“Pinagnilayan nang Mabuti at May Panalangin” Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2022)
Kabanata 36: “Pinagnilayan nang Mabuti at May Panalangin”
Kabanata 36
Pinagnilayan nang Mabuti at May Panalangin
Sumulyap si Clemencia Pivaral sa isang orasan habang ang kanyang tren ay papaalis ng Central Station ng Lunsod ng Guatemala. Ikawalo ng umaga noong ika-10 ng Oktubre 1951. Sa di kalayuan, pinadidilim ng mga kulay-abong ulap ang kalangitan, na nagbabadya ng ulan. Ngunit sa ibabaw ng istasyon, maliwanag at maaliwalas ang kalangitan. Magandang araw iyon, naisip ni Clemencia. Siya at ang kanyang labindalawang-taong-gulang na anak na si Rodrigo ay sinimulan ang tatlong libong kilometrong paglalakbay kasama ang dalawa pang Banal na Guatemalan. Ang kanilang destinasyon ay isang malaking kumperensya ng mga Banal na nagsasalita ng wikang Espanyol sa templo sa Mesa, Arizona.1
Sa nakalipas na pitong taon, daan-daang mga Banal mula sa Mexico, Gitnang Amerika, at kanlurang Estados Unidos ang taunang nagtitipon sa Mesa upang dumalo sa isang kumperensya at gumawa ng gawain sa templo. Karamihan sa mga Banal na nagpunta sa kaganapang iyon ay nag-ipon nang maraming taon upang magkaroon ng sapat na pera para sa paglalakbay. Tatlong stake sa Arizona ang nag-asikaso sa kanilang pagdating, kung saan ang mga lokal na miyembro ay nagbigay ng matutuluyan sa mga bisita at naghahanda ng pagkain para makapag-ukol ng mas maraming oras ang kanilang mga bisita sa templo. Upang mabawasan ang gastusin sa kumperensya, naningil ng tiket ang mga Banal na nagsasalita ng wikang Espanyol para sa dalawang pagtatanghal ng talento at ng Dumating na ang Oras [The Time Is Come], isang dula na may temang talaangkanan na isinulat ni Ivie Jones, ang asawa ng Mission president na Espanyol-Amerikano.2
Ito ang unang pagkakataon ni Clemencia na dumalo sa kumperensya. Nakilala niya ang mga misyonero noong mga unang taon ng 1950, matapos magpadala ang district president na si John O’Donnal ng dalawang elder sa kanyang bayang sinilangan, ang Quetzaltenango, ang pangalawang pinakamalaking lunsod ng Guatemala. Si Clemencia ay dalawampu’t siyam na taong gulang na balo, at naging masaya ang mga elder at sister na nagturo sa kanya nang mabilis niyang tinanggap ang kanilang mga turo tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay, templo, at iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo. Makalipas ang ilang buwan, nakakuha siya ng trabaho bilang guro ng bulag, pipi, at bingi na mga estudyante sa Lunsod ng Guatemala, kaya lumipat sila ng kanyang anak doon at nagsimulang magsimba kasama ang mga O’Donnal at iba pang mga miyembro ng Branch ng Lunsod ng Guatemala.3
Isang araw, habang pinag-aaralan ni Clemencia ang Doktrina at mga Tipan sa bahay-pulungan ng branch, tinanong siya ng pangulo ng Mexican Mission na si Lucian Mecham kung miyembro siya ng Simbahan. “Hindi,” sagot niya. “Hindi pa ako tinatanong ng mga misyonero kung nais kong magpabinyag.”
Kaagad siyang kinapanayam ni Pangulong Mecham, tinatanong kung naniniwala siya sa lahat ng itinuro sa kanya ng mga misyonero. Sinabi niya sa kanya na gayon nga.
“Kung handa ka nang magpabinyag,” sabi nito, “maaari kaya kung bukas?”
“Opo!” ang sagot niya.4
Ngayon, makaraan ang mahigit isang taon, papunta na siya sa templo upang tanggapin ang kanyang endowment. Maliit pa rin ang Simbahan sa Guatemala, wala pang pitumpu ang mga miyembro. Iilang Guatemalan pa lamang ang nakatanggap ng mga biyaya ng templo, kabilang na si Carmen O’Donnal, na tumanggap ng endowment at nabuklod sa Salt Lake Temple isang taon matapos siyang mabinyagan.5 Natuwa si Clemencia na magawa ang paglalakbay. Inaantok siya dahil sa napakatinding init sa tren, ngunit habang pinagmamasdan niya ang luntiang tanawin ng baybayin ng Guatemala sa kanyang bintana, walang makababawas sa kanyang pagkasabik.
Siya at ang iba pang mga Banal sa tren ay nagpalipas ng oras sa pamamagitan ng pagbabasa ng kanilang mga banal na kasulatan at pagtalakay sa ebanghelyo. Nakilala rin ni Clemencia ang isang babae na tila sabik na makipag-usap tungkol sa relihiyon. Matapos nilang ibahagi ang kanilang mga paniniwala sa isa’t isa, binigyan siya ni Clemencia ng kopya ng Ipinanumbalik na Katotohanan [La verdad restaurada], isang polyeto ng mga misyonero na isinulat ni apostol John A. Widtsoe. Inanyayahan niya itong magsimba sa susunod na pagkakataong ito ay nasa Lunsod ng Guatemala.6
Pagdating sa Lunsod ng Mexico, sumama si Clemencia at ang iba pang mga Banal na Guatemalan sa isang grupo ng mga miyembro ng Simbahan na taga-Mexico patungo sa kumperensya. Naglakbay sila pahilaga sa loob ng tatlong araw sakay ng isang van, umaawit habang naglalakbay, at sa wakas ay dumating sa Mesa noong ika-20 ng Oktubre. Doon nakipagkita ang mga Banal na taga-Guatemala kina John at Carmen O’Donnal, na naglakbay patungong Estados Unidos noong unang bahagi ng buwan para magbakasyon.7
Ang mga unang araw ng kumperensya ay puno ng mga pulong at paghahanda para sa templo. Ang gawain sa ordenansa ay nagsimula noong ika-23 ng Oktubre, sa ikatlong araw ng kumperensya. Isang malaking pulutong ng tao ang nagpunta para sa unang sesyon ng endowment sa araw na iyon, at inabot ng anim na oras upang matapos ang ordenansa. Natanggap ni Clemencia ang kanyang endowment at pagkatapos, kinabukasan, natanggap niya ang ordenansa para sa kanyang lola sa ina, na namatay noong bata pa si Clemencia. Kalaunan nang araw na iyon, sina Clemencia at Ralph Brown, ang misyonero na nagbinyag sa kanya, ay nagsilbing mga proxy sa pagbubuklod ng kanyang lolo’t lola.8
Pagkatapos ng kumperensya, naglakbay si Clemencia at ang kanyang anak patungo sa Lunsod ng Salt Lake kasama ang mga O’Donnal. Binisita nila ang Temple Square, dumalo si Clemencia at ang mga O’Donnal sa mas maraming sesyon ng endowment. Nakipagkita rin si John sa mga lider ng Simbahan tungkol sa pagtatayo ng isang kapilya at mission home sa Lunsod ng Guatemala.9
Ang gawain ng Panginoon ay lumalawak sa Gitnang Amerika, at hindi nagtagal ay magkakaroon ng kanilang sariling mission ang Guatemala at ang mga kalapit na bansa nito.
Noong ika-15 ng Enero 1952, nagsumite si John Widtsoe ng ulat sa Unang Panguluhan tungkol sa pandarayuhan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Europa. Libu-libong Banal ang lumikas sa kanilang mga tahanan mula nang matapos ang digmaan, at hiniling ng panguluhan kay John na subaybayan ang paglalakbay at kapakanan ng mga nandarayuhan. Bagama’t ang ilan sa mga Banal ay lumipat sa Timog Amerika, Africa, o Australia, karamihan ay nanirahan sa Estados Unidos o Canada, kadalasan dahil sa panghihikayat at tulong ng mga misyonero at iba pang mga Banal.
Bagama’t magandang balita na nakatagpo ng ligtas na matitirhan ang mga nandarayuhang miyembro ng Simbahan, nag-alala si John at ang iba pang mga lider kung paano maaapektuhan ng pagkawala ng mga Banal na ito ang mga naghihirap na branch sa Europa. Kung ang Simbahan ay lalago sa kontinente, kailangang manatili ang mga Banal sa kanilang mga sariling bansa. Ngunit ano ang makahihikayat sa kanila na manatili—lalo na kung napakaraming hamon na kanilang hinaharap?
Labingwalong buwan na ang nakararaan, itinanong ni John ang tanong na ito sa isang kumperensya ng mga lider ng European mission sa Copenhagen, Denmark. Sa pulong, sumang-ayon ang ilang mission president na nandarayuhan ang mga Banal paalis ng Europa dahil natakot sila sa pagsisimula ng isa pang digmaan, at inasam nila ang katatagan at suportang matatagpuan nila sa Simbahan sa Hilagang Amerika.
“Namatayan kami ng dalawampu’t walong miyembro noong mga pagsalakay ng eroplano sa Hamburg pa lang, at naaalala ito ng mga tao,” sinabi ng isang mission president kay John. “Hindi ko alam kung paano natin pipigilan ang mga tao sa kanilang pagnanais na manirahan sa Amerika.”
“Hindi mo kaya,” sabi ng isa pang mission president. “Lalangoy ang mga tao sa karagatan kung kinakailangan.”
Nagulat si John na nililisan ng mga Banal maging ang Denmark, na nakaranas ng mas kaunting paghihirap kung ihahambing sa maraming iba pang bansa sa Europa noong panahon ng digmaan. Tinanong niya ang mga pangulo kung ano ang maaaring gawin.
“Palagay ko ay kung may templo kami sa Europa,” iminungkahi ng isang mission president, “maaari naming mapigilan ito nang kaunti.”
Nabigyang-inspirasyon ang ideya. Sa pag-endorso ni John, inirekomenda ng mga mission president na aprubahan ng Unang Panguluhan ang mga plano para sa templo sa Europa. “Isang bagay ang tiyak,” sabi ni John sa mga lalaki. “Hindi natin makukumbinsi ang buong mundo na magpabinyag at dalhin sila sa Amerika.” Sa halip, maaaring dalhin ng Simbahan ang mga templo sa mundo.10
Nang isinumite ni John ang kanyang ulat tungkol sa pandarayuhan, ang Unang Panguluhan ay hindi gumawa ng anumang pahayag tungkol sa pagtatayo ng templo sa Europa. Ngunit pinahintulutan na nila si John na pangasiwaan ang isang komite sa pagsasalin ng endowment sa templo sa iba-ibang wikang Europeo. Dahil ang ordenansa ay nasa wikang Ingles at Espanyol lamang, ang mga Banal na nagsasalita ng iba pang mga wika ay nakibahagi nang hindi lubos na nauunawaan ang mga salita ng seremonya.
Naghanap ang komite ng ilang mga Banal sa Europa, kabilang na si Pieter Vlam mula sa Netherlands, upang gawin ang mga pagsasalin, na gagamitin sa mga espesyal na sesyon sa mga kasalukuyang templo. Ngunit kung ang Simbahan ay magtatayo ng templo sa Europa, maaari itong magbigay ng mga ordenansa gamit ang maraming wika sa mga Banal mula sa maraming bansa.11
Ilang buwan matapos matanggap ang ulat ni John, nagsalita si Pangulong McKay sa Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pandarayuhan. Matapos aminin na kailangang palakasin ang mga branch sa Europa, binanggit ng propeta na kamakailan lamang ay hinikayat siya ng pangulo ng British Mission na magtayo ng templo sa Inglatera.
“Pinagnilayan ito nang mabuti at may panalangin ng mga kapatiran ng Unang Panguluhan,” sabi ni Pangulong McKay sa Labindalawa, “at ngayon ay napagpasiyahan na kung magtatayo tayo ng templo sa Inglatera, dapat tayong magtayo ng isa sa Switzerland.” Noong dalawang digmaang pandaigdig, nanatiling walang kinikilingan ang Switzerland, na nagbibigay dito ng katatagan sa pulitika. Malapit din ang bansa sa gitna ng kanlurang Europa.
Matapos magsalita ni Pangulong McKay, sinabi ni John, “Ang mga tao sa Inglatera at ang mga mission na gumagamit ng mga wikang banyaga ay nangangarap ng isang panahon na itatayo ang templo sa Europa.” Ipinahayag niya ang kanyang buong suporta para sa plano ng Unang Panguluhan, at ang lahat sa silid ay sumang-ayon na dapat ituloy ng Simbahan ang pagtatayo ng mga templo.12
Samantala, sa kabilang dako ng Atlantiko, ang lunsod ng Berlin ay nasa gitna ng Digmaang Malamig. Noong 1949, nahati ang Alemanya sa dalawang bansa. Ang rehiyon sa silangan na sakop ng Unyong Sobyet ay naging bagong estado ng komunismo, ang German Democratic Republic (GDR) o Silangang Alemanya. Ang natitirang bahagi ng bansa ay naging Federal Republic of Germany, o Kanlurang Alemanya. Bagama’t nasa GDR ang Berlin, ang kanlurang bahagi ng lunsod ay nasa ilalim ng kontrol ng Pransya, Britanya, at Estados Unidos nang mahati ang bansa. Ngayon ang lunsod ay nahati na rin, sa silangan at kanluran, sa pagitan ng pamahalaang komunista at demokratiko.13
Ang paglalakbay sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Berlin ay karaniwang hindi nagbibigay ng problema. Ngunit noong tagsibol na iyon, pinigilan ng mga opisyal ng hangganan sa Allied Zone ang dalawampu’t isang taong gulang na si Henry Burkhardt sa kanyang paglalakbay patungo sa punong-tanggapan ng East German Mission. Si Henry ay isang misyonero mula sa GDR na naglilingkod bilang district president sa Thuringia, isang estado sa timog-kanluran ng Berlin. Maraming beses na siyang pumasok sa Kanlurang Berlin, ngunit sa pagkakataong ito nalaman ng mga opisyal na dala-dala niya ang mga taunang ulat ng kanyang district, kabilang na ang mga listahan ng ikapu. At ang makita ang mga talaan sa pananalapi ay nakabahala sa kanila. Mahina ang ekonomiya ng Silangang Alemanya, at ipinagbawal ng mga lider ng bansa sa mga mamamayan nito ang pagpapadala o pagdadala ng pera sa Kanlurang Alemanya.
Bilang lider ng mission sa GDR, alam ni Henry na kailangan niyang sunding mabuti ang mga bagong restriksyon, kaya palagi niyang idinedeposito ang pera ng ikapu sa bangko ng Silangang Alemanya. Gayunman, ang pagdadala niya ng mga ulat mula sa bansa ay sapat na upang mapukaw ang mga suspetsa ng mga opisyal at kaagad siyang ikinulong.
Nanatili si Henry sa kustodiya sa loob ng tatlong araw bago nagpasiya ang mga opisyal na wala siyang ginawang mali. Pinakawalan nila siya, ngunit pinagbawalan siyang ihatid ang mga ulat sa tanggapan ng mission.14
Makalipas ang halos isang buwan, bumalik si Henry sa Kanlurang Berlin upang dumalo sa isang kumperensya ng Simbahan. Bagama’t ang mga mamamayan ng Silangang Alemanya ay masasabing malayang sumamba hangga’t nais nila, nag-iingat ang pamahalaan sa impluwensya sa kanila ng mga taong taga-labas, kabilang na ang mga relihiyon mula sa ibang bansa. Dahil pinalayas ng GDR ang mga lider ng relihiyon na hindi Aleman mula sa mga hangganan nito, ang mga misyonero mula sa Hilagang Amerika sa East German Mission ay pinanatili sa Kanlurang Berlin. Lahat ng iba pang gawain ng mission sa bansa ay napunta sa mga taga-Silangang Alemanya tulad ni Henry.
Pagkatapos ng kumperensya, hiniling ng mission president na si Arthur Glaus kay Henry na maging opisyal na tagatala ito ng Simbahan sa GDR at maglingkod bilang tagapag-ugnay sa pagitan ng punong-tanggapan ng mission at ng mga branch sa Silangang Alemanya. Naunawaan ni Henry na ire-release siya bilang district president sa Thuringia pagkatapos ng kumperensya upang maituon niya ang kanyang sarili sa mga bagong tungkuling ito. Ngunit natutuhan din niya mula sa tanggapan ng mission na maaari siyang tawagin bilang district president sa Berlin o marahil ay isang tagapayo sa panguluhan ng mission.
“Ah,” naisip niya, “anuman ang mangyari, ito ay ang kalooban ng Panginoon.”15
Naglilingkod pa rin si Henry bilang district president sa Thuringia makalipas ang dalawang buwan nang pumunta si Pangulong David O. McKay sa Europa sa unang pandaigdigang paglilibot nito simula nang maging pangulo ng Simbahan. Ang propeta at ang kanyang asawang si Emma Ray McKay ay gumugol ng anim na linggo sa Inglatera, Netherlands, Denmark, Sweden, Norway, Finland, Switzerland, Pransya, at Alemanya. Bagama’t pinayuhan siya ng isang dating mission president na huwag pumunta sa Berlin, sa pangamba na magiging mapanganib maglakbay papuntang GDR, nagtungo pa rin siya. Ang lunsod ay isang lugar kung saan ang mga Banal mula sa magkabilang panig ng pinaghating Alemanya ay maaaring magtipun-tipon.16
Dumating si Pangulong McKay sa Berlin noong ika-27 ng Hunyo 1952, at nang bumisita siya, hiniling nila ni Pangulong Glaus na makipagkita sila kay Henry. Sinimulan ni Pangulong McKay ang panayam sa pamamagitan ng pagtatanong dito ng ilang bagay tungkol sa sarili nito. Pagkatapos ay sinabi ng propeta, “Handa ka bang maglingkod bilang tagapayo sa panguluhan ng mission?”17
Bagama’t inaasahan ni Henry ang mga bagong responsibilidad, nalula pa rin siya sa hiling. Siya lamang ang tanging tagapayo sa panguluhan ng mission na mula sa Silangang Alemanya, hindi lamang isang tagapag-ugnay sa pagitan ng mission president at ng mga Banal sa GDR. Sa pagtanggi ng pamahalaan na kilalanin ang pagiging lehitimo ng mga banyagang pinuno ng relihiyon, lalabas na siya ang namumunong awtoridad ng Simbahan sa mahigit animnapung branch sa bansa. Kung may anumang isyu ang mga opisyal ng Silangang Alemanya sa Simbahan, lalapit sila sa kanya.
Nag-alala sa paghirang si Henry. Siya ay miyembro ng Simbahan buong buhay niya, ngunit bata pa siya at kulang pa sa karanasan. Mahiyain rin siya sa harap ng ibang tao. Subalit hindi niya ipinaalam ang mga alalahaning ito. Katatapos lang siyang bigyan ng tungkulin ng propeta ng Panginoon, kaya tinanggap niya ito.
Wala pang dalawang linggo kalaunan, lumipat si Henry sa lunsod ng Leipzig upang buksan ang isang maliit na tanggapan ng mission. Nanatili siyang abala sa gawain, at sinubukan niyang mabuti na bumuo ng mga ugnayan sa mga lider ng lokal na pamahalaan at mga lider ng priesthood. Ngunit mahirap ang mga bagong responsibilidad, at hindi nagtagal ay nagsimula siyang mahirapang matulog.
“Bakit ako tinawag na gawin ang gawaing ito?” tinanong niya sa kanyang sarili.18
Matapos mag-ukol ng isang linggo kasama ang mga Banal at misyonero sa Alemanya, nagpunta sina Pangulo at Sister McKay patungong Switzerland sa ikalawang pagkakataon sa kanilang paglalakbay. Hindi alam ng karamihan sa mga Banal, nagtungo ang propeta sa Europa upang pumili ng mga lugar para sa mga templo para sa mga Briton at Suwiso. Sa Inglatera, pumili siya ng lugar sa Newchapel, Surrey, sa bandang timong lamang ng London. Pagkatapos ay nagpunta siya sa Bern, sa kabisera ng Switzerland, at pumili roon ng lugar para sa isang templo. Gayunman, matapos magpatuloy patungong Netherlands, nalaman niya na ang lugar na kanyang pinili para sa Swiss Temple ay nabili na ng ibang grupo. Ngayon ay kailangan nilang simulang muli ang paghahanap.19
Noong ika-3 ng Hulyo, sina Samuel at Lenora Bringhurst, ang mga lider ng Swiss-Austrian Mission, ay nakipagkita sa mga McKay sa paliparan ng Zurich. Nagtungo ang grupo sa Bern, kung saan tiningnan nila ang ilang ari-ariang ibinebenta. Sa karatig-bayan, sa isang nayon na tinatawag na Zollikofen, humimpil sila sa istasyon ng tren. Tumingin si Pangulong McKay sa kanyang kaliwa at itinuro ang tuktok ng burol malapit sa isang kagubatan. Makukuha kaya ang ari-arian? naisip niya. Sumagot si Samuel na hindi ito ibinebenta.20
Kinaumagahan nagpatuloy si Pangulong McKay sa kanyang paghahanap. Nakakita siya ng malaking lote na hindi kalayuan sa bahay-pulungan ng Bern Branch. Magandang lugar iyon para sa isang templo, at pinahintulutan niya si Samuel na agad bilhin ang ari-arian. Naisakatuparan ang kanyang gawain, kinabukasan ay nilisan ng propeta ang Bern, at ipinagpatuloy ang huling bahagi ng kanyang paglalakbay. Nagsalita siya sa malalaking pulutong ng tao sa Basel at Paris bago umuwi sa Lunsod ng Salt Lake noong mga huling araw ng Hulyo.21
Hindi nagtagal matapos ang pagbabalik ni Pangulong McKay, ibinalita ng Unang Panguluhan ang plano na magtayo ng templo sa Switzerland. Ang mga Banal na Pranses at Suwiso ay tuwang-tuwa. “Nagbibigay ito ng nahahawakan at nakakukumbinsing katibayan,” ayon sa isang artikulo sa Ang Bituin [L’Étoile], ang lathalain ng Simbahan sa wikang Pranses, “na nais ng Simbahan na manatili sa Europa at patuloy na linangin ang mga branch ng mga mission sa Europa.”22
Ngunit may suliranin sa Bern. Hindi magawang tapusin ni Samuel ang pagbili ng lugar na pagtatayuan ng templo. Ang ari-arian ay bahagi ng isang ari-arian na kontrolado ng tatlumpung tagapagmana, na ang ilan ay tumutol sa pagbebenta. Noong kalagitnaan ng Nobyembre, sumulat si Samuel kay Pangulong McKay upang sabihin na hindi na ipinagbibili ang ari-arian.
Kinabukasan ay tinawagan ng propeta si Samuel sa telepono. “Pangulong Bringhurst,” sabi niya, “may masamang puwersa bang sumasalungat sa atin?”
Hindi alam ni Samuel ang sagot. “Sinabi lamang nila sa amin na nagbago na ang kanilang isipan,” sabi niya.
Inilarawan ni Samuel ang dalawa pang ibang ari-arian. Isa sa mga ito ang ari-arian malapit sa Zollikofen na itinuro ni Pangulong McKay sa kanyang pagbisita. Sinabi ni Samuel na isa itong magandang lugar, malayo sa ingay at trapiko at may layong apat na minutong paglalakad mula sa trambya. At kamakailan lamang ay inilagay ito sa merkado upang ibenta.
Sa pag-uusap, tahimik si Samuel tungkol sa mga sarili niyang espirituwal na impresyon. Ipinagdarasal nila ni Lenora kung alin sa dalawang ari-arian ang irerekomenda kay Pangulong McKay. Noong mga unang araw ng linggong iyon, binisita nila ang ari-arian malapit sa Zollikofen sa huling pagkakataon. Habang naglalakad sila sa kahabaan ng lupain, nagkaroon sila ng payapang damdamin na nais ng Panginoon na magtayo roon ng templo.
“Tiyak na ito na ang lugar,” sabi ni Samuel kay Lenora.
“Gayon din ang nadarama ko tungkol dito,” pagsang-ayon nito.23
Matapos makipag-usap kay Samuel, sumangguni si Pangulong McKay sa kanyang mga tagapayo, na nagmungkahing bilhin ng Simbahan ang ari-arian. Pagkatapos ay tinawagan niya si Samuel at pinahintulutan ang pagbili.
Makaraan ang isang linggo, matapos makumpleto ang transaksyon, sumulat si Pangulong McKay sa mission president, nagpapasalamat sa mga pagsisikap nito.
“Pagkaraan ng limang buwang negosasyon para sa dating lugar, nabigo ang lahat ng pagsisikap, at nang ibinenta ang isa pang ari-ariang ito sa merkado, natapos ang transaksyon sa loob ng isang linggo!” pagmamangha ng propeta. “Tiyak na ang Panginoon ay may kamay na namamahala rito.”24
Sa panahong ito, inilathala ni John Widtsoe ang Sa Lupaing Nasisikatan ng Araw [In a Sunlit Land], isang talambuhay mula sa kanyang pagsilang sa Norway hanggang sa kanyang bagong paglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol. Isinulat niya ang aklat para sa kanyang pamilya, ngunit sa panghihimok ng kanyang mga kaibigan, atubili siyang pumayag na ilathala ito para sa mas maraming mambabasa. Inialay niya ang aklat sa kanyang mga inapo at sa “matatapang na kabataan” ng Simbahan.25
Si John, na ngayon ay walumpung taong gulang na, ay nagsisimula nang madama ang kanyang pagtanda. Ilang taon na ang nakararaan, napinsala ng maliliit na pagdurugo sa kanyang mata ang kanyang paningin kaya napilitan siyang gumamit ng lente sa pagbabasa. Nagpatuloy siya sa kanyang napakaraming gawain hanggang sa magsimula siyang magkaroon ng matinding sakit sa ibabang bahagi ng kanyang likod. Nagsimula siyang magpatingin nang palagian sa kanyang doktor, na sumuring may kanser siya.
Dahil sa kanyang edad, ayaw na siyang operahan ng mga doktor. Alam ni John na mamamatay siya, ngunit hindi siya tumigil sa pagtatrabaho. Nagsimula siyang mas umasa sa kanyang asawang si Leah. “Napakarami kong naranasan sa buhay,” sinabi niya kay G. Homer Durham, ang asawa ng kanyang anak na si Eudora, “at handa akong mabuhay at maglingkod hangga’t pinahihintulutan ng Panginoon.”26
Ngayon, si John ay mas matanda nang sampung taon kaysa sa kanyang inang si Anna nang pumanaw ito. Kung mayroon man siyang natatamong pagkilala sa kanyang mahabang buhay, ito ay dahil sa pagpili ng kanyang ina na sumapi sa Simbahan sa Norway, hikayatin siya sa kanyang pag-aaral, at pangalagaan ang kanyang pananampalataya. Si Anna ay palagi ring abala noong nabubuhay pa. Sa mga taon bago ang kanyang pagpanaw, madalas niyang payuhan ang iba pang mga nandarayuhan noong nagsimula silang mamuhay sa Sion.
Naalala pa ni John ang isang bagong binyag na nagpunta kay Anna na puno ng hinanakit na nagrereklamo tungkol sa Simbahan at mga Banal sa Utah. “Narito tayo upang itayo ang Sion,” agad na ipinaalala sa kanya ni Anna, “hindi para sirain ito.” Isinapuso ng bagong binyag ang mga salita ni Anna, at binago ang takbo ng kanyang buhay.
Ginugol mismo ni John ang halos buong buhay niya sa pagtatayo ng Simbahan, kasama si Leah sa kanyang tabi. Ang kanilang mga pagsisikap na patatagin ang Simbahan sa Europa at sanayin ang mga lider nito ay nakatulong sa mga Banal sa Europa na pagtiisan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at mabuhay sa gitna ng magulong kinahinatnan nito. Ngayon ang pananampalataya at pagsusumigasig ng mga Banal na iyon ay gagantimpalaan sa pamamagitan ng pagtatayo ng dalawang templo.27
Ang mga bagong templo ang magiging angkla sa paglagi ng Simbahan sa Europa at isusulong ang isa pang gawaing minahal ni John: genealogy o talaangkanan. Sa katunayan, pagkatapos ng digmaan ay sinimulan na ng Simbahan ang isang programang may mataas na mithiing makakuha ng larawan ng mga talaan ng kapanganakan at kamatayan sa mga archive at parokya sa Europa, na hinahayaang mahanap ang milyun-milyong bagong pangalan para sa gawain sa templo.28
Mula nang umuwi sila matapos ang kanilang misyon, pinalakas din nina John at Leah ang Simbahan sa pamamagitan ng pagsusulat. Magkakasama nilang inilathala ang Ang Word of Wisdom: Isang Makabagong Paliwanag [The Word of Wisdom: A Modern Interpretation], na ibinase sa kanilang pananampalataya sa paghahayag at sa kanilang siyentipikong pag-unawa sa nutrisyon upang magtaguyod ng mas magandang kalusugan sa mga mambabasa. Simula noong 1935, si John ay naging patnugot ng Improvement Era at regular na sumulat ng isang kolum sa pahayagan na tinatawag na “Evidences and Reconciliations,” na sumagot sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo na isinumite ng mga mambabasa. Kalaunan ay tinipon at inilathala niya ang mga kolum sa ilang popular na aklat.29
Lalong lumala ang kalusugan ni John habang lumilipas ang taon. Tiniis ni Leah nang may dangal ang karamdaman nito, bagama’t mahirap para sa kanya na maniwala na ang kanyang asawa ng mahigit limampung taon ay papanaw na. Minahal nila ni John ang isa’t isa bilang kompanyon at pinakamatalik na kaibigan. Habang minamasdan niyang lumala ang kanyang kalusugan, ang kanyang patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay nagbigay sa kanya ng lakas, tulad noong mamatay ang kanilang anak na si Marsel.
“Hindi ko alam kung ano ang ginagawa ng mga taong walang pagkakaunawa natin sa kabilang buhay, na may patuloy na ugnayan at kagalakan sa pamilya,” pagsulat niya sa isang kaibigan.
Noong ika-19 ng Nobyembre, nagkaroon si John ng pagkakataong hawakan ang kanyang unang apo sa tuhod, si Kari Widtsoe Koplin, ilang araw matapos itong isilang. Nakaratay na siya sa kama noong panahong iyon, ngunit nagpapasalamat siyang makita ang bagong henerasyon ng mga Widtsoe na isinilang sa mundo. Makalipas ang ilang araw, sinabi sa kanya ng kanyang doktor na nasisira na ang kanyang mga bato.
“Ganoon pala ang mangyayari,” sabi ni John. Sa labas ay isang magandang araw ng taglagas, maliwanag na may sikat ng araw.
Pumanaw siya sa kanyang tahanan noong ika-29 ng Nobyembre 1952, nasa kanyang tabi ang kanyang doktor at pamilya. Sa kanyang burol, sinabi ni Pangulong McKay, “Ang isang taong nagbigay ng pinakamalaking kontribusyon sa sangkatauhan ang siyang nagmamahal at sumusunod sa katotohanan anuman ang kapalit.” Pagkatapos ay binanggit niya ang mga huling salita ni John mula sa In a Sunlit Land: “Sana’y masabi ito tungkol sa akin, sinikap kong mamuhay nang di-makasarili, maglingkod sa Diyos at tulungan ang aking kapwa, at gamitin ang aking oras at mga talento para sa pagsulong ng kabutihan ng tao.”
Kalaunan, habang patungo sa semeteryo si Leah para sa libing ni John, nakita niya ang maninipis na piraso ng niyebe mula sa kanyang bintana. Natuwa siya sa nakita. “Si John ay isinilang sa gitna ng matinding bagyo,” naisip niya, “kaya ngayon ang kanyang libing ay tumatanggap ng pangwakas na basbas ng magandang puting kumot ng niyebe.”30