“Walang Higit na Dakilang Gantimpalala,” kabanata 15 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)
Kabanata 15: “Walang Higit na Dakilang Gantimpala”
Kabanata 15
Walang Higit na Dakilang Gantimpala
Sa buong 1921, tumanggap si Heber J. Grant ng mga liham mula kina David O. McKay at Hugh Cannon tungkol sa kanilang mga paglalakbay sa iba’t ibang panig ng mundo. Matapos makipagkita sa mga Banal sa Samoa noong Mayo, bumisita ang dalawang lalaki sa Fiji, bumalik sa New Zealand, at bumisita sa Australia. Pagkatapos ay humimpil sila sa Timog-silangang Asya at nagpatuloy sa India, Egipto, Palestina, Siria, at Turkey.1
Habang nasa lunsod ng Aintab, Turkey na sinalanta ng digmaan, nakilala nila ang humigit-kumulang tatlumpung Armenian na Banal sa mga Huling Araw na naghahandang lisanin ang kanilang mga tahanan. Sa huling dekada, di mabilang na mga Armenian, kabilang na ang lokal na branch presidency at iba pang Banal sa mga Huling Araw, ang napatay sa mga komunidad tulad ng Aintab. Nag-ayuno ang mga Banal sa Utah para sa kanila, at nagpadala ng pera ang Unang Panguluhan upang tulungan sila. Ngunit tumindi na ang karahasan, kaya lalong naging mapanganib para sa mga Banal na Armenian na manatili sa bansa.2
Matinding hirap ang dinanas at maraming panalangin ang inusal ng mission president na si Joseph Booth at lokal na lider na si Moses Hindoian bago sila nakakuha ng mga pasaporte para sa limampu’t tatlong tao. Pagkatapos ay naglakbay na ang mga Banal patungong Aleppo, Siria, nang mahigit 110 kilometro patimog, kung saan nagpupulong ang isa pang branch ng Simbahan. Inabot ng apat na araw ang kanilang paglaklakbay, ngunit nagpatuloy ang mga refugee kahit walang tigil ang pag-ulan at ligtas na nakarating sa kanilang destinasyon.3
Sa kanyang huling ulat sa Unang Panguluhan, na isinumite matapos siyang bumalik sa Estados Unidos, pinuri ni Elder McKay ang mga Banal sa iba’t ibang panig ng mundo. Masigasig niyang pinagtuunan ang mga paaralan ng Simbahan at inirekomendang bigyan ang mga ito ng mas mahuhusay na guro, magandang aklat-aralin, at kagamitan. Ipinahayag niya ang pag-aalala sa mga hamong kinakaharap ng mga mission president, kaya iminungkahi niyang italaga lamang ang pinakamatatatag na lider sa tungkuling iyon. Inirekomenda rin niya na maglakbay nang mas madalas ang mga general authority upang suportahan ang mga Banal sa ibang bansa.4
Sumang-ayon ang propeta sa mga mungkahi ni Elder McKay. Noon, nakadarama ng lakas ang mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng pagtitipon sa Utah. Ngunit lumipas na ang mga araw kung saan hinihimok ng mga lider ang mga Banal na lumipat sa Sion. Sa katunayan, mula nang matapos ang digmaang pandaigdig, nilisan ng maraming Banal ang maliliit na bayan ng Utah upang maghanap ng mas magandang trabaho sa mas malalaking lunsod sa buong Estados Unidos. Parami nang parami ang mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako na umaasa sa mga lokal na branch at mission para sa suportang natanggap ng mga naunang Banal sa mga ward at stake sa Kanlurang Amerika.5
Sa kanyang paglalakbay patungong katimugang California noong unang bahagi ng 1922, humanga si Heber sa laki ng mga branch ng Simbahan sa loob at paligid ng Los Angeles. “Ang California Mission ay mabilis na lumalaki,” ipinahayag niya noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 1922. Hindi magtatagal ang mga Banal sa lugar ay magiging handa nang bumuo ng isang stake.6
Subalit alam ni Heber na hindi lamang matibay na kongregasyon ang kailangan ng mga miyembro ng Simbahan upang manatiling tapat sa pananampalataya. Nagbabago na ang panahon, at tulad ng iba pa sa kanyang henerasyon, nag-alala siya na nagiging mas sekyular at mapagkunsinti ang lipunan.7 Dahil nag-iingat sa mapanganib na mga impluwensya, hinikayat niya ang mga kabataang Banal na makibahagi sa programang Mutual Improvement ng Simbahan. Pinaigting ng MIA ang pananampalataya kay Jesucristo, pagpapanatili ng Sabbath, pagsisimba, at espirituwal na pag-unlad gayundin ang pagtitipid at pagiging mabuting mamamayan. Hinikayat din nito ang mga kabataan na sundin ang Word of Wisdom, isang alituntuning madalas ituro ni Heber simula nang maging pangulo siya ng Simbahan.8
“Kung matutulungan natin ang mga batang lalaki at babaeng dumadalo ng ating mga pulong sa Mutual na maging mas mabubuting Banal sa mga Huling Araw,” wika niya, “mabibigyang-katwiran ng mga samahang ito ang kanilang sarili, at mapasasaatin ang mga pagpapala ng Makapangyarihang Diyos sa ating mga ginagawa.”9
Hindi lahat ng aspekto ng makabagong buhay ay nakabagabag kay Heber. Noong gabi ng ika-6 ng Mayo 1922, sila ng kanyang asawang si Augusta, ay nakibahagi sa unang programa sa gabi ng KZN, isang istasyon ng radyo na pag-aari ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake. Ang radyo ay bagong teknolohiya, at ang istasyong pinagsasahimpapawiran ay mabuway na kubo na yari sa lata at kahoy. Ngunit dahil sa kuryente, kaagad na nakapagsahimpapawid ang mga operator nito ng humigit-kumulang 1600 kilometro ang distansya sa bawat direksyon.
Itinapat ni Heber ang malaking transmitter sa kanyang bibig at binasa ang isang talata mula sa Doktrina at mga Tipan tungkol sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas. Pagkatapos ay nagbigay siya ng simpleng patotoo tungkol kay Joseph Smith. Ito ang unang pagkakataon na ipinahayag ng isang propeta ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa himpapawid.10
Kalaunan nang buwang iyon, sa isang pulong tungkol sa hinaharap ng Relief Society Magazine, nadama ni Susa Gates na mas marami pang pagbabago ang darating. Pinamatnugutan niya ang magasin mula nang pinalitan nito ang Woman’s Exponent noong 1914. Mula pa sa simula, nais niya itong maging “isang liwanag ng pag-asa, kagandahan, at pag-ibig sa kapwa-tao.” Subalit alam niya na sa huli ay hindi niya hawak ang kapalaran ng magasin.11
Sa paglipas ng mga buwan, ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Clarissa Williams at ang kanyang kalihim, si Amy Brown Lyman, ay nagkaroon ng mas malaking papel sa produksyon ng magasin. Nagdagdag sila ng mga lathalain tungkol sa gawaing panlipunan at pakikipagtulungan ng Relief Society sa mga organisasyong pangkawanggawa sa labas ng Simbahan. Hindi pinag-alinlanganan ni Susa ang katapatan ni Amy sa pagtataguyod ng paglilingkod sa lipunan. Subalit, nangamba siya na tinutulutan ni Amy na maging labis na abala ang Simbahan sa mga nagaganap sa mundo.12
Idinalangin nang husto ni Susa na makita ang sitwasyon mula sa ibang pananaw, ngunit ang hindi niya pagsang-ayon sa bagong pamamaraan sa gawain ng Relief Society ay humadlang sa kanya na makita ang mabuting nagawa ni Amy. Ipinadadala na ng Red Cross at ng iba pang mga samahang pangkawanggawa ang lahat ng kasong may kinalaman sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Relief Society. Maraming kaso ang kinabibilangan ng mga Banal na nangangailangan na hindi na nagawang makipag-ugnayan sa Simbahan matapos lisanin ang kanilang mga ward sa nayon upang makahanap ng trabaho sa lunsod. Upang mapangalagaan ang mga Banal na ito, madalas na nakipagtulungan ang Relief Society sa pampubliko at pribadong mga ahensya ng medisina, edukasyon, at empleyo.13
Kamakailan ay nakipagsanggunian din si Clarissa kay Amy at sa pangkalahatang lupon sa pagsisikap na mabawasan ang bilang ng mga babae at sanggol na namatay dahil sa matinding hirap habang nanganganak at sa pagluluwal. Matagal nang nakatuon ang Relief Society sa kalusugan ng kababaihan, at ang panganganak ay alalahanin na lubhang kailangang pagtuunan sa panahong ito. Ang bilang ng namamatay na mga ina at sanggol sa Estados Unidos ay mataas, na nagbunsod sa kongreso na maglaan ng pondo sa mga organisasyong sumusuporta sa mga nagdadalantao.
Bago pa man makuha ang pondong ito, nakipagtulungan na ang pangkalahatang lupon ng Relief Society sa Unang Panguluhan upang magtayo ng paanakan sa Lunsod ng Salt Lake at magbigay ng mga gamot para sa mga nagdadalantao sa mas liblib na lugar. Upang mapondohan ang programa, gumamit ang Relief Society ng perang natanggap nito mula sa pagbebenta ng butil sa pamahalaan ng Estados Unidos noong panahon ng digmaan.14
Dahil hindi ganap na sang-ayon sa mga bagong pamamaraan at mga pagbabago at pangangasiwa ng Relief Society, nagbitiw si Susa mula sa pangkalahatang lupon at sa Relief Society Magazine. “Iniiwan ko ang aking gawain nang may pagmamahal para sa mga kasama kong naglilingkod,” sinabi niya sa lupon, “at nagtitiwala na ipadarama nila sa akin ang gayunding pagmamahal.”15
Dahil hindi sanay na walang ginagawa, ibinaling ni Susa ang pansin sa ibang mapagkakaabalahan. Noong kasisimula pa lang ng taong iyon, pinuna niya si Edward Anderson, patnugot ng Improvement Era, sa pagsulat ng kasaysayan ng Simbahan na halos hindi nabanggit ang kababaihan. Bilang tugon, inirekomenda sa kanya ni Edward na magsulat siya ng kasaysayan ng mga kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Nakapagsulat na si Susa ng kasaysayan ng Young Ladies’ MIA, kaya nagustuhan niya ang proyekto. Nagustuhan rin ng Unang Panguluhan ang rekomendasyon, at hindi nagtagal ay nagsimulang magsulat si Susa.16
Ang apostol at mananalaysay ng Simbahan na si Joseph Fielding Smith, anak ni Pangulong Joseph F. Smith, ay inanyayahan si Susa na gawin ang isusulat na kasaysayan sa isang mesa sa Historian‘s Office. Hindi nagtagal, dinala siya nito sa kabilang panig ng bulwagan papunta sa tanggapan ni Elder B. H. Roberts. Ito ay may mesa, makinilya, hugasan, dalawang upuan, at istanteng puno ng mga aklat at papel.
Dahil nasa New York si Elder Roberts at naglilingkod bilang pangulo ng Eastern States Mission, sinabi ni Elder Smith na maaari niyang gamitin ang tanggapan—at hindi na kailangang malaman pa ni B. H.
“Salamat po, Ama!” ang naibulalas ni Susa sa kanyang journal. “Tulungan po Ninyo akong masunod ang mga itinagubilin sa akin!”17
Noong ika-17 ng Nobyembre 1922, natapos ni Armenia Lee ang kanyang ikasampung taon bilang pangulo ng Alberta Stake YLMIA sa Canada. Ang kanyang pangangasiwa ay puno ng mga hamon habang naglalakbay siya sakay ng kabayo at karwahe anuman ang panahon upang bisitahin ang mga kabataang babae at kanilang mga lider. Matindi ang taglamig sa Alberta, na nangangailangan ng matinding lakas at tapang para sa mga makikipagsapalarang lumabas. Gayunpaman, isinusuot niya ang kanyang pinakamainit na damit, sisiguruhing balot ang sarili sa balabal na lana, at susuong sa niyebe at mayelong daan.
Mapanganib ang gawaing iyon, ngunit mahal niya ito.
Tubong Utah, si Armenia ay labingsiyam na taong gulang nang pinakasalan niya si William Lee, isang balo na may limang maliliit na anak. Lumipat sila sa Canada matapos makahanap ng trabaho si William sa isang tindahan sa Cardston. Mahirap para kay Armenia ang paglipat, ngunit nagsimula sila ni William ng panibagong buhay sa munting bayan. Nagkaroon pa sila ng limang anak, nagsimulang magnegosyo ng punerarya, at lumipat sa isang bahay na may apat na kuwarto. Pagkatapos, noong 1911, ilang buwan na lamang bago ang kanilang ikasampung anibersaryo ng kanilang kasal, nagkaroon ng stoke si William at namatay. Si Armenia ay wala pang tatlumpung taong gulang nang siya ay naging isang balo na may sampung anak na aalagaan.18
Biglaan at nakagugulat ang pagkamatay ni William, ngunit nadama ni Armenia na pinanatag siya ng Espiritu ng Panginoon, na tumulong sa kanya na masabing, “Masunod nawa ang kalooban mo.” Ang karanasang ito ay sagrado at hindi maikakaila. “Alam ko na may buhay sa hinaharap nang walang pag-aalinlangan,” patotoo niya “at ang ugnayan ng pamilya ay magpapatuloy nang walang hanggan.”19
Tinawag si Armenia na pamunuan ang YLMIA ng stake nang wala pang dalawang taon mula nang pumanaw si William.20 Noong panahong iyon, ang YLMIA, na bukas sa mga kabataang babae na labing-apat na taong gulang pataas, ay sumasailalim sa maraming pagbabago. Ilang buwan bago ang pagtawag kay Armenia, isang stake sa Lunsod ng Salt Lake ang nag-organisa ng una sa maraming kamping sa tag-init na gaganapin para sa mga kabataang babae sa Simbahan. Tulad ng YMMIA, nagsimulang makita ng YLMIA na nakapaghuhubog ng pagkatao ang paglilibang. Noong una, pinag-isipan ng mga lider ng mga kabataang babae na sumali sa organisasyon sa labas ng Simbahan para sa mga kabataang babae, tulad ng pagtangkilik ng YMMIA ng programa ng Boy Scout. Ngunit nagpasiya si Martha Tingey, pangkalahatang pangulo ng YLMIA, at ang kanyang lupon na bumuo ng sarili nilang programa.21
Nagmungkahi ang tagapayo ni Martha na si Ruth May Fox ng pangalan para sa programa: ang Bee-Hive Girls. Ang bahay-pukyutan ay matagal nang naging mahalagang simbolo ng kasipagan at kooperasyon para sa mga Banal sa Utah. Ngunit noong binasa ng miyembro ng lupon na si Elen Wallace ang isang aklat na tinatawag na Buhay ng Bubuyog [Life of the Bee], na detalyadong inilalarawan kung paano nagtutulungan ang mga bubuyog sa paggawa ng mga bahay-pukyutan, ay saka lamang nakita ng mga lider kung paano naaangkop ang simbolo sa kanilang organisasyon.
Hindi nagtagal ay inorganisa ang mga kabataang babae sa buong Simbahan sa “mga kulupon” sa ilalim ng pamumuno ng “tagapag-alaga ng mga bubuyog.” Upang makasulong sa programa, mula sa “Builder in the Hive” hanggang sa “Gatherer of the Honey,” pagkatapos ay “Keeper of the Bees,” ang mga kabataang babae ay nagpakahusay sa relihiyon, tahanan, kalusugan, gawaing pangtahanan, panlabas na libangan, negosyo, at serbisyong publiko.22
Sinimulan ni Armenia at ng kanyang mga tagapayo na itaguyod ang programang Bee-Hive Girls noong tag-init ng 1915, at hindi nagtagal ang mga ward sa Cardston ay bumuo ng mga grupo na binubuo ng walo hanggang labindalawang babae. Makalipas ang isang taon, nagsalita si Armenia sa mga kabataang babae ng Bee-Hive at mga kabataang lalaki sa stake tungkol sa kahalagahan ng gawain sa templo. Itinatayo na ang templo sa Cardston, at bawat isa sa kanila ay magkakaroon ng pagkakataong gawin ang gawain sa templo kapag natapos na ito. Ang gayong gawain ay isang pribilehiyo, ang sabi niya sa kanila.23
Ngayon, makalipas ang anim na taon, halos handa nang ilaan ang templo. Itinayo sa tuktok ng isang burol sa gitna ng bayan, ang istruktura na yari sa puting granayt ay may bubong na hugis piramide at mga kuwadradong haligi sa palibot nito. Tulad ng templo sa Hawaii, wala itong mga taluktok na tila inaabot ang langit. Sa halip, matatag at maringal na nakatayo ito sa pundasyon nito, matibay at di natitinag na tulad ng bundok.24
Binitbit ni Elder John Widtsoe ang kanyang maleta nang umibis siya ng tren sa Estasyon ng Waterloo sa London. Katanghalian iyon noong ika-11 ng Hulyo 1923, at ang istasyon ay puno ng mga tao at lubhang napakainit.25
Dumating siya sa Europa kasama ang kapwa apostol na si Reed Smoot. Mula noong digmaan, hindi pa ganap na tinutulutan ng mga bansa sa Scandinavia na makabalik ang mga misyonero, kung kaya ay hiniling ni Pangulong Grant kay Reed na gamitin ang kanyang posisyon bilang senador ng Estados Unidos upang magpetisyon sa mga pamahalaan ng Denmark, Sweden, at Norway para sa Simbahan. Dahil si John ay Norwegian at nakapagsasalita ng ilang wikang Europeo, inatasan siya na samahan si Reed sa misyon.26
Habang mabilis na tinatahak ni John ang hintayan ng tren, nakarinig siya ng pamilyar na tinig na sumisigaw, “Narito na siya!” Pagkatapos ay halos kapusin siya ng hininga nang yakapin siya nang napakahigpit ng kanyang dalawampung-taong gulang na anak na lalaki na si Marsel.27
Si Marsel, na naglilingkod sa British Mission simula pa noong nakaraang taon, ay kasamang nagpunta ng kanyang ama at ni Senador Smoot sa hotel. Isang mahusay na estudyante at atleta si Marsel noong binatilyo pa. At naniniwala si John na pinagbuti pa itong lalo ng pagmimisyon. “Mahal na mahal niya ang kanyang gawain,” ang iniliham ni John sa asawang si Leah kalaunan. “Sa pangkalahatan ay masasabi ko na masarap siyang kasama—isang malusog, maalalahanin, matalino, mapagmahal, masigasig na batang lalaki na nagnanais na gawing pinakamakabuti ang kanyang buhay.28
Matapos gumugol ng ilang araw sa England, naglakbay sina John at Reed papuntang Scandinavia kasama si David O. McKay, na tinawag bilang pangulo ng European Mission mga isang taon matapos bumalik mula sa kanyang paglilibot sa iba’t ibang panig ng mundo. Tulad ng dati, ang maling impormasyon tungkol sa Simbahan ang malaking dahilan ng mga paghihigpit ng pamahalaan laban dito.
Sa Denmark, na una nilang pinuntahan, kinapanayam si Reed ng isang kilalang pahayagan tungkol sa Simbahan. Ang kanilang mga pulong sa ibang mga bansa, na kinabibilangan ng arsobispong Lutheran sa Sweden at hari ng Norway, ay kapaki-pakinabang din. Nadama ni John na nagtagumpay sila dahil sa mabuting reputasyon ni Reed. Dalawampung taon matapos ang kanyang kontrobersyal na pagkakahalal, ang senador ay naging maimpluwensyang mambabatas na naging malapit na kaibigan ng pangulo ng Estados Unidos.29
Nang matapos na ang kanilang tungkulin, iniulat ni John sa Unang Panguluhan na nakakuha sila ni Reed ng magandang publisidad para sa Simbahan at nakumbinsi ang maraming pinuno ng Europa na ang kanilang mga patakaran laban sa gawaing misyonero ay lipas na.30 Ngunit ang karanasang iyon ay nagpadama rin sa kanya ng lungkot. Pagkatapos ng isang nakapapagod na pulong, nakita ni John ang isang tansong estatuwa ni Jöns Jacob Berzelius, isang kilalang kimikong Swedish na hinahangaan niya.
Habang nakaupo malapit sa estatuwa, inisip ni John kung ano kaya ang nangyari kung lubusan din niyang inilaan ang sarili sa siyensya sa halip na bumalik sa Utah para tumulong sa pagtuturo sa mga Banal at maglingkod sa Simbahan. “Naranasan ko sana nang ganap ang buhay na katulad ng kay Berzelius,” iniliham niya kay Leah kinagabihan, “dahil alam ko na sa tulong ng Diyos ay magtatagumpay ako nang lubos.”
Sa halip, isinakripisyo ni John ang kanyang propesyon at tinalikuran ang marami sa kanyang pagsasaliksik sa pamamaraan ng siyensya upang maglingkod bilang apostol ni Jesucristo. Subalit hindi niya pinagsisihan ang kanyang bagong landas, sa kabila ng kalungkutang nadama niya sa hindi pagtupad sa kanyang mga dating pangarap.
“Hindi ko masasabi rito ang aking mga nadarama,” ang sabi niya kay Leah. “Tanging ang pangako ng kabilang-buhay ang makapagbibigay-katwiran sa ilang mga bagay”.31
Noong ika-25 ng Agosto 1923, hindi nagtagal matapos bumalik ang dalawang apostol mula sa kanilang misyon sa Scandinavia, isang espesyal na tren na sakay-sakay sina Heber J. Grant, siyam na apostol, at daan-daang Banal mula sa Lunsod ng Salt Lake at iba pang bahagi ng Simbahan ang dumating sa Canada para sa paglalaan ng Cardston Alberta Temple. Mabilis na napuno ng mga bisita ang bayan kung kaya’t halos wala nang lugar para sa lahat. Subalit masayang tinanggap ng mga Banal na Canadian ang kanilang mga bisita.32
Sa gitna ng kasiyahan ng araw na iyon, nakapanayam ni Armenia Lee si apostol George F. Richards at ang matagal niyang naging stake president na si Edward J. Wood, na tinawag bilang pangulo ng bagong templo. Maraming taon nang magkaibigan sina Armenia at Edward. Nang mamatay ang kanyang asawa, madalas niyang puntahan ito upang humilngi ng payo. Nagtulungan sila bilang mga lider ng stake, at parang kapatid na ang turing niya kay Edward.
Nang magsimula na ang pulong, tinanong ni Elder Richards si Armenia kung handa siyang maglingkod bilang matron ng bagong templo. Kung tatanggapin ni Armenia ang posisyon, kakailanganin niyang piliin at pangasiwaan ang mga babaeng temple worker, payuhan ang kababaihan na tatanggap ng kanilang mga ordenansa sa unang pagkakataon, at asikasuhin ang maraming iba pang mga tungkulin.
Muling ikinamangha at ikinarangal ni Armenia ang tungkulin. “Tatanggapin ko ang posisyon nang buong pagpapakumbaba, at gagawin ko ang lahat ng makakaya ko,” sabi niya.33
Kinabukasan, itinalaga ni Anthony Ivins ng Unang Panguluhan si Armenia sa loob ng templo. Pagkatapos, noong alas-diyes ng umaga, dumalo siya sa unang sesyon ng paglalaan. Habang nakaluhod sa isang altar sa silid-selestiyal, nag-alay si Pangulong Grant ng panalangin ng paglalaan, hinihiling sa Diyos na pabanalin ang templo at pagpalain ang mga taong maaantig nito ang buhay. Humiling din siya ng espesyal na pagpapala para sa mga kabataan ng Simbahan, na napakalapit sa puso ni Armenia.
“Gabayan po Ninyo ang mga kabataan ng Inyong mga tao, O Ama, sa makipot at makitid na landas na patungo sa Inyo,” dalangin niya. “Bigyan sila ng patotoo sa kabanalan ng gawaing ito gaya ng ibinigay Ninyo sa amin, at pangalagaan sila sa kadalisayan at sa katotohanan.34
Di-nagtagal, binuksan ang templo para sa gawain ng mga ordenansa. Sa nakalipas na ilang taon, naghanap si Pangulong Grant ng mga paraan para madagdagan ang nakikibahagi sa templo. Noong 1922, hiniling niya sa isang komite ng mga apostol na pag-aralan kung paano paikliin ang mga sesyon ng endowment, na inaabot ng hanggang apat at kalahating oras. Ang mga templo ay nagdaraos ngayon ng maraming sesyon sa araw-araw at nagsimulang magbigay ng mga sesyon sa gabi upang matugunan ang mga Banal na hindi makadalo sa maghapon. Pinatigil din ng mga lider ng Simbahan ang pagpunta ng mga Banal sa templo upang tumanggap ng pagpapagaling na binyag o basbas, na ayon sa kanila ay maaaring makagambala sa regular na gawain ng mga ordenansa.35
Ang isang di-inaasahang pagbabago ay sa estilo ng temple garment. Ang istilo ng garment noon, na umaabot sa bukung-bukong at galanggalangan at may tali at kuwelyo, ay hindi akma sa estilo ng pananamit noong dekada ng 1920. Batid na ang simbolismo ng garment ay mas mahalaga kaysa sa estilo, itinagubilin ng Unang Panguluhan na magkaroon ng pinaikli at pinasimpleng garment.36
Dahil maraming oras ni Armenia ang kailangang ilaan sa mga tungkulin sa templo, siya ay ini-release bilang pangulo ng YLMIA sa stake. Ang panahong iniukol niya sa mga kabataang babae ay isang mahalagang bahagi ng kanyang buhay, at hinahanap-hanap niya ang paglilingkod kasama nila. Subalit nakadama siya ng bagong kagalakan sa pagbati sa mga kabataang babae na nakilala niya mula sa MIA kapag nagpupunta sila sa templo upang tanggapin ang kanilang endowment at mabuklod sa kanilang mga asawa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.37
Sa paanyaya ng mga patnugot ng Young Woman’s Journal, inilathala ni Armenia ang kanyang saloobin sa kanyang pagkaka-release matapos ang maraming taon ng paglilingkod sa YLMIA. “Mahal ko ang mga kabataan ng Sion!” isinulat niya. “Wala akong hinihiling na higit na dakilang gantimpala kaysa sa nakikita kong lumalaki at umuunlad ang ating mga kabatang babae sa kanilang pagkababae, na tapat sa kanilang pamana.38