Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 13: Mga Tagapagmana ng Kaligtasan


“Mga Tagapagmana ng Kaligtasan,” kabanata 13 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)

Kabanata 13: “Mga Tagapagmana ng Kaligtasan”

Kabanata 13

Mga Tagapagmana ng Kaligtasan

ang Tagapagligtas na nagpapakita sa daigdig ng mga espiritu

Noong Enero 1917, naglakbay si Susa Gates patungong Lunsod ng New York upang bisitahin ang isang maysakit na kaibigan, si Elizabeth McCune, na naglingkod kasama niya sa pangkalahatang lupon ng Relief Society. Si Elizabeth at ang kanyang asawang si Alfred ay lumipat sa New York upang makapanegosyo si Alfred sa lunsod. Nang malaman ni Susa ang tungkol sa sakit ng kanyang kaibigan, kaagad siyang nagpunta upang tulungan itong gumaling. Subalit pagdating niya, pagaling na si Elizabeth. Gayunpaman, hinikayat niya si Susa na huwag munang umalis at samahan siya. Habang naroon, magagamit ni Susa ang mga silid-aklatan ng lunsod upang magsagliksik ng talaangkanan, na naging malaking bahagi ng kanyang paglilingkod sa Simbahan.

Sa Denmark labinlimang taon na ang nakararaan, nagkasakit nang malubha si Susa habang dumadalo sa isang pulong ng Pandaigdigang Konseho ng Kababaihan [International Council of Women]. Humingi siya ng basbas mula kay apostol Francis Lyman, ang pangulo ng European Mission noong panahong iyon, na nagbasbas sa kanya na huwag matakot sa kamatayan at nangako na may gawain siyang gagawin sa daigdig ng mga espiritu. Ngunit sa kalagitnaan ng basbas, huminto siya nang mga dalawang minuto. “May isang kapulungan na ginanap sa langit,” sa wakas ay sinabi niya kay Susa, “at napagpasiyahan na ikaw ay mabubuhay upang magsagawa ng gawain sa templo, at gagawa ka ng mas dakilang gawain kaysa noon.”1

Matapos gumaling mula sa kanyang karamdaman, inilaan ni Susa ang kanyang sarili sa paggawa ng talaangkanan at gawain sa templo. Naging aktibo siya sa Genealogical Society of Utah, isang organisasyong binuo ng Simbahan matapos ang paghahayag kay Wilford Woodruff tungkol sa mga pagbubuklod sa templo noong 1894. Nagsimula siyang magtrabaho sa Salt Lake Temple, nagtuturo sa mga klase sa talaangkanan, at nagsusulat ng lingguhang pitak tungkol sa family history para sa Deseret Evening News.

Nang sina Susa at Elizabeth McCune ay naging mga miyembro ng pangkalahatang lupon ng Relief Society noong 1911, ginawa nilang bagong prayoridad para sa kababaihan ng Simbahan ang gawain talaangkanan at gawain sa templo. Bumisita sila sa mga ward at branch sa Estados Unidos at Canada at sinanay ang mga Banal na magsaliksik tungkol sa kanilang mga ninuno. Sumulat din si Susa ng mga aralin ukol sa talaangkanan para sa Relief Society Magazine, at, sa kahilingan ng pangkalahatang lupon, siya ay kasalukuyang nagsusulat ng isang aklat ng sanggunian upang tulungan ang mga Banal sa kanilang gawain sa family history.2

Habang nasa Lunsod ng New York, sinaliksik ni Susa ang mga pangalan ng pamilya McCune sa silid-aklatan. Ginawa rin niya ang lahat upang maibigay kay Elizabeth ang lahat ng pagmamahal at atensyong maihahandog niya.

Isang araw bago nakatakdang umuwi si Susa, sapat na ang inam ng pakiramdam ni Elizabeth upang dumalo sa isang pulong ng Relief Society sa punong-tanggapan ng Eastern States Mission sa lunsod. Nagsalita si Susa sa kababaihan tungkol sa pagsasaliksik sa talaangkanan. Kahit maliit pa ang bilang ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw sa Lunsod ng New York, malakas niyang nadama ang Espiritu sa kanila.3

Sa kanyang paglalakbay pauwi, dumaan si Susa sa dalawang iba pang lunsod upang bisitahin ang mga Banal. Pagkatapos ng isang pulong, isang pangulo ng branch ang huminto para kausapin siya. “Lagi akong nasisiyahan sa mga patotoo ng matatanda,” sabi nito, “at gustung-gusto kong marinig ang isang may edad nang nagsasalita tungkol sa kanilang mga karanasan.”

Natawa sa kanyang sarili si Susa. “Ikaw ay isang matandang tao, Susa, naririnig mo ba?” pabirong sinabi niya sa kanyang sarili. Siya ay animnapung taong gulang na, ngunit maraming taon pa rin ang gugugulin niya—at marami pang gagawin.4


“Nabubuhay tayo sa napakahalagang panahon,” pagkilala ni Joseph F. Smith nang buksan niya ang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Abril 1917. Ang mga pahayagan sa buong Utah ay puno ng mga nakababahalang ulat ng pananalakay ng mga Aleman laban sa Estados Unidos.5 Sa nakalipas na dalawa’t kalahating taon, nanatiling walang pinapanigan ang Estados Unidos sa digmaan. Ngunit kamakailan lamang ay pinanibago ng Alemanya ang patakaran nito tungkol sa walang restriksyon na paggamit ng submarino sa digmaan, at dahil dito ay maaaring atakehin ang anumang barko ng mga Amerikano. Ang mga opisyal na Aleman ay nakipag-alyansa din sa Mexico, na nagtulot ng pagsalakay sa Estados Unidos mula sa timog. Bilang tugon, pinahintulutan ng Kongreso ng Estados Unidos si Pangulong Woodrow Wilson na magdeklara ng digmaan laban sa Alemanya.6

Habang nakatayo sa pulpito ng Salt Lake Tabernacle, naunawaan ni Pangulong Smith na maraming Banal sa kongregasyon ang nababalisa at natatakot. Hinikayat niya silang hangarin ang kapayapaan, kaligayahan, at kapakanan ng pamilya ng tao. “Kung gagawin natin ang ating tungkulin ngayon, bilang mga miyembro ng Simbahan at mga mamamayan ng ating bansa,” sabi niya, “hindi natin kailangang katakutan kung ano ang ihahatid ng kinabukasan.”7

Pormal na nagdeklara ng digmaan si Pangulong Wilson noong araw na iyon. Halos limang libong kabataang lalaki mula sa Utah—karamihan sa kanila ay mga Banal sa mga Huling Araw—ay kaagad na nagpalista.8 Maraming kababaihan sa Simbahan ang sumapi sa Red Cross upang maglingkod bilang mga nars sa digmaan. Ang mga Banal na Amerikano na hindi maaaring sumali sa hukbong sandatahan ay sinuportahan ang kanilang bansa sa iba pang paraan, tulad ng pagbili ng “Liberty Bonds” ng pamahalaan upang makatulong na mapondohan ang digmaan. Si Betty McCune, anak na babae ni Elizabeth, ay natutong magpaandar at magkumpuni ng isang sasakyan at naging tsuper ng ambulansya. Nagboluntaryo si Elder B. H. Roberts ng Pitumpu na maglingkod bilang isa sa tatlong kapelyan na Banal sa mga Huling Araw sa hukbo.9

Hindi nagtagal matapos ang pangkalahatang kumperensya, naglakbay si Joseph F. Smith patungong Hawaii at napansin ang progreso ng pagtatayo sa templo sa Laie. Sa ilalim ng pamumuno ng mga kapatas na sina Hamana Kalili at David Haili, natapos na ng mga manggagawa ang labas ng templo at ngayon ay abalang-abalang tinatapos ang loob nito. Itinayo mula sa pinatibay na konkreto at mga batong lava mula sa mga kalapit na bundok, ang Hawaii Temple ay hugis krus at walang mataas na tore. Ang mga iskulturang yari sa semento ng mga tagpo sa mga banal na kasulatan, na inukit ng mga alagad ng sining ng Utah na sina Leo at Avard Fairbanks, ay pinalamutian ang labas ng gusali.10

Noong Oktubre, isang buwan bago sumapit ang kanyang ikapitumpu’t siyam na kaarawan, sinabi ng propeta sa mga Banal na nagsisimula na siyang makadama ng katandaan. “Palagay ko ay napakabata ko pa sa aking buhay sa espirituwal,” sabi niya sa kanila, “subalit ang aking katawan ay napapagod, at nais kong sabihin sa inyo, kung minsan ang matanda kong puso ay hindi normal ang pagtibok.”11

Patuloy na bumagsak ang kanyang kalusugan sa pagtatapos ng taon, at palagian na siyang nagpapatingin sa isang doktor sa simula ng 1918. Halos kasabay nito, nagkasakit din ang kanyang anak na si Hyrum. Labing-anim na buwan na ang lumipas mula nang matapos ang panunungkulan ni Hyrum bilang pangulo ng European Mission, at noong panahong iyon siya ay malusog at malakas. Gayunpaman, nag-aalala si Joseph sa kondisyon nito. Palaging may espesyal na lugar sa kanyang puso si Hyrum, at nakadarama si Joseph ng malaking kagalakan sa paglilingkod at katapatan ng kanyang anak sa Panginoon. Ipinapaalala pa nito kay Joseph ang kayang sariling ama, ang patriyarkang si Hyrum Smith.12

Naging mas seryoso ang sakit ni Hyrum sa bawat araw na dumaraan. Nakadama siya ng matinding sakit sa tiyan, isang palatandaan na mayroon siyang appendicitis. Hinimok siya ng kanyang mga kaibigan na pumunta sa ospital para magpaopera, ngunit tumutol siya. “Sinusunod ko ang Word of Wisdom,” sabi niya, “at aalagaan ako ng Panginoon.”

Noong ika-19 ng Enero, halos hindi na niya makayanan ang sakit. Si Ida, ang asawa ni Hyrum, ay agad na nagpabatid kay Joseph, at taimtim itong nanalangin para sa paggaling ng kanyang anak. Samantala, sina Apostol Orson F. Whitney at James E. Talmage ay sinamahan si Hyrum sa tabi ng kanyang kama at binantayan siya sa magdamag. Isang grupo ng mga doktor at espesyalista, kabilang na si Dr. Ralph T. Richards, ang pamangkin ni Joseph, ang gumamot rin sa kanya.

Matapos suriin ang pasyente, nangamba si Dr. Richards na napakatagal na naghintay si Hyrum bago humingi ng tulong medikal, at pinakiusapan ito na pumunta na sa ospital. “Ang posibilidad na mabubuhay ka kung pupunta ka ngayon ay isa sa isang libo,” babala niya kay Hyrum. “Gagawin mo ba?”

“Oo,” sabi ni Hyrum.13

Sa ospital, kinunan ng mga doktor ng dalawang x-ray si Hyrum at nagpasiyang alisin ang kanyang apendiks. Sa gitna ng operasyon, natuklasan ni Dr. Richards na pumutok na ang apendiks, na siyang nagkalat ng nakalalasong bakterya sa buong tiyan ni Hyrum.

Nakaligtas si Hyrum sa operasyon, ngunit nanatiling mahina si Joseph dahil sa pagkabalisa at maghapong nakahiga, hindi magawang kumain. Tila nagkaroon ng lakas si Hyrum nang gabing iyon, na nagpasigla sa pag-asa ni Joseph. Puspos ng pasasalamat at kapanatagan, bumalik siya sa kanyang mga tungkulin bilang pangulo ng Simbahan.

Pagkatapos, tatlong araw matapos ang operasyon ni Hyrum, nakatanggap si Joseph ng tawag sa telepono mula sa ospital. Sa kabila ng maraming panalangin at masusing paggamot ng mga doktor, pumanaw si Hyrum. Natigilan si Joseph. Kailangan niya si Hyrum, at kailangan ng Simbahan si Hyrum. Bakit hindi nailigtas ang kanyang buhay?

Puno ng pagdadalamhati, ibinuhos ni Joseph ang kanyang paghihinagpis sa kanyang journal. “Ang aking kaluluwa ay nababagabag,” isinulat niya. “Ano na ngayon ang maaari kong gawin! Ah! Ano ang magagawa ko! Ang aking kaluluwa ay ginigiyagis ng dalamhati, nasasaktan ang puso ko! Ah! Diyos ko tulungan po Ninyo ako!”14


Nabalot ng kalungkutan ang pamilya Smith sa mga sumunod na araw mula nang pumanaw si Hyrum. May mga Banal na hindi sang-ayon sa desisyon nito na huwag kaagad pumunta sa ospital. “Kung nagpatingin lamang siya noong unang sinabihan,” sabi ng ilan, “marahil nabuhay pa siya.” Gayundin ang palagay ng presiding bishop na si Charles Nibley, isang malapit na kaibigan ng pamilya. Ang pananampalataya ni Hyrum sa Word of Wisdom ay nasa mabuting lugar, sabi niya, ngunit naglaan din ang Panginoon ng marurunong na lalaki at babae na sinasanay ng siyensya na pangalagaan ang katawan.15

Upang makadama ng kapanatagan sa kanilang pangungulila, nagtipon ang mga Smith sa Beehive House, ang dating tahanan ni Brigham Young kung saan nanirahan si Joseph F. Smith. Ang pagsasama-sama nila ay nagpaibsan sa kanilang kalungkutan at nagbigay sa pamilya ng pagkakataong magalak sa marangal at tapat na pamumuhay ni Hyrum. Ngunit lahat ay nanatiling tigalgal sa pagpanaw niya.16

Si Ida, na kanyang balo, ay hindi makapagsalita sa sobrang kalungkutan. Siya at si Hyrum ay dalawampu’t dalawang taon na nagkasama bilang mag-asawa. Sa panahong iyon, sinasabi kung minsan ni Hyrum, “Ngayon, kung ako ay mauunang papanaw, hindi kita iiwanan dito nang napakatagal.”17 Iwinika niya ito bilang isang mabirong pagpapahayag ng pagmamahal at pagsinta. Kapwa nila hindi alam ni Ida kung gaano kabilis at hindi inaasahan ang kanyang kamatayan.

Noong ika-21 ng Marso 1918, ang apatnapu’t anim na kaarawan ni Hyrum, inanyayahan ni Ida ang pinakamatatalik na kaibigan ni Hyrum sa kanyang bahay upang gunitain ang buhay nito. Habang inaalala nila ang kanilang kaibigan, kung minsan tungkol sa mga nakakatawang bagay, naging seryoso at nakaaantig ang usapan habang tumatagal. Binigkas ni Orson F. Whitney, na matagal nang kaibigan nina Hyrum at Ida, ang isang tula tungkol sa perpektong plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak.

Kung minsan, kapag natutuhan na ang lahat ng aral sa buhay,

At ang araw at mga bituin magpakailanman ay namanglaw,

Ang mga bagay na hindi natin pinahalagahan sa mundo,

Ang mga bagay na iniluha na itinangi’t nawala ,

Masisilayang lahat sa pagpanglaw ng gabi ng buhay,

Habang ang mga bituin ay nangnininging sa matingkad na bughaw;

At makikita natin kung paanong tama ang lahat ng plano ng Diyos,

At malamang ang pinakamahigpit na pagsaway ay pagmamahal na tunay na tunay!

Gustung-gusto ni Ida ang tula, at sinabi niya kay Orson na ang mensahe nito ay ang inaasam niyang marinig mula nang pumanaw si Hyrum. Ngunit napakahirap sa kanyang damdamin ang gabing iyon. Nang magtipon ang mga bisita sa hapag-kainan, hindi niya mapigilang maiyak nang makita niya ang bakanteng upuan kung saan karaniwang nakaupo si Hyrum.18

Isa sa iilang nagpapasaya sa kanya ay ang pagkakabatid na sila ni Hyrum ay magkakaroon ng isa pang sanggol. Nalaman niya na nagdadalantao siya pagkamatay ng kanyang asawa. Agad niyang inanyayahan ang kanyang ate na si Margaret na tumira kasama niya upang tulungan siyang alagaan ang apat pang anak, na ang edad ay mula labinsiyam hanggang anim na taong gulang. Tinanggap ni Margaret ang kanyang imbitasyon.

Maganda ang kalusugan ni Ida buong tag-init, subalit kumikilos siya na para bang naghahanda siya para sa sarili niyang kamatayan. “Wala kang sakit,” ang sinasabi sa kanya ni Margaret. “Mabubuhay ka.”19

Gayunman, nang malapit nang matapos ang kanyang pagbubuntis, tila kumbinsido siya na hindi na siya mabubuhay nang matagal matapos isilang ang kanyang anak. Habang kausap ang kanyang biyenan na si Edna Smith, nagsalita si Ida na para bang sabik siyang makasama si Hyrum sa daigdig ng mga espiritu. Sinabi niya na maaari silang magkasamang gumawa ng mahalagang gawain sa kabilang panig ng tabing.20

Noong Miyerkules, ika-18 ng Setyembre, nagsilang si Ida ng isang malusog na sanggol na lalaki. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang ina na si Margaret ang magpapalaki rito. “Alam ko na uuwi na ako kay Hyrum at kailangan kong iwan ang aking mga anak,” sabi niya. “Ipagdasal sana ninyo ang aking sanggol at ang mababait kong mga anak. Alam kong pagpapalain sila ng Panginoon.”21

Nang sumunod na Linggo, nadama ni Ida na tila nasa tabi niya si Hyrum buong maghapon. “Naririnig ko ang kanyang tinig,” sabi niya sa kanyang pamilya. “Nadarama ko ang kanyang presensya.”22

Makalipas ang ilang araw, ang kanyang pamangking lalaki ay nagmamadaling nagtungo sa bahay ng kanyang pamilya. “Kakakita ko pa lang kay Tiyo Hyrum na pumunta sa bahay ni Tiya Ida,” sinabi niya sa kanyang ina.

“Hindi kapani-paniwala iyan,” sabi ng kanyang ina. “Pumanaw na siya.”

“Nakita ko siya,” iginiit ng bata. “Nakita ko siya mismo ng sarili kong mga mata.”

Naglakad ang mag-ina papunta sa bahay ng mga Smith, ilang pintuan lang ang layo. Doon nila nalaman na wala na si Ida. Pumanaw siya nang mas maaga nang gabing iyon mula sa atake sa puso.23


Hindi kaagad sinabi ng pamilya ni Joseph F. Smith sa kanya ang tungkol sa pagpanaw ni Ida, natatakot na hindi niya makayanan ang balita. Lalo siyang nanghina mula nang pumanaw si Hyrum, at bihira siyang magpakita sa publiko nitong huling limang buwan. Gayunman, isang araw matapos ang pagkamatay ni Ida, dinala ng mga miyembro ng pamilya kay Joseph ang bagong silang na anak na lalaki nito, at nanangis siya nang basbasan niya ang sanggol at pinangalanan siyang Hyrum. Pagkatapos ay sinabi sa kanya ng pamilya ang tungkol kay Ida.

Sa pagkagulat ng lahat, mahinahong tinanggap ni Joseph ang balita.24 Napakaraming pagdurusa at pasakit ang naganap sa mundo nitong mga nakaraang araw. Ang mga pang-araw-araw na pahayagan ay naglalaman ng mga kahila-hilakbot na ulat tungkol sa digmaan. Milyun-milyong kawal at sibilyan ang napatay na, at milyun-milyon pa ang nabalda at nasugatan. Noong unang bahagi ng tag-init na iyon, ang mga kawal mula sa Utah ay nakarating na sa Europa at nasaksihan ang walang humpay na kalupitan ng digmaan. At ngayon mas maraming binatang Banal sa mga Huling Araw ang naghahandang sumama sa labanan, kabilang na ang ilan sa mga anak ni Joseph. Ang kanyang anak na si Calvin ay nasa gitna na ng labanan sa Pransiya, naglilingkod kasama ni B. H. Roberts bilang kapelyan ng hukbo.

Ang nakamamatay na uri ng trangkaso ay nagsimula ring kumitil ng buhay sa buong mundo, na nagpalala sa pasakit at pighating dulot ng digmaan. Kumakalat ang virus sa nakababahalang bilis, at ilang araw lamang kalaunan ay sinimulan na ng Utah ang pagsasara ng mga teatro, simbahan, at iba pang mga pampublikong lugar sa pag-asang mapigilan ang pagdagsa ng sakit at kamatayan.25

Noong ika-3 ng Oktubre 1918, nakaupo si Joseph sa kanyang silid, pinagninilayan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang pagtubos sa mundo. Binuksan niya ang kanyang Bagong Tipan sa 1 Pedro at binasa ang tungkol sa pangangaral ng Tagapagligtas sa mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu. “Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang ebanghelyo ay ipinangaral maging sa mga patay,” binasa niya, “upang bagaman sila’y nahatulan sa laman na gaya ng mga tao, ay mabubuhay sila sa espiritu tulad ng Diyos.”

Habang pinagninilayan niya ang mga banal na kasulatan, nadama ng propeta ang Espiritu na bumaba sa kanya, at ang kanyang mga mata ng pang-unawa ay nabuksan. Nakita niya ang maraming patay sa daigdig ng mga espiritu. Ang mabubuting kababaihan at kalalakihan na namatay bago ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas ay masayang naghihintay sa Kanyang pagdating doon upang ipahayag ang kanilang kalayaan mula sa mga gapos ng kamatayan.

Nagpakita ang Tagapagligtas sa maraming tao, at ang mabubuting espiritu ay nagalak sa kanilang pagtubos. Lumuhod sila sa Kanyang harapan, kinikilala Siya bilang kanilang Manunubos at Tagapagligtas mula sa kamatayan at mga tanikala ng impiyerno. Ang kanilang mukha ay nagniningning, at ang liwanag mula sa presensya ng Panginoon ay nanahan sa kanila. Sila ay umawit ng mga papuri sa Kanyang pangalan.26

Habang namamangha si Joseph sa pangitain, muli niyang pinagnilayan ang mga salita ni Pedro. Ang hukbo ng mga suwail na espiritu ay higit na marami kaysa sa hukbo ng mabubuting espiritu. Paano maipapangaral ng Tagapagligtas, sa Kanyang napakaikling pagdalaw sa daigdig ng mga espiritu, ang Kanyang ebanghelyo sa kanilang lahat?27

Pagkatapos ay muling nabuksan ang mga mata ni Joseph, at kanyang naunawaan na ang Tagapagligtas ay hindi nagtungo nang personal sa mga suwail na espiritu. Sa halip, inorganisa niya ang mabubuting espiritu, naghirang ng mga sugo at inatasan silang humayo upang dalhin ang mensahe ng ebanghelyo sa mga espiritung nasa kadiliman. Sa ganitong paraan, lahat ng taong namatay sa paglabag o walang kaalaman sa katotohanan ay matututuhan ang tungkol sa pananampalataya sa Diyos, pagsisisi, pagbibinyag para sa kapatawaran ng kasalanan, kaloob na Espiritu Santo, at lahat ng iba pang mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo.

Minamasdang mabuti ang malawak na kongregasyon ng mabubuting espiritu, nakita ni Joseph sina Adan at ang kanyang mga anak na sina Abel at Set. Nakita niya si Eva na nakatayo kasama ang kanyang matatapat na anak na babae na sumamba sa Diyos sa lahat ng panahon. Sina Noe, Abraham, Isaac, Jacob, at Moises ay naroon din, kasama sina Isaias, Ezekiel, Daniel, at iba pang mga propeta mula sa Lumang Tipan at Aklat ni Mormon. Gayon din ang propetang si Malakias, na nagpropesiya na si Elijah ay darating upang itanim ang mga pangakong ginawa sa mga ama sa puso ng mga anak, na naghahanda ng daan para sa gawain sa templo at sa pagtubos sa mga patay sa mga huling araw.28

Nakita rin ni Joseph F. Smith sina Joseph Smith, Brigham Young, John Taylor, Wilford Woodruff, at iba pa na naglatag ng saligan ng Panunumbalik. Kabilang sa kanila ang kanyang amang pinaslang na si Hyrum Smith, na ang mukha ay hindi niya nakita sa loob ng pitumpu’t apat na taon. Sila ay ilan sa mga marangal at dakilang espiritu na napili bago pa ang buhay na ito upang mabuhay sa mga huling araw at magsikap para sa kaligtasan ng lahat ng anak ng Diyos.

Pagkatapos ay nahiwatigan ng propeta na ang matatapat na elder ng dispensasyong ito ay magpapatuloy sa kanilang gawain sa kabilang buhay sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo sa mga espiritu na nasa kadiliman at nasa pagkaalipin ng kasalanan.

“Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos,” sabi niya, “at pagkatapos nilang mabayaran ang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan, at mahugasang malinis, ay tatanggap ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan.”29

Nang magtapos ang pangitain, pinagnilayan ni Joseph ang lahat ng kanyang nakita. Kinaumagahan, ginulat niya ang mga Banal sa pamamagitan ng pagdalo sa unang sesyon ng pangkalahatang kumperensya ng Oktubre sa kabila ng kanyang mahinang pangangatawan. Determinadong magsalita sa kongregasyon, hirap siyang tumayo sa pulpito, nanginginig ang kanyang malaki ngunit mahinang katawan sa pagtayo. “Sa loob ng mahigit pitumpung taon ako ay naging manggagawa sa layuning ito kasama ang inyong mga ama at ninuno,” sabi niya, “at ang puso ko ay tapat na nakatuon dito kasama ninyo ngayon na tulad pa rin ng dati.”30

Dahil wala siyang sapat na lakas na magsalita tungkol sa kanyang pangitain nang hindi nadaraig ng damdamin, ipinahiwatig lamang niya ito. “Hindi ako nabuhay nang mag-isa sa nakalipas na limang buwang ito,” sabi niya sa kongregasyon. “Palagi akong nagdarasal, sumasamo, sumasampalataya at may determinasyon; at patuloy na nakikipag-ugnayan sa Espiritu ng Panginoon.”

“Ito ay masayang pulong ngayong umaga para sa akin,” sabi niya. “Pagpalain kayo ng Diyos!”31


Mga isang buwan matapos ang pangkalahatang kumperensya noong taglagas, nagtungo sina Susa at Jacob Gates sa Beehive House upang kumuha ng isang kahon ng mansanas mula sa pamilya Smith. Pagdating nila, hiniling ni Joseph F. Smith kay Susa na samahan siya sa kanyang silid, kung saan siya nakaratay sa higaan nang ilang linggo.

Ginawa ni Susa ang lahat para mapanatag siya, tulad ng pag-alo niya sa pamilya nito noon. Ngunit pinanghihinaan siya ng loob tungkol sa kanyang paglilingkod sa Simbahan.32 Bukod kay Elizabeth McCune, na nagbigay ng isang milyong dolyar sa Genealogical Society of Utah noong nakaraang taon, iilang kababaihan lamang sa pangkalahatang lupon ng Relief Society ang tila masigasig sa gawain sa family history o sa templo. Sa katunayan, iminungkahi ng ilang miyembro ng lupon na itigil na ang mga buwanang aralin tungkol sa talaangkanan ng Relief Society, na kamakailan lamang ay pinuna ng mga lider ng Relief Society sa stake sa pagiging napakahirap at hindi sapat na espirituwal.33

“Susa,” sabi ni Joseph habang nag-uusap sila, “ikaw ay gumagawa ng dakilang gawain.”

Nahihiya, sumagot si Susa, “Talagang abala ako.”34

“Ikaw ay gumagawa ng dakilang gawain,” iginiit niya, “nang higit kaysa anumang alam mo.” Sinabi niya rito na mahal niya ito dahil sa kanyang pananampalataya at katapatan sa katotohanan. Pagkatapos ay hiniling niya sa kanyang asawang si Julina na bigyan siya ng papel. Nang gawin niya ito, pumasok si Jacob at ang ilan pang tao sa silid.

Dahil nakatipon na ang lahat, hiniling ni Joseph kay Susa na basahin ang nakasulat sa papel. Kinuha niya ito at namangha siya sa kanyang nabasa. Bilang propeta, palaging sinisikap ni Joseph na maging maingat kapag nagsasalita tungkol sa paghahayag at iba pang mga espirituwal na bagay. Ngunit dito, sa kanyang mga kamay, ay isang salaysay tungkol sa isang pangitain na nakita nito tungkol sa daigdig ng mga espiritu. Idinikta nito ang paghahayag sa isa sa kanyang mga anak na lalaki, si Joseph Fielding Smith, sampung araw pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya. Pagkatapos, noong ika-31 ng Oktubre, nabasa ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa ang pangitain at lubos na inendorso ang nilalaman nito.

Habang binabasa ni Susa ang paghahayag, naantig siya na binanggit dito si Eva at ang iba pang kababaihang naglilingkod kasama ng mga propeta sa gayon ding dakilang gawain. Iyon ang unang pagkakataon na may nalaman siyang paghahayag tungkol sa paggawa ng kababaihan kasama ang kanilang mga asawa at ama sa paglilingkod sa Panginoon.

Kalaunan, matapos magpaalam kay Joseph at sa pamilya nito, tunay na nadama ni Susa na pinagpala siya dahil nabasa niya ang paghahayag bago ito isinapubliko. “Ah, kapanatagan iyon para sa akin!” isinulat niya sa kanyang journal. “Ang malaman na bukas pa rin ang kalangitan, ang maalala sina Eva at kanyang mga anak na babae, at higit sa lahat—ang maibigay ito sa panahong kailangan ng ating mga gawain at mga manggagawa sa templo at talaangkanan ang gayong panghihikayat.”

Halos hindi na siya makapaghintay na mabasa ito ni Elizabeth McCune. “Ito ay isang pananaw o pangitain ng lahat ng mga dakilang tao na gumagawa sa kabilang panig para sa kaligtasan ng mga espiritung nasa bilangguan,” sinabi niya sa kanyang kaibigan sa isang liham. “Isipin ang pampasiglang ibinibigay ng paghahayag na ito sa gawain sa templo sa buong Simbahan!”35


Noong ika-11 ng Nobyembre 1918, sumang-ayon ang mga hukbo sa Europa sa isang kasunduan ng kapayapaan, na nagwawakas sa apat na taon ng digmaan. Gayunman, patuloy na lumalaganap ang pandemya ng trangkaso, na kumitil ng milyun-milyong biktima nito. Sa maraming lugar, nabago ang mga normal na nangyayari sa araw-araw na pamumuhay. Nagsimulang magsuot ng mga maskarang yari sa tela ang mga tao na tinatakpan ang kanilang mga ilong at bibig upang protektahan ang kanilang sarili at maiwasan ang pagkalat ng virus. Regular na inilalathala ng mga pahayagan ang mga pangalan ng mga namatay.36

Isang linggo matapos ang tigil-putukan, nagpasiya si Heber J. Grant na dalawin si Joseph F. Smith sa Beehive House. Si Heber ngayon ang pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang susunod na lalaki na nakalinyang mamuno sa Simbahan. Hindi siya sabik na balikatin ang mga responsibilidad ng pangulo ng Simbahan. Siya ay umasa at nanalangin na mabuhay si Joseph nang labindalawang taon pa—sapat na ang haba upang ipagdiwang ang pang-isandaang anibersaryo ng Simbahan. Kahit ngayon ay hindi siya makapaniwala na mamamatay na si Joseph.

Sa Beehive House, sinalubong siya sa pintuan ng anak ni Joseph na si David at inanyayahan siyang makipag-usap sa kanyang ama. Gayunman, nag-atubili si Heber, hindi niya gustong magambala ang propeta.

“Kailangang kausapin na po ninyo siya,” sabi ni David. “Maaaring ito na ang huling pagkakataon ninyo.”37

Nakita ni Heber si Joseph na nakahiga sa kama, gising at nahihirapang huminga. Hinawakan ni Joseph ang kanyang kamay at ginagap ito nang mahigpit. Tumingin si Heber sa mga mata nito at nakita ang pagmamahal ng propeta para sa kanya.

“Pagpalain ka ng Panginoon, anak ko,” sabi ni Joseph. “Malaki ang responsibilidad mo. Laging tandaan na ito ay gawain ng Panginoon at hindi ng tao. Ang Panginoon ay nakahihigit kaysa sa sinumang tao. Alam Niya kung sino ang nais Niyang mamuno sa Kanyang Simbahan at hindi nagkakamali kailanman.”38

Binitawan ni Joseph ang kanyang kamay, at pumasok si Heber sa isang katabing silid at tumangis. Umuwi siya, kumain ng kanyang hapunan, at pagkatapos ay bumalik sa Beehive House upang makita si Joseph nang isa pang beses. Si Anthon Lund, ang tagapayo ni Joseph sa Unang Panguluhan, ay naroon kasama ang mga asawa ni Joseph at ilan sa kanyang mga anak na lalaki. Matinding sakit ang nararamdaman si Joseph, at hiniling niya kina Heber at Anthon na basbasan siya.

“Mga kapatid,” sabi niya, “ipanalangin ninyo na ako ay mapalaya.”

Kasama ang mga anak na lalaki ni Joseph, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanyang ulunan. Sinambit nila ang kagalakan at kaligayahan na pinagsamahan nila habang naglilingkod kasama niya. At pagkatapos ay hiniling nila sa Panginoon na tawagin na siya pauwi.39