“Isang Mahalagang Paghahanda,” kabanata 5 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)
Kabanata 5: “Isang Mahalagang Paghahanda”
Kabanata 5
Isang Mahalagang Paghahanda
Habang papasok ang kanyang barko sa daungan ng Liverpool, England, nakita ng dalawampu’t isang taong gulang na si Inez Knight ang kanyang nakatatandang kapatid na si William sa pantalan, naghihintay sa isang umpukan ng mga kapwa missionary. Noon ay Sabado, ika-22 ng Abril 1898. Si Inez at ang kanyang kompanyon, si Jennie Brimhall, ay nagpunta sa British Mission bilang mga unang dalagang itinalaga na “mga babaeng missionary” para sa Simbahan. Tulad ni Will at ng iba pang mga elder, sila ay mangangaral sa mga pulong sa kalye at kakatok sa bawat pintuan upang magpalaganap ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.1
Ang desisyong tawagin ang kababaihan bilang mga missionary ay bahagyang resulta ng pangangaral ni Elizabeth McCune noong nakaraang taon. Matapos makita ang impluwensya ni Elizabeth sa mga manonood, sumulat ang mission leader na si Joseph McMurrin kay Pangulong Woodruff. “Kung maraming kababaihang matatalino at matatalas ang isipan ang tinawag na magmisyon sa England,” ipinaliwanag niya, “napakaganda ng magiging mga resulta.”2
Pumayag ang Unang Panguluhan. Sina Louisa Pratt, Susa Gates, at iba pang mga babaeng may-asawa ay matagumpay na nakapaglingkod sa mga misyon kasama ang kanilang mga asawa, bagama’t wala silang mga opisyal na tawag sa misyon. Bukod pa rito, ang mga lider ng Relief Society at YLMIA ay naging mabubuting embahador para sa Simbahan sa mga aktibidad tulad ng Pandaigdigang Eksibit noong 1893. At maraming dalaga ang nagkaroon ng karanasan sa pagtuturo at pamumuno sa mga pulong ng YLMIA, na siyang naghahanda sa kanila para sa pangangaral ng salita ng Diyos.3
Matapos muling makasama si Will, naglakad si Inez kasama niya at ni Jennie papunta sa punong-tanggapan ng mission, isang apat na palapag na gusali na inookupa ng mga Banal mula noong dekada ng 1850. Doon nila nakilala si Pangulong McMurrin. “Nais kong maunawaan ng bawat isa sa inyo na tinawag kayo rito ng Panginoon,” sabi niya. Habang nagsasalita siya, nadama ni Inez sa unang pagkakataon ang malaking responsibilidad na nakaatang sa kanyang mga balikat.4
Kinabukasan, sinamahan nila ni Jennie si Pangulong McMurrin at ang iba pang mga missionary papunta sa Oldham, isang industriyal na bayan sa silangan ng Liverpool. Noong gabi, bumuo sila ng isang bilog sa isang mataong kanto, nag-alay ng panalangin, at umawit ng mga himno hanggang sa isang malaking pulutong ng mga tao ang nabuo sa paligid nila. Ibinalita ni Pangulong McMurrin na isang espesyal na pulong ang gaganapin kinabukasan, at inanyayahan niya ang lahat na pumunta at makinig sa pangangaral mula sa “tunay na buhay na mga babaeng Mormon.”
Habang sinasabi niya ito, binalot ng kaba si Inez. Kinakabahan siyang magsalita sa harap ng isang malaking grupo ng tao. Gayunpaman, habang nakatayo siya sa gitna ng mga missionary suot ang kanilang mga sedang sumbrero at itim na amerikana, lubos niyang ipinagmamalaki na siya ay isang Banal sa mga Huling Araw.5
Nang sumunod na gabi, nangangatog sa kaba si Inez habang hinihintay niya ang kanyang pagkakataong magsalita. Dahil narinig ang kakila-kilabot na mga kasinungalingan tungkol sa kababaihang Banal sa mga Huling Araw mula kay William Jarman at sa iba pang mga kritiko ng Simbahan, gustong usisain ng mga tao ang tungkol sa kanya at sa iba pang kababaihang nagsasalita sa pulong. Sina Sarah Noall at Caroline Smith, ang asawa at hipag ng isa sa mga missionary, ang unang nagsalita sa kongregasyon. Pagkatapos ay nagsalita si Inez kahit kinakabahan, at nagulat sa napakahusay na nagawa niya.
Hindi nagtagal ay inatasan sina Inez at Jennie na maglingkod sa Cheltenham. Kumatok sila sa mga pintuan at madalas na nagpatotoo sa mga pulong sa kalye. Tinanggap din nila ang mga paanyayang makipagkita sa mga tao sa kanilang tahanan. Karaniwang pinakikitunguhan sila nang mabuti ng mga tagapakinig, bagama’t paminsan-minsan ay may isang taong kukutyain sila o pararatangan na nagsisinungaling.6
Ang mga pagsisikap na itama ang maling impormasyon ay nakatanggap ng karagdagang tulong nang si James E. Talmage, ang iskolar na Banal sa mga Huling Araw na isinilang sa England, ay naglakbay sa buong United Kingdom upang magbigay ng mga talumpati tungkol sa Utah, sa Kanlurang Amerika, at sa mga Banal. Ginanap ang mga talumpati sa mga bantog na bulwagan at nakaakit ng daan-daang tao. Habang nagsasalita siya, gumamit si James ng isang aparatong tinatawag na stereopticon para magpakita ng may mataas na kalidad ng mga imahe ng Utah sa isang malaking screen, na siyang nagbibigay sa mga manonood ng malinaw na larawan ng mga tao at lugar ng estado. Pagkatapos ng isang pagtatanghal, umalis ang isang lalaki na nagsasabing, “Lubhang iba iyan sa sinabi ni Jarman.”7
Samantala, umasa sina Inez at Jennie na mas marami pang kababaihang maglilingkod sa misyon. “Nadarama namin na pinagpapala kami ng Panginoon sa mga pagtatangka naming pahupain ang masamang palagay at ipalaganap ang katotohanan,” iniulat nila sa mga mission leader. “Umaasa kami na marami sa karapat-dapat na mga kabataang babae sa Sion ang pahihintulutang matamasa ang kaparehong pribilehiyo na mayroon kami ngayon, sapagkat nadarama namin na marami silang magagawang kabutihan.”8
Noong panahong umalis patungong England sina Inez Knight at Jennie Brimhall, nakarating si Hirini Whaanga sa Wellington, New Zealand, bilang full-time missionary. Ipinabatid ng Unang Panguluhan ang pagtawag sa simula ng 1898, at agad tumugon si Hirini. “Gagawin ko ang lahat ng kinakailangang paghahanda,” sabi niya sa panguluhan, “at magsisikap na gampanan ang aking tungkulin bilang elder sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”9
Ang pagkatawag sa misyon ni Hirini, tulad ng mga dalagang missionary, ay isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan. Bagamat ang mga “home missionary” na Māori ay tumutulong kung minsan sa mga elder sa New Zealand, si Hirini ang unang Māori na hinirang na maglingkod nang full-time. Dumating ang tawag matapos ipadala nina Benjamin Goddard at Ezra Stevenson, dalawang dating missionary sa New Zealand, ang mungkahi na ipadala ni Pangulong Woodruff si Hirini sa misyon. Bilang isa sa mga pinakamamahal at iginagalang na Māori sa Simbahan, maaaring makagawa si Hirini ng dakilang gawain sa kanyang mga tao, kabilang na ang pagtitipon ng kanilang talaangkanan at pagpapatotoo sa sagradong gawaing isinasagawa niya at ng kanyang asawang si Mere sa Salt Lake Temple.10 Sa mga pinalabis na ulat ng mga paghihirap ng kanilang pamilya sa Kanab na siyang lumilikha ng ligalig sa ilang Banal na Māori, maaari din siyang magbigay ng tunay na salaysay tungkol sa kanyang mga karanasan sa Utah.11
Batid ang mga problema sa pananalapi ng pamilya Whaanga, nangako ang mga miyembro ng Zion’s Māori Association na tutustusan ang misyon ni Hirini. Ang Ikalabing-isang Ward ng Lunsod ng Salt Lake ay nagdaos din ng konsyerto upang makalikom ng pera para sa kanya.12
Nang lisanin niya ang kanyang pamilya sa Utah, naglakbay si Hirini patungong New Zealand kasama ang iba pang mga bagong missionary. Ngayon ay pitumpung taong gulang na, mas matanda siya ng ilang dekada kaysa lahat ng kanyang mga kasama. Si Ezra Stevenson, na kamakailan lamang ay namatayan ng asawa at nag-iisang anak, ang namuno sa grupo bilang bagong mission president. Naglingkod siya bilang kalihim ng Zion’s Māori Association bago siya natawag at matatas rin sa wikang Māori. Wala ni isa sa mga bagong Amerikanong missionary ang may alam ng wika.13
Isang araw matapos dumating sa New Zealand, dumalo si Hirini at ang kanyang mga kompanyon sa isang kumperensya humigit kumulang mga walumpung kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng lunsod ng Wellington. Batid na naroon si Hirini, maraming Banal na Māori ang nagsikap na makadalo. Kasama ang isang banda, sinalubong nila at ng iba pang mga Banal sa New Zealand ang mga missionary at sinamahan sila sa kalye papunta sa kumperensya. Doon ay sinalubong ang mga bagong dating ng seremonyal na sayaw ng mga Māori na tinatawag na haka.
Malayang dumaloy ang mga luha kinahapunan. Pinagsaluhan ng mga Banal ang isang piging, at nakipagkamay ang mga kamag-anak ni Hirini sa kanya at idiniin ang kanilang mga noo at ilong sa kanya sa isang tradisyonal na pagbati ng mga Māori. Pagkatapos ay sinamahan ng mission president ang mga Banal na Māori patungo sa kalapit na balkon, kung saan pinaligiran nila si Hirini at nagbigay ng mga talumpati upang batiin siya pabalik sa North Island. Hindi sila natulog hanggang sa lampas ng alas-dos ng umaga.14
Kinabukasan, nangaral si Hirini sa mga Banal tungkol kay Joseph Smith, sa awtoridad ng priesthood, at sa gawain ng Zion’s Māori Association. Hiniling din niya sa mga Banal na tipunin ang kanilang mga talaangkanan at gawin ang gawain sa templo para sa kanilang mga patay.15
Pagkatapos ng kumperensya, bumalik ang mga Banal sa kanilang mga tahanan, at sinimulan nina Hirini at Ezra ang kanilang paglilibot sa misyon.16
Noong tagsibol ng 1898, nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Espanya matapos sumabog ang isang barkong-pandigma ng mga Amerikano sa baybayin ng Havana, Cuba. Sinisi ng mga pahayagan ang Espanya para sa pagsabog at naglathala ng mga lubhang nakababahalang kuwento tungkol sa pakikibaka ng mga Cuban para sa kalayaan mula sa pananakop ng mga Espanyol. Sa iba’t ibang panig ng Estados Unidos, ang mga galit na galit na mamamayan ay nanawagan sa Kongreso na mamagitan para sa kapakanan ng Cuba.17
Sa Utah, magkakaiba ng opinyon ang mga lider ng Simbahan ukol sa digmaan laban sa Espanya. Maliban lamang sa pagpapadala ng Batalyong Mormon para sa Digmaang Mehikano-Amerikano noong 1846–48, hindi kailanman hinikayat ng Simbahan ang mga Banal na magpalista sa militar sa mga armadong labanan. Pabor si George Q. Cannon sa pagkilos laban sa Espanya, ngunit ipinaghinagpis ni Joseph F. Smith ang labis na pagnanais ng mga tao na makidigma na laganap sa buong bansa. Sa Woman’s Exponent, naglathala si Emmeline Wells ng mga artikulo na sumusuporta at sumasalungat sa digmaan.18
Walang lider ng Simbahan ang mas isinasatinig ang kanyang pagsalungat sa digmaan kaysa kay apostol Brigham Young Jr. “Ang misyon ng ebanghelyo ay kapayapaan,” ipinahayag niya sa isang pulong sa Salt Lake Tabernacle, “at ang Banal sa mga Huling Araw ay dapat sikaping likhain at panatilihin ito.” Sa pagtawag sa umiigting na labanan bilang “isang bangin na hinukay ng mga taong hindi inspirado,” hinikayat niya ang mga kabataang Banal na huwag sumali sa hukbong sandatahan.19
Tuwing nagkakaroon ng mga kontrobersiya sa Simbahan, karaniwang bumabaling si Wilford Woodruff sa kanyang mga tagapayo, sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith, at itinatanong, “Mga kapatid, ano sa palagay ninyo ang dapat gawin sa bagay na ito?” Ngunit matapos malaman ang sinabi ni Brigham Jr., agad siyang pinuna ng propeta. Kamakailan lamang ay naayos ng Simbahan ang ugnayan nito sa Estados Unidos, at ayaw ni Pangulong Woodruff na ang mga kilalang lider ng Simbahan ay magmukhang hindi tapat sa bansa.
“Ang mga gayong pananalita ay hindi mabuti at hindi dapat ginawa,” sabi niya. “Tayo ngayon ay bahagi ng bansa, at obligasyon nating gawin ang ating bahagi kasama ang iba pang mga mamamayan ng pamahalaan.”20
Ang Estados Unidos ay nagdeklara ng digmaan laban sa Espanya noong ika-25 ng Abril 1898, isang araw matapos ang talumpati ni Brigham Jr., at naglathala ang Deseret Evening News ng isang editoryal na nagpapatibay sa katapatan ng mga Banal sa Estados Unidos. “Hindi mga maibigin sa digmaan, ni may kiling sa pagdadanak ng dugo, gayunpaman, sila ay matibay at matatag sa Ating Bansa at para sa bawat makatarungang layunin,” sabi nito. Hindi nagtagal, mahigit anim na daang mga taga-Utah ang nagpalista sa hukbo ng Estados Unidos upang makipaglaban sa digmaan, na tumagal nang ilang buwan.21
Noong panahong iyon, nagsimulang bumagsak ang pangangatawan ni Wilford. At noong simula ng Hunyo, nagkaroon ng mahinang stroke si George Q. Cannon. Sa paanyaya ng mga kaibigan ng Simbahan sa California, naglakbay ang dalawang lalaki patungo sa San Francisco, umaasang tutulungan sila ng malumanay na klima nito para magpahinga at magpagaling. Doon ay nagpatingin sila sa mga doktor, bumisita sa mga kaibigan, at nakipagpulong sa lokal na branch ng mga Banal.22
Noong ika-29 ng Agosto, binagtas nina Wilford at George ang isang parke sa tabi ng Karagatang Pasipiko sakay ng isang karwahe. Habang pinagmamasdan nila ang mga alon na dumadaloy mula sa dagat at humahampas sa dalampasigan, ikinuwento ni Wilford ang tungkol sa panahon na naglingkod siya bilang missionary noong mga unang araw ng Simbahan. Ginunita niya ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanyang ama at madrasta, na nabinyagan bago isinilang ang kanyang panganay na anak.
Siya at si George ay nagkakilala sa unang pagkakataon pagkaraan ng isang taon at kalahati. Isang bata pang apostol si Wilford sa kanyang unang misyon sa England. Si George ay labintatlong taong gulang na batang lalaki na mahilig magbasa ng mga aklat.
Ngayon, nakaupo nang magkatabi makalipas ang halos animnapung taon, nag-usap sila tungkol sa ebanghelyo at sa kaligayahang dinala nito sa kanila. “Napakasaya ng gawain natin,” pagsang-ayon nila, “sa pagpapatotoo sa gawain ng Diyos.”23
Makalipas ang tatlong araw, noong ika-2 ng Setyembre, nagpadala si George ng telegrama mula sa San Francisco kay Joseph F. Smith sa Lunsod ng Salt Lake:
Pumanaw na si Pangulong Woodruff. Iniwan niya tayo sa ganap na 6:40 ng umaga. Mangyaring ipabatid ang balita sa kanyang pamilya. Payapa siyang natulog nang buong gabi at tahimik na pumanaw.24
Nasa kanyang tahanan sa hilagang Utah si Lorenzo Snow nang malaman niya ang tungkol sa pagpanaw ng propeta. Agad siyang sumakay ng tren patungo sa Lunsod ng Salt Lake, nag-aalala sa hinaharap. Bilang senior na apostol, alam niya na maaaring siya ang magiging susunod na pangulo ng Simbahan. Anim na taon na ang nakararaan, sa katunayan, nagsabi si Pangulong Woodruff kay Lorenzo tungkol sa kalooban ng Panginoon para sa kanya bilang susunod na propeta.
“Kapag ako ay pumanaw na, gusto kong ikaw, Brother Snow, ay huwag magpaliban sa pag-organisa ng Unang Panguluhan,” sabi nito. “Hirangin mo sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith bilang iyong mga tagapayo. Sila ay mabubuti, matatalino, at mga taong may karanasan.”25
Ngunit nag-alala si Lorenzo tungkol sa pagtanggap sa posisyon, lalo na nang pag-isipan niya ang kalagayan ng pananalapi ng Simbahan. Sa kabila ng mga pagsisikap nina Heber J. Grant at iba pa, patuloy pa ring lubog sa utang ang Simbahan, at ilang tao ang nagbigay ng haka-hakang hindi bababa sa isang milyong dolyar ang utang nito sa mga nagpautang. Si Lorenzo mismo ay nangamba na aabot sa tatlong milyon ang utang.26
Sa mga sumunod na araw mula nang pumanaw si Pangulong Woodruff, pinamahalaan ni Lorenzo ang gawain ng Simbahan bilang pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Subalit nakadama siya ng matinding kakulangan. Noong ika-9 ng Setyembre, isang araw matapos ang libing, nakipagkita si Lorenzo sa Labindalawa. Nakadarama pa rin ng kakulangan sa tungkulin, iminungkahi niyang magbitiw bilang pangulo ng korum. Gayunman, bumoto ang mga apostol na patuloy siyang sang-ayunan bilang kanilang pinuno.27
Isang gabi, sa panahong ito, hinangad ni Lorenzo ang kalooban ng Panginoon sa Salt Lake Temple. Lubos siyang nalungkot at pinanghinaan ng loob tungkol sa kanyang mga bagong responsibilidad. Matapos magbihis ng kanyang kasuotan sa templo, nagsumamo siya sa Panginoon na bigyang-liwanag ang kanyang isipan. Tinugunan ng Panginoon ang kanyang panalangin, malinaw na ipinapakita na kailangang sundin ni Lorenzo ang payo ni Pangulong Woodruff na muling iorganisa kaagad ang Unang Panguluhan. Sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith ang magiging mga tagapayo niya.
Hindi sinabi ni Lorenzo sa kanyang mga kapwa apostol ang tungkol sa kanyang paghahayag. Sa halip, naghintay siya, umaasang matatanggap nila ang parehong espirituwal na patotoo tungkol sa kung ano ang gagawin.28
Muling nagpulong ang korum noong ika-13 ng Setyembre upang talakayin ang pananalapi ng Simbahan. Ngayong wala na si Pangulong Woodruff, wala nang trustee-in-trust ang Simbahan upang pangasiwaan ang temporal na aspeto nito. Batid ng mga apostol na ang responsibilidad na ito ay kalaunang mapupunta sa susunod na pangulo ng Simbahan. Ngunit laging naghihintay nang mahigit isang taon ang Korum ng Labindalawang Apostol bago ito bumuo ng bagong Unang Panguluhan. Sa panahong iyon, kailangan nilang pahintulutan ang isang tao na magsagawa ng gawain ng Simbahan hanggang sa sang-ayunan ng mga Banal ang isang bagong pangulo.
Habang tinatalakay ng mga apostol ang mga solusyon sa problema, iminungkahi nina Heber J. Grant at Francis Lyman na mag-organisa na lamang ng bagong Unang Panguluhan. “Kung ipapakita sa iyo ng Panginoon, Pangulong Snow, na ito ang tamang gawin ngayon,” sabi ni Francis, “handa akong huwag lamang bumoto para sa isang trustee-in-trust kundi para sa pangulo ng Simbahan.”
Mabilis na tinanggap ng iba pang mga apostol ang ideya. Iminungkahi ni Joseph F. Smith na kanilang italaga si Lorenzo bilang bagong pangulo, at lahat ay sinang-ayunan ang panukala.
“Dapat kong gawin ang lahat ng makakaya ko, at umasa sa Panginoon,” sabi ni Lorenzo. Pagkatapos ay sinabi niya sa mga apostol ang tungkol sa paghahayag na kanyang natanggap sa templo. “Hindi ko pa nabanggit ang bagay na ito sa sinumang tao, maging lalaki o babae,” sabi niya. “Nais kong makita kung ang espiritu ring iyon na ipinakita sa akin ng Panginoon ay nasa inyo.”
Ngayong natanggap na ng mga apostol ang patotoo, handa na si Lorenzo na tanggapin ang tawag ng Panginoon na maglingkod bilang susunod na pangulo ng Simbahan.29
Makalipas ang isang buwan, sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1898, sinang-ayunan ng mga Banal sina Lorenzo Snow, George Q. Cannon, at Joseph F. Smith bilang bagong Unang Panguluhan.30
Biang pangulo, ginawa ni Pangulong Snow na unang prayoridad ang pagsasaayos ng pinansyal na sitwasyon ng Simbahan. Isinagawa niya ang isang plano na inaprubahan ni Wilford Woodruff bago ito pumanaw na kumuha ng mga pangmatagalang pautang o bonds sa mababang interes upang makatulong na mabayaran ang mga agarang gastusin ng Simbahan. Nag-organisa siya ng isang komite sa pagtutuos ng kuwenta upang suriin ang pananalapi ng Simbahan at nagpasimula ng isang bagong sistema ng pagtutuos ng pananalapi. Hinangad din niyang magkaroon ng bagong kita sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Simbahan ng kabuuang pagmamay-ari ng Deseret News, na dating nasa mga pribadong kamay.31
Ang mga pagsisikap na ito ay nagpabuti sa pananalapi ng Simbahan, ngunit wala ni isa sa mga ito ang sapat. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1899, nangaral sina Pangulong Snow at ang iba pang mga lider ng Simbahan tungkol sa ikapu, isang batas na hindi masigasig na sinunod ng mga Banal simula nang sinamsam ng pamahalaan ang mahahalagang pag-aari ng Simbahan mahigit isang dekada na ang nakararaan. Pinayuhan din ng propeta ang mga Banal na huwag ibaon sa utang ang kanilang sarili.
“Isuot ninyo ang luma ninyong sumbrero hanggang sa may pambili na kayo ng bago,” sabi niya. “Maaaring makabili ng piyano ang inyong kapitbahay para sa kanyang pamilya, ngunit maghintay hanggang sa may pambili na kayo nito.”32
Tinagubilinan din niya ang mga lokal na lider na gugulin nang wasto ang pondo ng Simbahan. “Maaaring may mga sitwasyon na magbibigay-katwiran sa ating pag-utang, ngunit iilan lamang ang mga ito,” sabi niya. “Bilang patakaran, mali ito.”33
Isang umaga noong Mayo, nakaupo sa kama si Pangulong Snow nang pumasok sa silid ang kanyang anak na si LeRoi. Kababalik lamang ni LeRoi mula sa misyon sa Germany at nagtatrabaho bilang personal na kalihim ng kanyang ama. Binati siya ng propeta at sinabing, “Pupunta ako sa St. George.”34
Nagulat si LeRoi. Ang St. George ay nasa timog-kanlurang sulok ng estado, 483 kilometro ang layo. Upang makarating doon, kinailangan nilang sumakay ng tren sa pinakamalayong timog na mararating nito, pagkatapos ay lalakbayin ang natitirang distansya sakay ng karwahe. Ito ay magiging isang mahaba at matinding paglalakbay para sa isang walumpu’t limang taong gulang na lalaki.35
Umalis sila kalaunan ng buwang iyon, kasama ang ilang kaibigan at mga lider ng Simbahan. Pagdating nila sa St. George, naalikabukan at pagod mula sa paglalakbay, nagtungo sila sa tahanan ng stake president na si Daniel McArthur, kung saan sila mananatili magdamag. Nag-uusisang tinanong ng stake president kung bakit sila pumunta.
“Ah,” sabi ni Pangulong Snow, “Hindi ko alam kung bakit kami nagpunta sa St. George, tanging ang Espiritu lamang ang nagsabi sa amin na pumunta.”36
Kinabukasan, ika-17 ng Mayo, nakipagpulong ang propeta sa mga Banal sa St. George Tabernacle, isang pulang gusali na yari sa sandstone ilang kanto ang layo sa hilagang-kanlurang bahagi ng templo. Hindi siya mapakali noong nakaraang gabi, ngunit tila malakas at alisto siya habang hinihintay niyang magsimula ang pulong. Siya ang unang tagapagsalita, at nang tumayo siya upang magsalita sa mga Banal, malinaw ang kanyang tinig.37
“Halos hindi namin maipahayag ang dahilan kung bakit kami pumunta rito,” sabi niya, “subalit sa palagay ko ay may sasabihin ang Panginoon sa atin.” Hindi siya nakapunta sa St. George sa loob ng labintatlong taon, at binanggit niya kung gaano siya kalugod na makita ang mga Banal sa bayan na inuuna ang kaharian ng Diyos kaysa paghahangad ng kayamanan. Hiniling Niya sa kanila na pakinggan ang tinig ng Espiritu at sundin ang Kanyang mga salita.
“Upang makapunta sa langit kailangan muna nating matutuhan na sundin ang mga batas ng langit,” sinabi niya sa kanila, “at lalapit tayo sa kaharian ng Diyos nang kasimbilis ng ating pagkatuto na sundin ang Kanyang mga batas.”38
Sa mensahe, tumigil nang hindi inaasahan si Pangulong Snow, at lubusang nanahimik ang silid. Nagniningning ang kanyang mga mata, at nagniningning ang kanyang mukha. Nang ibuka niya ang kanyang bibig, mas malakas ang kanyang tinig. Tila ang kaluwalhatian ng Diyos ay pinalibutan ang silid.39
Pagkatapos ay nagsalita siya tungkol sa ikapu. Karamihan sa mga Banal sa St. George ay mga nagbabayad ng buong ikapu, at kinilala ng propeta ang kanilang katapatan. Napansin din niya na ang mga maralita ang pinakabukas-palad na nagbabayad ng ikapu. Ngunit nalungkot siya na maraming iba pang mga Banal ang atubiling magbayad ng buong ikapu, kahit natapos na ang kamakailan lamang na krisis sa pananalapi at bumubuti na ang ekonomiya. Nais niyang mahigpit na sundin ng lahat ng Banal ang alituntunin. “Ito ay isang mahalagang paghahanda para sa Sion,” sabi niya.40
Kinabukasan ng hapon, muling nagsalita si Pangulong Snow sa tabernakulo. “Dumating na ang panahon,” ipinahayag niya sa kongregasyon, “upang lahat ng Banal sa mga Huling Araw, na hangad maghanda para sa hinaharap at matatag na tumayo sa wastong pundasyon, ay gawin ang kalooban ng Panginoon at magbayad ng kanyang buong ikapu. Iyan ang salita ng Panginoon sa inyo, at ito ang magiging salita ng Panginoon sa bawat pamayanan sa buong lupain ng Sion.”41
Sa kanyang paglalakbay pabalik sa Lunsod ng Salt Lake, humimpil si Pangulong Snow sa mga nayon at bayan na kanyang dinaanan upang patotohanan ang inihayag na kalooban ng Panginoon. “Tayo ay naturuan sa batas ng ikapu sa loob ng animnapu’t isang taon ngunit hindi pa rin natututong sundin ito,” sinabi niya sa mga Banal sa isang bayan. “Tayo ay nasa isang nakakatakot na kalagayan, at dahil dito ang Simbahan ay nasa pagkaalipin. Ang tanging kaginhawahan ay ang sundin ng mga Banal ang batas na ito.” Hinamon niya sila na lubos na sundin ang batas at ipinangako na pagpapalain sila ng Panginoon sa kanilang mga pagsisikap. Ipinahayag din niya na ang pagbabayad ng ikapu ay kailangan nang sundin ngayon upang makadalo sa templo.42
Nang dumating sa Lunsod ng Salt Lake, nagpatuloy siya sa panghihikayat sa mga Banal na magbayad ng ikapu, nangangako na patatawarin ng Panginoon ang kanilang nakaraang pagsuway sa batas, pababanalin ang kanilang lupain, at poprotektahan sila mula sa kapahamakan. Noong ika-2 ng Hulyo, nagsalita siya tungkol sa batas sa isang pulong kasama ang mga general authority, pangkalahatang opisyal ng Simbahan, stake presidency, at mga bishop sa Salt Lake Temple.43
“Pinatawad na tayo ng Panginoon sa kapabayaan natin sa pagbabayad ng ating ikapu noon, ngunit hindi na Niya tayo patatawarin pa,” pahayag niya. “Kung hindi natin susundin ang batas na ito, tayo ay ikakalat tulad ng mga Banal sa Jackson County.”
Bago magtapos ang pulong, tinawag ng propeta ang lahat upang tumayo, itaas ang kanilang kanang kamay, at mangakong tatanggapin at susundin ang batas ng ikapu bilang salita ng Panginoon. “Nais naming maging masigasig kayo sa pagsunod sa batas na ito,” sinabi niya sa mga Banal, “at tiyakin na ang salita ay ipararating sa lahat ng dako ng Simbahan.”44