Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 1: Pamumuhay Ayon sa Ating Paniniwala


Kabanata 1

Pamumuhay Ayon sa Ating Paniniwala

Dapat nating ipamuhay ang ating relihiyon araw-araw.

Mula sa Buhay ni George Albert Smith

Noong siya ay 34 na taong gulang, gumawa si George Albert Smith ng listahan ng mga matatag na pasiya na tinawag niyang “sariling panuntunan”—11 panuntunang ipinangako niyang ipamumuhay:

“Magiging kaibigan ako sa mga walang kaibigan at magagalak na makatulong sa mga pangangailangan ng mga dukha o maralita.

“Bibisitahin ko ang mga maysakit at nagdadalamhati at pupukawin sa kanila ang hangaring manampalataya na sila ay gagaling.

“Ituturo ko ang katotohanan para makaunawa at mapagpala ang buong sangkatauhan.

“Hahanapin ko ang nalilihis ng landas at sisikapin kong ibalik siya sa matwid at masayang buhay.

“Hindi ko hahangaring pilitin ang mga tao na mamuhay ayon sa aking mga panuntunan kundi mamahalin ko sila para gawin nila ang tama.

“Makikisalamuha ako sa karaniwang mga tao at tutulungan ko silang lutasin ang kanilang mga problema para sumaya ang kanilang buhay sa lupa.

“Iiwasan ko ang publisidad ng matataas na katungkulan at pipigilan ang labis na mga papuri ng mga kaibigang walang pakundangan.

“Hindi ko sasadyaing saktan ang damdamin ng sinuman, maging ang taong nagkasala sa akin, ngunit sa halip ay hahangarin kong gawan siya ng mabuti at kakaibiganin ko siya.

“Pipigilan ko ang tendensiya ng pagiging makasarili at pagkainggit at magagalak sa mga tagumpay ng lahat ng anak ng aking Ama sa Langit.

“Hindi ako magiging kaaway ng sinumang tao.

“Dahil alam kong ibinigay sa mundo ng Manunubos ng sangkatauhan ang kaisa-isang planong lubos na magpapaunlad at magpapaligaya sa atin sa buhay na ito at sa kabilang-buhay, palagay ko ay hindi lamang isang tungkulin kundi magandang pribilehiyo rin ang ipalaganap ang katotohanang ito.”1 [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina 10.]

Sinabi ng mga taong nakakikilala kay Pangulong Smith na talagang ipinamuhay niya ang kanyang panuntunan. Nagbahagi ng karanasan si Ezra Taft Benson, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa pagtupad ni Pangulong Smith sa kanyang pasiyang “bisitahin ang maysakit at nagdadalamhati at pukawin sa kanila ang hangaring sumampalataya na sila ay gagaling”:

“Hinding-hindi ako titigil sa pasasalamat sa mga pagbisita niya sa aking tahanan habang nasa [malayo] ako at naglilingkod bilang isang hamak na misyonero. … Pinasasalamatan ko lalo ang pagbisita niya sa kalaliman ng gabi nang muntik nang mamatay ang aming munting anak. Walang anumang pasabi, nag-ukol ng oras si Pangulong Smith na magpunta sa tahanang iyon at ipinatong ang kanyang mga kamay sa ulunan ng batang iyon, na maraming oras nang karga ng kanyang ina, at nangakong lubos itong gagaling. Ganyan si Pangulong Smith, lagi siyang may oras na tumulong, lalo na sa mga maysakit, sa mga taong nangangailangan sa kanya.”2

Napansin ni Spencer W. Kimball ang isa pang pagkakataon kung saan namalas sa mga kilos ni Pangulong Smith ang pasiya niyang gumawa ng mabuti sa “isang taong nagkasala [sa kanya]”:

“Ibinalita [kay Pangulong Smith] na may nagnakaw ng kanyang balabal mula sa kanyang sasakyan. Sa halip na magalit, sumagot siya: ‘Sana alam natin kung sino iyon, para mabigyan din natin siya ng kumot, dahil siguradong giniginaw siya; at kaunting pagkain din, dahil siguradong gutom siya.’”3

Isa pang nagmamasid ang sumulat tungkol kay George Albert Smith: “Ang kanyang relihiyon ay hindi doktrinang puro salita lamang. Hindi ito teoriya. Higit na mahalaga ito sa kanya at hindi isang magandang plano lamang na dapat hangaan. Ito ay higit pa sa isang pilosopiya ng buhay. Sa isang praktikal na taong katulad niya, relihiyon ang diwang namamayani sa buhay ng isang tao, sa paggawa niya ng mga bagay-bagay, kahit sa pagbigkas lang ng isang mabuting salita o pagbibigay ng isang baso ng malamig na tubig. Dapat niyang ipamuhay ang kanyang relihiyon. Dapat itong makita sa lahat ng aspeto ng buhay sa araw-araw.”4

Ibinuod ni Pangulong J. Reuben Clark Jr., isa sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, ang personal na integridad ni Pangulong Smith sa mga salitang ito: “Isa siya sa iilang taong masasabi ninyo na ipinamumuhay niya ang kanyang itinuturo.”5

Mga Turo ni George Albert Smith

Ang pagsunod natin sa ebanghelyo—hindi lamang ang ating pagiging miyembro ng Simbahan—ang dahilan kaya’t nagiging karapat-dapat tayong tawaging mga Banal.

Ang pagsamba sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang buhay na tapat sa Diyos, isang hangaring maging karapat-dapat sa kanya na kung kaninong larawan tayo ay nilikha at nagbigay sa atin ng lahat … ng makabuluhan—ang ebanghelyo ni Jesucristo.6

Napakainam na madama na kabilang tayo sa isang simbahan na binubuo o dapat na binubuo ng mga banal. Hindi sapat na nasa talaan lamang ang ating pangalan. Mahalagang mamuhay sa paraang nararapat tayong tawagin na mga Banal, at kung gagawin ninyo ito, magiging maligaya kayo. …

Nang isilang sa mundo si Jesus ng Nazaret at sinimulang ipangaral ang Ebanghelyo ng Kaharian, marami ang hindi tumanggap sa Kanyang mensahe, lalo na ang mapagmagaling na mga Fariseo, na nagsasabing sila ay mga binhi ni Abraham at nagpahiwatig na ililigtas sila ng kanilang angkan sa Kaharian ng Diyos.

Ipinaalam sa kanila ng Tagapagligtas na kung sila ay mga anak ni Abraham, gagawin nila ang mga gawain ni Abraham. [Tingnan sa Juan 8:33–39.] Gusto kong sabihin sa mga Banal sa mga Huling Araw, na kung tayo ay karapat-dapat tawaging mga Banal sa mga Huling Araw, iyon ay dahil sa namumuhay tayo nang banal, at layunin ng Ebanghelyo na gawin tayong karapat-dapat sa ganyang paraan. Narating na ng mundo ang gayong kalagayan at matagal na itong nalilinlang ng kaaway at nagsasabing paniniwala lamang sa Diyos ang kailangan para maligtas, kaya’t natatakot ako sa mangyayari sa mundo. Iyan ay panlilinlang lang ng kaaway.7 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 10.]

Ang tinatawag na “Mormonismo” ay ang Ebanghelyo ni Jesucristo, samakatuwid ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng lahat ng naniniwala at sumusunod sa mga itinuturo nito. Hindi ang mga nagsasabi ng, “Panginoon, Panginoon,” ang magtatamasa ng paggabay ng Kanyang espiritu kundi ang mga gumagawa ng Kanyang kalooban [tingnan sa Lucas 6:46].8

Tungkol sa ika-7 kabanata ng Mateo at sa ika-24 na talata, nabasa ko ang sumusunod:

“Kaya’t ang bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato:

“At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka’t natatayo sa ibabaw ng bato.

“At ang bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan:

“At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak.” [Mateo 7:24–27.]

Ilan sa atin, nang malaman ang kalooban ng Ama, ang gumagawa nito? Ilan sa atin ang sa araw-araw ay naglalatag ng pundasyon at nagtatayo ng istrukturang aayon sa dignidad ng pagkatao ng ating Panginoon? ‘Oo, ang tao ang katawan ng Diyos, maging mga templo; at ano mang templo ang marurumihan, wawasakin ng Diyos ang templong yaon.’ [D at T 93:35.] Binigyan Niya tayo ng talino at karunungang higit kaysa sa ating kapwa-tao. Ang kaalaman tungkol sa buhay bago tayo isinilang ay ibinigay sa mga Banal sa mga Huling Araw; isang kaalaman na tayo ay narito dahil napanatili natin ang ating unang kalagayan, at nabigyan tayo ng pagkakataong magkaroon ng buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit, sa pamamagitan ng pagpapanatili sa ating ikalawang kalagayan. Hindi tayo hahatulang tulad ng paghatol sa ating mga kapatid sa mundo, kundi ayon sa mas malalaking oportunidad na ipinagkatiwala sa atin. Mabibilang tayo sa mga taong tumanggap sa salita ng Panginoon, na nakarinig sa Kanyang mga sinabi, at kung gagawin natin ang mga ito ay magkakaroon tayo ng buhay na walang-hanggan, ngunit kung hindi ay isusumpa tayo.9

Gumawa tayo nang mas mabuti kaysa dati. Pag-ibayuhin natin ang ating determinasyong maging tunay na mga Banal sa mga Huling Araw, at hindi pakunwari lamang. … Wala akong kilalang hindi makagagawa ng mas mabuti pa kaysa dati niyang ginagawa, kung magpapasiya siyang gawin ito.10

Inaasahan ng ating Ama sa Langit na tayo ay maghahanda at mamumuhay nang marapat para sa Kanyang mga ipinangakong pagpapala.

Binuksan ko ang ika-dalawampu’t dalawang kabanata ng talaan ni Mateo tungkol sa turo ng Tagapagligtas, at babasahin ko ang partikular na talinghagang ito:

“At sumagot si Jesus at muling pinagsalitaan sila sa mga talinghaga, na sinasabi,

“Tulad ang kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng piging ng kasalan ng kaniyang anak na lalake,

“At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan. …

“Datapuwa’t pagpasok ng hari upang tingnan ang mga panauhin, ay doo’y nakita niya ang isang tao na hindi nararamtan ng damit-kasalan:

“At sinabi niya sa kaniya, Kaibigan, ano’t pumasok ka rito, na walang damit-kasalan? At siya’y naumid.

“Nang magkagayo’y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

“Sapagka’t marami ang mga tinawag, datapuwa’t kakaunti ang mga nahirang.” [Tingnan sa Mateo 22:1–3, 11–14.] …

… Narito ang isang lalaking pumasok sa isang piging ng kasalan, at nang dumating ang oras ay nakita ng hari o ng panginoon na hindi siya nakadamit para sa kasalan. Malinaw na binale-wala niya ang kahalagahan nito. Pumasok siya, nang hindi handa, na umaasang maging bahagi nito. Dumalo siya sa piging—lahat sila ay inanyayahan sa piging, ngunit ipinalagay ko na dapat nilang malaman na tanging ang mga angkop ang pananamit ang papapasukin, at namangha ang lalaking ito nang tanungin siya kung bakit siya naroon sa gayong ayos.

Tila inaakala ng sangkatauhan na makadadalo sila kung kailan nila gusto. Hindi nauunawan ng mga anak ng ating Ama na may paghahandang gagawin. Nalinlang sila nang husto ng kaaway at napaniwala sila na walang paghahandang kailangan, kahit ano ay puwede, ngunit sa mensaheng ito na ibinigay ng Tagapagligtas sa kanyang mga kasamahan sa pamamagitan ng talinghaga, ay ipinaalam sa atin na kailangang may paghahanda, at kung wala ang paghahandang iyan ay hindi papayagan ang sinuman na makibahagi sa mas mahahalagang kaloob ng ating Ama sa Langit. Angkop iyan sa mga miyembro ng Simbahang ito na iniisip na dahil inanyayahan sila, at dahil nakalista ang kanilang pangalan sa talaan ng mga taong tinawag, wala na silang kailangan pang gawin. … Nalimutan nila ang Panginoon at hindi sila naghahanda para sa piging kung saan niya sila inanyayahan.

Layon ng ating Ama sa Langit na paghandaan natin ang piging ng kasalan dahil kung hindi tayo ay hindi makakapasok. Umaasa Siya na patuloy nating isasaisip ang katotohanan, at ipalalaganap ang katotohanang iyan sa lahat ng kanyang anak kapag may pagkakataon. Ang katotohanang nasa talaan ng Simbahan ang ating pangalan ay hindi garantiya na magkakaroon tayo ng lugar sa kahariang selestiyal. Ang mga tao lamang na namumuhay nang marapat para maging mga miyembro ng kahariang iyon ang magkakaroon ng lugar doon.

Sa gitna ng kaguluhan, ng kawalang-katiyakan sa mundo, kung may panahon man na dapat nating suriin ang ating sarili, para malaman kung ginagawa natin ang ipinagagawa ng Panginoon, ngayon iyon; kung may panahon man na dapat nating matiyak na tayo ay nasa landas tungo sa buhay na walang-hanggan, ngayon iyon. Hindi natin maaaring palampasin ang mga pagkakataong ito. Hindi maaaring hamakin ang Diyos. Kapag inalok niya tayo ng isang kaloob, kapag binigyan niya tayo ng isang pagpapala, kapag inanyayahan niya tayong makibahagi sa isang piging at hindi natin ito pinansin, makatitiyak tayo na pagdurusahan natin ang pagkabagabag na darating sa mga taong tumatanggi sa mga pagpapala ng Panginoon kapag inialok ang mga ito.11

Hindi tayo maaaring mamuhay nang ayon sa mundo at umasang magkakaroon tayo ng lugar sa Kaharian. Sinasabi sa atin ng Panginoon sa unang bahagi ng Doktrina at mga Tipan, tungkol sa kasamaan: na hindi siya makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang [tingnan sa D at T 1:31]. Ito ay isang doktrinang mahirap tanggapin, dahil iniisip ng ilan sa atin sa Simbahan na maaari nating balewalain ang Ebanghelyo ng ating Panginoon at ang mga batayan ng Buhay na Walang-Hanggan, at makamit pa rin ang lugar na gusto natin. Ito ay hindi totoo. Ang Panginoon ay maawain, ngunit siya ay magiging makatarungan, at kung nais natin ng anumang pagpapala ay isa lamang ang paraan para makamit natin ito, at iyon ay ang sundin ang mga utos na magpapamarapat sa atin sa pagpapala.12 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 10.]

Kung ginagampanan natin ang ating buong tungkulin, ang ating buhay ang nagpapatunay ng paniniwala natin sa ebanghelyo.

Noong nakaraang taon, nagkaroon ako ng pribilehiyong makilala at makausap tungkol sa ebanghelyo ang ilang kalalakihang nakatira sa komunidad na ito [Salt Lake City], na hindi mga miyembro ng ating Simbahan. Ang isang lalaki ay dalawampung taon nang nakatira dito, isang lalaking walang kapintasan ang buhay, isang mabuting mamamayan, isang kahanga-hangang negosyante, isang taong mabait sa ating mga miyembro. Sinabi niya sa akin na dalawampung taon na siyang nakatira dito, at napag-isip-isip niya na kasimbait lang tayo ng iba pang mga tao na miyembro ng ibang simbahan; wala siyang makitang anumang kakaiba sa atin.

Nais kong sabihin sa inyo, mga kapatid ko, na para sa akin iyan ay hindi papuri. Kung hindi ako nagawang mas mabuting tao ng ebanghelyo ni Jesucristo, ibig sabihin hindi ako umunlad na tulad ng nararapat, at kung ang ating kapwa na hindi kabilang sa Simbahang ito ay makakahalubilo natin taun-taon at walang makikitang katibayan ng kabutihang dulot ng pagsunod sa mga utos ng Diyos sa ating buhay, ibig sabihin kailangan ng pagbabago sa Israel. …

… Ginagampanan ba ninyo ang inyong tungkulin? ginagampanan ba natin ang gawaing ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon? nadarama ba natin ang bigat ng responsibilidad natin? o ginagawa lang natin ang madali, nagpapatangay tayo sa agos at binabalewala ito at inaakalang sa huling araw, tayo ay matutubos?13

Tayo ay tinatawag na bayang pag-aaring sarili ng Diyos [tingnan sa I Ni Pedro 2:9] dahil, marahil, lubos tayong naniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo. …

Kung dahil sa pagiging kakaiba natin ay namuhay tayo ayon sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng ating Ama sa Langit [tingnan sa D at T 84:44], tunay ngang tayo ay mga taong pinagpala. Tunay ngang sa maraming paraan ay namumuhay tayo ayon sa patotoong ibinigay sa atin ng ating Manunubos, at hangga’t ginagawa natin ito tayo ay mga taong pinagpala; ngunit higit pa tayong pagpapalain at uunlad kung magagampanan natin ang ating buong tungkulin.

Dalangin kong mapasaatin ang espiritung magbibigay atin ng kakayahan na maglingkod nang tapat, na madaig ng hangaring gumawa ng mabuti ang mga tuksong kinakaharap natin, at mahikayat ang ibang nagmamasid sa ating mabubuting gawa, saanman tayo magtungo, na luwalhatiin ang ating Ama na nasa langit [tingnan sa Mateo 5:16].14

Suriin natin ngayon ang ating sarili. Ginagawa ba natin ang lahat ng dapat nating gawin? At kung hindi, magbago tayo at magpakabuti. Kung ginagawa natin ang nararapat, kung hinahanap natin ang lahat ng pagkakataon para makagawa ng mabuti sa mga anak ng ating Ama, tayo ay pagpapalain ng matalinong Ama, at magagalak sa kabutihang nagagawa natin dito. …

Magpakumbaba tayo at manalangin, na namumuhay nang malapit sa ating Ama sa Langit, at ipakita ang ating paniniwala sa Ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga alituntunin nito. Patunayan natin ang ating pananampalataya sa Diyos, at sa gawaing ibinigay Niya sa lupa, sa pamamagitan ng pamumuhay nang matwid sa tuwina, sapagkat iyan ang pinakamatibay na patotoong maipapakita natin na totoo ang gawaing ito.15 [Tingnan ang mungkahi 4 sa pahina 11.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v-viii.

  1. Habang pinag-aaralan ninyong muli ang panuntunan ni Pangulong Smith (mga pahina 1–2), isipin ang ilang huwaran o alituntuning gusto ninyong sundin sa sarili ninyong buhay. Isiping itala ang mga ito sa sariling journal.

  2. Basahin ang unang apat na buong talata sa pahina 3–4. Ano ang kahulugan ng maging Banal sa mga Huling Araw? Ano ang magagawa ng isang magulang upang tulungang matuto ang kanilang mga anak na mamuhay bilang isang banal?

  3. Habang binabasa ninyo ang bahaging nagsisimula sa pahina 6, pag-isipan kung paano maiaangkop sa inyong buhay ang talinghaga ng piging ng kasalan (tingnan din sa Mateo 22:1–14). Halimbawa, ano sa palagay ninyo ang kinakatawan ng piging ng kasalan? Sino ang kinakatawan ng mga inanyayahang panauhin? Pag-isipang mabuti ang magagawa ninyo para “paghandaan ang piging ng kasalan” (pahina 6).

  4. Basahin ang huling talata ng mga turo (sa pahina “00” [9]) at mag-isip ng isang taong kilala ninyo na may malakas na patotoo sa ebanghelyo. Paano pinatutunayan sa buhay ng taong iyon ang kanyang patotoo? Isipin kung ano ang magagawa ninyo upang mapatunayan ang inyong patotoo.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 7:16–23; Santiago 1:22–25; 2:15–18; I Ni Juan 2:3–6; Moroni 7:3–5; Doktrina at mga Tipan 41:5

Tulong sa pagtuturo: “Upang matulungan tayo sa pagtuturo mula sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw, gumawa ang Simbahan ng mga manwal ng aralin at iba pang mga materyal. Kaunti lamang ang pangangailangan para sa mga komentaryo o iba pang materyal na sanggunian” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin: Mapagkukunang Gabay sa Pagtuturo ng Ebanghelyo [2000], 63).

Mga Tala

  1. “President George Albert Smith’s Creed,” Improvement Era, Abr. 1950, 262.

  2. Ezra Taft Benson, sa Conference Report, Abr. 1951, 46.

  3. Spencer W. Kimball, The Miracle of Forgiveness (1969), 284.

  4. Bryant S. Hinckley, “Greatness in Men: Superintendent George Albert Smith,” Improvement Era, Mar. 1932, 270.

  5. J.J Reuben Clark Jr.J, sa Doyle L. Green, “Tributes Paid President George Albert Smith,” Improvement Era, Hunyo 1951, 405.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1949, 8.

  7. “The Church with Divine Authority,” Deseret News, Set. 28, 1946, bahagi tungkol sa Simbahan, 1, 6.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1913, 28–29.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1906, 47.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1941, 27.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1930, 66–68.

  12. Kumperensya ng mga Pitumpu at stake missionary, Okt. 4, 1941, 6.

  13. Sa Conference Report, Okt. 1916, 49.

  14. “Some Points of ‘Peculiarity,’” Improvement Era, Mar. 1949, 137.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1914, 13.

“Kaya’t ang bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato.”

“Kung hinahanap natin ang lahat ng pagkakataon para makagawa ng mabuti sa mga anak ng ating Ama, tayo ay … magagalak sa kabutihang nagagawa natin dito.”