Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Mga Pagpapala ng Templo para sa Ating Sarili at sa Ating mga Ninuno


Kabanata 8

Mga Pagpapala ng Templo para sa Ating Sarili at sa Ating mga Ninuno

Ang layunin ng mga templo ay maglaan ng lugar kung saan maisasagawa ang mga banal na ordenansa para sa mga buhay at patay.

Mula sa Buhay ni George Albert Smith

Noong 1905, bilang isang bagong Apostol, nilibot ni George Albert Smith ang ilang mahahalagang lugar sa kasaysayan ng Simbahan kasama si Pangulong Joseph F. Smith at ang iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa. Ang isang lugar na binisita nila ay ang Kirtland, Ohio, kung saan itinayo ng naunang mga Banal ang unang templo sa dispensasyong ito. “Nang matanaw namin ang bayan,” paggunita ni Elder Smith, “ang una naming nakita ay ang magandang templo ng Kirtland. … Doon nakita ni Propetang Joseph Smith at [Oliver Cowdery] ang Tagapagligtas sa sandigan ng pulpito. Doon ipinagkaloob sa kanila ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel; at dumating sina Elias at Elijah sa kapangyarihan at karingalan ng kanilang mga dakilang tungkulin, at ibinigay ang mga susing ipinagkatiwala sa kanila noong panahon ng kanilang ministeryo sa lupa.”

Habang naglilibot ang grupo sa templo, naisip ni Elder Smith ang matatapat na Banal na nagtayo nito. “Nang matanto namin na ang gusali ay itinayo ng mga taong nagdarahop, kung paano nagtrabaho maghapon ang magigiting na lalaki upang mailatag ang mga pundasyon at itayo ang mga pader ng gusaling iyon, at sa gabi ay tumayo at ipinagtanggol ito gamit ang mga sandata laban sa mga sumumpa na hindi dapat matapos kailanman ang pagtatayo ng gusaling iyon, hindi namin maiwasang madama na hindi kataka-takang tinanggap ng Panginoon ang kanilang mga handog at pinagpala silang tulad ng iilang tao sa ibabaw ng lupa.”1

Ilang taon pagkaraan, matapos maitalaga bilang Pangulo ng Simbahan, inilaan ni Pangulong Smith ang Idaho Falls Idaho Temple. Sa panalangin ng paglalaan, nagpasalamat siya sa nakapagliligtas na gawaing isinagawa sa templo para sa mga buhay at patay:

“Salamat sa inyo, Oh Diyos, sa pagsusugo kay Elijah, ang sinaunang propeta, na kung kanino ay ‘… ipinagkatiwala ang mga susi ng kapangyarihan ng pagbabaling ng mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga puso ng mga anak sa mga ama, upang ang buong sangkatauhan ay hindi bagabagin ng isang sumpa.’ [D at T 27:9.] Nagpapasalamat po kami na ipinadala siya sa inyong tagapaglingkod na si Joseph Smith, upang ipagkaloob ang mga susi at awtoridad ng gawain para sa mga patay, at ihayag na sakop o saklaw ng plano ng kaligtasan ang buong sangkatauhan, na ang ebanghelyo ay pangkalahatan, at kayo ay walang kinikilingan, matapos bigyang-daan ang pangangaral ng ebanghelyo ng kaligtasan kapwa sa nabubuhay at sa mga patay. Lubos po kaming nagpapasalamat sa inyo na inilaan ang kaligtasan para sa lahat ng nais maligtas sa inyong kaharian.

“Nawa’y masiyahan ang inyong mga tao na saliksikin ang genealogy ng kanilang mga ninuno upang sila ay maging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion sa pamamagitan ng paggawa sa inyong mga templo para sa kanilang mga kamag-anak na yumao. Dalangin din namin na ang diwa ni Elijah ay mapasalahat ng tao sa lahat ng dako nang sila ay mahikayat na tipunin at kunin ang genealogy ng kanilang mga ninuno; at magamit ng inyong matatapat na anak ang mga banal na templo kung saan maisasagawa nila para sa mga patay ang lahat ng ordenansang may kinalaman sa kanilang walang hanggang kadakilaan.”

Sa kanyang panalangin kinilala rin ni Pangulong Smith na ang templo ay talagang bahay ng Panginoon at isang lugar kung saan madarama ang presensya ng Diyos:

“Sa araw na ito kaming narito ngayon ay inilalaan ang Templo sa inyo at lahat ng nauukol dito upang maging banal ito sa inyong paningin; upang ito ay maging bahay ng panalangin, bahay ng papuri at pagsamba, upang dumito ang inyong kaluwalhatian at manatili rito ang inyong banal na presensya; at upang maging katanggap-tanggap na tahanan ito ng inyong Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, na aming Tagapagligtas; nang ito ay kapwa mapabanal at mailaan ang lahat ng bahagi nito sa inyo, at dalangin namin na lahat ng papasok sa inyong Bahay ay madama ang kabanalan nito. …

“Ama namin sa Langit, hayaan sana ninyong madamang lagi ang inyong presensya rito, nang lahat ng magtipon dito ay matanto na sila ay mga panauhin ninyo at na ito ay inyong Bahay.”2 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 99.]

Mga Turo ni George Albert Smith

Sa mga templo tinatanggap natin ang mga sagradong ordenansa, kabilang na ang mga ordenansang nagbibigkis sa mga pamilya sa kawalang-hanggan.

Upang maihanda tayo para sa kahariang [selestiyal], sa awa ng Panginoon, ipinanumbalik niya sa mga huling araw na ito ang Ebanghelyo ni Jesucristo, at inilagak dito ang banal na awtoridad, at saka niya binigyan ng pang-unawa ang Kanyang mga anak upang matanggap at maisagawa ang ilang ordenansa. Dahil sa layuning ito nagtayo ng mga templo at sa loob ng mga templong iyon yaong mga naghahangad ng lugar sa Kahariang Selestiyal ay may pagkakataong magpunta roon at tanggapin ang kanilang mga pagpapala, upang pagyamanin ang kanilang buhay at ihanda sila para sa kahariang iyon.3

Tayo lamang ang mga tao sa mundo na nakaaalam kung para saan ang mga templo.4

Bawat [templo] ay itinayo sa isang dakila at walang hanggang layunin: upang magsilbing Bahay ng Panginoon, upang maglaan ng isang lugar na sagrado at angkop sa pagsasagawa ng mga banal na ordenansang nagbubuklod sa lupa gayundin sa langit—mga ordenansa para sa mga patay at buhay na tumitiyak sa mga tumatanggap nito at tapat sa kanilang mga tipan, na mapapasakanila at makakasama nila ang kanilang pamilya, mga daigdig na walang katapusan, at kadakilaan na kasama sila sa kahariang selestiyal ng ating Ama.5

Dapat tayong magpasalamat sa kaalaman tungkol sa kawalang-hanggan ng tipan sa kasal. Kung sa buhay lamang na ito tayo may pag-asa, talagang tayo ang magiging pinakamiserable sa lahat [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:19]. Ang katiyakan na ang ating kaugnayan dito bilang mga magulang at mga anak, bilang mga mag-asawa ay magpapatuloy hanggang sa langit, at na ito ay simula lamang ng isang dakila at maluwalhating kaharian na itinakda ng ating Ama na manahin natin sa kabilang-buhay, ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at galak.6

Kung iisipin ko, gaya ng iniisip ng marami, na ngayong wala na ang pinakamamahal kong asawa at mga magulang, nawala na sila sa akin at hindi ko na sila makikita kailanman, pagkakaitan ako nito ng isa sa mga pinakamalaking kagalakan ko sa buhay: ang isipin ko na muli ko silang makikita, at sasalubungin nila ako at mamahalin, at pasasalamatan ko sila sa kaibuturan ng aking puso para sa lahat ng bagay na nagawa nila para sa akin.

Ngunit milyun-milyon sa mga anak ng ating Ama ang hindi nakaaalam na sa pakikibahagi sa ilang ordenansang iniutos ng ating Ama sa Langit, ang mga mag-asawa ay maaaring magkasamang muli sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan at makapiling ang kanilang mga anak magpakailanman. Dapat nating ipagpasalamat nang husto ang kaalamang iyan.7

Iilang lugar lamang sa mundo ang maaaring pagkasalan sa atin para sa kawalang-hanggan, at iyon ay sa mga templo ng Diyos. … Marami rin sa mga kapatid natin, na pawang mga anak ng ating Ama sa Langit, ang hindi nabibigyan ng ganitong pribilehiyo dahil sa … di-maiiwasang mga dahilan. Ngunit kung namumuhay sila nang marapat at sinamantala nila ang pribilehiyong ito, kung nakaya nilang gawin iyon, walang mawawala sa kanila sa pansamantalang masasamang sitwasyong ito. Ngunit isipin ninyo kung gaano lalaki ang responsibilidad ng mga taong namumuhay sa lugar kung saan maaaring magsama nang walang hanggan ang mga lalaki at babae, at kung saan sila makapupunta para gawin ang gawain para sa kanilang mga yumao! Walang ganitong pagpapala ang mga tao sa mundo. Iniisip ko kung pinahahalagahan nga natin ito. …

Turuan natin ang ating mga kabataan tungkol sa mga bagay na ito habang bata pa sila, upang kapag mag-aasawa na sila, wala nang alinlangan sa kanilang isipan kung saan o paano o sino ang dapat magsagawa ng sagradong ordenansang iyon—at ang tanging lugar kung saan maaari itong isagawa para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan ay sa loob ng templo.8

Pinasasalamatan ko [ang Panginoon] sa lahat ng ordenansang natanggap ko sa Bahay ng Panginoon, na bawat isa ay nakalaan hindi lamang para sa akin, kundi pinayagan akong tanggapin ang bahaging para sa lahat ng kanyang anak, saanman sila naroon, kung handa silang tanggapin ang iniaalok niya sa kanila, nang walang bayad.9

Lahat ng … templong itinayo o ilalaan pa lamang, ay mapapatunayang isang napakalaking pagpapala sa lahat ng taong karapat-dapat na gumamit ng pribilehiyong ito, kapwa para sa kanilang sarili at para sa mga kamag-anak nilang yumao.10 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 100.]

Sa pamamagitan ng gawain sa templo naipapaabot natin ang mga walang hanggang pagpapala sa ating mga ninunong namatay na.

Ang genealogical society ay gumugol ng maraming taon sa pangongolekta ng impormasyon sa [family history], at ang iba ay gumugugol ng maraming taon sa pagpunta sa Bahay ng Panginoon upang magpabinyag para sa mga patay, pagbuklurin ang mga mag-asawa at mga anak sa isa’t isa, pagbuklurin ang pamilya gaya ng ipinagagawa sa atin ng ating Ama sa Langit. Makabubuting itanong ng bawat isa sa kanyang sarili: Ano ang ginagawa ko tungkol dito? Ginagawa ko ba ang bahagi ko? Sinabi ng ating Ama sa Langit sa mga tao sa pamamagitan ni Joseph Smith na, kung hindi natin gagawin ang gawain para sa ating mga yumao, mawawala sa atin ang ating mga pagpapala, at iwawaksi tayo, at ang isa sa pinakahuling mga bagay na sinikap gawin ng Propeta ay tapusin ang pagtatayo ng isang templo na mapupuntahan ng mga tao para isagawa ang gawain para sa kanilang mga yumao. Ganyan ito kahalaga. Kailangan itong gawin ng isang tao.11

Naaalala ko rito ang kuwento tungkol sa magkapatid na nakatira sa isang bayan sa hilagang Utah: Ang mas matandang si Henry ay mataas ang katungkulan sa bangko at isang negosyante, at sagana sa buhay. Ang isa naman, si George, ay isang magsasaka, at sapat lang sa kanyang mga pangangailangan, ngunit hangad niyang gawin ang gawain sa templo para sa kanilang mga yumao. Sinaliksik niya ang kanilang genealogy at nagpunta sa templo at ginawa ang gawain para sa mga yumao.

Isang araw sabi ni George kay Henry, “Palagay ko dapat kang magpunta sa templo at tumulong.”

Pero sabi ni Henry, “Wala akong panahong gumawa ng ganyan. Nauubos ang oras ko sa pag-aasikaso sa negosyo ko.” …

Pagkaraan ng mga isang taon, tumawag si Henry sa bahay ni George at sinabing, “George, nanaginip ako, at nag-aalala ako. Masasabi mo kaya sa akin ang kahulugan niyon?”

Nagtanong si George, “Ano ang napanaginipan mo, Henry?”

Sabi ni Henry, “Nanaginip ako na namatay tayong dalawa at nasa kabilang-buhay na tayo. Habang naglalakad, may naraanan tayong isang magandang lungsod. Sama-sama ang mga tao sa mga grupo sa maraming lugar, at bawat lugar na pinuntahan natin ay kinamayan ka nila at inakbayan at binasbasan at sinabi na malaki ang pasasalamat nilang makita ka, pero,” wika niya, “ni hindi nila ako pinansin; ayaw nila akong kaibiganin. Ano ang kahulugan niyon?”

Tanong ni George, “Akala mo nasa kabilang-buhay na tayo?”

“Oo.”

“Kung ganoon, ito ang sinasabi ko sa iyo noon pa. Sinisikap kong hikayatin kang gawin ang gawain para sa mga taong iyon na nasa kabilang-buhay. Ginagawa ko na ang gawain para sa marami sa kanila, pero kailangan pang gawin ang gawain para sa marami pang iba. … Mabuti pa kumilos ka na, dahil natikman mo na ang maaari mong asahan pagdating mo roon kung hindi mo gagawin ang iyong bahagi sa pagsasagawa ng gawain para sa kanila.” [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 100.]

Maraming beses ko nang napag-isapan ang kuwentong ito sa buhay ng magkapatid. Maraming tao ang hindi nauunawaan ang kahalagahan at kasagraduhan ng buhay; hindi nila nauunawaan ang kasagraduhan ng kasal na walang hanggan. May ilan sa ating mga tao na walang interes sa kanilang genealogy. Wala silang pakialam sa kanilang mga ninuno; ganoon nga ang maiisip ninyo dahil sa kanilang inaasal. Hindi sila nagpupunta sa templo para gawin ang gawain para sa kanilang mga yumao. …

… Matapos tayong makapasok sa Bahay ng Panginoon para sa sarili nating mga pagpapala, isipin naman natin ang ating responsibilidad sa ating mga ninuno. Ano ang isasalubong sa inyo kapag nasa kabilang-buhay na kayo? Kayo ba ang lalapitan nila at pagpapalain sa buong kawalang-hanggan, o makakatulad kayo ng kapatid na buong kasakimang nilulutas ang kanyang mga problema rito at hindi tinutulungan ang mga taong hindi matulungan ang kanilang sarili?12

Alam ninyong ibinigkis tayo ng dakilang gawaing ginagawa sa mga templo ng ating Ama, kung saan ang mga pamilyang hindi nabigkis noon ay ibinibigkis ng kapangyarihan ng Banal na Priesthood. Layon ng Panginoon na bawat isa sa kanyang mga anak na lalaki at babae ay magkaroon ng pagkakataong mabiyayaan, hindi lamang dito sa lupa, kundi magtamasa ng mga walang hanggang biyaya.

Isipin ninyo ang debosyon at katapatan ng mga taong araw-araw na nagpupunta sa mga templong ito at nagsasagawa ng gawain para sa mga nasa kabilang-buhay na, at dapat ninyong malaman na yaong mga nasa kabilang-buhay na ay nag-aalala rin sa atin. Ipinagdarasal nila tayo at ang ating tagumpay. Nagsusumamo sila, sa sarili nilang paraan, para sa kanilang mga inanak, para sa kanilang mga inapo na nabubuhay sa mundo.13

Aalalayan tayo ng Panginoon sa pagsasaliksik sa yumao nating mga kamag-anak.

Sa Chicago ilang taon na ang nakalilipas, sa pagdaraos ng Century of Progress Exposition, nagpunta ako sa booth ng ating Simbahan isang araw at tinanong ko ang mga misyonero kung sino ang namamahala sa malaking eksibisyong pangkultura at siyensya.

Sinabi nila sa akin na iyon ay ang lalaking nagngangalang Dawes, at itinanong ko, “Kapatid ba siya ni Charles G. Dawes, na dating vice president ng Estados Unidos at embahador sa Great Britain?”

At sumagot sila ng, “Opo.”

“Kung gayon,” sabi ko, “Natutuwa akong malaman iyan. Nagkataong kilala ko siya.”

Sabi ko sa sarili ko, “Tatawagan ko na lang siya. Si Henry Dawes iyon.” Kilala ko si Henry Dawes, kaya nagpunta ako sa telepono at tumawag sa kanyang opisina. Sinabi ng sekretarya … kay Mr. Dawes na naroon si George Albert Smith ng Salt Lake City at gustong makipagkita sa kanya, at sinabihan niya ang sekretarya na papasukin ako. Kaya, sa halip na papilahin ako sa likod ng sandaang tao para maghintay, dinala niya ako sa pintuan sa gilid, at naroon at nakatayo sa harapan ko ang isang matangkad na lalaki na noon ko lang nakita.

Sabi niya, “Ako si Mr. Dawes.”

Napakabait niya, pero para na ninyong nakita kung gaano ako kahiya. Siya nga si Mr. Dawes, at kapatid siya ni Ambassador Dawes, ngunit siya pala si Rufus Dawes. Hindi ko alam na may Rufus Dawes pala sa mundo.

“Naparito ako,” sabi ko, “para sabihin sa iyo na napakaganda ng eksibisyon, at pasalamatan ka sa ginawa mong pag-oorganisa at pamamahala rito. Kahanga-hanga ang nagawa mo, at napakaraming taong natuto rito. Ngayon, alam kong abala kang tao, at iyon lang ang ipinunta ko at gusto kong sabihin, at para batiin ka at pasalamatan.”

“Napakabait mo naman,” wika niya. “Pumasok ka.”

“Hindi na, iyon lang naman ang gusto kong sabihin,” sagot ko.

Sabi niya, “Tumuloy ka.”

Sabi ko, “Hindi na, daan-daang tao ang naghihintay na makita ka.”

“Walang isa man sa kanila ang magsasabi ng kasingganda ng sinabi mo.”

Kaya pumasok ako, na wala nang maisip at halos kapos ang hininga. Pilit niya akong pinaupo, at ang sumunod kong sinabi ay: “Siyanga pala, Mr. Dawes, saan nanggaling ang lahi mo?”

“Ibig mo bang sabihin sa Amerika?” tanong niya.

“Kahit saan.”

Sabi niya, “Interesado ka ba sa genealogy?”

“Tama ka.” sagot ko. “Nasa amin ang isa sa pinakamagagandang genealogical library sa Salt Lake City.”

Sabi niya, “Sandali lang,” at lumabas siya sa kanyang opisina at nagbalik na may dalang kahon na kasinlaki ng lumang Biblia ng pamilya. Kinuha niya ang kanyang kutsilyo, binuksan ang kahon, at kinuha ang isang paketeng nakabalot sa puting tissue paper. Tinanggal niya ang tissue paper at inilagay sa mesa ang isa sa mga aklat na napakaganda ng pabalat na nakita ko. Napakaganda ng pagkalimbag at napakaraming larawan nito, at ang pabalat ay napapalamutian ng ginto.

Habang tinitingnan ko, sabi ko, “Mr. Dawes, napakaganda ng pagkagawa nito.”

“Dapat lang. Dalawampu’t limang libong dolyar ang ibinayad ko diyan.”

“Aba,” sabi ko, “sulit naman.”

Sabi niya, “May halaga ba iyan sa iyo?”

Sabi ko, “Mayroon kung akin ito.”

Sabi niya, “Sige, sa iyo na iyan!”—dalawampu’t limang libong dolyar na halaga ng genealogy ang iniabot sa akin ng lalaking limang minuto ko pa lamang nakikilala! Namangha ako. Natagalan pa nang kaunti ang una naming pag-uusap. Sinabi ko sa kanya kung gaano ako kasayang maangkin ito at na ilalagay ko ito sa genealogical library sa Salt Lake City.

Bago ako lumabas ng silid, sinabi niya, “Mr. Smith, genealogy ito ng aking ina, ang genealogy ng angkan ng mga Gates. Inihahanda rin namin ang genealogy ng aking ama—ang pamilya Dawes. Magiging katulad din iyon nito. Kapag natapos, padadalhan din kita ng kopya noon.”

Limampung libong dolyar na halaga ng genealogy!—at dahil lang sa sinikap kong magbigay-galang sa isang tao. Palagay ko hindi iyon nagkataon lang. …

Tinutulungan tayo ng Panginoon; kagila-gilalas kung paano nabuksan ang daan at paano nahihikayat ang mga tao kadalasan na ihanda ang kanilang mga genealogy. Ngunit kung minsan ay bigo tayong samantalahin ang ating mga pagkakataong ihanda ang ating genealogy, kahit malinaw pang sinabi ng Panginoon na kung hindi tayo gagawa ng gawain sa templo ay hindi tayo tatanggapin ng ating mga yumao [tingnan sa D at T 124:32]. Napakahalagang bagay nito. Isang bagay ito na hindi natin mababago, kung sinayang natin ang ating mga pagkakataon sa buhay na ito. … Hindi natin maaasahan ang iba na gawin ito para sa atin.

Kaya nga, ang Panginoon, sa kahit anong paraan, ay hinihikayat, pinapayuhan, at pinagbibilinan tayo na gawin ang ating gawain. Ang ilang pamilyang hindi makagawa ng gawain ay ipinagagawa sa ibang tao ang kanilang temple genealogy, at mga talaan.

Kung gagawin natin ang ating bahagi, ihahayag sa atin ang ating mga genealogy—kung minsa’y sa isang paraan, kung minsa’y sa ibang paraan. Kaya nais kong imungkahi sa inyo, mga kapatid: gampanan natin ang ating bahagi.14 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 100.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii .

  1. Basahin ang mga hango mula sa panalangin sa paglalaan ng Idaho Falls Idaho Temple sa mga pahina 90–91, at basahin ang D at T 109:1–5, 10–13 (mula sa panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple). Pag-isipang mabuti ang nadarama ninyo kapag dumadalo kayo sa templo, at isipin ang mga karanasang nagpalakas ng inyong patotoo na ang templo ang bahay ng Panginoon.

  2. Anong mga dahilan ang ibinigay ni Pangulong Smith sa pagtatayo ng mga templo? (tingnan sa mga pahina 91–92). Ano ang magagawa natin upang mahikayat ang mga kabataan na maghandang makasal sa templo?

  3. Basahin ang kuwento sa mga pahina 94–95. Ano ang ilang simpleng paraan para makabahagi sa gawain sa family history ang isang taong maraming iba pang responsibilidad? Ano ang magagawa ng mga priesthood quorum at Relief Society upang makabahagi?

  4. Repasuhin ang bahaging nagsisimula sa pahina 96. Paano kayo natulungan ng Panginoon sa pagsisikap ninyong maghanap ng impormasyon tungkol sa inyong mga ninuno? Anong iba pang mga pagpapala ang natanggap ninyo sa pakikibahagi sa gawain sa family history?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Malakias 4:5–6; Doktrina at mga Tipan 97:15–16; 110; 124:39–41; 128:9, 15–24.

Tulong sa pagtuturo: Kapag nagbabasa nang malakas ang isang tao mula sa mga turo ni Pangulong Smith, anyayahan ang iba pang mga miyembro ng klase na “pakinggan at hanapin ang mga tiyak na alituntunin o ideya. Kung ang isang talata ay naglalaman ng mga di-pangkaraniwan o mahihirap na salita o parirala, ipaliwanag ang mga ito bago ipabasa ang [talata]. Kung mayroon man sa grupo na maaaring nahihirapang magbasa, ipabasa sa mga boluntaryo sa halip na [pagsalit-salitin sila]” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 69).

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1906, 57.

  2. “Dedicatory Prayer … Idaho Falls Temple,” Improvement Era, Okt. 1945, 564–65.

  3. Sa Deseret News, Peb. 13, 1932, bahaging pang-Simbahan, 7.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1950, 159.

  5. “The Tenth Temple,” Improvement Era, Okt. 1945, 561.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1905, 29.

  7. “Priceless Prospects,” Improvement Era, Hunyo 1950, 469.

  8. “The Tenth Temple,” 561, 602.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1929, 25.

  10. “The Tenth Temple,” 602.

  11. “The Tenth Temple,” 602.

  12. “The Tenth Temple,” 561, 602.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1937, 34–35.

  14. “On Searching for Family Records,” Improvement Era, Ago. 1946, 491, 540.

Loob ng Kirtland Temple, kung saan nagpakita ang propetang si Elijah kay Joseph Smith at ipinagkaloob sa kanya ang kapangyarihang magbuklod at ang mga susi ng gawain para sa mga patay.

“Iilang lugar lamang sa mundo ang maaaring pagkasalan sa atin para sa kawalang-hanggan, at iyon ay sa mga templo ng Diyos.”

“Isipin ang debosyon at katapatan ng mga taong araw-araw na nagpupunta sa mga templong ito at nagsasagawa ng gawain para sa mga nasa kabilang-buhay na.”