Kabanata 25
Walang Oras na Dapat Sayangin
Noong gabi ng ika-11 ng Marso 1938, tinipon ni Hermine Cziep ang kanyang tatlong anak sa tabi ng isang radyo sa kanilang maliit at isang silid na apartment sa labas lamang ng Vienna, Awstrya. Si Kurt Schuschnigg, ang tsanselor ng Awstrya, ay kasalukuyang nagsasagawa ng brodkast ng isang mensahe para sa bansa. Ang mga kawal na Aleman ay nagtitipon sa hangganan sa pagitan ng kanilang mga bansa. Maliban na lamang kung papayag ang pamahalaan ng Awstrya na tanggapin ang Anschluss—ang pagkakaisa ng Alemanya at Awstrya sa ilalim ng pamumuno ng mga Nazi—sasakupin ng hukbo ng Alemanya ang kanilang lupain. Halos walang magawa ang tsanselor kung hindi magbitiw at hilingin sa bansa na magpasakop sa Alemanya.
“Kung gayon ay magpapaalam na ako sa mga mamamayan ng Awstrya,” ipinahayag niya. “Nawa’y protektahan ng Diyos ang Awstrya!”
Nagsimulang umiyak si Hermine. “Ngayon ay hindi na tayo Awstrya,” sabi niya sa kanyang mga anak. “Ito ay gawa ni Satanas. Ang puwersa ay nagbubunga ng puwersa, at ang taglay ng mga Nazi ay hindi mabuti.”1
Nang sumunod na dalawang araw, iilang tao lamang ang hayagang nilabanan ang hukbo ni Adolf Hitler nang pumasok ang mga Aleman sa bansa at sinakop ang kapulisan. Isinilang si Hitler sa Awstrya, at maraming taga-Awstrya ang sumuporta sa kanyang hangaring pagkaisahin ang lahat ng taong nagsasalita ng wikang Aleman sa isang makapangyarihang bagong imperyong tinatawag na “Ikatlong Reich,” kahit na nangangahulugan ito ng pagtalikod sa pambansang kasarinlan.2
Kasama ni Hermine ang kanyang asawang si Alois sa pag-aalinlangan sa mga Nazi. Naging pangulo ito ng Vienna Branch nang mahigit apat na taon, at si Hermine ay naglingkod kasama nito bilang pangulo ng Relief Society. Ang branch ay maliit, may walong miyembro lamang, at ang ilan sa kanila ay matitibay na mga tagasuporta ni Hitler at ng Anschluss. Ang iba pang mga miyembro ng branch, lalo na ang mga taong may lahing Judio, ay itinuring ang pag-akyat ni Hitler sa kapangyarihan nang may takot at panghihina ng loob. Ngunit ang mga Banal sa Vienna ay isang pamilya pa rin, at ayaw ng mga Cziep na hatiin sila ng mga Nazi.3
Nang sumapi sina Hermine at Alois sa Simbahan bilang mga young adult, lumikha ito ng hidwaan sa pagitan nila at ng kanilang mga magulang. Ang ama ni Alois, isang tapat na Katoliko, ay lumalabas na itinakwil ang kanyang anak, sinasabi sa kanya sa isang liham na kailangan niyang talikdan ang kanyang pakikisalamuha sa Banal sa mga Huling Araw. “Kung magpapasiya kang huwag makinig sa aking mga salita,” isinulat ng kanyang ama, “hindi na ako muling mangungusap sa iyo sa buhay na ito, at anumang ililiham mo sa akin ay masusunog sa apoy.” Pumanaw na ang kanyang ama, at bagama’t maganda na ngayon ang ugnayan ni Alois sa kanyang mga kapatid, alam niya ang pait ng isang pamilyang nasira.4
Ang iba pang mga Banal na Vienna ay nakaranas ng gayon ding pagtanggi, at maraming mga mas bata pang mag-asawa sa branch ang itinuturing ang mga Cziep bilang kanilang mga magulang. Dahil karaniwang walang pera si Hermine para sa mga trambiya, naglalakad siya sa buong lunsod nang ilang beses sa isang linggo upang bisitahin ang mga babae sa branch. Kapag ang isang babae mula sa branch ay magluluwal ng sanggol, magdadala si Hermine ng pagkain para sa pamilya, tutulong sa paglilinis, at aalagaan ang mga nakatatandang bata. Samantala, si Alois ay naglalakbay sakay ng bisikleta, madalas asikasuhin ang mga pangangailangan ng branch pagkatapos ng kanyang trabaho tuwing ikapito ng gabi.5
Tatlong araw matapos ang talumpati ni Tsanselor Schuschnigg, ang mga pula at puting bandila ng Nazi na may mga itim na swastika ay nakahanay sa mga lansangan ng Vienna. Dahil nagtatrabaho si Alois sa isang malaking kumpanyang Aleman, siya at ang kanyang mga katrabaho ay inuutusang lisanin ang tindahan upang bumuo ng isang “bantay ng karangalan” habang si Hitler at ang kanyang mga kawal ay nagmamartsa sa kabuuan ng lunsod. Habang nakatayo si Alois sa gitna ng mga tao, hindi niya halos makita ang walang bubong na kulay abong kotse ni Hitler noong binabagtas nito ang kalye, napapaligiran ng mga kotse ng pulis at armadong sundalo na suot ang kanilang matitikas na uniporme. Sa paligid ni Alois ay nagagalak ang mga tao, itinataas ang kanilang mga kanang braso bilang saludo ng mga Nazi.
Kinabukasan, sumama si Alois sa libu-libo na kanyang mga kapwa mamamayan nang magsiksikan sila sa Heldenplatz, o “Hero’s Square,” na nasa bandang labas ng Palasyo ng Hofburg sa Vienna. Lumapit si Hitler sa balkonahe ng palasyo at sinabing, “Maipapahayag ko bago itala sa kasaysayan ang pagsanib ng aking bayang sinilangan sa German Reich.”6
Habang dumadami ang mga tao, napuno ng sigaw ng “Heil Hitler!” ang plasa. Natanto ni Alois na nasasaksihan niya ang isang mahalagang sandali sa kasaysayan. Paano maaapektuhan ng mga pangyayaring ito ang mga Banal sa Vienna ay nananatiling hindi malinaw.7
Sa kabilang panig ng mundo, pinanghinaan ng loob ang dalawampu’t tatlong taong-gulang na si Chiye Terazawa. Sa loob ng halos isang buwan, naglilingkod siya bilang misyonero na sanay sa wikang Hapones sa Honolulu, Hawaii. Bagama’t mula sa bansang Hapon ang kanyang mga magulang, isinilang at lumaki siya sa Estados Unidos at hindi nagsalita ng wikang Hapones. Sa katunayan, habang pinag-aaralan niya ang wika kasama ang iba pang mga misyonero, madalas niyang pagalitan ang kanyang sarili dahil hindi siya natututo nang mas mabilis. Halos bawat araw ay nahihirapan siya, at nagsumamo siya sa Diyos na tulungan siyang matuto.8
Magtatatlong taon na ang lumipas mula nang tumanggap ng inspirasyon si Pangulong Heber J. Grant na buksan ang isang mission sa malaking populasyon ng mga Hapones ng Hawaii. Habang siya at ang kanyang mga tagapayo ay sabik na muling simulan ang gawaing misyonero sa mga nagsasalita ng wikang Hapones, isang dating mission president sa bansang Hapon ang nagpayo laban dito. Naniwala ito na napakaraming pagkakaiba sa kultura ang magiging hadlang sa tagumpay.
Gayunpaman, nagpatuloy si Pangulong Grant sa plano, kumbinsido na ang isang mission sa wikang Hapones sa Hawaii ay maaaring makapagtatag ng malalakas na branch ng mga nagsasalita ng wikang Hapones na maaaring magbahagi ng ebanghelyo sa mga kaibigan at pamilya sa bansang Hapon.9 Noong Nobyembre 1936, tinawag niya si Hilton Robertson, na naging mission president din sa bansang Hapon, upang buksan ang mission. Si Pangulong Robertson at ang kanyang asawang si Hazel ay lumipat sa Honolulu, at tatlong elder mula sa Estados Unidos ang agad na sumama sa kanila.10 Pagkatapos ay dumating si Chiye noong mga unang araw ng Pebrero 1938.
Kahit nahihirapang matutuhan ang wika, isang masigasig na missionary si Chiye. Siya ang unang full-time na missionary na may lahing Hapones at Amerikano na naglilingkod sa Simbahan, at ang ebanghelyo ay isang mahalagang bahagi ng kanyang buhay. Kapwa hindi miyembro ng Simbahan ang sinuman sa kanyang mga magulang, ngunit maraming taon na silang naninirahan kasama ng mga Banal sa timog-silangang Idaho. Bago pumanaw ang kanyang ina sa pandemya ng trangkaso noong 1918, hiniling niya sa ama ni Chiye na papuntahin si Chiye at ang kanyang limang kapatid sa mga pulong ng Simbahan.
“Hindi mo sila mapapalaki nang mag-isa,” ang sabi ng ina ni Chiye sa kanya. “Ang Simbahan ang magiging kanilang ina upang ikaw ay maging kanilang ama.”11
At maayos na nagawa ng Simbahan ang bahagi nito, kapwa sa Idaho at pagkatapos ay sa California matapos lumipat doon ang pamilya. Bago umalis si Chiye para sa kanyang misyon, ipinagdaos siya ng mga Banal sa kanyang stake ng isang handaan bilang pamamaalam na may mga talumpati ng mga lokal na lider, mga tap dancer, string quartet, at orkestra para sa musikang sasayawan.12
Bilang nag-iisang babaeng misyonero sa mission na walang asawa, karaniwang nakikipagtulungan si Chiye kay Sister Robertson. Dahil wala ni isa sa kanila ang nagsasalita ng wikang Hapones, madalas silang magturo sa iba pang mga nagsasalita ng wikang Ingles. Tinawag din ni Pangulong Robertson si Chiye na mag-organisa ng Young Women’s Mutual Improvement Association sa mission at maglingkod bilang pangulo nito. Nakakalula ang itinalagang gawain, ngunit tumanggap siya ng ilang payo kung paano mag-organisa ng MIA nang si Helen Williams, ang unang tagapayo sa pangkalahatang panguluhan ng YWMIA, ay bumisita sa mga isla.
Pinili ni Chiye ang kanyang mga tagapayo at pinagpasyahan kung sino ang magiging mga lider para sa Bee-Hive Girls at Gleaner Girls. Nakipagtulungan din siyang mabuti kay Marion Lee, ang elder na inatasang pamunuan ang mga kabataang lalaki, upang planuhin ang unang miting ng MIA.13 Bagama’t ang organisasyon ay para sa mga kabataan ng Simbahan, ang mga miting ng MIA ay bukas sa mga tao anuman ang kanilang edad. Ito ay magiging isang gabi ng mga tradisyonal na awiting Hapones, pagsasayaw, at pagkukuwento mula sa mga lokal na Banal at mga kaibigan ng branch. Magsasalita si Marion tungkol sa layunin at pakay ng MIA, at magsasalita si Chiye ukol sa kasaysayan ng programa ng YWMIA.
Iniskedyul nila ang pulong para sa ika-22 ng Marso. Kinakabahan si Chiye na walang pupunta. Nag-alala si Marion na ang programang ipinlano nila ay lubhang napakaikli. Sinabi ng kanyang kompanyon na walang dapat ikabalisa. “Ang Panginoon na ang bahala,” pangako nito.
Nang dumating na ang oras para simulan ang pulong, may mga taong hindi pa dumarating, ngunit nagpasiya sina Chiye at Marion na magsimula kahit wala ang mga ito. Sinimulan ng mga misyonero ang programa sa pamamagitan ng isang awitin at nag-alay ng dasal. Si Kay Ikegami, na tagapamahala ng Sunday School, ay dumating kasama ang kanyang pamilya. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, isa pang pamilya ang dumating. Sa pagtatapos ng pulong, mahigit apatnapung tao ang nagtipon, kabilang na ang bawat isa sa mga kapwa lider ni Chiye sa MIA. Isang lalaki ang kumanta pa ng tatlong awitin, pinupuno ang programa at pinapawi ang anumang takot tungkol sa isang maikling miting.
Nakahinga nang maluwag sina Chiye at Marion. Nasa magandang simula na ang MIA ng mission. “Binuksan ng Diyos ang daan,” iniulat ni Chiye sa kanyang journal. “Umaasa lamang ako na magtatagumpay tayo.”14
Noong tag-init na iyon, naghanda si J. Reuben Clark ng Unang Panguluhan na magsalita sa taunang pagtitipon ng seminary, institute, at mga guro sa kolehiyo.
Si Pangulong Clark, isang dating abogdo at diplomatiko, ay isang malakas na tagapagtaguyod ng edukasyon. Tulad ng maraming relihiyosong tao sa kanyang henerasyon, nag-alala siya tungkol sa mga sekular na kalakaran na pinapalitan ang mga paniniwalang pangrelihiyon sa loob ng silid-aralan. Lalo siyang nag-alala sa mga iskolar ng biblia na mas binigyang-diin ang mga turo ni Jesus kaysa Kanyang mga himala, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli. Sa buong panahon na nasa wastong gulang siya, nakita niya ang mga kaibigan, katrabaho, at maging mga kapwa Banal sa mga Huling Araw na naging lubhang abala sa mga sekular na ideya kung kaya tinalikuran nila ang kanilang pananampalataya.15
Tutol si Pangulong Clark na mangyari din iyon sa bagong henerasyon ng mga Banal. Ang tatlong kolehiyo, labintatlong institute, at siyamnapu’t walong seminary ng Simbahan ay itinatag upang “maghubog ng mga tapat na Banal sa mga Huling Araw.” Subalit nag-alala siya na ang ilang guro sa mga paaralang ito na pinalampas ang mga pagkakataong pangalagaan ang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo kapag umiiwas silang magpatotoo, inaakalang bubuo ito ng pagkiling sa paghahangad sa katotohanan ng kanilang mga estudyante. Naniwala siya na kailangan ng mga kabataan ng Simbahan ang edukasyong pangrelihiyon, na nakabatay sa mga pangunahing pangyayari at doktrina ng Panunumbalik.16
Noong umaga ng ika-8 ng Agosto 1938, nakipagpulong si Pangulong Clark sa mga guro sa Aspen Grove, isang liblib ngunit magandang bakasyunang bangin sa kabundukan malapit sa Provo, Utah. Habang nakatayo siya upang magsalita, isang bagyo ang dumaan sa lugar, hinahampas ang gusali na pinagtitipunan niya at ng mga guro. Hindi natitinag, sinabi niya sa kanyang mga tagapanood na balak niyang magsalita nang tahasan sa ngalan ng iba pang mga miyembro ng Unang Panguluhan.
“Kailangan nating malinaw na sabihin ang nais nating iparating,” sabi niya, “dahil ang kinabukasan ng ating kabataan, kapwa dito sa lupa at sa kabilang buhay, gayundin ang kapakanan ng buong Simbahan, ang nakataya.”
Tinukoy niya ang pangunahing doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo. “Mayroong dalawang pangunahing bagay na para sa Simbahan, at para sa bawat isa sa lahat ng mga miyembro nito, ang hindi dapat binabalewala, nalilimutan, pinag-aalinlanganan, o itinatapon,” sabi niya. “Una—na si Jesus ay Anak ng Diyos, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman.”
“Ikalawa,” pagpapatuloy niya, “ay ang Ama at ang Anak ay totoo at sa katotohanan at tunay na nagpakita kay Propetang Joseph sa isang pangitain sa kakahuyan.”
“Kung wala ang dalawang dakilang paniniwalang ito,” pahayag niya, “ang Simbahan ay hindi na magiging Simbahan pa.”17
Pagkatapos ay isinabi niya ang kahalagahan ng pagtuturo ng mga alituntuning ito sa mga estudyante. “Ang mga kabataan ng Simbahan ay nagnanais sa mga bagay ng Espiritu,” sabi niya. “Nais nilang magkaroon ng patotoo sa katotohanan ng mga ito.”18
Naniniwala siya na ang personal na patotoo ng ebanghelyo ang dapat na maging unang kinakailangan sa pagtuturo ng ebanghelyo. “Walang anumang dami ng pagkatuto, walang anumang dami ng pag-aaral, at walang dami ng mga tinapos na digri ang maaaring pumalit sa patotoong ito,” sabi niya. Bukod pa rito, ipinahayag niya, “Hindi mo kailangang lumusot sa likod ng sanay sa espiritwal na kabataang ito at ibulong ang relihiyon sa kanyang mga tainga. Maaari kang lumabas, nang harapan, at makipag-usap sa kanya. Hindi mo kailangang balewalain ang mga katotohanang pangrelihiyon gamit ang balabal ng mga makamundong bagay.”
Habang bumubuhos ang ulan sa mga bintana ng bahay tuluyan, hinikayat ni Pangulong Clark ang mga guro na tulungan ang Unang Panguluhan na pagbutihin ang edukasyong pangrelihiyon sa Simbahan.
“Kayong mga guro ay may dakilang misyon,” patotoo niya. “Ang inyong pangunahing gawain, ang pinakamahalaga sa lahat at natatanging tungkulin ninyo, ay ituro ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo dahil iyon ay inihayag sa mga huling araw na ito.”19
Matapos ang talumpati, tumutol ang ilang guro sa kurso na inilahad ng Unang Panguluhan para sa edukasyon ng Simbahan, na pinaniniwalaang nililimitahan nito ang kanilang kalayaang magturo sa inaakala nilang pinakamainam na paraan. Malugod na tinanggap ng iba ang pagbibigay-diin nito sa pagtuturo ng mga saligang katotohanan at pagbabahagi ng personal na patotoo. “Sabik akong isulong ang gawain,” sinabi ng komisyoner ng edukasyon ng Simbahan na si Franklin West kay Pangulong Clark. “Ipinapangako ko sa inyo na makikita ninyo ang malinaw at mabilis na pag-unlad.”20
Makalipas ang ilang buwan, ipinakilala ng programa sa seminary ang isang bagong klase para sa mga estudyante nito: “Ang Mga Doktrina ng Simbahan.”21
Noong Pebrero 1939, nalaman ni Chiye Terazawa na ang kanyang mission president ay may planong maglipat ng dalawang babaeng misyonero sa ibang lugar ng Hawaii. Nagulantang siya sa balita. Dahil maganda ang daloy ng kanyang YWMIA sa Honolulu, tutol siyang umalis. Sino ang ililipat, naisip niya, at saan sila pupunta?22
Ang mission ngayon ay may apat na babaeng misyonero, lahat sila ay naninirahan at magkakasamang naglilingkod sa Honolulu. Gayunman, kamakailan lamang ay nag-organisa si Pangulong Robertson ng mga branch ng mga Banal na Hapones sa Maui, Kauai, at Big Island ng Hawaii. Ang mga sister na kanyang pipiliing lumipat ay magiging responsable sa pakikipagtulungan sa mga elder para itayo ang isa sa mga branch mula sa mga pinakaunang yugto nito.23
Noong ika-3 ng Marso 1939, pinapunta ni Pangulong Robertson si Chiye at ang kanyang kompanyon na si Inez Beckstead, sa kanyang opisina. Sinabi niya sa kanila na ipapadala niya sila sa Hilo, isang lunsod sa Big Island. Kaagad na nakadama si Chiye ng iba’t ibang damdamin, at hindi niya mapigilang umiyak. Masaya siya at napanatag na hindi na niya kailangang mabalisa tungkol sa pananatili o pagpunta. Ngunit hahanap-hanapin niya ang pakikipagtulungang mabuti sa mga Robertson at sa mga Banal na Hapon sa Oahu.
Makalipas ang ilang araw, nagpaalam na sina Chiye at Inez sa isang pulutong ng mga misyonero at mga Banal na Hapones sa daungan sa Honolulu. Sinuotan ng ilang kababaihan ang mag kompanyon ng mga kuwintas na bato at mga kuwintas na bulaklak. Binigyan sila ni Kay Ikegami ng kaunting salapi para sa paglalakbay. Ang matagal nang Banal na Hapones na si Tomizo Katsunuma ay hinandugan sila ng mga selyo.24
Ang isang taong wala sa mga daungan ay si Tsune Nachie, ang pinakamamahal na temple worker mula sa bansang Hapon, na pumanaw ilang buwan na ang nakararaan. Ang matandang babae ay kilala bilang “ina ng mission,” at siya ay naging mabuting kaibigan at minamahal na guro para kay Chiye sa nakaraang taon. Sa mga oras matapos ang pagpanaw ni Sister Nachie, sa katunayan, hiniling ng mga Robertson kay Chiye na tulungan silang ihanda ang bangkay nito para ilibing. Matutuwa sanang malaman ni Sister Nachie na pupunta sa Hilo ang dalawang babaeng misyonero. Maraming taon na ang nakararaan, siya mismo ay naglingkod sa isang lokal na misyon doon.25
Dumating sina Chiye at Inez sa Hilo noong umaga ng ika-8 ng Marso, medyo nahihilo sa biyahe ngunit handa nang maglingkod. Mas maliit ang Hilo kaysa Honolulu. Walang nakitang otel o kainan sa bayan sina Chiye at Inez, maliban sa isang kapihan sa may dalampasigan. Ang Hilo Branch ay mga limang buwang gulang, at karaniwan ay mga tatlumpu’t limang tao—karamihan sa kanila ay mga tinuturuan—ang dumadalo sa mga pulong sa araw ng Linggo. Ang mga elder ay nakapag-organisa na ng Sunday School at programa ng MIA para sa mga kabataang lalaki, ngunit walang YWMIA o Primary. Pumayag si Chiye na pamunuan ang mga kabataang babae habang naglilingkod si Inez bilang pangulo ng Primary.26
Lumipat ang dalawang misyonero sa silong ng isang paupahan para sa kababaihan at nakahanap ng maraming pagkakataon na mapabuti ang kanilang kasanayan sa wikang Hapones. Isa sa mga unang bagay na kanilang ginawa ay hilingin sa mga administrador at guro sa isang lokal na paaralang elementarya ng mga Hapones kung maaari silang magsalita sa mga estudyante tungkol sa Primary. Noong panahong iyon, ginamit ng mga missionary ang Primary na paraan upang malaman ng mga bata at kanilang pamilya ang tungkol sa Simbahan. Dahil masaya ang mga aktibidad at itinaguyod ang mga simpleng pinahahalagahan ng mga Kristiyano, naakit nila ang mga anak ng magkakaibang relihiyon. Nagustuhan ng mga tao sa paaralan sina Chiye at Inez, at hindi nagtagal, napakaraming bata ang dumadalo sa Primary tuwing Miyerkules ng hapon.27
Noong tagsibol na iyon, nagpasiya ang mga babaeng misyonero na isadula ng mga bata ang Ang Masasayang Puso [The Happy Hearts], isang musikal na dula-dulaan na isinagawa ng pangkalahatang lupon ng Primary para sa mga pista ng Primary sa buong Simbahan. Sa dula, itinuturo sa mga bata ng isang hari at reyna ng isang kunwa-kunwariang lupain kung bakit ang mga hindi kanais-nais na bagay tulad ng ulan, pagkain ng mga gulay, at maagang pagtulog ay sa katunayan mabuti para sa kanila.28
Kapag hindi nagbabahay-bahay sina Chiye at Inez, nag-aaral, o nakikipag-usap sa mga tinuturuan, madalas silang matagpuang nagsasanay ng mga awitin, nananahi ng mga kasuotan, bumubuo ng mga props, o nagsusumamo sa mga magulang na papuntahin ang kanilang mga anak para magsanay sa dula. Ang mga Banal na taga-Hilo at ang mga elder ay tumulong din, tinitipon ang mga batang hindi nagpunta, gumagawa ng mga set, at tumutulong sa mga pagsasanay.29
Siyam na araw bago ang pagtatanghal, walang pinatutunguhan ang mga pagsasanay. “Ang gulo,” isinulat ni Chiye sa kanyang journal. “Pero naniniwala ako na magiging maayos din ang lahat. Inaasam ko na magkagayon nga.”30
Kalaunan ay naging mas mainam ang mga pagsasanay, at habang papalapit na ang araw ng pagtatanghal, nagsimulang maging maayos ang lahat. Naglagay ng patalastas ukol sa pista ang mga misyonero sa pahayagan at tinapos ang pananahi at pagsusulsi ng mga kasuotan. Si Tamotsu Aoki, isang lokal na negosyante na nag-aaral tungkol sa Simbahan kasama ang kanyang pamilya, ay pumayag na maglingkod bilang punong-abala.31
Noong umaga ng pagtatanghal, gumising nang maaga si Chiye at tumulong sa pagtipon ng mga bulaklak, fern, at iba pang mga halaman upang palamutian ang entablado ng meetinghouse. Pagkatapos, habang inaayos ng mga Banal at mga elder ang mga upuan at kapaligiran, mabilis niyang ginayakan ang mga bata ng kanilang mga kasuotan at makeup sa takdang oras.
Pagsapit ng alas-diyes ng gabi, humigit-kumulang limandaang tao ang nagtipon para sa pagtatanghal. Natuwa si Chiye dahil mahusay na ginampanan ng mga bata ang kanilang mga bahagi. Masayang-masaya sila ni Inez na napakaraming tao ang nagpunta sa meetinghouse upang suportahan ang Primary.32 Sa pagtatapos ng dulang musikal, nakinig silang lahat habang magkakasamang umaawit ang mga batang nagsipagtanghal:
Nasaan ang Lupain ng Masasayang Puso?
Narito at sa lahat ng dako!
May malalawak at makintab na kalsada para sa iyo,
O maliit na eskinita o daanan ay sapat na,
Upang maakay ka roon.33
Noong tag-init ng 1939, ang labing-isang taong gulang na si Emmy Cziep at kanyang mga kapatid, ang labinlimang taong gulang na si Mimi at labindalawang taong gulang na si Josef, ay nasisiyahan sa kanilang bakasyon sa Czechoslovakia, isang bansa sa hilaga ng kanilang tahanan sa Vienna, Awstrya.
Ang mga bata at kanilang mga magulang na sina Alois at Hermine, ay bumisita sa kanilang mga kamag-anak doon mga ilang tag-init na mula nang pumanaw ang ama ni Alois. Nanatili sila kasama ang dalawa sa mga kapatid ni Alois na sina Heinrich at Leopold, at ang kanilang mga pamilya sa Moravia, isang rehiyon sa gitnang bahagi ng bansa.34
Tulad ng Awstrya, ang Czechoslovakia ay isang teritoryo na ng mga Nazi. Hindi nagtagal matapos ang Anschluss, nilusob ng hukbo ni Hitler ang Sudetenland, isang rehiyon sa hangganan ng Czechoslovakia na may malaking bilang ng mga etnikong Aleman. Bagama’t maraming Czechoslovak ang nais ipagtanggol ang kanilang bansa, umasa ang mga lider ng Italya, Pransya, at Britanya na makaiwas sa isa pang malakihang digmaan sa Europa at sumang-ayon sa pagsakop. Bilang kapalit, nangako si Hitler na iiwas ito sa anumang pagsalakay sa hinaharap. Gayunman, sa loob ng ilang buwan, hindi ito tumupad sa kanyang pakikipagkasunduan at sinakop ang natitirang bahagi ng bansa.35
Para kay Emmy, tila napakalayo ng kaguluhan. Gustung-gusto niyang makasama ang kanyang mga kamag-anak. Nasisiyahan siyang maglaro ng pulis at magnanakaw kasama ang kanyang mga pinsan at magtampisaw kasama nila sa kalapit na batis. Nang kinailangang bumalik ng kanyang mga magulang sa Awstrya sa gitna ng tag-init, nanatili silang magkakapatid sa Czechoslovakia nang ilang linggo pa.
Noong ika-31 ng Agosto 1939, ang mga batang Cziep ay paupo na para mananghalian nang biglang pumasok sa silid ang kanilang tiyo Heinrich, namumula ang kanyang mukha. “Kailangan na ninyong umuwi ngayon!” sabi niya. “Walang oras na dapat sayangin!”
Nalito at natakot si Emmy. Sinabi sa kanila ng kanyang tiyo na tila may binubuong plano si Hitler. Naglabas ito ng mga kautusan na isara ang mga hangganan, at ang tren na may biyaheng ala-una ng hapon na bumabagtas sa kanilang bayan ay maaaring ang tanging huling pagkakataon nilang makabalik sa Vienna. Maaaring imposible silang makasakay ng tren, sabi niya, ngunit kailangang subukan ng mga bata kung umaasa silang makauwi sa kanilang mga magulang.
Noong umagang iyon, ibinabad nina Emmy at ng kanyang mga kapatid ang lahat ng kanilang damit sa isang batya ng tubig na may sabon para labhan. Tinulungan sila ng kanilang tiya at tiyo na pigain ang kanilang mga damit bago ihagis ang mga ito, nang basa pa, sa isang maleta. Pagkatapos ay nagmamadali silang tumakbo patungo sa istasyon ng tren.
Nagkakagulo ang mga tao sa istasyon ng tren, lahat sila ay nag-uunahang lumabas ng bansa. Nakipagsiksikan sina Emmy at ang kanyang mga kapatid sa tren at agad na natagpuan ang kanilang sarili na napapaligiran ng maraming naiinitan at pawis na pawis na mga pasahero. Halos hindi makahinga si Emmy. Nang humimpil ang tren sa mga nayong nadaraanan sa ruta, pilit na ipinasok ng mga tao ang kanilang mga sarili sa mga bintana ng tren, sumisigaw at nagtatangkang sumakay, ngunit wala silang mapaglalagyan.36
Madilim na nang sa wakas ay dumating ang tren sa Vienna. Puno ng luha, nagalak ang pamilya Cziep na magkakasama na silang muli.
Sa halip na bumalik sa maliit na apartment kung saan ginugol ni Emmy ang buong buhay niya, nagpunta sila sa isang bagong apartment sa Taborstrasse, isang magandang kalye sa gitna ng bayan. Sa loob ng maraming taon, ninais nina Alois at Hermine na makahanap ng mas magandang tahanan para sa kanilang lumalaking pamilya, ngunit ang kanilang mababang kita, kakulangan sa pabahay, at mga kontrol sa pulitika tungkol sa pagtatalaga ng mga apartment ay ginawa itong imposible. Pagkatapos ay bumuti ang ekonomiya pagkaraan ng Anschluss, at lumaki nang limang ulit ang negosyo sa kumpanya kung saan nagtatrabaho si Alois.
Sa tulong ng isang miyembro ng Simbahan na nagtatrabaho para sa isang opisyal ng Nazi, sina Alois at Hermine ay nag-aplay para sa isang bagong apartment at natanggap ang isa na may tatlong silid, kusina, banyo, at isang sala. Mas malapit din ito sa branch meetinghouse—malalakad nang apatnapu’t limang minuto, sa halip na dalawang oras na nakasanayan na nila.37
Nakalulungkot na naganap ang magandang pangyayari kapalit ng pagkawala ng mga Judio na dating mga pangunahing naninirahan sa Taborstrasse. Hindi nagtagal matapos ang Anschluss, ang mga Nazi at kanilang mga tagasunod ay sinira ang mga negosyo ng mga Judio, sinunog ang mga sinagoga, at dinakip at ipinatapon ang libu-libong mamamayang Judio. Maraming Judio na may kakayahang lisanin ang bansa ay umalis sa kanilang mga tahanan, kaya naiwang bakante ang mga apartment na ginamit naman ng mga pamilyang tulad ng mga Cziep.38 Nanatili ang iba pang mga Judio sa lunsod, kabilang na ang ilang Banal sa Vienna Branch na may lahing Judio. At habang tumatagal ay lalo silang natatakot para sa kanilang buhay.39
Noong ika-1 ng Setyembre, magkakasamang pinalipas ni Emily at ng kanyang pamilya ang kanilang unang gabi sa kanilang baong apartment. Habang natutulog sila, isa’t kalahating milyong kawal na Aleman ang sumalakay sa Poland.40