Kasaysayan ng Simbahan
29 Gumagabi Na


Kabanata 29

Gumagabi Na

Bisikletang nakabalandra at isang lalaking tumatakbo palayo

Noong isang tahimik na gabi ng Nobyembre 1943, narinig ni Nellie Middleton na tumunog ang kanyang doorbell. Madilim sa labas, ngunit alam niyang hindi dapat sindihan ang ilaw kapag binuksan niya ang pinto. Halos tatlong taon na ang lumipas mula nang unang bumagsak ang mga bomba ng mga Aleman malapit sa kanyang tahanan sa Kalye St. Paul sa Cheltenham sa Inglatera, at patuloy na pinadilim ni Nellie ang kanyang mga bintana sa gabi upang manatili silang ligtas ng kanyang anak na babae na si Jennifer sa mga pagsalakay mula sa himpapawid.

Binuksan ni Nellie ang pinto habang nakapatay ang kanyang mga ilaw. Isang binatilyo ang nakatayo sa harapan ng kanyang pinto, ang kanyang mukha ay hindi maaninag. Iniabot nito ang kanyang kamay at tahimik na ipinakilala ang kanyang sarili bilang si Brother Ray Hermansen. Ang kanyang punto ay hindi maikakailang Amerikano.1

Parang may bumara sa lalamunan ni Nellie. Matapos mabuwag ang kanilang branch, siya at ang iba pang kababaihan sa Cheltenham ay bihirang nagkaroon ng pagkakataong tumanggap ng sakramento.2 Nagpadala kamakailan ang Estados Unidos ng mga kawal sa Inglatera, gayunman, upang maghanda para sa isang opensiba ng mga Allied laban sa mga Nazi ng Alemanya.3 Nang maisip ni Nellie na ang ilan sa mga sundalong Amerikano na nakadestino sa kanyang bayan ay maaaring mga Banal sa mga Huling Araw na puwedeng magbasbas ng sakramento, hiniling niya sa kanyang nakababatang kinakapatid na si Margaret, na magpinta ng larawan ng Salt Lake Temple at ilagay ito sa bayan. Sa ilalim ng larawan ay mayroong mensahe: “Kung interesado ang sinumang sundalo sa nasa itaas, siya ay malugod na tatanggapin sa 13 Kalye Saint Paul.”4

Nakita ba ng Amerikanong ito ang kanyang poster? May awtoridad ba siyang basbasan ang sakramento? Kinamayan siya ni Nellie at malugod siyang tinanggap sa loob.

Si Ray ay dalawampung taong gulang na sundalong Banal sa mga Huling Araw mula sa Utah at isang priest sa Aaronic Priesthood. Bagama’t sampung milya ang layo ng kanyang destino, narinig niya ang tungkol sa Salt Lake Temple na ipininta ng isa pang miyembro ng Simbahan at nagpaalam sa kanyang mga komandante upang bisitahin ang address. Naglakad siya papunta sa bahay ni Nellie, na siyang dahilan kung bakit madilim na nang siya ay makarating. Nang sinabi sa kanya ni Nellie ang tungkol sa hangarin nitong makatanggap ng sakramento, tinanong niya ito kung kailan siya maaaring bumalik upang maisagawa ang ordenansa para rito.

Noong ika-21 ng Nobyembre, si Nellie, ang kanyang anak na babae, at tatlo pang kababaihan ay malugod na tinanggap si Ray sa kanilang pulong sa araw ng Linggo. Binuksan ni Nellie ang pulong sa pamamagitan ng panalangin bago inawit ng grupo ang “Dakilang Karunungan at Pag-ibig.” Pagkatapos ay binasbasan at ipinasa ni Ray ang sakramento, at lahat ng apat na babae ay nagpatotoo tungkol sa ebanghelyo.5

Hindi nagtagal, narinig ng iba pang mga sundalong Banal sa mga Huling Araw ang tungkol sa mga pulong sa Kalye St. Paul. May mga Linggo na puno ng tao ang sala ni Nellie kaya kailangang umupo ang mga tao sa hagdanan. Dahil nanatiling bukas ang komunikasyon sa pagitan ng mga bansang Allied, ang mga Banal sa Cheltenham ay nagagawa pa ring makipag-ugnayan sa punong-tanggapan ng Simbahan sa Utah. At patuloy pa ring inilalathala ng British Mission ang Millennial Star sa panahon ng digmaan, na nagbibigay sa mga Banal ng mga materyal ng lesson at mga artikulo na matatalakay sa kanilang mga pulong.

Isa sa pinakamahahalagang balita sa Millennial Star sa panahong ito ay ang pagtalaga kina Spencer W. Kimball at Ezra Taft Benson sa Korum ng Labindalawang Apostol. Ang dalawang lalaki ay kapwa mga stake president sa labas ng Utah nang hinirang sila ni Pangulong Grant bilang mga apostol, at kapwa may ugnayan sa British Mission. Si Heber C. Kimball, ang lolo ni Elder Kimball ang nagbukas sa missioon noong 1837. Samantala, si Elder Benson ay naglingkod sa mission na iyon noong mga unang taon ng dekada ng 1920.6

Sa mga pulong kasama ang mga sundalo, nadarama ni Nellie kung gaano sila nangungulila sa kanilang mga pamilya. Dahil binabantayan ng militar ang papalabas na koreo, madalas ay walang ideya ang mga mahal sa buhay kung saan nakadestino ang kanilang mga sundalo. Sinimulan ni Nellie ang pagsulat ng mga liham sa mga pamilya ng mga sundalo, inilalarawan kung gaano kasaya na dumalaw ang kanilang kapatid na lalaki, asawa, o kasintahan sa kanyang tahanan. Isinama niya ang kanyang address sa sobre bilang palatandaan kung saan matatagpuan ang mga sundalo.7

Sa isang liham sa asawa ng isang sundalo, isinulat ni Nellie, “Batid ko kung gaano ka nangungulila sa iyong asawa at kung gaano ka naghahanap at naghahangad ng balita. Ngunit nais kong sabihin sa iyo, maipagmamalaki mo kung maririnig mo siyang magsalita tungkol sa iyo at sa Simbahan.”

“Naniniwala ako na basta’t ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya,” isinulat ni Nellie, “patuloy tayong pagpapalain ng Panginoon. Napakarami na nating natanggap na Kanyang pangangalaga at proteksyon, at maging sa lahat ng kalungkutan at pagkawasak na ito, lubos tayong nagpapasalamat para sa lahat ng pagpapala sa atin.”8


Sa panahong ito, binisita ng tatlumpung taong gulang na si Mary dos Santos ang sakahan ng kanyang tiya Sally malapit sa bayan ng Santa Bárbara d‘Oeste sa estado ng São Paulo, Brazil. Nakausap ni Sally ang mga misyonero na Banal sa mga Huling Araw mula sa Estados Unidos, at iminungkahi niya na makipagkita rin sa kanila si Mary. Hindi gaanong relihiyoso si Mary, at hindi siya interesado sa bagong simbahan. Ngunit pumayag siyang hayaan ang mga binatang bumisita sa kanya at ang kanyang asawang si Claudio, basta’t mangangako sila na hindi magsasalita tungkol sa relihiyon.

Kalaunan, nang bisitahin ng mga misyonero ang bahay ni Mary sa lunsod ng São Paulo, natanto nila ni Claudio na ang mga ito ay kapwa kawili-wili at nakatutuwa. Nanatili sila sa loob ng apat na oras at nagsalita lamang tungkol sa Simbahan upang banggitin ang isang klase sa Ingles na itinuturo nila tuwing Huwebas. Isinilang sa Estados Unidos ang lolo ni Mary at nandayuhan sa Brazil matapos ang Digmaang Sibil sa Amerika, kung kaya lumaki si Mary na nagsasalita ng wikang Ingles sa tahanan. Ngunit si Claudio, isang Brazilian na matatas sa wikang Portuges na kakaunting Ingles lamang ang alam, ay interesado sa klase. Naisip niya na ang pag-aaral ng mas maraming salitang Ingles ay maaaring makatulong sa kanya na umunlad sa kanyang propesyon.

Bago dumalo si Claudio sa kanyang unang klase, nagbabala sa kanya si Mary na mag-ingat. “Pumunta sa klase para matuto ng Ingles, wala nang iba pa,” sabi nito. “Huwag mong bigyang-pansin ang anumang mangyayari bago o pagkatapos!”

Hindi sinunod ni Claudio ang payo nito. Pagkatapos ng klase, nanatili siya para sa isang aktibidad kung saan ang mga lokal na miyembro ng Simbahan at kanilang mga kaibigan ay nagsasadula at nagkakasiyahan sa musika. Gustung-gusto ni Claudio ang anumang may kaugnayan sa musika, ngunit lalo siyang napalapit sa mabuting diwa ng pulong at ng mga tao.

Nang makauwi na siya, nais pang malaman ni Mary ang tungkol sa klase. “Kumusta?” tanong niya.

“Ang galing!” sabi niya. Ikinuwento niya rito ang tungkol sa aktibidad. Inaasam na niyang bumalik doon.

Hindi nagustuhan ni Mary na nanatili ito pagkatapos ng klase, ngunit sinuportahan niya ito sa pagpunta roon linggu-linggo. Isang araw ay nahikayat siya nito na sumama, at nasiyahan rin siya sa mga aktibidad. Hindi nagtagal, kapwa sila naging interesado sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.9

Kasisimula pa lamang ng Simbahan sa Brazil noong panahong iyon. Sa rekomendasyon ng South American Mission president na si Reinhold Stoof, ang Brazilian Mission ay inorganisa bilang mission sa wikang Aleman noong 1935. Gayunman, makalipas ang tatlong taon, ipinatupad ng pangulo ng Brazil ang mga batas upang pahinain ang impluwensya ng mga banyagang pamahalaan at hikayatin ang pambansang pagkakaisa. Isa sa mga batas na ito ang nagbabawal sa paggamit ng anumang wika maliban sa Portuges, ang opisyal na wika ng bansa, sa mga pampublikong pulong, kabilang na ang mga misa sa simbahan.10

Bagama’t ang mga Banal ay tumanggap ng pahintulot mula sa pulis na magdaos ng ilang pulong sa wikang Aleman, sinimulang ituon ng mga misyonero ang kanilang pansin sa mga taga-Brazil na gumagamit ng wikang Portuges, kung saan marami sa kanila ay pawang sabik na makipagkita sa kanila. At noong 1940, naglathala ang Simbahan ng edisyon ng Aklat ni Mormon sa wikang Portuges.11

Samantala, ang mga restriksyon sa wika ay patuloy na nagpalungkot nga mga Banal sa Brazil na gumagamit ng wikang Aleman. Tumindi pang lalo ang kalungkutang ito noong tag-init ng 1942, nang salakayin ng mga submarine ng Alemanya ang mga barkong Brazilian. Ang Brazil ay nagdeklara ng digmaan laban sa Alemanya, at dahil dito, biglang nahinto ang gawaing misyonero sa wikang Aleman.12 Bagama’t ang ilang miyembrong nagsasalita ng wikang Aleman ay tumalikod sa Simbahan at sa pamunuan nito na karamihang binubuo ng mga Amerikano, marami ang nanatiling tapat na mga Banal sa mga Huling Araw.13

Sa São Paulo Branch, kung saan magkasamang dumadalo sina Mary at Claudio sa mga pulong at aktibidad, may maliit na bilang ng mga Banal na matatas sa wikang Portuges at Aleman ang sama-samang sumasamba.14 Ngunit mayroong problema sa pamunuan. Karaniwang pinamumunuan ng mga misyonero ang mga branch sa Brazil, at ngayon ay mas kakaunti na ang mga misyonero dahil sa digmaan. Ipinagbawal din ng pamahalaang Brazilan ang pagpasok sa bansa ng mga bagong banyagang misyonero. Nang dumating ang mission president na si William Seegmiller noong 1942, mahigit animnapung elder na taga-Hilagang Amerika ang naglilingkod sa Brazil. Ngayon, sa unang bahagi ng 1944, ang mga huling natitirang misyonero ay nakatakdang lumipad pauwi, at lubhang kakaunti lamang ang mga mayhawak ng priesthood na nagsasalita ng wikang Portuges sa Brazil na magagawang punuin ang mga bakanteng katungkulan sa pamumuno.15

Natigil ang mga klase sa wikang Ingles ni Claudio nang bumalik ang mga misyonero sa Estados Unidos. Ngunit hindi nagtagal mula nang matapos ang mga klase, sila ni Mary ay dinalaw ng asawa ni Pangulong Seegmiller na si Ada. Matapos mag-usap sandali, sinabi nito, “Alam mo, ang mga misyonero na iyon, magiging napakasaya nila kung nabinyagan ka.”

Hindi sumang-ayon ang mag-asawa na magpabinyag nang gabing iyon, ngunit nagpasiya silang magsimulang dumalo sa mga pulong tuwing Linggo. Lumaki ang kanilang interes sa ebanghelyo hanggang, matapos ang bagong taon, nagpasiya silang sumapi sa Simbahan. Noong ika-16 ng Enero 1944, sina Mary at Claudio ay bininyagan ng anak ng mga Seegmiller na si Wan ilang araw lamang bago nito nilisan ang bansa upang maglingkod sa militar ng Estados Unidos.16


Ilang linggo matapos ang bagong taon, nalaman ni Helga Meiszus Birth ang tungkol sa pagkamatay ng pinsan niyang si Kurt Brahtz, isang kawal sa hukbong Aleman na kamakailan lamang ay nasugatan sa Unyong Sobyet. Habang lumalaki, siya at si Kurt ay parang tunay na magkapatid ang turingan, at nanangis siya habang iniisip niya ito at ang kanyang yumaong asawang si Gerhard, isa pang bata pang biktima ng digmaan. Ilang sandali siyang hindi maalo. Pagkatapos ay pinilit niya ang sarili na tumigil. “Umiiyak ako para sa aking sarili,” sinabi niya.17

Hindi nagtagal, habang dumadalo sa isang kumperensya ng distrito malapit sa kanyang tahanan, nakipagkita si Helga kay Paul Langheinrich, ang pangalawang tagapayo sa mission presidency. Habang nag-uusap sila, itinanong ni Paul, “Sister Birth, paano kaya kung magmisyon ka?” Pinagnilayan ni Helga ang tanong. Dahil karamihan sa mga binata ay nasa digmaan, lubhang kailangang-kailangan ang mga babaeng misyonero. Gayunman, ang pagmimisyon sa panahon ng digmaan ay hindi magiging madali, at kailangan niyang humingi ng espesyal na pahintulot upang makalipat sa Berlin. Gayunpaman, nais niyang tumulong sa gawain ng Panginoon, kaya sinabi niya kay Paul na handa siyang maglingkod.

Lumipas ang mga buwan, at walang dumating na mission call. Noong panahong iyon, tumindi ang pag-alala niya sa kanyang nakababatang kapatid na si Siegfried, na pinasali sa hukbo. Nakatitiyak siyang may nangyari dito. Nang sa wakas ay nakatanggap siya ng liham mula sa dito, nasa isang ospital ng hukbo sa Romania si Siegfried. Isang bomba ang puminsala sa kanyang katawan, na lumuray sa kanyang tuhod at balakang. “Helga,” isinulat niya, “tapos na ang digmaan para sa akin.” Pumanaw siya makalipas ang ilang araw.18

Nagdaos ng isang burol ang branch para kay Siegfried nang sumunod na buwan. Ang tiya ni Helga na si Nita mula sa Hamburg ay nagpunta sa Tilsit para sa burol, at nakasama sina Helga, kanyang lolo’t lola, at ang kanyang tiya Lusche. Habang magkasama nilang nililisan ang memoryal, hinawakan ni Lusche ang braso ni Helga at sinabing, “Doon ka na lang kaya lumagi sa bahay ko?”

“Hindi maaari,” sabi ni Helga. Nangako na siya kay Nita at sa kanyang lolo’t lola na magpapalipas siya ng gabing iyon kasama nila.

“Sumama ka na sa akin sa pag-uwi,” pakiusap ni Lusche. “Napakaraming sopas na may gisantes ang niluto ko!”

Parang may nagtutulak kay Helga na sumama kay Lusche. “OK,” sabi niya.

Nang gabing iyon, matapos mahiga sa kama sa bahay ni Lusche, nakita ni Helga ang isang napakalakas na kislap ng liwanag. Alam niya kaagad na ito ay isang apoy mula sa isang eroplanong pandigma ng mga Allied, na sinisinagan ang isang target. Siya at si Lusche ay mabilis na bumaba sa pintungang silong habang tumutunog sa labas ang mga sirena ng pagsalakay ng mga eroplano.19

Hindi bago kay Helga ang mga pagsalakay. Noong nakaraang taon, ang mga piraso ng sumabog na bomba ng kaaway ay tumama sa kanya sa ulo at tiyan. Namanhid na ang buong katawan niya, at naniwalang mamamatay na siya. “Makikita ko na si Gerhard,” naisip niya.20

Ngayon, habang nayayanig ang mga pader sa puwersa ng maraming pagsabog, hindi inakala ni Helga na makakalabas siya nang buhay mula sa pintungang silong. Magkasamang nagsiksikan, siya at ang kanyang tiya ay umawit ng himno na kung minsan ay binabalingan niya kapag nakadarama siya ng takot:

Panginoon, … manatili;

Masdan, gumagabi.

Sa wakas, wala nang ugong at tahimik ang bahay. Kinaumagahan, isang lalaking nakilala ni Helga sa trabaho ang kumatok sa pintuan ni Lusche. “Bilisan ninyo! Bilisan ninyo! Bilis!” paghimok niya.21

Sinundan ni Helga ang lalaki papunta sa kalye kung saan nakatira ang kanyang lolo’t lola. Ang gusali ng kanilang apartment ay ganap na nawasak ng mga bombang Allied. Puno ng sindak, minasdan ni Helga ang mga boluntaryo na naghahanap ng mga nakaligtas sa gitna ng mga guho. Sa di-kalayuan ang mga labi ng mga patay na natatakpan ng mga kumot. Hinanap sila ni Helga sa mga labi, ngunit wala roon ang kanyang lolo’t lola at tiya.

Patuloy na naghahanap ang mga manggagawa sa mga labi ng gusali. Pagkaraan ng ilang linggo, natagpuan nila ang mga nawawalang bangkay.22

Hindi maunawaan ni Helga kung bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ang gayong bagay. Ang kanyang lola ay naging matapat na miyembro ng Simbahan, at ang patotoo nito ay nagpalakas sa patotoo ni Helga. “Talaga bang kailangan nilang mamatay sa ganitong paraan?” inisip niya.

Pagkatapos, isang gabi, napanaginipan niya ang kanyang lolo’t lola at tiya. Sa panaginip, naunawaan niya na ang kanilang pagpanaw ay agad na dumating, nang walang pagdurusa. Nakadama rin si Helga ng kapanatagang malaman na magkakasama silang namatay.

Hindi nagtagal pagkaraan niyon, tumanggap siya ng tawag na maglingkod sa tanggapan ng mission sa Berlin. Masaya siyang lisanin ang Tilsit. Hindi niya naisip na baka hindi na niya ito makikitang muli.23


Hindi nagtagal pagkatapos mabinyagan sina Claudio at Mary dos Santos sa São Paulo, Brazil, tinanong ng mission president na si William Seegmiller si Claudio kung nais nitong maging elder. Nagulat si Claudio, pero sumagot siya ng, “opo.” Dahil ilang buwan pa lang siyang nakapagsisimba, hindi niya talaga tiyak kung ano ang ibig sabihin ng pagiging elder. Alam niya na lahat ng misyonero ay tinatawag na “Elder,” at sila ay kahanga-hangang mga binata na naglaan ng kanilang buhay sa Diyos. Kung iyon ang ibig sabihin ng pagiging elder, iyon ang gusto niyang kahinatnan.24

Nang sumunod na Linggo ng umaga, bago sumapit ang oras ng Sunday School, inordena ni President Seegmiller si Claudio sa katungkulan ng elder sa Melchizedek Priesthood. Nang matapos siya, sabi niya, “Ngayo’y maghahanda na tayo ng sakramento at mag-aayos para sa Sunday School.”

Medyo nagulumihanan si Claudio. Mabilis ang takbo ng mga pangyayari, at hindi niya lubos na alam ang ginagawa niya. Pero sinunod niya ang mga tagubilin ng pangulo at isinagawa ang kanyang unang responsibilidad sa priesthood.

Noong gabing iyon, sa sacrament meeting ng branch, muling hiningi ni President Seegmiller ang tulong ni Claudio, sa pagkakataong ito para magsalin para sa kanya habang nagsasalita siya sa mga Banal sa Ingles. Nag-aaral pa rin ng Ingles si Claudio at hindi pa nakapagsalin noon, pero pumayag siyang subukan iyon.25

Sa simula ng pulong, hiniling ni President Seegmiller sa mga Banal na sang-ayunan ang ordinasyon ni Claudio. Sa gulat ni Claudio, malinaw niyang naunawaan si President Seegmiller, at madali niyang naiparating ang mga salita sa wikang Portuguese.

Pagkatapos ay sinabi ni President Seegmiller sa kongregasyon na, isang taon na ang nakalipas, sumulat siya sa Unang Panguluhan. Nakasaad dito ang kanyang takot na ang Simbahan sa Brazil ay hindi walang sapat na bilang ng mga lalaking matatas sa wikang Portuges na maaring iordena sa priesthood at suportahan ang mga branch. Ngayon ay nahihiya siya na isinulat niya ang liham.

“Inordenan natin ngayon si Brother Claudio bilang elder,” sabi niya. “Sasang-ayunan ba ninyo siya bilang unang Brazilian na branch president ng São Paulo?”

Nagulat si Claudio habang isinasalin niya ang mga salita. Naisip niya ang kawalan niya ng karanasan. “Ano ang alam ko?” naisip niya. Alam niya ang kuwento tungkol kay Joseph Smith, pero hindi pa niya nabasa ang Aklat ni Mormon kahit kailan. Ang tanging maihahandog niya ay ang kasigasigan para sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Marahil ay iyon lamang ang kailangan sa kanya ng Panginoon.

Tumingin siya sa kongregasyon at nakitang nagtaas sila ng kamay para suportahan siya sa kanyang tungkulin. Nakadama siya ng karangalan. Siguro nga ay wala siyang gaanong alam, pero handa siyang tumulong.26

Agad na nagsimula ang mga responsibilidad ni Claudio. Namahala siya sa mga pulong tuwing Linggo at nagbasbas ng sakramento. Tinuruan na ng isang misyonero si Claudio na magbasa ng musika, at hindi nagtagal ay nakabuo siya ng isang koleksyon ng mga dalawampung himno sa organo para masaliwan niya ang mga Banal sa São Paulo. Noong una, iisa lang ang tagapayo niya na tumutulong sa kanya, pero ginawa ng dalawang lalaki ang lahat ng makakaya nila para magampanan ang gawain at mga responsibilidad sa pamilya habang naglilingkod sila sa mga Banal na nakakalat sa napakalaking lunsod.

Sa kabila ng kanyang kawalan ng karanasan, nagtiwala si Claudio na may layunin ang Diyos sa pagtawag sa kanya na mamuno sa branch. “Kung ito ang totoong Simbahan, kung may isang Diyos na namamahala, kailangan Niyang pumili ng isang tao,” sabi niya sa sarili niya. “Kailangan niyang pumili ng isang taong masigasig na maaaring tumanggap ng awtoridad at gawin ang gawain.”27


Sa kabilang panig ng Atlantiko, si Nellie Middleton at ang kanyang anak na si Jennifer ay nagdaraos pa rin ng mga sacrament meeting kasama ang mga sundalo at mga lokal na Banal sa Cheltenham, England. Ang digmaan ay naging bahagi na ng buhay ni Jennifer sa loob ng halos limang taon—halos kasinghaba ng kaya niyang maalala. Ngayon, sa edad na sampung taong gulang, sanay na siya sa rasyon ng pagkain, mga sirena ng pagsalakay sa himpapawid, at ang kanyang gas mask, na dala-dala niya saanman siya magpunta na nakalagay sa isang espesyal na lalagyan na ginawa ng kanyang ina.28

Sanay na rin siya na siya lamang ang nag-iisang bata sa mga pulong ng Simbahan. Mahal niya ang matatandang Banal sa mga Huling Araw sa Cheltenham at kinaibigan ang marami sa mga kawal na pumapasok sa kanyang tahanan upang sumamba. Ngunit nanabik siyang lubos na makabilang nila—na mabinyagan bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Nais ni Jennifer na mabinyagan sa sandaling nasa hustong gulang na siya, ngunit wala nang bautismuhan sa Cheltenham, at sa nangyayaring digmaan, sila ng kanyang ina ay hindi nagkaroon ng pagkakataong maglakbay papunta sa ibang lunsod. Noong tag-init ng 1944, gayunman, si Hugh B. Brown, na namuno sa British Mission hanggang sa mapilitan siyang umalis dahil sa digmaan, ay tinawag na bumalik sa Inglatera upang pangasiwaan ang mga lokal na misyonero, miyembro, at pitumpu’t walong branch sa buong bansa. Nang dumating siya upang makilala ang kababaihan sa Cheltenham, tinipon niya ang kanilang ikapu, na iningatan ni Nellie sa isang maliit na kahong yari sa lata.29

Hangang-hanga si Jennifer sa matangkad na mission president na nakatayo sa kanyang sala. Yumuko ito at nakipagkamay sa kanya.

“President,” sabi ni Nellie, “Hindi ko po alam kung ano ang gagawin sa batang ito. Nais niyang magpabinyag, at hindi kami makapaglakbay.”30

Sinabi ni Pangulong Brown na maaari niyang gawan ng paraan na makasakay sila ng tren ng militar papunta sa lunsod ng Birmingham, humigit-kumulang na walumpung kilometro sa hilaga. Doon ay makakagamit sila ng bautismuhan.

Hiniling ni Jennifer kay Arthur Fletcher, isang matandang lalaki na nakatira sa isang kalapit na branch, na ito ang magbinyag sa kanya at si Harold Watkins, isang sundalong Amerikano na kanyang kilala, na kumpirmahin siya.31 Ang binyag ay itinakda sa ika-11 ng Agosto 1944. Lahat sila ay magkakasamang maglalakbay patungong Birmingham.

Pagdating ng araw na iyon, tumayo si Jennifer sa istasyon ng tren suot ang isang bago at luntiang berdeng damit panlakbay na tinahi ng kanyang ina para sa okasyon. Dahil kamakailan lamang ay hiniling ng Simbahan sa mga tao na magsuot ng puti para sa mga pagbibinyag, nanahi rin si Nellie ng isa pang damit para sa ordenansa, na tinahi mula sa isang maganda, ngunit lumang piraso ng burdadong puting cotton na tela.32

Bumuga ang tren ng mga ulap ng usok habang papunta sa istasyon. Pinasakay na sila ng namamahala sa istasyon, ngunit hindi pa nakararating si Harold Watkins. Nakipagsiksikan si Jennifer pasakay ng tren na punung-puno ng mga sundalo, habang hinahanap sa gitna ng napakaraming tao ang kanyang kaibigan. Ayaw niyang umalis nang wala ito.

Bigla na lang na isang kawal na nagbibisikleta ang nagmamadaling dumating sa istasyon. Isinuksok nito ang kanyang sumbrero sa isang bulsa at ang kurbata nito sa kabilang bulsa. Si Harold! Inihagis niya ang bisikleta at tumalon sa tren nang magsimula itong umandar. Masayang humiyaw si Jennifer.

Hinahabol ang hininga, isinalaysay sa kanila ni Harold ang kuwento nito. Noong umagang iyon, iniutos ng opisyal ng kampo sa lahat ng kawal na manatili sila sa kanilang kuwartel. Ngunit nangako si Harold na siya ang magkukumpirma kay Jennifer, at alam niyang kailangan niyang umalis—anuman ang panganib. Nang malapit na sa oras, tumakas siya mula sa kampo, nakakita ng isang lumang bisikleta na nakasandal sa isang pader, at nagbisikleta ng sampung kilometro papunta sa istasyon ng tren nang buong bilis hangga’t kaya niya.

Ligtas na nakarating sa Birmingham si Jennifer at ang iba pa sa grupo. Dalawang dalagita mula sa lugar ang dumating sa binyag upang suportahan si Jennifer. Nagsalita ang isa sa kanila sa kung paanong ang isang taong binibinyagan ay tila barko na sa wakas ay naglalayag na sa paglalakbay ng buhay. Nagpapasalamat sa pagkakataong tawagin ang kanyang sarili na miyembro ng Simbahan, handa na si Jennifer na simulan ang sarili niyang paglalakbay.33


Noong tag-init na iyon sa Lunsod ng Salt Lake, ang labimpitong taong gulang na si Neal Maxwell ay pumasok sa isang tanggapan ng pagpapalista sa hukbo ng Estados Unidos at nagboluntaryo na makipaglaban sa digmaan. Matagal na niyang hinihintay ang kanyang pagkakataong makipaglaban mula nang magsimula ang digmaan. Bagama’t bata pa siya upang maging kuwalipikadong sumama sa hukbo, ayaw na niyang maghintay pa.34

Napakaraming nangyayari. Noong ika-6 ng Hunyo 1944, mahigit 160,000 pwersang Allied ang sumugod sa mga dalampasigan ng hilagang Pransya na kalaunang nakilala bilang “D-Day.” Matapos ang matinding digmaang iyon laban sa depensa ng mga Nazi, nagtamo ng matibay na posisyon ang pwersang Allied sa kontinenteng Europa at nagsimulang sumugod patungong Alemanya. Umasa si Neal na ang pagsalakay ay nangangahulugan na nakalalamang na ang pwersang Allied. Nais niyang maging bahagi ng pagtatapos ng digmaan sa lalong madaling panahon.35

Nagreport si Neal para sa kanyang tungkulin noong Setyembre. Nahirapang maunawaan ng kanyang mga magulang na sina Clarence at Emma kung bakit nais niyang sumama sa digmaan. Nadagdagan ang kanilang pagkabalisa nang malaman nila na siya ay nasa hukbong malapit sa mga kalaban.36 Ang kanyang destino ay malamang na maglagay sa kanya sa harapan ng labanan.

Dumating si Neal para sa pangunahing pagsasanay na tangan ang isang aklat na tinatawag na Mga Alituntunin ng Ebanghelyo [Principles of the Gospel] na nakapaloob sa kanyang mga gamit. Ang aklat, na partikular na inihanda ng mga lider ng Simbahan para sa mga sundalong Banal sa mga Huling Araw, ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa doktrina ng Simbahan, mga tagubilin para sa pangangasiwa ng mga ordenansa ng priesthood, isang listahan ng mga himno, at pangkalahatang payo para sa paglilingkod sa militar. “Dalangin namin na bigyan kayo ng Panginoon ng tapang at tibay ng loob na gawin ang inyong tungkulin nang lubusan,” isinulat ng Unang Panguluhan sa pambungad, “at marangal na kumilos saanman kayo italaga.”37

Nang magsimula ang pagsasanay, natanto ni Neal na marami pa siyang dapat matututuhan. Ang iba pang mga bagong kasapi ay tila mas matanda at mas maraming karanasan kaysa sa kanya. Noong lumalaki na siya, madalas siyang mahiya dahil sa kanyang hitsura. Masyado siyang maliit para maglaro sa koponan ng basketball ng kanyang mataas na paaralan, kaya ibinaling niya ang pansin sa pag-aalaga ng mga baboy sa samahang agrikultural. Nag-iwan ng maraming peklat sa mukha ang malalang taghiyawat, na siyang dumagdag sa kanyang pagkamahiyain. Gayunman, nagkaroon siya ng tiwala sa sarili, bilang kasamang patnugot ng pahayagan sa paaralan.38

Madalas sumulat si Neal sa kanyang pamilya tuwing oras ng pagsasanay, ang kanyang mga liham na puno ng tapang ng kabataan. Mula noong pag-atake sa Pearl Harbor, ang mga tagagawa ng pelikula sa Hollywood ay sumuporta sa militar ng Estados Unidos sa pamamagitan ng paggawa ng mga pelikulang puno ng bakbakan na ipinapakita ang magandang hangarin ng digmaan at ang mga kalalakihang Amerikano na lumalaban dito. Naniwala si Neal na hinuhubog siya ng hukbo na maging isang matibay at matatag na kawal. Sumulat siya sa kanyang pamilya tungkol sa pagbaril gamit ang mga riple at paglalakad sa matatarik na lugar nang tatlumpung kilometro sa bawat pagkakataon. “Ang aming mga sarhento ay mga beterano sa ibayong dagat, at hindi sila nagdadalawang-isip na pahirapan kami,” ipinaalam niya sa kanyang mga magulang. Nang matapos ang pagsasanay, sinabi niya sa kanila, “Magiging tunay na lalaki ako.”39

Gayunman, kung minsan, nagugulat siya sa pag-uugali ng ilan sa mga kawal na nakapaligid sa kanya, at nagpahayag siya ng bagong pasasalamat sa paglaki sa isang tahanang mapagpakumbaba at nakasentro sa ebanghelyo. “Langit ang ating tahanan,” isinulat ni Neal sa kanyang ina. “Ngayo’y natanto ko kung gaano kahusay at kagaling kayo at ni Itay.”40

Natapos ang pagsasanay ni Neal noong Enero 1945, at inatasan siyang makipaglaban sa mga Hapones sa masidhing Labanan sa Pasipiko. Ilang araw bago siya umalis, nakipag-usap siya sa kanyang ina sa telepono. Sinabi nito sa kanya na may kilala siyang opisyal na maaaring makahanap ng paraan upang magampanan niya ang kanyang tungkulin sa militar nang hindi niya kinkailangang makipaglaban.

“Siguro,” sabi niya, “hindi mo kailangang pumunta sa ibayong dagat.”

“Inay,” tugon ni Neal. “Gusto ko pong sumama.” Batid niyang mahirap para rito na magpaalam, ngunit may tungkulin siyang dapat gampanan.41

  1. Mason, Oral History Interview, 10–11, 14–15; Hermansen, Oral History Interview, 46; Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 60.

  2. Mason, Oral History Interview, 12–13; Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 59–60.

  3. Donnelly, Britain in the Second World War, 103; Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 60.

  4. Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 60; Mason, Oral History Interview, 11–12.

  5. Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 60; Mason, Oral History Interview, 11–12; Nellie Middleton to Carol C. Seal, Mar. 26, 1945, Nellie Middleton and Jennifer M. Mason Papers, CHL; Ray Jay Hermansen entry, Stratford Ward, Grant Stake, sa Stratford Ward, bahagi 1, segment 1, Record of Members Collection, CHL; Cheltenham Branch, Minutes, Nov. 20, 1943.

  6. Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 60; “Apostle Vacancies Filled,” Millennial Star, Okt. 1943, 105:506; Kimball at Kimball, Spencer W. Kimball, 187–205; Mga Banal, tomo 1, kabanata 24; Dew, Ezra Taft Benson, 49–65, 49–65, 171–82. Mga Paksa: Korum ng Labindalawa; Mga Peryodiko ng Simbahan

  7. Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 60; Mason, Oral History Interview, 11–12, 24–25.

  8. Nellie Middleton to Carol C. Seal, Mar. 26, 1945, Nellie Middleton and Jennifer M. Mason Papers, CHL.

  9. Santos, Memories of Claudio M. dos Santos, [1]; Woodworth, “Claudio Martins dos Santos,” 1–2; Santos, Interview, 1.

  10. Humphreys, Latin America and the Second World War, 62–63; Grover, “Sprechen Sie Portugiesisch?,” 133–37; Grover, “Mormon Church and German Immigrants in Southern Brazil,” 302–3; J. Alden Bowers to First Presidency, Dec. 19, 1938; July 23, 1941, First Presidency Mission Files, CHL. Paksa: Brazil

  11. J. Alden Bowers to First Presidency, Jan. 23, 1939; July 23, 1941, First Presidency Mission Files, CHL; Grover, “Sprechen Sie Portugiesisch?,” 135–37; William W. Seegmiller, Annual Report of the President, Brazilian Mission, 1942, Presiding Bishopric Financial, Statistical, and Historical Reports, CHL.

  12. Mission President’s Annual Report, 1940, First Presidency Mission Files, CHL; Humphreys, Latin America and the Second World War, 59–68; Lochery, Fortunes of War, 165–79; J. Alden Bowers to First Presidency, Feb. 25, 1942, First Presidency Mission Files, CHL; Brazilian Mission, Annual Report, 1942, Presiding Bishopric Financial, Statistical, and Historical Reports, CHL.

  13. Sorensen, Oral History Interview, 12; Sorensen, “Personal History,” 80; Brazil São Paulo North Mission, Manuscript History, volume 1, part 2, Porto Alegre District, Aug. 19, 1942; Howells, Oral History Interview, 37; Grover, “Mormonism in Brazil,” 61.

  14. Woodworth, “Claudio Martins dos Santos,” 3.

  15. Grover, “Mormonism in Brazil,” 62; Brazil São Paulo North Mission, Manuscript History, volume 1, part 1, Rio de Janeiro District, July 7, 1941; William W. Seegmiller to Sailor and Bonnie Seegmiller, Jan. 12, 194[3], William Seegmiller Correspondence, CHL; William W. Seegmiller to First Presidency, Jan. 28, 1944, Brazilian Mission Correspondence, CHL.

  16. Woodworth, “Claudio Martins dos Santos,” 1–2; Santos, Interview, 2; Santos, Memories of Claudio M. dos Santos, [2]; Claudio Martins dos Santos, Baptism Certificate, Jan. 16, 1944; Mary José Daniel Martins, Baptism Certificate, Jan. 16, 1944, São Paulo District, Brazilian Mission, Claudio and Mary dos Santos Baptismal Certificates, CHL; William W. Seegmiller to First Presidency, Jan. 28, 1944, Brazilian Mission Correspondence, CHL.

  17. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 95–96, 100.

  18. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 97–100.

  19. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 101–2; Meyer, Interview [2016], 20.

  20. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 92–93.

  21. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 16, 102; “Manatili sa ’King Tabi,” Mga Himno, blg. 96; Meyer, Interview [2016], 20–22.

  22. Meyer, Interview [2016], 22–23; Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 102.

  23. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 44, 103–4, 105.

  24. Santos, Memories of Claudio M. dos Santos, [2]; Woodworth, “Claudio Martins dos Santos,” 2; Santos, Interview, 2.

  25. Woodworth, “Claudio Martins dos Santos,” 2; Santos, Memories of Claudio M. dos Santos, [2]; Santos, Interview, 2; Claudio Martins dos Santos, Ordination Certificate, Jan. 30, 1944, São Paulo District, Brazilian Mission, Claudio and Mary dos Santos Baptismal Certificates, CHL.

  26. Woodworth, “Claudio Martins dos Santos,” 2; Santos, Memories of Claudio M. dos Santos, [2]–[3]; Santos, Interview, 2, 5; William W. Seegmiller to First Presidency, Jan. 11, 194[3], Brazilian Mission Correspondence, CHL.

  27. Santos, Memories of Claudio M. dos Santos, [3]–[4]; Woodworth, “Claudio Martins dos Santos,” 2–3; Santos, Interview, 2–3, 5.

  28. Mary Jennifer Middleton entry, Cheltenham Branch, Bristol Conference, sa England (Country), bahagi 12, Record of Members Collection, CHL; Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 59–60; Mason, Oral History Interview, 31, 33.

  29. Mason, Oral History Interview, 33–35, 41, 43, 46, 54; Andre K. Anastasion Sr., “Survival of the British Mission during World War II,” Improvement Era, Abr. 1969, 72:63; Brown, Abundant Life, 101–2.

  30. Mason, Oral History Interview, 35–36; Campbell at Poll, Hugh B. Brown, 120–40, 164–76, 235.

  31. Mason, Oral History Interview, 36–37; Jennifer Middleton Mason to Dallin Morrow, Email, June 28, 2017, Nellie Middleton and Jennifer M. Mason Papers, CHL.

  32. Missionary’s Hand Book, 134.

  33. Mason, Oral History Interview, 33, 36–37; Jennifer Middleton Mason to Dallin Morrow, Email, June 28, 2017, Nellie Middleton and Jennifer M. Mason Papers, CHL.

  34. Maxwell, Personal History, box 1, folder 2, 7; Maxwell, Oral History Interview [1976–77], 112, 114; Maxwell, Oral History Interview [1999–2000], 27; Hafen, Disciple’s Life, 96–97.

  35. Weinberg, World at Arms, 676–702; Overy, Third Reich, 328–29; Maxwell, Oral History Interview [1999–2000], 27–28. Paksa: Ikalawang Digmaang Pandaigdig

  36. Hafen, Disciple’s Life, 97.

  37. Maxwell, Oral History Interview [1999–2000], 28; “Servicemen’s Book Ready,” Deseret News, Abr. 17, 1943, Church section, 1–2; Principles of the Gospel, ii. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “Dalangin namin na magbigay Siya” na nasa orihinal ay pinalitan ng “Dalangin namin na [magbibigay ang] Panginoon.”

  38. Maxwell, Oral History Interview [1976–77], 112–13, 115; Maxwell, Personal History, box 1, folder 2, 6; folder 3, 9; Hafen, Disciple’s Life, 89–91.

  39. Allison, Destructive Sublime, 61–94; Neal A. Maxwell to Clarence Maxwell and Emma Ash Maxwell, Sept. 18, 1944; Nov. 2, 1944, Neal A. Maxwell World War II Correspondence, CHL.

  40. Maxwell, Personal History, box 1, folder 3, 9; Maxwell, Oral History Interview [1976–77], 116; Maxwell, Oral History Interview [1999–2000], 28–29; Neal A. Maxwell to Clarence Maxwell and Emma Ash Maxwell, Sept. 18, 1944, Neal A. Maxwell World War II Correspondence, CHL.

  41. Maxwell, Oral History Interview [1976–77], 116; Hafen, Disciple’s Life, 98.