Kabanata 31
Nasa Tamang Direksyon
Ang Salt Lake Tabernacle ay payapa at tahimik noong hapon ng ika-7 ng Oktubre 1945, nang tumayo si George Albert Smith para magsalita sa mga Banal sa pangkalahatang kumperensya. Maraming beses siyang nagsalita sa Tabernacle sa apat na dekada niya bilang apostol, ngunit ang kumperensyang ito ang unang pagkakataon na magsasalita siya sa buong Simbahan bilang propeta ng Panginoon.
Kababalik lang niya mula sa paglalaan ng Idaho Falls Temple sa timog-silangang Idaho, isang paalala na sumusulong ang gawain sa mga huling araw. Ngunit alam niya na ang mga Banal sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagdurusa pagkaraan ng maraming taon ng kasalatan at digmaan. At ngayon ay umaasa sila sa kanya para sa patnubay at katiyakan.
“Ang mundong ito ay maaaring malaya na sana mula sa mga pagdurusa nito noon pang unang panahon,” sinabi ni Pangulong Smith sa kanyang mga tagapakinig, “kung tinanggap ng mga anak ng tao ang payo Niya na nagbigay ng Kanyang lahat.” Ipinaalala niya sa mga Banal ang paanyaya ng Tagapagligtas na mahalin ang kanilang kapwa at patawarin ang kanilang mga kaaway. “Iyan ang diwa ng Manunubos,” pahayag niya, “at iyan ang espiritu na dapat hangaring taglayin ng lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw kung umaasa silang makatayo balang-araw sa Kanyang piling at tatanggapin sa Kanyang mga kamay ang isang maluwalhating pagtanggap sa tahanan.”1
Sa mga miyembro ng Simbahan, si Pangulong Smith ay kilala bilang isang mabait at mapagmahal na lider. Noong mas bata pa siya, bumuo siya ng personal na paniniwala upang gabayan ang kanyang buhay. “Hindi ko hahangaring pilitin ang mga tao na mamuhay ayon sa aking mga panuntunan kundi mamahalin ko sila para gawin nila ang tama,” isinulat niya. “Hindi ko sasadyaing saktan ang damdamin ng sinuman, maging ang taong nagkasala sa akin, ngunit sa halip ay hahangarin kong gawan siya ng mabuti at kakaibiganin ko siya.”2
Ngayon, habang umaasa siya sa hinaharap, lalong inisip ni Pangulong Smith ang tungkol sa pagtulong sa mga Banal na ang buhay ay nawasak ng digmaan. Noong unang bahagi ng taong iyon, hiniling niya sa Church Welfare Committee na bumuo ng plano para sa pagpapadala ng pagkain at damit sa Europa. Hindi nagtagal matapos ang kumperensya ng Oktubre, nakipagpulong siya sa ilang apostol upang talakayin ang paghahatid ng mga kalakal sa lalong madaling panahon.3
Ang pagpapadala ng tulong sa Europa ay hindi madaling gawain. Kailangan ng Simbahan ng tulong mula sa pamahalaan ng Estados Unidos upang makipag-ugnayan sa pagbibigay-tulong sa napakaraming bansa. Upang mabuo ang mga detalye, naglakbay si Pangulong Smith patungong Washington, DC, kasama ang isang maliit na grupo ng mga lider ng Simbahan.4
Dumating sila sa kabisera ng bansa noong isang maulap na umaga sa unang bahagi ng Nobyembre. Kabilang sa marami nilang pakikipagpulong sa mga opisyal ng pamahalaan at mga embahador ng mga bansa sa Europa ay isang pulong kasama si Harry S. Truman, ang pangulo ng Estados Unidos. Malugod na tinanggap ni Pangulong Truman ang mga lider ng Simbahan, ngunit binalaan niya ang mga ito na hindi makabubuti sa pananalapi ang pagpapadala ng pagkain at damit sa Europa habang bagsak ang ekonomiya at hindi mapagkakatiwalaan ang mga pera nito. “Walang halaga ang pera nila,” sabi niya kay Pangulong Smith.5
Ipinaliwanag ng propeta na hindi inaasahan ng Simbahan na mabayaran. “Ang mga miyembro namin doon ay nangangailangan ng pagkain at mga suplay,” sabi niya. “Nais namin silang tulungan bago dumating ang taglamig.”6
“Gaano katagal ang kailangan ninyo para maihanda ito?” tanong ni Pangulong Truman.
“Handa na kami ngayon,” sabi ng propeta. Inilarawan niya ang malalaking imbak ng pagkain at suplay na tinipon ng mga Banal, pati na ang mahigit dalawang libong kubrekama na tinahi ng mga Relief Society noong panahon ng digmaan. Kailangan lamang ng Simbahan ng tulong sa paghahatid ng mga suplay na ito sa Europa.
“Nasa tamang direksyon kayo,” sabi ni Pangulong Truman, na nagulat sa kahandaang ipinakita ng mga Banal. “Matutuwa kaming tulungan kayo sa abot ng aming makakaya.”7
Bago umalis, sinabi ni Pangulong Smith kay Pangulong Truman na ipinagdarasal siya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Binigyan siya ng propeta ng katad na kopya ng A Voice of Warning, isang polyeto ng misyonero na isinulat ni apostol Parley P. Pratt noong 1837.
Nagulat si Pangulong Smith na noong nabubuhay pa si Elder Pratt, halos hindi makaraos ang mga Banal. Hindi nila maaaring magawang magpadala ng tulong sa ibayong dagat sa libu-libong nahihirapang tao. Ngunit sa paglipas ng nakaraang siglo, itinuro ng Panginoon sa mga Banal kung paano maging handa sa mga panahon ng kagipitan, at masaya si Pangulong Smith na kaya na nilang kumilos kaagad.8
Habang naghahanda ang Simbahan na magpadala ng tulong sa Europa, nagpatuloy si Helga Birth sa kanyang paglilingkod bilang misyonero sa Berlin. Magulo pa rin sa Alemanya ilang buwan matapos ang digmaan. Kapwa ang lunsod ng Berlin at ang buong bansa ay hinati sa apat na sona, bawat isa ay kinokontrol ng ibang bansang mananakop. Dahil nawalan ng matutuluyan ang karamihan sa mga Banal na Aleman bunga ng digmaan, madalas silang humingi ng tulong kay Helga at sa iba pang mga misyonero sa mission home. Si Herbert Klopfer, ang pansamantalang mission president sa silangang Alemanya, ay namatay sa isang kulungan ng mga Soviet, kaya ang kanyang mga tagapayo, sina Paul Langheinrich at Richard Ranglack, ang namuno sa mga gawain na makatutulong sa mga refugee.
Nangangailangan ng karagdagang espasyo upang kupkupin ang mga Banal na ito, tumanggap ng pahintulot ang dalawang lalaki mula sa mga lider ng militar na ilipat ang mission home sa isang abandonadong mansiyon sa sonang kontrolado ng mga Amerikano sa kanlurang Berlin. Samantala, ang bayang sinilangan ni Helga na Tilsit ay bahagi ng Alemanya na nasa ilalim ng kontrol ng mga Soviet, at wala siyang ideya kung paano hahanapin ang kanyang ama at ina o ang kanyang kapatid na si Henry, na nawala noong labanan. Nahirapan din siyang malaman ang kinaroroonan ng mga kaibigan at dating mga miyembro ng branch.9
Noong taglagas ng 1945, tumanggap ng liham si Helga mula sa kanyang tiya Lusche. Mahigit isang taon na ang lumipas mula nang makaligtas sila sa pagsalakay sa himpapawid na pumatay sa lolo’t lola at tiya Nita ni Helga. Ngayon, nalaman ni Helga, na hawak ng hukbong Soviet si Lusche at iba pang mga refugee na Aleman sa isang abandonadong kastilyo malapit sa hangganang Aleman-Polish. Nagpasiya ang mga awtoridad ng Soviet na palayain sila, ngunit kung mayroon lamang silang mga kamag-anak na kukupkop sa kanila. Mabilis na sumulat ng tugon si Helga, at inanyayahan ang kanyang tita na manirahan sa mission home.
Kalaunan ay nakarating si Lusche sa Berlin kasama ang isang babaeng nagngangalang Eva, isang malayong kamag-anak na kasama niyang nabilanggo. Parehong humpak ang pisngi at payat na payat ang dalawang babae. Naranasan ni Helga ang labis na pagkagutom at pagdurusa noong digmaan, ngunit ang mga kuwento ng kanyang tiyahin tungkol sa pagpapahirap at paghihikahos ay nakakabalisa. Ang sanggol na babae ni Eva ay namatay dahil sa lamig at gutom, at naisip ni Lusche na kitilin ang sarili niyang buhay.10
Ang iba pang mga refugee na Banal sa mga Huling Araw ay nakapaglakbay patungo sa mission home, at nakahanap din si Paul Langheinrich ng mga lugar na maaari nilang tirhan. Hindi nagtagal,mahigit sa isandaang tao ang nakatira at pinapakain na sa iisang bubong. Subalit hindi pa rin makita ang ama, ina, at kapatid na lalaki ni Helga.
Ang mga sundalong Amerikano na naging mga misyonero sa Alemanya ay madalas bumisita sa mission home. Isang sundalo ang nagdala ng mga tinapay na may palaman na gawa sa malalambot na puting tinapay mula sa Estados Unidos. Sabik na kinain ni Helga ang isang tinapay na may palaman, ngunit halos hindi nito naibsan ang walang tigil na pagkalam ng tiyan na nagpapahirap sa kanya at sa kanyang mga kamag-anak. Kung minsan ay lumilipas ang ilang araw nang hindi sila kumakain. Kung nakakabili o nakakuha ng pagkain si Helga, ang mga lumang patatas at malabnaw na gatas ay kaunti lamang ang sustansyang naibibigay. Napakahina niya kung kaya may mga araw na hindi siya makabangon mula sa kama.11
Magandang balita ang dumating noong Enero 1946, nang dumating ang isang liham mula sa kanyang amang si Martin Meiszus. Nawalan siya ng kaliwang mata sa pagsalakay mula sa himpapawid malapit sa pagtatapos ng digmaan at nag-ukol ng ilang panahon sa isang kampo ng mga refugee sa Denmark. Ngayon ay nakabalik na siya sa Alemanya, nakatira sa lunsod ng Schwerin, mga 210 kilometro ang layo mula sa Berlin.12 Si Paul at ang iba pang mga mission leader ay naglilibot sa kabuuan ng Alemanya, naghahanap ng mga pinaalis na Banal at tinutulungan silang magsama-sama upang mabuhay. Dahil nagpaplano na silang bisitahin ang Schwerin, inanyayahan nila si Helga na sumama sa kanila.13
Sa tren na siksikan ang mga tao, nahirapan si Helga na manatiling naiinitan habang humahampas ang nagyeyelong hangin ng taglamig papasok ng mga nasirang bintana. Hawak niya ang isang maliit na kahon na naglalaman ng iilang piraso ng tsokolate mula sa Amerika. Mahirap makabili ng kendi, kaya nagpasiya siyang itabi ito para sa kanyang ama. Gayunpaman, kung minsan ay inilalapit niya ang tsokolate sa kanyang ilong upang langhapin ang masarap na amoy nito.
Sa Schwerin, tuwang-tuwa si Helga na makitang muli ang kanyang ama. Nagulat ito nang binigyan niya ito ng tsokolate, at gusto nitong hatian siya. “Kindchen,” sabi niya. Mahal na anak.
“Huwag na po, Itay,” sabi ni Helga. “Napakarami ko nang kinain.” At totoo ito—hindi na siya nagugutom. Nabusog na siya ng lubos na kaligayahan.14
Sa kabilang panig ng mundo, ang dibisyon ni Neal Maxwell sa Hukbo ng Estados Unidos ay bahagi ng sumasakop na puwersa sa pangunahing isla ng bansang Hapon. Noong digmaan, nawasak ang bansa ng libu-libong pagsalakay mula sa himpapawid at ibinagsak ang mga bombang atomiko sa Hiroshima at Nagasaki. Inasahan ni Neal na tatanggapin siya ng mga Hapones bilang isang bayaning mananakop. Subalit mahigit tatlong daang libong sibilyang Hapones ang namatay, at ang kanyang kaluluwa ay labis na nalungkot na makita kung ano ang naging kapalit ng digmaan.15
Si Neal ay naglilingkod ngayon bilang unang sarhento sa isang pangkat ng mga tatlong daang kalalakihan na nagkakagulo at pinanghihinaan ng loob, na karamihan ay wala nang ibang nais gawin maliban sa umuwi. Bagama’t labingsiyam na taong gulang lamang si Neal, nagpasiya ang mga nakatataas sa kanya na siya ang tamang taong magdadala ng kaayusan sa grupo. Hindi sigurado si Neal na magagawa niya iyon.16
“Marami akong ginagawa rito na nangangailangan ng mga pagpapasyang pinag-isipan nang mabuti at nangangatal ako kapag iniisip ko ang responsibilidad,” isinulat niya sa isang liham sa kanyang mga magulang. “Sa kaibuturan ng aking diwa ay isang bata lamang ako, lubhang nangungulila at musmos pa kaya hindi niya alam kung ano ang gagawin.”17
Gayunpaman, nakahanap siya ng mga paraan upang magtagumpay bilang lider at makamit ang paggalang ng ilan sa kalalakihan. Madalas siyang bumaling sa kanyang Ama sa Langit para humingi ng tulong. Sa loob ng maraming gabi, mag-isa siyang magpapagala-gala sa labas upang manalangin, nakakahanap ng mas malapit na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa ilalim ng langit na napapalamutian ng mga bituin.18
Nakahanap din siya ng lakas sa mga kawal na kapwa niya Banal sa mga Huling Araw. Sa buong panahon ng digmaan, hinikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga Banal na nasa militar na magtipun-tipon, tumanggap ng sakramento, at magbigay ng espirituwal na suporta sa isa’t isa. Noong matapos ang digmaan, ang bansang Hapon, gayundin sa Guam, sa Pilipinas, at sa iba pang mga lugar sa buong mundo, daan-daan sa mga kawal na mga Banal sa mga Huling Araw ang nagtitipon nang magkakasama.
Ang mga grupong ito ay kadalasang nagkakaroon ng mga di-inaasahang karanasan bilang misyonero. Hindi nagtagal matapos ang digmaan, ang mga sundalong Banal sa mga Huling Araw sa Italy ay binigyan ng pagkakataon na makipag-usap kay Papa Pius XII sa punong-tanggapan ng Simbahang Katoliko. Ikinuwento nila sa papa ang tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa Kanlurang Hating-daigdig at hinandugan ito ng kopya ng Aklat ni Mormon.19
Samantala, sa bansang Hapon, ang mga lokal na Banal na hindi nakapagsimba sa loob ng maraming taon ay naghanap ng mga grupo ng mga kawal (servicemember group) at nakibahagi sa kanilang mga pulong. Sa ilalim ng bagong pamahalaan ng mga mananakop, malayang natutuklasan ng mga Hapones ang kanilang mga espirituwal na paniniwala, at inanyayahan ng ilang sundalong Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga kaibigang Hapones na malaman pa ang tungkol sa Simbahan. Hindi nagtagal, ang mga sundalong Amerikano tulad ni Neal ay nakaupo sa tabi ng kanilang mga dating kaaway, sama-samang tumatanggap ng sakramento at natututo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.20
Kinakailangan pang tapusin ni Neal ang maraming buwang paglilingkod sa militar bago siya makakauwi. Ngunit ang kanyang mga karanasan sa Okinawa, at ngayon sa pangunahing isla ng bansang Hapon, ay nagpatibay sa hangarin niyang magmisyon sa lalong madaling panahon.21
“May bukirin na hitik ng mga taong hinog na para sa ebanghelyo na Kristiyano ring tulad natin,” isinulat niya sa kanyang pamilya sa kanilang tahanan, “ngunit may matinding pangangailangan sa ebanghelyo na gagabay sa kanila.”22
Sa Alemanya, kinontak ni Pablo Langheinrich ang pinuno ng mga puwersang Soviet sa Berlin. Libu-libong refugee na Banal sa mga Huling Araw ang nakatira ngayon sa mga lugar na kontrolado ng mga Soviet, at nag-aalala si Pablo para sa kanilang kapakanan. “Dahil sa di-magandang ginawa ni Hitler,” isinulat niya, “marami sa aming mga miyembro ngayon ang nasa mga lansangan, walang tahanan o bayan, pinalayas at itinaboy.”
Hiniling ni Paul sa kumander na pahintulutan siyang bumili ng pagkain at ihatid ito sa mga Banal na ito. Bilang dating mananaliksik ng talaangkanan para sa pamahalaan ng Alemanya, nakadama rin siya ng pahiwatig na magtanong kung maaari siyang maghanap ng mahahalagang talaan, na itinago ng mga Nazi sa malalayong lugar ng bansa upang protektahan ang mga ito mula sa pinsala o pagnanakaw. Dahil balang-araw ay kakailanganin ng mga Banal na Aleman ang mga talaang ito upang magawa ang gawain sa templo para sa kanilang mga ninuno, nais ni Paul na ingatan ang mga ito.
“Ang mga talaang ito ay walang halaga sa iyo,” isinulat niya sa kumander. “Para sa amin, ang mga ito ay walang katumbas ang halaga.”23
Pagkaraan ng isang linggo, tumanggap si Paul ng pahintulot na bilhin ang anumang pagkain na kailangan ng mga miyembro ng Simbahan. Pagdating sa mga tala ng mga talaangkanan, kung matatagpuan ng mga Banal ang mga ito, malaya silang kunin ang mga ito.24
Kalaunan ay nalaman ni Paul ang tungkol sa isang koleksyon ng mga dokumento sa Rothenburg castle sa timog-kanluran ng Berlin. Sa isang napakaginaw na araw noong Pebrero 1946, siya at ang labing-anim na lokal na misyonero ay naglakad paakyat ng isang nagyeyelong daan patungo sa lumang kastilyo, na nakatayo sa ibabaw ng isang matarik na burol. Nang nakapasok na sila, nakakita ang mga lalaki ng mga salansan ng mga rehistro ng parokya, microfilm, at aklat na naglalaman ng mga talaangkanan sa Alemanya.25
Ilan sa mga rehistro ay ilang siglo na ang tanda at naglalaman ng libu-libong pangalan at petsa, ang ilan ay isinulat sa magandang sulat-kamay sa wikang Aleman. Ang mahahabang pergamino ay naglalarawan ng mga family tree na inilarawan sa matitingkad na kulay. Karamihan sa mga ito ay maayos ang kundisyon, bagama’t ang ilan sa mga talaan ay natatakpan ng yelo at niyebe at mukhang hindi na maililigtas pa.26
Nang makuha ni Paul at ng mga misyonero ang mga talaan, ang kailangan na lang gawin ay ligtas na maibaba ang mga ito sa burol. Umarkila si Paul ng isang trak at trailer upang kunin ang mga talaan at dalhin ang mga ito sa isang bagon ng tren papunta sa Berlin. Ngunit habang lumilipas ang mga oras, hindi dumating ang trak.27
Sa wakas ay lumitaw ang isang misyonero, na mabagal na naglalakad paakyat ng burol. Ang trak ay naipit habang paakyat ng daan, ang mga gulong nito ay umiikot laban sa nagyeyelong kalsada.28
Nagpasiya si Paul na panahon na upang manalangin. Hiniling niya sa tatlong misyonero na sumama sa kanya sa kakahuyan, at nagsumamo sila ng tulong sa Panginoon. Sa sandaling nagsabi sila ng “amen,” narinig nila ang tunog ng makina at nakita ang trak na lumiliko sa papunta sa kanila.
Sinabi ng tsuper kay Paul na tinanggal niya ang trailer upang makarating sa kastilyo. Balak niyang iatras ang trak at umalis, ngunit hinikayat siya ni Paul na manatili at tulungan silang ihatid sa madulas na kalsada ang maraming talaan hangga’t maaari. Gayunman, kung wala ang trailer, hindi sapat ang laki ng trak upang maihatid ang lahat ng talaan. Kung nais nilang maibaba ang lahat nang may sapat na oras para maabutan ang tren na pangkargamento, kailangang matunaw ang yelo sa daan. Muli, bumaling si Paul at ang mga misyonero sa Diyos at nanalangin.29
Isang mainit na ulan ang bumuhos nang gabing iyon. Nang magising si Paul kinabukasan, wala nang yelo ang mga kalsada. Nalaman din niya na naantala ang tren na pangkargamento nang ilang araw, na nagbigay sa mga misyonero ng oras na kailangan nila upang ikarga ang bawat bagay na kanilang makukuha. Hindi maikakaila ni Paul ang papel ng Diyos sa kagila-gilalas na pagpapakita, at nagpapasalamat siya na naging kasangkapan siya sa Kanyang mga kamay.
Nang makarating na ang kanilang huling kargamento sa istasyon ng tren, umusal si Paul at ang mga lalaki ng huling panalangin. “Nagawa na po namin ang aming bahagi,” ipinalangin nila. “Ngayon, mahal naming Diyos, kailangan namin na Inyong dalhin ang tren na pangkargamentong ito papuntang Berlin.30
Noong ika-22 ng Mayo 1946, si Arwell Pierce, ang pangulo ng Mexican Mission, ay tumayo kasama si Pangulong George Albert Smith sa tuktok ng Piramide ng Araw [Pyramid of the Sun] isang popular na makasaysayang lugar sa hilagang-silangan ng Lunsod ng Mexico. Ang piramideng bato, na dating sentro ng sinaunang lunsod na nakilala bilang Teotihuacán, ay umaabot ng animnapung metro ang taas at kamangha-manghang matatanaw mula rito ang nakapalibot na mga tanawin. Bagama’t si Pangulong Smith ngayon ay malapit nang magwalumpung taon, madali niyang inakyat ang maraming baytang ng piramide habang nakikipagbiruan kay Arwell at sa mga misyonero na kasama nila.31
Masaya si Arwell na nagpunta ang propeta sa Mexico. Ito ang unang pagkakataon na nilibot ng sinumang pangulo ng Simbahan ang mission, at malaki ang kahulugan ng pagbisitang ito para sa mga lokal na Banal. Sa huling dekada, ang Simbahan sa Mexico ay nahati sa pagitan ng pangunahing pangkat ng mga Banal at ng isang libo at dalawang daang tao na sumapi sa Ikatlong Kumbensyon. Ang pagbisita ni Pangulong Smith ay nagbigay ng tunay na pagkakataon para sa pagkakasundo—isang bagay na masigasig na hinangad ni Arwell sa nakalipas na apat na taon.32
Nang maging pangulo ng Mexican Mission si Arwell noong 1942, malalim ang pagkakahati sa pagitan ng mga taga-Ikatlong Kumbensyon at ng iba pang mga Banal sa Mexico. Nang italaga si Arwell ng Unang Panguluhan, inatasan siya ni J. Reuben Clark na pagsikapang lunasan ang pagkakahati.33
Noong una, mapaghinala ang mga Conventionist sa bagong mission president. Tulad ng mga nauna sa kanya, si Arwell ay isang mamamayan ng Estados Unidos, at malamig ang pagtanggap sa kanya ng mga Conventionist. Sa halip na pilitin silang makita ang kamalian ng kanilang mga pag-uugali, nagpasiya si Arwell na makamtan ang kanilang tiwala at pagkakaibigan.
Nagsimula siyang dumalo sa mga pulong ng Ikatlong Kumbensyon at nakipagkaibigan kay Abel Páez, ang lider ng organisasyon, gayundin sa iba pang mga Conventionist. Habang mas maraming oras ang ginugugol niya sa kanila, lalo niyang naisip na posible ang muling pagsasama-sama. Pinanatili pa rin ng mga Conventionist ang kanilang pananampalataya sa pangunahing doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Patuloy nilang pinangasiwaan ang mga programa ng Simbahan, at naniniwala sila sa Aklat ni Mormon. Kung matutulungan niya silang makita ang lahat ng nawawala sa kanila dahil inihiwalay nila ang kanilang sarili mula sa kabuuan ng mga Banal, naniwala siya na babalik sila. Ngunit kailangan niyang magpasiyang mabuti.
“Wala tayong gaanong nagawang kabutihan noong nakaraan gamit ang malupit na pamamaraan,” ipinaalam niya sa Unang Panguluhan. “Umasa tayo na ang kabaitan at malumanay, matiyagang pangangatwiran ay maaaring magdulot ng kaunting kabutihan.”34
Sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan, pinamunuan ni Arwell ang mga pagsisikap na magtayo o mag-ayos ng ilang kapilya sa Mexico, tinutugunan ang isang kakulangan na nagpabagabag sa mga Conventionist nang una silang humiwalay sa Simbahan. Madalas din siyang makipagkita kay Abel para hikayatin siyang humingi ng pakikipagkasunduan. “Ang talagang kailangan ninyo rito sa Mexico ay isang organisasyon ng stake,” sinabi niya kay Abel at sa mga Conventionist. “Hindi tayo maaaring magkaroon ng stake sa Mexico hangga’t hindi tayo mas nagkakaisa.”35
Ipinaalala niya kay Abel na pinapangunahan na ng mga Conventionist ang mga pagpapala ng templo. Noong 1945, ang mga unang endowment sa wikang Espanyol ay naganap sa templo sa Mesa, Arizona. Bagama’t marami sa mga Banal sa Mexico ang hindi kayang tustusan ang biyahe papuntang Mesa, sinabi ni Arwell na naniniwala siya na balang araw ay magkakaroon ng mga templo sa Mexico na mapupuntahan nina Abel at ng napakaraming iba pang mga Conventionist.36
Isang araw tumanggap ng tawag sa telepono si Arwell mula kay Abel. Siya at ang ilan pang mga lider ng Ikatlong Kumbensyon ay nais makipagkita sa kanya upang talakayin ang isang pakikipagkasundo. Nag-usap ang mga lalaki nang halos anim na oras. Kalaunan, matapos malaman ang mga paraan kung saan sila nagkamali, nagpasiya si Abel at ang iba pa na umapela sa Unang Panguluhan na muli silang tanggapin bilang mga miyembro ng Simbahan. Nirepaso ni Pangulong Smith at ng kanyang mga tagapayo ang kahilingan at nagpasiya na kung handa ang mga Conventionist na putulin ang kanilang ugnayan sa grupo at sang-ayunan ang pangulo ng Mexican Mission, maaari silang maging mga miyembro muli ng Simbahan ni Jesucristo.37
Ngayon, habang nililibot ni Arwell ang mission kasama si Pangulong Smith, nakipag-usap sila sa mga Conventionist na nais magbalik-loob. “Walang paghihimagsik na naganap dito,” sabi ni Pangulong Smith, “isang di-pagkakaunawaan lamang.”38
Noong ika-25 ng Mayo 1946, sinamahan ni Arwell si Pangulong Smith sa Ermita Branch sa Lunsod ng Mexico. Mahigit isang libong katao, marami sa kanila ay mga miyembro ng Ikatlong Kumbensyon, ang nagsiksikan sa maliit na kapilya at isang dagdag na pavilion upang marinig na magsalita ang propeta. Nag-alala ang ilang Conventionist na kukundenahin sila ni Pangulong Smith, ngunit sa halip ay nagsalita siya ukol sa pagkakasundo at muling pagsasama. Pagkatapos, karamihan sa mga Conventionist ay nangakong magbabalik-loob nang lubusan sa Simbahan.39
Makalipas ang ilang araw, sa isang pulong ng halos limang daang Banal sa lunsod ng Tecalco, pinasalamatan ni Abel si Pangulong Smith sa pagpunta nito sa Mexico. “Layunin nating sundin ang pamumuno at mga tagubilin ng mga general authority ng ating Simbahan at ng pangulo ng Mexican Mission,” sinabi niya sa kongregasyon. “Sinusunod natin ang isang propeta ng Panginoon.”40