Pambungad
Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula ng seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan para tulungan kayong palalimin ang inyong pag-unawa sa ipinanumbalik na ebanghelyo at lalo kayong mapalapit sa Panginoon sa pamamagitan ng mga turo ng mga propeta sa mga huling araw. Sa pagdaragdag ng Simbahan ng mga aklat sa seryeng ito, makakakolekta kayo ng mga reperensyang aklat ng ebanghelyo sa inyong tahanan. Ang mga tomo sa seryeng ito ay nilayong magamit sa personal na pag-aaral at sa pagtuturo sa araw ng Linggo. Matutulungan rin kayo nitong ihanda ang iba pang mga aralin o mensahe at sagutin ang mga tanong tungkol sa doktrina ng Simbahan.
Tampok sa aklat na ito ang mga turo ni Pangulong George Albert Smith, na naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Mayo 21, 1945, hanggang Abril 4, 1951.
Personal na Pag-aaral
Habang pinag-aaralan ninyo ang mga turo ni Pangulong George Albert Smith, mapanalanging hangarin ang inspirasyon ng Espiritu. Ang mga tanong sa dulo ng bawat kabanata ay makakatulong upang maunawaan ninyo ang mga turo ni Pangulong Smith at maiangkop ang mga ito sa inyong buhay. Habang pinag-aaralan ninyo ang mga turong ito, maaari ninyong isipin kung paano ninyo ito maituturo sa mga kapamilya at kaibigan. Palalakasin nito ang pag-unawa ninyo sa inyong binabasa.
Pagtuturo mula sa Aklat na Ito
Magagamit ninyo ang aklat na ito sa pagtuturo sa tahanan o sa simbahan. Makakatulong sa inyo ang sumusunod na mga tuntunin.
Maghandang Magturo
Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo habang naghahanda kayong magturo. Mapanalanging pag-aralan ang kabanata upang magkaroon kayo ng tiwala sa pagkaunawa ninyo sa mga turo ni Pangulong Smith. Makapagtuturo kayo nang mas taimtim at mabisa kapag naimpluwensyahan kayo ng kanyang mga salita (tingnan sa D at T 11:21).
Kung nagtuturo kayo ng aralin sa Melchizedek Priesthood o Relief Society, hindi ninyo dapat isantabi ang aklat na ito o ihanda ang mga aralin mula sa iba pang mga materyal. Mapanalanging piliin mula sa kabanata ang mga turong sa pakiramdam ninyo ay makakatulong nang malaki sa mga tinuturuan ninyo. Ang ilang kabanata ay naglalaman ng mas maraming materyal kaysa kaya ninyong talakayin sa oras ng klase. Hayaang magpatuloy ang magagandang talakayan sa halip na sikaping talakayin ang lahat ng turo.
Hikayatin ang mga kalahok na pag-aralan ang kabanata bago ituro ang aralin at dalhin nila ang aklat. Kapag ginawa nila ito, magiging mas handa silang makilahok sa talakayan at patatagin ang isa’t isa.
Pasimulan ang Kabanata
Habang pinasisimulan ninyo ang kabanata, at sa buong aralin, sikaping lumikha ng kapaligiran na maaantig ng Espiritu ang mga puso at isipan ng inyong mga tinuturuan. Upang masimulan ang aralin, tulungan ang mga tinuturuan ninyo na magtuon sa mga turo sa kabanata. Upang magawa ito, maaari ninyong:
-
Basahin at talakayin ang bahaging pinamagatang “Mula sa Buhay ni George Albert Smith” sa simula ng kabanata.
-
Talakayin ang isang larawan o talata mula sa kabanata.
-
Kantahin ang isang kaugnay na himno.
-
Ibahagi nang kaunti ang isang personal na karanasan tungkol sa paksa.
Pangunahan ang Talakayan tungkol sa mga Turo ni Pangulong Smith
Habang nagtuturo kayo mula sa aklat na ito, anyayahan ang iba na ibahagi ang kanilang iniisip, magtanong, at turuan ang isa’t isa. Matututo silang mabuti kapag aktibo silang nakikilahok. Mabuting paraan din ito para matulungan silang tumanggap ng personal na paghahayag. Upang makahikayat ng talakayan, gamitin ang mga tanong sa dulo ng kabanata. Ang mga tanong na ito ay nakareperensya sa iba’t ibang bahagi ng kabanata upang ipakita kung aling bahagi ng mga turo ang tinutukoy nito. Maaari din kayong gumawa ng sarili ninyong mga tanong para sa mga tinuturuan ninyo. Halimbawa, maaari ninyong itanong sa mga kalahok kung paano nila maiaakma ang mga turo ni Pangulong Smith sa kanilang mga tungkulin bilang magulang o bilang home teacher o visiting teacher.
Ang sumusunod na mga opsyon ay maaaring magbigay sa inyo ng karagdagang mga ideya:
-
Ipabahagi sa mga kalahok ang natutuhan nila mula sa kanilang personal na pag-aaral sa kabanata. Maaaring makatulong kung kokontakin ang ilang kalahok sa loob ng linggong iyon at paghandain silang magbahagi ng kanilang natutuhan pagdating nila.
-
Atasan ang mga kalahok na basahin ang mga piling tanong sa dulo ng kabanata (isa-isa o sa maliliit na grupo). Ipahanap sa kanila ang mga turo sa kabanata na may kaugnayan sa mga tanong. Pagkatapos ay ipabahagi sa kanila sa grupo ang kanilang mga iniisip at ideya.
-
Sama-samang basahin ang mga piling pahayag ni Pangulong Smith mula sa kabanata. Ipabahagi sa mga kalahok ang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at mula sa sarili nilang karanasan na naglalarawan ng itinuro ni Pangulong Smith.
-
Papiliin ang mga kalahok ng isang bahaging interesado sila at ipabasa ito nang tahimik. Anyayahan silang magtipon sa mga grupong may dalawa o tatlong miyembro na pipili ng iisang bahagi at tatalakayin ang kanilang natutuhan.
Tapusin ang Talakayan
Ibuod nang maikli ang aralin o ipabuod ito sa isa o dalawang kalahok. Hikayatin ang inyong mga tinuturuan na ibahagi sa iba ang natutuhan nila mula sa mga turo ni Pangulong Smith. Patotohanan ang mga turo na inyong tinalakay. Maaari din ninyong ipabahagi sa iba ang kanilang patotoo.
Impormasyon tungkol sa mga Pinagkunang Binanggit sa Aklat na Ito
Ang mga turo ni Pangulong Smith sa aklat na ito ay tuwirang sinipi mula sa iba’t ibang mapagkukunan. Pinanatili sa mga hangong ito ang pagbabantas, pagbabaybay, pagpapalaki ng mga titik, at pag-aayos ng mga talata sa orihinal na mga pinagkunan maliban kung kinailangan itong baguhin ng patnugot o itama ang baybay para mas maayos itong basahin. Dahil dito, maaari kayong makapansin ng kaunting pagkakaiba sa teksto. Halimbawa, ang salitang ebanghelyo ay nagsimula sa maliit na titik sa ilang sipi at sa malaking titik naman sa iba.
Gayundin, madalas gamitin ni Pangulong Smith ang mga katagang tulad ng kalalakihan, lalaki, o sangkatuhan sa pagtukoy sa lahat ng tao, kapwa lalaki at babae. Karaniwan ito sa wikang ginamit sa kanyang panahon. Sa kabila ng mga kaibhan ng makaluma sa makabagong wika, angkop ang mga turo ni Pangulong Smith kapwa sa kababaihan at sa kalalakihan.