Kabanata 19
Temporal at Espirituwal na mga Pagpapala mula sa Word of Wisdom
Ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit ang Word of Wisdom upang mabiyayaan tayo ng kalusugan at maihanda para sa buhay na walang-hanggan.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Noong bata pa si George Albert Smith, nagkasakit siya ng tipus. Ang doktor na sumuri sa kanya ay sinabi sa kanyang ina na dapat siyang manatili sa higaan nang tatlong linggo, huwag kumain ng mga pagkaing mahirap tunawin, at uminom ng kaunting kape. Naalala ni Pangulong Smith kalaunan:
“Pag-alis niya, sinabi ko kay Inay na ayaw ko ng kape. Itinuro sa akin na ipinayo sa atin ng Word of Wisdom, na ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith, na huwag tayong uminom ng kape.
“Tatlong anak ang nailuwal ni Inay sa mundo at dalawa ang namatay. Labis ang pag-aalala niya sa akin.”
Sa halip ay humiling ng basbas ng priesthood ang batang si George Albert Smith, na tinanggap niya mula sa kanyang home teacher.
“Pagdating ng doktor kinabukasan naglalaro ako sa labas kasama ang ibang mga bata. Nagulat siya. Sinuri niya ako at natuklasang wala na akong lagnat at mukhang magaling na ako.
“Nagpasalamat ako sa Panginoon sa aking paggaling. Tiyak ko na pinagaling niya ako.”1
Gustong ipaunawa ni Pangulong Smith sa mga Banal na ang pagsunod sa Word of Wisdom ay hindi lamang nagdudulot ng pisikal na kalusugan kundi maging ng mga pagpapalang espirituwal. Sa sesyon ng priesthood ng pangkalahatang kumperensya, ikinuwento niya ang propetang si Daniel ng Lumang Tipan, na dinalang bihag sa Babilonia at inasahang kumain ng pagkain at uminom ng alak ng hari:
“Si Daniel ay isang propeta ng Diyos, at siya ay propeta dahil sinunod niya ang mga utos ng Diyos. Gusto kong … alalahanin ninyo ang mensaheng ito. Sinunod ni Daniel at ng kanyang mga kasama ang mga turo ng Diyos, hinggil sa dapat nilang kainin at inumin, at tinanggihan ang pagkaing inihanda sa hapag-kainan ng hari. [Tingnan sa Daniel 1:3–16.]”
Ipinaliwanag pa ni Pangulong Smith na dahil sa pagsunod ni Daniel sa batas ng kalusugan ng Panginoon sa kanyang panahon, hindi lamang buhay niya ang napangalagaan, kundi tumanggap din siya ng malaking espirituwal na pagpapala: “ang inspirasyon ng Makapangyarihan sa lahat.”2 [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina 232.]
Mga Turo ni George Albert Smith
Ang Word of Wisdom ay mapagmahal na payo ng ating Ama, na nakaaalam ng lahat ng bagay.
Babasahin ko sa inyo ang isang bahagi ng sinabi ng Panginoon sa Simbahan noong Pebrero 27, 1833.
“Isang Salita ng Karunungan [Word of Wisdom],” para sa kapakinabangan ng kapulungan ng matataas na saserdote, tinipon sa Kirtland, at ng Simbahan, at gayon din ng mga Banal sa Sion—
“Na magpadala ng pagbati; hindi sa pamamagitan ng kautusan o pamimilit, kundi sa pamamagitan ng paghahayag at ng salita ng karunungan, ipinakikita ang utos at kalooban ng Diyos sa temporal na kaligtasan ng lahat ng banal sa mga huling araw.”
Ngayon pag-isipan iyan sandali—“sa temporal na kaligtasan ng lahat ng banal sa mga huling araw.”
“Ibinigay bilang isang alituntunin na may lakip na pangako, iniangkop sa kakayahan ng mahihina at ng pinakamahihina sa lahat ng banal, na tinawag o maaaring tawaging mga banal.” [Tingnan sa D at T 89:1–3.]
Pagkatapos patuloy tayong sinasabihan ng Panginoon ng mga bagay na mabuti para sa atin, ipinaliliwanag ang uri ng pagkaing makabubuti sa atin, at binabalaan tayo laban sa ilang bagay na lubos na nakasasama at nakapipinsala [tingnan sa D at T 89:5–17].
Sa tingin ko ay napakapalad nating mga tao. … Maawain sa atin ang Panginoon, para balaan at payuhan tayo tungkol sa maraming bagay.3
Ang Word of Wisdom ay itinuturing kong mabuting payo ng ating Ama sa Langit, na nais makita ang Kanyang mga anak na maging katulad Niya. … Para sa akin ito ay payo ng isang ama, na batid kung ano ang kailangan ko, na nagsabi sa akin: “Anak ko, ang mga bagay na ito ay hindi makabubuti para sa iyo, at kung iiwasan mo ang mga ito ibibigay ko sa iyo ang aking Banal na Espiritu at kagalakan habang narito ka sa mundo at sa huli ang buhay na walang-hanggan.” Napakahangal ko para kainin at inumin ang ipinagbabawal na mga bagay na ito, gayong nakatitiyak ako na payo ng Panginoon na iwasan ko ang mga ito. Parurusahan ako kung kakainin ko ang mga ito, gayong sinabi na Niya na nakaaalam nang higit kaninuman na nakapipinsala ang mga ito, at binalaan na ako laban sa mga ito. …
… Naisip Niya na mahalagang ibigay ito sa atin, at balaan tayo, at kung inisip Niya na nakaaalam ng lahat ng bagay na kailangang magpayo tungkol sa temporal na mga bagay na ito, dapat lang tayo, na hindi nakaaalam ng ating kinabukasan, ay sumunod na mabuti sa payong iyan. Nadarama ko na may batas sa Word of Wisdom ang mga Banal sa mga Huling Araw na magpapadakila at mag-aangat sa kanila kumpara sa mga taong hindi sumusunod dito.4
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay para ingatan ang mga kaluluwa, na katawan ang tabernakulo, para sa walang-hanggang kaligayahan. Napakahangal natin kung susunod tayo sa mga kagawian at kaugalian ng mundo! … Ang ating Ama sa Langit sa kanyang kabaitan at pagmamahal [ay nagbabala]: “Dahil sa masasama at mga pakana na umiiral at iiral sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw, binigyang-babala ko kayo, at binabalaan kayo, sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo nitong salita ng karunungan sa pamamagitan ng paghahayag.” D at T 89:4.) … Ang layunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ay para ihanda tayong maunawaan ang ganda ng buhay tulad ng sinabi ng Panginoon na dapat nating ipamuhay, sa pagsasabi sa atin kung paano iwasan ang mga bagay na sumisira sa daigdig.5
Naniniwala ba kayo na ibinigay sa atin ng Panginoon ang Word of Wisdom? Talaga bang iniisip ninyo na alam Niya ang makabubuti sa atin? Palagay ba ninyo malulugod siya kung susundin natin ang batas na iyan? Sinabi niya na ikalulugod niya ito. Palagay ba ninyo totoo ang sinabi niya?6
Mga kapatid, hindi natin maaaring balewalain ang Word of Wisdom nang hindi naparurusahan. Ito ay ibinigay bilang payo at turo, hindi sa pamamagitan ng kautusan o pamimilit, kundi bilang salita ng karunungan, mula sa ating Ama, para sa temporal na kaligtasan ng ating katawan at paghahanda ng ating kaluluwa para sa buhay na walang-hanggan.7 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 232.]
Ang Panginoon ay nangangako ng kalusugan ng isipan at katawan sa mga sumusunod sa Word of Wisdom.
Nagpapasalamat ako sa Word of Wisdom na iyon, sa kasimplihan nito, at tulad ng sabi ng Panginoon, “iniangkop sa kakayahan ng mahihina at ng pinakamahihina sa lahat ng Banal, na tinawag o maaaring tawaging Banal.” Ang tanong ko … , karapat-dapat ba tayong tawaging mga Banal? Lahat ng umaasang matawag na mga Banal ay tiyak na nararapat sundin ang Word of Wisdom. At ano ang kahulugan nito sa atin? Pinasasaya nito ang buhay, inaalis nito sa atin ang nakalalasong sangkap na nilalanghap ng maraming tao dahil sa paninigarilyo. Nakakaiwas tayo sa nakasusukang kundisyong dulot ng pagnganga o pagngalot ng tabako. Iniingatan tayo nito, kung mapapansin natin, mula sa mga sakit na dulot ng pagpapasok ng [mga droga] sa ating katawan na nasa tsaa at kape, at sa mga nakapipinsalang epekto ng alak. …
Hindi lamang sinasabi sa atin ng ating Ama sa Langit kung ano ang dapat nating iwasan, kundi pati ang magagamit natin na may pakinabang. Sinabi na Niya sa atin na lahat ng butil, lahat ng mabuting halaman, ang bunga ng mga puno atbp., ay mabuti sa tao. Ang karne ng hayop at mga ibon sa himpapawid; at ang mga bagay na ito na tinukoy Niya ay magagamit natin nang may mabuting pagpapasiya at pasasalamat; at nais kong bigyang-diin nang may pasasalamat.8
Nakikita natin na ang pagsunod sa mga batas ng kalusugan ay nagdudulot ng lakas ng isipan at katawan, at natutuklasan natin na sa pagsuway dito, pinsala sa isipan at katawan ang bunga. Ang ating Lumikha, ang Ama ng ating espiritu, na nagbigay sa atin ng pagkakataong mabuhay sa mundong ito, ang nagsabi na may ilang bagay na tinukoy sa paghahayag na iyan na hindi makabubuti sa atin. May mahahalaga siyang pangako sa atin, kung susundin natin ang batas na ito,—mga pangako ng karunungan, ng kalusugan at lakas, at na lalampasan tayo ng mapangwasak na anghel at hindi tayo sasaktan, tulad ng ginawa niya sa mga anak ni Israel [tingnan sa D at T 89:18–21].9 [Tingnan ang mungkahi 3 sa mga pahina 232–233.]
Ang pagsunod sa Word of Wisdom ay nagpapalakas sa ating pananampalataya at espirituwalidad.
Lubos akong naniniwala na ang Panginoon sa Kanyang Awa, nang ibigay Niya sa atin ang Word of Wisdom, ay ibinigay ito sa atin, hindi lamang para maging malusog tayo habang nabubuhay sa mundo, kundi para tumibay ang ating pananampalataya, para lumakas ang ating patotoo sa kabanalan ng misyon ng ating Panginoon at Guro, nang sa gayon ay maging mas handa tayong bumalik sa kanyang kinaroroonan pagkatapos ng gawain natin dito. Nangangamba ako na bilang mga anak ng Sion ay hindi natin nauunawaan kung minsan ang kahalagahan ng magandang mensaheng ito sa mundo.10
Gusto kong sabihin sa inyo na, sa palagay ko, ang paggamit ng tabako, na tila maliit na bagay sa ilang kalalakihan, ay isang paraan ng pagwasak sa kanilang espirituwal na buhay, ang paraan para lumayo sa kanila ang Espiritu ng Ama, ang naghiwalay sa kanila sa mabubuting lalaki at babae, at naging dahilan para balewalain at ikahiya sila ng kanilang mga anak, subalit sasabihin pa rin ng diyablo sa tao, Ah, maliit na bagay lang iyan!11
Nabubuhay tayo sa panahon na nangusap na muli ang Panginoon sa Kanyang mga tao. Tayo, na mga miyembro ng Simbahan, na nakasunod sa mga utos ng ating Ama sa Langit, ay ganap na nauunawaan na ang Diyos ay buhay at Kanyang gagantimpalaan ang masigasig maglingkod sa Kanya. Nauunawaan natin na nagbigay Siya ng ilang tuntunin at kautusan upang pamahalaan tayo sa buhay na ito, at ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay tumitiyak sa Kanyang kaluguran, at sa mga pagpapalang ipinangako dahil sa ating pagsunod; ngunit, kung hindi natin sinunod ang Kanyang mga turo, kung binalewala natin ang Kanyang matatalinong payo, hindi Niya tayo pinangakuan, at sinasayang natin ang mga pagkakataon na hindi na muling darating sa atin. Alam ko na mahalagang sundin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang batas na ito [ang Word of Wisdom]. Naniniwala ako na sa pagsunod dito, lalong higit na pananampalataya ang tatamasahin ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nabasa natin sa mga turo ni Mormon na kung walang mga himalang ginawa sa kalipunan ng mga tao ito ay dahil sa wala silang pananampalataya; at sinabi pa niya sa kanila na kung walang pananampalataya, “kakila-kilabot ang kalagayan ng tao.” [Tingnan sa Moroni 7:37–38.] Kung susuwayin natin ang hayag na kalooban ng Panginoon, natural lamang na manghina ang ating pananampalataya, sapagkat hindi laging mananahan sa atin ang Espiritu. …
… Matibay ang paniniwala ko na dahil sa pagpapabaya sa simpleng bagay na ito, ang pananampalataya ay naglaho sa puso ng ilan sa ating mga tao—na, dahil sa pagsunod ng lahat sa Word of Wisdom, lalakas ang pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw, at dadaloy sa atin ang mas malaking kaalaman; dahil sa pagsunod dito, magkakaroon tayo ng matibay ng pasiyang sumunod sa iba pang mga batas ng ating Ama, at ang pagsunod sa bawat isa ay tumitiyak ng pagpapala.12 [Tingnan sa mungkahi 3 at 4 sa pahina 233.]
Sa pagsunod sa Word of Wisdom, naghahanda tayo para sa buhay na walang-hanggan.
Kung minsan iniisip ko kung nauunawaan ba ng mga Banal sa mga Huling Araw na [ang Word of Wisdom] ay ibinigay sa atin para sa ating kadakilaan; hindi lamang para sa ating temporal na pagpapala, kundi para ihanda tayo sa espirituwal na buhay. …
Sinabi sa atin na ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan [tingnan sa D at T 93:36], at hinahangaan nating lahat ang matatalinong lalaki at babae, samakatwid dapat nating hangaring maglatag ng pundasyon para madagdagan ang ating kaalaman at hindi tayo makagawa ng anumang bagay na magpapahina rito. Nakikita sa buhay ng ilan na pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng kaalaman na maaari sana nilang matamasa, dahil sa patuloy na paggamit ng mga bagay na sinabi ng ating Ama sa Langit na hindi mabuti; bunga nito hindi sila nagiging matalino, at bigo silang makapaghanda para sa Buhay na Walang-Hanggan na siyang dapat nilang mithiin.13
Kung naniniwala tayo sa ating ipinahayag, na si Jesus ang Cristo, at tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, dapat tayong maging maingat sa ating mga kilos upang maging karapat-dapat tayo sa mga templong tinatahanan natin, na nilikha sa larawan ng Diyos. Gaano karami ang nakauunawa sa atin na sa pagpapasok sa ating katawan ng mga bagay na ipinagbabawal ng Ama ay dinudungisan natin ang templo ng espiritu? Gaano karami sa atin ang nag-isip-isip na kapag nagpatangay tayo sa kahinaan ng laman, ipinagkakait natin sa ating sarili ang mga pagkakataong naghihintay sa atin sa hinaharap, at inihihiwalay ang ating sarili sa mga pagpapala ng Panginoon na nakalaan sa matatapat?14
Kung ang batas na ito, na iniakma sa kakayahan ng pinakamahihina sa atin, ay susundin, ito ang magiging pundasyon kung saan maidaragdag pa ang maraming malalaking pagpapalang malugod na ipagkakaloob ng ating Ama, na hindi natin matatamasa at matatanggap kapag sumuway tayo. Paano mapapangatwiranan ng sinuman sa atin ang pagbabalewala sa isang simpleng batas ng Diyos na sinabi Niya, sa Kanyang sariling tinig, na masusunod ng sinuman sa atin? Maaasahan ba nating masunod ang isang mas mataas na batas, at matamo ang kadakilaan, kung hindi natin masunod ang simpleng utos na ito.15 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 232.]
Ang pinakamainam na paraan para maituro sa ating mga pamilya na sundin ang Word of Wisdom ay sundin natin ito mismo.
Ang mga ama’t ina, kung susundin nila ang Word of Wisdom, ay maipapasa sa kanilang mga anak ang mabubuting ugali at lakas na hindi nila maibibigay sa ibang paraan. Naniniwala ako na ang pagsama ng Espiritu ng ating Ama ay mapapasa puso at tahanan ng mga sumusunod sa batas na ito, at ang hangarin nilang maging masunurin ay maipapasa sa kanilang mga anak. … Alam na alam natin na ang epekto ng tabako ay lubhang makapipinsala sa utak ng isang bata, kaya hihina ang memorya at mawawalan ito ng pakiramdam; gayundin, ang epekto ng alak sa utak ng mga kabataan ay labis na nakasasama: pinipigilan nito ang hangaring maging marangal at matwid, at humahantong sa bisyo at krimen. … Ibinigay sa atin ng Panginoon ang batas na ito nang may malasakit at pagmamahal, na nangangako ng ilang pagpapala kung susundin natin ang Kanyang payo. Hinihikayat ko kayo, mga kapatid, na ituro ito sa inyong tahanan. Ituon dito ang pansin ng inyong lumalaking mga anak, at sa gantimpala ng pagsunod dito.
Hayaan ninyong sabihin ko sa inyo na ang pinakamainam na katibayan ng ating pananampalataya sa batas na iyan, na naniniwala tayo na nagmula ito sa Diyos, ay ang pagsunod dito sa ating buhay tuwina. Maaari natin itong ipangaral sa buong maghapon, ngunit kapag sinuway natin ito, maaaring mas makapinsala ang ating halimbawa sa mga taong mas mahal natin kaysa buhay, sapagkat iisipin nila na ligtas sila sa pagsunod sa ating paroroonan.16
Nakikiusap ako sa inyo, saliksikin nang may panalangin ang Word of Wisdom. Huwag lamang itong basahin; saliksikin ito nang may panalangin. Tuklasin kung bakit ito ibinigay ng ating Ama sa Langit. Ibinigay Niya ito lakip ang pangako ng mahabang buhay at kaligayahan, hindi kung susuwayin natin ito, kundi kung susundin natin ito. Basahin ang Word of Wisdom sa harap ng inyong pamilya at magpakita ng magandang halimbawa. Kung gagawin natin iyan patuloy na uunlad ang Sion. Kung gagawin natin iyan ang Simbahan ng Kordero ng Diyos ay patuloy na magiging mabuting impluwensya sa mundo.17 [Tingnan ang mungkahi 5 sa pahina 233.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Sa pahina 225, binanggit ni Pangulong Smith ang kuwento tungkol sa pagtanggi ni Daniel na kainin ang pagkain at inumin ang alak ng hari. Basahin ang Daniel kabanata 1, at isipin ang isang karanasan ninyo kung saan inasahan kayong gawin ang isang bagay na ipinagbabawal sa Word of Wisdom. Ano ang ilang angkop na paraan upang masunod ang Word of Wisdom sa gayong mga sitwasyon at maging magalang pa rin sa iba?
-
Basahing muli ang unang bahagi ng mga turo (mga pahina 225–227). Paano ninyo magagamit ang mga turong ito para tulungan ang isang tao na nahihirapang sumunod sa Word of Wisdom?
-
Basahin sandali ang mga pahina 227–231, kung saan tinalakay ni Pangulong Smith ang ilan sa mga pagpapalang ipinangako sa mga sumusunod sa Word of Wisdom (tingnan din sa D at T 89:18–21). Paano natupad ang mga pangakong ito sa buhay ninyo? Ano ang iba pang mga pagpapalang natanggap ninyo sa pagsunod sa batas na ito?
-
Sa pahina 230, ipinangako ni Pangulong Smith na ang pagsunod sa Word of Wisdom ay nagdudulot ng “matibay na pasiyang sumunod.” Ano ang kahulugan sa inyo ng katagang ito?
-
Sa inyong opinyon, paano nakakatulong ang pagsunod natin sa Word of Wisdom sa Simbahan na “maging isang mabuting impluwensya sa mundo”? (pahina 232). Pag-aralan nang may panalangin ang bahagi 89 ng Doktrina at mga Tipan, tulad ng mungkahi ni Pangulong Smith, at pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa ninyo para mas ganap na masunod ang Word of Wisdom.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 6:19–20; Alma 34:36; Doktrina at mga Tipan 29:34; 130:20–21
Tulong sa pagtuturo: “Maipapahayag ninyo ang pagmamahal sa inyong mga tinuturuan sa pamamagitan ng masusing pakikinig sa kanila at pagiging tunay na interesado sa kanilang buhay. Ang pag-ibig na tulad ng kay Cristo ay may kapangyarihang magpalambot ng mga puso at matulungan ang tao na maging handang tumanggap ng mga [pagbulong] ng Espiritu” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 56).