Kasaysayan ng Simbahan
28 Ang Ating mga Nagkakaisang Pagsisikap


Kabanata 28

Ang Ating mga Nagkakaisang Pagsisikap

mga bilanggong naglalakad sa tabi ng bakod na may matatalim na alambre sa ibabaw

Noong tagsibol ng 1942, sinuportahan ng mga industriya sa buong Estados Unidos ang digmaan. Sa Cincinnati, ang mga pabrika ay gumagawa ng mga bahagi at motor ng mga makinarya. Ang iba pang mga kumpanya sa lunsod ay gumagawa ng makakapal na kurtinang kontra liwanag, parakaida, at antena ng radyo. Sa mga tindahan ng groseri, tulad ng pinatatakbo ng pamilya Bang, ang mga paninda ay maingat na nirarasyon habang mas marami pang mga suplay ang napupunta sa pagpapakain at pagbibigay ng kagamitan sa mga sundalo.1

Sa oras na ang pang-araw-araw na mga materyal ay naging kakaunti na lamang, inisip nina Paul at Connie Bang kung magagawa pang itayo ng Cincinnati Branch ang kanilang bagong meetinghouse. Matapos ibenta ang kanilang lumang kapilya, inilipat ng mga Banal ang kanilang mga pulong sa isang paupahang silid sa kalapit na pasilidad ng YMCA. Sina Paul at Connie ay mga miyembro ng komite sa gusali ng branch, at naglilikom sila ng pera para sa bagong meetinghouse mula pa noong bago ang digmaan. Ngunit ngayon, sa napakaraming kakulangan, kakaunti ang pag-asa ng komite na makukumpleto ang kanilang mga plano hanggang sa matapos ang labanan.2

Sa panahong ito, iniisip ni Paul at ng kanyang bayaw na si Milton Taylor na dalhin ang kanilang mga pamilya sa templo. Saanman sila lumingon, pinaghihiwalay ng digmaan ang mga pamilya. Ang mga mag-asawa, mga anak na lalaki at babae ay nililisan ang kanilang mga tahanan upang maglingkod sa kanilang bansa. Bilang mga binata nasa pagitan ng edad 20 at 30, nagpalista sina Paul at Milton sa tungkulin sa militar at maaaring ipatawag upang lumaban sa digmaan anumang oras. Sa gitna ng gayong kawalang-katiyakan, ang kasal na walang hanggan at mga tipan sa templo ay nagbibigay ng katiyakan sa kanila at sa kanilang mga bata pang pamilya.3

Isang araw, nalaman nina Paul at Milton na ang kaibigan nilang si Vaughn Ball, isang miyembro ng Cincinnati Branch mula sa Lunsod ng Salt Lake, ay nais maglakbay patungong Utah. Kung ang mga Bang at Taylor ay maglalakbay patungong Utah gamit ang sasakyan kasama nito, maaari nilang matupad ang kanilang pangarap na mapagkalooban at mabuklod sa templo. At sa paglalakbay nila nang magkakasama, maaari silang makatipid sa gastos.4

Ang tanging problema ay ang paghahanap ng paraan upang makarating doon. Halos dalawang taon na ang lumipas mula nang ikasal sina Paul at Connie Bang, at ngayon ay mayroon na silang sampung buwang gulang na anak na babae na si Sandra. Si Milton at ang kanyang asawang si Esther ay nagkaroon din ng isang anak na babae, ang dalawang taong gulang na si Janet.5

May kilala si Milton na lalaking may-ari ng maaasahang kotse na may sapat na dami ng upuan, at pumayag itong ipaupa ang sasakyan sa kanila. Habang ang mga nakaraang henerasyon ng mga Banal ay nagtungo sa kanluran sakay ng bagon, kariton, o tren, ang mga Bang, Taylor, at si Vaughn Ball ay magmamaneho ng 1939 DeSoto Touring Sedan.6

Umalis ang grupo papuntang Utah noong huling linggo ng Abril. Dahil ang suplay ng gasolina ay mas marami kumpara sa goma sa gitna ng digmaan, maaaring bagtasin ng grupo ang kahabaan ng bansa nang hindi nag-iisip na may ginawa silang mali, iyon ay kung dahan-dahan silang magmamaneho upang maiwasan ang mabilis na pagpudpod ng gulong.7

Habang tumatawid ang DeSoto sa kahabaan ng Estados Unidos, nakinabang ang mga manlalakbay mula sa maraming sementadong daan at mga gasolinahan na lumitaw sa nakalipas na tatlumpung taon. Sa gabi ay tumutuloy sila sa mga motel sa tabing-daan, kung saan lagi nilang nahihikayat ang mga may-ari na hayaan silang magbayad nang ilang dolyar na mas mababa kaysa sa halagang inanunsyo.

Maliban kay Vaughn, walang sinuman sa nakasakay sa kotse ang nakarating sa ganoong kalayong kanluran noon, kaya bago sa kanila ang nag-iibang tanawin. Nasiyahan sila sa tanawin hanggang sa lumitaw ang Rocky Mountains at naging mas matarik at mas mapanganib ang mga kalsada. Gustung-gusto ni Vaughn ang pag-akyat at pagtawid sa mga gulod ng bundok, ngunit tila takot ang lahat na ang matatarik na daan ay guguho at ililibing sila nang buhay. Napanatag sila nang ligtas silang nakarating sa Lambak ng Salt Lake.8

Sa lunsod, tumuloy sina Paul, Connie, at Sandra sa ina ni Marion Hanks, isang missionary na naglilingkod sa Cincinnati, habang ang mga Taylor naman ay tumuloy sa ina ni Vaughn Ball. Maraming beses na bumisita ang parehong pamilya sa Temple Square, kumukuha ng mga larawan ng mga gusali at bantayog sa lugar. Binisita rin nila sina Charles at Christine Anderson, na namuno sa Cincinnati Branch nang mahigit dalawang dekada. Ang mga Anderson ay nagkaroon ng matinding pagmamahal para sa dalawang mag-asawa at matagal na inasam na makita silang ibinuklod.9

Noong ika-1 ng Mayo, pumasok sina Paul at Connie sa Salt Lake Temple kasama sina Milton at Esther. Matapos matanggap ang kanilang endowment, dinala ang mga mag-asawa sa isa sa limang silid-bukluran ng templo. Si Apostol Charles A. Callis, na minsang naglingkod bilang mission president sa Cincinnati, ay isinama ang bawat mag-asawa at ibinuklod sila habang si Pangulong Anderson ay nagsilbi bilang saksi. Pagkatapos ay dinala sina Janet at Sandra sa silid, nakasuot ng puting damit, at nabuklod sa kanilang mga magulang.10

Ilang araw matapos ang kanilang pagbubuklod, sina Paul, Connie, Milton, at Esther ay bumalik para sa isa pang sesyon ng endowment. Habang dinadaanan nina Paul at Connie ang maraming silid at pasilyo ng templo, namangha sila sa laki at kagandahan nito. Tuwang-tuwa silang makarating doon, panatag sa kaalaman na sila at ang kanilang anak na babae ay ibinuklod sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan.11


Noong tagsibol na iyon, malapit sa The Hague, Netherlands, ang tatlumpu’t pitong taong gulang na si Hanna Vlam ay nagpaalam sa kanyang asawang si Pieter, habang papunta ito sa istasyon ng tren. Sa nakalipas na dalawang taon, inookupahan ng Nazi Germany ang Netherlands. Bilang dating opisyal sa hukbong pandagat ng mga Dutch, kailangang regular na magparehistro ni Pieter sa mga opisyal na Nazi, at siya ngayon ay patungo sa isang lunsod na malapit sa hangganan ng Alemanya para gawin ito.

“Magkita tayong muli bukas,” sabi niya kay Hanna bago umalis.12

Nagulat sina Hanna at Pieter sa paglusob ng mga Aleman. Nangako si Hitler na hindi niya sasalakayin ang Netherlands, isang walang kinikilingan na bansa, at pinaniwalaan ito ni Pieter. Pagkatapos, isang gabi noong Mayo 1940, ang tunog ng mga eroplanong pandigma na nagbabagsak ng mga bomba ay yumanig sa kanila mula sa pagkakahimlay sa kama. Mabilis na nagsuot si Pieter ng kanyang uniporme at umalis para tumulong sa pagtatanggol sa kanyang bansa. Ngunit pagkaraan ng limang araw ng labanan, sumuko ang militar na Dutch sa matinding puwersa ng Alemanya.13

Mahirap mabuhay sa ilalim ng patakaran ng mga Nazi. Nawala kay Pieter ang kanyang katungkulan sa militar, ngunit nakakuha siya ng trabahong sibilyan upang masuportahan ang kanyang pamilya. Pinahintulutan ng mga mananakop na Aleman ang mga Banal na Dutch na patuloy na magpulong habang nakikinig ang mga opisyal na Nazi sa mga sinasabi nila. At kinailangang magtipon ang mga Banal habang may araw upang makasunod sa mga restriksyon ng kawalang-kuryente. Bilang pangalawang tagapayo sa Panguluhan ng Netherlands Mission, ginugol ni Pieter ang halos bawat pagtatapos ng linggo sa paglalakbay kasama si Pangulong Jacob Schipaanboord at unang tagapayo na si Arie Jongkees, kapwa mamamayan na Dutch, upang bisitahin ang mga branch sa buong bansa.14

Dumating ang trahedya sa mga Vlam noong Marso 1941, nang nasagasaan at napatay ng tren ang kanilang apat na taong gulang na anak na si Vera. Ang tanging nagbibigay ng kaaliwan kina Hanna at Pieter ay ang malaman na ito ay kanila sa kawalang-hanggan. Noong sanggol pa lang si Vera, ang mga Vlam at ang tatlo nilang anak ay sama-samang nabuklod sa Salt Lake Temple noong pauwi na sila mula sa isang tungkulin sa militar sa Indonesia. Ang kaalamang iyon ay nakatulong sa kanila na kumapit nang mahigpit sa kanilang mga tipan at humanap ng kapanatagan sa mahirap na panahong iyon.15

Noong umaga na umalis si Pieter upang magparehistro kasama ang mga opisyal na Nazi, hindi inaasahan ni Hanna na ang paghihiwalay nila ay tatagal nang higit pa kaysa sa kanyang paglalakbay tuwing Sabado’t Linggo kasama ang mission presidency. Ngunit kalaunan noong araw na iyon, ang kanilang panganay na anak na babae, ang labing-isang taong gulang na si Grace, ay mabilis na pumasok sa pinto.

“Totoo ba ito?” malakas niyang tanong. Kumakalat ang mga sabi-sabi na nadakip ng mga Nazi ang mga dating sundalo ng militar na nagpakita para sa pagrerehistro, sinabi niya sa kanyang ina. Isinakay ang mga ito sa mga karo ng tren na ginagamit sa paglipat sa mga baka at papunta ngayon sa kampong kulungan.

Lubhang nagulat si Hanna at hindi makapagsalita. Kinabukasan, nakatanggap siya ng pabatid sa koreo na nagkukumpirma na dinala si Pieter sa Alemanya. Isa na itong bilanggo ng digmaan.16

Sa unti-unting paglipas ng mga linggo, nanalangin si Hanna para sa kapayapaan at lakas. Hiniling niya sa Panginoon na gabayan ang kanyang asawa at panatilihing ligtas ito. Makaraan ang halos anim na linggo ng paghihintay para sa balita, sa wakas ay nakatanggap siya ng isang maliit na kard mula kay Pieter, ang maliliit na sulat-kamay nito ay pinuno ang bawat sulok ng papel.

“Nasa mabuting kalagayan ang aking katawan at espiritu,” isinulat ni Pieter. Bihag siya ng mga Nazi sa isang bilangguan na tinatawag na Langwaser sa lunsod ng Nuremberg sa Alemanya, at bagama’t hindi maganda ang turing ng mga bantay sa kanya at sa kanyang mga kapwa bihag, nakakaya niyang mabuhay. “Palagi kayong laman ng isipan ko,” isinulat niya. “Sa aking isipan, yakap kita nang mahigpit, mahal kong Hanny.”

Hiniling niya kay Hanna na dalahan siya ng kaunting pagkain at maging ang mga kopya niya ng banal na kasulatan. Hindi tiyak ni Hanna kung papasa sa mga manunuring Nazi ang mga aklat, ngunit nagpasiya siya na susubukan niya.

“Maging matapang,” panghihkayat sa kanya ni Pieter. “Muli tayong pagsasamahin ng Diyos.”17


Noong ika-5 ng Hulyo 1942, dumalo si David Ikegami sa isang kumperensya ng Japanese Mission sa Oahui Stake Tabernacle ng Hawaii. Para kay David, ang pulong na ito sa araw ng Linggo ay kaiba sa karamihan. Hindi lamang siya oordenan sa katungkulan ng isang teacher sa Aaronic Priesthood, kundi hiniling rin sa kanyang magsalita sa unang sesyon ng kumperensya. Dahil higit sa dalawang daang katao ang dadalo, mas malaki ito kaysa sa mga pagtitipon sa Sunday School na nakasanayan niya.18

Ibinatay ni David ang kanyang mensahe sa Doktrina at mga Tipan 38:30: “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.” Halos pitong buwan matapos ang pagsalakay sa Pearl Harbor, nananaig pa rin ang takot at kawalang-katiyakan sa Hawaii. Sinakop ng militar ng Estados Unidos ang mga otel at binakuran ang mga dalampasigan gamit ang mga alambreng may tinik. Ipinatupad ng mga kawal ang mahigpit na karpyu, at ang mga taong lumabag nito ay nanganganib na mabaril. Ang paaralan ni David ay nagbukas muli ng mga klase, ngunit kinailangan niyang magdala palagi ng gas mask, at madalas magsagawa ng mga pagsasanay ang mga estudyante upang maghanda para sa mga pagsalakay mula sa himpapawid at sa mga pagsalakay gamit ang buga ng nakakalasong hangin.19

Bilang mga Amerikano na katutubong Hapones, kinailangan ding tiisin ni David at ng kanyang pamilya ang lumalaking suspetsa ng kanilang mga kapitbahay na hindi katutubong Hapones. May ilang tao, kabilang na ang maraming opisyal ng pamahalaan at militar, ang nagpalagay nang walang anumang katibayan na sisikapin ng mga Amerikanong Hapones na pahinain ang mga pagsisikap ng mga Amerikano sa digmaan dahil sa katapatan nila sa kanilang mga ninuno sa bansang Hapon. Simula noong taong iyon, sinimulan pa ng pamahalaan ng Estados Unidos na ilipat ang mahigit isang daang libong lalaki, babae, at mga batang Amerikano na tubong Hapones mula sa kanilang mga tahanan sa California at iba pang mga estado ng Kanlurang Dalampasigan sa mga kulungang kampo sa loob ng mga estado sa bandang loob ng bansa tulad ng Utah.20

Hindi ipinatupad ng pamahalaan ang gayong malawakang kulungang kampo sa Hawaii, kung saan halos 40 porsiyento ng populasyon ay may lahing Hapones. Ngunit ikinulong ng mga opisyal ang humigit-kumulang isang libo limandaang miyembro ng komunidad ng Hapones na nasa makapangyarihang katungkulan o itinuring na kahinahinala. At karamihan sa mga nakakulong na ito ay naging mga bilanggo sa mga kampo sa mga isla.21

Upang maipakita ang kanyang katapatan sa Estados Unidos at upang tumulong sa digmaan, sumama si David sa isang grupo ng mga boluntaryo na tinatawag na Kiawe Corps para magtayo ng mga daanan at maghawan ng masusukal na matitinik na puno ng kiawe para sa mga kampo ng militar. Samantala, ang kanyang ama ay nagsimulang makipagtulungan sa kanyang mga katuwang sa Japanese Sunday School upang makalikom ng pondo para sa mga sundalo ng hukbo ng U.S., na ang ilan ay kabilang sa kanilang sariling Sunday School.22

Nang tumayo si David sa pulpito noong kumperensya ng mission, nagbahagi siya ng mga salita mula sa pinakahuling mensahe ni Elder John A. Widtsoe sa pangkalahatang kumperensya. “Ang takot ay isang pangunahing sandata ni Satanas upang gawing malungkot ang sangkatauhan,” itinuro ng apostol sa mga Banal, na nagpapaalala sa kanila na ang mga namumuhay nang matwid at nagkakaisa ay hindi kailangang matakot. “May kaligtasan,” pahayag niya, “saanman mamuhay nang karapat-dapat ang mga tao ng Panginoon upang angkinin ang sagradong titulo na mga mamamayan ng Sion ng ating Panginoon.”23

Sa mga sumunod na linggo matapos ang kumperensya sa misyon, patuloy na naglikom ng pera ang ama ni David para sa mga sundalong Amerikano. Tinawag na “Nagkakaisa kami para sa Tagumpay,” ang pangangalap ng pondo ay nagtulot sa isang komite a binubuo ng limampung kalalakihang Hapones sa isla na makapaglimbag ng libu-libong paanyaya at mga sobre ng donasyon para ipamahagi sa kanilang mga kaibigan at kapitbahay. Sa loob ng ilang buwan, nakatipon sila ng $11,000. Nagpasalamat ang mga lider ng militar sa mga isla para sa pera, na gagamitin sa pagbili ng mga aklat, kurso sa mga wika ng ponograpo, at dalawang projector at screen ng pelikula na makakatulong sa pagpapalakas ng loob ng mga sundalo.24

Ang mga Banal ng Japanese Mission ay masayang tumulong. Ang kanilang pagkamakabayan at katapatan ay malinaw na ipinakita sa mga paanyayang ipinamahagi sa buong komunidad. “Hangad nating gawin ang lahat ng makakaya natin upang makatulong na tiyakin ang kalayaan at pagkamalayang pinahahalagahan natin,” nakasaad sa mga ito. “Ang mga kawal ay mapapasaya sa pamamagitan ng ating nagkakaisang pagsisikap.”25


Makalipas ang ilang buwan, sa isang bilangguan sa Hamburg, Alemanya, hinintay ni Karl-Heinz Schnibbe ang paglilitis sa kasong pagtataksil. Hindi nagtagal matapos siyang dakpin, nakita niya ang kaibigan niyang si Helmuth Hübener sa isang mahaba at puting silid na pansamantalang pinaglalagakan ng mga bilanggo kasama ang napakaraming iba pang mga preso. Inutusan ang lahat ng bilanggo na idikit ang kanilang mga ilong sa dingding, ngunit habang naglalakad si Karl-Heinz, ibinaling ng kanyang kaibigan ang ulo nito, ngumisi, at kumindat. Marahil ay hindi siya isinuplong ni Helmuth. Ang bugbog, namamagang mukha ng binatilyo ay nagmungkahi na matindi itong ginulpi dahil hindi nito sinasabi ang pangalan ng kanyang mga kasama.26

Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nakita rin ni Karl-Heinz ang kaibigan niyang si Rudi Wobbe sa silid para sa mga bagong huling bilanggo. Lahat ng tatlong binatiyo mula sa branch ay dinakip.

Noong mga unang buwan ng kanyang pagkabilanggo, tiniis ni Karl-Heinz ang mahigpit na pagtatanong, mga banta, at panggugulpi sa kamay ng Gestapo. Hindi maisip ng mga nagtatanong na si Helmuth Hübener, isang labimpitong taong gulang na binatilyo, ay maaaring makalikha ng gayong pagsasabwatan, at pinilit nilang malaman ang mga pangalan ng mga kasangkot na nakatatanda. Mangyari pa, walang mga pangalan ng nakatatanda ang maibibigay.27

Noong umaga ng ika-11 ng Agosto 1942, nagpalit si Karl-Heinz ng kanyang uniporme sa bilangguan at nagbihis ng amerikanang ipinadala mula sa kanyang tahanan. Nakasampay ang amerikana sa kanyang payat na pangangatawan na parang sa isang sabitan sa aparador. Pagkatapos ay dinala siya sa Hukuman ng mga Mamamayan, kinakatakutan sa Nazi Germany sa paglillitis ng mga bilanggo sa pulitika at pagpapataw ng mga kakila-kilabot na kaparusahan. Sa araw na iyon, sina Karl-Heinz, Helmuth, at Rudi ay lilitisin para sa pagsasabwatan, pagtataksil, at pagtulong at pagsunod sa kaaway.28

Sa korte, nakaupo ang mga nililitis sa itaas na entablado na nakaharap sa mga hukom, na may suot na pulang damit na pinalamutian ng isang ginintuang agila. Sa loob ng ilang oras, nakinig si Karl-Heinz sa mga saksi at mga ahente ng Gestapo na nagbigay ng mga detalyadong katibayan ng pagsasabwatan ng mga binatilyo. Ang mga polyeto ni Helmuth, na puno ng wikang tinutuligsa si Hitler at naglalahad ng mga kasinungalingan ng mga Nazi, ay binasa nang malakas. Galit na galit ang mga hukom.29

Noong una, nakatuon ang korte kina Karl-Heinz, Rudi, at sa isa pang binatilyo na isa sa mga katrabaho ni Helmuth. Pagkatapos ay itinuon nila ang kanilang pansin kay Helmuth, na hindi natitinag sa mga hukom.

“Bakit mo ginawa ang ginawa mo?” tanong ng isang hukom.

“Dahil nais kong malaman ng mga tao ang katotohanan,” sagot ni Helmuth. Sinabi niya sa mga hukom na hindi siya naniniwala na maaaring manalo sa digmaan ang Alemanya. Sumabog sa galit at pagtutol ang mga tao sa korte.30

Nang panahon na para sabihin ang hatol, nanginginig si Karl-Heinz nang bumalik ang mga hukom sa bangko. Tinawag sila ng punong hukom na “mga taksil” at “basura.” Sabi niya, “Ang mga pesteng katulad ninyo ay kailangang mapuksa.”

Pagkatapos ay bumaling siya kay Helmuth at hinatulan ito ng kamatayan dahil sa matinding pagtataksil at pagtulong at pagsunod sa kaaway. Nanahimik ang lahat ng tao sa silid. “Naku!” bulong ng isang bisita sa korte. “Parusang kamatayan para sa binatilyo?”31

Hinatulan ng korte si Karl-Heinz ng limang taon sa bilangguan at sampung taon naman para kay Rudi. Nagulat ang mga binatilyo. Itinanong ng mga hukom kung mayroon silang sasabihin.

“Papaslangin ninyo ako para sa walang kabuluhan,” sabi ni Helmuth. “Wala akong ginawang anumang krimen. Ang nagawa ko lamang ay sabihin ang katotohanan. Ngayon ay ako, ngunit darating ang inyong pagkakataon.”

Nang hapong iyon, nakita ni Karl-Heinz si Helmuth sa huling pagkakataon. Noong una ay nagkamayan sila, ngunit pagkatapos ay niyakap ni Karl-Heinz ang kanyang kaibigan. Napuno ng luha ang mga mata ni Helmuth.

“Paalam,” sabi niya.32


Isang araw matapos bitayin ng mga Nazi si Helmuth Hübener, nalaman ni Marie Sommerfeld ang tungkol dito sa pahayagan. Miyembro siya ng branch ni Helmuth. Ang binatilyo at ang kanyang anak na si Arthur ay naging magkaibigan, at itinuring siya ni Helmuth bilang pangalawang ina. Hindi siya makapaniwala na wala na ito.33

Naaalala pa rin niya ito noong bata pa siya, matalino at puno ng potensyal. “May maririnig po kayong napakagaling na bagay tungkol sa akin,” sinabi nito sa kanya minsan. Hindi inakala ni Marie na nagmamalaki si Helmuth nang nagsabi ito nang gayon. Nais lamang niyang gamitin ang kanyang katalinuhan sa paggawa ng isang bagay na makabuluhan sa mundo.34

Walong buwan na ang nakararaan, nabalitaan ni Marie ang tungkol sa pagdakip kay Helmuth bago pa man ibinalita ng branch president ito sa pulpito. Biyernes iyon, ang araw na karaniwan niyang tinutulungan si Wilhelmina Sudrow, ang lola ni Helmuth, na linisin ang simbahan. Nang pumasok siya sa chapel, natagpuan ni Marie si Wilhelmina na nakaluhod sa harapan ng pulpito, nakaunat ang mga bisig nito, nagsusumamo sa Diyos.

“Ano ang problema?” tanong ni Marie.

“May napakasamang nangyari,” sagot ni Wilhelmina. Pagkatapos ay inilarawan niya kung paano nagpakita ang mga opisyal ng Gestapo sa kanyang pintuan kasama si Helmuth, ginalugad ang apartment, at tinangay ang ilan sa mga papeles nito, pati na rin ang radyo, at makinilya ng branch.35

Kinilabutan sa sinabi sa kanya ni Wilhelmina, agad na naisip ni Marie ang kanyang anak na si Arthur, na kamakailan lamang ay sumali sa paglilingkod ng mga Nazi sa Berlin. Posible kayang nakibahagi ito sa plano ni Helmuth bago ito umalis?

Sa lalong madaling panahon, naglakbay si Marie patungong Berlin upang tanungin si Arthur kung nakilahok ito sa anumang paraan. Natuwa siyang malaman na, bagama’t paminsan-minsan ay nakikinig ito sa radyo ni Helmuth, wala itong ideya na nagpapamahagi si Helmuth at iba pang mga binatilyo ng mga materyal na laban sa Nazi.36

Ipinagdasal ng ilang miyembro ng branch si Helmuth sa kabuaan ng kanyang pagkabilanggo. Ang iba ay nagalit sa mga binatilyo sa paglalagay sa kanila at sa iba pang mga Banal na Aleman sa kapahamakan at inilagay sa panganib ang kakayahan ng Simbahan na magdaos ng mga pulong sa Hamburg. Maging ang mga miyembro ng Simbahan na hindi nakikisimpatiya sa mga Nazi ay nag-alala na inilagay sila ni Helmuth sa panganib na mabilanggo o mas malala pa, lalo na dahil kumbinsido ang Gestapo na si Helmuth ay tumanggap ng tulong mula sa matatanda.37

Naniniwala ang branch president na si Arthur Zander na kailangan niyang agad na kumilos upang protektahan ang mga miyembro ng kanyang branch at patunayan na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagsasabwatan laban sa pamahalaan. Hindi nagtagal matapos ang pagdakip sa mga binatilyo, siya at ang pansamantalang mission president na si Anthon Huck ay itiniwalag si Helmuth. Ang district president at ilang miyembro ng branch ay nagalit sa ginawa. Nanlumo ang lolo’t lola ni Helmuth.38

Ilang araw matapos ang pagbitay kay Helmuth, tumanggap si Marie ng liham na isinulat nito para sa kanya ilang oras bago ito namatay. “Alam ng Aking Ama sa Langit na wala akong nagawang mali,” sabi nito sa kanya. “Alam ko na ang Diyos ay buhay, at Siya ang magiging karapat-dapat na hukom ng bagay na ito.”

“Hanggang sa ating masayang muling pagkikita sa mas magandang mundong iyon,” isinulat nito, “Ako ay nananatili bilang iyong kaibigan at kapatid sa ebanghelyo.”39


Sa loob ng ilang buwan, nagtaka si Pieter Vlam kung bakit hinayaan ng Panginoon na ikulong siya ng mga Nazi sa isang kampong bilangguan, malayo sa kanyang pamilya.

Ang mga sira-sirang kuwartel sa kampo ay pinamumugaran ng mga kuto, garapata, at mga surot, at si Pieter at iba pang mga bilanggo kung minsan ay nagpupunta sa labas upang magpahinga sa isang maliit na patse ng damo. Isang araw, habang nakatingala sila sa langit, tinanong ng isang lalaki si Pieter kung maaari nilang pag-usapan ang mga espirituwal na bagay. Alam niyang si Pieter ay isang Banal sa mga Huling Araw, at may mga tanong siya tungkol sa mundo matapos ang mortal na buhay. Sinimulang ituro sa kanya ni Pieter ang ebanghelyo.40

Hindi nagtagal, hinangad ng iba pang mga bilanggo ang espirituwal na patnubay ni Pieter. Hindi pahihintulutan ng mga bantay na mag-usap ang mga lalaki sa malakihang grupo, kaya dalawang lalaki ang kinakausap ni Pieter sa bawat pagkakataon, isa sa magkabilang-gilid niya, at maglalakad-lakad sa paligid ng kampo. Hindi lahat ng lalaki ay naniwala sa itinuro ni Pieter, ngunit pinahalagahan nila ang kanyang pananampalataya at nagkaroon sila ng mas malalim na pang-unawa sa Simbahan.41

Matapos gumugol ng ilang buwan sa kampo ng mga Aleman, sina Pieter at ang kapwa niya mga opisyal na Dutch ay inilipat sa Stalag 371, isang kampong bilangguan sa Ukraine na sakop noon ng mga Nazi. Ang kanilang mga bagong tuluyan ay nasa isang napakaginaw na gusaling yari sa bato, ngunit ang mga kalagayan ay medyo mas mainam kaysa sa tiniis ng mga lalaki sa Alemanya. Nadaramang mas malakas ang pangangatawan at espiritu, patuloy na naglalakad si Pieter kasama ang sinumang interesado sa itinuturo niya. Dahil sa madalas na paglalakad, sumulat siya sa kanyang asawang si Hanna, at itinanong kung maari itong magpapadala sa kanya ng ilang bagong sapatos na yari sa kahoy para palitan ang kanyang napudpod na pares.42

Hindi nagtagal, isang grupo ng sampung lalaki ang nanghikayat kay Pieter na mag-organisa ng Sunday school, at pumayag ito. Dahil ipinagbawal ng mga Nazi ang gayong mga pulong, palihim silang nagtitipon sa isang bakanteng gusali sa malayong sulok ng kampo. Tinakpan nila ang bintana gamit ang isang lumang kumot at nakahanap ng kahon ng sabon para gamitin bilang pulpito. Himalang ang mga banal na kasulatan at himnaryong ipinadala ni Hanna kay Pieter matapos siyang dakpin ay nakalusot sa mga tagasuri nang hindi nakukumpiska. Nagturo si Pieter mula sa Biblia at sa Aklat ni Mormon, ngunit hindi naglakas-loob na umawit ang grupo. Sa halip, binabasa nang malakas ni Pieter ang mga himno. Sa pagtatapos ng kanilang mga pagpupulong, isa-isang pupuslit palabas ng pintuan ang kalalakihan upang maiwasang mahuli.43

Isang ministrong Protestante sa Stalag 371 ang kalaunang nakapansin sa mga lalaking naglalakad at nakikipag-usap kay Pieter. Isinama niya ang bawat isa sa kanila, ipinakita sa kanila ang isang buklet na puno ng mga kabalintunaan tungkol sa Simbahan, at sinabi sa kanila na nalinlang si Pieter. Gayunman, sa halip na mahikayat silang talikdan si Pieter at ang mga turo nito, ang mga pagsisikap ng ministro ay nagpaigting lamang sa pagnanais ng mga lalaki na malaman pa ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

Matapos basahin ang buklet, nagpasiya ang isang lalaking nagngangalang Ginoong Callenbach na sumali sa grupo. “Ayaw kong magpabinyag,” sabi niya kay Pieter. “Nagpunta lamang ako upang marinig ang kuwento mula sa iyo.”44

Isang araw ng Linggo, nagpasiya si Pieter na ituro ang alituntunin ng pag-aayuno. Sinabi niya sa mga lalaki na dapat nilang ibigay sa ibang tao ang maliit na tasa ng beans na natanggap nila para sa araw na iyon.

“Kung hindi ka makatulog sa gabi,” sabi ni Pieter, “nararapat kang manalangin sa Diyos at itanong sa Kanya kung ang mga bagay na narinig mo mula sa akin ay totoo.”45

Nang sumunod na Linggo tumayo ang mga lalaki upang magbahagi ng kanilang patotoo. Si Ginoong Callenbach ang huling nagsalita. May luha ang mga mata na isinalaysay niya ang kanyang karanasan sa pag-aayuno.

“Nang gabing iyon ay gutom na gutom ako,” sabi niya. “Pagkatapos ay naalala ko ang sinabi ni Ginoong Vlam tungkol sa panalangin.” Ikinuwento niya kung paano siya taimtim na nanalangin upang malaman kung tama ang mga bagay na itinuro ni Pieter. “Isang di-maipaliwanag na kapayapaan ang naramdaman ko,” sabi niya, “at batid ko na narinig ko ang katotohanan.”46

  1. Kennedy, Freedom from Fear, 615–27; Miller, World War II Cincinnati, 51–56; Knepper, Ohio and Its People, 384–87.

  2. “Mormons to Build Church on Old Herrmann Homesite,” Cincinnati Enquirer, Ene. 8, 1941, 10; Fish, Kramer, at Wallis, History of the Mormon Church in Cincinnati, 66–68; Cincinnati Branch, Building Committee Minutes, Mar. 14, 1941–Apr. 23, 1941.

  3. Bang, “Personal History of Paul and Connie Bang—1942 Forward,” 4; May, “Rosie the Riveter Gets Married,” 128–30; Paul Bang, Draft Registration Card, Oct. 16, 1940, Paul and Cornelia T. Bang Papers, CHL; Milton Yarish Taylor, Draft Registration Card, Oct. 16, 1940, U.S. World War II Draft Cards Young Men, matatagpuan sa ancestry.com.

  4. Bang, “Personal History of Paul and Connie Bang—1942 Forward,” 4–5; Vaughn William Ball, sa Cincinnati Branch, Record of Members and Children, blg. 403; Ball, Reminiscences, bahagi 3, seksyon 4, [00:07:38]–[00:08:38].

  5. Bang, “Personal History of Paul and Connie Bang—1942 Forward,” 4; Janet Taylor, sa Cincinnati Branch, Record of Members and Children, blg. 375; Ball, Reminiscences, bahagi 3, seksyon 4, [00:08:38].

  6. Ball, Reminiscences, bahagi 3, seksyon 4, [00:08:38]–[00:09:08]; “The Fixers,” Photograph, Paul and Cornelia T. Bang Papers, CHL.

  7. Bang, “Personal History of Paul and Connie Bang—1942 Forward,” 4; Miller, World War II Cincinnati, 55–56.

  8. Hugill, “Good Roads,” 331–39, 342–43; Jakle at Sculle, Gas Station, 49, 58, 131–33; Ball, Reminiscences, bahagi 3, seksyon 4, [00:09:57]–[00:10:49].

  9. Bang, “Personal History of Paul and Connie Bang—1942 Forward,” 4–5; Taylor, Autobiography, 2–3; Utah Trip, Photographs; Charles V. Anderson to Milton Taylor, Jan. 13, 1936; Charles V. Anderson to Milton Taylor, Feb. 24, 1937; Charles V. Anderson to George and Adeline Taylor, July 30, 1940, Paul and Cornelia T. Bang Papers, CHL. Paksa: Punong Tanggapan ng Simbahan

  10. Bang, “Personal History of Paul and Connie Bang—1942 Forward,” 4–5; Taylor, Autobiography, 2; Salt Lake Temple, Endowments of the Living, 1893–1956, volumes H, I, May 1, 1942, microfilms 184,075 and 184,082; Sealings of Living Couples, 1893–1956, volume E, May 1, 1942, microfilm 1,239,572; Sealings of Couples and Children, 1942–70, volume 3E/3F, May 1, 1942, microfilm 1,063,709, U.S. and Canada Record Collection, FHL.

  11. Salt Lake Temple, Endowments for the Dead, 1893–1970, volumes 6U, 6Y, May 4, 1942, microfilms 184,248 and 1,239,528, U.S. and Canada Record Collection, FHL; Bang, “Personal History of Paul and Connie Bang—1942 Forward,” 5. Mga Paksa: Salt Lake Temple; Temple Endowment; Pagbubuklod

  12. Vlam, Our Lives, 95; Vlam, History of Grace Alida Hermine Vlam, 7; Weinberg, World at Arms, 122–27.

  13. Vlam, Our Lives, 87–89; Weinberg, World at Arms, 122.

  14. Vlam, Our Lives, 87, 91, 95; Netherlands Amsterdam Mission, Manuscript History and Historical Reports, 1939, 1941–42, 1, 9–12. Paksa: Netherlands

  15. Vlam, Our Lives, 64, 81, 91–95; Vlam, Interview [Mayo 2020], [01:00:25].

  16. Vlam, History of Grace Alida Hermine Vlam, 8; Vlam, Our Lives, 95.

  17. Vlam, History of Grace Alida Hermine Vlam, 8; Vlam, Our Lives, [94]–95, 158; Vlam, Interview [Mayo 2020], [01:15:10]; Vlam, “Answers to the Questions Posed,” 1–2.

  18. Central Pacific Mission, General Minutes, July 5, 1942, 144.

  19. Ikegami, Memories, 1; Allen, Hawaii’s War Years, 90, 112–13, 360–61; Ikegami, Journal, Jan. 14, 1942; Feb. 19, 1942; May 5 and 6, 1942; June 25, 1942; July 5, 1942.

  20. Okihiro, Cane Fires, 210–11; Jay C. Jensen, “L.D.S. Japanese Aid U.S. Soldiers,” Deseret News, Nob. 28, 1942, Church section, [1]; Kennedy, Freedom from Fear, 748–51; Heimburger, “Remembering Topaz and Wendover,” 148–50.

  21. Knaefler, Our House Divided, 6; Odo, No Sword to Bury, 2–3; Scheiber at Scheiber, “Constitutional Liberty in World War II,” 344, 350; Allen, Hawaii’s War Years, 134–37, 351.

  22. Allen, Hawaii’s War Years, 91; Ikegami, Journal, June 24, 1942; Jay C. Jensen, “L.D.S. Japanese Aid U.S. Soldiers,” Deseret News, Nob. 28, 1942, Church section, [1], 6; “We’re United for Victory,” sa Central Pacific Mission, General Minutes, Summer 1942, 149; tingnan din sa Akinaka, Diary, Dec. 7–8, 1941, at June 16, 1942.

  23. Ikegami, Journal, July 5, 1942; John A. Widtsoe, sa One Hundred Twelfth Annual Conference, 33.

  24. “We’re United for Victory,” sa Central Pacific Mission, General Minutes, Summer 1942, 149; Jay C. Jensen, “L.D.S. Japanese Aid U.S. Soldiers,” Deseret News, Nob. 28, 1942, Church section, 6, 8.

  25. “We’re United for Victory,” sa Central Pacific Mission, General Minutes, Summer 1942, 149.

  26. Schnibbe, The Price, 45, 47–48; Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 55–56.

  27. Schnibbe, The Price, 41–47; Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 57.

  28. Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 61–62, 66–67.

  29. Schnibbe, The Price, 36, 51–52; Document 52, sa Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 67–68, 221.

  30. Schnibbe, The Price, 52; Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 69.

  31. Document 52, sa Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 69, 219; Schnibbe, The Price, 54.

  32. Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 69–71; Schnibbe, The Price, 55. Paksa: Helmuth Hübener

  33. Document 72, sa Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 273–75; Dewey, Hübener vs Hitler, 239.

  34. Sommerfeld, Interview, 2; Document 72, sa Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 273–74.

  35. Nelson, Moroni and the Swastika, 308–9; Sommerfeld, Interview, 9–10; Document 72, sa Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 274; Schnibbe, The Price, 31.

  36. Document 72, sa Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 274; Sommerfeld, Interview, 4–5.

  37. Sommerfeld, Interview, 11; Document 65, sa Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 257–58; Nelson, Moroni and the Swastika, 281, 307–9.

  38. Documents 65, 71, at 72, sa Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 258, 272, 275; Keele at Tobler, “Mormons in the Third Reich,” 23; Sommerfeld, Interview, 11–12.

  39. Dewey, Hübener vs Hitler, 239; Document 61, sa Holmes at Keele, When Truth Was Treason, 240. Nawala ang orihinal na liham. Ang mga salita ni Helmuth ay ang muling paglikha ni Marie Sommerfeld mula sa kanyang alaala.

  40. Vlam, Our Lives, 95–97, 107.

  41. Vlam, Our Lives, 97, 99.

  42. Vlam, Our Lives, 99; Vlam, History of Grace Alida Hermine Vlam, 9.

  43. Vlam, History of Grace Alida Hermine Vlam, 9; Vlam, “Answers to the Questions Posed,” 1–2; Vlam, Our Lives, 99, 101.

  44. Vlam, Our Lives, 99, 101. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; makikita sa orihinal na pinagmulan ay “ayaw niyang magbalik-loob, nagtungo lamang siya upang marinig ang kuwento mula kay Piet.”

  45. Vlam, Our Lives, 101. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “kung hindi sila makatulog sa gabi, dapat silang manalangin sa Diyos at itanong sa Kanya, kung ang mga bagay na narinig nila mula kay Ginoong Vlam ay totoo.”

  46. Vlam, Our Lives, 101. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “Noong nakaraang gabing iyon” na nakasaad sa orihinal ay pinalitan ng “Nang gabing iyon,” ang “kanya” ay pinalitan ng “akin,” at ang apat na pagkakataon ng “siya” ay pinalitan ng “ako.” Paksa: Pag-aayuno