Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 11: Lubhang Mahirap


“Lubhang Mahirap,” kabanata 11 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)

Kabanata 11: “Lubhang Mahirap”

Kabanata 11

Lubhang Mahirap

dalawang lalaking nakatayo sa harap ng taling

Noong gabi ng ika-6 ng Agosto 1914, si Arthur Horbach, isang labimpitong taong gulang na Banal sa mga Huling Araw sa Liège, Belgium, ay nagtago habang nagpapaulan ng bala ang artilerya ng Alemanya sa kanyang lunsod.1 Noong kalagitnaan ng taon sa tag-init na iyon, pinatay ng isang nasyonalistang Serbiano ang tagapagmana sa Imperyong Austriya-Unggarya ng Europa, na siyang nag-udyok ng digmaan sa pagitan ng Austriya-Unggarya at ng Kaharian ng Serbiya. Hindi nagtagal ay sumama sa labanan ang mga kaalyado ng dalawang bansa. Pagsapit ng unang bahagi ng Agosto, ang Serbiya, Rusiya, Pransiya, Belgium, at Britanya ay nakipagdigmaan sa Austriya-Unggarya at Alemanya.2

Ang Belgium, na noong una ay walang pinapanigang bansa, ay sumama sa labanan nang ang mga kawal ng Alemanya ay naglunsad ng paglusob sa Pransiya sa pamamagitan ng pagsalakay ng silangang hangganan ng Belgium. Ang lunsod ng Liège ang unang malaking balakid para sa sumasalakay na hukbo. Labindalawang muog ang nakapaligid sa lunsod, at noong una ay napigilan nila ang paglusob ng mga Aleman. Ngunit walang tigil ang pag-atake. Libu-libong kawal ang lumusob sa mga muog, at nagsimulang bumagsak ang mga depensa ng mga Belgian.

Hindi nagtagal ay nagawang sirain ng mga sundalong Aleman ang hangganan ng hukbong Belgian at nabihag ang Liège. Mabilis na lumusob sa lunsod ang mga sumalakay, ninanakawan ang mga tahanan, sinusunog ang mga gusali, at binabaril ang mga sibilyan.3 Si Arthur at ang kanyang ina, si Mathilde, ay nagawang makatakas mula sa mga kawal. Lahat ng limampu o mahigit pang mga Banal sa Liège ay nasa panganib, tulad ni Arthur, ngunit ang mga misyonero na naglilingkod sa lunsod ang patuloy na pumapasok sa kanyang isipan. Maraming oras ang ginugol niya kasama ang mga misyonero at kilalang-kilala niya sila. Nasaktan kaya sila sa pagsalakay?4

Lumipas ang mga araw. Namuhay sa sobrang takot si Arthur at ang kanyang ina sa mga sundalong Aleman at ang mabigat na artilerya na pinapasabog ang mga muog na hindi pa nasasakop. Nagkalat sa buong lunsod ang mga Banal sa mga Huling Araw, at ilang miyembro ng branch ang nagsiksikan sa isang silong. Isang grupo ng mga sundalo ang lumipat sa inupahang bulwagan kung saan karaniwang nagpupulong ang branch. Mabuti na lang, si Tonia Deguée, isang matandang miyembro ng Simbahan na matatas sa wikang Aleman, ay mabilis na nakuha ang tiwala ng mga sundalo at hinikayat sila na huwag sirain ang bulwagan o ang mga kasangkapan nito.5

Kalaunan, nalaman ni Arthur na ligtas ang mga elder. Noong unang araw ng pambobomba ay inatasan sila ng konsulado ng Amerika sa Liège na lumikas mula sa lunsod, ngunit hinadlangan sila ng mga harang ng kalsada na maipaabot ang balita ng kanilang pag-alis kay Arthur o kaninuman.6

Sa katunayan, ang mga misyonero sa kontinente ng Europa ay nilisan ang kanilang mga pinaglilingkurang misyon. “I-release ang lahat ng Aleman at Pranses na misyonero,” sabi ni Pangulong Joseph F. Smith sa mga lider ng European mission sa isang telegrama, “at dagdagan ang ingat sa paglilipat ng lahat ng misyonero mula sa mga walang pinapanigan, gayundin sa mga nakikipagdigmaang bansa papunta sa mga mission sa Estados Unidos.”7

Agad na nadama ni Arthur ang pagkawala ng mga misyonero. Sa loob ng anim na taon mula nang sumapi sila ni Mathilde sa Simbahan, umaasa ang kanilang branch sa mga misyonero para sa pamumuno sa priesthood. Ngayon ang tanging mayhawak ng priesthood sa branch ay isang guro at dalawang deacon—isa sa mga ito ay si Arthur mismo. Natanggap niya ang Aaronic Priesthood wala pang isang taon ang nakararaan.8

Matapos mahulog sa kamay ng mga Aleman ang Liège, naging limitado na ang nagagawang pagtitipon ng branch. Umalis na ang mga kawal na sumakop sa kanilang pulong bulwagan, ngunit tumanggi ang may-ari na hayaang magtipon doon ang branch. Ang bawat araw ay isang pakikibaka upang manatiling buhay. Naging kakaunti ang pagkain at pang-araw-araw na mga suplay. Laganap ang gutom at paghihirap sa lunsod.

Batid ni Arthur na lahat ng nasa branch ay inaasam na magtipon para sa panalangin at kapanatagan. Ngunit kung walang bahay-pulungan at isang taong awtorisadong magbasbas ng sakramento, paano nila ipagpapatuloy ang pag-iral bilang isang branch?9


Habang lumalaganap ang digmaan sa Europa, inisip ni Ida Smith kung paano niya matutulungan ang mga kawal na British na umaalis para makidigma. Siya at ang kanyang asawa na si apostol Hyrum M. Smith ay lumipat sa Liverpool kasama ang kanilang apat na anak mga isang taon na ang nakararaan. Si Hyrum, ang panganay na anak ni Joseph F. Smith, ay naglilingkod bilang pangulo ng European Mission. Sinuportahan ni Ida ang gawain, ngunit nagpasiya siyang huwag aktibong makibahagi sa gawaing misyonero—o sa anumang paglilingkod sa labas ng kanilang maliit na branch ng Simbahan—habang may maliliit pa siyang anak sa bahay.10

Gayunman, isang hapon, nakita ni Ida ang isang pabatid na isinulat ng babaeng alkalde ng Liverpool na si Winifred Rathbone, na nananawagan sa mga organisasyon ng kababaihan sa lunsod na sumama sa iba pang mga babaeng boluntaryo sa buong Great Britain sa pagniniting [knitting] ng mainit na damit para sa mga sundalo. Batid ni Ida na daan-daang libong kawal na British, kabilang na ang ilang Banal sa mga Huling Araw, ang lubos na kakailanganin ang mga damit upang makayanan ang darating na taglamig. Ngunit pakiramdam niya ay wala siyang silbi.

“Ano ang magagawa ko upang matulungan ang babaeng ito?” tanong niya sa kanyang sarili. “Hindi ako kailanman nakapagniting sa buong buhay ko.”11

Isang tinig ang tila nangungusap sa kanya: “Panahon na para sa mga Relief Society ng European Mission na maging pinakaaktibong kasapi at mag-alok ng kanilang paglilingkod.” Tumimo nang husto ang mga salita kay Ida. Ang Relief Society ng Liverpool ay maliit—pinakamarami na ang walong aktibong miyembro—ngunit magagawa ng kababaihan ang kanilang bahagi.12

Sa tulong ng kalihim ng mission, nakipag-ayos si Ida na makipagkita kay Winifred kinabukasan. Mabilis ang pintig ng kanyang puso bago ang pulong. “Bakit ka ba pupunta sa alkalde at iaalok ang iyong paglilingkod kasama ang iilang kababaihan?” paninita niya sa sarili. “Bakit hindi ka na lamang umuwi at intindihin ang sarili mo?”

Ngunit pinalis ni Ida ang ideyang iyon. Ang Panginoon ay sumasakanya. Sa kanyang kamay ay may tangan siyang maliit na kard na may nakalimbag na impormasyon tungkol sa Relief Society at sa layunin nito. “Kung maiaabot ko lamang sa kanya ang kard na ito,” sabi niya sa kanyang sarili, “Pupunta ako.”13

Ang tanggapan ng alkalde ay nasa isang malaking gusali na nagsilbing punong-tanggapan para sa kanyang pagkakawanggawa. Magiliw na tinanggap ni Winifred si Ida, at mabilis na napawi ang kaba ni Ida habang sinasabi niya sa alkalde ang tungkol sa Relief Society, sa Simbahan, at sa maliit na Liverpool Branch. “Naparito ako upang ialok ang aming serbisyong tumulong sa pananahi o pagniniting para sa mga kawal,” paliwanag niya.14

Dahil nasabi na ang kanyang mensahe, aalis na sana si Ida, ngunit pinigilan siya ni Winifred. “Nais kong libutin mo ang aming gusali,” sabi niya, “at tingnan kung paano isinasagawa ang aming gawain.” Sinamahan niya si Ida sa labimpitong malalaking silid, bawat isa ay puno ng labindalawa o higit pang mga babaeng masipag na nagtatrabaho. Pagkatapos ay dinala niya si Ida sa kanyang pribadong opisina. “Ito ang paraan ng pag-iingat namin ng aming mga talaan,” sabi niya, ipinapakita sa kanya ang isang ledger. “Lahat ng gagawin ninyo para sa amin ay itatala sa aklat na ito bilang gawaing ginawa ng Relief Society ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Nagpasalamat sa kanya si Ida. “Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya,” sabi niya.15

Noong taglagas na iyon, nagniting ang Relief Society sa Liverpool. Hinikayat din nilang sumali ang kanilang mga kaibigan at kapitbahay para tumulong. Pagkaraan ng isang linggo, mga apatnapu na silang nagniniting. Si Ida mismo ay natutong magniting at nagsimulang bumuo ng ilang malalaking balabal sa leeg. Sa kahilingan ng pangkalahatang panguluhan ng Relief Society sa Lunsod ng Salt Lake, itinalaga si Ida ng kanyang asawa bilang pangulo ng Relief Society sa European Mission. Dahil hindi ligtas maglakbay sa kontinenteng Europa, nagsimula siyang maglakbay sa buong Britanya upang bumuo ng mga bagong Relief Society, sanayin ang kanilang mga miyembro, at tipunin sila upang magniting para sa mga sundalo. Sa huli, nakalikha at nakapamahagi ang mga babae ng humigit-kumulang dalawang libo at tatlong daang piraso ng kasuotan.16

Si Ida at ang iba pang mga miyembro ng Relief Society ay tumanggap ng mga liham at papuri mula sa mga mahahalagang opisyal sa buong Britanya. “Kung ang lahat ng organisasyon ng kababaihan sa Britanya ay magtatrabaho tulad ng ginagawa ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw,” isinulat ng isang babae, “ang ating mga sundalo ay wala nang ibang kakailanganin.”17


“Ang mga ulat ng patayan at pagkawasak na nangyayari sa Europa ay nakasusuklam at karima-rimarim,” isinulat ni Pangulong Joseph F. Smith kay Hyrum M. Smith noong ika-7 ng Nobyembre 1914. Dalawang buwan na ang nakararaan, napatigil na ng mga kawal na Pranses at British ang pagsulong ng mga puwersang Aleman sa isang madugong labanan sa Ilog Marne sa hilagang-silangang Pransiya. Marami pang labanan ang sumunod, ngunit hindi nagtagumpay ang magkabilang panig sa pagsagawa ng isang mapagpasyang paglusob. Ngayon, ang mga hukbo ay matagal na nagtatago sa isang malawak na nasasakupan ng tanggulang trintserahan sa buong kanayunan ng Pransiya.18

Lumalaganap ang digmaan sa buong silangang Europa, patungong Africa at Gitnang Silangan, at hanggang sa mga pulo sa Karagatang Pasipiko. Ang mga salaysay sa pahayagan tungkol sa labanan ay nagpaisip kay Pangulong Smith ng isang paghahayag ng Panginoon noong 1832 tungkol sa digmaan. “At pagkatapos ang digmaan ay bubuhos sa lahat ng bansa,” propesiya nito. “At sa gayon, sa pamamagitan ng espada at ng pagdanak ng dugo ang mga naninirahan sa mundo ay magdadalamhati.”19

Noong Linggo, ika-24 ng Enero 1915, nanawagan ang propeta sa mga miyembro ng Simbahan sa Estados Unidos at Canada na mag-ambag sa pondong pangkawanggawa para sa mga nangangailangang Banal sa Europa. “Ito ang pinakatuwirang paraan ng paglapit sa mga miyembro ng Simbahan na nangangailangan ng tulong,” pahayag niya.20 Bilang tugon, mahigit pitong daang ward at branch ang nangalap ng pera at nagpadala ng mga donasyon sa tanggapan ng Presiding Bishopric ng Simbahan. Pagkatapos ay ipinadala ang pera sa tanggapan ng mission sa Liverpool upang ipamahagi ni Hyrum sa mga Banal sa Europa, anumang panig ng digmaan ang kanilang sinusuportahan.21

Makalipas ang ilang buwan, naglakbay si Pangulong Smith kasama ang presiding bishop na si Charles W. Nibley upang suriin ang mas payapang lugar ng mundo: ang humigit kumulang 2,400 ektaryang sakahan ng Simbahan sa Laie, Hawaii.22 Sa Honolulu, nakipagkita ang dalawang lalaki sa apostol at Senador ng Estados Unidos na si Reed Smoot, na nagpunta sa mga pulo kasama ang kanyang asawang si Allie upang mapabuti ang kanyang kalusugan at bisitahin ang lehislatura ng Hawaii. Kasama sina Abraham at Minerva Fernandez, na inasikaso si George Q. Cannon noong kanyang huling pagbisita sa mga pulo, naglakbay sila patungong Laie at nagsalu-salo sa isang piging ng pagdiriwang kasama ang apat na raang Banal.23

Nang sumunod na ilang araw, habang binibisita ni Pangulong Smith ang mga miyembro ng Simbahan at nililibot ang sakahan, nalugod siyang makita ang mga Banal na Hawayano na lumalago sa espirituwal at temporal. Halos sampung libong Banal na ang nakatira ngayon sa mga pulo. Ang Doktrina at mga Tipan at ang Mahalagang Perlas ay kamakailan lamang inilathala sa wikang Hawayano. Mahigit limampung bahay-pulungan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang makikita sa mga pulo, at mismong ang Laie ay may paaralan na pag-aari ng Simbahan. Pinaganda rin ng mga Banal sa Laie ang kanilang mga bakuran at kalye gamit ang mga bulaklak at matitibay na puno.24

Lumalawak din ang Simbahan sa iba pang mga bahagi ng Oceania. Ang Aklat ni Mormon at iba pang mga materyal ng Simbahan ay mababasa na ngayon sa wikang Māori, Samoan, at Tahitian. Ang Tahiti Mission ay may palimbagan at inilathala ang sarili nitong pahayagan ng Simbahan sa wikang Tahitian, ang Te Heheuraa Api.25 Sa Tonga, muling lumalakas ang Simbahan matapos isara sa gawaing misyonero nang mahigit sampung taon. Ang mga Banal sa Australia, Samoa, at New Zealand ay nagsisimba sa malalakas na branch kasama ang mga Relief Society, Sunday School, at mga koro. Noong 1913, binuksan din ng Simbahan ang Māori Agricultural College sa Hastings, New Zealand. Sinasanay ng paaralan ang mga kabataang lalaki sa pagsasaka at iba pang mga trabaho.26

Noong ika-1 ng Hunyo, ang kanilang huling gabi sa Laie, naglakad si Pangulong Smith kasama sina Bishop Nibley at Elder Smoot papunta sa isang bahay-pulungan sa tuktok ng isang mababang burol kung saan matatanaw ang bayan. Nakatayo roon ang bahay-pulungan mula pa noong 1883. Ang pangalan nito, I Hemolele, ay nangangahulugang “Kabanalan sa Panginoon,” ang parehong parirala sa Biblia na makikita sa labas ng Salt Lake Temple.27

Sa labas lamang ng gusali, binanggit ni Pangulong Smith kay Elder Smoot na tinatalakay nila ni Bishop Nibley ang posibilidad na magtayo ng endowment house o isang maliit na templo sa Laie, dahil ang Simbahan sa Hawaii ay matibay ang pagkakatatag. Iminungkahi niyang ilipat ang I Hemolele sa ibang lugar upang maitayo ang isang templo sa lugar na iyon.28

Pinaboran ni Elder Smoot ang ideya. Noong unang bahagi ng linggong iyon, matapos dumalo sa burol ng isang matandang Banal na nakatanggap ng kanyang endowment ilang taon na ang nakararaan sa Utah, nagkaroon din siya ng gayon ding kaisipan. Sa malaking bahagi ng kasaysayan nito, nagtayo ang Simbahan ng mga templo malapit sa malalaking populasyon ng mga Banal. Ngunit noong 1913, inilaan ni Pangulong Smith ang isang lugar para sa isang templo sa Cardston, Alberta, Canada, kung saan may dalawang stake na ngayon. Iyon ang unang pagkakataon na inilatag ang mga plano upang magtayo ng templo para sa mga Banal na nakatira nang malayo sa pangunahing pangkat ng Simbahan.29

“Mga kapatid,” sabi ni Pangulong Smith sa kanyang mga kasama, “nadama ko na dapat kong ilaan sa Diyos ang lupang ito para sa pagtatayo ng templo, para sa isang lugar kung saan ang mga tao sa mga Isla ng Pasipiko ay maaaring pumarito at gawin ang kanilang gawain sa templo.” Inamin niya na hindi siya nakipagsangguni sa Korum ng Labindalawang Apostol o sa iba pang mga miyembro ng Unang Panguluhan tungkol sa bagay na ito. “Ngunit kung sa palagay ninyo ay hindi magkakaroon ng pagtutol dito,” sabi niya, “sa aking palagay ay ngayon na ang panahon upang ilaan ang lupa.”

Masigasig sa ideya sina Elder Smoot at Bishop Nibley, kung kaya agad na nag-alay ang propeta ng panalangin ng paglalaan.30


Noong tag-init ng 1915, hindi na nagbabanta ang Rebolusyong Mehikano sa mga kolonya ng Simbahan sa hilagang Mexico. Maraming pamilya ang bumalik sa kanilang mga tahanan sa mga kolonya at namuhay nang payapa kahit papaano. Samantala, pinili ng ilan sa mga kolonista, kabilang na si Camilla Eyring at ang kanyang pamilya, na manatili sa Estados Unidos.31

Ngunit iba ang mga kalagayan sa San Marcos, kung saan naglilingkod ngayon si Rafael Monroy bilang pangulo ng isang branch ng apatnapung Banal. Noong ika-17 ng Hulyo, isang grupo ng mga sundalo ang sumakop sa nayon, nagtayo ng punong-tanggapan sa isang malaking bahay sa gitna ng bayan, at hiniling na bigyan sila ni Rafael, isang maunlad na may-ari ng rantso, ng karne ng baka.32

Umaasang mapapayapa niya ang mga kawal, binigyan sila ni Rafael ng isang baka para katayin. Ang mga rebelde ay mga Zapatista, o mga tagasunod ni Emiliano Zapata, isa sa ilang lider ng mga rebelde na nakikipag-agawan sa pagkontrol ng pamahalaan ng Mexico. Sa loob ng ilang buwan, nakikipaglaban ang mga Zapatista sa mga puwersa ni Venustiano Carranza, o ng mga Carrancista, sa lugar sa paligid ng San Marcos. Kasunod ng payo ng mission president na si Rey L. Pratt, tinangka ni Rafael at ng kanyang kapwa mga Banal na umiwas sa labanan, umaasang hindi sila gagambalain ng mga hukbo. Hanggang sa pagdating ng mga rebelde, naging kanlungan ang San Marcos para sa mga Banal na nawalan ng tirahan dulot ng karahasan sa gitnang Mexico.33

Kabilang sa mga Banal sa San Marcos ang ina ni Rafael na si Jesusita, at ang asawang si Guadalupe, na kapwa nabinyagan noong Hulyo 1913. Si Pangulong Pratt, na umalis patungo sa Estados Unidos, ay patuloy na tumutulong sa branch kahit nasa malayo.34

Matapos ibigay ni Rafael ang baka, nagsimulang makipag-usap sa mga rebelde ang ilan sa kanyang mga kapitbahay. Ang isang kapitbahay, si Andres Reyes, ay hindi masaya sa lumalaking bilang ng mga Banal sa lugar. Maraming Mehikano ang sumalungat sa mga dayuhang impluwensya sa kanilang bansa, at si Andres at iba pa sa bayan ay kinamumuhian ang mga Monroy sa pagtalikod sa kanilang pananampalatayang Katoliko upang sumapi sa isang simbahan na malawakang nauugnay sa Estados Unidos. Ang katotohanan na ang panganay na babae na Monroy, si Natalia, ay nagpakasal sa isang Amerikano ay lalong nagpatindi ng paghihinala ng mga taong-bayan sa pamilya.35

Nang marinig ito, sinundan ng mga kawal si Rafael pabalik sa kanyang bahay at dinakip siya habang papaupo siya upang mag-almusal. Pinilit nila siyang buksan ang tindahan ng pamilya, sinasabing siya at ang kanyang bayaw na Amerikano ay mga kolonel sa hukbo ng Carrancista na nagtatago ng mga sandata upang gamitin laban sa mga Zapatista.

Sa tindahan, natagpuan nina Rafael at ng mga kawal si Vicente Morales, isa pang miyembro ng Simbahan, na gumagawa ng iba-ibang trabaho. Naniniwalang isa rin siyang kawal na Carrancista, dinakip siya ng mga kawal at sinimulang nakawan ang tindahan habang naghahanap sila ng mga sandata. Nagsumamo sina Rafael at Vicente na wala silang alam, tinitiyak sa mga sundalo na hindi sila ang kaaway.

Hindi naniwala ang mga sundalo sa kanila. “Kung hindi ninyo ibibigay sa amin ang inyong mga sandata,” sabi nila, “bibigtiin namin kayo mula sa pinakamataas na puno.”36


Nang sapilitang pinaalis ng mga Zapatista si Rafael sa bahay, hinabol sila ng kanyang mga kapatid na babae na sina Jovita at Lupe. Unang nakalapit si Jovita sa mga kawal, ngunit hindi nila pinansin ang kanyang mga pakiusap. Eksaktong nakalapit si Lupe upang makita ang mga rebeldeng dinadakip ang kanyang kapatid. “Lupe,” sigaw ni Jovita, “dinarakip nila ako!”

Sa ngayon, isang pulutong ng mga tao ang lumapit sa paligid nina Rafael at Vicente. May mga taong may hawak na lubid at sumisigaw ng, “Bigtiin sila!”

“Ano ang gagawin ninyo? Walang sala ang kapatid ko,” sabi ni Lupe. “Wasakin ninyo ang bahay kung kinakailangan, ngunit wala kayong makikitang anumang sandata.”

May isang tao sa pulutong ng mga tao na sumigaw na dakpin din siya. Tumakbo si Lupe sa kalapit na puno at kumapit nang mahigpit sa abot ng kanyang makakaya, ngunit dinakip siya ng mga sundalong rebelde at madaling inihiwalay dito.37 Pagkatapos ay bumalik sila sa bahay ng mga Monroy at dinakip si Natalia.

Isinama ng mga rebelde ang lahat ng tatlong magkakapatid na babae sa kanilang punong-tanggapan at ikinulong sila sa magkakahiwalay na silid. Sa labas, sinabi ng ilang tao sa mga kawal na sina Rafael at Vicente ay “mga Mormon” na sinisira ang bayan gamit ang kanilang kakaibang relihiyon. Hindi pa naririnig ng mga kawal ang salitang iyon, ngunit inisip nila na isang masamang bagay ito. Dinala nila ang dalawang lalaki sa isang mataas na puno at nagsabit ng lubid sa matitibay na sanga nito. Pagkatapos ay naglagay sila ng mga taling sa mga leeg ng dalawang lalaki. Kung tatalikuran nina Rafael at Vicente ang kanilang relihiyon at sasali sa mga Zapatista, sabi ng mga kawal, palalayain sila.

“Mas mahalaga sa akin ang relihiyon ko kaysa sa buhay ko,” sabi ni Rafael, “at hindi ko ito magagawang talikuran.”

Hinila ng mga kawal ang mga lubid hanggang sa mabigti sina Rafael at Vicente at mawalan ng malay. Pagkatapos ay kinalas ng mga rebelde ang mga lubid, at patuloy silang pinahirapan.38

Sa tindahan, nagpatuloy ang mga rebelde sa kanilang paghahanap ng mga sandata. Iginiit nina Jesusita at Guadalupe na walang mga sandata. “Ang anak ko ay isang mapayapang tao!” sabi ni Jesusita. “Kung hindi gayon, sa palagay mo ba ay matatagpuan mo siya sa kanyang bahay?” Nang muling hiningi ng mga kawal na makita ang mga sandata ng pamilya, ipinakita ng mga Monroy ang mga kopya ng Aklat ni Mormon at ng Biblia.

“Hindi sandata ang mga iyan,” sabi ng mga rebelde. “Gusto naming makita ang mga sandata.”

Kinahapunan, sa punong-tanggapan ng mga Zapatista, pinagsama ng mga rebelde ang magkakapatid na Monroy sa iisang silid. Nagulat si Lupe sa hitsura ni Rafael. “Rafa, may dugo ka sa leeg mo,” sabi niya dito. Naglakad si Rafael patungo sa isang lababo sa silid at naghilamos ng kanyang mukha. Mukha siyang kalmado at tila hindi galit, sa kabila ng lahat ng nangyari.

Kalaunan, dinalhan ni Jesusita ng pagkain ang kanyang mga anak. Bago siya umalis, iniabot ni Rafael sa kanya ang isang liham na isinulat niya para sa isang kapitan ng mga Zapatista na kanyang kilala, humihingi ng tulong upang patunayan ang kanyang kawalang-sala. Kinuha ni Jesusita ang liham at hinanap ang kapitan. Pagkatapos ay binasbasan ng mga Monroy at Vicente ang kanilang pagkain, ngunit bago sila makakain, narinig nila ang tunog ng mga yapak at sandata sa labas ng pinto. Tinawag ng mga kawal sina Rafael at Vicente, at lumabas ng silid ang dalawang lalaki. Sa pintuan, hiniling ni Rafael kay Natalia na sumama sa kanya, ngunit itinulak ito pabalik sa loob ng mga bantay.

Nagtinginan ang magkapatid sa isa’t isa, kumakabog ang kanilang mga puso. Nanahan sa kanila ang katahimikan. Mayamaya pa’y ginambala ng mga putok ng baril ang gabi.39


Nakadama si Hyrum M. Smith ng napakabigat na pasanin sa kanyang mga balikat habang pinagninilayan niya ang sitwasyon sa Europa. Bilang pangulo ng European Mission, kaagad niyang sinunod ang utos ng Unang Panguluhan at pinaalis ang mga misyonero mula sa Alemanya at Pransiya nang magsimula ang digmaan. Ngunit hindi niya tiyak ang gagawin sa mga misyonero na nasa mga bansang walang pinapanigan o mga lugar na walang matinding labanan, tulad ng Britanya. Kakaunting tagubilin lamang ang ibinigay sa kanya ng Unang Panguluhan kung paano magpapatuloy. “Ipinapaubaya namin sa iyo ang pagpapasiya sa katanungan mo,” isinulat nila.40

Dalawang beses na nakipagkita si Hyrum sa mga elder sa tanggapan ng mission upang talakayin ang tamang landas na tatahakin. Matapos ang ilang talakayan, pumayag silang i-release lamang ang mga misyonero na nasa kontinenteng Europa, at hayaan ang mga misyonero sa Britanya na tapusin ang kanilang mga misyon ayon sa plano. Pagkatapos ay sumulat si Hyrum sa mga mission president sa kontinente, inaatasan sila at ang kanilang mga katuwang na manatili sa kanilang mga puwesto upang panatilihin ang Simbahan sa kanilang mga lugar. Ang iba pang mga misyonero ay dapat lumikas.41

Ngayon, makalipas ang isang taon, ang mga pahayagan ay puno ng mga kuwento tungkol sa pagsalakay ng mga Aleman sa mga British na barkong panghukbong-dagat at pampasahero. Noong Mayo 1915, isang submarinong Aleman ang nagpatama ng torpedo sa Lusitania, isang British na barko, na pumatay sa halos isang libo at dalawang daang sibilyan at tripulante. Makalipas ang tatlong buwan, pinalubog ng mga Aleman ang isa pang barkong British, ang Arabic, malapit sa baybayin ng Ireland. Nakasakay sa barko ang isang pauwing misyonero na halos namatay sa pagsalakay.

Bilang taong responsable sa pag-aayos ng paglalakbay para sa mga misyonero at mga nandarayuhang Banal na tatawirin ang Atlantiko, nahirapan si Hyrum na malaman kung paano pinakamainam na tutugunan ang krisis.42 Marami sa mga Amerikanong misyonero sa Britanya ang lubhang sabik na umuwi kung kaya handa silang suungin ang anumang panganib upang makarating doon. Ang mga nandarayuhang Banal, gayundin, ay kadalasang inuuna ang kanilang paghahangad na magtipon sa Utah kaysa sa kanilang personal na kaligtasan.

Ang nagpakumplika pa ng lahat, nakipagkasunduan ang Simbahan sa isang kumpanyang pambarkong British upang pangasiwaan ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa paglalakbay ng Simbahan sa buong Atlantiko. Dahil hindi makakita ng tapat na paraan upang makawala sa kontrata, naniwala si Hyrum na ang mission office ay hindi legal na makabibili ng tiket para sa mga Banal sa mga barkong Amerikano, kahit na itinuturing na mas ligtas ang mga ito dahil hindi magkalaban sa digmaan ang Estados Unidos at Alemanya.

Noong ika-20 ng Agosto 1915, lumiham siya sa Unang Panguluhan tungkol sa problema. Bumili na siya ng mga tiket para sa ilang misyonero at mga nandayuhang Banal sa Scandinavian, isang barkong British-Canadian na papaalis ng Liverpool noong ika-17 ng Setyembre. Ngunit ngayon ay nag-aalangan siya kung dapat niyang payagan ang mga ito.

“Ang pasaning mag-isa ang responsibilidad ay lubhang mahirap kayanin,” isinulat niya. “Mapagpakumbaba akong nakikiusap na payuhan ninyo ako tungkol sa bagay na ito, upang madama ko na lubos akong kumikilos ayon sa inyong mga naisin.”43

Isang linggo bago nakalaang umalis ang Scandinavian, tumanggap si Hyrum ng isang telegrama mula sa Unang Panguluhan: “Ang mga nandarayuhang dumarating sakay ng mga barko ng nakikidigmang bansa ay dapat umako ng personal na responsibilidad.” Kung pipiliin ng mga Banal na maglakbay sakay ng barkong British, ginawa nila ito sa sarili nilang panganib.44

Maingat na tinimbang ni Hyrum ang kanyang mga opsiyon. Malinaw na ayaw hikayatin ng Unang Panguluhan ang mga Banal na maglakbay sakay ng mga barko na maaaring salakayin. Subalit ang mas ligtas na barkong Amerikano ay hindi magagamit ng mga Banal maliban na lamang kung pipiliin nilang maglakbay nang walang tulong ng Simbahan. At kahit na gawin nila ito, ang mataas na halaga ng pamasahe ng barkong Amerikano ay maaaring pumigil sa kanila sa paglalayag.

“Nalulungkot akong ipagsapalaran ang ating mga Banal sa karagatan,” isinulat niya sa kanyang journal. Ngunit alam niyang may kailangan siyang gawin. “Yayamang hindi kami inatasang huwag magpatuloy,” isinulat niya, “itutuloy namin ito at magtitiwala sa Panginoon.”45

Noong ika-17 ng Setyembre 1915, nagpaalam si Hyrum sa apat na misyonero at tatlumpu’t pitong nandarayuhan na lulan ng Scandinavian.46 Pagkatapos ang maaari na lamang niyang gawin ay hintayin ang balita na ligtas na nakarating ito sa destinasyon nito.

  1. Herwig, The Marne, 1914, 110; Junius F. Wells at Arthur Horbach, “The Liege Branch during the Great War,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Nob. 6, 1919, 81:712; Chas. Arthur Horbach entry, Liege Branch, Belgian Conference, French Mission, no. 44, sa Belgium (Country), part 1, Record of Members Collection, CHL. Paksa: Belgium

  2. Sheffield, Short History of the First World War, 12–27; Clark, Sleepwalkers, 367–403, 469–70, 526–27. Paksa: Unang Digmaang Pandaigdig

  3. Herwig, The Marne, 1914, 108–17; Zuber, Ten Days in August, 13, 155, 188–98; Junius F. Wells at Arthur Horbach, “The Liege Branch during the Great War,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Nob. 6, 1919, 81:712.

  4. Anne Matilde Horbach entry, Liege Branch, Belgian Conference, French Mission, no. 43, sa Belgium (Country), part 1, Record of Members Collection, CHL; Junius F. Wells at Arthur Horbach, “The Liege Branch during the Great War,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Nob. 6, 1919, 81:712; Willey, Memoirs, 19, 27; J. Moyle Gray to Heber J. Grant, Aug. 15, 1919, Heber J. Grant Collection, CHL.

  5. Junius F. Wells at Arthur Horbach, “The Liege Branch during the Great War,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Nob. 6, 1919, 81:712–13; J. Moyle Gray to Heber J. Grant, Aug. 15, 1919, Heber J. Grant Collection, CHL; Tonia V. Deguée entry, Liege Branch, Belgian Conference, French Mission, no. 8, sa Belgium (Country), part 1, Record of Members Collection, CHL; Kahne, History of the Liège District, 14–15.

  6. Willey, Memoirs, 31, 33, 35; Hall, Autobiography, [6]; Junius F. Wells at Arthur Horbach, “The Liege Branch during the Great War,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Nob. 6, 1919, 81:712–13; J. Moyle Gray to Heber J. Grant, Aug. 15, 1919, Heber J. Grant Collection, CHL.

  7. “Missionary Journal of Myrl Lewis,” Sept. 3, 1914; “List of Names of Missionaries Transferred from European Mission to British Mission,” 1914; Hyrum Smith to First Presidency, Aug. 29, 1914, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL.

  8. Junius F. Wells at Arthur Horbach, “The Liege Branch during the Great War,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Nob. 6, 1919, 81:712–13; J. Moyle Gray to Heber J. Grant, Aug. 15, 1919, Heber J. Grant Collection, CHL; Chas. Arthur Horbach, Anne Matilde Horbach, and Charles Jean Devignez entries, Liege Branch, Belgian Conference, French Mission, nos. 43, 44, 77, sa Belgium (Country), part 1, Record of Members Collection, CHL.

  9. Junius F. Wells at Arthur Horbach, “The Liege Branch during the Great War,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Nob. 6, 1919, 81:712–13; J. Moyle Gray to Heber J. Grant, Aug. 15, 1919, Heber J. Grant Collection, CHL. Paksa: Mga Sacrament Meeting

  10. Hyrum M. Smith, Diary, Oct. 2, 1914; “Hyrum Mack Smith,” Missionary Database, history.ChurchofJesusChrist.org/missionary; Smith, Salt Lake Tabernacle Address, 1.

  11. Smith, Salt Lake Tabernacle Address, 1–2; “‘Mormon’ Women in Great Britain,” Deseret Evening News, Okt. 13, 1914, 5; McGreal, Liverpool in the Great War, 28–29.

  12. Smith, Salt Lake Tabernacle Address, 2.

  13. Smith, Salt Lake Tabernacle Address, 2–3; “‘Mormon’ Women in Great Britain,” Deseret Evening News, Okt. 13, 1914, 5.

  14. Smith, Salt Lake Tabernacle Address, 3; “‘Mormon’ Women in Great Britain,” Deseret Evening News, Okt. 13, 1914, 5.

  15. Smith, Salt Lake Tabernacle Address, 3–4. Ang sipi ay binago upang madali itong basahin; ang “Gagawin namin ang magagawa namin” sa orihinal ay pinalitan ng “Gagawin namin ang lahat ng makakaya namin.”

  16. FSmith, Salt Lake Tabernacle Address, 4–6; Amy Brown Lyman, “Notes from the Field,” Relief Society Magazine, Nob. 1915, 2:504–6; “Daughters of Zion,” Relief Society Magazine, Okt. 1916, 3:543; “‘Mormon’ Women in Great Britain,” Deseret Evening News, Okt. 13, 1914, 5.

  17. Smith, Salt Lake Tabernacle Address, 5; “Daughters of Zion,” Relief Society Magazine, Okt. 1916, 3:543; Nottingham Branch Relief Society Minutes, Okt. 1915, 151; Hyrum M. Smith, Diary, Mar. 9–10, 1915. Mga Paksa: England; Relief Society

  18. Joseph F. Smith to Hyrum M. Smith, Nov. 7, 1914, Letterpress Copybooks, 6, Joseph F. Smith Papers, CHL; Sheffield, Short History of the First World War, 34–37; Audoin-Rouzeau, “1915: Stalemate,” 66–69.

  19. Audoin-Rouzeau, “1915: Stalemate,” 70–71; Hiery, Neglected War, 22–30; Doktrina at mga Tipan 87:3, 6.

  20. “To Presidents of Stakes and Bishops of Wards,” Deseret Evening News, Ene. 13, 1915, 4; “Donations for Church Members in Europe,” Deseret Evening News, Ene. 22, 1915, 3.

  21. Donation to War Sufferers,” Improvement Era, Mar. 1915, 18:455; Charles W. Nibley, Orrin P. Miller, and David A. Smith to First Presidency, Oct. 11, 1915, First Presidency General Administration Files, CHL; Hyrum M. Smith to Mission Presidents, Mar. 23, 1915, First Presidency Mission Files, CHL.

  22. “Church Leader Returns Home,” Salt Lake Herald-Republican, Hunyo 17, 1915, 12; Mga Banal, tomo 2, kabanata 13 at 27; Joseph F. Smith, Journal, May 22, 1915; “From Far Away Hawaii,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Hulyo 8, 1915, 77:417–18. Paksa: Hawaii

  23. Joseph F. Smith, Journal, May 21 and 22, 1915; Heath, Diaries of Reed Smoot, xxxiv; Smoot, Diary, Mar. 11 and 13, 1915, Reed Smoot Collection, BYU; “Leave for Islands Trip,” Salt Lake Herald-Republican, Abr. 25, 1915, [32]; Walker, “Abraham Kaleimahoe Fernandez,” [2].

  24. Joseph F. Smith, Journal, May 23–26, 1915; “From Far Away Hawaii,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Hulyo 8, 1915, 77:418; Britsch, Moramona, 227–31.

  25. Britsch, Unto the Islands of the Sea, 31–32, 43, 278–80, 384. Paksa: French Polynesia

  26. Moffat, Woods, at Anderson, Saints of Tonga, 54–57; Britsch, Unto the Islands of the Sea, 289–94; Newton, Southern Cross Saints, 179–82; Historical Department, Journal History of the Church, June 1913, 20; Newton, Tiki and Temple, 66–69, 95–96, 121–28. Mga Paksa: Australia; New Zealand; Samoa; Tonga; Mga Akademya ng Simbahan

  27. Smoot, Diary, June 1–2, 1915, Reed Smoot Collection, BYU; Dowse, “The Laie Hawaii Temple,” 68–69; I Hemolele, Photograph, Joseph F. Smith Library, Brigham Young University–Hawaii, Laie; Holiness to the Lord inscription tablet detail, Architect’s Office, Salt Lake Temple Architectural Drawings, CHL; tingnan din sa Exodo 28:36; 39:30; at Mga Awit 93:5.

  28. Smoot, Diary, June 1, 1915, Reed Smoot Collection, BYU.

  29. Smoot, Diary, May 27 and June 1, 1915, Reed Smoot Collection, BYU; “President Smith and Party Return,” Liahona, the Elders’ Journal, Hulyo 6, 1915, 13:24; “Dedication of the Temple Site at Cardston, Canada,” Liahona, the Elders’ Journal, Set. 16, 1913, 11:206; “Cardston Temple Site Dedicated by Church Leaders,” Salt Lake Herald-Republican, Hulyo 28, 1913, 1. Mga Paksa: Pagtatayo ng Templo; Canada

  30. Smoot, Diary, June 1, 1915, Reed Smoot Collection, BYU; Joseph F. Smith, Journal, June 1, 1915; Reed Smoot, in Ninety-First Semi-annual Conference, 137. Paksa: Hawaii

  31. Romney, Mormon Colonies, 235; Kimball, Autobiography, 14–18.

  32. Rey L. Pratt, “A Latter-day Martyr,” Improvement Era, Hunyo 1918, 21:720–21; Grover, “Execution in Mexico,” 9; Monroy, History of the San Marcos Branch, [12b], [15b], 19, [22b], 25, [31b]–32; Tullis, Martyrs in Mexico, 7, 34–35.

  33. Monroy, History of the San Marcos Branch, [31b]; Jesus M. de Monroy to Rey L. Pratt, Aug. 27, 1915, CHL; Grover, “Execution in Mexico,” 13–15; Tullis, Mormons in Mexico, 103. Paksa: Mexico

  34. Monroy, History of the San Marcos Branch, 7, [10b]–11, 19; Diary of W. Ernest Young, 98–99, 106–7; “Rey Lucero Pratt,” misyonero Database, history.ChurchofJesusChrist.org/misyonero; Tullis, Martyrs in Mexico, 23, 28, 32–41, 92–96.

  35. Monroy, History of the San Marcos Branch, 23, 25, [31b]; Tullis, Martyrs in Mexico, 9, 32–33.

  36. Monroy, History of the San Marcos Branch, [31b]–32; Jesus M. de Monroy to Rey L. Pratt, Aug. 27, 1915, CHL; Rey L. Pratt, “A Latter-day Martyr,” Improvement Era, Hunyo 1918, 21:723; Tullis, Martyrs in Mexico, 10–12. Ang isinaling sipi ay binago upang madali itong basahin; ang “kung hindi nila isusuko ang kanilang mga sandata ay bibigtiin sila sa pinakamataas na puno” sa orihinal ay pinalitan ng “kung hindi ninyo isusuko ang inyong mga sandata ay bibigtiin namin kayo mula sa pinakamataas na puno.”

  37. Monroy, History of the San Marcos Branch, 32.

  38. Monroy, History of the San Marcos Branch, 32–33; Jesus M. de Monroy to Rey L. Pratt, Aug. 27, 1915, CHL; Rey L. Pratt, “A Latter-day Martyr,” Improvement Era, Hunyo 1918, 21:723–24.

  39. Monroy, History of the San Marcos Branch, [32b]–[33b]; Villalobos, Oral History Interview, 4.

  40. Hyrum M. Smith to First Presidency, Aug. 29, 1914; “List of Names of Missionaries Transferred from European Mission to British Mission,” 1914, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL; First Presidency to Hyrum M. Smith, Sept. 9, 1914, First Presidency Letterpress Copybooks, tomo 53.

  41. Hyrum M. Smith, Diary, Sept. 25 and 26; Nov. 29, 1914; Hyrum M. Smith to First Presidency, Sept. 30, 1914, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL.

  42. Hyrum M. Smith to First Presidency, May 12, 1915; May 25, 1915; Aug. 20, 1915, First Presidency Mission Files, CHL; Hyrum M. Smith, Diary, Aug. 18–21, 1915.

  43. Hyrum M. Smith to First Presidency, Aug. 20, 1915; Oct. 15, 1915; First Presidency to Hyrum M. Smith, Sept. 11, 1915, First Presidency Mission Files, CHL; “Releases and Departures,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Set. 23, 1915, 77:608.

  44. First Presidency to Hyrum M. Smith, Sept. 11, 1915, First Presidency Mission Files, CHL.

  45. Hyrum M. Smith, Diary, Sept. 10, 1915, nasa orihinal ang pagbibigay-diin; Hyrum M. Smith to First Presidency, Oct. 15, 1915, First Presidency Mission Files, CHL.

  46. Releases and Departures,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Set. 23, 1915, 77:608; Hyrum M. Smith to First Presidency, Oct. 15, 1915, First Presidency Mission Files, CHL.