Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 9: Mahirapan at Lumaban


“Mahirapan at Lumaban,” kabanata 9 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)

Kabanata 9: “Mahirapan at Lumaban”

Kabanata 9

Mahirapan at Lumaban

mga magasin na nakabukas sa ibabaw ng mesa

Nang bumalik si Joseph F. Smith mula sa Europa noong Setyembre 1906, hindi pa rin tiyak ang hinaharap ni Reed Smoot bilang senador ng Estados Unidos. Sa pangkalahatang kumperensya limang buwan na ang nakalipas, hayagang ipinahayag ni Francis Lyman ang pagbibitiw ng mga apostol na sina John W. Taylor at Matthias Cowley. Si Joseph Tanner ay ini-release din mula sa kanyang mga katungkulan sa pamumuno.1

Dahil sa mga pagbibitiw, pati na ang kamakailang pagpanaw ni apostol Marriner Merrill, nagkaroon ng tatlong bakante sa Korum ng Labindalawang Apostol, na pinunan nina George F. Richards, Orson F. Whitney, at David O. McKay.2

Ang pagpapabatid ng mga pagbibitiw ay tila may positibong epekto sa marami sa mga kasamahan ni Reed sa Senado. “Batay sa mga sinasabi ng mga tao,” iniulat ni Reed sa mga lider ng Simbahan, “ang mga senador, karaniwan, ay itinuturing ang huling kumperensya bilang katibayan ng katapatan sa bahagi ng Simbahan, at lalo na kay Pangulong Joseph F. Smith.”3

Gayunman, hindi ganyan ang nadarama ng mga miyembro ng komite ng Senado na nakatalaga sa pagsisiyasat, na karamihan sa mga ito ay naghihinala pa rin sa Simbahan. Matapos tapusin ang kanilang pagsisiyasat, bumoto sila upang irekomendang alisin si Reed mula sa tungkulin.4

Sa wakas ay isinaalang-alang ng buong Senado ang bagay na ito noong Pebrero 1907, apat na taon matapos nagalit ang maraming tao bunsod ng pagkakahalalal kay Reed. Naitala ng komite ang mahigit tatlong libong pahina ng testimonya mula sa mahigit isandaang saksi, na kapwa kumukontra at sumusuporta kay Reed. Habang nirerepaso ng mga senador ang talaang ito, pinag-isipan din nila ang kanilang mga personal na pakikipag-ugnayan kay Reed, na nakuha ang respeto ng marami sa Washington, DC. Si Theodore Roosevelt, ang pangulo ng Estados Unidos, ay kanyang tapat na tagasuporta at mahigpit na hinikayat ang Senado na bumoto para sa kanyang kapakanan. Nang sa wakas ay nagbaba na ng desisyon ang mga senador ukol sa bagay na ito, bumoto sila na balewalain ang rekomendasyon ng komite at pinahintulutan si Senador Smoot na manatili sa kanyang puwesto.5

Sa loob ng ilang araw, lumiham si Joseph F. Smith upang batiin si Reed at pasalamatan ang mga senador para sa kanilang makatarungang desisyon. Hiniling niya na sana ay mas makilala nang husto ng iba ang mga Banal. “Kung magagawa ito, ang kasalukuyang di-pagkakaunawaan at laganap na maling paglalarawan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” isinulat niya, “ay titigil magpakailanman.”6

Makalipas ang ilang linggo, binuksan ni Pangulong Smith ang pangkalahatang kumperensya noong Abril 1907 na taglay ang mas maraming magandang balita. “Nalampasan ng ikapu ng mga tao sa taong 1906 ang ikapu ng nakalipas na mga taon,” sinabi niya. “Ngayon Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay walang utang na hindi nito kayang bayaran kaagad. Sa wakas ay nasa katayuan tayo na kaya nating magbayad kaagad upang maiwasan ang pag-utang.”

Pinuri niya ang katapatan ng mga Banal at iwinika, “Hindi na tayo kailangang manghiram pa, at hindi na tayo manghihiram pa kung patuloy na ipamumuhay ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang relihiyon at susundin ang batas ng ikapu.”7

Matapos ang kanyang mensahe, inanyayahan ni Pangulong Smith si Orson F. Whitney na basahin ang isang pahayag sa publiko na inihanda ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ukol sa mga paniniwala at pinahahalagahan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pahayag ay tumugon sa marami sa mga paratang na ginawa laban sa Simbahan at sa mga miyembro nito noong mga pagdinig kay Smoot. Ngunit ibinigay rin nito sa mga Banal ang opisyal na buod ng mga pangunahing alituntunin at gawain ng ebanghelyo. “Ang ating relihiyon ay nakabatay sa mga paghahayag ng Diyos,” ipinagtibay ng pahayag. “Ang ebanghelyong ipinahahayag natin ay ang ebanghelyo ni Cristo, na ipinanumbalik sa lupa.”

Inilalarawan ng pahayag ang mga Banal bilang tapat, may bukas na isipan, matalino, at madasaling tao. Pinatotohanan din nito ang kanilang katapatan sa tahanan at pamilya, kabilang na ang kasal na monogamya. “Ang karaniwang ‘tahanan ng isang Mormon’ ay ang templo ng pamilya,” sabi nito. “Ang mga taong ‘Mormon’ ay yumuyuko nang may paggalang sa mga batas na ipinatutupad laban sa pag-aasawa nang marami .”

Ipinaliwanag din ng pahayag ang mga alituntunin ng kalayaang pumili, ikapu, at pamunuan ng priesthood. At nagpatunay ito sa pagiging makabayan ng mga Banal, katapatan sa mga pamahalaan sa lupa, at katapatan sa paghihiwalay ng simbahan at estado. “Nais nating mamuhay nang mapayapa at may tiwala sa ating kapwa mamamayan ng lahat ng partidong pulitikal at ng lahat ng relihiyon,” ipinahayag nito.

Hinangad ng ipinanumbalik na ebanghelyo na pasiglahin ang lipunan, ayon sa pahayag, hindi ang sirain ito. “Ang ating relihiyon ay mahalagang bahagi ng ating buhay na hindi mahihiwalay, hinubog nito ang ating pagkatao, at ang katotohanan ng mga alituntunin nito ay tunay na nakatimo sa ating kaluluwa,” sabi nito.8

Matapos basahin ni Elder Whitney ang pahayag, nagbanggit ng suporta dito si Francis Lyman sa ngalan ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa paanyaya ni Pangulong Smith, ang kongregasyon ay buong pagkakaisang bumoto upang ipatupad at sang-ayunan ang mensahe nito.9


Noong ika-16 ng Abril 1908, si Jane Manning James, isa sa mga pinakaunang Itim na Banal sa mga Huling Araw, ay pumanaw sa kanyang tahanan sa Lunsod ng Salt Lake. Nagpunta siya sa Lambak ng Salt Lake kasama ang kanyang asawa at mga anak noong Setyembre 1847 bilang bahagi ng unang pangkat ng mga Banal na sumunod sa paunang pangkat ni Brigham Young na naglakbay pakanluran.10 Mula noon, naging kilalang-kilala na siya sa buong lunsod. Ipinagmamalaki niya ang kanyang labingwalong apo at pitong apo sa tuhod. Siya at ang kanyang kapatid na si Isaac ay nagpupunta sa mga pulong ng Simbahan sa Salt Lake Tabernacle at madalas dumalo sa mga muling pagtitipun-tipon ng mga “may edad” at pioneer ng Simbahan.11

Ginanap ang kanyang burol sa meetinghouse ng Ikawalong Ward ng Lunsod ng Salt Lake. Puno ang kapilya ng mga kaibigan ni Jane, kapwa mga Itim at puti, upang gunitain ang kanyang buhay. Puno ng mga bulaklak ang silid upang igalang ang pananampalataya at kabutihan ni Jane.

Si Elizabeth Roundy, isang kaibigan ni Jane, ay nagbasa ng isang maikling talambuhay na idinikta ni Jane sa kanya ilang taon na ang nakararaan. Si Jane ay ipinanganak nang malaya noong panahong ligal pa rin ang pang-aalipin at ang mga Itim na tao sa buong mundo ay kadalasang itinuturing na mas mababa ang antas sa lipunan. Ikinuwento sa kanyang talambuhay ang tungkol sa kanyang pagbabalik-loob sa silangang Estados Unidos, ang halos isang libo dalawandaang kilometrong paglalakad ng kanyang pamilya patungong Nauvoo, at ang kanyang mga karanasan sa pamumuhay kasama ang pamilya ng propetang si Joseph Smith at pagtatrabaho sa kanila. Isinalaysay rin nito kung paano dalawang beses inanyayahan ni Emma Smith si Jane na magpaampon sa pamilya nila ni Joseph.12

Nang malapit nang matapos ang kanyang talambuhay, nagbigay si Jane ng tapat na patotoo. Siya ay biyuda na, nabuhay nang mas matagal sa lahat ng kanyang mga anak, maliban sa dalawa, at sampu sa kanyang mga apo, at halos bulag na noon, subalit pinagtibay niya, “Pinrotektahan ako ng Panginoon at inaalagaan ako nang mabuti sa aking abang kalagayan, at nais kong sabihin dito na ang aking pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo gaya ng itinuro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kasinglakas ng araw na ito, hindi, ito ay, kung maaari, mas malakas kaysa noong araw na ako ay unang nabinyagan.”13

Nagsalita si Pangulong Joseph F. Smith sa burol. Sa loob ng maraming taon, kung minsan ay humihingi ng tulong si Jane sa kanya, upang makatanggap ng mga ordenansa sa templo para sa kanyang sarili at sa kanyang mga yumaong kapamilya. Partikular ang pag-asam niyang matanggap ang endowment at mabuklod sa isang pamilya.14 Ngunit mula noong mga unang taon ng dekada ng 1850, pinagbawalan ng Simbahan ang mga Banal na may lahing Aprikano na magtaglay ng priesthood o tumanggap ng anumang ordenansa sa templo maliban sa pagbibinyag para sa mga patay. Magkakaiba ang mga paliwanag para sa pagbabawal, ngunit ang mga ito ay haka-haka, hindi ang salita ng Diyos. Ipinangako ni Brigham Young na ang lahat ng Banal, anuman ang lahi, ay tatanggapin balang-araw ang lahat ng ordenansa at pagpapala ng ebanghelyo.15

Tulad ng iba pang mga Banal na Itim, nagsagawa si Jane ng mga binyag para sa kanyang mga kamag-anak na pumanaw na. Hiniling din niya na tumanggap ng endowment at pagkatapos ay mabuklod sa pamamagitan ng proxy kay Walker Lewis, isa sa iilang Banal na Itim na maytaglay ng priesthood bago ipinatupad ang paghihigpit. Kalaunan, hiniling niyang mabuklod sa pamamagitan ng pag-aampon sa pamilya ni Joseph Smith. Ngunit tuwing hihingi siya ng endowment o pagbubuklod, pinanindigan Joseph F. Smith o ng iba pang lider ng Simbahan ang restriksyon sa Simbahan.16

Gayunman, sa tulong ng pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Zina Young, tumanggap si Jane ng pahintulot mula sa mga lider ng Simbahan na makasama sa kawalang-hanggan ang pamilya ni Joseph Smith. Bilang tugon sa kanyang kahilingan, naghanda sila ng isang seremonya para sa mga patay na nagbuklod kay Jane sa pamilya bilang tagapagsilbi. Si Zina Young ay nagsilbing proxy ni Jane sa seremonya habang si Joseph F. Smith ang kumatawan kay propetang Joseph Smith.17

Bagama’t hindi siya nasisiyahan sa seremonya, patuloy na naging tapat si Jane. “Nagbabayad ako ng aking ikapu at mga handog, at sinusunod ang Word of Wisdom,” sabi niya. “Maaga akong natutulog at maagang bumabangon. Sinisikap ko, sa aking mumunting paraan, na magpakita ng mabuting halimbawa sa lahat.”18

Noong 1902, tinanong ni Jane si Patriarch John Smith, ang nakatatandang kapatid ni Joseph F. Smith, kung kailan siya pahihintulutang tumanggap ng kanyang endowment. “Maging matiyaga at maghintay ka pa nang kaunti,” sabi nito, tinitiyak sa kanya na nakamasid sa kanya ang Panginoon. Nangako ito na ang Panginoon “ay magiging mas mabuti pa sa kanya kaysa sa kanyang inasahan.” Hanggang sa katapusan ng kanyang buhay, patuloy siyang umasa na balang-araw ay matatanggap niya ang lahat ng pagpapala ng templo.19

Kasunod ng burol, inilibing si Jane sa Sementeryo ng Lunsod ng Salt Lake. “Iilang tao lamang ang mas kinilala dahil sa pananampalataya at katapatan kaysa kay Jane Manning James,” pagbibigay parangal ng Deseret News. “Bagama’t mapagpakumbaba ang katayuan sa mundo, ang kanyang mga kaibigan at kakilala ay daan-daan ang bilang.”20


Noong Hulyo 1909, sinimulang ilathala ng Salt Lake Tribune ang mga listahan ng mga kalalakihan na di-umano’y mga bagong nagsipag-asawa nang marami mula noong Pahayag. Nabalisa sa mga listahan ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Kaagad na hinirang ni Joseph F. Smith ang mga apostol na sina Francis Lyman, John Henry Smith, at Heber J. Grant upang siyasatin ang bagay na ito at disiplinahin ang mga Banal na lumabag sa patakaran ng Simbahan tungkol sa pag-aasawa nang maramihan simula pa noong Ikalawang Pahayag.21

Ang pagsisiyasat ay tumagal nang mahigit isang taon at humantong sa pagtitiwalag ng dalawang lalaki na kamakailan lamang nagsipag-asawa nang marami. Ang Unang Panguluhan ay nagpadala rin ng liham sa lahat ng panguluhan ng stake, na nag-aatas sa kanila na tagubilinan ang mga bishop na disiplinahin ang mga sumusuway sa Ikalawang Pahayag. “Itinuturing namin na ang sinumang lalabag sa mahalagang patakaran at pagkilos na ito ay hindi lamang nakagagawa ng paglabag ng isang indibiduwal kundi dinudungisan din ang Simbahan,” isinulat nila.22

Sa panahong ito, ang Pearson’s, isang popular na magasin sa Estados Unidos, ay naglathala ng isang serye ng mga artikulo na bumabatikos sa Simbahan. Pinagbabatayan ang listahan ng Salt Lake Tribune ng mga bagong nagsipag-asawa nang marami, inakusahan ng mga artikulo ang Simbahan ng kasinungalingan at katiwalian. Nakarating din sa kaalaman ni Joseph F. Smith na isa pang popular na magasin, ang Everybody’s Magazine, ay nagbalak na maglathala ng kaparehong serye na isinulat ni Frank Cannon, anak ni George Q. Cannon.23

Si Frank ay dating senador mula sa Utah at minsang naging tagapayo ng Unang Panguluhan. Ngunit ang kanyang malakas na pag-inom ng alak, pambababae, at iba pang kamalian ay lumikha ng hidwaan sa pagitan niya at ng mga lider ng Simbahan. Nang pumanaw ang kanyang ama, siya ay naging isang mapaghinanakit na kritiko ng Simbahan at ni Joseph F. Smith, at dahil sa kanyang dating katayuan sa mga Banal nagmukhang may kredibilidad ang kanyang mga sinasambit.24

Nang malaman nila ang tungkol sa mga plano ni Frank, kaagad sumulat sina Joseph F. Smith at Anthon Lund sa patnugot ng Everybody’s, upang balaan ito na ang mga isinulat ni Frank ay mali at hindi nararapat na bigyang-pansin. Ngunit ang mga patnugot ng magasin noon ay kadalasang sabik na maglathala ng mga maalingasngas na kuwento at nakahihiyang paglalantad, at agad sinimulan ng patnugot ang paglilimbag ng mga artikulo ni Frank. Hindi nagtagal ay dumagsa ang mga suskrisyon sa magasin mula sa iba’t ibang panig ng bansa.25

Si Frank ay hindi ang unang dating Banal sa mga Huling Araw na umatake sa Simbahan sa publiko. Sina Ezra Booth, John C. Bennett, T. B. H. at Fanny Stenhouse, at William Jarman ay tinangkang siraan ang Simbahan sa pamamagitan ng kanilang pagsusulat. Gayunpaman, nakalulungkot ang katanyagan ng mga serye ni Frank.

Muli, naharap ang Simbahan sa isang krisis na dulot ng opinyon ng publiko.26


Ilang estudyante at missionary na Banal sa mga Huling Araw mula sa Swiss-German Mission ang malakas na nagpalakpakan nang lumabas si Emma Lucy Gates sa entablado para sa kanyang pangalawang muling pagtatanghal pagkatapos ng palabas sa Royal Opera House sa Berlin. Mula noong unang pagpunta sa Germany kasama sina John at Leah Widtsoe isang dekada na ang nakararaan, si Lucy ay sumisikat na mang-aawit sa European opera, at iyon ang unang pagkakataon niyang umawit sa bantog na bulwagan. Hindi niya binigo ang kanyang mga manonood.

Mula sa entablado, nadama ni Lucy ang pananampalataya at suporta ng kanyang kapwa mga Banal, na nakaupo sa pinakataas na palko. Tinawag nila siyang “Utah Nightingale.” Marami sa kanila ang nagdarasal para sa kanyang tagumpay nang gabing iyon, at ang ilan sa kanila ay nag-ayuno para sa kanya.27

Pinuri ng mga pahayagan ang kanyang pagtatanghal. “Ang pagsasanay sa kanyang tinig ay walang kapintasan,” isinulat ng isang tagasuri, “at ang maayos at malinaw na pamamaraan ay nagpapakita ng tunay na musikal na sining.”28

Bagama’t napansin ng ilang mga rebyu ang hindi perpektong German ni Lucy, walang bumanggit sa kanyang pinagmulang estado o relihiyon. Dumarami pa rin ang oposisyon sa Simbahan sa Germany at iba pang bahagi ng Europa, kaya pinanatiling lihim ni Lucy mula sa Royal Opera House ang kanyang pagiging miyembro. Karamihan sa mga Banal sa Germany ay niligalig sa kanilang mga komunidad, at ang mga missionary ay madalas na pinagmumulta, pinalalayas, dinarakip, at ibinibilanggo.29

Hinikayat si Lucy ng kanyang guro sa pag-awit na si Madame Blanche Corelli na itago ang kanyang relihiyon para sa kanyang propesyon. Sa pagsusulat ng liham sa kanila, sinabi ni Lucy sa kanyang inang si Susa Gates, na atubili niyang tinukoy ang sarili bilang Protestante sa Royal Opera House. Ayaw itago ni Lucy ang kanyang pananampalataya, ngunit hindi niya hahayaan ang maling pasiya ng isang tao na magtakda ng kanyang kinabukasan.30

Sinuportahan ni Susa ang kanyang pasiya, na binanggit na nakipag-usap siya kay Pangulong Smith tungkol dito, at naniwala ito na tama para sa kanya na panatilihing pribado ang kanyang relihiyon. Ibinigay rin ng kanyang amang si Jacob Gates ang suporta nito. “Ginagawa mo ito para sa isang magandang layunin,” isinulat nito, “at hindi dahil sa nahihiya ka sa alam mong totoo.”31

Noong tag-init ng 1910, lalo pang tumindi ang oposisyon sa Simbahan sa Germany, at natakot si Lucy na hayagang sumamba sa Berlin kasama ng mga Banal. Kamakailan lamang ay dinakip ng mga pulis sa lunsod ang dalawampu’t isang missionary, turista, at estudyante na mga Banal sa mga Huling Araw. Nang pinalaya sila ng mga opisyal mula sa bilangguan makalipas ang labing-walong oras, pinalayas ang mga bilanggo mula sa lunsod bilang “hindi kanais-nais na mga dayuhan.” Iilang estudyante lamang ang pinahintulutang manatili, sa kundisyong hindi sila magsisimba o mangangaral ng ebanghelyo.32

Noong Setyembre, matapos na hindi makadalo sa mga pulong ng simbahan ng tatlong linggo, inasam ni Lucy na sumamba kasama ang iba pang mga Banal at tumanggap ng sakramento. Iminungkahi niyang magdaos ng maliliit na sacrament meeting para sa mga Banal na Amerikano sa Berlin, tulad ng ginawa nila nina Leah at John sa Göttingen. Dahil lahat ng pulong sa relihiyon ay kailangang opisyal na ipalista sa lunsod, ang maliit na grupo ay palihim na nagpulong.

Sa kanilang mga pulong, tumanggap ng sakramento ang mga Banal na Amerikano, umawit ng mga himno, at nagpatotoo. Dinala ni Lucy sa Berlin ang ilang aklat ng Simbahan, kabilang na ang mga banal na kasulatan. Kaya sa kanilang ikalawang pulong, pinag-aralan nila ang Doktrina at mga Tipan at gumugol ng isang oras sa pagtalakay sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli.

“Ngayon huwag sana ninyong ipaalam ito sa mga tao,” babala ni Lucy sa kanyang ina sa isang liham na naglalarawan sa mga pulong. Binabantayan ng pamahalaang German ang paglabas ng balita mula sa Lunsod ng Salt Lake. Kung may isang artikulo tungkol sa kanilang mga lihim na pulong ang mailalathala sa isang pahayagan sa Utah at napansin ito ng pulisya ng Berlin, si Lucy at ang kanyang mga kaibigan ay malalagay sa matinding panganib.

“Maaari kaming makulong sa bilangguan,” isinulat niya. “Pakiusap, mag-ingat kayong lahat na nagbabasa nito.”33


Noong Enero at Pebrero 1911, ang magasin na McClure’s sa Lunsod ng New York ay naglathala ng artikulo na may dalawang bahagi tungkol sa pag-aasawa nang marami matapos ang Pahayag sa ilalim ng pamagat na “Ang Pagsisimulang Muli ng mga Mormon ng Poligamya [The Mormon Revival of Polygamy].” Sa paglalathala ng mga artikulong ito, tatlo sa mga magasin na may panakamaraming suskrisyon sa Estados Unidos ang naglalathala na ngayon ng mga pag-atake laban sa Simbahan. Ang mga artikulo ay may milyun-milyong mambabasa.34

Tinantiya ng artikulo sa McClure na nasa pagitan ng 1,500 at 2,000 kaso ng pag-aasawa nang marami ang naganap sa loob ng dalawampu’t isang taon mula noong inilabas ang Pahayag. Ang tunay na bilang ay 260, ngunit hindi iyon nagpatigil sa may-akda na magsulat pa ng mga kabalintunaan. “Tila walang agarang posibilidad na mawawala ang kaugaliang ito,” katwiran niya. Sa katunayan, naniwala siya na may sapat na bilang ng mga kabataan na nagsisipag-asawa nang marami at dahil dito magtatagal pa ang ganitong kagawian nang hindi bababa sa limampung taon pa.35

Ang artikulo ay napansin ng isang peryodistang taga-Lunsod ng New York na si Ike Russell, na lumaki sa Simbahan sa Utah. Siya ay apo ni apostol Parley P. Pratt, at ang tiyo ng kanyang asawa ay ang mission president sa Lunsod ng New York. Tinalikuran ni Ike ang pananampalataya noong tinedyer siya, ngunit sinusubaybayan niya ang mga balita mula sa Utah at nakadama ng pagmamahal sa mga Banal.36

Ikinayamot nang labis ni Ike na napakarami sa artikulo ng McClure ay hindi tunay o mapanlinlang. Ang isang pahina ay may mga larawan ng pitong apostol na nag-asawa nang marami pagkatapos ng Pahayag. Mababasa sa paliwanag nito, “Hindi itiniwalag ng Simbahan ang isa sa kanila sa paglabag sa paghahayag.” Sa katunayan, lima sa mga lalaki ang pumanaw na, at ang dalawa ay sina John W. Taylor at Matthias Cowley, na wala na sa korum. Nabigo ring banggitin ng artikulo na lahat maliban sa isa sa mga apostol ay napalitan na ng mga monogamista.37

Sumulat si Ike sa patnugot ng McClure tungkol sa maraming mali sa artikulo. Sumulat din siya ng mga liham sa iba pang mga magasin, ngunit hindi siya pinansin ng mga patnugot.38

Pagkatapos ay nakadama siya ng pahiwatig na sumubok ng iba pang paraan. Sinabi ng isa sa mga artikulo sa Pearson’s na ang dating pangulo ng Estados Unidos na si Theodore Roosevelt ay nakipagkasunduan sa mga lider ng Simbahan upang makalikom ng mga boto noong nakaraang halalan. Kung magagawa ni Ike na itanggi ni Roosevelt sa isang liham ang paratang, maaari niya itong gamitin upang pasinungalingan ang artikulo.

Umupo si Ike at nagsimulang magmakinilya. “Nagliliham ako sa pag-asang magiging napakabuti ninyo upang tulungan ako sa pagsisikap na ginagawa ko upang maiwasto ang mga kamalian.”39


Samantala, sa England, nalaman ng apostol at pangulo ng European Mission na si Rudger Clawson na maglulunsad ang pamahalaang Briton ng pagsisiyasat sa gawaing misyonero ng mga Banal sa mga Huling Araw. Batid ang mga pagsisikap ng mga Aleman na palayasin ang mga missionary mula sa kanilang mga lunsod, inisip ng ilang mambabatas kung gayon din ang gagawin ng mga Briton. Bagama’t ilang mamamahayag na Briton ang nangatwiran sa pagpaparaya sa relihiyon ng mga Banal, maraming tao sa United Kingdom ang patuloy na itinuturing ang mga missionary bilang mga kinatawan ng isang banyagang simbahan na nagtuturo ng mga kakatwang ideya at inaakit ang kababaihang British na mapabilang sa maraming asawa40

Sinusugan ng mga kritiko ng Simbahan ang mga takot na ito, kaya balewala ang mabubuting gawaing ginawa ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw bilang mga missionary upang itama ang mga maling pagkaunawa. Sa pagtulad sa halimbawa ni William Jarman, na paminsan-minsa ay nagbibigay pa rin ng mga mensahe, isa pang dating Banal sa mga Huling Araw mula sa Estados Unidos ang lumilibot sa bansa upang isalaysay nang may mariing pagtuligsa ang kanyang mga karanasan sa Simbahan. Ang iba pang mga kritiko ay naglalathala ng mga mapanalungat na sulatin at nag-uudyok ng oposisyon laban sa mga Banal.41

Noong unang bahagi ng 1911, sumulat si Rudger sa British Home Secretary na si Winston Churchill, nangangakong makikipagtulungan sa pamahalaan. “Sakaling may anumang pagsisiyasat,” sinabi niya, “nakahanda kaming ibigay sa iyo ang anumang tulong na kaya namin.” Pinasimulan kaagad ni Churchill ang pagsiyasat tungkol sa Simbahan at sa gawaing misyonero nito. “Seryoso kong pagtutuunan ito,” sabi niya sa Batasan.42

Nanatiling malakas ang oposisyon sa Simbahan sa Britain pagsapit ng tagsibol. Isang araw ng Linggo noong Abril, isang grupo na tinatawag na Liverpool Anti-Mormon Crusade ang nagsimula ng isang kaguluhan sa bayan ng Birkenhead, kung saan humigit-kumulang tatlumpung Banal ang nagpupulong sa isang bulwagan. Sa udyok ng maraming tao, sinugod ng mga manggugulo ang mga pulis na nagtipon sa labas ng bulwagan. Ang iba ay naghagis ng mga bato sa mga bintana nito.

Habang tumitindi ang karahasan, sinubukang dakpin ng mga pulis ang mga nagpasimula ng gulo, ngunit nakipaglaban ang mga manggugulo. Ang ilan sa mga mandurumog ay nagbigay sa mga missionary ng liham na nag-uutos na lisanin ng mga ito ang Birkenhead sa loob ng pitong araw.

“Hindi ko susundin ito,” sabi ni Richard Young, ang namumunong missionary sa kumperensya.

“Handa kang tanggapin ang mga ibubunga nito?” tanong ng isa sa mga mandurumog.

“Oo,” sabi niya.43

Naglathala ang mga lokal na pahayagan ng mga kuwento tungkol sa kaguluhan at ultimatum ng mga mandurumog, at maraming tao ang sabik na makita kung ano ang susunod na mangyayari. Nag-alala si Rudger na pisikal na masasaktan ang mga missionary kung mananatili sila sa bayan. Ngunit matapos sumangguni kay Richard at sa iba pang mga missionary, sumang-ayon siya na dapat silang manatili. Kung lilisanin ng mga elder ang Birkenhead, ano pa ang pipigil sa mga mandurumog na pilitin ang mga missionary na lumikas mula sa iba pang mga bayan at nayon?44

Itinalaga ni Rudger ang sumunod na Linggo bilang araw ng panalangin at pag-aayuno para sa mga missionary. Nang dumating ang araw na iyon, nagtipon ang mga elder sa Birkenhead para sa unang pulong nila sa publiko mula nang magkagulo. Dumating ang mga pulis at bumuo ng isang linya sa harap ng bulwagan. Isang pulutong ng limang libong tao ang agad na nagtipon, at ang mga miyembro ng mga mandurumog na may kasamang bandang nagpapatugtog ay nilampasan ang mga pulis. Pinalakpakan ng mga tao ang mga mandurumog, ngunit walang naganap na karahasan.

Ang matapang na pagsuway ng mga elder sa mga mandurumog ay nagpahanga sa ilang nagmamasid. “Tila binago nito ang tono ng mga artikulo sa pahayagan hinggil sa amin,” iniulat ni Rudger sa Unang Panguluhan. “Sapagkat sa kasalukuyan, tila napawi na ang pang-aabuso at masamang hangad laban sa mga Banal sa mga Huling Araw.”45

Sa panahong ito, ipinagpatuloy ni Winston Churchill ang kanyang pagsisiyasat sa Simbahan. Sa buong bansa, tinanong ng pulis ang mga pamilya ng mga kabataang babae na sumapi sa Simbahan at nandayuhan sa Utah, at dumalo ang mga kinatawan ng pamahalaan sa mga pagsamba. Walang sinumang nakakita ng katibayan na ang Simbahan o mga missionary nito ay nagdudulot ng pinsala. Dahil nasiyahan, pinagtibay ni Churchill na walang dahilan upang paalisin ang mga missionary, at wala siyang inirerekomendang ligal na aksyon laban sa mga Banal.46


Sa Utah, tumanggap si Joseph F. Smith ng kopya ng isang mahabang liham na isinulat ni Theodore Roosevelt kay Ike Russell, na pinabubulaanan ang mga pahayag na nakipagkasunduan siya sa mga Banal upang makuha ang boto ng Utah. “Ang paratang ay hindi lamang mali,” ipinabatid ni Roosevelt kay Ike, “ngunit lubhang katawa-tawa kaya mahirap talakayin ito nang seryoso.”47

Batid ni Joseph na nais ilathala ni Ike ang liham sa Collier’s, isang magasin na may suskrisyon ng isang milyong mambabasa. Hinikayat din ni Reed Smoot si Joseph na gumawa ng hakbang laban sa mga pag-atake. “Kung walang pagkilos,” babala ni Reed, “Hindi ko tiyak kung makakaiwas tayo sa pagsisiyasat.” Ngunit sa kasalukuyan ay kakaunti lamang ang ginawang pagtugon ni Joseph sa mga artikulo sa magasin.48

Pagkatapos, noong unang bahagi ng Abril 1911, nagpadala siya ng telegrama kay Reed upang itanong kung may pahayagan sa silangan ang maglalathala ng opisyal na tugon mula sa Simbahan. Kaagad na kinontak ni Reed ang mga pahayagan, ngunit wala siyang natanggap na pangako. Samantala, inasikaso ni Ike ang paglathala sa liham ni Theodore Roosevelt sa Collier’s. Dahil nalugod, hinayaan ni Joseph na mailathala ang liham at ang tugon ng Simbahan sa mga artikulo sa magasin bilang mga polyeto at ipinamahagi sa mga kilalang mamamayan sa buong Estados Unidos at Great Britain.49

Gayunpaman, patuloy na inilalathala sa magasin ang mga bagong artikulo tungkol sa Simbahan. Noong Marso, ang Cosmopolitan, ang ikaapat na magasin ay naglunsad ng tatlong magkakasunod na artikulo na naghahambing sa Simbahan sa isang ulupong na nakahandang tumuklaw sa tahanan at buhay pamilya. Tulad ng iba pang mga magasin, sinabi nito na itinataguyod pa rin ng Simbahan ang pag-aasawa nang marami.50

Sa panahong ito, nabalitaan ni Francis Lyman ang mga ulat na sina John W. Taylor at Matthias Cowley ay nag-asawa nang marami kamakailan lamang at nagsagawa ng marami pang maramihang pagpapakasal. Nakipagpulong Siya at ang kanyang komite sa dalawang lalaki. Nagmatigas si John W. sa kanyang mga pulong. Tunay ngang nagpakasal pa siya noong 1909, subalit ayaw niya itong aminin o itatwa ang katotohanan.51 Sa kaso naman niya, kinilala ni Matthias na nagkamali siya. Sa huli, itiniwalag ng Labindalawa si John W. at pinagbawalan si Matthias na gamitin ang awtoridad ng priesthood.52

Matapos disiplinahin ang mga dating apostol, naglakbay si Joseph F. Smith patungong Washington, DC. Habang naroroon, nakipagkita siya sa isang mamamahayag sa bahay nina Reed at Allie Smoot. Nagtanong ang mamamahayag tungkol sa pulitika, pananalapi ng Simbahan, at iba pang mga isyu na karaniwang tinatalakay sa mga negatibong artikulo tungkol sa Simbahan. Ngunit karamihan sa kanyang mga tanong ay tungkol sa pag-aasawa nang marami. Tahasang tumugon si Joseph sa kanyang mga tanong, handang iwasto ang maling impormasyon na inilathala sa mga magasin.

“Ang poligamya sa mga Mormon ay talagang hindi na sinasang-ayunan at ipinagbabawal na ng Simbahan,” pahayag ni Joseph.

“Paano maipapakita na ang poligamya ay talagang ipinagbabawal na ngayon ng simbahang Mormon?” tanong ng mamamahayag.

“Ang pinakamainam na katibayan na aming seryoso at matapat na nilalabanan ang poligamya,” sagot ni Joseph, “ay ipinapakita sa halimbawa na si Ginoong Taylor, dating apostol ng Simbahan at miyembro ng namamahalang lupon, ay itiniwalag.”53

Inilathala ang panayam sa pahayagan makalipas ang ilang araw, at di-nagtagal ay sinundan ito ng iba pang magagandang artikulo tungkol sa mga Banal. “Wala akong naririnig kundi magagandang ulat mula sa inyong pagbisita rito,” sinabi ni Reed kay Joseph. “Naniniwala ako na nakagawa ito ng napakaraming kabutihan.”54

Hindi nagtagal ay nawalan ng interes ang mga magasin sa paglalathala ng mapunahing artikulo tungkol sa Simbahan. Kalaunan noong tag-init na iyon, sumulat si Joseph kay Ike Russell, pinagninilayan ang kamakailan lamang na kaguluhan. “Naniniwala kami na magbabago ang opinyon ng publiko,” pansin niya. “Kinailangan nating mahirapan at lumaban mula sa simula, at wala na tayong iba pang inaasahan kundi ang iba’t ibang pagsalungat hanggang sa magtagumpay tayo.”55

  1. “Joseph F. Smith Is Now in Zion,” Salt Lake Tribune, Set. 30, 1906, 1; Francis Marion Lyman, Journal, Apr. 8, 1906; “J. M. Tanner Dropped from Two Boards,” Salt Lake Telegram, Abr. 10, 1906, 6; Church Board of Education, Minutes, Apr. 25, 1906, 51. Hiniling kay Joseph Tanner na kumpletuhin ang obligasyon ng kanyang kontrata sa Simbahan sa pagtatapos ng taon ng klase.

  2. John Henry Smith, Diary, Apr. 8, 1906; Francis Marion Lyman and George Albert Smith, sa Seventy-Sixth Annual Conference, 79–80, 93–94. Paksa: Korum ng Labindalawa

  3. Reed Smoot to Charles Penrose, Apr. 30, 1906, Reed Smoot Papers, BYU.

  4. “Senator Smoot’s Case,” Evening Star (Washington, DC), Hunyo 11, 1906, 6.

  5. Flake, Politics of American Religious Identity, 5; Paulos, Mormon Church on Trial, xxiv–xxxiii; Heath, “First Modern Mormon,” 1:179, 184–87; Winder, “Theodore Roosevelt and the Mormons,” 12–13; “Smoot Keeps His Seat,” Evening Star (Washington, DC), Peb. 21, 1907, 9; “Senator Smoot Seated,” Washington (DC) Times, Peb. 21, 1907, 10. Mga Paksa: Paglilitis kay Reed Smoot; Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika

  6. Joseph F. Smith to Reed Smoot, Feb. 23, 1907, Reed Smoot Papers, BYU.

  7. Joseph F. Smith, sa Seventy-Seventh Annual Conference, 7. Paksa: Ikapu; Mga Pananalapi ng Simbahan

  8. Address to the World,” at “An Address,” sa Seventy-Seventh Annual Conference, 8–9, 3–16 (ikalawang pagbibilang).

  9. Address to the World,” sa Seventy-Seventh Annual Conference, 9.

  10. “Death of Jane Manning James,” Deseret Evening News, Abr. 16, 1908, 1; “First Negroes to Join Mormon Church,” Salt Lake Herald, Okt. 2, 1899, 5; Mga Banal, tomo 2, kabanata 5 at 6; “James, Jane Elizabeth,” Pioneer Database, history.ChurchofJesusChrist.org/overlandtravel; tingnan din sa “James, Jane Elizabeth Manning,” Biographical Entry, Century of Black Mormons website, exhibits.lib.utah.edu. Paksa: Jane Elizabeth Manning James

  11. “Death of Jane Manning James,” Deseret Evening News, Abr. 16, 1908, 1; James, Autobiography, [8]; Newell, Your Sister in the Gospel, 128; tingnan din, halimbawa sa, “Old Folks’ Day at the Lagoon,” Salt Lake Herald, Hunyo 27, 1902, 5; at “Salt Lake Observes Day of the Pioneers,” Salt Lake Tribune, Hulyo 26, 1904, 1.

  12. “‘Aunt Jane’ Laid to Rest,” Deseret Evening News, Abr. 21, 1908, 2; “James, Jane Elizabeth Manning,” Biographical Entry, Century of Black Mormons website, exhibits.lib.utah.edu; James, Autobiography, [1], [6]. Mga Paksa: Pamilya nina Joseph at Emma Hale Smith; Pang-aalipin at Pagwawakas Nito

  13. James, Autobiography, [8]; Newell, Your Sister in the Gospel, 72–73; “James, Jane Elizabeth Manning,” Biographical Entry, Century of Black Mormons website, exhibits.lib.utah.edu.

  14. “‘Aunt Jane’ Laid to Rest,” Deseret Evening News, Abr. 21, 1908, 2; Jane James to Joseph F. Smith, Feb. 7, 1890, Joseph F. Smith Papers, CHL; Jane James to Joseph F. Smith, Aug. 31, 1903, First Presidency Temple Ordinance Files, CHL; Quorum of the Twelve Apostles, Minutes, Jan. 2, 1902, George Albert Smith Family Papers, J. Willard Marriott Library, University of Utah, Salt Lake City.

  15. “Race and the Priesthood,” Gospel Topics Essays, ChurchofJesusChrist.org/study/manual/gospel-topics-essays; Mga Banal, tomo 2, kabanata 12 at 28.

  16. Newell, Your Sister in the Gospel, 97–100, 106–8, 114, 119; Mga Banal, tomo 2, kabanata 39; “James, Jane Elizabeth Manning,” Biographical Entry, Century of Black Mormons website, exhibits.lib.utah.edu; Reiter, “Black Saviors on Mount Zion,” 105–13. Mga Paksa: Restriksyon sa Priesthood at sa Templo; Binyag para sa Patay

  17. Zina D. Young to Joseph F. Smith, June 15, 1894, First Presidency Temple Ordinance Files, CHL; Salt Lake Temple, Sealings for the Dead, Couples, 1893–1942, tomo A, Mayo 18, 1894, microfilm 184,587, U.S. and Canada Record Collection, FHL; Newell, Your Sister in the Gospel, 114–15.

  18. Quorum of the Twelve Apostles, Minutes, Jan. 2, 1902, George Albert Smith Family Papers, J. Willard Marriott Library, University of Utah, Salt Lake City; James, Autobiography, [8].

  19. Clawson, Journal, Nov. 13, 1902; Jane James to Joseph F. Smith, Aug. 31, 1903, First Presidency Temple Ordinance Files, CHL. Ang mga ordenansa sa templo para sa mga patay ay isinagawa para kay Jane Manning James noong 1979.

  20. “‘Aunt Jane’ Laid to Rest,” Deseret Evening News, Abr. 21, 1908, 2; “Death of Jane Manning James,” Deseret Evening News, Abr. 16, 1908, 1.

  21. “But One of Many Cases,” Salt Lake Tribune, Hulyo 28, 1909, 4; “Some New Polygamists,” Salt Lake Tribune, Nob. 13, 1909, 6; George F. Richards, Journal, July 14, 1909; Francis Marion Lyman, Journal, July 14 and 21–22, 1909; John Henry Smith, Diary, July 14, 1909. Paksa: Pag-aasawa nang Marami pagkaraan ng Pahayag

  22. Francis Marion Lyman, Journal, Jan. 7, 1910; Feb. 9–10, 1910; Sept. 28, 1910; Oct. 3, 1910; George F. Richards, Journal, July 21–22, 1909; Sept. 22, 1909; “Excommunication,” Deseret Evening News, Set. 28, 1910, 1; “Excommunication,” Deseret Evening News, Okt. 3, 1910, 1; First Presidency to Presidents and Counselors, Oct. 5, 1910, sa Clark, Messages of the First Presidency, 4:216–18; Hales, Modern Polygamy and Mormon Fundamentalism, 95–105.

  23. Richard Barry, “The Political Menace of the Mormon Church,” Pearson’s, Set. 1910, 24:319–30; “The Mormon Evasion of Anti-polygamy Laws,” Pearson’s, Okt. 1910, 24:443–51; “The Mormon Method in Business,” Pearson’s, Nob. 1910, 24:571–78; Cannon, “Magazine Crusade against the Mormon Church,” 4, 6–8; Smoot, Diary, Oct. 18, 1910, Reed Smoot Papers, BYU.

  24. Cannon, “Cannon’s National Campaign,” 65, 105; Cannon, “Wives and Other Women,” 83.

  25. Joseph F. Smith and Anthon H. Lund to John O’Hara Cosgrave, Oct. 20, 1910, First Presidency Cumulative Correspondence, CHL; Tichi, Exposés and Excess, 65–72, 76–83; Frank J. Cannon and Harvey J. O’Higgins, “Under the Prophet in Utah,” Everybody’s Magazine, Dis. 1910, 23:722–37, 99–104 [ikalawang pagbibilang]; Ene. 1911, 24:29–35; Peb. 1911, 24:189–205; Mar. 1911, 24:383–99; Abr. 1911, 24:513–28; Mayo 1911, 24:652–64; Hunyo 1911, 24:825–35; Frank J. Cannon at Harvey J. O’Higgins, “The New Polygamy,” Everybody’s Magazine, Hulyo 1911, 25:94–107; Frank J. Cannon at Harvey J. O’Higgins, “The Prophet and Big Business,” Everybody’s Magazine, Ago. 1911, 25:209–22; Cannon, “Cannon’s National Campaign,” 65–74.

  26. Mga Banal, tomo 1, kabanata 13 at 39; Mga Banal, tomo 2, chapters 25 at 27; Howard, “William Jarman,” 61.

  27. Lucy Gates to “Dearest Ones,” Apr. 6, 1909, Emma Lucy Gates Bowen Papers, BYU; Horace G. Whitney to the Burtons and others, Apr. 18, 1909, Susa Young Gates Papers, CHL; Horace G. Whitney, “Emma Lucy Gates Scores a Big Hit,” Deseret Evening News, Abr. 26, 1909, 1; “Emma Lucy Gates Sings in the Berlin Royal Opera House,” Deseret Evening News, Mayo 8, 1909, 26.

  28. Horace G. Whitney, “Emma Lucy Gates Sings in the Berlin Royal Opera House,” Deseret Evening News, Mayo 8, 1909, 26; Horace G. Whitney, “Emma Lucy Gates Scores a Big Hit,” Deseret Evening News, Abr. 26, 1909, 1; Horace G. Whitney to the Burtons and others, Apr. 18, 1909, Susa Young Gates Papers, CHL.

  29. Lucy Gates to “Dearest Ones,” Apr. 6, 1909, Emma Lucy Gates Bowen Papers, BYU; Horace G. Whitney, “Emma Lucy Gates Sings in the Berlin Royal Opera House,” Deseret Evening News, Mayo 8, 1909, 26; Alexander, Mormonism in Transition, 227–30; Mitchell, “Mormons in Wilhelmine Germany,” 152–56, 163–70; Allen, Danish but Not Lutheran, 161–76.

  30. Lucy Gates to “Dearest Ones,” Apr. 6, 1909, Emma Lucy Gates Bowen Papers, BYU; Horace G. Whitney to the Burtons and others, Apr. 18, 1909, Susa Young Gates Papers, CHL; Arthur M. Abell, “Enrico Caruso,” Musical Courier, Nob. 18, 1908, 57:6.

  31. Susa Young Gates to Lucy Gates, Apr. 12, 1910; Jacob Gates to Lucy Gates, Apr. 13, 1910, Susa Young Gates Papers, CHL.

  32. Thomas McKay, “Concerning the Banishment from Berlin,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Ago. 11, 1910, 72:508–9; Swiss-German Mission, Office Journal, July 21–23, 1910, 111; Lucy Gates to “Dearest Ones,” Sept. 27 and Oct. 2, 1910, Emma Lucy Gates Bowen Papers, BYU; “Salt Lake Boy in Berlin Jail,” Deseret Evening News, Ago. 8, 1910, 5.

  33. Lucy Gates to “Dearest Ones,” Sept. 27 and Oct. 2, 1910, Emma Lucy Gates Bowen Papers, BYU, nasa orihinal ang pagbibigay-diin.

  34. Burton Hendrick, “The Mormon Revival of Polygamy,” McClure’s Magazine, Ene. 1911, 36:245–61; Peb. 1911, 36:449–64; Cannon, “Magazine Crusade against the Mormon Church,” 2–4; Wilson, McClure’s Magazine and the Muckrakers, 56, 190–200; Miraldi, Muckraking and Objectivity, 57–60.

  35. Burton Hendrick, “The Mormon Revival of Polygamy,” McClure’s Magazine, Peb. 1911, 36:458; Hardy, Solemn Covenant, 183.

  36. Cannon, “Mormon Muckraker,” 47–52; Cannon, “Magazine Crusade against the Mormon Church,” 27, tala 100; “Benjamin Erastus Rich,” Missionary Database, history.ChurchofJesusChrist.org/missionary; Isaac Russell to D. B. Turney, Apr. 28, 1911, B. H. Roberts Collection, CHL.

  37. Burton Hendrick, “The Mormon Revival of Polygamy,” McClure’s Magazine, Peb. 1911, 36:457; Isaac Russell, “Mr. Roosevelt to the Mormons,” Collier’s, Abr. 15, 1911, 47:28; “Authorities Sustained,” sa Eighty-First Semi-annual Conference, 114; “The Manifesto and the End of Plural Marriage,” Gospel Topics Essays, ChurchofJesusChrist.org/study/manual/gospel-topics-essays; Deseret News Church Almanac [1974], 133–34.

  38. Isaac Russell to B. H. Roberts, Jan. 16, 1911; Feb. 8, 1911, B. H. Roberts Collection, CHL; Burton Hendrick, “The Mormon Revival of Polygamy,” McClure’s Magazine, Peb. 1911, 36:457; Cannon, “Mormon Muckraker,” 57–59; 57, note 31.

  39. Isaac Russell to Joseph F. Smith, Feb. 11, 1913; Isaac Russell to Theodore Roosevelt, Feb. 2, 1911, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL; Richard Barry, “The Political Menace of the Mormon Church,” Pearson’s, Set. 1910, 24:327.

  40. 24 Parliamentary Debate, House of Commons, 5th series, Apr. 20, 1911, 1044–45; Arthur L. Beeley, “Government Investigation of the ‘Mormon’ Question,” Improvement Era, Nob. 1914, 18:57; Bennett at Jensen, “Nearer, My God to Thee,” 118–20; Thorp, “Crusade against the Saints in Britain,” 79–81.

  41. Rasmussen, Mormonism and the Making of a British Zion, 117–19; “Mormonism Exposed by Mr. William Jarman,” East Anglian Daily Times (Ipswich, England), Mayo 27, 1909, 4; “Jarman,” Nuneaton (England) Observer, Hulyo 12, 1912, 3; Thorp, “Crusade against the Saints in Britain,” 74–77.

  42. Rudger Clawson to Winston Churchill, Jan. 12, 1911, kopya, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL; 22 Parliamentary Debate, House of Commons, 5th series, Mar. 6, 1911, 811, 989.

  43. “Anti-Mormon Crusade,” Evening Express (Liverpool), Abr. 3, 1911, 7; “The Mormons,” Evening Express, Abr. 19, 1911, 5; “Anti-Mormon Riots,” Evening Express, Abr. 21, 1911, 4; “Anti-Mormon Riots at Birkenhead,” Liverpool Daily Post and Liverpool Mercury, Mayo 4, 1911, 5; Rudger Clawson to First Presidency, Abr. 25, 1911, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; “hindi siya tatalima rito” sa orihinal ay pinalitan ng “hindi ako tatalima rito.”

  44. “The Mormons,” Evening Express (Liverpool), Abr. 19, 1911, 5; “Anti-Mormon Campaign,” Manchester Guardian, Abr. 24, 1911, 12; Rudger Clawson to First Presidency, Apr. 25, 1911, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL.

  45. Rudger Clawson to First Presidency, Apr. 25, 1911, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL; “Anti-Mormonism,” Evening Express (Liverpool), Abr. 24, 1911, 4; “Anti-Mormon Campaign,” Manchester Guardian, Abr. 24, 1911, 12; tingnan din sa “Anti-Mormon Riots,” Evening Express, Abr. 21, 1911, 4.

  46. Rudger Clawson to First Presidency, Apr. 7, 1911, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL; Beeley, Summary Statement, 13; Thorp, “British Government and the Mormon Question,” 308–11.

  47. Theodore Roosevelt to Isaac Russell, Feb. 4, 1911, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL.

  48. Smoot, Diary, Mar. 14, 16, and 22, 1911; Apr. 2, 1911, Reed Smoot Papers, BYU; Cannon, “Magazine Crusade against the Mormon Church,” 27; Reed Smoot to First Presidency, Apr. 1, 1911, First Presidency General Authorities Correspondence, CHL.

  49. Smoot, Diary, Apr. 7, 1911, Reed Smoot Papers, BYU; Isaac Russell, “Mr. Roosevelt to the Mormons,” Collier’s, Abr. 15, 1911, 47:28; Theodore Roosevelt Refutes Anti-Mormon Falsehoods, 1911; Isaac Russell, “Mr. Roosevelt to the ‘Mormons,’Improvement Era, Hunyo 1911, 14:713–18; Joseph F. Smith to Isaac Russell, Apr. 25, 1911; B. H. Roberts to Isaac Russell, May 15, 1911, Isaac Russell Papers, Special Collections, Cecil H. Green Library, Stanford University, Stanford, CA.

  50. Alfred Henry Lewis, “Viper on the Hearth,” Cosmopolitan, Mar. 1911, 50:439–50; “The Trail of the Viper,” Cosmopolitan, Abr. 1911, 50:693–703; “The Viper’s Trail of Gold,” Cosmopolitan, Mayo 1911, 50:823–33; tingnan din sa Givens, Viper on the Hearth, 97–120.

  51. Francis Marion Lyman, Journal, Jan. 5, 1911; Feb. 15 and 22, 1911; Mar. 28, 1911; Cowley, Journal, May 2, 1911; Miller, Apostle of Principle, 540–51; Hardy, Solemn Covenant, apendiks 2, [422].

  52. Francis Marion Lyman, Journal, May 10–11, 1911; George F. Richards, Journal, May 11, 1911; Cowley, Journal, May 10–12, 1911; Joseph F. Smith to Isaac Russell, June 15, 1911, Letterpress Copybooks, 505, Joseph F. Smith Papers, CHL; “Excommunication,” Deseret Evening News, Mayo 2, 1911, 2; “Official Action,” Deseret Evening News, Mayo 12, 1911, 1. Mga Paksa: Pagdisiplina sa Simbahan; Matthias F. Cowley

  53. “No Polygamy Now,” Washington (DC) Post, Hunyo 30, 1911, 1–2.  

  54. Theodore H. Tiller, “Mormon Head Says Work and Thrift Are First Teachings of His Religion,” Washington (DC) Times, Hunyo 29, 1911, 8; “Gives Mormon View,” Evening Star (Washington, DC), Hunyo 30, 1911, 10; Reed Smoot to Joseph F. Smith, July 2, 1911, First Presidency General Authorities Correspondence, CHL.

  55. Joseph F. Smith to Isaac Russell, July 13, 1911, Letterpress Copybooks, 540–41, Joseph F. Smith Papers, CHL. Paksa: Public Relations