“Pagsasailalim sa Paglilitis,” kabanata 7 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)
Kabanata 7: “Pagsasailalim sa Paglilitis”
Kabanata 7
Pagsasailalim sa Paglilitis
Noong unang bahagi ng 1901, pinasan ni Joseph F. Smith ang mas maraming responsibilidad sa Simbahan sa Unang Panguluhan habang lumalala ang kalagayan ni George Q. Cannon. Noong Marso, nagpunta si George at ang kanyang pamilya sa baybayin ng California, umaasang mapapasigla siya ng mga hangin sa karagatan. Samantala, sinikap ni Joseph na palakasin ang loob ng kanyang kaibigan kahit nasa malayo siya.
“Ang habambuhay kong pakikisalamuha sa inyo sa gawain ng ministeryo,” isinulat niya kay George, “ay nagbigkis ng aking puso, kaluluwa, pagmamahal at pakikiramay sa inyo sa mga lubid ng pagmamahal na kasinglakas ng pag-ibig sa buhay, na hindi maaaring mapatid.”1
Gayunman, patuloy na bumabagsak ang pangangatawan ni George. Ang kanyang mga anak na lalaki ay patuloy na nagpapadala ng ulat sa Lunsod ng Salt Lake tungkol sa humihinang kalusugan ng kanilang ama, kung kaya hindi nagulat si Joseph nang dumating ang telegrama na nagpapabatid sa pagpanaw ni George noong ika-12 ng Abril. Gayunpaman, matinding kalungkutan ang nadama niya. “Kapwa siya isang mapagpakumbaba at dakilang tao, isang makapangyarihang pinuno sa mga kapulungan ng kanyang mga kapatid,” paggunita ni Joseph sa kanyang journal noong araw na iyon. “Ang buong Israel ay magdadalamhati sa kanyang kamatayan.”2
Sa gitna ng kanyang pagdadalamhati, itinuon ni Joseph ang kanyang pansin sa kanyang pinalawak na tungkulin sa Unang Panguluhan.3 Noong taong iyon, inatasan niya at ni Pangulong Lorenzo Snow ang tatlong apostol na pamunuan ang gawaing misyonero sa mahahalagang dako ng mundo. Tinawag nila si Francis Lyman na mamuno sa European Mission, si John Henry Smith na muling patatagin ang mission sa Mexico, at si Heber J. Grant na pamunuan ang unang mission sa Japan. Sa hangaring mapalawak ang gawain ng Panginoon sa iba pang panig ng mundo, pinagnilayan din ng mga lider ng Simbahan ang pagpapadala ng mga missionary sa Timog Amerika at nagtayo ng isang maliit na templo para sa mga kolonya ng mga Banal sa Arizona at hilagang Mexico. Gayunman, may pinagkakautangan pa rin ang Simbahan, at walang anumang agarang nangyari sa mga planong ito.4
Ipinagdalamhati ng mga Banal ang dalawa pang kamatayan noong taong iyon. Noong Agosto, hinimatay ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Zina Young habang binibisita ang kanyang anak na si Zina Presendia Card sa Canada. Agad na inihatid ni Zina Presendia ang kanyang ina pabalik sa Utah, kung saan payapa itong namatay sa tahanan nito sa Lunsod ng Salt Lake. Sa buong buhay niya, si Zina ay naging halimbawa ng pagpaprayoridad ng kaharian ng Diyos sa lahat ng iba pa.5
“Bawat araw ay lalo akong nagagalak sa kadakilaan ng mga alituntuning pinaniniwalaan natin,” sinabi niya sa Relief Society sa Cardston dalawang linggo bago ang kanyang pagpanaw. “Ang kadakilaan ng ating mga pagpapala ay hindi mailalarawan. Walang katumbas ang mga pagpapalang tinatamasa natin sa pamamagitan ng ating pag-asa sa Diyos.”6
Makaraan ng dalawang buwan, nagkaroon si Pangulong Snow ng biglaang karamdaman. Ilang apostol ang tapat na nag-alaga sa kanya at sa kahilingan ni Joseph F. Smith ay lumuhod sila sa paligid ng kanyang kama upang manalangin para sa kanya. Hindi nagtagal ay pumanaw na rin siya.
Sa burol ni Pangulong Snow, pinuri siya ni Joseph at ang kanyang matibay na patotoo sa katotohanan. “Maliban kay propetang Joseph,” iwinika niya, “Sa paniwala ko walang sinumang tao na nabuhay sa mundong ito na nagtaglay ng mas malakas at mas malinaw na patotoo tungkol kay Jesucristo.”7
Makalipas ang ilang araw, noong ika-17 ng Oktubre 1901, sinang-ayunan ng Korum ng Labindalawang Apostol si Joseph F. Smith bilang ikaanim na pangulo ng Simbahan. Hinirang niya sina John Winder ng Presiding Bishopric at Anthon Lund bilang kanyang mga tagapayo. Pagkatapos ay ipinatong ng mga apostol ang kanilang mga kamay kay Joseph, at si John Smith, ang kanyang kuya at patriyarka ng Simbahan, ang nagtalaga sa kanya.8
Sinang-ayunan ng mga Banal ang bagong Unang Panguluhan sa isang espesyal na pulong sa Salt Lake Tabernacle noong ika-10 ng Nobyembre 1901. “Tungkulin nating masigasig na tupdin ang gawain, nang may buong determinasyon at layunin ng puso na ipagpatuloy ito, sa tulong ng Panginoon at alinsunod sa inspirasyon ng Kanyang Espiritu,” sinabi ni Pangulong Smith sa kongregasyon. Sa pagsisimula ng bagong siglo, nais niyang bigyan ng pag-asa para sa hinaharap ang mga miyembro ng Simbahan.
“Pinaalis tayo mula sa ating mga tahanan, pinaratangan at pinagsalitaan ng masama sa lahat ng dako,” sabi niya. “Nilalayon ng Panginoon na baguhin ang kundisyong ito at ipakilala tayo sa mundo sa ating tunay na liwanag—bilang mga tunay na sumasamba sa Diyos.”9
Sa pulong, nanawagan din si Pangulong Smith sa mga Banal na sang-ayunan si Bathsheba Smith bilang ikaapat na pangkalahatang pangulo ng Relief Society. Iyon ang unang pagkakataon na hiniling sa mga korum ng priesthood na ibigay ang kanilang boto ng pagsang-ayon para sa bagong pangkalahatang pangulo ng Relief Society.
“Nakasisiya para sa kababaihang interesado sa pagsulong ng kanilang kapwa babae,” sabi ni Emmeline Wells, “na makita ang pagtataas ng mga kamay ng lahat ng mga nasa korum ng banal na priesthood upang sang-ayunan sila.”10
Pitumpu’t siyam na taong gulang, si Bathsheba ay isa sa ilang miyembro na nagtatag ng Relief Society ng Nauvoo. Matapos sumapi sa Simbahan sa edad na labinlimang taon, nagtipon siya kasama ang mga Banal una sa Missouri at pagkatapos ay sa Nauvoo. Noong 1841 ay pinakasalan niya si apostol George A. Smith at kalaunan ay naglingkod bilang manggagawa ng ordenansa sa Nauvoo Temple. Siya ay aktibong manggagawa sa Relief Society, kamakailan lamang bilang pangalawang tagapayo ni Zina Young sa pangkalahatang panguluhan.11
Dalawang buwan matapos siyang sang-ayunan ng mga Banal, nagbigay si Bathsheba ng pagbati ng pagmamahal at kabutihan sa lahat ng miyembro ng Relief Society. “Mahal kong mga kapatid, hangaring tulungang mabigkis ang inyong samahan ng pagmamahalan at pagkakaisa,” pahayag niya. “Humayo tayo sa oras na ito nang may bagong paninindigan na tataglayin ang gawain ng kaginhawahan at pag-unlad.”12
Kasama ang kanyang mga tagapayo, sina Annie Hyde at Ida Dusenberry, itinaguyod niya ang paglilingkod sa mga maralita at nangangailangan at itinaguyod ang pag-iimbak ng butil at produksyon ng seda. Upang makalikom ng pondo para sa gawain ng pagtulong, hinikayat niya ang mga miyembro ng samahan na mangolekta ng mga donasyon sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga bazaar, konsyerto, at sayawan. Nagpadala siya ng mga delegado sa mga pambansang organisasyon ng kababaihan at tinulungan ang kababaihan na magsanay na maging mga nars at komadrona. Nagsimula rin siyang mangalap ng pondo at gumawa ng mga plano para sa isang “Gusali ng Kababaihan” sa katapat na kalye mula sa Salt Lake Temple, sa lupaing itinalaga ni Lorenzo Snow para sa organisasyon bago ito pumanaw.13
Tulad ng mga nauna sa kanila, naniniwala si Bathsheba at ang kanyang mga tagapayo na mahalagang makipagpulong sa mga indibiduwal na Relief Society. Madalas silang umasa sa mga asawa ng mga mission president upang mabisita ang mga Relief Society sa Europa at Oceania. Ngunit sila rin o ang mga miyembro ng pangkalahatang konseho ng Relief Society ay nagsisikap na bisitahin ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw sa kanlurang Estados Unidos, Mexico, at Canada nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang taon. Dahil napakaraming stake ang Simbahan sa rehiyong ito, na ginagawang mas mahirap bisitahin ang lahat, naghirang sila ng anim na karagdagang kababaihan upang tumulong sa gawain.14
Sa kanilang pagbisita sa mga stake, napansin ng mga lider ng Relief Society ang kawalan ng interes ng mga kabataang babae. Dahil marami sa mga babaeng ito ay mga bagong ina, hinikayat ng pangkalahatang panguluhan ang Relief Society sa mga stake na gawing mas kaakit-akit ang kanilang mga miting sa nakababatang henerasyon. Ang mga Relief Society sa panahong ito ay walang sinusunod na isang nakatakdang kurikulim, kaya tinagubilinan ni Bathsheba ang mga stake na magtalaga ng sarili nilang mga klase sa edukasyon para sa mga ina. Hiniling niya na magbase ang bawat Relief Society sa mga karanasan sa buhay ng mga nakatatandang miyembro nito habang pinag-aaralan din ang mga aklat ng siyensya tungkol sa pagpapalaki ng anak, na nakapukaw sa interes ng bagong henerasyon ng kababaihan. Hindi nagtagal ay nagsimulang maglathala ang Woman’s Exponent ng mga balangkas ng kurso upang tulungan ang mga stake na bumuo ng kanilang mga programa.15
Noong Agosto 1903, ipinadala ni Bathsheba ang tatlumpung taong gulang na si Ida Dusenberry sa Cardston upang tulungan si Zina Presendia Card at mga lokal na panguluhan ng Relief Society na ihanda ang mga klase para sa mga ina. Tinagubilinan sila ni Ida na mamahala sa programa at gamitin ang mga magasin ng Simbahan at iba pang mga lathalain ng Simbahan sa kanilang mga lesson.
“Gaano kalaking bahagi ng kurikulum ang ating ilalaan sa pag-aaral ng mga siyentipikong kaisipan sa mga klase ng ating mga ina?” tanong ni Zina Presendia.
Bilang isang guro sa kindergarten at tagapangasiwa ng paaralan na nakapag-aral sa kolehiyo, sabik si Ida na idagdag sa mga klase ng mga ina ang mga pinakabagong ideya sa pagiging magulang. Subalit naunawaan niya na ang nakatatandang kababaihan ng Relief Society ay maraming maiaambag mula sa sarili nilang karanasan.
“Nais naming gamitin mo ang mga impormasyon ukol sa pangangailangan ng isang ina at ang kanyang tungkulin sa kanyang mga anak sa pangkalahatang pananaw,” paliwanag niya. “Maaari tayong matuto ng maraming mabubuting praktikal na bagay mula sa bawat isa.”16
Habang bumibisita si Ida Dusenberry sa Cardston, ang kanyang kuya na si Reed Smoot ay naghahanda para sa isang labanan sa pulitika sa Senado ng Estados Unidos. Isang mas bagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, si Reed ay nahalal sa Senado noong unang bahagi ng taong iyon matapos matanggap mula sa Unang Panguluhan ang pahintulot na tumakbo.17 Sinuportahan din ng kanyang asawang si Allie ang kanyang hangaring maglingkod sa Senado, nakatitiyak na marami siyang magagawa para sa mga mamamayan ng Utah. “Tunay na nais kong magtagumpay ka,” sabi nito sa kanya, “at dama kong kapwa tayo pagpapalain ng Diyos at tutulungan tayo.”18
Tulad ng inaasahan, ang tagumpay ni Reed ay nagpasimula ng pagkasuklam at mga protesta.19 Matagal nang nahihirapan ang Simbahan na pagbutihin pa ang imahe nito sa publiko matapos lumikha ang pagkakahalal ni B. H. Roberts sa Kongreso noong 1898 ng pagkasuklam ng bansa laban sa mga Banal. Simula noon ay nagbukas ang Simbahan ng Tanggapan ng Impormasyon [Bureau of Information] sa Temple Square upang tulungan ang mga tao na malaman pa ang tungkol sa mga Banal. Binubuo ang tanggapan ng mga boluntaryo, marami sa kanila ay mula sa YMMIA at YLMIA, na namahagi ng literatura ng Simbahan at sumagot sa mga tanong tungkol sa Simbahan at sa mga paniniwala nito. Sa ngayon, malugod nilang sinalubong ang libu-libong bisita sa Lunsod ng Salt Lake taglay ang tumpak na impormasyon tungkol sa Simbahan. Subalit kaunti lamang ang nagawa ng kanilang gawain na baguhin ang isipan ng mga kalaban ng Simbahan sa loob at labas ng Utah.20
Ang mga pinakaagresibong kritiko ni Reed ay mga miyembro ng Samahan ng mga Ministro sa Salt Lake [Salt Lake Ministerial Association], isang grupo ng mga negosyanteng Protestante, mga abugado, at mga pari mula sa Utah. Hindi nagtagal matapos ang halalan, pormal nilang hinikayat ang Senado na ipagkait kay Reed ang kanyang puwesto. Nakasaad sa kanilang petisyon na ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay gumagamit ng kataas-taasang awtoridad na pampulitika at pang-ekonomiya sa mga Banal at nag-uutos na sundin sila nang lubusan. Iginiit din nila na ang mga lider ng Simbahan ay patuloy pa ring nangangaral, nagsasabuhay, at sumusuporta sa pag-aasawa nang marami, sa kabila ng Pahayag. Ang mga kadahilanang ito, pagtatapos nila, ay ginawang hindi makademokrasya at hindi tapat sa bansa ang mga Banal.
Natakot ang mga miyembro ng Samahan ng mga Ministro na gagamitin ni Reed ang kanyang posisyon bilang apostol sa Simbahan upang itaguyod ang pag-aasawa nang marami at protektahan ang mga nagsasabuhay nito. Inakusahan pa ng isang miyembro si Reed, isang monogamista, ng lihim na pag-aasawa nang maramihan. Nagbabala siya na si Reed ay gagamitin ng Unang Panguluhan, sunud-sunuran lamang sa mga atas nito.21
Nirepaso ng mga lider ng senado ang mga petisyon at nagtalaga ng isang komite ng labintatlong senador upang magsagawa ng paglilitis sa mga paratang ng Samahan ng mga Ministro. Subalit pinahintulutan din nila si Reed na isagawa ang kanyang panunumpa, na nagtutulot sa kanya na maglingkod bilang senador kahit hanggang sa matapos lamang ng komite ang pagdinig nito.22
Bagama’t ang banta ng pagsisiyasat ay nagbabadya sa Simbahan, naniwala si Joseph F. Smith na dapat panatilihin ni Reed ang kanyang pagka-apostol at ang kanyang puwesto sa Senado, tiwala na maaari itong gumawa ng higit na kabutihan sa Washington kaysa sa ibang lugar. Nakita ni Pangulong Smith ang pagsisiyasat bilang pagkakataon upang tulungan ang mga tao na mas maunawaan ang mga Banal at ang kanilang mga paniniwala.23
Dahil hindi kailanman ginawa ni Reed ang pag-aasawa nang marami hindi siya nag-alala sa pagsisiyasat ng komite sa kanyang personal na buhay. Ngunit nag-alala siya na mas sasama ang pananaw ng mga tao laban sa Simbahan dahil sa pagdinig. Laganap sa Utah ang mga sabi-sabi na may mga bagong nagaganap na pag-aasawa nang marami, at ang mga pag-aalinlangan tungkol sa katapatan ng Simbahan sa pagtalikod sa gawaing ito ay nasa isipan ng publiko simula nang mahalal si B. H. Roberts. Bilang isang lider sa Simbahan, si Reed ay pananagutin para sa mga patakaran ng Simbahan. Batid niyang lubos na sisiyasatin ng komite ang mga pag-aasawa nang marami matapos ang Pahayag. Inasahan din niya na ang mga senador ay tatanungin siya at ang iba pang mga saksi tungkol sa paglahok ng Simbahan sa pulitika at sa katapatan ng mga Banal sa Estados Unidos.24
Kung mapatunayan ng komite na kinukunsinti ng Simbahan ang paglabag sa batas, maaaring alisin si Reed sa kanyang posisyon, at magdurusa ang reputasyon ng mga Banal.
Noong ika-4 ng Enero 1904, nagsumite ng tugon sa komite si Reed, pormal na itinatwa ang mga paratang ng Samahan ng mga Ministro. Umasa siyang itutuon ng komite ang pansin nito sa kanya at sa kanyang pag-uugali. Ngunit nang nakipag-usap siya sa komite makalipas ang isang linggo, malinaw na determinado ang mga senador na siyasatin ang Simbahan. At sabik silang tanungin si Joseph F. Smith at iba pang mga general authority tungkol sa kanilang impluwensya sa pulitika sa mga Banal at sa pagpapatuloy ng pag-aasawa nang marami pagkatapos ng Pahayag.
“Senador Smoot, hindi ikaw ang nililitis,” sinabi sa kanya ng tagapangulo ng komite. “Ang simbahang Mormon ang nilayon naming imbestigahan, at titiyakin natin na sinusunod ng mga lalaking ito ang batas.”25
Noong ika-25 ng Pebrero 1904, nagpadala ng subpoena ang komite ng Senado kay Joseph F. Smith upang magbigay-saksi sa mga pandinig ni Smoot. Umalis siya patungong Washington, DC, makalipas ang dalawang araw, tiwala na makakayanan ng Simbahan ang darating na pag-uusig. Gayunman, binalaan siya ni Reed na magtatanong ang mga senador tungkol sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay-pamilya at hihingi ng mga detalye tungkol sa pag-aasawa niya nang marami. Bilang pangulo ng Simbahan, tatanungin din siya tungkol sa kanyang tungkulin bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag sa mga Banal. Nanaisin ng komite na malaman kung ano ang magiging impluwensya niya at ng kanyang mga paghahayag kay Reed at sa kanyang mga kilos sa Senado.26
Sa unang araw ng pagtatanong, ika-2 ng Marso, ang silid ng komite ay puno ng mga senador, abugado, at saksi. Ang mga miyembro ng mga organisasyon ng kababaihan na tutol sa pagkakahalal ni Reed ay naroon din. Sa kahilingan ng tagapangulo, naupo si Pangulong Smith sa harapan nito sa mahabang mesa. Ang kanyang kulay-abong buhok at mahabang balbas ay maayos na sinuklay, at nagsuot siya ng simpleng itim na amerikana at gintong salamin. Nakakabit sa kanyang sulapa ay isang maliit na larawan ni Hyrum Smith, ang kanyang ama na pinaslang.27
Si Robert Tayler, ang abugado na kumakatawan sa Samahan ng mga Ministro, ay sinimulan ang pagdinig sa pagtatanong tungkol sa buhay ni Pangulong Smith. Ibinaling ang kanyang atensyon sa paghahayag at ang impluwensya nito sa mga desisyon ng mga miyembro ng Simbahan, pagkatapos ay hiniling ng abugado sa propeta na ipaliwanag kung kailan maaaring maging obligado ang mga miyembro ng Simbahan na sundin ang paghahayag mula sa pangulo ng Simbahan. Kung magagawa niyang ipaamin sa propeta na lahat ng miyembro ay kailangang sundin ang kanyang mga paghahayag, maipapakita ni Tayler sa Senado na hindi talaga malaya si Reed Smoot na gumawa ng sarili niyang mga desisyon.
“Walang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ng pinuno ng Simbahan ang siyang mananaig at dapat paniwalaan,” sinabi sa kanya ni Pangulong Smith, “hanggang sa ito ay mailahad sa Simbahan at tanggapin nila.”
“Ibig mo bang sabihin,” tanong ni Tayler, “na maaaring sabihin sa iyo ng Simbahan sa kumperensya, Joseph F. Smith, ang pangulo ng Simbahan, ‘Itinatatwa namin na sinabi sa iyo ng Diyos na sabihin ito sa amin’?”28
“Masasabi nila na ito kung pipiliin nila,” sagot ng propeta. “Bawat tao ay may karapatan sa kanyang sariling opinyon at sariling pananaw at sariling mga pagkaunawa sa tama at mali, basta hindi ito tumutuligsa sa mga pamantayang alituntunin ng Simbahan.”29
Bilang halimbawa, sinabi niya na maliit na bilang lamang ng mga Banal ang nagsagawa ng pag-aasawa nang marami. “Ang iba pang mga miyembro ng Simbahan ay umiwas sa alituntuning iyan at hindi isinagawa ito, at libu-libo sa kanila ang hindi ito kailanman natanggap o pinaniwalaan,” sabi niya, “ngunit hindi sila inalis sa Simbahan.”30
“Mayroon kang mga paghahayag, hindi ba?” tanong ng tagapangulo ng komite. Itinatanong niya kung ang isang paghahayag mula sa propeta ng Panginoon ay maituturing na pangunahing doktrina ng Simbahan, isang bagay na madarama ng isang matapat na Banal sa mga Huling Araw, tulad ni Reed Smoot, na obligadong sundin.
Sadyang pinili ni Pangulong Smith ang kanyang mga salita. Madalas siyang tumanggap ng personal na paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Bilang propeta, nakatanggap din siya ng inspiradong tagubilin para sa mga Banal. Ngunit hindi pa siya nakatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan sa sariling tinig ng Panginoon—ang uri ng paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan.
“Hindi ko kailanman sinabi na mayroon akong paghahayag,” sabi niya sa tagapangulo, “maliban sa ipinakita sa akin ng Diyos na ang tinatawag na ‘Mormonismo’ ay banal na katotohanan ng Diyos. Iyon lamang.”31
Patuloy na sinagot ni Pangulong Smith ang mga tanong hanggang sa tinapos ng komite ang pagdinig nang hapong iyon. Nang muling magpatuloy ang pagdinig kinabukasan, lalo pang itinuon ng komite ang kanilang mga tanong sa pag-aasawa nang marami at sa Pahayag. Habang naghahangad siyang tumugon nang tumpak sa kanilang mga tanong, iniwasan ni Pangulong Smith na ibunyag ang alam niya at ng iba pang mga lider ng Simbahan tungkol sa mga bagong nagaganap na pag-aasawa nang marami. Alam niyang kukundenahin siya ng Kongreso at ang Simbahan kung matutuklasan ang impormasyong ito sa imbestigasyon.32
Bukod pa rito, ang kanyang mga napakaingat na sagot sa mga tanong ng komite ay batay sa kanyang pag-unawa na ang mga Banal na nag-asawa nang marami pagkatapos ng Pahayag ang siyang bahala sa maaaring idudulot nito. Dahil dito, naniwala siya na hindi ipinagbabawal ng Pahayag sa kanya o sa kanyang mga asawa, o sa iba pang nag-asawa nang marami, ang patuloy na patagong paggalang sa kanilang mga sagradong tipan sa kasal sa templo sa isa’t isa.33
Nang tinanong siya ni Robert Tayler kung sa kanyang palagay ay mali ang patuloy na mamuhay kasama ang isang maramihang asawa, sinabi ni Pangulong Smith, “Salungat iyon sa patakaran ng Simbahan at salungat din sa batas ng lupain.” Ngunit hayagan niyang binanggit ang kanyang pagtanggi na talikuran ang kanyang malaking pamilya at maraming asawa. “Nakikipisan ako sa aking mga asawa,” sabi niya. “Iniluwal nila ang mga anak ko mula noong 1890.”34
“Dahil paglabag iyon sa batas,” sabi ni Tayler, “bakit mo ito nagawa?”
“Mas nais kong harapin ang mga parusa ng batas sa halip na talikuran ang aking pamilya,” sagot ng propeta.35
Sa paghahangad na malaman ang mga pangalan ng kalalakihan na nagpakasal sa maraming babae pagkatapos ng Pahayag, tinanong siya ng mga senador tungkol sa kasal ng mga apostol at sa ilan pang mga miyembro ng Simbahan. Tinanong din ng tagapangulo ng komite si Pangulong Smith kung siya mismo ay nagsagawa ng anumang pag-aasawa nang marami pagkatapos ng Pahayag.
“Wala ginoo, hindi ko kailanman ginawa ito,” sagot ng propeta. Pagkatapos ay sinundan niya ang kanyang sagot ng maingat na pahayag na naglalayong maiwasan ang karagdagang pagsusuri. “Walang pag-aasawa nang marami ang isinagawa ng at may pahintulot o kaalaman ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi niya.
“Mula noong Pahayag?” tanong ng isang senador.
“Iyon ang tinutukoy ko, opo,” paglilinaw ni Pangulong Smith. Sa pagsasabi nito, hindi niya itinanggi na may mga nag-aasawa pa nang marami matapos ang Pahayag. Sa halip, gusto niyang ipakita ang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng mga gawain ng Simbahan at ng mga kapulungan nito at ng mga piniling sundin ng bawat miyembro ng Simbahan ayon sa kanilang mga budhi. Tunay na sinang-ayunan ng mga Banal ang Pahayag noong 1890, kaya ang mga pag-aasawa nang marami na isinagawa ng mga lider ng Simbahan ay naganap nang walang pahintulot ng Simbahan sa kabuuan.
“Kung ang isang apostol ng Simbahan ay nagsagawa ng gayong seremonya,” tanong ng isa pang senador, “ituturing ba ninyo iyon na may awtoridad ng inyong Simbahan?”
“Kung ang sinumang apostol o sinumang tao na nagsasabing may awtoridad siyang gawin ang gayong bagay,” sabi ni Pangulong Smith, “hindi lamang siya sasailalim sa pag-uusig at mabigat na multa at pagkakabilanggo sa estado sa ilalim ng batas ng estado, kundi siya rin ay sasailalim sa pagdidisiplina at pagtitiwalag mula sa Simbahan sa pamamagitan ng mga wastong paglilitis sa Simbahan.”36
Matapos makumpleto ang kanyang pagbibigay-saksi, na tumagal nang limang araw, nadama ni Pangulong Smith na sinunod niya ang banal na patnubay sa pagbibigay-saksi sa paglilitis. “Matibay ang paniniwala ko na ginawa ng Panginoon ang lahat ng makakaya Niya gamit ang Kanyang lingkod,” sabi niya.37
Gayunpaman, nagbunsod pa rin ng galit sa publiko ang kanyang pagbibigay-saksi nang inilathala ito sa mga pahayagan. Nagulat ang mga tao sa buong Estados Unidos nang malaman na si Pangulong Smith ay naninirahan pa rin kasama ang kanyang limang asawa. Pinagdudahan din nila ang kanyang kredibilidad at katapatan bilang saksi at tinuligsa ang mga lider ng Simbahan bilang mga sinungaling at lumalabag sa batas.38
“Ang pagbugso ng di-magandang saloobin ng publiko ay lumalaganap na sa atin ngayon bilang isang komunidad,” ipinagtapat ng sekretarya ng Unang Panguluhan sa isang kaibigan, “at ang tanging bagay na nadarama naming nais naming gawin ngayon ay ibutones ang kuwelyo ng aming amerikana, talikuran ang bagyo, at matiyagang maghintay.”39
Habang patuloy ang pagdinig sa Senado sa Washington, DC, bumalik ang propeta sa Lunsod ng Salt Lake, disididong gumawa ng mga hakbang upang ipanumbalik ang tiwala sa kanya at sa Simbahan. Siniguro niya sa komite na didisiplinahin ng mga opisyal ng Simbahan ang mga Banal na nag-asawa pa rin nang marami na labag sa Pahayag. Siya ngayon ay obligadong bigyan ang Senado ng mas malakas na patunay na siya at ang mga Banal ay seryoso sa pagpapatigil ng mga bagong nagaganap na pag-aasawa nang marami.40
Noong ika-6 ng Abril 1904, sa huling araw ng pangkalahatang kumperensya, tumayo siya sa pulpito ng Tabernakulo at binasa ang isang bagong opisyal na pahayag tungkol sa pag-aasawa nang marami sa Simbahan. “Yayamang kumakalat ang napakaraming ulat na may mga nagsagawa ng pag-aasawa nang marami na salungat sa opisyal na pahayag ni Pangulong Woodruff,” sabi niya, “ipinapahayag ko rito na ang lahat ng gayong pag-aasawa ay ipinagbabawal.”
Hindi kinondena ng pahayag ang dalawang daan o mahigit pang mag-asawa na pumasok sa maramihang pag-aasawa matapos ang Pahayag o sinita ang mga patuloy na namumuhay kasama ang kanilang maramihang pamilya simula noon. Subalit ipinahayag nito na ipinagbabawal ang pag-aasawa nang marami mula sa panahong iyon, maging sa labas ng mga hangganan ng Estados Unidos. “Kung may sinumang opisyal o miyembro ng Simbahan ang magsasagawa na babasbasan o papasok sa anumang gayong kasal, siya ay ituturing na lumalabag laban sa Simbahan,” sabi ni Pangulong Smith, “at mananagot sa mga patakaran at panuntunan nito at ititiwalag mula rito.”41
Matapos basahin ang proklamasyon, na nakilala bilang Pangalawang Pahayag, hinikayat ni Pangulong Smith ang mga Banal na magkaisa sa kanilang pagsuporta sa bagong proklamasyon na ito at ipanumbalik ang tiwala ng pamahalaan sa kanila. Dahil nakalahad sa Pahayag na ang Simbahan ay wala na sa ilalim ng utos na gawin ang pag-aasawa nang marami, ang bagong pahayag na ito ay umiiral upang itigil ang mga bagong maramihang pag-aasawa mula sa panahong iyon.42 Umasa siya na wawakasan nito ang mga paratang na ang mga miyembro ng Simbahan ay mga mamamayan na hindi sumusunod sa batas.
“Nais kong makita ngayon,” sabi niya, “kung ang Banal sa mga Huling Araw na kumakatawan sa Simbahan sa kapita-pitagang kapulungang ito ay itinuturing na mali ang mga paratang na ito sa pamamagitan ng kanilang boto.”
Bilang isang grupo, itinaas ng mga Banal sa Tabernakulo ang kanilang mga kamay at sinang-ayunan ang kanyang mga salita.43