Kasaysayan ng Simbahan
37 May Tunay na Layunin


“May Tunay na Layunin,” Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2022)

Kabanata 37: “May Tunay na Layunin”

Kabanata 37

May Tunay na Layunin

mga estudyante sa mataas na paaralan na naglalakad papunta sa isang gusali ng Simbahan nang umagang-umaga

Noong Marso 1953, ang dalawampu’t isang taong gulang na si Inge Lehmann ay lumabas ng pinto ng kanyang tahanan upang salubungin ang malamig na hangin sa Bernburg, GDR. Alam niya na hindi aprubado ng kanyang mga magulang ang kanyang pupuntahan. Masama na para sa kanila ang pagsapi niya sa isang bagong simbahan. Paano pa kaya kung lulusong sa nagyeyelong tubig ng Ilog Saale? Mahina pa rin si Inge mula sa pagkakasakit ng tuberkulosis, at nangangamba ang kanyang mga magulang para sa kanyang kalusugan.

Gayunman, hindi siya mapipigilan. Ilang taon na siyang nakikipagkita sa mga Banal sa mga Huling Araw ng Bernburg Branch. Sa wakas ay oras na upang mabinyagan siya.

Unti-unting nagiging gabi ang dapithapon nang sumama si Inge sa maliit na grupo na naghahanda para sa serbisyo sa binyag. Nakilala niya ang isa sa kanila—si Henry Burkhardt, isang misyonero na naglingkod sa Bernburg Branch ilang taon na ang nakararaan. Napapahanga nito ang halos lahat ng nakakakilala sa kanya, ngunit hindi pa nito nakikilala si Inge.1

Mula nang matanggap nito ang kanyang bagong tungkulin sa panguluhan ng mission, si Henry ay naging taong dapat bantayan para sa Stasi, ang lihim na pulis ng GDR. Bagama’t opisyal na kinilala ng pamahalaan ng Silangang Alemanya ang Simbahan, iginiit ng mga opisyal na itigil ni Henry ang paggamit ng pangalang “East German Mission” at itigil ang lahat ng aktibidad sa pagtuturo. Pumayag si Henry sa mga kahilingang ito, ngunit dahil madalas siyang maglakbay pabalik-balik sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Alemanya upang makipag-ugnayan sa mga lider ng Simbahan, patuloy pa rin siyang minamanmanan ng pamahalaan. Pinaghihinalaan na siya ng Stasi ng pagtitiktik at tinawag siyang “kaaway ng estado.”2

Isa sa mga kaibigan ni Inge, isang dalagitang nagngangalang Erika Just, ang bibinyagan din nang gabing iyon. Sina Inge at Erika ay magkapitbahay. Sa mahihirap na taon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, maraming tao sa kanilang lugar ang nagpakita ng interes sa Simbahan. Ngunit sa paglipas ng panahon at wala nang agarang pangangailangan ang mga tao sa pagkain at suplay na ibinibigay ng Simbahan, marami sa kanila ang tumigil sa pagdalo. Sina Inge at Erika ay kabilang sa isang maliit na grupo ng mga kabataan na nanatili, nagiging mas malapit sa isa’t isa sa mga aktibidad ng MIA sa loob ng linggo at sa mga sacrament meeting tuwing Linggo ng gabi.

Lubos na naglaho ang sikat ng araw nang dumating ang grupo sa pampang ng Saale. Hinarangan ng mga ulap ang buwan, at dito at doon ay may mga kumpol ng yelo na makikitang lumulutang sa madilim na ilog. Isang Aleman na misyonero, si Wolfgang Süss, ang lumusong sa tubig. Nang lumusong kasunod niya ang una sa limang kandidato para sa binyag, sumilip ang buwan mula sa likod ng mga ulap. Ang repleksyon nito ay kumikinang sa ibabaw ng ilog na tila hudyat ng pagsang-ayon ng Diyos. Sa pampang, naghintay ang ilang tao, handang balutin ng kumot ang bawat bagong miyembro.3

Hindi nagtagal ay lumusong si Inge sa ilog. Nang iniahon siya ni Elder Süss mula sa tubig, isa na siyang bagong tao.

Matapos ang mga pagbibinyag, bumalik ang maliit na grupo sa bahay-pulungan ng branch, isang tindahan ng sumbrero na inayos upang pagdausan ng mga sacrament meeting at mga klase sa Sunday School. Nang dumating ang pagkakataon ni Inge na makumpirma bilang miyembro ng Simbahan at matanggap ang Espiritu Santo, ipinatong ni Henry Burkhardt ang mga kamay nito sa kanyang ulo at inusal ang mga salita ng basbas.

Hindi gaanong napansin ni Henry si Inge noong panahong naglilingkod siya sa branch nito. Ngunit makalipas ang ilang araw, nagsulat siya tungkol dito sa kanyang journal.

Itinala niya na limang tao ang nakipagtipan sa kanilang Ama sa Langit noong gabing iyon. “Kilala ko silang lahat nang bahagya mula sa aking gawain sa Bernburg,” isinulat niya. “May partikular na kumpiyansa ako kay Inge Lehmann.”4


Kalaunan noong taong iyon, noong taglagas ng 1953, sinimulan ng tatlumpu’t anim na taong gulang na si Nan Hunter ang bawat araw sa loob ng linggo nang walang pagbabago. Tuwing ika-anim ng bawat umaga ay nasa bahay-pulungan siya ng kanyang ward sa San Diego, California, nagtuturo sa seminary sa humigit-kumulang dalawampu’t limang tinedyer. Kung titingnan mo sa panlabas, si Nan ay madaldal at nakatitiyak sa sarili. Ngunit ang totoo ay may alinlangan siya. Nagtuturo siya ng isang kurso tungkol sa Aklat ni Mormon at hindi nakatitiyak kung totoo ang aklat.5

Si Nan, isang ina na may mga anak sa mataas na paaralan, ay natuwa nang inilunsad sa unang pagkakataon ang early-morning seminary program. Ang Simbahan sa kanlurang Estados Unidos ay lumalago mula nang matapos ang digmaan. Ang labanan ay nagbigay sa mga Amerikano ng bagong pananaw tungkol sa kahalagahan ng pamilya at pananampalataya, at ang mga Banal sa California, karamihan ay nagmula sa Utah, ay ninais na matulungan ang kanilang mga anak ng lahat ng programa ng Simbahan. Noong Abril 1950, sampung stake sa Timog California ang humiling sa Church Board of Education na tulungan silang magsimula ng seminary program para sa mga estudyante ng mataas na paaralan sa kanilang lugar. Pumayag si Ray Jones, isang guro sa seminary sa Logan, Utah, na lumipat sa Los Angeles at simulan ang programa.

Ang mga estudyante ni Ray sa Utah ay dumalo sa seminary sa maghapon sa isang gusali malapit sa kanilang paaralan. Sa California, kung saan mas kakaunti ang mga Banal na nakatira malapit sa bawat isa, ang gayong ayos ay hindi praktikal. Matapos kapanayamin ang mga magulang at lider ng Simbahan, nalaman ni Ray na ang tanging oras na maaaring magdaos ng seminary ay bago ang oras ng pasok sa paaralan. Kakailanganin ng mga Lokal na Banal na magturo sa halos lahat ng klase dahil hindi makapagbayad ang Simbahan ng maraming full-time na guro ng seminary sa California.

“Hinding-hindi ito uubra!”ang nakinita ng ilang magulang, nakatitiyak na hindi magigising ang kanilang mga anak bago sumikat ang araw upang dumalo sa klase ng relihiyon sa gusali ng kanilang simbahan. Ngunit ang early-morning seminary ay umunlad sa Timog California. Makaraan lamang ang tatlong taon, mahigit isang libo limang daang estudyante ang nagpalista sa limampu’t pitong klase.6

Kahit natutuwa si Nan sa early-morning seminary program, hindi siya nasiyahan nang anyayahan siya ni David Milne, isang tagapayo sa bishopric, na magturo sa klase.

“Hindi ko kayang gawin iyon,” sagot niya. Nasiyahan siya sa seminary noong dalagita pa lamang siya na lumalaki sa gitnang Utah, ngunit wala siyang pormal na pagsasanay at hindi nag-aral sa kolehiyo.7

Hiniling sa kanya ni David na kausapin si Ray Jones, na nagrekomenda na makipag-usap siya kay William Berrett, ikalawang pangulo ng Church Department of Education. Muling tiniyak sa kanya ni William na siya ay tunay na tapat at karapat-dapat—ang taong kanilang hinahanap na ituro ang Aklat ni Mormon.

“Iyong nakakabagot na bagay na iyon?” gulat na sinabi ni Nan. “Hindi ko po maituturo iyan. Ni hindi ko pa po natatapos basahin ito dahil palagi akong nahihinto sa Isaias.”

Tiningnan siya ni William sa mata. “Sister Hunter, gusto ko kayong pangakuan. Kung babasahin mo ang aklat na iyon nang may tunay na layunin at kung mananalangin ka tungkol dito habang binabasa mo, tinitiyak ko na magkakaroon ka ng patotoo tungkol sa aklat na iyon.” Tiniyak sa kanya nito na ito ang magiging paborito niyang banal na kasulatan na ituturo, at sa huli ay pumayag si Nan na subukan ang pagtuturo.8

Nagdaos si Nan ng klase sa silid ng Relief Society, kung saan siya makagagamit ng piyano at pisara. Hindi nagtagal nagsimulang dalhin ng mga kabataan ang kanilang mga kaibigan na hindi miyembro ng Simbahan. Gustung-gusto niya ang sigla at patotoo ng kanyang mga estudyante, ngunit nadama niya ang bigat ng hindi pagtiyak kung ang Aklat ni Mormon ay banal na kasulatan. Paano niya mapapatotohanan ang mga katotohanang hindi niya natitiyak sa kanyang sarili?

Gabi-gabi ay nagdarasal siya tungkol sa aklat, tulad ng iminungkahi ni William Berrett, ngunit walang dumating na sagot. Pagkatapos, noong isang gabi ay nagpasiya siyang huwag nang magpatuloy tulad ng dati. Kinailangan niyang malaman. Tumalon siya nang ilang kabanata upang basahin ang 3 Nephi at pagkatapos ay lumuhod sa kanyang kama. “Tunay ba talaga ang aklat na ito, Ama?” tanong niya. “Nais mo ba talagang turuan ko ang mga batang ito?”

Isang maluwalhati at makalangit na damdamin ang nanaig sa kanya, na para bang may yumayakap sa kanya. “Oo, ito ay totoo,” bulong ng isang marahan at banayad na tinig.

Ibang tao na si Nan pagkatapos niyon. Sa simula ng taon ng klase, sumagot siya sa pagsusulit tungkol sa Aklat ni Mormon at 25 porsiyento lamang ang nakuha niya. Sa pagtatapos ng taon, sinagutan niyang muli ang pagsusulit at nakatamo ng 98 porsiyento. Noong panahong iyon, anim na hindi miyembro na dumadalo sa kanyang klase ang sumapi sa Simbahan.9


Samantala, sa Lunsod ng Salt Lake, ang apatnapu’t tatlong taong gulang na Gordon B. Hinckley ay bihirang magkaroon ng sandali para makapagpahinga. Ginugol niya ang karamihan sa kanyang pagtatrabaho bilang empleyado ng Simbahan, matapos simulan ang kanyang propesyon bilang tagapagpaganap na kalihim ng Radio, Publicity, and Mission Literature Committee ng Simbahan. Sa nakalipas na dalawang taon, naglingkod siya bilang tagapagpaganap na kalihim ng Komite sa Missionary Committee ng Simbahan. Kasali na siya ngayon sa halos lahat ng aspekto ng mga pagsisikap ng Simbahan na ipangaral sa lahat ang ebanghelyo, mula sa pagsasanay sa mga misyonero hanggang sa pakikipag-ugnayan sa publiko—at nahirapan siyang iwanan ang kanyang gawain sa opisina.10

Ipinagbubuntis ng asawa ni Gordon na si Marjorie ang kanilang ikalimang anak, ngunit nang umuwi si Gordon sa kanyang pamilya, halos hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makita ang mga ito bago magsimulang tumunog ang telepono. Kung minsan ang tawag ay tungkol sa isang misyonero na nangungulila sa kanyang tahanan na nasa kabilang panig ng mundo. Sa ibang pagkakataon, tungkol naman ito sa isang taong nagagalit sa patakaran ng Simbahan sa mga tawag sa misyon at sa pagpapalista sa militar.11

Bagama’t kamakailan lamang ay pinigilan ng isang kasunduan ang digmaan sa pagitan ng Hilaga at Timog Korea, patuloy na pinasasali ng Estados Unidos sa militar ang mga kabataang lalaki na nasa wastong edad para magmisyon. Iniangkop ng Simbahan ang patakaran nito sa digmaan upang makatanggap ang ilang kabataang lalaki ng mga pagpapaliban sa militar at magmisyon. Gayunman, ang pagkakataon ay hindi garantisado, na lumikha ng kabiguan at pait. Gayunpaman, para sa mga kabataang lalaki na tinawag upang lumaban, kadalasan ay may mga pagkakataon upang ibahagi ang ebanghelyo sa mga bansa kung saan sila nakadestino. Sa Seoul, Timog Korea, halimbawa, ang mga sundalong Banal sa mga Huling Araw ay palagiang nakikipagpulong sa isang maliit na grupo ng mga Banal na Koreano, marami sa kanila ay mga refugee na nalaman ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo mula sa mga sundalong Amerikano pagkatapos ng digmaan.12

Noong Oktubre 1953, nakipag-usap si Pangulong David O. McKay kay Gordon tungkol sa pagbalikat nito ng isa pang responsibilidad. “Tulad ng alam mo, magtatayo tayo ng templo sa Switzerland,” sabi niya. “Gusto kong humanap ka ng paraan na mailahad ang mga pagtuturo sa templo sa iba’t ibang wikang gamit sa Europa nang hindi na kailangang gumamit ng maraming temple worker.”13

Ang mga templo sa Europa ay hindi magiging katulad ng iba. Sa bawat isa sa walong templong ginagamit ng Simbahan, ginabayan ng ilang bihasang ordinance worker ang mga patron sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga silid na pinalamutian ng mga mural na kumakatawan sa mga yugto ng plano ng kaligtasan. Ngunit magiging mahirap hanapin ang mga ordinance worker dahil ang mga Banal sa Europa ay lubhang kalat sa kabuuan ng kontinente, kaya nais ng Unang Panguluhan na gamitin ang makabagong teknolohiya upang mabawasan ang bilang ng mga ordinance worker at ang espasyo na kailangan para sa endowment.14

“Napakarami mong karanasan sa paghahanda ng mga pelikula at materyal ng gayong uri,” sabi ni Pangulong McKay kay Gordon. “Ipinapataw ko sa iyong mga balikat ang responsibilidad na humanap ng paraan upang magawa ito.” At kinakailangang magsimula kaagad ni Gordon. Sa loob ng halos dalawang taon ay inaasahang matatapos ang Swiss Temple.

“Ah President,” sabi ni Gordon, “gagawin natin ang lahat ng magagawa natin.”15


Noong sumunod na taon, muling nilisan ni Pangulong McKay ang Estados Unidos kasama si Emma Ray upang bisitahin ang mga Banal sa Europa, South Africa, at Timog Amerika. Ang kanyang unang paglilibot sa mga pandaigdigang mission ng Simbahan, na ginawa noong 1920–21 kasama si Hugh Cannon, ay nagmulat ng kanyang mga mata sa mga pangangailangan at alalahanin ng mga Banal sa buong mundo. Ngayon, habang naglalakbay siya sa bagong paglilibot na ito, lalo siyang nag-aalala tungkol sa South African Mission. Bagama’t ang Simbahan ay nasa bansa nang mahigit isandaang taon na, nahaharap ito sa kakulangan ng pamumuno doon dahil sa restriksyon na nagbabawal sa mga taong may lahing Itim na Aprikano na magtaglay ng priesthood o tumanggap ng mga ordenansa sa templo.

Ang mga restriksyon ay palaging nagbibigay ng mga partikular na hamon sa South Africa, kung saan ang mga misyonero ay madalas makaharap ng mga kalalakihang hindi tiyak o hindi nakakaalam kung mayroon silang pinaghalong mga ninunong African at Europeo, na nagbubunsad ng mga katanungan tungkol sa kanilang pagiging marapat para sa ordinasyon sa priesthood. Sa huli, hiniling ng Unang Panguluhan na pagtibayin ng lahat ng posibleng magtataglay ng priesthood sa bansa ang kanilang pagiging karapat-dapat sa pamamagitan ng pagpapatunay na ang kanilang pinakaunang mga ninuno sa South Africa ay nandayuhan sa Africa sa halip na magmula roon.16

Ang prosesong ito ay umuubos ng oras at kadalasang nakababagot. Ang ilang potensyal na lider ng branch o district ay kabilang sa mga pamilya na nasa South Africa simula noong bago sininop ang maiinam na tala ng talaangkanan. Ang iba naman ay gumugol ng maraming pera upang saliksikin ang kanilang mga talaangkanan para lamang walang kahihinatnan ang kanilang paghahanap. Dahil dito, nagpasiya ang mission president na si Leroy Duncan na tumawag ng mga misyonero na mamuno sa mga kongregasyon kung saan hindi mapatunayan ng mga karapat-dapat na kalalakihan ang kanilang mga ninuno.

“Limang lalaki lamang ang naordenan sa Melchizedek Priesthood nitong nakaraang limang taon,” ipinaalam ni LeRoy sa Unang Panguluhan. “Mas mabilis na uunlad ang gawain kung mas marami sa ating mabubuti at matatapat na kapatid na lalaki ang maaaring magtaglay ng priesthood.”17

Umasa si Pangulong McKay na malutas nang direkta ang problema pagdating niya sa South Africa. Ngunit inaalala rin niya ang tensyonadong paghahati ng mga lahi sa bansa. Ang South Africa ay pinamahalaan ng minoryang puting populasyon, na kamakailan lamang ay nagsimulang magpasa ng mga mapang-aping batas na nilayon upang ituring ang mga Itim at “May Kulay” (o magkahalong lahi) na mga mas mababang uri ng mamamayan, na lubos na hiwalay mula sa mga puti.

Sa sistemang ito ng mga batas, na kilala bilang apartheid, naging sentro ng lipunan ng South Africa ang mahigpit na segregasyon ng lahi. Habang pinagninilayan ni Pangulong McKay ang suliranin, kinailangan niyang isaalang-alang ang pagpapairal ng gawain ng Simbahan alinsunod sa mga batas ng isang bansa. Naunawaan din niya na kahit ang inspiradong pagbabago sa mga restriksyon sa priesthood at sa templo ay maaaring magpagalit sa mga puting miyembro ng Simbahan at ng iba pa na hindi miyembro nito.18

Dumating ang mga McKay sa South Africa noong Enero 1954 at ginugol ang sumunod na ilang araw sa pakikipagpulong sa mga Banal sa buong bansa. Nag-ukol ng oras si Pangulong McKay na kausapin ang maraming tao hangga’t kaya niya, lalo na yaong tila nahihiya o nasa gilid ng pulutong ng mga tao.19 Sa Cape Town, nakipagkamay siya kay Clara Daniels at sa anak nito na si Alice, na kasama sa mga miyembro na nagtatag ng Branch of Love ilang taon na ang nakararaan. Si William Daniels, ang kabiyak ni Clara at ang branch president, ay pumanaw noong 1936. Mula noon, patuloy na nanatiling tapat sina Clara at Alice, gayundin ang ilan sa ilang Banal sa South Africa na magkakahalo ang lahi.20

Sa kanyang mga paglalakbay, taimtim na nanalangin si Pangulong McKay upang malaman kung paano tutugunan ang restriksyon sa priesthood sa bansa. Maingat niyang inobserbahan ang mga Banal at pinagnilayan ang mga paghihirap na dinanas nila. Naunawaan niya na kung patuloy na hihilingin ng Simbahan sa mga maaaring magtaglay ng priesthood sa South Africa na tuntunin ang kanilang mga ninuno mula sa labas ng kontinente, ang mga branch ay maaaring hindi na magkakaroon ng sapat na mga lokal na lider na magpapatuloy sa gawain ng Simbahan.21

Noong Linggo, ika-17 ng Enero, nagsalita siya tungkol sa mga restriksyon sa priesthood at sa templo sa isang pulong ng mga misyonero sa Cape Town. Bagama’t wala siyang nagbigay ng tiyak na pahayag tungkol sa pinagmulan ng restriksyon, kinilala niya na maraming lalaking Itim ang nagtaglay ng priesthood noong panahon ng panguluhan nina Joseph Smith at Brigham Young. Binanggit din niya na nahirapan siya noon na pagtibayin ang mga restriksyon sa kanyang paglilibot noong 1921, at isinalaysay ang panahon na nagsumamo siya kay Pangulong Grant para sa isang Itim na Banal sa Hawaii na nais tumanggap ng priesthood.

“Umupo ako at nakipag-usap sa ating kapatid,” sinabi ni Pangulong McKay sa mga misyonero, “at binigyan siya ng katiyakan na balang-araw ay tatanggapin niya ang lahat ng pagpapalang nararapat sa kanya, sapagkat ang Panginoon ay makatarungan, at hindi nagtatangi ng mga tao.”

Hindi alam ni Pangulong McKay kung kailan darating ang araw na iyon, at pinagtibay niya na ang restriksyon ay mananatili hanggang sa magpapahayag ng iba ang Panginoon. Subalit nadama niya na may kailangang magbago.

“May mga karapat-dapat na kalalakihan sa South African Mission na pinagkakaitan ng priesthood dahil lamang sa hindi nila matunton ang kanilang talaangkanan sa labas ng bansang ito,” sabi niya. “Natanto ko na isang kawalan ng katarungan ang ginagawa sa kanila.” Mula noon, ipinahayag niya, ang mga Banal na hindi matiyak ang mga ninuno ay hindi na kailangan pang patunayan ang kanilang talaangkanan upang matanggap ang priesthood.22

Bago lisanin ang South Africa, inulit ni Pangulong McKay na darating ang araw na matatanggap ng mga taong may lahing Itim na Aprikano ang lahat ng pagpapala ng priesthood. Sa panahong iyon, ang mga Itim na indibiduwal mula sa ibang mga bansa ay nagpapakita na ng mas malaking interes sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Ilang taon na ang nakararaan, ilang residente ng bansa sa kanlurang Africa, ang Nigeria, ang sumulat sa punong-tanggapan ng Simbahan para sa impormasyon. Ang iba pang mga kahilingan ay darating kalaunan.23

Kasabay nito, maraming Itim na tao sa buong mundo ang naghahangad ng pagkakapantay-pantay, kadalasan sa pamamagitan ng paghamon sa legalidad ng paghihiwalay ng lahi. Habang patuloy na iniimpluwensyahan ng kanilang mga kilos ang lipunan, parami nang parami ang mga tao na taos-pusong nagtatanong sa mga lider ng Simbahan tungkol sa mga restriksyon.24


Kalaunan noong taong iyon, sa German Democratic Republic, isang maliit na barko ang naglayag sa Elbe, may manipis, puting usok na ibinubuga ang nag-iisang mataas na tsiminea ng barko. Isang salita ang nakasulat sa gilid ng barko: Einheit. Pagkakaisa.

Sa barko, binati ni Henry Burkhardt ang iba pang mga Banal mula sa GDR na nagtipon para sa isang kumperensya ng mga Mutual Improvement Association. Bagama’t kasing-edad din ni Henry ang marami sa mga young adult sa grupo, bilang lider ng Simbahan sa GDR ay pinangangasiwaan niya ang kaganapan sa halip na magpakasaya lamang dito.25

Ang panonood ng magandang tanawin mula sa barko ay isa lamang sa maraming aktibidad na nakaplano para sa limang daan o mahigit pang mga young adult sa kumperensya. Simula noong dekada ng 1930, ang mga mission sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagdaraos ng mga kumperensya ng MIA upang makatulong sa pagpapalakas ng pananampalataya at pagyamanin ang pagliligawan at pag-aasawa sa loob ng Simbahan. Gayunman, nitong mga huling araw, sinimulan ng pulisya sa Silangang Alemanya na pagbawalan ang mga grupo ng simbahan sa pagdaraos ng anumang libangan, tulad ng mga paglalaro gamit ang bola o mga paglalakad nang mahaba. Dahil sa gayong mga restriksyon, mahirap maging miyembro ng Simbahan sa GDR, at marami nang Banal sa Silangang Alemanya ang tumakas patungong Kanlurang Alemanya o sa Estados Unidos. Maraming kilalang kabataan si Henry na nangarap na mandayuhan, ngunit umasa siya na ang mga aktibidad na tulad nito ay maghihikayat sa ilan sa kanila na manatili, tinitiyak ang patuloy na presensya ng Simbahan sa bansa.26

Patuloy na naglayag ang barko sa ilog, nilalampasan ang mga burol na natatakpan ng mga puno at matataas na tore ng kulay abong sandstone. Sa gitna ng pulutong, napansin ni Henry si Inge Lehmann, ang dalagang kinumpirma niya sa Bernburg noong nakaraang taon. Ilang beses na niyang nakita si Inge mula noon, at nakapag-usap sila sa isang aktibidad ng MIA sa Pasko ng Pagkabuhay.

Madalas makadama si Henry ng pagka-umid at hiya kapag may mga dalaga sa paligid niya. Noong siya ay isang labinsiyam na taong gulang na misyonero, inaasahan siyang magtuon sa kanyang gawain. Ngayong nasasanay na siya sa kanyang mga bagong responsibilidad sa Simbahan, nagsimulang mag-isip ang ilang Banal sa mission kung kailan, at kanino siya maaaring magpakasal.

Habang kausap ni Henry si Inge, may nadama siyang iba sa pagkaasiwa na nadama niya noon. Nagpasiya siya na nais niyang makita itong muli.27

Nang sumunod na ilang buwan, ginawa ni Henry ang makakaya niya upang bisitahin si Inge. Nagmaneho siya sa kabuuan ng mission sakay ng isang lumang Opel Olympia, at dahil bihira ang mga kotse sa GDR, napapansin ng mga Banal sa mga Huling Araw tuwing umiikot siya sa lugar ni Inge. Naging abala sa kanyang mga tungkulin sa mission si Henry kaya iilan lamang ang kanyang pagkakataon na makita si Inge. Gayunpaman, hindi nagtagal bago naging seryoso ang kanilang relasyon.

Nang dumating ang taglamig, nagpasiyang magpakasal sina Henry at Inge. Sa pista-opisyal ng Pasko, inanyayahan ng mga magulang ni Inge si Henry at ang mga magulang nito sa kanilang tahanan sa Bernburg upang ibalita ang kanilang kasunduang pagpapakasal. Bagama’t dismayado ang mga Lehmann sa desisyon ng kanilang anak na sumapi sa Simbahan, nagsimula na nilang matanggap ang mga bagay-bagay. Nakipagkaibigan pa sila kay Henry.28

Gayunman, habang ipinagdiriwang nina Henry at Inge ang kanilang napipintong kasal, nanatiling walang katiyakan ang kanilang hinaharap. Dahil sa paglilingkod ni Henry sa Simbahan, nahihirapan siyang kumita, at inisip niya kung paano niya maitataguyod ang isang pamilya. Naroon din ang tanong tungkol sa kasal sa templo—isang bagay na kapwa gusto nina Henry at Inge.

Dahil wala nang isang taon bago pa matapos ang pagtatayo ng Swiss Temple, maaaring magkatotoo ang kanilang pangarap. Gayunman, hindi ito kasingdali lamang ng pag-iimpok ng pera para sa paglalakbay. Nagiging mas mahigpit na ang mga patakarang namamahala sa kung sino ang maaaring maglakbay sa labas ng GDR. Alam nina Henry at Inge na kakaunti lamang ang pagkakataon na papayagan sila ng pamahalaan na magkasama nilang lilisanin ang bansa.29

  1. Linford at Linford, Oral History Interview, 3–6; Kuehne, Henry Burkhardt, 38, 40; Burkhardt, “Henry Johannes Burkhardt,” 28; tingnan din sa Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 356–58.

  2. Kuehne, Henry Burkhardt, 14; Arthur Glaus to First Presidency, Mar. 9, 1953, First Presidency Mission Correspondence, CHL; Hall, “The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in the Former East Germany,” 487.

  3. Linford at Linford, Oral History Interview, 3–5, 7, 12; Kuehne, Henry Burkhardt, 38–39.

  4. Linford at Linford, Oral History Interview, 12–13; Kuehne, Henry Burkhardt, 38–39; Burkhardt, “Henry Johannes Burkhardt,” 28.

  5. Hunter, Interview, 1–3; Fairmont Ward, Manuscript History and Historical Reports, Sept. 15, 1952; “Southern California Latter-day Saint Seminaries, Teacher’s Handbook,” William E. Berrett copy, 31. Nagsimula ang seminary sa San Diego noong taglagas ng 1952, at nagsimulang magturo si Nan Hunter dito noong 1953.

  6. Plewe, Mapping Mormonism, 144–45; Wright, “Beginning of the Early Morning Seminary Program,” 223–26; “Church Announces Seminary Program in L. A. Area,” California Intermountain News, Hunyo 27, 1950, 1; By Study and Also by Faith, 122–26, 129; Hunter, Interview, 11; “Enrollment Report, Southern California L. D. S. Seminaries,” Sept. 30, 1953, Church Educational System, Southern California Area Files, CHL; Cowan, Church in the Twentieth Century, 251; Rimington, Vistas on Visions, 28–29. Paksa: Mga Seminary at Institute

  7. Hunter, Interview, 1–3.

  8. Hunter, Interview, 2.

  9. Hunter, Interview, 2–3.

  10. Hinckley, Journal, Nov. 12, 1951, and Dec. 5, 1951; Teachings of Presidents of the Church: Gordon B. Hinckley, 10–12, 15–16; Dew, Go Forward with Faith, 143–46, 150–51.

  11. Dew, Go Forward with Faith, 150–51, 153, 159.

  12. Dew, Go Forward with Faith, 150–51; Britsch, From the East, 173–78; “LDS Servicemen in Korea Area Set Conference,” Deseret News and Salt Lake Telegram, Nob. 22, 1952, Church section, 11; Choi, “History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in Korea,” 85–92. Paksa: South Korea

  13. David O. McKay, Diary, Oct. 29, 1953 [CHL]; Hinckley, Oral History Interview, 2; Dew, Go Forward with Faith, 176; “President McKay Dedicates Two European Temple Sites,” Improvement Era, Set. 1953, 56:655.

  14. “Pres. M’Kay Approves Berne Temple Plans,” Deseret News, Abr. 11, 1953, Church section, 7; “First Presidency Meeting,” Aug. 20, 1953, David O. McKay Scrapbooks, CHL; David O. McKay, Diary, Oct. 29, 1953 [CHL]; Wise, “New Concept in Temple Building and Operation,” 1–2. Paksa: Mga Pagbabago sa Gawain sa Templo

  15. Hinckley, Oral History Interview, 2; Dew, Go Forward with Faith, 176.

  16. David O. McKay, Diary, Jan. 1–3, 1954 [CHL]; Henry A. Smith, “Pres. McKay on 32,000 Mile Foreign Mission Tour,” Deseret News, Ene. 2, 1954, Church section, 1, 4; Neilson at Teuscher, Pacific Apostle, xl–xliv; Anderson, Prophets I Have Known, 123–24; Mga Banal, tomo 2, kabanata 12; Reiser, Oral History Interview, 166–67; Leroy H. Duncan to First Presidency, July 14, 1953, First Presidency Mission Correspondence, CHL; Wright, “History of the South African Mission,” 3:419–20, 432, 439; Stevenson, Global History of Blacks and Mormonism, 54–56; Monson, “History of the South African Mission,” 42–45. Paksa: South Africa; Restriksyon sa Priesthood at sa Templo

  17. J. Reuben Clark Jr. to Leroy H. Duncan, Apr. 21, 1953; Leroy H. Duncan to First Presidency, Jan. 2, 1953; Leroy H. Duncan to First Presidency, July 14, 1953, First Presidency Mission Correspondence, CHL.

  18. Reiser, Oral History Interview, 166–67; David O. McKay, “The Priesthood and the Negro Race,” Address given at Cape Town, South Africa, Jan. 17, 1954, David O. McKay Scrapbooks, CHL; Wright, “History of the South African Mission,” 3:419; du Pré, Separate but Unequal, 65–98; Bickford-Smith, “Mapping Cape Town,” 15–26; “Natives Are Banned by the Mormons,” Cape Argus (Cape Town, South Africa), Ene. 12, 1954; “Mormon Leader Visits South Africa,” Die Transvaler (Johannesburg, South Africa), Ene. 12, 1954, mga kopya sa David O. McKay Scrapbooks, CHL. Paksa: Pagbubukod ng Lahi

  19. Reiser, Diary, Jan. 9–19, 1954; Emma Ray McKay, Diary, Jan. 9, 1954.

  20. Jensen, “President McKay Shook This Old Black Hand,” 3; McKay, Scrapbook, Jan. 17, 1954; Okkers, “I Would Love to Touch the Door of the Temple,” 177–78.

  21. David O. McKay to Stephen L Richards and J. Reuben Clark Jr., Jan. 19, 1954, David O. McKay Scrapbooks, CHL.

  22. David O. McKay, “The Priesthood and the Negro Race,” Address given at Cape Town, South Africa, Jan. 17, 1954, David O. McKay Scrapbooks, CHL.

  23. David O. McKay, “The Priesthood and the Negro Race,” Address given at Cape Town, South Africa, Jan. 17, 1954, David O. McKay Scrapbooks, CHL; Evan P. Wright to First Presidency, June 17, 1952, sa Wright, “History of the South African Mission,” 3:440; N. U. Etuk to Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, July 6, 1953, copy; Joseph Anderson to N. U. Etuk, Aug. 14, 1953, First Presidency General Correspondence Files, CHL; Stevenson, Global History of Blacks and Mormonism, 74. Paksa: Nigeria

  24. Patterson, Brown v. Board of Education, 21–45; de Gruchy, Church Struggle in South Africa, 53–59, 85–88, 97–99; Alice E. Hatch to David O. McKay, undated [circa Feb. 1952]; Jacob O. Rohner to David O. McKay, Jan. 11, 1952, First Presidency General Correspondence Files, CHL; Stevenson, Global History of Blacks and Mormonism, 66–69.

  25. “Unser Fahrzeug,” circa 1954, East German Mission Photographic Record of a Youth Conference, CHL; Burkhardt, “Henry Johannes Burkhardt,” 28; Kuehne, Henry Burkhardt, 39.

  26. “This Week in Church History,” Deseret News, June 6, 1948, Church section, 18; “Finnish MIA Holds First Conference,” Deseret News, Hulyo 27, 1949, Church section, 12; Burkhardt, “Henry Johannes Burkhardt,” 28; Burkhardt, Oral History Interview, 2–3; Arthur Glaus to First Presidency, June 11, 1953, First Presidency Mission Correspondence, CHL; Scharffs, Mormonism in Germany, 129–35.

  27. Burkhardt, “Henry Johannes Burkhardt,” 28; Kuehne, Henry Burkhardt, 38–40; Burkhardt, Oral History Interview, 3.

  28. Kuehne, Henry Burkhardt, 15, 40–41; Burkhardt, “Henry Johannes Burkhardt,” 28; Burkhardt, Oral History Interview, 3.

  29. Kuehne, Henry Burkhardt, 40–42, 44; Burkhardt, Oral History Interview, 2.