Ang Buhay at Ministeryo ni George Albert Smith
Isang araw noong nanunungkulan siya bilang Pangulo ng Simbahan, may nagpadala ng retrato kay George Albert Smith na may kasamang maikling sulat na nagsasabing, “Ipinadala ko po ito sa inyo dahil ito po ay larawan ng isang taong pinaniniwalaan naming naglalarawan sa inyong pagkatao.” Retrato iyon ni Pangulong Smith na bumibisita sa isang ina at sa apat na batang anak nito. Sa partikular na araw na iyon, nagmamadali si Pangulong Smith para makahabol sa tren nang pigilin siya ng ina, sa pag-asang magkaroon ng pagkakataon ang kanyang mga anak na makamayan ang isang propeta ng Diyos. Kinuhanan ng retrato ng isang nagmamasid ang sandaling iyon.
Sabi pa sa sulat, “Kaya namin iniingatan [ang retratong ito] ay dahil, kahit napakaabala ninyo, kahit nagmamadali kayong makasakay sa kotse at makahabol sa naghihintay na tren, nag-abala pa rin kayong kamayan ang bawat bata sa pamilyang ito.”1
Ang kabaitang tulad nito ang katangian ng buhay at ministeryo ni George Albert Smith. Sa pagpapakita man ng pagmamahal at paghihikayat sa isang kapitbahay na nag-aalinlangan sa kanyang pananampalataya o sa pag-oorganisa ng malawakang pagkakawanggawa para mapakain ang libu-libong tao, ipinamuhay ni George Albert Smith ang utos ng Tagapagligtas na, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Marcos 12:31).
Mga Unang Taon, 1870–90
Si George Albert Smith ay isinilang noong Abril 4, 1870, kina John Henry at Sarah Farr Smith sa isang simpleng tahanan sa Salt Lake City. Ang pamilya Smith ay may dakilang pamana ng paglilingkod sa kaharian ng Diyos. Ang ama ni George Albert ay naglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol at sa Unang Panguluhan. Ang kanyang lolo at kapangalan niya, si George A. Smith, ay pinsan ni Propetang Joseph Smith at kabilang sa mga unang pioneer na Banal sa mga Huling Araw na pumasok sa Salt Lake Valley noong 1847; si George A. Smith ay isa ring Apostol at tagapayo kay Pangulong Brigham Young. Ang lolo-sa-tuhod ni George Albert na si John Smith ay naglingkod bilang Patriarch sa Simbahan at bilang unang stake president sa Salt Lake City. At ang kanyang lolo sa ina, na si Lorin Farr, ang unang mayor o punong-bayan ng Ogden, Utah, at unang stake president sa lungsod na iyon.
Minahal at hinangaan ni George Albert Smith ang kanyang mga magulang. Pinasalamatan niya ang kanyang ama sa pagtuturo sa kanya na tumulong sa mga nangangailangan,2 at pinuri ang kanyang ina sa mga sakripisyo nito sa pagpapalaki sa kanyang pamilya sa ebanghelyo. “Kahit mahirap kami,” paggunita niya, “at nasa misyon ang aking ama noong limang taong gulang ako, hinding-hindi ko maalala na narinig kong nagreklamo ang aking ina, at hinding-hindi ko siya nakitang umiyak dahil sa aming kalagayan. Wala pa akong nakilala na kasingtalino niya sa paghawak ng pera. …
“… Noong nasa misyon ang aking ama, si Inay ang umako sa kanyang tungkulin, at siya talaga ang namuno sa tahanan habang wala si Itay. Lagi kaming nagdarasal, at nagbabasbas ng pagkain, at kapag mayroong maysakit, tinatawag niya ang mga elder, dahil malaki ang pananampalataya niya sa mga ordenansa ng ebanghelyo. Lagi siyang nagbabayad ng buong ikapu, at ang alam ko, hinding-hindi pumasok sa isipan niya na baka may mali at hindi totoo ang ‘Mormonismo.’ Naniniwala siya rito nang buong kaluluwa niya.”3
Higit sa lahat, naalala ni George Albert Smith na tinuruan siya ng kanyang ina na manalangin at magtiwala na sasagot ang Diyos: “Kapag iniisip ko ang impluwensya ng aking ina noong ako ay [bata] pa nakadarama ako ng matinding paggalang at naiiyak ako. … Parang kahapon lang, naaalala ko na hinawakan niya ang kamay ko at umakyat kami sa ikalawang palapag. Doon ay lumuhod ako sa kanyang harapan at hinawakan ang kanyang kamay habang tinuturuan niya akong manalangin. Salamat sa Diyos para sa mga inang nasa puso ang diwa ng Ebanghelyo at may hangaring tumulong o pagpalain ang iba. Kaya kong ulitin ang panalanging iyon ngayon kahit napakatagal na mula nang natutuhan ko ito. Nagbigay ito sa akin ng katiyakan na mayroon akong Ama sa Langit, at ipinaalam sa akin na nakikinig at sumasagot Siya sa panalangin. Nang lumaki na ako nakatira pa rin kami sa dalawang-palapag na bahay na yari sa kahoy at kapag malakas ang hangin umuuga ito na para bang matutumba ito. Kung minsan takot na takot akong matulog. Kama ko lang ang nasa maliit na silid, at maraming gabing bumabangon ako at lumuluhod at humihiling sa aking Ama sa Langit na pangalagaan ang bahay namin, ingatan ito para hindi ito masira at muli akong babalik sa maliit kong kama na nakatitiyak na pangangalagaan ako mula sa kasamaan na para bang hawak ko ang kamay ng aking Ama.”4
Sa paggunita sa kanyang kabataan, sabi ni George Albert Smith:
“Nabuhay sa kahirapan ang aking mga magulang, ngunit pinupuri ko ang aking Lumikha at pinasasalamatan siya nang buong puso sa pagpapadala sa akin sa kanilang tahanan.
“… Nalaman ko noong bata pa ako na ito ang gawain ng Panginoon. Nalaman ko na may mga propetang nabubuhay sa mundo. Nalaman ko na ang inspirasyon ng Maykapal ay makaiimpluwensya sa mga taong namumuhay sa paraan na matatamasa ito.
“… Nagpapasalamat ako sa aking pagkapanganay, sa mga magulang na nagturo sa akin ng ebanghelyo ni Jesucristo at nagpakita ng halimbawa sa kanilang tahanan.”5
Kilalang masayahin at mahilig maglaro ang batang si George Albert. Nagustuhan ng mga kaibigan ang kanyang pagiging masayahin, at natutuwa siyang aliwin sila gamit ang harmonica, banjo, at gitara at sa pagkanta ng nakakatawang mga awitin. Subalit nagkaroon din siya ng mga karanasan na tumulong sa kanya na maging lubos na responsable na kahanga-hanga sa kanyang murang edad. Noong 12 taong gulang si George Albert, nag-aral siya sa Brigham Young Academy, kung saan tumanggap siya ng ilang payo na magkakaroon ng malaking epekto sa kanyang buhay. Kalaunan ay ginunita niya:
“Mapalad ako na naging guro ko si Dr. Karl G. Maeser, ang mahusay na guro na unang nagplano ng malalaking paaralan ng ating Simbahan. … Hindi ko masyadong maalala ang sinabi noong taon na naroon ako, ngunit may isang bagay na marahil ay hinding-hindi ko malilimutan. Maraming beses ko na itong nabanggit. … Isang araw ay tumayo si Dr. Maeser at sinabi niyang:
“‘Hindi lamang kayo mananagot sa mga bagay na ginagawa ninyo, kundi mananagot rin kayo sa mga bagay mismo na iniisip ninyo.’
“Dahil bata pa, at hindi ko ugaling pigiling masyado ang aking mga iniisip, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, at nag-alala ako. Sa katunayan, natanim ito nang husto sa aking isipan. Pagkaraan ng mga isang linggo o sampung araw bigla kong naunawaan ang ibig niyang sabihin. Nakita ko ang dahilan niyon noon. Bigla kong naisip ang interpretasyon o pakahulugang ito sa sinabi niya: Aba, siyempre, mananagot ka sa mga iniisip mo dahil kapag nagwakas na ang buhay mo sa mundo, ang buhay mo ang magiging kabuuan ng mga iniisip mo. Ang mungkahing iyon ay naging malaking pagpapala sa aking buhay, at nakaya kong iwasan sa maraming pagkakataon ang pag-iisip nang masama dahil alam ko na kapag nagwakas na ang buhay ko, ako ang magiging produkto ng aking mga iniisip.”6
Binalikat ng batang si George Albert ang malalaking responsibilidad sa tahanan noong 1882 nang ang kanyang ama, na dalawang taong nagsilbi noon sa Korum ng Labindalawa, ay tinawag bilang pangulo ng European Mission. Dahil sa wala si John Henry, kinailangang tumulong ni George Albert sa pagtataguyod sa pamilya. Noong siya ay 13 taong gulang, nag-aplay siya sa planta at department store na pag-aari ng Simbahan sa Salt Lake City, ngunit sinabi ng manager na hindi nila kayang magpasuweldo ng isa pang tao. Sumagot si George Albert na hindi siya nagpapabayad, magtatrabaho lamang siya. Dagdag pa niya, “Alam ko na kung may halaga ako, babayaran ako.”7 Dahil sa kanyang positibong pag-uugali, napasok siya bilang manggagawa sa pabrika sa halagang $2.50 sa isang linggo, at dahil sa kanyang magandang trabaho, hindi naglaon ay tumaas ang posisyon niya sa kumpanya.
Noong siya ay 18 taong gulang, nakakita siya ng trabaho sa isang railway surveying party. Habang nagtatrabaho rito, napinsala ang mata niya sa tama ng sikat ng araw sa buhanginan ng disyerto. Tuluyang napinsala ang paningin ni George Albert, kaya nahirapan siyang magbasa at nagpahirap ito sa buong buhay niya.
Paglilingkod sa Misyon at Pag-aasawa, 1891–94
Noong Setyembre 1891 tinawag ni Pangulong Wilford Woodruff si George Albert Smith na maglingkod nang maikling panahon sa katimugang Utah. Ang partikular niyang tungkulin ay makipagtulungan sa mga kabataan ng Simbahan sa lugar na iyon. Nang sumunod na apat na buwan tumulong sila ng kanyang kompanyon sa pagbuo ng mga organisasyon ng mga kabataan sa mga stake at ward, nagsalita sa napakaraming pulong, at hinikayat ang mga kabataan na ipamuhay ang mga pamantayan ng Simbahan.
Pagkauwi mula sa kanyang misyon, patuloy na niligawan ni George Albert ang kanyang mahal na kababatang si Lucy Woodruff, na apo ni Pangulong Wilford Woodruff. Lumaki silang magkapitbahay, at napansin ni Lucy ang pagkakaroon ng magagandang katangian ni George Albert. Itinala niya sa kanyang diary ang kanyang paghanga rito: “Ngayong gabi nahiga ako na nagpapasalamat sa Diyos … at nananalangin na bigyan niya ako ng lakas na maging higit na karapat-dapat sa pag-ibig ng isang tao na matibay kong pinaniniwalaan na isa sa pinakamagagaling na binatang nabubuhay sa daigdig. Naluluha ako sa kanyang kabutihan at kabaitan.”8
Ngunit maraming tagahanga si Lucy, at ang ilan sa mga ito ay napakayayaman at mamahalin ang ibinibigay na mga regalo sa kanya. Sa kabilang dako, naakit si Lucy kay George Albert dahil sa katapatan nito sa Panginoon. Sinulatan siya ni George Albert, “Kung interesado kang pakasalan ang isang tao dahil sa pera hindi ako iyon, dahil matagal ko nang naipasiya na hindi ko ilalaan ang sarili ko o ang buhay ko o ang panahon ko sa pagpapayaman kundi sa paglilingkod sa Panginoon at sa pagtulong sa Kanyang mga anak sa mundong ito.”9 Nagpasiya si Lucy, at noong Mayo 25, 1892, ikinasal sila ni George Albert sa Manti Utah Temple. Ang ama ni George Albert ang nagkasal sa kanila. Sa araw na iyon binigyan ni Lucy ang kanyang asawa ng maliit na locket na may larawan niya sa loob. Inilagay ni George Albert ang locket sa chain ng kanyang pocket watch, kung saan nakalagay ito malapit sa kanyang puso, at halos araw-araw niya itong suot habang siya’y nabubuhay.10
Wala pang isang buwang magkasama ang bagong kasal nang umalis si George Albert para sa isa pang misyon, ang isang ito ay pagtuturo ng ebanghelyo sa katimugang Estados Unidos. Kahit alam nila na nalalapit na ang kanyang pag-alis—dumating ang tawag tatlong linggo bago sila ikinasal—nahirapan pa rin silang maghiwalay. Kapwa sila lubhang nagalak nang, pagkaraan ng apat na buwan ay tinawag na maglingkod si Lucy kasama ang kanyang asawa sa mission office, kung saan naatasan kamakailan si Elder Smith na maglingkod bilang mission secretary.
Ang pangulo ng Southern States Mission noon ay si J. Golden Kimball, na naglilingkod din noon bilang miyembro ng Pitumpu. Habang naglilingkod si Elder Smith, dalawang beses na kinailangang lisanin ni Pangulong Kimball ang misyon para asikasuhin ang mahahalagang bagay sa Salt Lake City—minsan noong katatawag pa lang kay Elder Smith bilang mission secretary at muli pagkaraan ng isang taon. Sa dalawang pagkakataong ito, iniwan ni Pangulong Kimball kay Elder Smith ang malaking responsibilidad na pamunuan at pangasiwaan ang misyon, at nagbigay ng suporta at payo sa pamamagitan ng napakaraming liham. Sa kabuuan, naglingkod si Elder Smith bilang gumaganap na pangulo ng misyon nang mga 16 na buwan. Nag-alala si Pangulong Kimball na matatagalan siya, ngunit nagtiwala siya sa kanyang batang assistant. Sinabi niya sa isang liham kay Elder Smith, “Palagay ko sa nahihiwatigan at nalalaman ko, gaano man ito kalimitado, ay nagawa kong makita ang iyong integridad at kahalagahan, na tinitiyak ko sa iyo.”11 Sa isa pang liham na isinulat niya, “Lagi mong isipin ito: na pinahahalagahan ko ang iyong mga pagsisikap, kasigasigan, at magandang ugali.”12
Maraming beses na nasaksihan ni Pangulong Kimball ang kasigasigan at magandang ugali ni Elder Smith. Minsan ay magkasamang naglakbay ang dalawa at naanyayahan silang palipasin ang gabi sa isang maliit na bahay na yari sa troso. Kalaunan ay ginunita ni George Albert Smith:
“Bandang hatinggabi ay nagising kami sa lakas ng sigawan at hiyawan sa labas. Narinig namin ang mga pagmumura nang maupo kami sa kama para alamin ang mga nangyayari. Maliwanag ang buwan nang gabing iyon at nakita namin ang maraming tao sa labas. Tumayo si Pangulong Kimball at nagsimulang magbihis. Kumatok nang malakas sa pintuan ang mga lalaki at nagmumurang inutusang lumabas ang mga Mormon, para barilin nila ang mga ito. Tinanong ako ni Pangulong Kimball kung titindig ako at magbibihis at sinabi kong hindi, mananatili ako sa kama, na natitiyak ko na pangangalagaan kami ng Panginoon. Sa loob lamang ng ilang sandali napuno ang silid ng mga putok ng baril. Mukhang nag-apat na grupo ang mga nanggugulo at pinagbabaril ang mga sulok ng bahay. Nagliparan ang maliliit na piraso ng kahoy sa aming ulunan sa lahat ng direksyon. Nagkaroon ng sandali ng katahimikan, pagkatapos ay sunud-sunod na naman ang pagputok ng mga baril at mas marami pang maliliit na piraso ng kahoy ang nagliparan. Talagang hindi ako natakot. Panatag na panatag akong nakahiga roon, habang dinaranas ang isa sa pinakamalalagim na pangyayari sa buhay ko, ngunit tiyak ko … na poprotektahan ako ng Panginoon, at ginawa nga niya ito.
“Mukhang nagsawa ang mga mandurumog at nag-alisan na. Kinabukasan pagbukas namin ng pinto, naroon ang malaking bulto ng makakapal na pamalong gamit ng mga mandurumog para bugbugin ang mga misyonero sa Timog.”13
Pagkaraan ng ilang taon ikinuwento ni George Albert Smith ang karanasang ito sa kanyang mga apo para turuan silang magtiwala sa Panginoon. “Nais kong isaisip ninyo,” sabi niya, “na pangangalagaan kayo ng Panginoon sa oras ng panganib, kung bibigyan ninyo siya ng pagkakataon.”14
Buhay-Pamilya
Ini-release sina George Albert at Lucy mula sa kanilang misyon noong Hunyo 1894. Makaraan ang ilang buwan matapos silang makabalik sa Salt Lake City, tumanggap si Lucy ng basbas mula sa kanyang lolo, na si Pangulong Wilford Woodruff, at ipinangako sa kanya na magkakaroon siya ng mga anak. Noong Nobyembre 19, 1895, nagsilang siya ng isang babae na pinangalanan nilang Emily, at pagkaraan ng apat na taon ay nagsilang siya ng isa pang babae, si Edith. Ang kanilang bunso, si George Albert Jr., ay isinilang noong 1905.
Si George Albert Smith ay isang mapagmahal na ama, na mahal na mahal ng kanyang mga anak. Ganito ang isinulat ni Edith tungkol sa kanya: “Para sa akin taglay ni Itay ang lahat ng katangian para mapamahal ang isang ama sa kanyang anak. Ginampanan niya ang lahat ng inaasahan ko sa isang ama.” Talagang hinangaan ng mga bata ang pagtrato ni George Albert sa kanyang pinakamamahal na asawa. “Kalugud-lugod ang pagmamahal at konsiderasyon ni Itay kay Inay,” pagsulat ni Edith. “Hinding-hindi niya pinalalampas ang pagkakataon upang ipakita ang pagpapahalaga niya kay Inay. Lahat ng ginawa nila ay ginawa nila nang magkasama, matapos itong planuhing mabuti at pagtulungan. Mahalaga si Inay sa kanya. … Kahit mahal na mahal naming lahat si Inay, tiyak ko na dahil sa pagkamaalalahanin at pagiging magiliw ni Itay sa kanya ay higit siyang napamahal sa amin na mga anak nila.”15
Bilang ama, taos-pusong sinikap ni George Albert Smith na tulungan ang kanyang mga anak na maranasan ang galak na nadama niya sa pamumuhay sa ebanghelyo. Isang araw ng Pasko, matapos buksan ang mga regalo, itinanong niya sa maliliit niyang anak kung ano ang madarama nila kung ipamimigay nila ang ilan sa kanilang mga laruan sa mga batang walang natanggap na anumang regalo sa Pasko. Dahil katatanggap lang nila ng mga bagong laruan, pumayag ang mga bata na ipamigay nila ang ilan sa mga luma nilang laruan sa mga batang nangangailangan.
“Gusto ba ninyong bigyan din sila ng ilan sa mga bagong laruan?” magiliw na mungkahi ni George Albert.
Nag-atubili ang kanyang mga anak, ngunit kalaunan ay pumayag na silang ipamigay ang isa o dalawa sa mga bago nilang laruan. Pagkatapos ay isinama ni George Albert ang mga bata sa tahanan ng mga batang naisip niyang bigyan, at inihatid ang mga regalo. Talagang napakagandang karanasan kaya’t pag-alis nila, masayang sinabi ng isa sa mga bata, “Tayo na at kunin natin ang iba pang mga laruan para sa kanila.”16
Korum ng Labindalawang Apostol, 1903–45
Martes, Oktubre 6, 1903, abala si George Albert Smith sa trabaho at hindi nakadalo sa mga sesyon ng pangkalahatang kumperensya sa araw na iyon. Nang lisanin niya ang opisina, halos tapos na ang sesyon ng kumperensya sa hapon, kaya umuwi na siya na may planong dalhin ang kanyang mga anak sa perya.
Pagdating niya sa bahay, nagulat siyang makita ang napakaraming bisita, at isa sa mga iyon ang lumapit at mahigpit siyang kinamayan.
“Ano’ng nangyayari?” tanong niya.
“Hindi po ba ninyo alam?” sagot nito.
“Hindi ko alam ang ano?”
“Sinang-ayunan na po kayo bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol,” ang sabi ng bisita.
“Hindi iyan totoo,” sabi ni George Albert. “Baka nagkamali lang.”
“Narinig ko po mismo,” sagot ng bisita.
“Baka naman ibang Smith iyon,” sabi niya. “Walang nagsabi sa akin tungkol dito, at hindi ako makapaniwalang totoo ito.”
Nalilitong nagbalik ang bisita sa Tabernacle para alamin kung nagkamali nga siya. Doon ay ipinaalam sa kanya na tama siya—si George Albert Smith ang pinakabagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.17
Ginunita kalaunan ng kanyang anak na si Emily ang tagpo sa tahanan ng mga Smith: “Parang nagdagsaan ang buong Tabernacle sa bakuran papasok sa bahay namin, umiiyak at hinahagkan si Inay. Sinasabi nilang lahat na isa nang apostol si Itay, at akala namin ay pagiging apostol ang pinakamasaklap na bagay na maaaring mangyari sa isang tao.”
Kahit napatunayan na ang balita, ipinasiya ni George Albert na dalhin pa rin niya ang kanyang mga anak sa perya tulad ng kanyang ipinangako, “bagama’t halos wala na siyang napanood dito,” paggunita ni Emily. “Ginugol niya ang buong panahon na nakasandal sa pader at nakikipag-usap sa mga tao.”18
Pagkaraan ng dalawang araw, noong Oktubre 8, 1903, inorden si George Albert Smith ni President Joseph F. Smith bilang Apostol sa silid sa itaas ng Salt Lake Temple. Matapos ang ordinasyon inanyayahan siyang ibahagi ang kanyang damdamin sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa na naroon. “Dama kong mahina ako at kulang sa tamang pagpapasiya kumpara sa mga kalalakihang mas matanda sa akin,” sabi niya, “ngunit tapat ang puso ko, at taos kong hangad ang pagsulong ng gawain ng Panginoon. … Matibay ang aking patotoo sa kabanalan ng gawaing ito; alam ko na ang ebanghelyo ay dumating sa lupa sa ilalim ng pamamahala at patnubay ng Panginoon mismo, at na ang mga taong nahirang na mamuno ay tunay na Kanyang mga lingkod. Hangad ko at dalangin na mabuhay ako nang dalisay at mapagpakumbaba, para maging karapat-dapat ako sa mga panghihikayat at babala ng Espiritu upang magabayan ako habambuhay.”19
Si George Albert Smith ay naglingkod sa Korum ng Labindalawa nang halos 42 taon, kabilang na ang 2 taon bilang Pangulo ng Korum. Sa panahong ito ginampanan niya ang maraming tungkulin at tinulungan ang mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo sa napakaraming paraan.
Pagbabahagi ng Ebanghelyo at Pakikipagkaibigan para sa Simbahan
Si Elder Smith ay may likas na talento na papanatagin ang mga tao at kaibiganin ang mga kaaway. Ganito ang sinabi ng isang lokal na negosyante, na hindi miyembro ng Simbahan, sa kanyang burol: “Madali siyang makagaanan ng loob. Isa siyang taong gugustuhin mong makilala. Ang kanyang magiliw na ngiti, mahigpit na pagkamay, at mainit na pagbati ay magpapadama sa inyong kalooban, sa inyong puso, ng taos niyang pakikipagkaibigan sa inyo at sa kanyang kapwa-tao.”20
Ang talentong ito ay mahalaga noong panahon na ang Simbahan ay hindi pa gaanong kilala sa buong mundo at pinagdududahan ng marami. Minsan, habang gumaganap sa isang tungkulin sa West Virginia, nalaman niya na nagbabala ang mga opisyal ng lungsod na dadakpin ang sinumang mahuling nangangaral ng Mormonismo. Nakipagkita si Elder Smith sa klerk ng lungsod, si Mr. Engle, para subukang ipabago ang patakaran. Isinulat niya kalaunan sa kanyang journal: “Nang una kong tawagan si Mr. Engle napakasungit niya at mariin na ipinaalam sa akin na hindi tayo pahihintulutan sa lungsod na iyon. … Sinabi ko sa kanya na naniniwala ako na mali ang impormasyong nasabi sa kanya at gusto ko siyang kausapin. … Matagal-tagal din kaming nag-usap tungkol sa Mormonismo. Lumambot ang puso niya bago ako lumisan at kinamayan ako at binigyan niya ako ng calling card niya. Lumisan ako na nakatitiyak na napawi ko nang bahagya ang kanyang maling palagay.”21 Makaraan ang tatlong araw muling bumisita sa kanya si Elder Smith at sa pagkakataong ito ay nag-iwan sa kanya ng kopya ng Aklat ni Mormon.22
Si Elder Smith ay laging naghahanap ng mga pagkakataon upang makausap ang mga tao tungkol sa Simbahan. Tuwing kakailanganin niyang maglakbay dahil sa kanyang tungkulin, nagdadala siya ng mga kopya ng Aklat ni Mormon, mga magasin ng Simbahan, at iba pang literatura ng Simbahan na inaasam niyang ipamigay. Dahil malakas ang patotoo ng Aklat ni Mormon tungkol kay Jesucristo, itinuring ito ni Elder Smith na magandang Pamaskong regalo at madalas magpadala sa koreo ng mga kopya nito sa mga kaibigan sa ibang relihiyon at maging sa mga kilalang taong hindi pa niya nakikita.23 Sa isang liham na nakalakip sa gayong regalo sa Pasko ay isinulat niya: “Sa loob ng ilang araw ipagdiriwang ng mga Kristiyano ang pagsilang ng Tagapagligtas at kaugalian na sa panahong ito na alalahanin ang ating mga kaibigan. Dahil dito ay tiwala akong tatanggapin mo mula sa akin ang kopyang ito ng Aklat ni Mormon. … Sa paniniwalang magagalak kang magkaroon nito sa iyong aklatan ipinadala ko ito sa iyo bilang regalo sa Pasko.”
Narito ang natanggap niyang sagot: “Magkakaroon ng lugar ang aklat na ito sa aming istante at mababasa ito [mula simula hanggang wakas] nang ganap na bukas ang aming isipan. Tiyak na mapalalawak nito ang pananaw at magkakaroon ng ibayong pang-unawa ang lahat ng magbabasa nito nang may pagpapahalaga.”24
Pakikibahagi sa Komunidad
Hinikayat ni Elder Smith ang mga miyembro ng Simbahan na maging aktibo sa kanilang mga komunidad at gamitin ang kanilang impluwensya upang mapabuti ang mga sitwasyon sa mundo. Siya mismo ay bahagi ng ilang organisasyon sa komunidad sa kabila ng pagiging abala niya bilang General Authority. Nahalal siyang presidente ng International Irrigation Congress at ng Dry Farming Congress, at nahalal sa anim na termino bilang bise presidente ng National Society of the Sons of the American Revolution. Isang malakas na tagapagtaguyod ng aviation upang mas madaling makapaglakbay ang mga General Authority para sa kanilang tungkulin, naglingkod si Elder Smith sa board of directors ng Western Air Lines. Aktibo rin siya noon sa Boy Scouts of America at noong 1934 ay ginawaran ng Silver Buffalo, ang pinakamataas na karangalang ibinibigay sa Scouting. Pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig naglingkod siya bilang Utah state chairman ng Armenian at Syrian Relief campaign at bilang kinatawan ng estado sa International Housing Convention, na ang layunin ay hanapan ng tirahan ang mga nawalan ng tahanan dahil sa digmaan.25
Bago siya tinawag bilang Apostol, naging aktibo sa pulitika si George Albert, na masigasig na nangangampanya para sa mga adhikain at kandidatong nadama niya na magpapaunlad sa lipunan. Nang maging General Authority siya, nabawasan ang pakikibahagi niya sa pulitika, ngunit patuloy niyang sinuportahan ang layuning pinaniwalaan niya. Halimbawa, noong 1923 tumulong siyang ilunsad ang isang panukalang-batas sa Utah State Legislature na humantong sa pagpapatayo ng isang ospital para sa mga pasyenteng may tuberkulosis.26
Ang pagkahabag ni Elder Smith sa kapwa ay lalong nakita sa kanyang paglilingkod bilang presidente ng Society for the Aid of the Sightless, isang katungkulang hinawakan niya mula 1933 hanggang 1949. Dahil nagkaroon ng pinsala ang kanyang paningin, nakadama ng espesyal na simpatiya si Elder Smith sa mga bulag. Pinamahalaan niya ang paglalathala ng Aklat ni Mormon sa braille, at pinasimulan ang isang programa para tulungan ang mga bulag na matutong magbasa ng braille at makaagapay sa ibang paraan kahit may kapansanan sila. Napamahal siya sa mga pinaglingkuran niya dahil sa kanyang mga ginawa. Isang miyembro ng Society for the Aid of the Sightless ang nagpaabot ng kanyang pasasalamat sa pamamagitan ng isang tula na ibinigay kay Elder Smith sa kanyang ika-70 kaarawan:
Kapag sa Buhay ay nagdusa,
At pumatak ang mga luha;
Kapag nanginig sa Taglamig ang aking kaluluwa,
At walang nakinig sa pagmamakaawa—
Ako’y babaling at aasa,
Kaybigat man ng paghakbang,
Upang matagpuan pusong may pag-unawa,
Kapag tunay na kaibigan—
Puso’y maytaglay na Karunungan,
Puno ng habag at kabaitan,
Pananalig niya sa Diyos at sa tao
Sa isang bulag ay nagturo. …
Kahit magiliw niyang mukha’y
Hindi namin mamasdan,
Amin pa ring natatalos
Ang pag-unawa niyang lubos;
Kapayapaan ng kanyang kaluluwa
Amin ding nadarama;
Taimtim niyang panalangi’y nagsasabing
Hindi kami nag-iisa;
Pananampalataya niya’y aming lakas,
Sa pagtahak sa tagong landas;
Kaluluwa nami’y kanyang pinasigla
Sapagka’t Diyos ang kasama.27
Karamdaman at Iba Pang mga Pagsubok
Halos buong buhay na hindi gaanong maganda ang kalusugan ni George Albert. Bagama’t nasisiyahan siya sa paglangoy, pangangabayo, at iba pang pisikal na aktibidad, madalas ay mahina ang kanyang katawan. Bukod sa kanyang paulit-ulit na mga problema sa mata, si Elder Smith ay dumanas din ng pananakit ng tiyan at likod, laging pagkapagod, sakit sa puso, at marami pang ibang karamdaman sa buong buhay niya. Ang hirap at bigat ng marami niyang responsibilidad ay nagpahina rin sa kanya, at sa simula ay ayaw niyang bagalan ang mabilis niyang pagkilos para maingatan ang kanyang kalusugan. Dahil dito, mula 1909 hanggang 1912 nagkasakit siya nang malubha kaya’t naratay siya sa banig ng karamdaman at hindi niya nagampanan ang kanyang mga tungkulin sa Korum ng Labindalawa. Napakalaking pagsubok niyon kay Elder Smith, na desperadong ituloy ang kanyang paglilingkod. Ang pagkamatay ng kanyang ama noong 1911 at ang malubhang trangkasong dumapo sa kanyang asawa ay lalong nagpahirap sa paggaling ni Elder Smith.
Pagkaraan ng ilang taon ibinahagi niya ang naging karanasan niya sa panahong ito:
“Ilang taon na ang nakararaan nagkasakit ako nang malubha. Sa katunayan, akala ko sumuko na ang lahat maliban sa aking asawa. … Halos hindi ako makakilos sa panghihina. Mabagal at nakakapagod para sa akin kahit ang pagtagilid man lamang sa kama.
“Isang araw, sa kalagayang ito, nawalan ako ng malay sa nangyayari sa aking paligid at akala ko ay nasa Kabilang-Buhay na ako. Natagpuan ko ang sarili ko na nakatalikod sa isang malaki at magandang lawa, at nakaharap sa makapal na kakahuyan. Walang tao sa paligid, at walang bangka sa lawa o anumang makikita na nagpapahiwatig kung paano ako nakarating doon. Naunawaan ko, o tila naunawaan ko, na natapos ko na ang gawain ko sa mortalidad at nakauwi na ako. …
“Nagsimula akong maglakad-lakad, at hindi nagtagal ay nakita ko ang isang daan papasok sa kakahuyan na tila bihirang tahakin, at halos natatakpan ng damo. Sinundan ko ang landas, at matapos akong maglakad nang ilang oras at malayu-layo na ang narating ko sa kakahuyan, nakita ko ang isang lalaking papalapit sa akin. Napansin ko na napakalaki niyang lalaki, at binilisan ko ang paglakad papunta sa kanya, dahil nakilala ko na siya ang lolo ko [si George A. Smith]. Noong siya’y nabubuhay pa mahigit tatlong daang libra ang timbang niya, kaya’t makikita ninyo na malaking tao siya. Naaalala ko kung gaano ako kasaya na makita siyang papalapit. Ipinangalan ako sa kanya at lagi ko itong ipinagmamalaki.
“Nang ilang hakbang na lang ang layo sa akin ni Lolo, tumigil siya. Ang pagtigil niya ay isang paanyaya sa akin na tumigil. Pagkatapos—at ito ang ayaw kong malimutan ng mga batang lalaki at babae at mga kabataan—tiningnan niya ako nang napakataimtim at sinabi:
“‘Gusto kong malaman kung ano ang nagawa mo sa aking pangalan.’
“Lahat ng nagawa ko ay nagdaan sa aking harapan na parang lumilipad na larawan sa screen—lahat ng nagawa ko. Mabilis na bumalik ang malinaw na gunitang ito sa mismong oras ng pagtayo ko roon. Nagdaan sa harapan ko ang buong buhay ko. Ngumiti ako at tumingin sa lolo ko at sinabi kong:
“‘Wala po akong nagawang anuman sa pangalan ninyo na dapat ninyong ikahiya.’
“Lumapit siya at niyakap ako, at nang gawin niya ito, muli akong nagkamalay sa aking kinaroroonan sa mundo. Basa ang unan ko na para bang binuhusan ito ng tubig—basa sa mga luha ng pasasalamat na nakasagot ako nang hindi nahihiya.
“Maraming beses ko na itong pinag-isipan, at nais kong sabihin sa inyo na sinisikap ko, nang higit kaysa rati mula noon, na pangalagaan ang pangalang iyon. Kaya nais kong sabihin sa mga batang lalaki at babae, sa mga binata at dalaga, sa mga kabataan ng Simbahan at sa buong mundo: Igalang ang inyong ama at ina. Igalang ang mga pangalang taglay ninyo.”28
Kalaunan ay nagsimulang magbalik ang lakas ni Elder Smith, at nalampasan niya ang pagsubok na ito nang may panibagong pasasalamat sa kanyang patotoo tungkol sa katotohanan. Sinabi niya sa mga Banal nang sumunod na pangkalahatang kumperensya: “Kamuntik na akong mamatay nitong nagdaang mga taon, muntik na muntik na kaya’t tiyak ko na [kung hindi] sa espesyal na pagpapala ng ating Ama sa Langit hindi sana ako nanatiling buhay. Ngunit, kahit sandali ay hinding-hindi nanghina ang patotoong iyon na bigay sa akin ng aking Ama sa Langit. Habang mas nalalapit ako sa kamatayan, mas natitiyak ko na ang ebanghelyo ay totoo. Ngayong naligtas ang aking buhay nagagalak akong magpatotoo na alam ko na ang ebanghelyo ay totoo, at buong kaluluwa kong pinasasalamatan ang aking Ama sa Langit na inihayag niya ito sa akin.”29
Patuloy na nagpahirap kay Elder Smith ang iba’t ibang pisikal na karamdaman at iba pang paghihirap nang sumunod na mga taon. Marahil ang pinakamabigat na pagsubok sa kanya ay noong mga taong 1932 hanggang 1937, nang ang kanyang asawang si Lucy ay nagkasakit ng arthritis at neuralgia. Matinding sakit ng katawan ang naranasan niya at pagsapit ng 1937 kinailangan niya ng halos palagiang pangangalaga. Pagkatapos noong Abril 1937 muntik na siyang mamatay sa atake sa puso at mas humina pa siya kaysa rati.
Kahit palaging nag-aalala kay Lucy, patuloy na ginampanan ni Elder Smith ang kanyang mga tungkulin sa abot ng kanyang makakaya. Noong Nobyembre 5, 1937, nagsalita siya sa burol ng isang kaibigan, at habang nakaupo pagkatapos magsalita, may nag-abot sa kanya ng isang maikling sulat na pinauuwi siya kaagad. Isinulat niya kalaunan sa kanyang journal: “Agad kong nilisan ang kapilya ngunit nalagutan na ng hininga ang Pinakamamahal kong asawa bago ako dumating sa aming tahanan. Pumanaw siya habang nagsasalita ako sa burol. Nawalan ako ng tapat na asawa at alam kong malulungkot ako dahil wala siya.”
Sina Lucy at George Albert ay mahigit 45 taon nang kasal nang pumanaw si Lucy. Si Lucy ay 68 taong gulang noon. Kahit lubos na nangulila sa kanyang asawa, alam ni Elder Smith na pansamantala lamang ang paghihiwalay, at ang kaalamang ito ang nagpalakas sa kanya. “Kahit lubhang namighati ang aking pamilya,” pagsulat niya, “napanatag kami sa katiyakan na muli namin siyang makakapiling kung mananatili kaming tapat. Siya ay naging isang tapat, matulungin, maunawaing asawa at ina. Nahirapan siya nang anim na taon sa iba’t ibang paraan at tiyak ko na masaya na siya sa piling ng kanyang ina at ng iba pang mga mahal sa buhay na naroon. … Napakabait ng Panginoon at inalis niya ang bawat sakit na dulot ng kamatayan, na labis kong pinasasalamatan.”30
Pangulo ng European Mission
Noong 1919 tinawag ni Pangulong Heber J. Grant, na kamakailan ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan, si Elder Smith upang mangulo sa European Mission. Sa pagsasalita sa pangkalahatang kumperensya ilang araw lang bago siya umalis, sinabi ni Elder Smith:
“Gusto kong sabihin sa inyo, mga kapatid, na itinuturing kong karangalan—hindi, higit pa sa karangalan, itinuturing kong napakalaking pagpapala—na inalis ng Panginoon ang panghihina ko kamakailan, at ipinanumbalik ang aking kalusugan kaya nadama ng mga kapatid na maaari kong gampanan ang isang misyon sa ibang bansa. …
“… Sa susunod na Miyerkoles sasakay ako ng tren papunta sa baybay-dagat at patawid ng karagatan papunta sa misyon kung saan ako tinawag. Salamat sa Diyos sa pagkakataong makaalis. Nagpapasalamat ako na ang kaalaman tungkol sa katotohanang ito ay napasaaking kaluluwa.”31
Sa panahong ito bumabangon pa lang ang Europa mula sa epekto ng Unang Digmaang Pandaigdig, na ilang buwan pa lamang natatapos. Dahil sa digmaan, napakababa ng bilang ng mga misyonero sa Europa, at ang isa sa mga tungkulin ni Elder Smith ay dagdagan ang bilang na iyon. Gayunman, dahil bagsak ang ekonomiya ng Europa pagkatapos ng digmaan, ayaw magkaloob ng mga kailangang visa ang mga pamahalaan. Ang malala pa, marami pang hindi nauunawaan at maling palagay tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw. Para mapaganda ang imahe ng Simbahan, nakipagkita si Elder Smith sa napakaraming opisyal ng pamahalaan at iba pang kilalang mga tao. Sa pagpapaliwanag ng layunin ng mga misyonero sa Europa at sa buong mundo, madalas niyang sabihing, “Ingatan ninyo ang lahat ng mabubuting bagay na mayroon kayo, ingatan ang lahat ng ibinigay sa inyo ng Diyos na nagpapasigla sa inyong buhay, pagkatapos ay hayaan ninyong magbahagi kami ng isang bagay na magdaragdag sa inyong kaligayahan at magbibigay sa inyo ng ibayong kasiyahan.”32 Ayon sa isa sa mga misyonerong naglingkod sa ilalim ng kanyang pamamahala, “sa pamamagitan ng kanyang mahusay at magandang paraan, natamo niya ang kanilang paggalang at pakikipagkaibigan at naging mas maluwag sa mga misyonero na pinagkaitan nila noon.”33
Sa pagtatapos ng kanyang paglilingkod noong 1921, nagtagumpay si Elder Smith sa pagdaragdag ng mga misyonerong naglilingkod sa Europa at sa pagbabago ng ilang maling palagay tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw. Nagawa rin niyang magkaroon ng mga kaibigan para sa Simbahan, at nakipag-ugnayan pa rin sa kanila sa pamamagitan ng liham sa loob ng maraming taon.
Pag-iingat sa mga Makasaysayang Lugar ng Simbahan
Mahilig magkuwento si Elder Smith tungkol sa Simbahan at sa magagandang pangyayari sa kasaysayan nito. Sa buong ministeryo niya marami siyang naitulong upang maingatan ang kasaysayang iyan sa pamamagitan ng paglikha ng mga bantayog o kaya naman sa pagtukoy at paglalagay ng tanda sa mga lugar na mahalaga sa kasaysayan ng Simbahan. Tulad ng isinulat ng isa sa mga kasamahan niya, “Naniniwala siya na sa pagtawag sa pansin ng nakababatang henerasyon sa mga tagumpay ng kanilang mga ninuno ay makapagbibigay siya ng mahalagang paglilingkod.”34
Noong bata pa siyang Apostol nagpunta siya sa Palmyra, New York, at inayos ang pagbili sa sakahan o bukirin ni Joseph Smith Sr. sa ngalan ng Simbahan. Habang nasa New York binisita rin niya ang isang lalaking nagngangalang Pliny Sexton, na may-ari ng Burol Cumorah, ang lugar kung saan nakuha ni Joseph Smith ang mga laminang ginto. Ayaw ibenta ni Mr. Sexton ang lupa o lote sa Simbahan, ngunit gayon man ay naging magkaibigan sila ni Elder Smith. Dahil na rin sa mabuting pakikitungo ni Elder Smith kay Mr. Sexton, nabili ng Simbahan kalaunan ang lupain at inilaan ang isang bantayog doon.
Noong 1930, sa ikasandaang taon ng organisasyon ng Simbahan, tumulong si Elder Smith sa pagtatatag ng Utah Pioneer Trails and Landmarks Association at nahalal bilang unang presidente ng grupo. Nang sumunod na 20 taon, ang organisasyong ito ay naglagay ng mahigit 100 bantayog at tanda, marami sa mga ito ay bilang paggunita sa paglalakbay ng mga pioneer papuntang Salt Lake Valley. Si Elder Smith ang nagsagawa ng paglalaan ng karamihan sa mga bantayog na ito.35
Sa pagpapaliwanag sa interes ng Simbahan sa mga makasaysayang lugar, isinulat niya: “Naging kaugalian na ang magtayo ng mga bantayog para sa mga tao para manatili ang kanilang alaala. Ang mga dakilang pangyayari ay napananatili rin sa isipan ng mga tao sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bantayog. … Maraming magagandang bagay ang nalilimutan at nadarama ng mga tao na mainam na lagyan ng tanda ang mga ito sa makabuluhang paraan para mapansin ng mga susunod ang mahahalagang pangyayaring ito.”36
Dahil ang kanyang lolo ay isa sa mga pioneer na naglakad papuntang Utah, malaki ang respeto ni Elder Smith sa mga naunang miyembro ng Simbahan na nagsakripisyo nang malaki para sa kanilang pananampalataya. Sa isang mensaheng ibinigay sa Relief Society, ibinahagi niya ang karanasang ito habang muling tinutunton ang ruta ng mga handcart pioneer:
“Dumating kami sa bahagi ng ruta kung saan napakaraming namatay sa Martin Handcart Company. Nakita namin, nang malapitan, ang lugar na pinaghimpilan nila. Naroon ang mga inapo ng grupong iyon upang tumulong sa paglalagay ng tanda. Pagkatapos ay nakarating kami sa Rock Creek; isang pansamantalang tanda ang inilagay namin doon noong nakaraang taon. Sa panahong iyon nag-uusbungan ang magagandang ligaw na bulaklak sa lahat ng dako, napakaraming wild iris, at namitas ng ilan sa mga bulaklak na ito ang mga miyembro ng grupo at maingat na inilagay ang mga ito sa ibabaw ng isang tumpok na bato na ibinunton noong nakaraang taon. … Dito nakalibing sa iisang puntod ang 15 miyembro ng Simbahang ito, na namatay dahil sa gutom at pagkalantad sa init at lamig.
“Alam ninyo may mga pagkakataon at lugar na tila mas malapit tayo sa ating Ama sa Langit. Habang nakaupo kami—kami na mga inapo ng mga pioneer na iyon na tumawid sa kapatagan sa init ng tag-araw at lamig ng taglamig—sa paligid ng siga sa maliit na lambak na iyon ng Rock Creek, kung saan sinawing-palad ang Willie Handcart Company, ay ikinuwento ang mga karanasan ng aming mga ninuno. … Napakagandang okasyon niyon. Ikinuwento muli ang kasaysayan para sa aming kapakanan.
“… Pakiramdam ko ay kapiling namin mismo ang mga taong nagbigay ng lahat ng mayroon sila para mapasaamin ang mga pagpapala ng Ebanghelyo. Parang dama namin na kapiling namin ang Panginoon.
“Habang naglalakad kami palayo, matapos kaming mag-iyakan—dahil alam ko na walang hindi umiyak sa grupo ng mga 30 o 40 katao—ang diwang ibinunga ng maliit na pagtitipong iyon ay umantig sa aming puso, at hinawakan ako sa bisig ng isa sa butihing kababaihan at sinabing, ‘Brother Smith, mas magiging mabait na ako mula ngayon.’ Ang babaeng ito … ay isa sa pinakamabubuting kababaihan ngunit naniniwala ako na naantig siya tulad ng karamihan sa amin, dahil sa katotohanang sa ilang partikular na bagay ay nadama naming hindi kami nakaabot sa mga huwarang dapat ay nasa aming kaluluwa. Hindi lamang ibinigay ng mga taong nakalibing doon ang mga araw ng kanilang buhay kundi ibinigay nila ang mismong buhay nila bilang katibayan ng kanilang paniniwala sa kabanalan ng gawaing ito. …
“Kung ang mga miyembro ng organisasyong ito [ang Relief Society] ay magiging kasingtapat ng mga nakalibing sa kapatagan, na hinarap ang kanilang mga problema nang may pananampalataya sa Panginoon, madaragdagan ang inyong tagumpay at ang pagpapala ng isang mapagmahal na Ama ay dadaloy sa inyo at sa inyong pamilya.”37
Pangulo ng Simbahan, 1945–51
Maagang-maaga pa noong Mayo 15, 1945, habang sakay ng tren sa silangang bahagi ng Estados Unidos, ginising si Elder Smith ng opisyal ng tren na may dalang mensahe: pumanaw na si Pangulong Heber J. Grant, na Pangulo ng Simbahan nang panahong iyon. Lumipat kaagad ng tren si Elder Smith at nagbalik sa Salt Lake City. Pagkaraan lamang ng ilang araw si George Albert Smith, bilang senior member ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay itinalaga bilang ikawalong Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Sa una niyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, sinabi niya sa mga Banal matapos nila siyang sang-ayunan, “Iniisip ko kung mayroon dito na nakadarama ng panghihina at pagpapakumbaba tulad ng lalaking nakatayo sa harapan ninyo.”38 Ipinahayag niya ang gayon ding damdamin sa kanyang pamilya: “Hindi ko hinangad ang posisyong ito. Parang hindi ko makakaya ito. Ngunit dumating ito sa akin, at ibibigay ko ang buong kakayahan ko rito. Nais kong malaman ninyong lahat na, anuman ang ginagawa ninyo sa simbahan, mula [home] teaching hanggang sa pamumuno sa isang stake, kung ginagawa ninyo ito nang buong kakayahan ninyo, ang inyong katungkulan ay kasinghalaga ng sa akin.”39
Nadama ng marami na ang mga talento ni Pangulong Smith ay talagang akma sa tungkuling ito. Ipinahayag ng isa sa mga General Authority ang pagtitiwalang ito pagkatapos na pagkatapos sang-ayunan si Pangulong Smith: “Madalas sabihin na ang Panginoon ay nagbangon ng isang natatanging tao upang gumanap sa isang natatanging misyon. … Hindi ko masasabi kung anong natatanging misyon ang naghihintay kay Pangulong George Albert Smith. Gayunman, ito ang alam ko, na sa partikular na panahong ito sa kasaysayan ng mundo, higit kailanman kailangan ngayon ang pagmamahal sa kapwa. Dagdag pa rito, ito ang alam ko, na wala akong kilalang tao na nagmamahal sa kapwa, lahat man sila o bawat isa, nang higit kaysa kay Pangulong George Albert Smith.”40
Pagtulong sa mga Nangangailangan sa Idinulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig
Natapos ang Ikawalang Digmaang Pandaigdig ilang buwan lamang matapos maging Pangulo ng Simbahan si George Albert Smith. Ang digmaan ay nag-iwan ng libu-libong taong walang tahanan at naghihirap sa Europa, at mabilis na pinakilos ni Pangulong Smith ang kawanggawa ng Simbahan para magbigay ng tulong. Kalaunan ay sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol dito: “Isa ako sa mga nagtrabaho sa gabi sa Welfare Square dito sa Salt Lake City sa pagkakarga ng mga suplay sa mga sasakyan na magdadala ng pagkain sa daungan kung saan ito itinawid ng dagat. Sa paglalaan ng Swiss Temple [noong 1955], nang maraming Banal sa Germany ang nagpunta sa templo, narinig ko ang ilan sa kanila, habang tumutulo ang luha sa kanilang mga pisngi, na nagpasalamat sa pagkaing iyon na nagligtas sa kanilang buhay.”41
Alam din ni Pangulong Smith na malaki ang pangangailangang espirituwal ng mga tao sa mundo sa idinulot ng gayon katinding digmaan. Bilang tugon, gumawa siya ng mga hakbang para muling iorganisa ang mga misyon sa mga bansa kung saan naantala ang gawaing misyonero, at hinikayat niya ang mga Banal na ipamuhay nila ang ebanghelyo ng kapayapaan. “Ang pinakamagandang katibayan ng pasasalamat sa panahong ito,” sabi niya kaagad pagkatapos ng digmaan, “ay gawin ang lahat ng ating magagawa upang makapaghatid ng kaligayahan sa malungkot na mundong ito, dahil lahat tayo ay anak ng ating Ama, at lahat tayo ay may obligasyon na gawing mas masayang lugar ang mundong ito na ating ginagalawan.
“Magpakita tayo ng kabaitan at unawain ang lahat ng nangangailangan nito, na hindi kinalilimutan ang mga naulila; at sa panahon ng ating pagsasaya para sa kapayapaan, huwag nating kalimutan ang mga nawalan ng kanilang mga mahal sa buhay bilang bahagi ng mga nagbuwis ng buhay upang makamtan ang kapayapaan. …
“Dalangin ko na bumaling ang mga tao sa Diyos, at sumunod sa kanyang mga batas, at sa gayon ay maligtas ang mundo sa higit pang kaguluhan at pagkawasak. Dalangin ko na ang kapayapaang dumarating lamang mula sa ating Ama sa Langit ay manatili sa puso at tahanan ng lahat ng nagdadalamhati.”42
Dagdag na mga Pagkakataong Ibahagi ang Ebanghelyo
Patuloy na ibinahagi ni Pangulong Smith ang ebanghelyo sa iba tuwing may pagkakataon, at ang mga pagkakataong iyon ay naragdagan sa kanyang bagong posisyon o katungkulan. Noong Mayo 1946 si Pangulong Smith ang unang Pangulo ng Simbahan na bumisita sa mga Banal sa Mexico. Bukod sa pakikipagpulong sa mga miyembro ng Simbahan at pagsasalita sa isang malaking kumperensya, nakipagkita rin si Pangulong Smith sa ilang matataas na opisyal sa Mexico at kinausap sila tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa isang pagbisita sa pangulo ng Mexico na si Manuel Camacho, ipinaliwanag ni Pangulong Smith at ng kanyang grupo: “Naparito kaming dala ang espesyal na mensahe para sa inyo at sa inyong mga mamamayan. Narito kami para ikuwento sa inyo ang tungkol sa inyong mga ninuno at sa ipinanumbalik na Ebanghelyo ni Jesucristo. … May aklat kami na … nagkukuwento tungkol sa isang dakilang propeta na kasama ang kanyang pamilya at iba pa, na umalis sa Jerusalem 600 taon bago isinilang si Cristo, at dumating sa … dakilang lupain ng Amerika, na tinawag nilang ‘lupang pangako, na pinili sa lahat ng iba pang mga lupain.’ Ikinukuwento rin dito sa Aklat ni Mormon ang pagdalaw ni Jesucristo sa kontinenteng ito, at na inorganisa Niya ang Kanyang Simbahan at pumili Siya ng labindalawang disipulo.”
Si President Camacho, na nagpakita ng paggalang at paghanga sa mga Banal sa mga Huling Araw na naninirahan sa kanyang bansa, ay naging napakainteresado sa Aklat ni Mormon at nagtanong, “Puwede ba akong magkaroon ng kopya ng Aklat ni Mormon? Ngayon ko lang narinig ang tungkol dito.” Sa gayon ay binigyan siya ni Pangulong Smith ng isang kopya sa Espanyol na yari sa katad ang pabalat, na may mga talatang kapansin-pansin na nakasulat sa harapan ng aklat. Sabi ni President Camacho, “Babasahin ko ang buong aklat, dahil malaking pakinabang ito sa akin at sa aking mga tao.”43
Pagdiriwang ng Ikasandaang Taong Anibersaryo ng Pagdating ng mga Pioneer
Isa sa mga tampok na pangyayari sa anim na taong pagiging Pangulo ng Simbahan ni George Albert Smith ay naganap noong 1947, nang ipagdiwang ng Simbahan ang ikasandaang taong anibersaryo ng pagdating ng mga pioneer sa Salt Lake Valley. Pinamahalaan ni Pangulong Smith ang pagdiriwang, na napansin ng buong bansa at nagtapos sa paglalaan ng This Is the Place Monument sa Salt Lake City, malapit sa lugar kung saan unang nakarating sa lambak ang mga pioneer. Mula noong 1930 nakibahagi na si Pangulong Smith sa pagpaplano ng isang bantayog upang parangalan ang mga nagawa at pananampalataya ng mga pioneer. Gayunman, tiniyak niyang mabuti na mapararangalan din ng bantayog ang naunang mga explorer, misyonero mula sa ibang mga relihiyon, at mahahalagang pinunong American Indian ng panahong iyon.
Sa paglalaan ng This Is the Place Monument, nakita ni George Q. Morris, na noon ay pangulo ng Eastern States Mission, ang diwa ng kabutihan, na ayon sa kanya ay dahil sa mga pagsisikap ni Pangulong Smith: “Ang mga naitulong ni Pangulong Smith sa kapatiran at pagkakaunawaan ay nakita sa serbisyo ng paglalaan. … Pinarangalan mismo ng bantayog na nililok—hangga’t maaari’y nililok ang bawat larawan ng indibiduwal—ang mga lalaking gumuhit ng kasaysayan sa bulubundukin ng kanluran na nauna sa mga Mormon Pioneer, anuman ang kanilang lahi o relihiyon. Nang ihanda ang programa para sa serbisyo ng paglalaan, hinangad ni Pangulong Smith na lahat ng pangunahing grupo ng mga relihiyon ay magkaroon ng kinatawan bukod pa sa mga opisyal ng estado, bansa, at lungsod. Isang paring Katoliko, isang bishop na Protestante, isang rabbi na Judio, at mga kinatawan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kilalang mga tagapagsalita. Ito ang sabi ng isang bisitang taga-silangan, pagkatapos ng programa, ‘Ngayon ay muli akong nabinyagan sa espirituwal. Hindi mangyayari ang nasaksihan ko sa iba pang panig ng mundo. Napakaganda ng pagkakaunawaang ipinakita ngayon.’”44
Bagama’t kahanga-hanga ang 60-piyeng bantayog, itinuro ni Pangulong Smith na ang pinakamainam na paraan para maparangalan ang mga pioneer ay tularan ang kanilang halimbawa ng pananampalataya at katapatan. Sa panalangin sa paglalaan ng bantayog, sinabi niya: “Ama naming nasa langit, … kami ay nakatayo sa inyong harapan ngayong umaga sa tahimik na gilid na ito ng burol at nakatingin sa malaking bantayog na itinayo para parangalan ang inyong mga anak na lalaki at babae at ang kanilang katapatan. … Dalangin namin na nawa’y magkaroon kami ng diwang iyon na naglarawan sa matatapat na taong iyon na naniwala sa inyo at sa inyong Pinakamamahal na Anak, na pumunta sa lambak na ito dahil hangad nilang manirahan dito at sambahin kayo. Dalangin namin na ang diwa ng pagsamba at pasasalamat ay magpatuloy sa aming mga puso.”45
Paggunita sa Buhay sa Edad na 80
Sa kabila ng kanyang pagtanda, sa halos buong panahon niya bilang pangulo ay naisagawa ni Pangulong Smith ang kanyang mga responsibilidad nang hindi nagkakasakit na tulad noong una na naging hadlang sa kanyang gawain. Sa isang artikulong inilathala noong Abril 1950, ilang araw bago ang kanyang ika-80 kaarawan, ginunita ni Pangulong Smith ang kanyang buhay at binanggit kung gaano siya tinulungan at pinagpala ng Diyos:
“Sa walumpung taong ito, nakapaglakbay ako nang mahigit sa isang milyong milya sa mundo alang-alang sa ebanghelyo ni Jesucristo. Naranasan ko na ang iba’t ibang klima at napuntahan na ang maraming lupain at maraming bansa, at mula pa sa pagkabata naging mabait at matulungin sa akin ang mga tao, mga miyembro ng Simbahan at gayundin ang mga di-miyembro. Saanman ako magpunta, nakakakilala ako ng mararangal na lalaki at babae. …
“… Kapag iniisip ko kung gaano ako kahina at karupok, na matawag na lider ng dakilang Simbahang ito, natanto ko kung gaano kalaking tulong ang kailangan ko. Mapagpasalamat kong kinikilala ang tulong ng aking Ama sa langit, at ang panghihikayat at pagiging bahagi ng marami sa magagaling na lalaki at babae sa buhay ko na matatagpuan saanmang lugar sa mundo, kapwa rito at sa ibang bansa.”
Nagpatuloy siya sa paghahayag ng pagmamahal sa mga taong pinaglingkuran niya sa loob ng napakaraming taon:
“Tunay na isang pagpapala ang makasama ang gayong mga tao, at mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa sinasamantala ko ang pagkakataong ito para pasalamatan kayo sa inyong kabaitan sa akin, at sasamantalahin ko rin ang pagkakataong ito upang sabihin sa inyong lahat: Hindi ninyo alam kung gaano ko kayo kamahal. Hindi ko ito mailarawan sa salita. At nais kong ipadama iyan sa bawat anak na lalaki at babae ng aking Ama sa Langit.
“Napakahaba na ng buhay ko, kumpara sa karaniwang nilalang, at maligaya ang buhay ko. Hindi na magtatagal, sa natural na takbo ng mga pangyayari, ay tatawagin na ako sa kabilang-buhay. Nasasabik na ako sa pagsapit ng sandaling iyon. At pagkaraan ng walumpung taon sa mortalidad, paglalakbay sa maraming bahagi ng mundo, pakikihalubilo sa maraming dakila at mabubuting lalaki at babae, pinatototohanan ko sa inyo, na mas alam ko ngayon kaysa noon na ang Diyos ay buhay; na si Jesus ang Cristo; na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos na Buhay; at na ang Simbahang inorganisa niya sa ilalim ng pamamahala ng ating Ama sa Langit, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw … ay pinamamahalaan sa ilalim ng kapangyarihan at awtoridad ng iisang priesthood na iginawad nina Pedro, Santiago, at Juan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Alam ko ito tulad ng pagkaalam ko na ako ay buhay, at alam ko na napakahalagang patotohanan ito sa inyo at mananagot ako sa aking Ama sa Langit para dito at sa lahat ng iba pang bagay na naituro ko sa kanyang pangalan. … Taglay ang pagmamahal at pagmamalasakit sa puso ko para sa lahat, pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo na ating Panginoon.”46
Pagkaraan ng isang taon, sa kanyang ika-81 kaarawan, Abril 4, 1951, payapang sumakabilang-buhay si George Albert Smith sa kanyang tahanan sa tabi ng kanyang anak na lalaki at mga anak na babae.
Mga Simpleng Pagpapakita ng Magiliw na Paglilingkod
Maraming naisagawa si George Albert Smith sa kanyang 81 taon—sa Simbahan, sa kanyang komunidad, at sa iba’t ibang dako ng mundo. Ngunit ang mga personal na nakakakilala sa kanya ay mas naaalala siya sa kanyang mga simple at mapagpakumbabang pagpapakita ng kabaitan at pagmamahal. Sinabi ni Pangulong David O. McKay, na nangasiwa sa burol ni Pangulong Smith, tungkol sa kanya, “Tunay ngang siya ay isang marangal na tao, pinakamasaya kapag napapasaya niya ang iba.”47
Muling ikinuwento ni Elder John A. Widtsoe, miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang isang karanasan niya habang sinisikap na lutasin ang isang mahalaga at mahirap na problema:
“Naupo ako sa aking opisina na pagod na pagod matapos magtrabaho sa maghapon. … Pagod ako noon. Noon din ay may kumatok sa pintuan, at pumasok si George Albert Smith. Sabi niya, ‘Papauwi na ako mula sa maghapong pagtatrabaho. Naisip kita at ang mga problemang kailangan mong lutasin. Pumasok ako para panatagin ka at basbasan.’
“Ganyan si George Albert Smith. … Hinding-hindi ko iyon malilimutan. Nag-usap kami sandali; naghiwalay kami, at umuwi na siya. Sumigla ang puso ko. Nawala ang pagod ko.
“Nakita ninyo, ang pagmamahal … ay hindi lamang isang salita o damdamin. Para maging karapat-dapat na pagmamahal ito, kailangang ipakita ito. Ipinakita ito ni Pangulong Smith sa pagkakataong iyon. Ibinigay niya ang sarili niyang oras, ang sarili niyang lakas, sa akin.”48
Si Elder Matthew Cowley, na miyembro din ng Korum ng Labindalawa at malapit na kaibigan ni Pangulong Smith, ay nagbigay-pugay sa burol sa ganitong paraan:
“Lahat ng namimighati, lahat ng dumaranas ng sakit o iba pang kagipitan, sinuman ang nakasalamuha ng anak na ito ng Diyos, ay nakahugot ng kabanalan at lakas mula sa kanya. Ang makasama siya ay paggaling, kung hindi man sa pisikal, siguradong sa espirituwal. …
“… Kinalulugdan ng Diyos ang makadiyos, at tiyak ko na ang pinakamaikling paglalakbay na nagawa ng taong ito ng Diyos ay ang katatapos niyang paglalakbay. Ang Diyos ay pag-ibig. Si George Albert Smith ay pag-ibig. Siya ay makadiyos. Kinuha na siya ng Diyos.
“… Hindi natin kayang parangalan sa salita ang buhay na gaya nito. Hindi sapat ang mga ito. Isa lamang ang paraan para parangalan ang kanyang kabanalan, ang kabutihan ng kanyang loob, ang magagandang katangian ng kanyang pagmamahal, at iyan ay sa pamamagitan ng ating mga gawa. …
“Maging mas mapagpatawad tayo, mas magiliw sa ating pakikitungo sa isa’t isa, mas mapagbigay sa isa’t isa, mas maunawain sa damdamin ng isa’t isa.”49
Ito ang mababasa sa lapida ni George Albert Smith. Ito ay buod na akma sa buhay niya na puno ng mapagmahal na paglilingkod:
“Naunawaan at ipinalaganap niya ang mga turo ni Cristo at hindi karaniwan ang tagumpay niya sa pagsasabuhay nito. Mabait siya, matiyaga, matalino, mapagparaya, at maunawain. Nabuhay siya na gumagawa ng mabuti. Mahal niya ang Utah at America, ngunit hindi lamang ito ang kanyang iniisip. Naniniwala siya, nang walang pag-aalinlangan, na kailangan ang pagmamahal at ang kapangyarihan ng pagmamahal. Para sa kanyang Simbahan at sa kanyang pamilya walang hanggan ang kanyang pagmamahal at pinaglingkuran sila nang taos-puso. Subalit walang hangganan ang kanyang pagmamahal; kabilang dito ang lahat ng tao, anuman ang lahi, relihiyon, o katayuan nila sa buhay. Sa kanila at tungkol sa kanila madalas niyang sabihin: ‘Lahat tayo ay anak ng ating Ama.’”