Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 12: Ang Kahila-hilakbot na Digmaang Ito


“Ang Kahila-hilakbot na Digmaang Ito,” kabanata 12 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)

Kabanata 12: “Ang Kahila-hilakbot na Digmaang Ito”

Kabanata 12

Ang Kahila-hilakbot na Digmaang Ito

sundalong nakayukyok sa isang foxhole noong Unang Digmaang Pandaigdig

Ligtas na nakarating sa Montreal ang Scandinavian at ang mga pasahero nito noong huling bahagi ng Setyembre 1915. Pagkatapos ay pinahinto ni Hyrum M. Smith ang mga pagtawid sa Atlantiko para sa mga miyembro ng Simbahan habang inaalam niya at ng Unang Panguluhan ang pinakaligtas na paraan upang maihatid ang mga misyonero at mga nandarayuhan. Matapos pumayag ang pamahalaang Aleman na tumigil sa pagsalakay sa mga barkong pampasahero na British, ipinagpatuloy ni Hyrum ang pagpapadala ng mga Banal na sakay ng mga barkong British hanggang sa tagsibol ng 1916, nang makadama siya ng pahiwatig na isakay ang mga Banal sa mga barko mula sa mga bansang walang pinapanigan.

“Ang panganib ng kanilang paglalakbay na sakay ng mga barko mula sa bansang kasali sa digmaan ay napakalaki,” isinulat niya sa kanyang journal, “at hindi ko na kayang balikatin pa ang responsibilidad ng pagsuong sa mga gayong panganib.”1

Samantala, sa Liège, Belgium, magkakasamang nagtatrabaho si Arthur Horbach at ang kanyang mga kapwa Banal upang panatilihing magkakasama ang kanilang maliit na branch. Nabalot ng gulo ang Belgium habang nilulusob ng mga kawal ng Alemanya ang bansa. Pinatay nila ang mga sibilyan, pinahirapan ang mga bihag, ninakawan at sinunog ang mga tahanan at bayan, at pinarusahan ang lahat ng uri ng paglaban. Araw at gabi, sinindak ng mga lasing na kawal ang mga lunsod. Walang ligtas mula sa karahasan.

Sa unang sampung buwan ng pananakop ng Alemanya, halos hindi nagkita ang Liège Branch para sa pagsamba. Ngunit noong tagsibol ng 1915, pagkaraan ng ilang buwang pananahimik, sina Arthur at ang dalawa pang mayhawak ng priesthood sa branch, sina Hubert Huysecom at Charles Devignez, ay nagpasyang subukang muling magdaos ng mga regular na pulong.

Si Marie Momont, isang matandang babae sa branch, ay binuksan ang kanyang tahanan para sa mga Banal. Pagkaraan ng ilang linggo, inilipat ang mga pulong sa tahanan ni Hubert at ng kanyang asawang si Augustine. Ang kanilang bahay ay mas malaki at matatagpuan sa kalagitnaan ng Liège at ng kalapit-bayan nitong Seraing, kaya ito ay ang pinakamainam na lugar ng pagtitipon para sa mga Banal mula sa dalawang lunsod. Bilang teacher sa Aaronic Priesthood, hawak ni Hubert ang pinakamataas na katungkulan ng priesthood sa lunsod, at siya na ang namahala sa branch. Naglingkod din siya bilang pangulo ng Sunday School.2

Si Arthur ay itinalagang kalihim at ingat-yaman ng branch, kaya siya ang responsable sa pagpapanatili ng mga talaan at salaysay. Siya at ang isang miyembro ng Simbahan mula sa Seraing ay tumulong din kay Charles Devignez sa pagtuturo ng mga klase sa Sunday School. Tatlong babae sa branch, sina Juliette Jeuris-Belleflamme, Jeanne Roubinet, at Guillemine Collard, ang nangangasiwa sa Primary. Nagbukas din ang branch ng isang maliit na silid-aklatan.

Hindi nagtagal ay nakipag-ugnayan ang mga miyembro ng Liège sa isang elder at priest na Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa Villers-le-Bouillet, isang munting bayan na mahigit tatlumpung kilometro ang layo. Minsan sa isang buwan ay dinadalaw ng dalawang lalaki ang branch, na nagbibigay sa mga Banal sa Liège ng pagkakataong makibahagi sa sakramento at tumanggap ng mga basbas ng priesthood.

Nagdurusa sa gutom, kalungkutan, at kawalan ng pag-asa, ang ilang Banal sa Liège ay pinanghinaan ng loob at nakipag-away sa iba sa branch. Pagkatapos, noong tag-init na iyon, nagsimulang magpadala ng pondo ang tanggapan ng European Mission upang bigyang-ginhawa ang mga maralita at nangangailangan. Sa kabila ng mga paghihirap, karamihan sa mga Banal sa branch ay nagbayad ng kanilang ikapu, at habang nagpapatuloy ang panahon ng matinding hirap, sumandig sila sa ipinanumbalik na ebanghelyo, sa Espiritu ng Panginoon, at sa isa’t isa.

Patuloy rin nilang ibinahagi ang ebanghelyo sa kanilang mga kapitbahay, at ang ilan sa kanila ay nabinyagan sa kabila ng kaguluhan. Gayunpaman, hinahangad ng branch ang katatagan na kanilang tinamasa bago ang paglusob.3

“Sa panahon ng kahila-hilakbot na digmaang ito, maraming ulit naming nakita ang kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos,” iniulat ni Arthur. “Mainam ang kalagayan ng mga branch, ngunit inaasam namin na bumalik ang mga misyonero.”4


Noong ika-6 ng Abril 1916, sa unang araw ng taunang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake, nagsalita si Pangulong Charles W. Penrose tungkol sa Panguluhang Diyos. Siya at ang iba pang mga miyembro ng Unang Panguluhan ay madalas tumanggap ng mga liham tungkol sa mga pagtatalo sa doktrina sa pagitan ng mga miyembro ng Simbahan, na karamihan ay madaling nalutas. Ngunit nitong mga huling araw ay nabagabag ang panguluhan sa mga tanong tungkol sa pagkakakilanlan ng Diyos Ama.

“Naroon pa rin,” binigyang-diin ni Pangulong Penrose sa kanyang mensahe, “ang isang ideya sa ilan sa mga tao na si Adan ang noon at ngayon ang Pinakamakapangyarihan at Walang Hanggang Diyos.”5

Ang gayong paniniwala ay nagmula sa ilang mensaheng ibinigay ni Brigham Young noong ikalabingsiyam na siglo.6 Sa katunayan, ginamit ng mga kritiko ng Simbahan ang mga pahayag ni Pangulong Young upang sabihin na sinasamba ng mga Banal sa mga Huling Araw si Adan.7

Kamakailan, tinangka ng Unang Panguluhan na linawin ang doktrina tungkol sa Panguluhang Diyos, kay Adan, at sa mga pinagmulan ng sangkatauhan. Noong 1909, naglathala sila ng isang pahayag na unang isinulat ni apostol Orson F. Whitney tungkol sa “The Origin of Man [Pinagmulan ng Tao],” na nagpatibay sa mga katotohanan tungkol sa kaugnayan ng Diyos at ng Kanyang mga anak. “Lahat ng lalaki at babae,” kanilang ipinahayag, “ay kahalintulad ng Ama at Ina ng lahat ng tao, at literal na mga anak ng Diyos.” Ipinahayag din nito na si Adan ay “nabuhay noon bilang espiritu” bago tumanggap ng mortal na katawan sa lupa at naging unang tao at “dakilang pinagmulan” ng mag-anak ng tao.8

Inatasan din nila ang mga lider at iskolar ng Simbahan na maglathala ng mga bagong aklat ng doktrina upang gamitin sa mga klase sa Sunday School at mga pulong ng korum ng priesthood. Dalawa sa mga akdang ito, ang akda ni John Widtsoe na Makatwirang Teolohiya [Rational Theology] at akda ng apostol na si James E. Talmage na Si Jesus ang Cristo [Jesus the Christ], ang naglahad ng mga opisyal na turo ng Simbahan tungkol sa Diyos Ama, kay Jesucristo, at kay Adan. Malinaw na inilahad ng dalawang aklat na ito ang kaibhan ng Diyos Ama kay Adan habang binibigyang-diin din kung paano nadaig ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang mga negatibong epekto ng Pagkahulog ni Adan.9

Ngayon, habang nagsasalita si Pangulong Penrose sa mga Banal sa pangkalahatang kumperensya, tinukoy niya ang ilang talata ng sinauna at makabagong banal na kasulatan upang ipakita na ang Diyos Ama at si Adan ay hindi iisang nilalang. “O Diyos, tulungan po ninyo kami na makita at maunawaan ang katotohanan at maiwasan ang mali!” pagsusumamo niya sa pagtatapos ng kanyang mensahe. “At nawa’y huwag Ninyo kaming hayaang maging labis na masidhi ang damdamin sa aming mga opinyon tungkol sa mga bagay na mahalaga. Tulutan nawa na mapagsikapan naming maging tama.”10

Hindi nagtagal matapos ang kumperensya, sumang-ayon ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol na kailangan ng mga Banal ng isang tiyak na pahayag tungkol sa Diyos. Noong tag-init na iyon, tinulungan sila ni Elder Talmage na isulat ang “The Father and the Son [Ang Ama at ang Anak],” isang doktrinal na sanaysay tungkol sa likas na katangian, misyon, at kaugnayan ng Diyos Ama at ni Jesucristo.11

Sa pahayag na ito, nagpatotoo sila na ang Diyos Ama ay si Elohim, ang magulang ng mga espiritu ng buong sangkatauhan. Ipinahayag nila na si Jesucristo ay si Jehova, ang panganay na anak ng Ama at ang nakatatandang kapatid ng lahat ng kababaihan at kalalakihan. Dahil isinagawa Niya ang plano ng Kanyang Ama para sa Paglikha, si Jesus din ay Ama ng langit at lupa. Dahil dito, madalas tukuyin Siya ng mga banal na kasulatan sa tawag na Ama upang ilarawan ang Kanyang natatanging kaugnayan sa mundo at sa mga tao nito.

Ipinaliwanag din ng Unang Panguluhan kung paano naging espirituwal na ama si Jesus sa mga isinilang na muli sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo. “Kung tamang magsalita tungkol sa mga yaong tumatanggap at nananatili sa ebanghelyo bilang mga anak na lalaki at babae ni Cristo,” kanilang pahayag, “nararapat lamang na patuloy na magsalita tungkol kay Jesucristo bilang Ama ng mabubuti.”

Sa huli, ipinahayag nila kung paano kumilos si Jesucristo sa ngalan ng Ama sa paglilingkod bilang kinatawan ni Elohim. “Hangga’t may kinalaman sa kapangyarihan, awtoridad, at Pagkadiyos,” sabi nila, “ang Kanyang mga salita at gawa ay yaong sa Ama.”12

Noong ika-1 ng Hulyo, inilathala ang “The Father and the Son [Ang Ama at ang Anak]” sa Deseret Evening News. Noong araw ding iyon, sumulat si Joseph F. Smith sa kanyang anak na si Hyrum M. Smith sa Liverpool, sabik na ibahagi dito ang bagong pahayag sa mga Banal sa ibayong dagat. “Ito ang unang pagkakataon na isinagawa ang gawaing ito,” sabi niya. “Sana’y aprubahan ninyo ito at maingat itong ipalilimbag.”13


Noong tag-init na iyon, sa hilagang-silangang Pransiya, ang mga hukbong Aleman at Pranses ay nagsagupaan sa isa pang madugong labanan na walang malinaw na nagwagi, sa pagkakataong ito naman ay sa labas ng mahigpit na protektadong bayan ng Verdun. Umaasang mawawasak ang depensa ng mga Pranses, pinaulanan ng hukbong Aleman ang mga depensa ng bayan at umatake nang may daan-daang libong kawal. Mahigpit silang sinagupa ng mga Pranses, at sinundan ito ng ilang buwan ng walang kinahinatnang labanan sa mga bambang.14

Kabilang sa mga Alemang hukbong-lakad na nakikipaglaban sa Verdun ay ang apatnapung taong gulang na si Paul Schwarz. Isang tagasingil ng mga bayarin at tagabenta ng makinang panahi mula sa kanlurang Alemanya, sumali si Paul sa hukbo noong nakaraang taon. Noong panahong iyon, naglilingkod siya bilang pangulo ng isang maliit na branch ng Simbahan sa isang bayan na tinatawag na Barmen, kung saan siya nakatira kasama ang kanyang asawang si Helene, at ang kanilang limang maliliit na anak. Si Paul ay isang mapayapa at mapagmahal na tao, subalit naniniwala siya na tungkulin niyang maglingkod sa kanyang bansa. Isa pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang tinawag upang humalili sa kanyang tungkulin sa branch, at hindi nagtagal, nasa digmaan na si Paul.15

Sa Verdun, patuloy na nagaganap ang mga nakakakilabot na bagay. Noong simula pa ng digmaan, sinalakay ng mga Aleman ang mga Pranses gamit ang mga artilerya bago nagpadala ng mga kawal na may mga flamethrower upang magkaroon ng daan para sa pagsulong ng hanay ng mga kawal. Ngunit ang mga Pranses ay mas malakas kaysa sa inaasahan ng mga Aleman, at ang mga namatay at nasaktan sa magkabilang panig ay bumilang sa daan-daang libo.16 Noong Marso 1916, hindi nagtagal matapos dumating ang rehimyento ni Paul sa Verdun, napatay sa labanan ang kanilang komandante. Nanatiling hindi nasaktan o nasugatan si Paul. Kalaunan, habang naghahatid ng mga granada, alambreng may tinik, at iba pang mga kagamitan ng digmaan sa unahan ng labanan, nabigyang-inspirasyon siyang lumipat sa unahang banda ng kanyang pangkat. Agad siyang nagmadaling pumunta roon, bago inilaglag ng isang eroplano ang mga bomba sa mismong lugar kung saan siya nagmamartsa.17

Ang iba pang mga kawal na Banal sa mga Huling Araw na kanyang kilala ay hindi gaanong mapalad, isang paalala na hindi palaging isinasalba ng Diyos ang matatapat. Noong nakaraang taon, ang magasin ng Simbahan na inilalathala sa wikang Aleman na Der Stern ay nag-ulat na ang labingwalong taong gulang na si Hermann Seydel ay napatay sa silangang banda ng digmaan. Si Hermann ay mula sa pangkat ni Paul. “Siya ay isang ulirang binata at isang masigasig na miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, na ang alaala ay nabubuhay sa lahat ng nakakikilala sa kanya,” nakasaad sa kanyang obitwaryo.18

Bago ang digmaan, laging sabik si Paul na ibahagi ang ebanghelyo. Silang mag-asawa ay nagkaroon ng patotoo tungkol sa Panunumbalik matapos basahin ang mga polyeto ng mga misyonero. Ngayon ay nagpadala sa kanya si Helene ng mga polyeto ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ipinasa niya sa mga kawal sa kanyang yunit. Madalas basahin ng mga sundalo ang mga polyeto upang magpalipas ng oras bago ang susunod na pagsalakay. Binigyang-inspirasyon pa nito ang ilan sa mga lalaki na manalangin.19

Ang digmaan sa Verdun—at mga di-mabilang na labanan sa iba pang mga panig ng digmaan—ay nagpapatuloy sa kabuuan ng taong 1916. Nagsiksikan ang mga kawal sa madidilim at maruruming bambang, nakikipaglaban sa sagupaan pagkatapos ng isa pang mala-impyernong sagupaan sa kahabaan ng putik at mga alambre ng “Lupain ng Walang Sinuman [No Man’s Land],” ang mapanglaw na lugar ng patayan sa pagitan ng mga hukbo. Sina Paul at ang iba pang mga kawal na Banal sa mga Huling Araw sa magkabilang panig ng labanan ay kumapit sa kanilang pananampalataya, nakadarama ng pag-asa sa ipinanumbalik na ebanghelyo habang idinadalangin na magwakas na ang sigalot.20


Habang tumitindi ang digmaan sa buong Europa, patuloy na sumisidhi ang rebolusyon sa Mexico. Sa San Marcos, wala na ang mga kawal ng Zapatista na sumakop sa bayan isang taon na ang nakararaan. Subalit ang alaala ng kanilang karahasan ay nag-iwan pa rin ng sugat sa pamilya Monroy at sa kanilang branch ng Simbahan.

Noong gabi ng pagsalakay ng mga Zapatista sa San Marcos, naglalakbay si Jesusita de Monroy upang makipag-usap sa isang lider ng mga rebelde, umaasang matutulungan siya nitong mapalaya ang kanyang mga anak na nakabilanggo, nang marinig niya ang mga nakakatakot na putok ng baril. Nagmamadaling bumalik sa piitan, nakita niya ang kanyang anak na si Rafael at kapwa nito Banal sa mga Huling Araw na si Vicente Morales na mga wala nang buhay, mga biktima ng mga bala ng rebelde.

Sa matinding pagdadalamhati, humiyaw siya sa gitna ng gabi, ang kanyang mga sigaw ay sapat upang marinig ng kanyang mga anak na babae sa silid kung saan sila nakapiit.

Sa di-kalayuan, may nagsabi, “Napakatapang na lalaki!”

“Ngunit ano ang nakita nila sa kanyang bahay?” tanong ng iba.

Natugunan sana ni Jesusita ang tanong na iyon. Naghanap ang mga Zapatista ng mga sandata sa ari-arian ng kanyang anak, at wala silang anumang natagpuan. Walang-sala sina Rafael at Vicente.

Kinaumagahan, siya at ang asawa ni Rafael na si Guadalupe, ay hinikayat ang komandante ng mga rebelde na palayain ang kanyang tatlong anak na babae, sina Natalia, Jovita, at Lupe. Pagkatapos ay kinuha ng mga babae ang mga labi nina Rafael at Vicente. Iniwan ng mga Zapatista sa labas ang mga bangkay, at isang malaking pulutong ng mga taga-bayan ang nagtipon sa paligid ng mga ito. Dahil tila walang handang tumulong sa pagbubuhat ng mga katawan pabalik sa bahay ng mga Monroy, inatasan nina Jesusita at ng kanyang mga anak na babae ang ilang kalalakihang nagtrabaho sa rantso ni Rafael upang tulungan sila.

Si Casimiro Gutierrez, na inordenan ni Rafael sa Melchizedek Priesthood, ang nangasiwa ng burol sa bahay. Pagkatapos ay ilang kababaihan mula sa bayan, kabilang na ang ilang nagsalita laban sa mga Banal, ay lumapit sa pintuan nang buong pagsisisi at nag-alay ng kanilang mga pakikiramay. Walang nadamang kapanatagan ang mga Monroy sa kanilang mga salita.21

Nahirapan si Jesusita na mawari kung ano ang susunod na gagawin. May panahong pinag-isipan niyang lisanin ang San Marcos. Inanyayahan ng ilan sa kanyang mga kamag-anak ang pamilya na manirahan kasama nila, ngunit tinanggihan niya ang kanilang alok. “Hindi ko kayang magpasiyang gawin ito,” sinabi niya sa mission president na si Rey L. Pratt sa isang liham. “Hindi maganda ang magiging turing sa amin sa ngayon, dahil sa maliliit na mga bayang ito ay walang pagpaparaya o kalayaan sa relihiyon.”22

Nais mismo ni Jesusita na lumipat sa Estados Unidos, marahil sa estado ng Texas sa may hangganan ng dalawang bansa. Subalit si Pangulong Pratt, na nangangasiwa sa Mexican Mission mula sa kanyang tahanan sa Manassa, Colorado, ay nagbabala sa kanya laban sa paglipat sa isang lugar kung saan hindi lubos na naitatag ang Simbahan. Kung natanto niyang kailangang lumipat, payo pa nito sa kanya, dapat siyang makahanap ng lugar kasama ng mga Banal na may magandang klima at pagkakataong maghanapbuhay.

Hinikayat din siya ni Pangulong Pratt na manatiling matatag. “Ang iyong pananampalataya,” isinulat nito, “ay isa sa mga pinakadakilang inspirasyon sa buhay ko.”23

Ngayon, isang taon matapos ang pagkamatay ng kanyang anak, nakatira pa rin si Jesusita sa San Marcos. Si Casimiro Gutierrez ang pangulo ng branch. Siya ay isang matapat na lalaki na nagnanais na gawin ang pinakamabuti para sa branch, ngunit kung minsan ay nahihirapan siyang ipamuhay ang ebanghelyo at hindi taglay ang talento ni Rafael sa pamumuno sa mga tao. Mabuti na lamang at tinitiyak ng iba pang mga Banal sa branch at sa karatig na lugar na nananatiling matatag ang Simbahan sa San Marcos.24

Noong unang Linggo ng Hulyo 1916, nagdaos ang mga Banal ng isang pulong ng patotoo, at bawat miyembro ng branch ay nagpatotoo tungkol sa ebanghelyo at sa pag-asang ibinigay nito sa kanila. Pagkatapos, noong ika-17 ng Hulyo, ang anibersaryo ng mga pagpatay, nagtipon silang muli upang alalahanin ang mga martir. Umawit sila ng isang himno tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, at binasa ni Casimiro ang isang kabanata mula sa Bagong Tipan. Inihambing ng isa pang miyembro ng branch sina Rafael at Vicente sa martir na si Esteban, na pumanaw dahil sa kanyang patotoo kay Cristo.25

Nagsalita rin si Guadalupe Monroy. Matapos mapalayas ang mga Zapatista sa rehiyon, ipinangako sa kanya ng isa sa mga kapitan ng karibal na Carrancista na maghihiganti ito sa lalaking responsable sa pagpatay ng kanyang asawa. “Huwag!” sabi niya dito. “Hindi ko nais umiyak sa kanyang kalungkutan ang isa pang sawing-palad na babaeng tulad ko.” Naniniwala siya na magbibigay ang Diyos ng katarungan sa Kanyang sariling panahon.26

Ngayon, sa anibersaryo ng pagkamatay ng kanyang asawa, nagpatotoo siya na binigyan siya ng Panginoon ng lakas na tiisin ang kanyang sakit. “Nadarama ko ang kagalakan at pag-asa sa magagandang salita ng ebanghelyo para sa mga namatay nang tapat sa pagsunod sa mga batas at kautusan nito,” sabi niya.27

Si Jesusita rin ay nanatiling isang haligi ng pananampalataya sa kanyang pamilya. “Napakasakit ng kalungkutang nadarama namin,” tiniyak niya kay Pangulong Pratt, “ngunit malakas ang aming pananampalataya, at hinding-hindi namin tatalikuran ang relihiyong ito.”28


Samantala, sa Europa, pinalitan ni apostol George F. Richards si Hyrum M. Smith bilang pangulo ng European Mission.29 Bago bumalik si Ida Smith sa Estados Unidos kasama ang kanyang asawa, sumulat siya ng isang mapagpasalamat na pamamaalam sa kanyang mga kasama sa Relief Society sa Europa.

“Nitong nakaraang dalawang taon ay nakakita tayo ng muling pagkapukaw ng interes sa layunin ng Relief Society,” isinulat niya. “May dahilan upang umasa na ang gawain ay patuloy na lalago at magiging higit na isang kapangyarihan para sa kabutihan.”

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang Relief Society ay lumago sa mahigit dalawang libong kababaihang miyembro sa buong Europa. Maraming lokal na yunit ang umunlad nang higit pa sa dati, pinagsasama ang kanilang mga pagsisikap sa Red Cross at iba pang mga organisasyon upang ibsan ang kahirapan at pagdurusa ng kanilang kapwa noong panahon ng digmaan. Sa pagtatapos ng kanyang misyon, nakapag-organisa si Ida ng animnapu’t siyam na bagong Relief Society.

Ngayon ay umaasa siyang mapalalawig pa nila ang kanilang impluwensya sa mas malawak na lugar. “Malawak ang lugar ng pagtatrabaho,” isinulat niya, “at sana’y samantalahin ng lahat ng kababaihan ang lahat ng pagkakataong ipakilala ang kanilang sarili at hayaang madama ng lahat ng tao ang kanilang impluwensya hangga’t maaari.” Batid na ang digmaan ay ipinagkait sa mga branch ang mga misyonero at lider ng priesthood, partikular niyang hinikayat ang mga babae na maghanap ng oras na ipamahagi ang mga polyeto ng mga misyonero.

“Nagawa na ito sa ilang pagkakataon nang may kahanga-hangang kinalalabasan,” isinulat niya. “Sa ganitong paraan ay maraming pintuan ang nabuksan para sa pangangaral ng ebanghelyo.”30

Noong taglagas ng 1916, sinuportahan ni Pangulong Richards ang mga pagsisikap ng mga lokal na kababaihan na maglingkod bilang mga misyonero sa mga bayan at lunsod kung saan sila nakatira. Tinagubilinan niya ang mga lider ng mission na tumawag ng “mga babaeng misyonero,” sang-ayunan sila sa mga kumperensya, italaga sila, at bigyan sila ng mga sertipiko ng misyonero. Inirekomenda rin niyang bigyan ang kababaihan ng mga responsibilidad sa branch, tulad ng pagdarasal at pagsasalita sa mga sacrament meeting, na ginagawa ng kalalakihan bago ang digmaan.31

Sa Glasgow, Scotland, mahigit isang dosenang kababaihan, kabilang na ang pangulo ng Relief Society ng branch, si Isabella Blake, ay tinawag sa mga lokal na mission. Malaki ang paggalang ni Isabella para kay Ida Smith. Alinsunod sa halimbawa nito, nakipagtulungan si Isabella at ang kanyang Relief Society sa iba pang mga simbahan upang magbigay ng damit para sa mga sundalo at manlalayag. Kapag nagpadala sila ng mga gamit sa mga kawal sa gitna ng mga labanan, naglalakip sila ng mga mensahe ng simpatiya at pampalakas ng loob para sa mga sundalo. Pinanatag din nila ang maraming nagdadalamhating kababaihan sa Glasgow na nawalan ng mga mahal sa buhay sa digmaan, nagdarasal sa lahat ng panahon na sana ay matapos na ang kahila-hilakbot na labanan.32

Minsan ay sinabi ni Ida kay Isabella, “Anuman ang gawin mo, palagaing panatilihing buhay ang espirituwal na panig.” Sinubukan ni Isabella na palagiang isaisip ang payong ito habang binabalikat niya ang kanyang mga responsibilidad. Lahat ng bagong misyonero ay may regular na trabaho, at ang ilan sa kanila ay mga asawa at ina. Si Isabella mismo ay may limang anak at nagdadalantao. Anumang libreng oras na mayroon sila—sa kanilang lingguhang kalahating araw na pahinga mula sa trabaho o tuwing Linggo—ginugugol nila ito sa pamamahagi ng mga polyeto, pagtuturo ng ebanghelyo, pagdaraos ng mga pulong ng Relief Society, o paglilingkod tulad ng pagbisita sa mga sugatang sundalo sa mga ospital.33

Tulad ng iba pang mga babaeng misyonero na nauna sa kanila, ang mga babae sa Glasgow ay nagtagumpay sa paglapit sa mga taong naghihinala sa mga Amerikanong elder. Ang mga kapitbahay nilang trabahador sa kanilang lunsod ay isang magandang lugar para sa pagpapalaganap ng mensahe ng ebanghelyo. At bilang isa mismong lokal na bininyagan, maaaring magpatotoo si Isabella tungkol sa kanyang sariling karanasan sa ebanghelyo. Habang kausap niya ang mga tao sa kanyang lunsod, natagpuan ni Isabella na sila ay mabait at sabik na mahanap ang katotohanan.

“Kami lamang—ang iilang tao sa masikip na mundong ito—ang nagtataglay ng kaalamang ito na ipinahayag sa amin, tungkol sa pagpapanibago ng ugnayan ng pamilya sa kabilang panig,” patotoo niya. “Alam namin na binuksan ng Panginoon ang daan para sa atin, na sa pagsunod sa Kanyang mga kahilingan, ang babaeng asawa ay manunumbalik sa kanyang lalaking asawa at ang lalaking asawa sa kanyang babaeng asawa, at sila ay muling magiging isa kay Cristo Jesus.”34

Ang mabuting diwa ng mga Banal sa Glasgow ay nag-ambag sa kanilang tagumpay. Katulong ang iilang kalalakihang nanatili sa kanilang branch, napabalik ni Isabella at ng kanyang mga kapwa misyonero ang maraming tao na umalis sa Simbahan. Nakapagdaraos na rin ang Relief Society ng apat na pulong sa isang buwan mula sa dating dalawa. Pinasalamatan lalo ni Isabella ang kanilang mga pulong sa patotoo. “May mga gabi na pakiramdam namin ay labis kaming nalulungkot na wakasan ang mga pulong na ito,” iniulat niya.

Ang mga nagawa ng Glasgow Branch at ng mga bagong hirang na misyonero nito ay naging dahilan upang hilingin ni Isabella na sana ay mas matatag ang Simbahan sa lunsod. “Kung mayroon tayong maliit na simbahan dito, maipapanatili iyan para sa iisang layunin ng pagsamba sa Diyos at pagsasagawa ng mga binyag,” isinulat niya sa punong-tanggapan ng mission, “Naniniwala ako na ito ang magiging pinakamagandang branch sa British Mission.”35