Kabanata 20
Temporal na Kaligtasan para sa Ating Sarili at sa Iba
Kung susundin natin ang payo ng Panginoon, mas matutugunan natin ang ating sariling temporal na mga pangangailangan at matutulungan ang mga nangangailangan sa ating paligid.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Si George Albert Smith ay naging Pangulo ng Simbahan sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Maraming winasak na bansa ang digmaan, at libu-libong tao ang walang pagkain at iba pang mga pangangailangan. Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, inilarawan ni Pangulong Smith ang kanilang mahirap na kalagayan at hinikayat ang mga Banal na tumulong na maibsan ang kanilang paghihirap: “Lahat sila ay anak [ng Diyos]. Kailangan nila tayo; hindi lamang suportang moral at mga turo ng relihiyon natin ang kailangan nila, kundi pati pagkain at damit at kumot at lahat ng klaseng tulong dahil, sa maraming sitwasyon, walang natira sa kanila. Kung mababasa lang ninyo ang ilan sa mga liham na dumating sa aming opisina mula sa ilang mahihirap na tao roon, malulungkot kayo. Ang mga taong inilayo sa kanilang tahanan sa pag-aakalang papayagan silang manirahan sa ibang lugar, at bigla na lang pinabayaan, at pagbalik nila sa sariling tahanan, nalaman nilang nilooban ito at ninakawan ng pag-aari nila—lahat—at iniwan silang walang magawa, walang mapuntahan.”1
Dahil gawi na ng Simbahan ang mag-imbak ng pagkain sa loob ng maraming taon, nakahanda ito sa pagtulong sa ganitong mga sitwasyon. Ang pagsisikap na makatulong sa gayong paraan ay nagsimula bago natapos ang 1945, nang magpunta si Pangulong Smith sa Washington, D.C., upang makipag-usap sa pangulo ng Estados Unidos na si Harry S Truman tungkol sa pagpapadala ng pagkain at damit sa Europa. Sa kanilang pag-uusap sinabi ni Pangulong Truman, “Ikalulugod naming tulungan kayo sa abot ng aming makakaya. … Gaano katagal ninyo itong maihahanda?”
Ginulat siya ni Pangulong Smith sa pagsasabing: “Handa na ang lahat. … [Matagal na] kaming nagtatayo ng mga imbakan at pinupuno namin ito ng mga butil, at pinararami ang aming mga alagang hayop, at ngayon ang kailangan namin ay mga sasakyan at barko para makapagpadala ng maraming pagkain, damit at kumot sa mga naghihirap na mamamayan ng Europa. May organisasyon kami sa Simbahan [ang Relief Society] na may nakahandang mahigit dalawang libong kubrekamang gawa nila.”
Ibinalita ni Pangulong Smith sa mga Banal na dahil sa pagpapadalang ito “maraming tao ang nakatanggap kaagad ng makapal na kasuotan at kumot at pagkain. Kapag nakakuha kami kaagad ng mga sasakyan at barko, nakahanda na ang mga kailangang ipadala sa Europa.”2
Halos 15 taon bago ito, nagsalita si Elder Smith, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa Relief Society sa isa pang panahon ng kahirapan—ang Great Depression. Itinuro niya na ang pagtulong sa mga nangangailangan ay higit pa sa pagbibigay ng temporal na tulong; kailangan din dito ang tunay na kabaitan at pagmamahal sa kapwa:
“Hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataon, sa palagay ko, na nangailangan ng kabaitan kundi ngayon. Ito ang mga panahon na ang kaluluwa ng mga tao ay sinusubukan, at ang kanilang puso ay pinipiga. Ito ang mga panahon na dumaranas ng gutom at hirap ang marami kahit ang mga Banal sa mga Huling Araw. …
“… Naniniwala ako na binibigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng pagkakataong umunlad. … Matutuklasan natin ngayon kung mayroon tayo ng pag-ibig na sinabi ng Tagapagligtas na dapat nating isapuso.”3 [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina 245.]
Mga Turo ni George Albert Smith
Kung matalino tayo sa paggamit ng ating kabuhayan, magiging handa tayo sa panahon ng kahirapan.
Ito ang payo ng mga pioneer noong araw sa pamumuno ni Pangulong [Brigham] Young na mag-imbak ng pagkain para sa loob ng isang taon, para kung masalanta man ang pananim ng sinuman, makakaraos pa siya hanggang sa susunod na taon. …
Maaari tayong dumanas ng kahirapan, mga kapatid, ngunit mapaghahandaan natin ito, kung iisipin natin ang pitong taon ng kasaganaan at pitong taon ng taggutom noong panahon ni Faraon at magpaplano tayong tulad nila [tingnan sa Genesis 41]. Ang gayong mga sitwasyon ay maaaring maulit. Hindi natin alam, ngunit alam natin na noong mga unang taon ng Simbahan ay pinayuhan ng Panguluhan at pamunuan ng Simbahan ang mga tao na mag-imbak ng sapat na pagkain upang makatugon sa oras ng kagipitan. Ang bunga nito ay mula nang manirahan nang lubusan dito ang mga tao at umani sa mga bukirin, at dumami ang mga kawan at alagang hayop, hindi na kinailangan pang maghirap ang sinuman sa pagkain.4
Nabubuhay tayo sa mga panahong mapanganib. Natutupad na ang nakasaad sa mga banal na kasulatan, at sa tingin ko ito ang panahon na posibleng malinlang ang mga hinirang. Kapansin-pansin na napakadaling makakita ng dahilan ang mga taong naghahangad paunlarin ang kanilang kabuhayan sa mundo na isantabi ang mga simpleng turo ng Panginoon hinggil sa ating buhay. At kakatwa sa akin na maraming tao ang nakagawian na ang makinig sa mga taong nagsasalita ng mga bagay na salungat sa inihayag na kalooban ng ating Ama sa Langit. …
… Ang mga taong ito ay pinayuhan nang tipirin ang kanilang lakas at kabuhayan. Naturuan tayo ng mga hinirang ng Panginoon na magtagubilin sa atin na hindi tayo dapat gumastos nang higit sa ating kinikita, na hindi tayo dapat sumunod sa kalakaran ng mundo at gumastos nang mabilis at mas mabilis pa kaysa pagkita natin ng pera, upang mapangalagaan ang ating sarili at ating pamilya.
Nangangamba ako na ang mga Banal sa mga Huling Araw, sa maraming sitwasyon, ay nabubulag ng sarili nilang karangyaan, ng hangarin nilang maging tulad ng nasa mundo; at malinaw tayong sinabihan ng ating Ama sa Langit na hindi tayo maaaring mamuhay ayon sa pamumuhay ng mundo at kasabay nito’y matamasa rin ang kanyang Espiritu.5
May ilang tao … na inuubos ang kanilang mga ari-arian at ginagastos ang kanilang pera sa mga bagay na hindi naman kailangan, at pagsapit ng kagipitan, hindi nila matugunan ang kanilang mga obligasyon.
Maaari tayong matuto ng aral mula sa langgam. Iniipon niya ang kanyang mga pagkain kapag mayroon at iniimbak ang mga ito para sa panahon na hindi posibleng makakuha ng pagkain. Dahil dito laging puno ang kanyang imbakan. Hindi ganyan ang ginagawa ng tipaklong, na mas malaking insekto. Hindi siya nag-iimbak ng anuman para sa panahon ng taghirap, kundi umaasa sa kalikasan na bigyan siya ng kanyang mga pangangailangan, at dahil dito ay maraming tipaklong na namamatay sa gutom.
Nangangamba ako na may ilang tao na gaya ng tipaklong at hindi sinasamantala ang mga pagkakataon nila sa magandang paraan. Kung susundin nila ang aral mula sa langgam, mag-iimbak sila ng pagkaing kailangan nila at hindi sila mauubusan.6 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 245.]
Inutusan tayo ng Panginoon na magtrabaho upang magkaroon ng sariling pagkakakitaan.
Ang katotohanan na madaling magkaroon ng napakaraming pera ang maraming tao ay nagpapadama kung minsan sa mga kabataan na dahil madaling magkapera, hindi na kailangan o dapat pang hangarin na magkaroon ng marangal na trabaho. Subalit naniniwala ako na walang taong nabuhay sa mundo na hindi napasama dahil sa hindi naghanapbuhay nang may integridad at kasipagan.
Kung lumaki sa katamaran ang ating mga anak, alam natin na hindi ito kalugud-lugod sa Panginoon.7
Higit tayong uunlad kapag naging abala tayo sa isang marangal na trabaho.8
Sinabi ng ating Ama sa Langit … na noon pa ay may mga tamad na sa Sion, … at sabi niya, “Siya na tamad ay hindi makakakain ng tinapay ni makapagsusuot ng kasuotan ng manggagawa.” D at T 42:42.] Palagay ko hindi niya tinutukoy ang mga hindi makakita ng trabaho, at talagang nagsisikap na pangalagaan ang kanilang sarili. Palagay ko tinukoy niya ang ugali ng ilang tao na umaasa sa kanilang kapwa. … Palagay ko walang katwiran ang sinumang tao sa mundong ito na mag-akalang makakaasa siya sa iba na tustusan ang kanyang ikabubuhay. Noong bata pa ako, hindi ko inisip na may tao na mapipilitang magbigay sa akin ng aking ikabubuhay. Binigyan ako ng Panginoon ng katalinuhan. Iniutos Niya na dapat akong magtrabaho, at nagsimula akong magtrabaho sa edad na labindalawa, at natuwa ako roon, at naghanapbuhay ako at tumulong sa iba sa loob ng mahigit limampung taon.
Nagpapasalamat ako sa Diyos sa trabaho, sa kagalakan na nagmumula sa paggawa ng mga bagay sa mundo. Wala akong tinutukoy na anumang partikular na trabaho maliban sa ito ay dapat maging marangal. Ngunit sinabi ng Panginoon na dapat tayong maging masipag. Noong unang panahon sinabi niya na mula sa pawis ng ating mukha ay kakain tayo [tingnan sa Genesis 3:19].9 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 245.]
Mayaman man o maralita ay hindi dapat ilagak ang kanilang puso sa mga kayamanan.
“Sa aba ninyong mayayaman, na hindi nagbibigay ng inyong yaman sa mga maralita, sapagkat ang inyong kayamanan ang lulupig sa inyong mga kaluluwa; at ito ang inyong magiging panaghoy sa araw ng pagdalaw, at ng paghuhukom, at ng pagkagalit: Ang pag-aani ay tapos na, ang tag-araw ay tapos na, at ang aking kaluluwa ay hindi naligtas!” (D at T 56:16.)
Iyan ang sabi ng Panginoon sa mayayaman na tumatangging ibahagi ang kanilang yaman sa mga maralita. Ngunit may sinabi siyang mahalaga sa taong maralita na hindi ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya. Sabi niya:
“Sa aba ninyong mga maralita, na ang puso ay hindi bagbag, na ang mga espiritu ay hindi nagsisisi, na ang mga tiyan ay hindi nasisiyahan, na ang mga kamay ay hindi mapigilan sa pagkuha ng ari-arian ng iba, na ang mga mata ay puno ng kasakiman, at hindi nagpapagal sa sarili ninyong mga kamay! (D at T 56:17.) …
… At sabi pa niya, “Subalit pinagpala ang mga maralita na dalisay sa puso.” Malaki ang pagkakaiba rito, “… pinagpala ang mga maralita na dalisay sa puso, na may mga pusong bagbag, na may mga espiritung nagsisisi, sapagkat makikita nila ang kaharian ng Diyos na dumarating sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian sa kanilang pagkaligtas; sapagkat ang kasaganaan ng lupa ay mapapasakanila.” (D at T 56:18.)
Sila ang mga walang kayamanan sa mundo ngunit may buhay pa rin at pag-iral at katalinuhan, at sabik gawin ang mga bagay na ipinagagawa sa kanila ng Panginoon. …
Ngayon, mga kapatid, may mga mayaman at maralita sa ating mga organisasyon. Kung tayo ay maralita, maaari tayong maging karapat-dapat tulad ng sinabi ng Panginoon dito. Maaari tayong maging dalisay sa puso at magsikap nang lubos, at hindi niya tutulutan ang mga nagsisikap nang lubos na magdusa para sa mga pangangailangan sa buhay ng mga taong kabilang sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. …
Sana ay huwag tayong magalit dahil sa mayaman ang ilang kalalakihan at kababaihan. Kung tayo ay mayaman, sana ay hindi lamang sarili natin ang ating isipin at alamin natin ang mga pangangailangan ng iba pang mga anak ng ating Ama. Kung mas angat ang ating buhay kaysa sa kanila, dapat tayong maging tunay na magkakapatid, at hindi pakunwari lamang. Ang dapat nating hangarin ay makalikha sa mundong ito ng organisasyon na kung saan ang ibang nakakakita sa ating mabubuting gawa ay mahikayat na luwalhatiin ang pangalan ng ating Ama sa Langit. …
Hindi natin dapat tularan ang masasamang gawi ng ibang tao. Hindi natin dapat isiping kunin ang pag-aari ng ibang tao. Balikan ang sampung utos, at makikita ninyo ang isang maikling talata, “Huwag mong iimbutin.” [Exodo 20:17.] …
Hindi dapat ganito ang nasa isip natin. Maaaring gawin iyan ng iba, ngunit kung may diwa tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating puso, hindi tayo malilinlang sa gayong bagay.
Sinabi sa atin na hindi natin sabay na mapaglilingkuran ang Diyos at ang iba pang panginoon [tingnan sa Mateo 6:24]. Kailangan nating pumili, at kung gusto nating maging mga lingkod ng Diyos at mga anak ng ating Ama sa Langit at matamo ang kanyang mga pagpapala, kailangan nating gawin ito sa pamamagitan ng paggalang sa kanya at pagsunod sa kanyang mga utos. Ang ating damdamin, at ating pagmamahal, kung dapat ko ngang sabihin iyan, ay dapat lumaganap sa buong mundo sa mga tatanggap nito.10 [Tingnan ang mungkahi 4 sa pahina 245.]
Sa pamamagitan ng ikapu at iba pang mga handog, tumutulong tayo sa gawain ng Simbahan at nagpapala sa mga nangangailangan.
Binigyan na tayo ng Panginoon ng pribilehiyong magbigay ng ikasampung bahagi ng ating kita, para sa Kanyang Simbahan, para sa ikauunlad ng Kanyang gawain sa mundo. Ang mga nagbabayad ng kanilang ikapu ay binibiyayaan. … Hindi natin maaasahang mabiyayaan tayo nang hindi nagsisikap. Pagagawin tayo ng mga bagay na sa ilang tao ay mukhang sakripisyo. Palagay ko iniisip ng mga tao na kapag nagbayad sila ng ikapu ay nagsasakripisyo sila, pero hindi; namumuhunan lamang sila na ang ganti ay walang-hanggang pagpapala. Lahat ng nasa atin ay bigay ng ating Ama sa Langit. Ipinabahala Niya ang lahat sa ating mga kamay, binigyan tayo ng karapatang angkinin ang siyamnapung porsiyento nito, at inutusan Niya tayong ilagay ang Kanyang sampung porsiyento ayon sa tagubilin Niya, na alam Niyang makagagawa ng pinakamabuting pagpaunlad sa Kanyang Simbahan.
Nang marinig natin ang mga ulat ng malaking Simbahang ito ngayong umaga [sa isang sesyon ng pangkalahatang kumperensya], labis akong humanga sa ulat sa pananalapi—na malaman na ang malaking organisasyong tulad nito, na napakaraming miyembro, na gumaganap ng tungkulin sa napakaraming paraan, sa gitna ng kaguluhan at kapighatian ay nasa kalagayang makatatayo at tapat na masasabi ng isa sa Panguluhan ng Simbahan na walang utang ang Simbahan. Kahit may utang ang mga bansa at karamihan sa mga tao, napamahalaan nang mabuti ang Simbahan kung kaya’t wala itong utang. Pag-isipan natin ito. Suportahan natin ang Simbahan. Sundin natin ang kasalukuyang pamunuan ng Simbahan. Mamuhay tayo sa paraang mapagpapala tayo ng Panginoon tulad ng pagpapala Niya sa Simbahan.11
Kung nagbayad kayo ng tapat na ikapu, masasabi ko nang walang pag-aatubili na naging mas malaking pagpapala ang natirang siyamnapung porsiyento sa mga nagbayad ng ikapu kaysa sa isandaang porsiyento ng mga hindi nagbayad. Ito ang gawain ng Panginoon. … Hindi ito magagawa ng tao. Sa lahat ng inyong kabutihang-loob at pagbibigay, sa lahat ng inyong gawaing misyonero, sa pangangalaga ninyo sa mga maralita, … sa lahat ng ibinibigay ninyo bilang mga karaniwang tao, pinatototohanan ko na ang natira sa inyo ay maghahatid sa inyo ng higit na kaligayahan, higit na kapayapaan, higit na kapanatagan at katiyakan sa buhay na walang-hanggan kaysa sa tinatamasa ng ibang tao sa mundo ngayon.12
Tiyak ko na mahal ng Panginoon ang mga mapagpakumbaba at tapat na kaluluwang handang tumulong at umantig sa mga nangangailangan sa pagkain man o damit o kumot o kabaitan dahil bahagi iyan ng ebanghelyo ni Jesucristo.13 [Tingnan ang mungkahi 5 sa pahina 246.]
Kung tayo ay bukas-palad sa pagbibigay, walang taong maghihirap.
Hindi na kailangang maghirap ang sinumang lalaki, babae, o bata sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, dahil inorganisa ang Simbahan para tulungan ang mga hikahos sa buhay. Maraming nakalaan para sa lahat, at may sobra pa. … Tinulutan ng Diyos ang tao na magpayaman, at kung nakamit nila ito sa tamang paraan, kanila ito, at pagpapalain niya sila sa paggamit nito kung gagamitin nila ito nang tama.14
Labis tayong nakatuon sa mundo kaya nalilimutan natin ang mga taong nagdurusa na maaari nating tulungan, sa maraming pagkakataon.15
Isipin ang kalalakihang nawalan ng trabaho at maging ang kababaihan. … Isipin ang dami ng nagdurusang mga anak ng ating Ama na minamahal niya tulad ng pagmamahal niya sa atin. Isipin ang magiging pagdurusa kung tayo na mas mapalad ay hindi magbibigay ng yamang ipinabahala ng Diyos sa ating mga kamay—hindi lang yaman, kundi kung ipagkait natin sa kanyang mga anak ang salita ng paghikayat at pagtulong at hindi tayo makabisita sa mga tahanan kung saan napakaraming nangangailangan at magbigay ng maaaring ibigay ng bawat isa sa atin. Mga kapatid, lahat ng pagkakataong ito ay ibinigay sa atin upang mapaunlad ang ating sarili at mapabuti ang ating pagkatao at makatipon tayo para sa ating sarili ng mga kayamanan sa langit kung saan hindi ito masisira ng tanga o kalawang, at mananakaw ng magnanakaw [tingnan sa Mateo 6:20]. Ang mga pagkakataong ito ay ibinibigay sa atin ng isang matalinong Ama na dahil alam ang lahat ng bagay mula sa simula hanggang wakas ay nagsabing: “Ito ang daan, lakaran ninyo.”
Tumingin … tayo sa paligid ng ating sambayanan—huwag itong ipaubaya sa Bishop at Relief Society, kundi maglingkod ang bawat isa sa atin nang may mapagmahal na kabaitan sa mga taong lubhang mangangailangan sa atin. At anuman ang ating gawin huwag nating ipadama sa mga nangangailangan ng tulong na para silang mga pulubi. Ibigay natin ang ibinibigay natin na para bang sa kanila ito. Ipinahiram ito sa atin ng Diyos. Kung minsan tayo na nagkaroon ng kabuhayan ay [kumikilos] na para bang iniisip natin na atin ito. Lahat ng nasa atin, ang ating pagkain, kasuotan, tirahan, mga tahanan at pagkakataon ay ibinigay lahat sa atin bilang mga katiwala sa Simbahan at kaharian ng ating Ama sa Langit, at kung … ibabahagi natin ang ating yaman kahit ito ay singliit ng lepta ng balo, makakamtan natin mula sa kanya na naninirahan sa kalangitan ang mga pagpapalang kailangan natin sa ating panahon dito sa mundo, at pagdating ng oras na paroroon na tayo malalaman natin na naghihintay ang pagpapala ng isang mapagmahal na Ama na nagpapahalaga sa ating mga pagsisikap.16
Kung hangad nating mapabilang sa kaharian ng ating Panginoon, ang kahariang selestiyal, ito ang pagkakataon natin upang maghanda,—nang may pagmamahal na hindi nagmamaliw, kasipagan, katipiran, tiyaga, at hangaring gawin ang lahat ng ating makakaya upang pagpalain ang kapwa, upang magbigay—nang hindi laging iniisip na dapat tayong tumanggap, kundi naghahangad na magbigay, sapagkat sinasabi ko sa inyo: “Lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap.” [Mga Gawa 20:35.] Ang Ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagbibigay, hindi lamang ng ating yaman kundi ng ating sarili, at nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit na kabilang ako sa isang organisasyon na tinuruang gawin ito.17 [Tingnan ang mungkahi 6 sa pahina 246.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Sinabi ni George Albert Smith sa mga Banal noong Great Depression, “Naniniwala ako na binibigyan tayo ng ating Ama sa langit ng pagkakataong umunlad” (pahina 236). Ano ang ibig sabihin nito sa inyo? Sa paanong mga paraan tayo “umuunlad” habang naglilingkod tayo sa mga nangangailangan?
-
Habang binabasa ninyo ang unang bahagi ng mga turo (mga pahina 237–239), pag-isipan ang mga bagay na magagawa ninyo para simulan o dagdagan ang inyong imbak ng pagkain at kabuhayan. Ano ang ilang halimbawa ng mga kagipitan o kalagayang dapat ninyong paghandaan? Ano ang magagawa ng mga korum ng priesthood at Relief Society para tulungan ang mga miyembro na mapaghandaan ang mga kagipitang ito?
-
Repasuhin ang bahaging nagsisimula sa pahina 239 at basahin ang Doktrina at mga Tipan 68:31. Sa palagay ninyo, bakit tayo pinagtatrabaho ng Panginoon para sa ating ikabubuhay? Ano ang ilang epektibong paraan para maituro sa mga bata ang kahalagahan ng pagtatrabaho?
-
Basahin ang mga babala ni Pangulong Smith sa mayayaman at maralita sa mga pahina 240–241. Ano ang mga ibubunga ng paglalagak ng ating puso sa mga kayamanan? Ano ang magagawa natin para maiwasan ito?
-
Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina 241, kung saan tinalakay ni Pangulong Smith ang mga pagpapala ng pagbabayad ng ikapu at iba pang mga handog. Ano ang ilang epektibong paraan para maituro sa mga kabataan o bagong miyembro ang tungkol sa mga pagpapalang ito?
-
Habang pinag-aaralan ninyo ang huling bahagi ng mga turo (mga pahina 243–245), mag-isip ng isang partikular na bagay na magagawa ninyo upang matulungan ang bishop at iba pang mga lider sa ward na tugunan ang mga pangangailangan ng mga tao sa inyong ward o komunidad. Ano ang ibig sabihin sa inyo ng magbigay “hindi lamang ng ating yaman kundi ng ating sarili”?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Taga Efeso 4:28; Santiago 1:27; 2 Nephi 5:17; Jacob 2:17–19; Mosias 4:22–25; Doktrina at mga Tipan 104:13–18
Tulong sa pagtuturo: “Kahit na nagtuturo kayo ng maraming tao [nang sabay-sabay], [matutulungan] ninyo ang bawat isa. Halimbawa, [tinutulungan] ninyo ang bawat isa kapag binabati ninyo nang masigla ang bawat isa sa simula ng klase… . Inyo ring [tinutulungan] ang bawat isa kapag ginagawa ninyong kaaya-aya at ligtas ang pakikibahagi” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 43).