampus nito. “Hindi natin ito kakayanin,” sabi ni Pangulong Grant. “Iyan lamang ang masasabi ko.”2

Ang ilang miyembro ng lupon ay nabalisa rin tulad ng propeta, kaya nais nilang ipasara ng Simbahan ang lahat ng kolehiyo at unibersidad nito, kabilang na ang BYU. Ngunit ikinatwiran nina apostol David O. McKay at John Widtsoe, kapwa nag-aral sa mga paaralan ng Simbahan at naglingkod bilang komisyonado ng edukasyon sa Simbahan, na kailangan ng mga kabataan ang mga paaralan ng Simbahan para sa mahahalagang edukasyong pangrelihiyon na maibibigay ng mga ito.

“Ang mga paaralan ay itinatag para sa impluwensyang maibibigay nito sa ating mga anak,” sabi ni Elder McKay sa isang pulong ng lupon noong Marso. Naniniwala siya na mahalaga ang mga kolehiyo at unibersidad ng Simbahan sa paghubog sa mga kabataan na maging matatapat na Banal sa mga Huling Araw.

Sumang-ayon si Elder Widtsoe. “Batid ko ang kahalagahan ng mga paaralan ng Simbahan sa paghubog ng personalidad ng isang tao,” sabi niya. “Palagay ko ay isang malaking pagkakamali ang magagawa ng Simbahan kung hindi nito ipagpapatuloy ang institusyon ng mas mataas na edukasyon.”3

Sa panahong ito, nakipagpulong ang tagapayo ni Pangulong Grant na si Charles W. Nibley kay William Geddes, isang miyembro ng Simbahan mula sa Idaho, sa hilaga ng Utah. Ang mga anak na babae ni William na sina Norma at Zola ay kabilang sa iilang Banal sa mga Huling Araw na nag-aaral sa University of Idaho. Nagpupulong ang kanilang maliit na branch sa isang hamak at inuupahang bulwagan na pinagsasayawan kung minsan ng mga tagaroon kapag Sabado ng gabi. Kapag dumarating sina Norma at Zola para magsimba kinabukasan, amoy usok ng sigarilyo ang lugar, at nagkalat sa sahig ang mga basura at mga basyo ng bote ng alak.4

Nais ni William na may mas magandang bahay-pulungan para sa kanyang mga anak na babae malapit sa paaralan. “Hindi kailanman makaaakit ng mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw ang unibersidad,” ang sabi niya kay Pangulong Nibley, “maliban na lamang kung may mas magagandang pasilidad.”5

Isinaalang-alang ni Pangulong Grant at ng lupon ng edukasyon ang sitwasyon sa Idaho habang tinatalakay nila ang hinaharap ng edukasyon sa Simbahan. Nagpasiya silang patuloy na pondohan ang Brigham Young University habang unti-unting inaalis ang suporta sa karamihan sa iba pang mga kolehiyo ng Simbahan. Sisimulan din ng Simbahan na maglaan ng edukasyong pangrelihiyon sa mga estudyante sa pamamagitan ng pagdaraos ng seminary sa unibersidad. Itinuring ng lupon ang University of Idaho bilang lugar na mapagsusubukan ng bagong programa. Ang kailangan lamang nila ay isang taong maaaring lumipat sa Moscow, ang munting bayan kung saan matatagpuan ang unibersidad.6

Noong Oktubre, nakipagpulong ang Unang Panguluhan kay Wyley Sessions, isang dating kinatawan sa agrikultura para sa University of Idaho na kababalik lang mula sa paglilingkod bilang pangulo ng South African Mission. Inirekomenda nila siya sa isang posisyon sa kumpanya ng asukal sa lugar, ngunit nang kausapin nila siya tungkol sa trabaho, huminto si Pangulong Nibley sa pagsasalita at bumaling sa propeta.

“Parang mali ang gagawin natin,” sabi niya.

“Palagay ko nga,” ang pagsang-ayon ni Pangulong Grant. “Pakiramdam ko ay hindi tamang italaga natin si Brother Sessions sa kumpanya ng asukal.”

Sandaling natahimik ang mga tao sa silid. Pagkatapos ay sinabi ni Pangulong Nibley, “Brother Sessions, ikaw ang taong ipadadala namin sa University of Idaho upang pangalagaan ang ating mga anak na lalaki at babae na nag-aaral sa unibersidad na iyon, at upang pag-aralan ang sitwasyon at sabihin sa amin kung ano ang dapat gawin ng Simbahan para sa mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw na nag-aaral sa mga unibersidad ng estado.”

“Naku, mga kapatid,” sabi ni Wyley. “Tinatawag ninyo ba ako sa isa pang misyon?” Ang kanyang tungkulin sa South Africa ay tumagal nang pitong taon at dahil dito ni isang kusing ay halos wala sila ng kanyang asawang si Magdalen.

“Hindi, Brother Sessions, hindi ka namin tinatawag sa isa pang misyon,” natatawang sabi ng propeta. “Binibigyan ka namin ng magandang pagkakataon na maglingkod nang napakainam sa Simbahan.” Idinagdag pa niya na ito ay isang oportunidad na magtrabaho bilang propesyonal—isang posisyon na may bayad.

Malungkot na tumayo si Wyley. Nilapitan siya ni Pangulong Nibley at hinawakan sa braso.

“Huwag kang malungkot,” sabi niya. “Ito ang nais ng Panginoon na gawin mo.”7


Nababalutan ng niyebe ang Lunsod ng Salt Lake noong Araw ng Bagong Taon ng 1927, ngunit mataas ang sikat ng araw sa tahanan ng mga Widtsoe, kaya hindi ramdam doon ang lamig.8 Karaniwan, ang labing-apat na taong gulang na si Eudora ang tanging batang nakatira sa bahay, ngunit ngayon ay naroroon lahat ang buong pamilya para sa pista-opisyal, na ikinatuwa Leah dahil kasama niya ang kanyang mga anak.

Si Marsel, na ngayon ay dalawampu’t apat na taong gulang, ay nakatakda nang ikasal at ilang buwan na lamang ay magtatapos na sa University of Utah. Umaasa siyang makapag-aral sa Harvard University, tulad ng kanyang ama, at marahil ay mag-aaral ng business administration.9 Samantala, ang kanyang ate Ann ay ikinasal kamakailan kay Lewis Wallace, isang bata pang abugadong Banal sa mga Huling Araw, at lumipat kasama nito sa Washington, DC. Subalit sa labis na pangungulila, ay bumalik siya sa Utah, na ipinag-alala ni Leah. Gayunpaman, kapwa nagpapasalamat sina Leah at John sa kabaitan at awa ng Panginoon sa kanilang pamilya.10

Sa pagsisimula ng bagong taon, bumalik si John sa kanyang mga tungkulin sa Labindalawa, at ginugol ni Leah ang kanyang oras sa pagtulong sa kanyang ina sa isang bagong proyekto sa pagsusulat.11 Sa loob ng maraming taon, nakita ni Leah si Susa na nagtitipon ng impormasyon at nagsusulat ng mga kuwento tungkol sa ama nito, si Brigham Young, na may mithiing ilathala ang talambuhay nito. Ngunit kamakailan lamang, napansin ni Leah na bagama’t patuloy pa ring nagsusulat ang kanyang ina ng iba pang mga proyekto, tulad ng kasaysayan ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw, hindi na nito ginagawa ang talambuhay.

“Inay, paano naman ang aklat tungkol sa iyong ama?” ang itinanong dito ni Leah isang araw. “Hindi mo na ba ito isinusulat?”

“Hindi, hindi ko kakayanin ang ganyang kalaking gawain,” sagot ni Susa. “Kung nakatayo ka sa tabi ng isang bundok, hindi mo talaga mailalarawan ang bundok, dahil napakalapit mo para makita ito.”

“Gayunpaman, kailangan mo itong gawin” iginiit ni Leah. “Balang-araw kailangan mong isulat ang aklat na iyon tungkol sa iyong ama, at handa akong tulungan kang magawa ito.”12

Mula noon, sumulat si Susa ng dalawang napakalaking manuskrito tungkol kay Brigham Young at hiniling kay Leah na tulungan siya na pamatnugutan ito at gawing isang buong magkakaugnay na talambuhay. Nahirapan at natagalan si Leah sa progreso ng gawain, ngunit alam niyang kailangan ng kanyang ina ng tulong. Si Susa ay isang likas na mahusay na manunulat, matibay magpasiya at determinadong magpahayag. Subalit dinagdagan ni Leah ng kinis at istruktura ang prosa nito. Magkatulong nilang ginawa ang pagsusulat sa bahay ni Susa, at mahusay nila itong nagawa bilang magkatuwang.13

Noong umaga ng ika-23 ng Mayo 1927, biglang natigil si Leah sa ginagawa niya nang dumating ang isang liham mula sa Preston, Idaho, kung saan nagtuturo si Marsel sa seminary. Kamakailan, matapos tulungan ang isang motorista na hindi makaalis sa gilid ng kalsada, dinapuan ng matinding sipon si Marsel. Inisip ng kanyang mga kaibigan na papagaling na siya, ngunit lalo pang tumataas ang lagnat niya. Maaaring tamaan ng pulmonya ang kanyang baga at manganib ang buhay niya.14

Kagyat na sumakay ng tren si Leah patungong Preston at hindi nagtagal ay nasa tabi na siya ni Marsel. Kinabukasan, bumaba nang kaunti ang lagnat nito, na nagbigay ng pag-asa kay Leah na gagaling ito. Ngunit nang hindi na bumuti ang pakiramdam nito, bumalik ang takot niya. Sinamahan siya ni John sa Preston, nagsusumamo sa Panginoon na iligtas ang buhay ni Marsel. Tinawag niya ang isa sa kanyang mga kaibigan, na isang doktor, upang gamutin ang binata. Ang iba pang mga kaibigan ay nagbigay kay Marsel ng mga basbas ng priesthood o kaya’y nagbantay sa kanya sa gabi.

Dahil sa matinding pagod, hinimatay si Leah noong ika-27 ng Mayo. Gayunman, nang gabing iyon, nagpakita si Marsel ng mga palatandaan ng paggaling. Ang kanyang nobya, si Marion Hill, ay nakarating kinaumagahan. Tila wala nang impeksyon ang mga baga ni Marsel, at mababa nang muli ang kanyang lagnat. Ngunit kalaunan nang araw na iyon, kinapos siya ng hininga at namanas ang kanyang katawan. Hindi umalis si Leah sa kanyang tabi kasama sina John at Marion sa buong maghapon. Lumipas ang mga oras, hindi pa rin siya bumubuti. Pumanaw siya kalaunan nang gabing iyon.15

Walang makapagpahupa ng dalamhati ni Leah. Namatayan na siya ng apat na anak. Ngayon ang kanyang tanging natitirang anak na lalaki, na tila napakaningning ng hinaharap sa pagsisimula ng bagong taon, ay yumao na.16


Noong tagsibol na iyon, mga 2,575 kilometro sa silangan ng Lunsod ng Salt Lake, naghahanda para sa binyag ang walong taong gulang na si Paul Bang. Siya ay pang-anim sa sampung anak—apat na babae at anim na lalaki. Nakatira sila sa isang silid na pa-letrang L ang hugis sa likod ng tindahang pag-aari at pinatatakbo ng kanilang mga magulang sa Cincinnati, Ohio, isang malaking lunsod na may mahigit apat na raang libong populasyon sa gitnang kanluran ng Estados Unidos. Upang magkaroon ng kaunting pribadong lugar, hinati ng pamilya ang silid sa apat na maliliit na tulugan gamit ang mga kurtina. Ngunit wala talagang sariling lugar ang sinuman sa kanila. Sa gabi, natutulog sila sa mga natitiklop na kama na malaking espasyo ang sakop kaya halos wala nang magalawan ang isang tao sa silid.17

Ang ama ni Paul na si Christian Bang Sr., ay mula sa Alemanya. Noong maliit pa siya, lumipat ang kanyang pamilya sa Cincinnati, kung saan maraming nandayuhang Aleman ang nanirahan noong ikalabingsiyam na siglo. Noong 1908, pinakasalan ni Christian si Rosa Kiefer, na ang mga magulang ay mga dayong Aleman din. Makalipas ang tatlong taon, ang kaibigan ni Rosa na si Elise Harbrecht ay binigyan si Rosa ng Aklat ni Mormon, at binasa nila ito ni Chrsitian nang may interes. Pagkaraan ng isang taon ng pakikipag-usap sa mga misyonero, bininyagan sila sa isang paliguan ng mga Judio dahil nagyeyelo ang kalapit na Ilog Ohio.18

Ang branch sa Cincinnati ay katulad ng maraming branch ng Simbahan sa silangang Estados Unidos. Ang lunsod ay dating tahanan ng lumalaking kongregasyon ng mga Banal, ngunit unti-unting nabawasan ang kanilang bilang sa paglipas ng panahon nang dumami na ang mga miyembro ng Simbahan na nagtitipon sa Utah. Sa panahong sumapi ang mga magulang ni Paul sa Simbahan, maraming tao sa lugar ang gustong usisain ang mga Banal sa mga Huling Araw. Nang binyagan ng mga misyonero ang isang batang lalaki noong 1912, daan-daang tao ang pumunta sa ilog upang panoorin siya. Ang pahayagan ay naglimbag ng isang artikulo tungkol sa binyag nang sumunod na araw, ipinaaalam sa mga mambabasa na may mga misyonero sa lugar.

“Isang matinding pagtatangka ang gagawin upang hayagang makakuha ng mabibinyagan,” sabi rito.19

Matapos sumapi sa Simbahan, nagsimba ang mga magulang ni Paul kasama ng mga misyonero at ilan pang mga Banal sa maliit at inupahang bulwagan. Isang miyembro ng Simbahan ang hindi nagtagal ay lumipat sa Utah, isa ang namatay, at dalawa ang tumigil sa pagdalo sa mga pulong. Naisip din nina Christian at Rosa na magtipon sa Utah, ngunit nagpasiya silang manatili sa Ohio dahil naroon ang kanilang mga pamilya at negosyo.20

Tulad ng iba pang mga branch na malayo sa Lunsod ng Salt Lake, natutulungan ang Cincinnati Branch kapag mas maraming miyembro ng Simbahan na subok na ng karanasan ang lumilipat sa sakop nito. Hindi nagtagal matapos sumapi ang mga Bang sa Simbahan, isang mag-asawang Banal sa mga Huling Araw mula sa Utah, sina Charles at Christine Anderson, ang lumipat sa Cincinnati at nagsimulang magsimba kasama nila.

Ang mga Anderson ay na-endow at nabuklod sa templo at maraming taong naglingkod sa mga ward at stake sa Kanlurang Amerika. Kabilang sila sa maraming Banal na lumisan sa Utah upang maghanap ng mga oportunidad sa ibang lugar. Isinilang sa Sweden, nag-imbento si Charles ng bagong uri ng panlampaso at nagtungo sa silangan upang gawin ang produktong ito. Wala siyang alam tungkol sa Cincinnati maliban sa ito ay malaking lunsod at maunlad na sentro ng kalakalan. Gayunpaman, kaagad siyang tinawag ng pangulo ng Southern States Mission na muling iorganisa at pamunuan ang branch. Ang ama ni Paul ang naging unang tagapayo niya.21

Hindi madali ang maging Banal sa mga Huling Araw sa Cincinnati nang panahong iyon. Ang mga lathalain sa pahayagan at mga demonstrador ay maraming taon nang salungat sa Simbahan sa lugar. Minsan, binansagan pa ng lokal na pahayagan ang Cincinnati bilang isang “lugar ng digmaan laban sa paglaganap ng Mormonismo sa Amerika,” nang magprotesta sa lunsod si Frank Cannon, ang nag-apostasiyang anak ni George Q. Cannon.22

Gayunpaman, sa kabila ng oposisyon, nagsikap nang husto ang mga magulang ni Paul na palakihin ang kanilang mga anak sa ebanghelyo. Dumalo sila sa kanilang mga lingguhang pulong sa simbahan at tapat na naglingkod sa maliit na branch. Tuwing umaga, sama-samang tatawagin ng kanyang ama ang pamilya para manalangin at sambitin ang Panalangin ng Panginoon, isang karaniwang kaugalian sa mga Kristiyanong Aleman. Tuwing Lunes, inaanyayahan ng kanyang ina ang mga misyonero sa kanilang tahanan para maghapunan. Ang pamilya at mga misyonero ay uupo sa isang malaking mesa sa kusina na karugtong ng likuran ng tindahan. Dahil ang ina ni Paul ay hindi kailanman palatapon ng anumang magagamit pa, niluluto niya ang mga lumang panindang pagkain,sinisigurong tatanggalin ang mga bulok na parte ng anumang prutas, gulay, o karne bago niya ito ihain. Pagkatapos ay igigiit ng kanyang ama na kumain ang mga misyonero hanggang sa mabusog ang mga ito.23

Tiniyak din ng mga Bang na nabinyagan ang bawat isa sa kanilang mga anak sa edad na walo.24 Noong ika-5 ng Hunyo 1927, si Paul at apat na iba pa ay nabinyagan sa lugar na tinatawag na Anderson’s Ferry sa tabi ng Ilog Ohio. Ang kanyang mga magulang, si Pangulong Anderson, at ang ilan sa kanyang mga kaibigan ay naroon upang ipagdiwang ang okasyon.

Walang ibang mga taong naroon para saksihan ang pangyayari, at walang mga artikulo sa pahayagan. Ngunit isang ulat tungkol sa binyag ang lumitaw sa Liahona, the Elder’s Journal, ang opisyal na magasin ng mga mission ng Simbahan sa Hilagang Amerika. Makikita pa sa nakalimbag na artikulo ang pangalan ni Paul.25


Hindi mainit ang pagtanggap kina Wyley at Magdalen Sessions nang makarating sila sa University of Idaho. Ang Moscow ay nasa hilagang bahagi ng estado, kung saan iilang miyembro ng Simbahan ang nakatira. Maraming tao ang nagtungo sa rehiyon upang magtanim sa matabang lupa nito o maghanap ng pagkakakitaan sa industriya ng pagmimina at pagtotroso. Ang mga residenteng ito ay mapaghinala sa Simbahan, at hindi komportable na nasa kanilang lugar si Wyley.

“Sino ang taong ito, ang lalaking ito, si Sessions?” tanong ng ilang tao. “Ano ang tungkulin niya rito? Ano ang gusto niyang gawin?”26

Kung direktang tinanong si Wyley ng huling dalawang tanong, hindi niya ito masasagot nang malinaw. Tinagubilinan siya ng Unang Panguluhan na tulungan ang mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw sa paaralan, ngunit siya na ang bahala kung paano niya gagawin iyon. Alam niya na kailangan ng mga estudyante na palaging matagubilinan sa relihiyon at isang bagong lugar na mapagpupulungan. Ngunit bukod sa kanyang gawain bilang mission president, walang karanasan si Wyley sa pagtuturo ng relihiyon. Agrikultura ang pinag-aralan niya sa kolehiyo. Kung gustong malaman ng mga estudyante ang tungkol sa pataba, maaari niya silang turuan. Ngunit hindi siya maalam sa Biblia.27

Pagdating nila sa Moscow, pumasok sina Wyley at Magdalen sa graduate school ng unibersidad upang mas mapalawig ang kanilang edukasyon at mas maging pamilyar sa paaralan at mga guro nito. Nag-aral si Wyley ng pilosopiya at edukasyon, kumuha ng ilang klase sa relihiyon at sa Biblia, at nagsimulang magsulat ng tesis tungkol sa relihiyon sa mga unibersidad ng estado sa Estados Unidos. Samantala, si Magdalen ay kumuha ng mga klase sa gawaing panlipunan at Ingles.

Nakatagpo ng kapanalig sina Wyley at Magdalen kay C. W. Chenoweth, ang pinuno ng departamento ng pilosopiya, na nababahala sa kawalan ng edukasyong panrelihiyon sa mga unibersidad ng estado. Isa siyang kapelyan sa digmaang pandaigdig at ngayon ay naglilingkod bilang pastor sa isang simbahan malapit sa Moscow. “Kung papasok kayo sa kampus na ito na may isang programang panrelihiyon,” sabi niya kina Wyley at Magdalen, “dapat ay handa kayong matugunan ang kompetisyon ng unibersidad.”

Sa panghihikayat ni Dr. Chenoweth, ang mga Sessions ay bumuo ng mga plano para sa isang programang kahalintulad ng seminary para sa mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw sa mga pampublikong unibersidad. Ibinatay nila ito sa mga programa sa edukasyong panrelihiyon sa iba pang mga unibersidad at maingat na isinaalang-alang ang paghihiwalay ng simbahan at estado. Ang kanilang mga klase sa relihiyon ay kailangang makatugon sa mga pamantayan ng estado para sa mga kurso sa unibersidad, ngunit kailangan ding ganap na hiwalay ang programa sa paaralan mismo. Kapag nagtayo ang Simbahan ng isang gusali para sa mga klase, dapat na nasa labas ito ng kampus.28

Batid na hindi susuportahan ng unibersidad ang bagong programa hangga’t nananatiling mapaghinala sa kanya at sa Simbahan ang mga lokal na namumuno, nakibahagi si Wyley sa chamber of commerce at isang pangkat sibiko upang makilala niya ang mahahalagang miyembro ng komunidad. Nalaman niya na ang mga lokal na lider ng negosyo, ministro, at mga guro ay bumuo ng isang komite na magmamanman sa kanya at titiyaking hindi niya igigiit ang impluwensiya ng Simbahan sa unibersidad. Si Fred Fulton, isang ahente ng seguro, ang namuno sa komite. Tuwing dadalo si Wyley sa mga kaganapan sa chamber of commerce, umuupo siya sa tabi ni Fred at sinusubukang makipagkaibigan sa kanya.

Sa isang pulong, sinabi ni Fred kay Wyley, “Nakatutuwa ka, napakarami mong alam.” Pagkatapos ay ipinagtapat niya ang kanyang tungkulin sa komite. “Tuwing makikita kita,” sabi nito, “gusto mong kaibiganin ang lahat kaya lalo akong natutuwa sa iyo.”29

Hindi nagtagal ay naging magiliw na ang mga tao sa bayan sa pamilya Sessions. Sa tulong ni Wyley, nakakita ang Simbahan ng ari-arian malapit sa kampus at binili ito para sa pagpupulungan ng mga estudyanteng Banal. Pagkatapos, si Wyley at isang arkitekto ng Simbahan ay nakipagtulungan sa unibersidad at chamber of commerce upang idisenyo ang gusali at aprubahan at pangasiwaan ang pagtatayo nito. Noong taglagas ng 1927, sinimulan ni Wyley ang pagtuturo ng mga klaseng pangrelihiyon, at ang unibersidad ay pumayag na magbigay ng mga kredit sa kolehiyo sa mga estudyanteng kumuha nito. Samantala, nag-organisa si Magdalen ng mga sunud-sunod na aktibidad para makapaghalubilo ang mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw na tulad nina Norma at Zola Geddes.30

Isang araw, habang naglalakad si Wyley kasama si Jay Eldridge, ang dekano ng mga guro, nadaanan nila ang ari-arian ng Simbahan para sa bagong pagpupulungan ng mga estudyante. “Napakagaling ninyo dahil nakuha ninyo ang lupaing iyon,” sabi ni Dr. Eldridge kay Wyley. Itinanong niya kung ano ang balak ipangalan ng Simbahan sa bagong programa nito. “Hindi mo ito maaaring tawaging seminary,” sabi niya. “Nagamit na naman ninyo nang husto iyan sa mga seminary ninyo sa mataas na paaralan.”

“Hindi ko pa alam,” sabi ni Wyley. Hindi ko pa iyan napag-iisipan.”

Huminto si Dr. Eldridge. “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang magandang ipangalan,” sabi niya. “Ang nakikita mo riyan ay ang Latter-day Saint Institute of Religion.”

Gusto ni Wyley ang rekomendasyon, at gayon din ang Pangkalahatang Lupong Pang-edukasyon ng Simbahan.31


Noong Setyembre 1927, nadama ni Leah Widtsoe ang pagod sa espirituwal, mental, at pisikal. Ang biglaang pagkamatay ng kanyang anak na si Marsel ay nagdulot sa kanya ng matinding depresyon. “Talagang iniisip ko kung makabuluhan ba ang buhay,” ang sabi niya kay John isang araw. “Kung hindi dahil sa pagmamahal mo alam kong hindi gayon ito.”32

Si Marsel ay inilibing noong ika-31 ng Mayo sa Salt Lake Cemetery. Kinabukasan ang ikadalawampu’t siyam na anibersaryo ng kasal nina Leah at John, at sinikap nilang gugulin ang araw na ito sa paglilinis pagkatapos ng burol. Ang mga kaibigan at kapamilya ay madalas na bumisita sa mga sumunod na linggo at buwan, ngunit sa kabila ng kanilang suporta at pagmamahal, hindi kaagad naghilom ang sugat.33 Ang isang nakapagpasaya sa kanila ay ang balitang nagdadalantao na si Ann. Subalit hindi rin masaya si Ann sa kanyang buhay may-asawa, kaya ipinasiya niyang mamalagi sa Utah kasama ang kanyang mga magulang sa halip na bumalik sa kanyang asawa sa Washington, DC.

Naging napakahirap kay Leah ang halos lahat ng araw dahil sa depresyon. Kinailangan ding bumiyahe nang madalas ni John dahil sa mga tungkulin sa Simbahan, ngunit kapag siya ay nasa bahay, palagi niyang katabi si Leah, kaya nagagawa nitong makayanan ang buhay. “Dalangin ko na mapanatili tayong matatag para sa isa’t isa,” sinabi nito sa kanya noong tag-init na iyon. “Kaya kong harapin ang anumang laban basta’t kasama kita!”34

Isinilang ang sanggol ni Ann, si John Widtsoe Wallace, noong ika-8 ng Agosto 1927, kaya naging lolo’t lola na sina Leah at John.35 Makalipas ang isang buwan, nakilala ni Harold Shepstone, isang Ingles na mamamahayag, ang ina ni Leah nang bumisita siya sa Lunsod ng Salt Lake. Sinabi sa kanya ni Susa ang talambuhay tungkol kay Brigham Young na isinusulat nila ni Leah, at hiniling niyang makita ito. Ibinigay sa kanya ni Susa ang kopya ng manuskrito, at pumayag siyang tulungan ito na makahanap ng tagapaglathala.

“Magiging isang napakagandang babasahin ito,” sabi niya, “ngunit, mangyari pa, kailangan itong paikliin nang husto,”36

Ang lahat ng magandang balitang ito ay hindi sapat upang mapasaya si Leah. Niyaya ni Susa si Leah na sumamang maglakbay sa kanya sa California, marahil ay umaasang mapasisigla ito ng pagbisita sa baybayin.37 Ngunit kabibili pa lamang nila ng mga tiket nang tinawag ni Pangulong Grant si John na maging bagong pangulo ng European Mission. Tuliro ang isip ni John sa buong maghapon, at halos hindi nakatulog nang gabing iyon. Ang European Mission ay isa sa mga pinakamatagal at pinakamalaking mission sa Simbahan, at responsibilidad ng pangulo na pamahalaan ang siyam na iba pang mga pangulo ng mission na nakatalaga sa mga bansang libu-libong kilometro ang distansya —mula Norway hanggang South Africa. Karaniwan ay isang apostol na mas marami nang karanasan ang tinatawag na mamuno rito.38

Malugod na tinanggap ni Leah ang bagong tungkulin, kahit malalayo siya sa kanyang tahanan at mga mahal sa buhay sa Utah. Isang bangungot ang nakaraang taon, at makatutulong ang ilang pagbabago sa kanyang buhay. Ang mga alaala ni Marsel ay nasa lahat ng dako, at ang paglipat sa Europa ay magagawang ibsan ang kanyang dalamhati. Sa katunayan, naniniwala si John na nabigyang-inspirasyon si Pangulong Grant na tawagin silang magmisyon upang tulungan silang makayanan ang pagkawala ng kanilang anak.39

Ang sumunod na dalawang buwan ay nagugol sa paghahanda.40 Habang nag-iimpake si Leah, naisip niya si Harold Shepstone at ang talambuhay ni Brigham Young. Dahil determinadong matiyak na tutupad si Harold sa kanyang pangako na tutulungan siyang makahanap ng tagapaglathala, dinala niya ang manuskrito.41

Noong ika-21 ng Nobyembre, sina Leah at John ay itinalaga para sa kanilang mga misyon. Pagkatapos ay umuwi sila upang magpaalam sa tiyahin ni John na si Petroline, na ngayon ay pitumpu’t apat na taong gulang na. Nag-alok sina Leah at John na isama ito sa Europa kasama nila, ngunit inisip nito na wala siyang sapat na lakas para makasama. Subalit masaya siya na nagkaroon ng pagkakataon si John na makabalik sa Europa at maituro ang ebanghelyo, tulad ng ginawa nila ng kanyang ina dalawampung taon na ang nakararaan.

Kalaunan nang araw na iyon, hinatid ng maraming tao sina Leah, John, at kanilang anak na si Eudora sa istasyon ng tren. Binigyan sila ni Susa ng liham na babasahin habang nasa tren. “Susubaybayan ko ang inyong paglalakbay, at ang dakilang gawain na kapwa ninyo isasakatuparan,” isinulat niya. “Kami ni Tiya ay parehong mag-aabang sa hintuan ng tren sa pag-uwi ninyo, payapa, nakangiti, nagagalak sa pagbalik ng aming pinakamamahal na mga anak.”

Tinagubilinan din niya si Leah na ihanda ang sarili para sa maraming pagsubok na tiyak na mararanasan niya sa misyon. “Ang ating Ama mismo ay kailangang maging malupit kung minsan,” isinulat niya, “kung kailangang magtamo ng karanasan ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng kalungkutan, karalitaan, at paghihirap.”42

  1. Secretary of the General Church Board of Education to Joseph F. Smith, Nov. 30, 1901, Centennial History Project Records, BYU; Church Board of Education, Minutes, Feb. 3, 1926; Mar. 3 and 10, 1926.

  2. Church Board of Education, Minutes, Feb. 3, 1926.

  3. Church Board of Education, Minutes, Mar. 3, 1926. Paksa: Mga Akademya ng Simbahan

  4. Greene, Interview; Greene, A Life Remembered, 33; Wright, “Beginnings of the First LDS Institute of Religion at Moscow, Idaho,” 68–70.

  5. Greene, A Life Remembered, 33; By Study and Also by Faith, 64; Wright, “Beginnings of the First LDS Institute of Religion at Moscow, Idaho,” 70–72. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin: nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “Ang unibersidad ay hindi kailanman makaaakit ng mga estusyanteng L.D.S. maliban na lamang kung may mas magagandang pasilidad.”

  6. Church Board of Education, Minutes, Mar. 23, 1926; June 25, 1926; Sept. 1, 1926; Oct. 12, 1926; Grant, Journal, Mar. 24, 1926; By Study and Also by Faith, 64–65. Paksa: Mga Seminary at Institute

  7. Grant, Journal, Sept. 13, 1926; Heber J. Grant to Marriner W. Eccles and Henry H. Rolapp, Sept. 13, 1926, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL; Sessions, Oral History Interview [1972], 4; Griffiths, “First Institute Teacher,” 175–82; Tomlinson, “History of the Founding of the Institutes of Religion,” 151–59.

  8. Widtsoe, Diary, Jan. 1, 1927.

  9. Widtsoe, Diary, Nov. 21 and Dec. 14, 1926; Widtsoe, In a Sunlit Land, 236; Thomas Hull to John A. Widtsoe and Leah D. Widtsoe, June 15, 1927, Widtsoe Family Papers, CHL.

  10. Widtsoe, Diary, Oct. 7 and 9, 1926; Dec. 8 and 14, 1926; Jan. 1, 1927; “Anne Widtsoe and Lewis Wallace Married,” Ogden (UT) Standard-Examiner, Okt. 10, 1926, seksyon 2, [1]; Leah D. Widtsoe to John A. Widtsoe, Feb. 20, 1927, Widtsoe Family Papers, CHL.

  11. Tingnan sa Widtsoe, Diary, Jan. and Feb. 1927; Leah D. Widtsoe to John A. Widtsoe, Feb. 20, 1927, Widtsoe Family Papers, CHL.

  12. Leah D. Widtsoe, “I Remember Brigham Young,” Improvement Era, Hunyo 1961, 64:385; Widtsoe, Oral History Interview, 11–12; Susa Young Gates to Heber J. Grant and Counselors, Dec. 5, 1922; Susa Young Gates to James Kirkham and Albert Hooper, Nov. 12, 1929, Susa Young Gates Papers, CHL. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal ay “‘Gayunpaman,’ sabi ko, ‘kailangan mo itong gawin.’”

  13. Widtsoe, Oral History Interview, 11–12; Leah D. Widtsoe to John A. Widtsoe, Feb. 20, 1927; Susa Young Gates to Leah D. Widtsoe, July 28, 1928; Lucy G. Bowen to Leah D. Widtsoe and John A. Widtsoe, Nov. 25, 1930, Widtsoe Family Papers, CHL; “Mrs. Susa Young Gates,” Deseret News, Mayo 27, 1933, 4. Paksa: Brigham Young

  14. J. E. Fisher to John A. Widtsoe and Leah D. Widtsoe, May 22, 1927, Widtsoe Family Papers, CHL; Widtsoe, Diary, May 23, 1927; Susa Young Gates, draft of obituary for Marsel Widtsoe, Widtsoe Family Papers, CHL; “Karl M. Widtsoe Dies of Pneumonia,” Deseret News, Mayo 30, 1927, seksyon 2, [1].

  15. Widtsoe, Diary, May 23–28, 1927; Widtsoe, In a Sunlit Land, 29, 236.

  16. Leah D. Widtsoe to First Presidency, Sept. 16, 1933, First Presidency Mission Files, CHL; Widtsoe, Oral History Interview, 33; Widtsoe, In a Sunlit Land, 235–37.

  17. Fish, “My Life Story,” [1]–[2]; Paul Bang, “My Life Story,” 1, 7–8; U.S. Department of Commerce, Bureau of the Census, Fifteenth Census of the United States: 1930, volume 1, 836.

  18. Christian Bang Sr., “My Story,” [1]–[3]; Fish, “My Life Story,” [1]; Fish, Kramer, at Wallis, History of the Mormon Church in Cincinnati, 52–54.

  19. Fish, Kramer, at Wallis, History of the Mormon Church in Cincinnati, 21–42, 45–50; “Mormons Baptize Child in the Ohio,” Commercial Tribune (Cincinnati), Set. 16, 1912, 12.

  20. Christian Bang Sr., “My Story,” [3]; Alexander, Mormonism in Transition, 105–6.

  21. Anderson, “My Journey through Life,” tomo 4, 117–18; Christian Bang Sr., “My Story,” [5]; Anderson, Twenty-Three Years in Cincinnati, 2–3, 13, 45; Johnson and Johnson, “Twentieth-Century Mormon Outmigration,” 43–47; Plewe, Mapping Mormonism, 144–47. Paksa: Paglipat sa Ibang Lugar

  22. “World-Wide Attack on Mormonism Now Planned,” Commercial Tribune (Cincinnati), Hunyo 30, 1912, [16]; “Fight on Mormonism to Start in Cincinnati,” Commercial Tribune, Ene. 26, 1915, 3; “Cannon Makes Severe Attack on Mormonism,” Commercial Tribune, Peb. 3, 1915, 10.

  23. Fish, “My Life Story,” [3], [6]; Christian Bang Sr., “My Story,” [5]; Paul Bang, “My Life Story,” 6, 8.

  24. Bang family entries, South Ohio District, Northern States Mission, nos. 27–33, 324, 334, sa Ohio (State), part 2, Record of Members Collection, CHL.

  25. “News from the Missions,” Liahona, the Elders’ Journal, Hulyo 12, 1927, 25:42; Paul Bang entry, South Ohio District, Northern States Mission, no. 334, in Ohio (State), part 2, Record of Members Collection, CHL; Paul Bang, “My Life Story,” 7; Picturesque Cincinnati, 77. Ang maling pagkabaybay ng Liahona sa kanyang pangalan ay “Paul Bancy.”

  26. Sessions, Oral History Interview [1972], 4–5; Sessions and Sessions, Oral History Interview [1965], 12; Wright, “Beginnings of the First LDS Institute of Religion at Moscow, Idaho,” 66–68; Tomlinson, “History of the Founding of the Institutes of Religion,” 159–61.

  27. J. Wyley Sessions to Heber J. Grant, Nov. 13, 1926, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL; Sessions and Sessions, Oral History Interview [1965], 10; Tomlinson, “History of the Founding of the Institutes of Religion,” 154–55.

  28. Sessions and Sessions, Oral History Interview [1965], 10–11; Tomlinson, “History of the Founding of Institutes of Religion,” 161, 183–86.

  29. Sessions, Oral History Interview [1972], 5; Tomlinson, “History of the Founding of Institutes of Religion,” 161–62; Griffiths, “First Institute Teacher,” 182.

  30. Sessions and Sessions, Oral History Interview [1965], 11–13; Sessions, Oral History Interview [1972], 8–9; Tomlinson, “History of the Founding of Institutes of Religion,” 159–68; Griffiths, “First Institute Teacher,” 182–85.

  31. Sessions and Sessions, Oral History Interview [1965], 11–12; Tomlinson, “History of the Founding of Institutes of Religion,” 168–73.  Paksa: Mga Seminary at Institute

  32. Leah D. Widtsoe to John A. Widtsoe, Sept. 20, 1927, Widtsoe Family Papers, CHL; John A. Widtsoe to Heber J. Grant, Oct. 17, 1927, First Presidency General Administration Files, CHL; Leah D. Widtsoe to First Presidency, Sept. 16, 1933, First Presidency Mission Files, CHL.

  33. Widtsoe, Diary, May 31–June 7, 1927; Widtsoe, In a Sunlit Land, 236–37.

  34. Leah D. Widtsoe to John A. Widtsoe, Telegram, Aug. 31, 1927; Leah D. Widtsoe to John A. Widtsoe, Sept. 20, 1927, Widtsoe Family Papers, CHL; Widtsoe, Diary, June 21–Sept. 21, 1927.

  35. Widtsoe, Diary, Aug. 8, 1927.

  36. Widtsoe, Oral History Interview, 12–13; Widtsoe, Diary, Sept. 16 and 24, 1927; Harold Shepstone to Susa Young Gates, Oct. 25, 1927; Dec. 2, 1927, Susa Young Gates Papers, CHL.

  37. Hal and Bichette Gates to Susa Young Gates, Telegram, Sept. 24, 1927, Family Correspondence, Susa Young Gates Papers, CHL; Leah D. Widtsoe to John A. Widtsoe, Sept. 20, 1927, Widtsoe Family Papers, CHL.

  38. Widtsoe, Diary, Sept. 29–30, 1927; Widtsoe, In a Sunlit Land, 189; John A. Widtsoe to James E. Talmage and Merry B. Talmage, Nov. 1, 1927, John A. Widtsoe Papers, CHL; Van Orden, Building Zion, 93–94; “Mission Presidents in Convention,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Set. 20, 1928, 38:600–602.

  39. Leah D. Widtsoe to First Presidency, Sept. 16, 1933, First Presidency Mission Files, CHL; Leah D. Widtsoe to John A. Widtsoe, July 12, 1927; Leah D. Widtsoe to Louisa Hill, May 11, 1928, Widtsoe Family Papers, CHL; Widtsoe, In a Sunlit Land, 189; John A. Widtsoe to James E. Talmage and Merry B. Talmage, Nov. 1, 1927, John A. Widtsoe Papers, CHL.

  40. Tingnan sa Widtsoe, Diary, Oct.–Nov. 1927.

  41. Widtsoe, Oral History Interview, 13; Susa Young Gates to Harold J. Shepstone, Oct. 5, 1927, Susa Young Gates Papers, CHL.

  42. Widtsoe, Diary, Nov. 21, 1927; Widtsoe, In the Gospel Net, 102–5, 133, 135; Susa Young Gates to Leah D. Widtsoe and John A. Widtsoe, Nov. 21, 1927, Widtsoe Family Papers, CHL.