Kasaysayan ng Simbahan
30 Matinding Pighati


Kabanata 30

Matinding Pighati

mga kamay ng kawal na nagbabasbas ng sakramento para sa kanyang sarili

Lubhang maginaw ang taglamig ng 1944–45 sa Europa. Sumusulong ang mga puwersang Allied sa Alemanya, nakikipaglaban sa magkakasunod na labanan sa napakalamig na niyebe. Tinangka ni Hitler na maglunsad ng isang huling opensiba laban sa mga hukbong Amerikano at Briton sa kanlurang Europa, ngunit pinagod lamang ng pagsalakay ang kanyang pagal nang hukbo. Samantala, nananaig ang mga kawal na Soviet sa silangang banda ng Europa habang tumutulak sila sa mas malaking territoryo na sakop ng mga Nazi.1

Sa Berlin, nahirapan si Helga Birth na manatiling naiinitan sa opisina ng East German Mission. Nasunog ang orihinal na opisina sa gitna ng mga pambobomba noong nakaraang taon, kaya ngayon ang punong-tanggapan ng mission ay nasa apartment ng pangalawang tagapayo na si Paul Langheinrich at ng kanyang asawang si Elsa. Winasak ng mga bomba ang mga bintana ng apartment, kaya tinakpan nina Helga at ng iba pang mga misyonero ang mga barandilya na walang salamin gamit ang mga kumot upang mapigilang pumasok ang lamig. Walang init o maligamgam na tubig noon. Kakaunti ang pagkain, at mahirap matulog sa gabi kapag tumutunog ang sirena ng pagsalakay mula sa himpapawid.

Dahil may banta ng pagsalakay sa lunsod, hindi ligtas para sa mga misyonero ang lumabas at mangaral. Ngunit ang gumaganap na panguluhan ng East German Mission, na binubuo ng mga lokal na miyembro ng Simbahan, ang responsable sa lahat ng Mga Banal sa mission. Gayunman, ang mission president, si Herbert Klopfer, at karamihan sa mga kawani ng opisina ay nasa malayo para sa kanilang mga tungkulin sa militar, kaya tumutulong sina Helga at iba pang kababaihan sa pagpapanatili ng mga talaan ng mission at patuloy na nakikipag-ugnayan sa libu-libong Banal na Aleman na ang buhay ay nasira ng digmaan.2

Gayundin, karamihan sa pamilya at mga kaibigan ni Helga ay nilisan ang Tilsit habang sinasakop ng militar na Soviet ang mga lunsod sa silangang Alemanya. Ang kanyang ama at bunsong kapatid na si Henry ay pinalista sa hukbo, at nakatagpo ng kanlungan ang kanyang ina sa sakahan ng isang pinsan. Samantala, ang iba pang mga Banal sa Tilsit ay pinanatili ang kanilang mga ugnayan sa branch hangga’t kaya nila, at ibinabahagi sa isa’t isa ang kakaunting pagkain at damit na mayroon sila. Ang branch president na si Otto Schulzke at ang pamilya nito ay nawalan ng bahay sa isang pambobomba, at nakatakas na kanilang buhay lamang ang nailigtas. Nang magpulong ang branch sa huling pagkakataon, nagbahagi sila ng pagkain sa isa’t isa at muling nakinig kay Pangulong Schulzke.3

Kahit na maraming nawala sa kanya, nagpapasalamat si Helga na makatagpo siya ng lugar sa mga Banal sa Berlin. Ngunit noong kalagitnaan ng Abril 1945, nagawang sakupin ng militar na Soviet ang silangang Alemanya at ngayon ay pinaliligiran ang lunsod. Noong isang maulang umaga ng Linggo sa lunsod, nakipagtipon si Helga upang sumamba kasama ang isang maliit na grupo ng mga Banal. Buong magdamag na nasindak ang mga kapitbahayan sa mga bomba at labanan sa mga lansangan, at iilang miyembro ng Simbahan ang dumalo sa pulong. Nagsalita si Paul Langheinrich tungkol sa pananampalataya. Pagod na si Helga, ngunit pinalalakas siya ng Espiritu. Naisip niya ang mga salita ng Tagapagligtas sa aklat ni Mateo: “Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.”4

Pagkatapos ng pulong, inanyayahan ni Paul si Helga na sumama sa kanya at sa branch president na si Bertold Patermann sa pagbisita sa isa pang branch sa lunsod. Nais matiyak ni Paul na ligtas ang mga miyembro pagkatapos ng mga pag-atake sa gabi.

Inabot sina Helga, Paul, at Bertold nang isang oras para maglakad papunta sa branch meetinghouse. Habang papalapit sila sa gusali, nakita nila ang dugo sa mga lansangan at isang nagngangalit na labanan sa himpapawid. Nagpatuloy sila papunta sa kaligtasan ng gusali ng Simbahan. Biglang umulan ng mga pagsabog ng mga bala ng artilerya sa likuran nila. Nanatiling panatag, nagpatuloy sila sa paglalakad sa kalye at natagpuang walang laman ang gusali ng Simbahan. Isa sa mga pader nito ang direktang tinamaan, at gumuho ang gilid ng kapilya. Mukhang may isang taong nagtangkang walisin ang mga guho, ngunit tumigil sa kalagitnaan ng paggawa nito.

Binisita ni Helga at ng kanyang dalawang kompanyon ang ilang miyembro ng Simbahan na nakatira sa malapit at pagkatapos ay nagpasiyang bumalik sa mission home. Nang makabalik na sila sa mga lansangan, pakiramdam nila ay lubos silang nakalantad. Nagngangalit pa rin ang mga sagupaan sa himpapawid, at patuloy na sumisipol at sumasabog ang mga bomba sa paligid nila. Bumubulusok pababa ang mga pandigmang eroplano sa mga lansangan, at pinasabog ng mga putok ng baril ang magagandang lumang gusali at tulay, naghahagis ng mga bato at ladrilyo sa hangin.

Naghahanap ng anumang pagtataguan na makikita nila, sina Helga, Paul, at Bertold ay patagong pumasok sa mga gusali at sa ilalim ng mga pasukan. Minsan, ang tanging proteksyon na nakita nila ay sa ilalim ng isang punong walang dahon, ang mga sanga nito ay kayumanggi at payat na payat. Sa wakas ay nakarating sila sa isang pinasabog na tulay na may makitid na bahagi lamang na nagdurugtong sa nahating tulay. Hindi tiyak ni Helga kung magagawa niyang tumawid.

“Sister Birth, huwag matakot,” sabi ng kanyang mga kompanyon. Alam niya na sila ay nagsasagawa ng gawain ng Diyos, at iyon ang nagbigay sa kanya ng tiwala sa sarili. Nagtitiwala sa kanila, hinawakan niya ang isang hawakan at tinawid ang tulay, napupuspos ng panatag na katiyakan ang kanyang kaluluwa habang pauwi na sila.5


Nang mga sumunod na araw, bihirang lumabas si Helga at ang iba pang mga misyonero na nakatira sa apartment ng mga Langheinrich. Kumalat ang mga kuwento na nasakop na ng mga sundalong Soviet ang ilang bahagi ng lunsod, at binalaan ni Bertold ang mga misyonero tungkol sa mga nakakakilabot na bagay na nangyayari sa labas. Kailangan nilang gawin ang lahat upang manatiling ligtas.

Habang binabalot ng mga kaguluhan ang mga lansangan, naghanap ang ilang Banal ng kanlungan sa mission home. Isang babae ang dumating na tulala matapos mabaril sa tiyan ang kanyang asawa at mamatay. Sa tulong ni Paul, naghanda si Helga at ang iba pa ng mga abandonadong silid para sa sinumang lalapit sa kanila para humingi ng tulong.

Noong Sabado, ika-28 ng Abril, nagtipon ang maliit na grupo ng mga Banal para sa pag-aayuno at panalangin. Habang nakaluhod sila at nanalangin para sa lakas at proteksyon, napuspos ng pasasalamat si Helga na mapaligiran ng matatapat na Banal sa gitna ng labis na kilabot. .

Nang matapos ang pag-aayuno, ang mga sundalong Soviet ay nasa lahat ng dako ng mga lansangan sa paligid ng tanggapan ng mission. Maigting pa rin ang labanan sa Berlin, ngunit ang militar na Soviet ay sinisikap nang ibalik ang kaayusan at mahahalagang serbisyo sa mga nasakop na bahagi ng lunsod. Maraming sundalo ang hindi bumabagabag sa mga sibilyang Aleman, ngunit ang ilang kawal ay ninanakawan ang mga gusali at inaatake ang mga babaeng Aleman. Natakot si Helga at ang iba pang mga misyonero para sa kanilang kaligtasan, at ang mga lalaki sa mission office ay naghalinhinan sa masusing pagbabantay.6

Pagkatapos, noong ika-2 ng Mayo, nagising si Helga sa isang kakaibang uri ng katahimikan. Walang pambobomba nang gabing iyon, at diretso siyang natulog hanggang umaga. Kinitil ni Adolf Hitler ang kanyang sariling buhay dalawang araw na ang nakararaan, at ang hukbo na Soviet ay nagsabit ng isang bandila ng martilyo at panggapas sa itaas ng lunsod. Ngayon na ang Berlin ay nasa mga kamay na ng Soviet, at ang iba pang mga pwersang Allied ay sinasakop ang mas maraming territoryong Aleman araw-araw, ang digmaan sa Europa ay magwawakas na.7

Tinangka ni Helga na isulat ang kanyang nasasaisip sa kanyang missionary journal. “KAPAYAPAAN! Iyan ang sinasabi ng lahat,” isinulat niya. “Wala akong anumang partikular na damdamin sa puso ko. Naisip namin ang isang bagay na medyo naiiba sa salitang ‘kapayapaan’—tulad ng kagalakan at pagdiriwang—ngunit walang makikita na anumang ganyan.”

“Dito ako ay nakaupo, nawalay sa aking mga kamag-anak,” pagpapatuloy niya, “nang hindi nalalaman kung ano ang nangyari sa iba.” Napakarami sa kanyang mga mahal sa buhay—si Gerhard, ang kanyang kuya na si Siegfried at pinsan na si Kurt, ang kanyang lolo’t lola at tiya Nita—ay patay na. Wala siyang ideya kung paano kokontakin ang kanyang ina at ama, at napakaraming panahon na ang lumipas mula nang may nabalitaan ang sinuman sa kanyang kapatid na si Henry, kaya naisip lang niya ang pinakamalala.8

Noong Linggong iyon, nagtipon muli ang mga Banal para sa isang pulong ng panalangin. Ang kompanyong misyonero ni Helga na si Renate Berger ay nagbahagi ng isang talata mula sa Doktrina at mga Tipan. Binanggit dito ang tungkol sa pasasalamat sa harap ng pagdurusa sa buhay na ito:

At siya na tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati; at ang mga bagay sa mundong ito ay idaragdag sa kanya, maging isandaang ulit, oo, higit pa.9


Ipinagdiwang ng mga Allies ang “Araw ng Tagumpay sa Europa” noong ika-8 ng Mayo 1945. Nasiyahan si Neal Maxwell sa balita, tulad ng iba pang mga sundalong Amerikano na nakikipaglaban upang masakop ang islang Hapones ng Okinawa. Ngunit ang kanilang mga pagdiriwang ay nabawasan sa katotohanan ng sarili nilang sitwasyon. Dahil ang mga piloto ng mga eroplanong kamikaze ay sumasalakay sa daungan ng Okinawa at nagpapaulan ng artilerya sa mga burol ng isla, alam ng mga Amerikanong kawal na matagal pa bago magwakas ang kanilang bahagi ng digmaan.

“Ito ay tunay na digmaan,” naisip ni Neal. Ang digmaan ay talagang kalagim-lagim kapag nararanasan kaysa sa mga inilalarawan ng mga pahayagan at pelikula. Napuspos siya ng kapanglawan at kapaitan.10

Ang Labanan sa Okinawa ay kaagad naging isa sa pinakamatitinding labanan sa Pasipiko. Naniniwala ang mga pinunong Hapones na ang isla ay ang kanilang huling tanggulan laban sa pagsalakay ng mga Amerikano sa pangunahing isla ng bansang Hapon, kaya nagpasiya silang gamitin ang lahat ng kanilang lakas militar upang ipagtanggol ang Okinawa.11

Si Neal at ang mga kawal na kasama niya ay inatasan sa isang dibisyon bilang pamalit. Noong ika-13 ng Mayo, sumulat siya sa Utah. Hindi siya pinahintulutang sabihin sa kanyang mga magulang ang mga detalye ng pagkakatalaga sa kanya, ngunit tiniyak niya sa kanila ang kanyang kapakanan. “Wala akong mga espirituwal na kompanyon, maliban sa Isa,” isinulat niya. “Alam ko na palagi Siyang nasa tabi ko.”12

Si Neal ay nasa isang iskwad ng mortar na nakatalagang magpaputok ng mga mapaminsalang bomba sa mga lugar ng kaaway na nakatago sa loob ng bansa. Habang siya at ang kanyang mga kapwa kawal ay naglalakad nang isang linya paakyat ng burol na tinatawag na Flat Top, nagsimulang magpaputok ang mga Hapones sa kanilang direksyon. Lahat ng lalaki ay humiga sa lupa at nanatiling hindi gumagalaw hanggang sa madama nilang ligtas na. Pagkatapos ay tumayo ang lahat—maliban sa isang malaking lalaking nagngangalang Partridge, na nasa harapan lamang ni Neal noong nagmamartsa sila.

“Sige na, tumayo ka na,” sabi ni Neal sa kanya. “Tara na, umalis na tayo.” Nang hindi pa rin gumagalaw ang lalaki, natanto ni Neal na napatay ito ng isang piraso ng shrapnel.13

Nabigla at nasindak, tulala si Neal nang ilang oras. Habang papalapit siya sa lugar ng labanan, mas lalong nagmumukhang walang buhay at tigang ang tanawin. Ang mga patay na bangkay ng mga sundalong Hapones ay nakahandusay sa lupa. Binalaan si Neal na ang lugar ay maaaring tinaniman ang mga bomba. Kahit hindi sumabog ang lupa sa ilalim ng kanyang mga paa, dinig naman ang malalakas na putok ng mga riple sa hangin sa kanyang ulunan.

Pumuwesto si Neal sa isang foxhole, at pagkaraan ng ilang araw ng palitan ng putukan, ginawang maputik ng malalakas na ulan ang bitak-bitak na lupa. Puno ng putik ang foxhole ni Neal, kaya halos imposibleng magpahinga habang sinisikap niyang matulog nang nakatayo. Kakaunti lamang ang mga rasyon ng pagkain ng militar para mapalis ang gutom, at ang tubig na natatanggap niya ay inaakyat sa burol sa labingsiyam na litrong tangke at laging lasang krudo. Maraming kawal ang umiinom ng kape upang takpan ang mapaklang lasa ng tubig, ngunit nais ni Neal na maging masunurin sa Word of Wisdom at tumanggi. Ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang makapag-ipon ng tubig-ulan, at tuwing Linggo, nagtatabi siya ng tubig na inipon niya at biskwit mula sa kanyang mga rasyon para sa sakramento.14

Isang gabi sa huling bahagi ng Mayo, tatlong bomba ng kaaway ang sumabog malapit sa posisyon ng maikling kanyon ni Neal. Hanggang sa sandaling iyon, hindi natagpuan ng mga Hapones ang lokasyon ng kanyang iskuwadra. Ngunit ngayon ay tila natunton na ng mga kalaban ang kanyang posisyon at papalapit na sa kanya. Nang sumabog ang isa pang bomba ilang metro lang ang layo, natakot si Neal na ang susunod ay matatagpuan na ang target nito.

Lumundag mula sa foxhole, nagtago siya sa isang maliit na burol. Pagkatapos, nang matanto na nasa panganib pa rin siya, nagmamadali siyang bumalik sa butas upang hintayin ang anumang maaring sumunod na mangyayari.

Sa putik at kadiliman, lumuhod si Neal at nagsimulang manalangin. Batid niya na hindi siya karapat-dapat sa anumang espesyal na pabor mula sa Diyos, at maraming mabubuting tao ang pumanaw matapos manalangin nang taimtim sa panahon ng digmaan. Gayunpaman, nakiusap siya sa Panginoon na iligtas ang kanyang buhay, nangangakong ilalaan ang kanyang sarili sa paglilingkod sa Diyos kung siya ay makakaligtas. Mayroon siyang kopya ng kanyang patriarchal blessing sa kanyang bulsa, at naisip niya ang sang pangakong nilalaman nito.

“Pangangalagaan kita laban sa kapangyarihan ng mangwawasak upang ang iyong buhay ay hindi mapaikli,” nakasaad sa basbas, “at upang hindi ka mapagkaitan ng pagtupad sa lahat ng tungkulin na ibinigay sa iyo sa premortal na kalagayan.”

Natapos ni Neal ang kanyang panalangin at tumingala sa kalangitan sa gabi. Tumigil na ang matitinding pagsabog, at lahat ay tahimik. Nang hindi nagpatuloy ang mga pagsabog, nadama niya sa kanyang kaluluwa na pinangalagaan ng Panginoon ang kanyang buhay.15

Hindi nagtagal, sumulat si Neal ng ilang liham sa kanyang pamilya. “Nalulungkot ako para sa inyo, kung minsan ay tila gusto kong umiyak,” sabi niya. “Ang kailangan ko lamang gawin ay maging karapat-dapat sa aking patriarchal blessing, sa inyong mga panalangin, at sa aking relihiyon. Ngunit ang panahon at maraming labanan ay mabigat na pasanin sa kaluluwa ng isang tao.”

“Masasabi ko lamang na kung minsan ay hinadlangan ng Diyos ang aking kamatayan,” isinulat niya. “Ako ay may patotoo na walang sinumang makakawasak.”16


Sa Europa, nagwakas na ang digmaan para kay Hanna Vlam at sa iba pang mga Banal na Dutch. Sa araw na sumuko ang Alemanya, sumama sila ng kanyang mga anak sa kanilang mga kaibigan at kapitbahay sa liwasang bayan upang umawit at sumayaw. Gumawa sila ng malaking siga gamit ang itim na materyal na nakabitin sa kanilang mga bintana, masayang pinapanood habang nagliliyab ang mga paalala ng mas mahihirap na araw.

“Salamat, salamat, O Panginoon,” naisip ni Hanna. “Naging napakabuti Ninyo sa amin.”

Ngayong tapos na ang pakikipaglaban, maraming tao sa mga kampo ng konsentrasyon at bilangguan ang pinalaya. Nakikipag-ugnayan si Hanna sa kanyang asawa noong nakabilanggo ito, at may dahilan siyang maniwala na nanatili itong ligtas. Gayunpaman, alam niya na hindi niya talaga maipagdiriwang ang katapusan ng digmaan hanggang sa makauwi sa kanilang bahay si Pieter kung saan ito nararapat.

Isang Linggo ng gabi noong unang bahagi ng Hunyo, sumulyap si Hanna sa bintana at nakita ang isang trak ng militar na humimpil sa harap ng kanyang bahay. Isang pinto sa trak ang bumukas at umibis si Pieter. Marahil ay nakamasid din ang mga kapitbahay ni Hanna, dahil tumakbo sila papunta sa pintuan ng harap ng bahay niya. Ayaw niyang buksan ito sa maraming tao, kaya hinintay niyang pumasok si Pieter nang mag-isa. At nang pumasok ito sa pintuan, masaya niya itong sinalubong.

Hindi nagtagal ay naglagay ang mga kapitbahay ng mga Vlam ng mga bandila sa kabuaan ng kalye upang ipagdiwang ang ligtas na pagbalik ni Pieter. Nakita ng labindalawang taong gulang na anak nina Hanna at Pieter na si Heber ang mga bandila at tumakbo pauwi sa bahay. “Nakauwi na po si Itay!” hiyaw niya.

Nang sumapit ang gabi, nagsindi si Hanna ng isang kandila na itinabi niya para sa gabi ng pag-uwi ni Pieter. Umupo ang pamilya Vlam sa harap ng nagniningning na liwanag, nakikinig habang ikinukuwento ni Pieter ang kanyang paglaya.17

Ilang buwan na ang nakararaan, nang pinalayas ng mga puwersang Soviet ang mga Aleman mula sa Ukraine, si Pieter at ang iba pang mga bilanggo ng Stalag 371 ay inilipat sa isang bagong bilangguan, sa hilaga ng Berlin. Ito ay marumi, malamig, at pinamumugaran ng peste. Pinuno ng grupo ng mga eroplanong pandigma ng mga Allied ang himpapawid, at ang kalangitan ay tila naging dagat ng dugo mula sa mga apoy na sumunog sa buong lunsod.

Isang araw noong Abril, isang bilanggo ang sumigaw sa ilang kawal na Soviet habang maingay silang dumaraan sa bilangguan sakay ng isang higanteng tangke. Tumigil ang mga kawal, ipinihit ang tangke, at sinagasaan ang bakod ng matinik na alambre, na nagpalaya kay Pieter at sa kanyang mga kapwa bihag. Bago sila naghiwalay ng landas, nagbigay si Pieter ng basbas ng priesthood sa lahat ng nagnanais nito. Ilan sa mga bilanggong nag-aral ng ebanghelyo kasama niya ay umuwi at sumapi sa Simbahan.18

Ngayon, kasama ang kanyang pamilya, nadama ni Pieter na tila nasa langit na siya. Para bang muli niyang nakasama ang mga mahal niya sa buhay na nasa kabilang panig ng tabing na, at nagalak siya sa mga sagradong ugnayan na nagbibigkis sa kanila sa kawalang-hanggan.19


Sa unang linggo ng Agosto 1945, nasa Pilipinas si Neal Maxwell, nagsasanay para sa paglusob sa pangunahing isla ng bansang Hapon kalaunan noong taglagas na iyon. Nabihag ng Estados Unidos ang Okinawa noong Hunyo, at bagama’t mahigit pitong libong sundalong Amerikano ang namatay, talagang malaki ang bilang ng mga sundalong Hapones ang nasawi. Mahigit isang daang libo sa kanilang mga kawal at libo-libong sibilyan ang namatay sa digmaan.20

Sa isang liham sa kanyang pamilya, mahinahon na sumulat si Neal, ang kanyang dating tapang ay nawala na. Wala na siyang ibang bagay na mas nais pa kundi tumigil ang labanan. “Matindi ang hangarin kong sirain ang bagay na ito na nagdudulot ng matinding pighati,” sabi niya tungkol sa digmaan. Naniwala siya na ang mensahe ni Jesucristo ay makapagdudulot ng walang-hanggang kapayapaan, at inasam niyang ibahagi ito sa iba. “Iyon ay isang pagkakataon na gusto ko higit kailanman,” isinulat niya.21

Matapos lisanin ang mga yunit na pinakamalapit sa mga labanan, nagsimulang makilahok si Neal sa mga pagtitipon ng mga kawal na mga Banal sa mga Huling Araw mula sa iba’t ibang yunit. Habang nasa Okinawa pa, natuwa siya sa ideya na makakasamba siyang muli kasama ang iba pang mga miyembro ng Simbahan. Ngunit nang sa wakas ay nagkaroon na siya ng pagkakataong dumalo sa isang pulong, natanto niya na ang mga lalaking inaasahan niyang makikita ay wala roon. Ang chaplain, isang Banal sa mga Huling Araw na nagngangalang Lyman Berrett, ay nagbigay ng nakapapanatag na mensahe, ngunit sa buong panahong ito ay itinutuon minsan ni Neal ang kanyang paningin sa pintuan, naghihintay na makita ang mga kaibigang naglalakad papasok. Ang ilan ay hindi na nakapunta.22

Sa panahong ito, nalaman ni Neal na pumanaw na si Pangulong Heber J. Grant. Sa loob ng limang taon mula nang inatake siya, palagiang nakikipagpulong si Pangulong Grant sa kanyang mga tagapayo at nagsalita nang ilang beses sa pangkalahatang kumperensya.23 Gayunman, hindi siya lubusang gumaling, at noong ika-14 ng Mayo 1945, pumanaw siya dahil sa atake sa puso sa edad na walumpu’t-walong taong gulang. Si George Albert Smith na ngayon ang pangulo ng Simbahan.24

Noong unang bahagi ng Agosto, nalaman ni Neal at ng iba pang mga kawal sa Pilipinas na isang eroplano ng Amerika, na kumikilos ayon sa direktang utos mula sa pangulo ng Estados Unidos, ang nagbagsak ng isang bomba atomiko sa Hiroshoma, isang lunsod sa bansang Hapon. Makalipas ang tatlong araw, isa pang eroplano ang nagbagsak ng gayon ding bomba sa lunsod ng Nagasaki.

Nang marinig ni Neal ang tungkol sa mga pambobomba, napuspos siya ng masayang pag-asa na siya at ang kanyang mga kapwa kawal ay hindi na kailangang salakayin ang pangunahing isla ng bansang Hapon. Kalaunan ay natanto niya kung gaano kasakim ang kanyang reaksyon. Mahigit isang daang libong katao, karamihan sa kanila ay mga sibilyang Hapones, ang nasawi sa mga pagsabog.25

Matapos sumuko ang bansang Hapon noong ika-2 ng Setyembre 1945, opisyal na natapos ang digmaang pandaigdig. Gayunman, pupunta pa rin si Neal sa bansang Hapon, bilang miyembro ng mananakop na Allied. Samantala, napansin ng kanyang mga opisyal ang talento niya sa pagsusulat at binigyan siya ng espesyal na atas na sumulat ng mga liham ng kapanatagan at kaaliwan sa mga pamilya ng mga nasawing sundalo.

“Ang alaala ng mahihirap na araw ay hindi naaalis sa isipan ng isang tao,” isinulat ni Neal sa kanyang pamilya, “lalo na kapag nagsusulat ka ng mga liham ng pakikiramay sa mga nagdadalamhating mahal sa buhay ng iyong mga kaibigan.” Bagama’t isang karangalan sa kanya ang responsibilidad, hindi siya nasisiyahan dito.26

Si Neal at halos isang milyong Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo ngayon ay nahaharap sa isang bagong bukas habang inuunawa nila kung paano muling magsisimula matapos makaranas ng labis na pighati, depresyon, at matinding kawalan. Sa huling mensahe ni Pangulong Grant sa publiko, na binasa nang malakas ng kanyang kalihim sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1945, nagbigay siya sa mga Banal ng mga salita ng kapanatagan at pananaw.

“Sa marami sa ating mga tahanan ay dumating ang kalungkutan,” sabi niya. “Palakasin nawa ang ating pang-unawa na kahit pinagpapala tayo hindi ibig sabihin nito na tayo’y maliligtas sa lahat ng kabiguan at kahirapan sa buhay.”

“Didinggin at sasagutin ng Panginoon ang mga dalangin natin sa Kanya at ibibigay ang ating mga hiling kung makabubuti iyon sa atin,” pahayag niya. “Hindi Niya pababayaan kailanman at hindi pa niya pinabayaan ang mga naglilingkod sa Kanya nang may buong layunin ng puso; ngunit dapat tayong maging laging handa sa pagsasabing ‘Ama, mangyari nawa ang Iyong kalooban.’”27

  1. Tingnan sa Kershaw, The End, 129–34, 155–61, 167–82; at Weinberg, World at Arms, 765–71.

  2. Minert, In Harm’s Way, 17, 20–21, 25, 27–33; Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 107, 110; Meyer, Interview [2016], 16.

  3. Meyer, Interview [2016], 8–13; Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 108; Kershaw, The End, 172–76; Minert, In Harm’s Way, 328.

  4. Mawdsley, World War II, 403; Weinberg, World at Arms, 819–24; Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 105, 110–12; Meyer, Interview [2016], 15; Mateo 18:20.

  5. Minert, In Harm’s Way, 44–45, 52; Meyer, Interview [2016], 4, 15–17; Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 112, 187–88.

  6. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 188–91; Birth, Mission Journal, Apr. 21, 1945; Minert, In Harm’s Way, 70; Large, Berlin, 374–76; Moorhouse, Berlin at War, 375–79; tingnan din sa Naimark, Russians in Germany, 10–17, 20–21, 78–85, 92–93, 100–101. Paksa: Pag-aayuno

  7. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 191; Weinberg, World at Arms, 825; Overy, Third Reich, 359–65; Antill, Berlin 1945, 80–81; Large, Berlin, 364.

  8. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 108, 117–18, 191. Ang bahagi ng sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “Hindi ako nagkaroon ng anumang partikular na damdamin sa puso ko. Naisip namin noon ang isang bagay na medyo naiiba sa salitang ‘kapayapaan’—tulad ng kagalakan at pagdiriwang—ngunit walang makikita na anumang ganyan”

  9. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 114, 194–95; Doktrina at mga Tipan 78:19.

  10. Overy, Third Reich, 365; Maxwell, Personal History, box 1, folder 3, 10. Paksa: Ikalawang Digmaang Pandaigdig

  11. Spector, Eagle against the Sun, 532–40; Costello, Pacific War, 554–61; Hafen, Disciple’s Life, 103–5.

  12. Maxwell, Personal History, box 1, folder 3, 10; Hafen, Disciple’s Life, 102, 105.

  13. Maxwell, Personal History, box 1, folder 3, 10–11; Maxwell, Oral History Interview [1976–77], 117; Hafen, Disciple’s Life, 106–7.

  14. Maxwell, Oral History Interview [1976–77], 117; Maxwell, Personal History, box 1, folder 3, 11–12; Hafen, Disciple’s Life, 107–9, 112; Freeman at Wright, Saints at War, 358.

  15. Hafen, Disciple’s Life, 109–10; Maxwell, Personal History, box 1, folder 3, 10, 12; Maxwell, Dictation, 3. Paksa: Mga Patriarchal Blessing

  16. Hafen, Disciple’s Life, 112; Neal A. Maxwell to Clarence Maxwell and Emma Ash Maxwell, June 1, [1945], Neal A. Maxwell World War II Correspondence, CHL.

  17. Wachsmann, Nazi Concentration Camps, 595–97; Bischof at Stelzl-Marx, “Lives behind Barbed Wire,” 330–31, 338–39; Vlam, Our Lives, 107, 109.

  18. Vlam, Our Lives, 105, 108; Vlam, History of Grace Alida Hermine Vlam, 9, 11; Gordon B. Hinckley, “War Prisoner Teaches Truth to Officers,” Deseret News, Mar. 30, 1949, Church section, 14.

  19. Vlam, Our Lives, 107.

  20. Maxwell, Personal History, box 1, folder 3, 13; Spector, Eagle against the Sun, 540; Mawdsley, World War II, 412; Weinberg, World at Arms, 882. Paksa: Pilipinas

  21. Hafen, Disciple’s Life, 114.

  22. Maxwell, Oral History Interview [1999–2000], 31; Maxwell, Personal History, box 1, folder 3, 13. Paksa: Servicemember Branches

  23. Tingnan din sa Heber J. Grant to Francesca Hawes, Dec. 6, 1944, Letterpress Copybook, tomo 83, 271, Heber J. Grant Collection, CHL; Heber J. Grant to M. J. Abbey, Jan. 22, 1945, First Presidency General Correspondence Files, CHL; Clark, Diary, Feb. 4 and 25, 1945; Mar. 11, 1945; Heber J. Grant, sa One Hundred Eleventh Semi-annual Conference, 95–97, 130–34; One Hundred Twelfth Annual Conference, 2–11, 97; One Hundred Fourteenth Annual Conference, 3–12; at One Hundred Fifteenth Annual Conference, 4–10.

  24. Death Certificate for Heber J. Grant, May 14, 1945, Utah Department of Health, Office of Vital Records and Statistics, Utah State Archives and Records Service, Salt Lake City. Mga Paksa: Heber J. Grant; George Albert Smith

  25. Costello, Pacific War, 589–93; Spector, Eagle against the Sun, 554–56; Maxwell, Oral History Interview [1999–2000], 30–31; Hafen, Disciple’s Life, 118.

  26. Spector, Eagle against the Sun, 559–60; Hafen, Disciple’s Life, 117–18. Paksa: Ikalawang Digmaang Pandaigdig

  27. J. Reuben Clark Jr., Heber J. Grant, sa One Hundred Fifteenth Annual Conference, 3–4, 6–7.