Kabanata 27
Ang Diyos ang Namamahala
“Pumunta ka sa bahay ko ngayong gabi. Nais kong may mapakinggan ka,” bulong ng labing-anim na taong gulang na si Helmuth Hübener sa kaibigan niyang si Karl-Heinz Schnibbe. Linggo ng gabi iyon noong tag-init ng 1941, at dumadalo ang mga binatilyo sa sacrament meeting kasama ang kanilang branch sa Hamburg, Alemanya.
Ang labimpitong taong gulang na si Karl-Heinz ay maraming kaibigan sa branch, ngunit mas masaya siyang makasama si Helmuth. Matalino ito at may kumpiyansa sa sarili—napakatalino kaya binansagan ito ni Karl-Heinz bilang “ang propesor.” Malakas ang patotoo at katapatan nito sa Simbahan, at mas madali nitong nasasagot ang mga tanong tungkol sa ebanghelyo. Dahil mahahaba ang oras sa trabaho ng kanyang ina, nanirahan si Helmuth kasama ang kanyang lolo’t lola, na mga miyembro din ng branch. Ang kanyang amain ay isang masigasig na Nazi, at ayaw ni Helmuth na makasama ito.1
Nang gabing iyon, tahimik na pumasok si Karl-Heinz sa apartment ni Helmuth at nakita niya ang kaibigang hukot na nakatutok sa radyo. “May shortwave ito,” sabi ni Helmuth. Karamihan sa mga pamilyang Aleman ay binigyan ng pamahalaang Nazi ng mas mumurahing radyo, na mas kaunti ang mga istasyon at limitado lamang ang nasasagap na programa. Ngunit ang kuya ni Helmuth, isang sundalo sa hukbong Aleman, ay inuwi ang mataas na kalidad na radyo na ito mula sa Pransya matapos sakupin ng mga puwersa ng mga Nazi ang bansa sa unang taon ng digmaan.2
“Ano ang naririnig mo riyan?” tanong ni Karl-Heinz. “Pransya?”
“Oo,” sabi ni Helmuth, “at Inglatera rin.”
“Naloloko ka na ba?” sabi ni Karl-Heinz. Batid niyang interesado si Helmuth sa kasalukuyang mga pangyayari at pulitika, ngunit ang pakikinig sa mga brodkast ng kaaway sa radyo noong panahon ng digmaan ay maaaring magpatapon sa isang tao sa piitan o kaya’y mabitay.3
Iniabot ni Helmuth kay Karl-Heinz ang isang dokumentong kanyang isinulat, puno ng balita tungkol sa mga tagumpay ng militar ng Britanya at Unyong Sobyet.
“Saan mo ito nakuha?” tanong ni Karl-Heinz matapos basahin ang papel. “Imposible ito. Ganap na kabaligtaran ito ng mga brodkast ng ating militar.”
Sumagot si Helmuth sa pamamagitan ng pagpatay ng ilaw at pagbubukas ng radyo, na pinanatiling mahina ang tunog nito. Palagiang nagsisikap ang hukbong Aleman na pigilan ang mga broadkast ng puwersang Allied, ngunit may binuong antena si Helmuth, kaya nagawang marinig ng mga binatilyo ang mga ipinagbabawal na brodkast mula sa Britanya.
Pagsapit ng ika-sampu ng gabi, isang tinig ang kumakaluskos sa dilim: “Inilalahad ng BBC London ang balita sa wikang Aleman.”4 Tinalakay ng programa ang isang bagong opensiba ng Alemanya sa Unyong Sobyet. Iniulat ng mga peryodikong Nazi ang kampanya bilang isang tagumpay, nang walang kinikilalang kawalan sa mga Aleman. Tahasang ibinalita ng mga Briton ang tungkol sa mga nasawi sa puwersang Allied at Axis.
“Naniniwala ako na nagsasabi sila ng totoo at tayo ay hindi,” sabi ni Helmuth. “Ang ating mga balita ay parang isang malaking pagyayabang—napakaraming propaganda.”
Nagulat si Karl-Heinz . Madalas sabihin ni Helmuth na hindi mapagkakatiwalaan ang mga Nazi. Nakibahagi pa siya sa mga talakayan sa pulitika kasama ang matatanda sa simbahan. Ngunit nag-atubili si Karl-Heinz na maniwala sa kanyang kaibigang tinedyer tungkol sa mga salita ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ngayon ay tila tama nga si Helmuth.5
Noong ika-7 ng Disyembre 1941, hinintay ni Kay Ikegami at ng kanyang pamilya na magsimula ang kanilang Sunday School sa wikang Hapones sa isang maliit na chapel sa Kalye King sa Honolulu, Hawaii. Nang unang dumalo si Kay sa klase kasama ang iba pang mga Banal na Hapones-Amerikano, maliit pa lang ito. Ngunit matapos maorganisa ang Japanese Mission sa Hawaii apat na taon na ang nakararaan, ang bilang ng mga Sunday School sa wikang Hapones ay naging lima sa Honolulu pa lamang. Si Kay ang tagapamahala ng Sunday School na nagpupulong sa Kalye King.6
Mas kakaunti ang mga tao sa klase kaysa karaniwan ngayong umaga. Habang hinihintay nilang magsimula ang miting, si Jay C. Jensen, na pumalit kay Hilton Robertson bilang pangulo ng Japanese Mission, ay nagmamadaling pumasok sa pinto. “Nilulusob ng bansang Hapon ang Pearl Harbor,” sabi niya.
Namutla ang mukha ni Kay. “Huh, naku,” sabi niya. “Hindi ito maaari.”7
Bagama’t isinilang sa bansang Hapon, nakatira si Kay sa Estados Unidos mula pa noong pagkabata niya, at ang kanyang sariling mga anak ay isinilang dito. Ang isiping sinasalakay ng kanyang katutubong bansa ang bansang itinuturing nila ng kanyang pamilya bilang tahanan ay labis na nakababahala.8
Noong ika-walo nang umagang iyon, dumadalo si Pangulong Jensen sa isa pang Sunday School sa wikang Hapones na nagpulong malapit sa Pearl Harbor, isang malaking base ng hukbong pandagat ng Estados Unidos malapit sa lunsod. Sa labas, ang mga eroplano ay lumilipad nang pabalik-balik nang magkakasama, at ang ilan sa kanila ay nagbabagsak ng bomba. Inakala niya na ang militar ng Estados Unidos ay nagsasagawa ng mga pagsasanay, kaya hindi niya ito gaaanong pinag-isipan ang nangyayaring kaguluhan. Gayunman, pag-uwi niya, nagmamadaling lumabas ang kanyang asawang si Eva at sinabi sa kanya na sinalakay ang Pearl Harbor.
May pag-aalinlangan, binuksan niya ang radyo—at nalaman niya na tama ito. “Huwag kayong lumabas sa mga lansangan!” babala ng isang tagapagbalita sa radyo. Ang mga eroplanong Hapones ay nasa himpapawid pa at nagbabagsak ng mga bomba. Ngunit nag-alala sila ni Sister Jensen tungkol kay Kay at sa kanyang Sunday School, kaya nagmamadali silang pumunta sa Kalye King.
“Umuwi na kayo agad at mag-ingat,” sabi ni Pangulong Jensen kay Kay. Mabilis na natapos ang klase at tumalilis ang lahat mula sa gusali. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, isang bomba na 100 metro ang layo ang bumagsak, na siyang tumupok ng ilang istruktura.9
Noong mga sumunod na araw, nagdeklara ng pakikidigma ang Estados Unidos laban sa bansang Hapon at sa kaalyado nito, ang Alemanya, na nagwakas sa pagiging walang kinikilingan ng Amerika sa tunggalian. Isinailalim ng pamahalaan ang Hawaii sa ilalim ng mahigpit na batas militar, isinara ang mga pampublikong paaralan, sensorado ang mga pahayagan, at sinisilip ang lahat ng papalabas na koreo. Lahat ng nasa kapuluan ay isinailalim sa isang karpyu, ngunit ang mga Hapones na hindi mamamayan ng Estados Unidos ay kailangang nasa kanilang tahanan tuwing ika-walo ng gabi, isang oras nang mas maaga kaysa sa lahat ng iba pang mga residente. Ipinagbawal din ng pamahalaan ang paggamit ng wikang Hapones sa publiko.10
Sa panahong ito, ang labinlimang taong gulang na anak ni Kay, si David, ay nabalisa dahil sa biglaang pagbabago sa buhay ng kanyang pamilya. “Walang kuwenta ang lahat ng araw,” isinulat niya sa kanyang journal. “Sana ay may pasok muli sa paaralan.” Tinangka niyang pumunta sa gusali ng kanyang paaralan, umaasang makuha ang librong hiniram sa aklatan sa kanyang locker, ngunit hinaharangan ng mga sundalo ang daan.
Nag-aalala tungkol sa mga mangyayaring pagsalakay ng bansang Hapon, nagsimulang magtayo ang mga tao ng maliliit na kanlungan sa ilalim ng lupa bilang proteksyon laban sa mga bomba ng kaaway. Hiniling ni Kay at ng kanyang asawang si Matsuye kay David na tulungan silang magtayo ng kanlungan sa kanilang likod-bahay. Nagsimula silang maghukay ng kanal para sa kanlungan mahigit isang linggo bago sumapit ang Pasko. Mahirap at mabagal ang gawain, lalo na kapag kinailangan nilang alisin ang mga bato mula sa lupa. Matapos makakuha ng karagdagang tulong, natapos ng pamilya ang pagtatayo ng kanlungan noong umaga ng Pasko.
Nakahinga nang maluwag si David na natapos na ang napakahirap na trabaho, subalit hindi niya magawang magsaya sa natitirang araw ng pista-opisyal. “Hindi mo madama ang saya dahil sa digmaan,” sabi niya.11
Ilang linggo na ang lumipas mula noong pambobomba, kung saan wala nang iba pang mga pag-atake. Ngunit mahirap iwasang tumingin sa kalangitan at hanapin ang mga eroplano na may sagisag ng bansang Hapon, ang sumisikat na araw.12
Isang Linggo ng gabi, sa Alemanya, hinintay nina Karl-Heinz Schnibbe at Rudi Wobbe na dumating si Helmuth Hübener para sa sacrament meeting sa Hamburg Branch.13 Sa nakalipas na ilang buwan, sina Karl-Heinz at ang labinlimang taong gulang na si Rudi ay kapwa tumutulong kay Helmuth na mamahagi ng mga polyetong kontra sa mga Nazi sa paligid ng lunsod. Bilang klerk ng branch, inilipat ni Helmuth ang makinilya ng branch sa kanyang bahay upang makapagsulat ng mga liham sa mga sundalong Banal sa mga Huling Araw, at madalas niya itong gamitin upang makagawa ng mga polyeto, na may matatapang na headline tulad ng “Hindi Nila Sinasabi sa Inyo ang Lahat” o “Hitler, ang Mamamatay-tao!”14
Ang pamamahagi ng mga polyeto ay pagtataksil, isang krimen na may parusang kamatayan, ngunit ang mga kabataang lalaki ay nagagawang makaiwas sa mga awtoridad. Gayunman, ang hindi pagpunta ni Helmuth sa simbahan ay nakababagabag. Inisip ni Karl-Heinz marahil ay maysakit ang kanyang kaibigan. Nagpatuloy ang pulong tulad ng dati hanggang sa hiniling ng branch president na si Arthur Zander, isang miyembro ng Partido Nazi, sa kongregasyon na manatili sa kanilang upuan pagkatapos ng pangwakas na panalangin.
“Isang miyembro ng ating branch, si Helmuth Hübener, ang dinakip ng Gestapo,” sabi ni Pangulong Zander. “Ang aking impormasyon ay lubhang hindi kumpleto, ngunit alam ko na ito ay tungkol sa pulitika. Iyon lamang.”15
Nagkatinginan sina Karl-Heinz at Rudi. Ang mga Banal na nakaupo malapit sa kanila ay nagbulungan sa gulat. Sang-ayon man sila kay Hitler o hindi, marami sa kanila ang naniniwala na tungkulin nilang igalang ang pamahalaan at ang mga batas nito.16 At alam nila ang anumang hayagang pagsalungat sa mga Nazi mula sa isang miyembro ng branch, gaano man ito maituturing na kabayanihan o may mabuting hangarin, ay maglalagay sa kanilang lahat sa panganib.
Habang nasa daan pauwi, nagtanong sa bawat isa ang mga magulang ni Karl-Heinz kung ano ang maaaring nagawa ni Helmuth. Hindi umiimik si Karl-Heinz. Siya, si Rudi, at si Helmuth ay nangako sa bawat isa na kung mayroon sa kanilang dadakpin, aakuin ng taong iyon ang lahat ng sisi at hindi papangalanan ang iba. Nagtitiwala si Karl-Heinz na igagalang ni Helmuth ang kanilang sumpaan, ngunit natatakot siya. Ang Gestapo ay kilala sa pagpapahirap sa mga bilanggo upang makuha ang impormasyong nais nila.17
Makalipas ang dalawang araw, nasa trabaho si Karl-Heinz nang pagbuksan niya ang kumakatok sa pinto. Ipinakita sa kanya ng dalawang kinatawan ng Gestapo na may suot na mahabang katad ang kanilang mga tsapa.
“Ikaw ba si Karl-Heinz Schnibbe?” tanong ng isa sa kanila.
Sumagot ng oo si Karl-Heinz.
“Sumama ka sa amin,” sabi nila habang inaakay siya sa isang itim na si Mercedes. Hindi nagtagal ay natagpuan ni Karl-Heinz ang kanyang sarili sa likod na upuan na nakasiksik sa pagitan ng dalawang kinatawan habang papunta sila sa kanyang apartment. Sinubukan niyang iwasang ipahamak ang kanyang sarili nang tanungin nila siya.
Nang sa wakas ay dumating sila sa kanyang tahanan, nagpasalamat si Karl-Heinz na nasa trabaho ang kanyang ama at ang kanyang ina ay nasa dentista. Ginalugad ng mga kinatawan ang apartment nang isang oras, binuklat-buklat ang mga aklat at sinisilip ang ilalim ng mga kama, ngunit naging maingat si Karl-Heinz na huwag magdala ng anumang ebidensya sa tahanan. Wala silang natagpuan.
Ngunit hindi nila siya pinakawalan. Sa halip, isinakay nila siyang muli sa kotse. “Kapag nagsinungaling ka,” sabi ng isa sa mga kinatawan, “mata mo lang ang walang latay.”18
Nang gabing iyon, dumating si Karl-Heinz sa isang bilangguan sa labas ng Hamburg. Matapos siyang ihatid sa kanyang selda, isang opisyal na may dalang patpat at baril ang nagbukas ng pinto.
“Bakit ka narito?” marahas na tanong ng opisyal.
Sumagot si Karl-Heinz na hindi niya alam.
Sinuntok siya ng opisyal sa kanyang mukha gamit ang susian nito. “Kilala mo ba ako?” sigaw nito.
“Hindi po,” sagot ni Karl-Heinz, takot na takot. “Este, opo!”
Muli siyang binugbog ng opisyal, at sa pagkakataong ito ay bumigay sa sakit si Karl-Heinz. “Nakikinig raw ako di-umano sa brodkast ng kaaway,” sabi niya.19
Nang gabing iyon ay umasa si Karl-Heinz ng kapayapaan at katahimikan, ngunit hindi tumitigil ang mga opisyal sa biglang pagbubukas ng pintuan, binubuksan ang mga ilaw, at sa pagpilit sa kanyang tumakbo papunta sa dingding at bigkasin ang kanyang pangalan. Nang sa wakas ay iniwan nila siya sa gitna ng dilim, pagod na pagod na ang kanyang mga mata. Subalit hindi siya makatulog. Naisip niya ang kanyang mga magulang at kung gaano sila nag-aalala. Mayroon kaya silang anumang ideya na isa na siyang bilanggo ngayon?
Pagal sa katawan at kaluluwa, ibinaling ni Karl-Heinz ang kanyang mukha sa kanyang unan at tumangis.20
Noong Pebrero 1942, umupo si Amy Brown Lyman sa harapan ng mikropono sa madilim na silid ng Salt Lake Tabernacle, naghahandang magrekord ng isang espesyal na mensahe para sa ikasandaang anibersaryo ng Relief Society. Iilang tao lamang ang naroon upang saksihan ang kanyang pagrerekord, at ang kanyang tatlumpung taon na pagiging lider ng Relief Society ang nagbigay sa kanya ng maraming oportunidad na magsalita sa harap ng publiko. Pero ito ay bagong karanasan, at kinakabahan siya.21
Si Amy ay naitalaga bilang pangkalahatang pangulo ng Relief Society noong ika-1 ng Enero 1940, ilang linggo lang bago nagkaroon ng stroke si Heber J. Grant. Mula noon, patuloy na gumanda ang kalusugan ni Pangulong Grant.22 Subalit ang kaligtasan at kapakanan ng mga tao sa buong mundo ay hindi kailanman naging mas mapanganib pa. Lumaganap ang digmaan sa halos lahat ng bahagi ng mundo habang ang Inglatera, Estados Unidos, Unyong Sobyet, Tsina, at kanilang mga kakampi ay nakikipaglaban sa mga puwersa ng Alemanya, Italya, Hapon, at kanilang mga kaalyado.23
Habang naghahanda ang mga sundalong Amerikano na makipaglaban sa ibayong-dagat, hiniling ng pamahalaan ng Estados Unidos sa mga mamamayan nito na magsakripisyo upang suportahan ang digmaan. Noong Enero, ibinalita ng Unang Panguluhan na ang mga organisasyon ng Simbahan tulad ng Relief Society ay dapat kanselahin ang lahat ng kumbensyon ng stake sa Canada, Mexico, at Estados Unidos upang mabawasan ang mga gastusin at makatipid sa gasolina.24
Dahil dito, nag-rekord si Amy ng kanyang mensahe sa halip na ibigay ito nang personal. Noong una, siya at ang iba pang mga lider ng Relief Society ay inaasahang magdaraos ng isang malaking pagdiriwang ng sentenaryo noong Marso 1942, ang anibersaryo ng unang Relief Society sa Nauvoo. Nagplano rin ang Relief Society na magdaos ng isang tatlong araw na kumperensya noong Abril, magtaguyod ng siyam na pagtatanghal ng isang palabas na tinatawag na Siglo ng Liwanag ng Babae [Woman’s Century of Light], at magdaos ng isang konsiyerto ng isang libo at limandaang “umaawit na mga ina” sa Tabernacle.25
Matapos kanselahin ang mga palabas na iyon, hinikayat ng pangkalahatang lupon ng Relief Society ang bawat ward at branch na magdaos ng sarili nilang maliliit na pagtitipon at isiping magtanim ng isang “puno ng sentenaryo” bilang paraan ng paggunita sa okasyon.26
Nagpasiya rin ang lupon na magpadala ng ponograpo na 30 sentimetro ang laki na naglalaman ng mga salita ni Amy at ng maikling mensahe mula kay Pangulong Grant sa lahat ng Relief Society sa Estados Unidos, Mexico, at Canada. Bagama’t naging mahirap ang pagpapadala ng mga rekord sa kababaihan sa ibang mga bansa dahil sa digmaan, nagplano ang Relief Society na magpadala sa kanila ng mga rekord kapag mas mabuti na ang sitwasyon.27
Nang dumating ang panahon para ibigay ang kanyang talumpati, malinaw na nagsalita si Amy sa mikropono. “Bagama’t ang mga anino ng digmaan ay nagpapalaganap ng kadiliman sa maraming lupain,” sabi niya, “ang isandaang kaarawang ito ay hindi nalilimutan.” Pagkatapos ay binanggit niya ang napakalaking gawain ng Relief Society, ang kasaysayan nito ng paglilingkod at pananampalataya, at ang mga hamon sa kasalukuyang panahon.
“Noong 1942, sa pagsisimula natin ng bagong siglo ng Relief Society,” sabi niya, “nakikita nating napupuno ng kaguluhan at ligalig ang mundo. Malinaw na ang mga tao sa lahat ng dako ay kailangang magsakripisyo—magsakripisyo na kung saan ang bigat at lawak nito ay hindi pa natatanto ng marami.”
“Sa mga panahong ito ay hindi matatagpuan ang kababaihan ng Relief Society na nagkukulang,” pagpapatuloy niya, “at hindi sila mag-aalinlangan kundi sa wakas ay magtatagumpay ang kaalaman at kapayapaan laban sa kamangmangan at digmaan.”28
Matapos ang kanyang mensahe, ipinagpasalamat ni Amy na nagawa niyang makipag-ugnayan sa mga babaeng nakatira nang libu-libong kilometro ang layo—kababaihang hindi makakapunta sa mga kumperensya at palabas sa Lunsod ng Salt Lake, maging sa panahon ng kapayapaan.
Inasahan na ni Amy na ang 1942 ay magiging taon ng kagalakan sa buong Simbahan para sa Relief Society. Sa halip, tiyak na magiging taon ito ng sakripisyo, pagdurusa, at pagtanggap ng mga bagong responsibilidad. Gayunpaman, nang ang kanyang mensahe ay ipinarating sa kababaihan ng Relief Society, hinikayat niya sila na magtiwala sa Panginoon at gawin ang Kanyang layunin.
“Muli nating ilaan ang ating sarili sa ating espesyal na gawain at misyon,” sabi niya, “at sa pagsulong ng ebanghelyo ng ating Panginoon at Panginoong Jesucristo.”29
Samantala, sa Tilsit, Alemanya, sinuportahan ng dalawampu’t isang taong gulang na si Helga Meiszus ang digmaan sa pamamagitan ng paghahatid ng mga streusel na keyk sa mga sundalo at pagbisita sa mga nasugatang kawal tuwing Linggo sa pagitan ng kanyang mga pulong sa Simbahan. Isang araw, habang bumibisita sa isang kalapit na ospital, nakilala niya ang isang sugatang kawal na Banal sa mga Huling Araw na nagngangalang Gerhard Birth. Hindi nagtagal ay tumatanggap na siya ng sunud-sunod na liham mula dito.
Bagama’t minsan lang sila nagkita, inanyayahan ni Gerhard si Helga na pumunta sa kanyang bayang sinilangan at magdiwang ng Pasko kasama ang kanyang pamilya. Noong una, hindi inisip ng dalaga na dapat niyang tanggapin ang paanyaya. Pagkatapos ang kanyang kapatid na si Siegfried, na kasama niyang nagtatrabaho sa isang lokal na klinika ng salamin sa mata, ay nagpabago sa kanyang isipan. “Sila ay mga miyembro ng Simbahan, at inanyayahan ka nila,” sabi niya. “Bakit ayaw mong pumunta?”30
Sa wakas ay nagpunta si Helga at nasiyahang makilala si Gerhard at ang malaking pamilya nito. Malinaw na nagmamahal sa kanya ang binata, ngunit hindi niya nakikita ang pagbukadkad ng kanilang relasyon nang higit pa sa kung ano ito ngayon.31 Nahaharap sa digmaan at walang katiyakan sa hinaharap, madalas na nagmamadaling mag-asawa ang mga kabataan. Kung iyon din ang gagawin ni Helga, maaring magiging kaunti lamang ang oras nila ni Gerhard bago ito bumalik sa labanan. At sa mga nangyayari sa digmaan, lumalabas na hindi ito pumapabor sa Alemanya. Sinalakay ni Hitler ang Unyong Sobyet noong Hunyo 1941, ngunit ilang linggo bago sumapit ang Pasko, ang hukbong Sobyet at isang malupit na taglamig sa Rusiya ay nagpataboy sa mga Nazi paalis ng Moscow.32
Hindi nagtagal matapos bumalik si Helga sa Tilsit, tumanggap siya ng liham mula kay Gerhard, sa pagkakataong ito ay may mungkahi na ng kasal. Isinulat niya ang kanyang tugon, hindi sineseryoso ang mungkahi nito. Ngunit sa sumunod na liham nito, binigyang-katiyakan nito ang kanyang katapatan. “Magpakasal tayo,” isinulat ng binata.
Nag-atubili si Helga noong una, ngunit kalaunan ay tinanggap niya ang alok. Nagkagusto at napahanga siya kay Gerhard. Ang binata ang panganay sa labing-isang anak at tapat sa kanyang mga magulang at sa Simbahan. Maganda rin ang natanggap niyang edukasyon, napakaraming ambisyon, at napakahusay umawit. Nakita niya ang kanilang sariling magkasamang tinatamasa ang magandang buhay.
Kalaunan, isang araw ng Linggo, umuwi si Helga mula sa isang pulong ng Simbahan at nakakita ng telegrama mula kay Gerhard sa kanyang hulugan ng sulat. Tinawag ito upang bumalik sa labanan, at sa lahat ng maaaring daanan ng tren papuntang Unyon Sobyet, sa Tilsit pa ito dumaan. Nais ni Gerhard na magkita siya sa istasyon ng tren at pagkatapos ay magpakasal sa bayan.
Ang ideya na mag-isa siyang pupunta sa istasyon upang makipagkita sa isang kawal ay nakakahiya para kay Helga, kaya hiniling niya sa isang kaibigan na nagngangalang Waltraut na samahan siya. Sa itinakdang araw, natagpuan nila si Gerhard sa istasyon kasama ang isang grupo ng mga sundalo. Tila masaya itong makita siya, ngunit binati niya ito ng isang simpleng pagkamay. Pagkatapos ay bumaling si Helga kay Waltraut, marahil umaasang mapapagaan ang nakakaasiwang muling pagkikita, ngunit naglaho si Waltraut, at naiwan silang mag-isa.
Tumanggap si Gerhard ng pahintulot na manatili sa Tilsit nang ilang araw habang papunta sa labanan ang kanyang yunit. Noong ika-11 ng Pebrero 1942, nagpunta sila ni Helga sa hukuman upang magpakasal. Malamig ngunit maganda sa labas, at habang naglalakad sila, naririnig nila ang malutong na niyebe sa kanilang talampakan. Sa hukuman, sinamahan sila ng mga kapamilya at kaibigan mula sa branch para sa seremonya.
Nang sumunod na Linggo, umawit si Gerhard ng isang solo sa simbahan. Lubhang mas maliit na ngayon ang Tilsit Branch dahil marami sa kalalakihan ang tinawag upang maging kawal. Ang sariling ama ni Helga ay pinatawag kaagad matapos ang paglusob sa Poland, bagama’t nakauwi na ito. Ang kanyang kapatid na si Siegfried ay sapat na ang edad upang lumaban, at hindi magtatagal ay gayundin ang kanyang kapatid na si Henry.
Habang nakikinig si Helga sa pag-awit ni Gerhard, naantig siya. “Ang mga kasiyahan sa buhay ay agad ding lilipas,” ang mga titik ng himno ay nagpapaalala sa maliit na branch. “Kakaunti lamang ang kagalakan nito.”
Pagkatapos ng pulong, inihatid ni Helga ang kanyang asawa sa istasyon ng tren, at nagpaalam sila sa isa’t isa. Halos araw-araw siyang pinapadalhan ng liham ni Gerhard sa loob ng isang buwan at kalahati. Kalaunan, ilang linggo matapos tumigil ang pagdating ng mga liham nito, natanggap niya ang balita na napatay ito sa labanan.33
Noong Abril na iyon, tumayo si Pangulong J. Reuben Clark sa harapan ng isang maliit na grupo ng manonood ng pangkalahatang kumperensya sa Assembly Hall at Temple Square. Dahil sa mga limitasyon sa paglalakbay, tanging mga general authority at stake presidency lamang ang personal na dumalo sa pulong. Ang mga Banal na nakatira sa Utah at sa karatig na lugar ay maaaring makinig sa radyo, samantalang ang mga naninirahan sa mas malayo ay kinailangang maghintay na mailathala at maipamahagi ang mga mensahe sa ulat ng kumperensya ng Simbahan. Samantala, ang mga Banal na naninirahan sa ilang bansang matindi ang labanan ng digmaan ay hindi na makakapakinig ng mga mensahe. Gayunpaman, nadama ni Pangulong Clark na ang kanyang mensahe, na ibinigay sa ngalan ng Unang Panguluhan, ay dapat makarating nang direkta sa lahat ng Banal sa mga Huling Araw, saanman sila nakatira.
“Sa kasalukuyang digmaan, ang mabubuting kalalakihan ng Simbahan sa magkabilang panig ay nagsipanaw na, ang ilan ay taglay ang dakilang kabayanihan, para sa kapakanan ng kanilang sariling bansa,” pahayag niya.34 Ang kanyang manugang na si Mervyn Bennion ay isa sa mga taong pumanaw nang salakayin ng mga Hapones ang Pearl Harbor apat na buwan pa lang ang nakararaan. Minahal ni Pangulong Clark si Mervyn tulad ng isa sa kanyang sariling mga anak, at labis siyang nalungkot sa kamatayan nito. Ngunit mahirap man ang pagkamatay ni Mervyn, napanatag ng Espiritu si Pangulong Clark sa kanyang pagdadalamhati, at alam niyang hindi siya maaaring magpatangay sa galit, hinanakit, o paghihiganti.35
“Kaaba-aba ang kasasapitan ng mga taong nagtatanim ng pagkapoot sa puso ng mga kabataan at ng mga tao,” sabi niya. “Ang pagkapoot ay dulot ni Satanas; ang pag-ibig ay nagmula sa Diyos. Dapat nating itaboy ang poot sa ating mga puso, sa bawat isa sa atin, at huwag na itong papasuking muli.”
Pagkatapos ay binanggit niya ang bahagi 98 ng Doktrina at mga Tipan: “Samakatwid, talikuran ang digmaan at ipahayag ang kapayapaan.” Ang sigalutan sa pagitan ng mga bansa ay dapat maayos nang mapayapa, ipinahayag niya. “Ang Simbahan ay at dapat maging tutol sa digmaan.”36
Ang mga labanan ay nagdulot ng pighati at pagdurusa sa buhay ng mga Banal sa buong mundo at hinadlangan ang pag-unlad ng Simbahan. Ang mga Banal sa Europa at ang mga missionary na naglingkod sa kanila ay ginugol ang dalawang dekada mula noong huling digmaan sa pagbabahagi ng ebanghelyo at pagpapatatag ng Simbahan. Ngayon maraming branch ang nahihirapang manatiling magkakasama.
Nahirapan din ang mga Banal sa Estados Unidos, bagama’t hindi sa parehong antas. Nilimitahan ng pagrarasyon ng pamahalaan sa gasolina at goma ang dalas ng pagtitipon ng mga Banal. Lahat ng lalaki na nasa edad na labingwalong taong gulang hanggang animnapu’t apat ay kailangang magpalista upang maglingkod sa militar. Hindi nagtagal ay mas kakaunti na ang mga kabataan na maaaring maglingkod bilang missionary, at nilimitahan ng mga lider ng Simbahan ang gawaing misyonero na full-time sa Hilaga at Timog Amerika at sa mga Isla ng Hawaii.37
Tutol man ang Unang Panguluhan sa digmaan, nauunawaan din nila na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may tungkuling ipagtanggol ang mga bansa kung saan sila nakatira. At sa kabila ng matinding pangungulila sa kanyang manugang dahil sa biglaang pagsalakay ng kaaway, binigyang-diin ni Pangulong Clark na ang mga Banal sa magkabilang panig ng digmaan ay nabigyang-katwiran sa pagtugon sa tawag ng kani-kanilang mga bansa.
“Ang Simbahang ito ay isang pandaigdigang Simbahan. Ang matatapat na miyembro nito ay nasa magkabilang panig,“ sabi niya. “Bawat panig ay naniniwalang sila ay nakikipaglaban para sa bayan, at bansa, at kalayaan. Sa bawat panig, ang ating mga kapatid ay nananalangin sa parehong Diyos, sa iisang pangalan, para sa tagumpay. Ang dalawang panig ay hindi maaring lubusang tama; marahil kapwa may mga kamalian.”
“Sa huli ay pagpapasiyahan ng Diyos sa Kanyang sariling takdang panahon at sa Kanyang sariling paraan kung ano ang tama at makatarungan sa larangan ng digmaan,” pahayag niya. “Ang Diyos ang namamahala.”38