Kabanata 10
Mga Banal na Kasulatan, ang Pinakamahalagang Aklat sa Mundo
Binigyan tayo ng Diyos ng mga banal na kasulatan upang tulungan tayo at ang ating pamilya na maghanda para sa buhay na walang-hanggan.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Sa huling bahagi ng kanyang buhay, ginunita ni Pangulong George Albert Smith ang isang karanasan sa kanyang kabataan noong magkaroon ng epekto sa kanya habambuhay ang isang talata sa banal na kasulatan: “Noong ako ay labing-apat na taong gulang, binasa ko ang ika-apatnapung kabanata ng Alma sa Aklat ni Mormon sa klase namin sa Sunday School. Nakintal ito sa aking isipan at nakakatulong kapag may namamatay na mga mahal sa buhay. … Isang bahagi iyon sa mga banal na kasulatan na nagsasabi sa atin kung saan nagpupunta ang ating espiritu kapag nilisan na ang katawang ito [tingnan sa mga talata 11–14], at mula noon ay gusto kong makapunta sa lugar na iyon na tinatawag na paraiso.”1 [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina 121.]
Umasa si Pangulong Smith na magkaroon ng sariling makabuluhang mga karanasan ang iba sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Sa mga pagtatalumpati niya sa publiko at sa personal niyang pakikipag-usap sa iba, hinikayat niya ang lahat na pag-aralan ang mga banal na kasulatan para magkaroon sila ng sariling patotoo tungkol sa ebanghelyo. Minsan, habang sakay ng tren, kinausap niya ang isang lalaking lumaki sa isang pamilyang Banal sa mga Huling Araw ngunit hindi na aktibo sa Simbahan. “Habang nag-uusap kami,” sabi niya kalaunan, “binanggit ko sa kanya ang ebanghelyo ni Jesucristo. … At sinabi niya habang pinag-uusapan namin ang mga alituntunin ng ebanghelyo, ‘Nakakatuwang malaman ang mga bagay na ito.’ Medyo matagal kaming nag-usap, at nang matapos kami, ang mabuting lalaking iyon, na pinaniniwalaan kong mabuting tao, ay nagsabi sa akin, ‘Ibibigay ko ang lahat ng pag-aari ko para matamo ang katiyakang taglay mo. …’
“Sabi ko, ‘Kapatid, hindi mo kailangang ibigay ang lahat ng pag-aari mo para matamo ang katiyakang iyan. Ang kailangan mo lamang gawin ay mapanalanging saliksikin ang mga banal na kasulatan. Magpunta ka kung saan ito maipaliliwanag sa iyo. Hanapin mo ang katotohanan, at ang kagandahan ng katotohanan ay magiging kaakit-akit sa iyo, at … malalaman mong tulad ko na ang Diyos ay buhay, na si Jesus ang Cristo, at na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos na Buhay.’”2
Mga Turo ni George Albert Smith
Ang mga katotohanang nasa mga banal na kasulatan ay lalong higit na mahalaga kaysa mga pilosopiya ng tao.
Ang Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas, ay hindi lamang naglalaman ng karunungan ng tao, kundi maging ng Diyos. Bagama’t ang mga ito ay hindi matatagpuan sa tahanan ng maraming tao, naglalaman ang mga ito ng salita ng Panginoon. Kahit nauunawaan natin sina Homer at Shakespeare at Milton, at mababanggit ko ang lahat ng mahuhusay na manunulat sa mundo; kung hindi naman natin nabasa ang mga banal na kasulatan, pinalampas natin ang mas magandang bahagi ng literatura ng mundong ito.
Mga kapatid, ang lahat ng katotohanang … kailangan para sa ating kaligtasan, ay nakapaloob sa mga aklat na nabanggit ko na. Maaaring wala tayong silid-aklatang may dalawa o tatlong libong aklat, ngunit maaari nating bilhin sa murang halaga ang pinakamahalagang aklat na pinagbuwisan ng pinakamainam na dugo sa mundong ito.3
Wala akong pakialam kung nasa inyo o wala sa inyong tahanan ang mga aklat na nasa malalaking aklatan sa mundo, basta’t mayroon kayo ng mga aklat na ito. Isipin ang milyun-milyong aklat na nasa Congressional Library sa Washington, sa British Library, at sa mga aklatan ng iba pang mga bansa, milyun-milyong aklat—gayunman ang lahat ng naihayag at nailathala ng Diyos sa mga anak ng tao na kailangan upang maihanda sila sa isang lugar sa kahariang selestiyal ay nakapaloob sa mga sagradong aklat na ito. Ilan sa atin ang nakaaalam sa nilalaman ng mga ito? Madalas akong magpunta sa mga tahanan kung saan nakikita ko ang lahat ng pinakabagong magasin. Nakikita ko ang mga aklat na naanunsyong pinakapopular sa mga istante ng libro. Kung itatapon ninyo ang lahat ng ito at iiwanan lamang ang sagradong mga banal na kasulatang ito, hindi mawawala sa inyo ang ipinasulat at ibinigay ng Panginoon para sa kapakinabangan nating lahat. Kaya nga, mga kapatid, bukod sa iba pa nating mga pagpapala huwag nating kalimutan na ginawang posible ng Panginoon na ating makamtan, mabasa, at maunawaan ang mga banal na kasulatan at mapasaatin ang kanyang salitang ibinigay sa lahat ng panahon para sa kaligtasan ng kanyang mga anak.4
Habang binabasa ko ang mga banal na kasulatan, … namamangha ako sa kabutihan ng Panginoon na pagpalain ang mga tumatanggap sa kanyang mga turo, sapagkat nakatatagpo tayo ng higit na kapanatagan sa sagradong mga talaang ito kaysa sa lahat ng pilosopiya sa lahat ng kasaysayan, na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng karunungan ng tao.5
Pinag-uusapan natin ang mga pilosopiya ng tao at kung minsan ay humahanga tayo sa mga ito, ngunit kapag salungat ito sa mga turo ng ating Ama sa Langit na nasa Banal na Kasulatan, walang halaga ang mga ito. Hinding-hindi aakayin ng mga ito ang sinuman sa walang-hanggang kaligayahan, ni tutulungan siyang magkaroon ng lugar sa kaharian ng ating Ama sa Langit.6
Kung minsan pakiramdam ko ay hindi natin pinahahalagahan ang Banal na Biblia, at ang nilalaman nito, at ang iba pang mga banal na kasulatang ito, ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas na sinasabing … mga liham o sulat mula sa ating Ama sa Langit. Maaaring ituring na liham ang mga ito, kahit paano ay tagubilin at payo niya ang mga ito sa lahat ng anak ng tao upang malaman nila kung paano samantalahin ang mga pagkakataong nasa kanila, upang hindi masayang sa walang-kabuluhan ang kanilang buhay.7 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 121.]
Ibinigay sa atin ng Panginoon ang mga banal na kasulatan upang tulungan tayong madaig ang ating mga pagsubok at maghanda para sa kadakilaan.
Ito ang panahon para patunayan ang ating sarili, isang panahon ng pagsubok. Ito ang panahon na ang puso ng mga tao ay manghihina dahil sa takot. Ito ang panahon na ang mga tao sa mundo ay magtatanong sa kanilang sarili kung ano ang magiging wakas nito. Alam ng ilang tao na nabigyang-inspirasyon ang magiging wakas ng mundo. Sinabi sa atin ng Panginoon kung ano ang mangyayari sa pamamagitan ng [mga banal na kasulatan], ang napakagandang aklat na ito na hawak ko. Ibinigay niya ang impormasyong kailangan natin para maiakma ang ating buhay at maihanda ang ating sarili para anuman ang mangyari ay nasa panig tayo ng Panginoon.8
Hayaang basahin ko ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga huling araw na ito sa unang bahagi ng Doktrina at mga Tipan: …
“Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan. …
“Saliksikin ang mga kautusang ito, sapagkat ang mga ito ay tunay at tapat, at ang mga propesiya at pangako na nasa mga ito ay matutupad na lahat.
“Kung ano ang sinabi ko, ang Panginooon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili; at bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.
“Sapagkat masdan, at narito, ang Panginoon ay Diyos, at ang Espiritu ang nagpapatotoo, at ang patotoo ay tunay, at ang katotohanan ay mananatili nang magpakailanman at walang katapusan. Amen.” [D at T 1:17, 37–39.]
Ang pambungad na ito ay nararapat ninyong pag-isipang mabuti. Ito ay babala ng Ama nating lahat. Ito ay magandang payo ng isang mapagmahal na magulang na nakaaalam ng ating pangangailangan, tulad ng sabi niya sa kabanatang kababasa ko lamang na batid niya ang mangyayari sa mga tao sa mundo kaya ibinigay niya ang mga utos na ito.9
Kung minsan nalilimutan natin na nangusap ang Panginoon at hindi natin naipapaalala sa ating sarili ang Kanyang mga utos. …
Napakaraming talata sa mga banal na kasulatan na mababanggit bilang katibayan na ang ating Ama sa Langit dahil sa awa at kabaitan ay noon pa nangungusap sa mga anak ng tao sa lahat ng panahon, na hindi lamang sinasabi sa kanila ang mangyayari, kundi sumasamo sa kanila na talikuran ang kanilang mga pagkakamali upang hindi sila mapahamak. …
Sinabi sa atin ng ating Ama sa Langit, sa pamamagitan ng Kanyang matatapat na kinatawan, ang mahahalagang bagay na dapat mangyari at mababasa natin ang tungkol dito sa Kanyang mga banal na kasulatan. Kung talagang hangad nating maligtas at dakilain sa Kanyang kahariang selestiyal sinabi Niya sa atin kung paano ito gagawin.10
[Ang mga banal na kasulatan] ang pinakamagandang aklat na matatagpuan sa buong mundo. Ano ang nilalaman nito? Naglalaman ito ng naisip ng ating Ama na mahalagang ingatan at ibigay sa mga anak ng tao at mabasa sa maraming wika ng Mundo. Ang mga banal na kasulatang ito ay napakahalaga at dapat maunawaan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi ko kayo pagtataasin ng kamay para alamin kung ilan sa nakatipon dito ang nakabasa na ng mga aklat na ito, ngunit gusto kong pansinin ninyo ang katotohanan na ang mga ito ay mahahalagang katotohanan, at naglalaman ito ng inihayag na salita ng Panginoon na nakalimbag at inilathala sa mundo para ihanda ang kanyang mga anak sa isang lugar sa kahariang selestiyal. Kaya ko sinabi na napakahalaga ng mga ito. … Dapat nating pasalamatan nang lubos na nabubuhay tayo sa panahon na mababasa natin ang kanyang tagubilin at payo at maipaliliwanag sa atin ang mga bagay na malabo at hindi natin tiyak.11 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 121.]
Nanghihikayat tayo ng pananampalataya sa ating pamilya sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan na kasama sila.
Gusto kong tanungin ninyo ang inyong sarili, ilan sa inyo ang nagbabasa sa inyong pamilya mula sa mga aklat na ito sa tuwina, na tinatawag at tinitipon sila upang ituro ang mga bagay na dapat nilang malaman. Nag-aalala ako na baka sabihin ng marami sa atin na masyado tayong naging abala.12
Narinig na natin ang marami sa mga pagpapalang naibigay sa atin ng Panginoon sa mga sagradong talaang iningatan hanggang sa ating panahon, at naglalaman iyan ng tagubilin at payo ng napakatalinong Ama. Tila kakatwa na napakarami sa ating mga tao, na binigyan ng mga oportunidad, ang hindi pamilyar sa mga nilalaman ng mga sagradong talaang ito.13
Pawawalang-sala kaya tayo ng ating Ama pagbalik natin sa Kanya, kung hindi natin naituro sa ating mga anak ang kahalagahan ng mga sagradong talaang ito? Palagay ko ay hindi. … Palagay ba ninyo matapos ilagay ng Panginoon … sa abot-kamay natin ang magagandang turo sa mga banal na talaang ito, ay iisipin niyang may pagpapahalaga tayo kung hindi natin itinuro ang mga ito sa ating pamilya, at ipaliwanag ito sa mga nakakasalamuha natin?
Mga kapatid, hangad ko na muling bigyang-diin ang turo ng Panginoon: “saliksikin ang mga banal na kasulatan;” basahin ang mga ito nang may panalangin at buong katapatan, ituro ang mga ito sa inyong tahanan; tipunin sa inyong tabi ang inyong pamilya at hikayatin silang sumampalataya sa Diyos na buhay, sa pagbabasa ng mga bagay na naihayag. Ang mga ito ang pinakamahalaga sa lahat ng aklatan sa buong mundo.14
Itago ang aklat na ito kung saan ninyo ito makikita, at kung saan ito makikita ng inyong mga anak, at pagkatapos ay magkaroon ng malaking interes sa walang-hanggang kaligtasan ng mga batang lalaki at babae sa inyong tahanan upang maghanap kayo ng mga paraan na mawili sila sa nilalaman ng mga aklat na ito, upang malaman nila kung gaano kahalaga ang mga ito sa paningin ng kanilang Ama sa Langit.15
Napakaganda para sa akin na noong bata pa ako ay mayroon akong ama at inang nakaupo sa tabi ng fireplace at nagbabasa ng Biblia habang kaming mga bata ay nakaupo sa sahig. …
Ngayon, nais kong sabihin, mga kapatid, na ang payo ni Jesucristo ay may bisa pa rin sa atin kung saan sinabi niya, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.” [Juan 5:39.] Huwag kaligtaan ang lumang Biblia ng pamilya; huwag itong itago sa istante at kalimutan na lamang. Alamin, kung hindi pa ninyo alam, ang sinasabi nito, at kung nabasa na ninyo ito noon, basahin itong muli nang madalas sa inyong mga anak at sa mga anak ng inyong mga anak. Basahin sa kanila hindi lamang ang Biblia, kundi ang iba pang mga aklat ng banal na kasulatan na ibinigay sa atin ng Panginoon para sa ating kadakilaan, para sa ating kapanatagan at para pagpalain tayo.16
Pinapayuhan kita, O Israel, saliksikin ang mga banal na kasulatan; basahin ang mga ito sa inyong mga tahanan; ituro sa inyong pamilya ang sinabi ng Panginoon, at bawasan natin ang panahong ginugugol natin sa pagbabasa ng hindi mahalaga at madalas ay nakapipinsalang literatura ng panahon, at lumapit sa bukal ng katotohanan at basahin ang salita ng Panginoon.17 [Tingnan ang mungkahi 4 sa ibaba.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Habang binabasa ninyo ang unang talata sa pahina 113, umisip ng isang pagkakataong nabigyang-inspirasyon kayo ng isang talata sa gayon ding paraan. Paano ninyo nalaman na totoo ang mga banal na kasulatan? Ano ang mga karanasan ninyo sa mga ito kamakailan na nagpalakas sa patotoong iyan?
-
Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina 115 at isipin kung nasaan ang mga banal na kasulatan sa inyong sariling aklatan (bukod sa iba pang mga bagay na inyong binabasa, pinanonood, o pinakikinggan). Ano ang magagawa ninyo para mabigyan ng mas mahalagang lugar ang mga banal na kasulatan sa inyong tahanan at sa inyong buhay?
-
Pag-aralang muli ang bahaging nagsisimula sa pahina 117. Paano kayo natulungan ng mga banal na kasulatan na harapin ang mga kalamidad sa mga huling araw? Pag-isipan kung paano ninyo magagamit ang mga banal na kasulatan upang tulungan ang isang taong kilala ninyo na nahaharap sa isang mabigat na pagsubok.
-
Pag-isipang mabuti ang payo ni Pangulong Smith sa mga pamilya sa mga pahina 119–121. Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga pamilyang sama-samang nag-aaral ng mga banal na kasulatan? Ano ang ilang epektibong paraan para mapukaw ang interes ng ating mga anak (o mga apo) sa mga banal na kasulatan? Mapanalanging isipin kung ano ang magagawa ninyo para maging mas masigasig kayo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan kasama ang inyong pamilya.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Deuteronomio 6:6–7; Josue 1:8; Mga Taga Roma 15:4; II Kay Timoteo 3:15–17; 2 Nephi 4:15; Helaman 3:29–30; Doktrina at mga Tipan 33:16
Tulong sa pagtuturo: “Matutulungan ninyo ang inyong mga tinuturuan na magkaroon ng higit pang tiwala sa sarili hinggil sa kanilang kakayahan na makilahok sa talakayan kung positibo kayong tutugon sa bawat matapat na puna. Halimbawa, masasabi ninyong, ‘Salamat sa iyong sagot. Iyan ay tunay na pinag-isipan’ … o ‘Iyan ay isang magandang halimbawa’ o ‘Nagpapasalamat ako sa lahat ng inyong sinabi ngayon’” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 80).