Kabanata 5
Ang Banal na Priesthood—para Pagpalain ang mga Anak ng Diyos
Ang priesthood ang awtoridad ng Diyos. Ang mga maytaglay ng priesthood ay dapat maging karapat-dapat at gamitin ito para pagpalain ang iba.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Sa sesyon ng priesthood sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2, 1948, sinabi ni Pangulong George Albert Smith:
“Kung minsan iniisip ko kung tayo bilang mga ama ay nagpupunyaging ipaliwanag sa ating mga anak na lalaki ang bigat ng obligasyon kapag deacon na sila. Iniisip ko kung ipinadarama ng ama sa anak kapag naorden na itong deacon na nasa kanya na ang isang bagay na walang-hanggan ang kahalagahan. …
“Naaalala ko, na para bang kahapon lang, nang ipatong ni John Tingey ang kanyang mga kamay sa aking ulunan at iorden akong deacon. Naipaliwanag itong mabuti sa akin at ang kahalagahan nito, kaya nadama kong isa itong malaking karangalan. Ang resulta ay, isa itong pagpapala sa akin, at kalaunan isa pang ordinasyon ang dumating sa akin. Ngunit sa bawat sitwasyon, natanim sa aking isipan na narito ang isang pagkakataon para sa isa pang pagpapala.”1
Sa mensahe ring iyon, itinuro ni Pangulong Smith na isa sa mga pagpapalang dulot ng ordinasyon sa priesthood ay ang pagkakataong pagpalain ang buhay ng iba. Bilang halimbawa, nagkuwento siya tungkol sa isang mahusay na maytaglay ng priesthood—isang home teacher—noong kabataan niya:
“Si Rodney Badger ay home teacher ng aming pamilya sa loob ng maraming taon, at isang magaling na tao. Tuwing darating siya nagtitipon ang pamilya at nauupo siya at nagtatanong sa amin at nagkukuwento ng mga bagay na inaakala niyang dapat naming maunawaan. At nais kong sabihin sa inyo na nang magpunta siya sa bahay namin kasama niya ang espiritu ng Panginoon. At paglabas niya nadama namin na nadalaw kami ng isang lingkod ng Panginoon.”2
Tinapos ni Pangulong Smith ang kanyang mensahe sa pagpapahayag ng kanyang hangarin na paglingkuran ng mga maytaglay ng priesthood ang mga miyembro ng kanilang mga ward at stake at “huwag sayangin ang pagkakataong mapasigla at mapaunlad at matulungan silang maging tulad ng inaasam ng ating Ama sa kanila.”3 [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina 59.]
Mga Turo ni George Albert Smith
Ipinanumbalik ni Jesucristo ang banal na awtoridad sa mundo noong Kanyang mortal na ministeryo.
Nang dumating ang Tagapagligtas sa kalagitnaan ng panahon, nalaman Niya na puno ng kasamaan ang dakilang lungsod ng Jerusalem. Ang mga tao ay namuhay sa kasamaan kaya nawala sa kanila ang banal na awtoridad, kaya’t isinugo [ng Diyos] ang Kanyang Anak sa mundo at muling nagpasimula ng isang Simbahang may banal na kapangyarihan. … May mabubuting tao sa Kanyang angkan, … at may iba pa na gumaganap pa rin sa Priesthood, ngunit kinailangang pumarito ang Tagapagligtas upang ipanumbalik ang banal na awtoridad. …
… Nang simulan Niya ang Kanyang ministeryo, hindi Siya nagpatulong sa mga hari at pinuno at saserdote at sa mga may mataas na katungkulan, kundi tinawag Niya ang mga abang mangingisda, at bunga nito ay nakatipon Siya ng mga lalaking matuturuan, at hindi ng mga kalalakihang hindi maniniwala sa Kanya. Inorganisa Niya ang isang Simbahan sa patnubay ng ating Ama sa Langit. Iginawad Niya ang banal na awtoridad sa Kanyang mga kasamahan at ibinilin ang nararapat nilang gawin. … Siya ay may banal na awtoridad, at ang mga mabubuti na ay kinilala Siya bilang Anak ng Diyos. Iniisip ng ilan na isa lamang Siyang mabuting tao. Naniniwala tayo na hindi Siya naparito sa mundo para lamang ituro sa mga tao ang gagawin, kundi upang igawad sa Kanyang mga kasamahan ang banal na awtoridad na pangasiwaan ang mga ordenansa ng Kanyang Simbahan. …
Noong panahon ng Tagapagligtas, Siya ang namumunong awtoridad. Pumapangalawa sa Kanya ang isang korum ng labindalawang kalalakihan, na pinili Niya. Nang Siya ay pumanaw, ang Korum ng Labindalawa, na hindi ilang ordinaryong kalalakihan lamang na tinawag ang kanilang sarili na mga disipulo, kundi isang korum ng labindalawang kalalakihang may banal na awtoridad at natanggap ito mula kay Jesucristo, ang siyang namuno sa Simbahan.4 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 59.]
Ang priesthood ay ipinanumbalik sa ating panahon ng kalalakihang maytaglay nito noong unang panahon.
Nakatala at kinikilala sa langit at lupa na dumami ang mga doktrina at relihiyon matapos lisanin [ni Jesucristo] ang mundo, at dumami ang mga simbahan sa mundo at mga sekta ng relihiyon hanggang sa dumating ang panahon ni Joseph Smith, ang ating pinakamamahal na propeta. Maraming tao ang nagkunwaring nagtataglay ng banal na awtoridad, at palagay ko inakala ng ilan na natanggap nila ito. …
Nang dumating ang panahon at nawala sa mundo ang awtoridad o Priesthood, tinawag ng Panginoon ang isang abang batang lalaki at nagpakita rito at kinausap siya, at sinabi sa kanya ang nararapat niyang gawin, at nagpadala ng iba pang mga sugo at makalangit na nilalang, na ang resulta ay ang pagkakaorganisa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at nasa Simbahang iyan ang banal na awtoridad. …
Noong binata na si Joseph Smith inutos sa kanya ng Panginoon na isalin ang Aklat ni Mormon. Minsan habang nagsasalin sina Joseph at Oliver Cowdery, nagsugo ang Panginoon ng isang banal na nilalang upang sagutin ang kanilang mga tanong tungkol sa binyag. Sino ang dumating? Si Juan Bautista, na nagtataglay noon ng Aaronic Priesthood. Saan siya nanggaling? Nanggaling siya sa langit. … Nagpakita siya kina Joseph Smith at Oliver Cowdery bilang isang maluwalhati at nabuhay na mag-uling nilalang. Dumating siya sa utos ng ating Ama sa Langit na igawad ang Aaronic Priesthood kina Joseph at Oliver, sapagkat wala ito noon sa mundo. Kailangang mabuksan ang kalangitan at isang lalaking nagtaglay ng Priesthood, at taglay pa rin ito, ang dapat pumarito at igawad ito.
Kasunod niyon, iginawad nina Pedro, Santiago, at Juan, na maytaglay ng Melchizedek Priesthood, ang Priesthood na ito kina Joseph at Oliver, at pinamahalaan ng Panginoon ang organisasyon ng Simbahan, na may isang Panguluhan, na binubuo ng isang pangulo at dalawang tagapayo; gayundin ng isang Korum ng Labindalawang Apostol, isang Patriarch, mga High Priest, Pitumpu, Elder, Priest, Teacher at Deacon; katulad ng organisasyong umiral sa sinaunang simbahan, kung awtoridad ang pag-uusapan.5
Ang awtoridad na iginawad [kay Joseph Smith] ang siya ring awtoridad na iginawad sa inyong mga anak, at aatasan sila ng ating Ama sa langit na mangasiwa sa mga ordenansa ng Ebanghelyo. Ang responsibilidad na ibinigay kay Joseph Smith ay hindi nawala sa kanyang pagpanaw, iniatang ito sa balikat ng iba. Ang ating Ama sa Langit ay nagbangon ng mga taong may awtoridad na magsasalita sa Kanyang pangalan, upang mangasiwa sa mga ordenansa ng Ebanghelyo, at pagpalain ang mga anak ng tao. Ibinahagi nila ang karangalang iyan sa inyo at sa inyong mga anak.6
Nagpapasalamat ako na sa panahong ito ay muling inihayag ng Panginoon ang Ebanghelyo. Nagpakita ang Ama at ang Anak; ang kalalakihang maytaglay ng Priesthood noon ay pumarito at iginawad ang Priesthood na iyon sa abang kalalakihan na inutusan namang igawad ito sa iba. Kaya’t ang Ebanghelyo at Priesthood ay para sa lahat ng magiging karapat-dapat na tumanggap niyon, at iyan ang paraan ng Panginoon.7
Tunay na kamangha-mangha ang inyong misyon, kayong kalalakihang nagtataglay ng Priesthood. Iginawad sa inyo ang banal na awtoridad. Hindi ninyo natamo ang inyong karapatang ipangaral at ituro ang ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa nito bunga ng pagsasanay sa kolehiyo o unibersidad. Natanggap ninyo ang inyong awtoridad mula sa kalalakihang inutusan ng langit na maging mga lingkod ng Panginoon, at iginawad ito sa inyo ng mga taong tuwirang tumanggap nito mula kay Jesucristo na ating Panginoon.8 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 60.]
Ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay matatagpuan lamang sa Kanyang tunay na Simbahan.
May mga lalaking nagtanong sa akin: “Ano ang ikinaganda ng simbahan ninyo kaysa sa ibang simbahan?” Sinikap ko, sa magandang paraan, na ipaliwanag sa kanila ang kaibhan. Anumang organisasyon ay maaaring magtipun-tipon para sumamba, ngunit hindi iyan nagbibigay sa kanila ng banal na awtoridad. Anumang grupo ng mga simbahan ay maaaring magsama-sama at mag-oganisa ng mga simbahan sa komunidad. Hindi iyan nagkakaloob ng banal na awtoridad. Maaaring magkaisa ang mga tao para sa mabubuting layunin, ngunit ang awtoridad mula sa ating Ama sa Langit ay natatamo lamang sa kanyang paraan, at ang kanyang paraan noong unang panahon ay tumawag at mag-orden ng kalalakihan at italaga sila para sa gawain. Ganyan din ang ginagawa sa ating panahon. …
Dapat ipaunawa sa mga tao na ang pagdarasal nang nakayuko sa harapan ng Panginoon ay hindi nagbibigay sa kanila ng banal na awtoridad. Ang pamumuhay sa katapatan, kabanalan, katotohanan, atbp., ay hindi nagbibigay sa kanila ng banal na awtoridad. … Hindi sapat na manalangin tayo, na magsimba tayo. Kailangan tayong magtaglay ng banal na awtoridad, at ang pag-angkin na taglay natin ang awtoridad na iyan ang dahilan kaya labis na inusig ang Simbahang ito sa simula pa lamang. Ngunit iyan ang katotohanan at marami sa mga anak ng ating Ama ang nagsisimulang makapuna sa epekto ng banal na awtoridad sa Simbahang ito. Nakikita nila ang magandang pagbabago sa buhay ng kalalakihan at kababaihan.9 [Tingnan ang mungkahi 4 sa pahina 60.]
Ayaw kong isipin ng iba na sinisiraan at pinipintasan ko ang mga taong kabilang sa iba’t ibang sekta ng relihiyon sa mundo. Nagpapasalamat ako na napakarami sa kanila ang mabubuting kalalakihan at kababaihang naniniwala sa kanya at sa liwanag na napasakanila ay naglilingkod sa Diyos; ngunit totoo pa rin na itinatag ng ating Ama sa mundong ito, ang kanyang Simbahan. Iginawad niya sa kalalakihan sa panahong ito ang kanyang awtoridad, at wala nang iba pang awtoridad sa mundong ito na kikilalanin niya maliban sa itinatag niya mismo.10 [Tingnan ang mungkahi 5 sa pahina 60.]
Mahalaga ang mga ordenansa ng priesthood upang makapasok tayo sa kahariang selestiyal.
Kung katulad tayo ng lahat ng ibang sekta ng relihiyon, maaari nating hanapin ang Panginoon at tanggapin ang kanyang mga pagpapala, dahil lahat ng taong gumagawa ng mabuti sa mundong ito ay pinagpapala; maaaring nasa atin ang lahat ng mabuting ugali at angkinin natin ito, ngunit kung wala ang kapangyarihan ng Diyos at ang awtoridad ng banal na Priesthood imposibleng marating ng tao ang kahariang selestiyal.11
Ang tanging plano na maghahanda sa tao para sa kahariang Selestiyal ay ang planong ibinigay ni Jesucristo, na ating Panginoon; at ang tanging awtoridad na magpapagindapat sa kalalakihan na magturo at mangasiwa sa mga ordenansa ng Ebanghelyo nang angkop ay ang awtoridad ni Jesucristo, na ating Panginoon.12
Si Joseph Smith Jr. ay tinawag ng Diyos na maging Kanyang propeta at sa pamamagitan niya ay naipanumbalik sa mundo ang Banal na Melchizedek Priesthood na siyang kapangyarihan ng Diyos na ipinagkatiwala sa tao upang kumilos sa Kanyang pangalan. Sa pamamagitan ng Priesthood na ito bawat ordenansa ng Ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo, na kailangan para sa kaligtasan ng mga anak ng tao, ay pinangangasiwaan nang may awtoridad.13
Paano tayo maaapektuhan kung hihiwalay tayo sa awtoridad na iginawad ng Diyos sa atin? Mangangahulugan ito na napagsarhan tayo ng mga pintuan ng kahariang selestiyal. Mangangahulugan ito na hindi ko makakamtan ang maluwalhating pagpapalang itinuro sa akin na asamin ko mula pa sa aking pagkabata. … Ang makasama ko ang aking mga mahal sa buhay, … na halos kasinghalaga ng sarili kong buhay, ay hindi ko matatamasa sa kahariang selestiyal.14
Ang priesthood … kung tayo ay tapat, ay isang pagpapalang magbubukas ng mga pintuan ng kahariang selestiyal at magbibigay ng lugar na matitirhan natin doon sa buong kawalang-hanggan. Huwag ipagwalang-bahala ang walang-kapantay na pagpapalang ito.15 [Tingnan ang mungkahi 6 sa pahina 60.]
Ang mga maytaglay ng priesthood ay may responsibilidad na mamuhay nang uliran at gamitin ang priesthood upang pagpalain ang iba.
Napakagandang malaman na ang kalalakihang karapat-dapat ay maaaring matanggap [ang] priesthood at makagawa ng maraming bagay, sa awtoridad na ibinigay sa kanila, na magpapala sa ibang mga anak ng ating Ama.16
Maglibot man kayo sa iba pang Simbahan sa mundo o sa lahat ng iba pang Simbahan, wala kayong makikitang … kalalakihang nagtataglay ng banal na awtoridad. Huwag ninyong kalilimutan iyan. Kabilang kayo sa isang piling grupo ng kalalakihan, … na pinatungan ng mga kamay sa ulunan, at nakatanggap ng banal na awtoridad, kaya kayo naging mga katuwang ng Panginoon ng Langit at Lupa. Hindi ko ibig sabihin na hindi kayo maaaring tumawa, ngumiti, at magsaya sa buhay, kundi ang ibig kong sabihin ay dapat magkaroon sa kaibuturan ng bawat kaluluwa ng kabatirang “Ako ay tagapagbantay sa aking kapatid. Taglay ko ang awtoridad na nagmula sa Panginoong Jesucristo—ako ay maytaglay ng Banal na Priesthood.” Kung gagawin natin ito hindi natin mababalewala ang mga sagradong bagay na tulad ng ginawa ng ilan noong araw.17
Ang katotohanan na taglay nila ang Priesthood ay magiging sumpa sa maraming kalalakihan, dahil sa pagturing nila rito, na para bang isa itong napaka-karaniwang bagay.18
Iniisip ng ilang kalalakihan na dahil taglay nila ang Priesthood ay mayroon na silang espesyal na paraan sa pamumuno sa kanilang tahanan. Gusto kong sabihin sa inyo na kayong kalalakihan na maytaglay ng Priesthood ay hinding-hindi makakapasok sa Kahariang Selestiyal, maliban kung igalang ninyo ang inyong asawa at pamilya at turuan sila at ibigay sa kanila ang mga pagpapalang nais ninyo para sa inyong sarili.19
Ang awtoridad ng ating Ama sa Langit ay nasa mundo para pagpalain ang sangkatauhan, hindi upang gawing mayabang ang mga nakatanggap ng awtoridad na iyon, kundi upang gawin silang mapagpakumbaba; hindi upang ipadama sa mga nakatanggap ng mga espesyal na pribilehiyo na mas mahusay sila kaysa iba, kundi upang gawing mapagpakumbaba ang ating kaluluwa, mapanalangin ang ating puso, at maunawain sa lahat ng tao sa lahat ng ating ginagawa, at maging halimbawa ng matwid na pamumuhay na siyang hangad ng ating Ama sa Langit na ituro natin.20
Wala tayong mararating sa pagiging miyembro ng Simbahan at pagtataglay ng Priesthood kung hindi tayo karapat-dapat. Sinabi ng Panginoon na bawat pagpapalang hangad natin ay nakabatay sa pagsunod natin sa Kanyang mga utos. Maaari nating linlangin ang ating kapwa, at lokohin ang ating sarili na makakalusot tayo, ngunit kung hindi natin susundin ang mga utos ng ating Ama sa Langit, kung hindi tayo karapat-dapat magtaglay ng banal na Priesthood na ito na napakahalaga, hindi tayo magkakaroon ng puwang sa kahariang selestiyal.21
Kayo mga kapatid … ay ginawaran ng sagradong oportunidad, ng sagradong pagtitiwala. Natanggap ninyo ang mga pagpapala ng banal na Priesthood. Nagawaran kayo ng banal na awtoridad, at kalakip ng awtoridad na iyan ang responsibilidad na iparating ang inyong tinig at mamuhay sa paraan na malalaman ng mga tao sa mundo ang kaibhan ng Ebanghelyo ni Jesucristo sa iba pang mga organisasyon sa mundo.22
Saanman kayo magpunta, laging isaisip ang katotohanan na kinakatawan ninyo siya na may-akda ng ating buhay. Ang priesthood na taglay ninyo ay hindi priesthood ni Joseph Smith, o ni Brigham Young, o ng iba pang kalalakihang tinawag na mamuno sa Simbahang ito sa inyong lugar o sa ibang lugar. Ang priesthood na taglay ninyo ay kapangyarihan ng Diyos, na iginawad sa inyo mula sa kalangitan. Ang mga banal na nilalang ay kinailangang isugo sa lupa … upang ipanumbalik ang maluwalhating pagpapalang nawala sa mundo nang daan-daang taon. Dapat nating ipagpasalamat ang mga pagpapalang natatanggap natin.23
Dalangin ko na pagpalain tayong lahat ng Panginoon, na maging karapat-dapat tayong magtaglay ng priesthood na ipinagkaloob at iginawad Niya sa atin, na saanman tayo magpunta ay masabi ng mga tao, “Ang lalaking iyan ay lingkod ng Panginoon.”24 [Tingnan ang mungkahi 7 sa pahina 60.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Pag-isipan ang inilarawang mga karanasan ni Pangulong Smith sa mga pahina 51–52. Ano ang magagawa natin para tulungang maghanda ang mga kabataang lalaki na maorden sa mga katungkulan sa priesthood? Ano ang magagawa natin para tulungang maunawaan ng mga kabataang babae ang kahalagahan ng kapangyarihan ng priesthood sa kanilang buhay? Bakit mahalagang matutuhan ng kalalakihan at kababaihan ang tungkol sa priesthood?
-
Bakit “kinailangang … ipanumbalik [ng Tagapagligtas] ang banal na awtoridad” (pahina 52) noong Kanyang ministeryo sa lupa, bukod pa sa pagtuturo ng ebanghelyo?
-
Basahin ang huling talata sa pahina 54 at ang unang talata sa pahina 55. Sa palagay ninyo, bakit ipinagkaloob ng Panginoon ang Kanyang awtoridad sa lahat ng karapat-dapat na kalalakihan sa halip na sa iilang kalalakihan na nakapag-aral?
-
Binanggit ni Pangulong Smith ang “magandang pagbabago sa buhay ng kalalakihan at kababaihan” dahil sa priesthood (pahina 55). Ano ang ibig sabihin ng pahayag na ito sa inyo? Ano ang magagawa ninyo para mapangalagaan ang kapangyarihan at impluwensya ng priesthood sa inyong buhay?
-
Habang binabasa ninyong muli ang bahaging nagsisimula sa pahina 55, pag-isipan kung paano kayo sasagot kung itanong sa inyo ng isang tao ang itinanong kay Pangulong Smith: “Ano ang ikinaganda ng simbahan ninyo kaysa sa ibang simbahan?”
-
Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 56. Ano ang ilan sa “walang kapantay na mga pagpapala” na natanggap ninyo dahil sa priesthood?
-
Habang pinag-aaralan ninyo ang huling bahagi ng mga turo (mga pahina 57–59), hanapin ang mga responsibilidad na sinabi ni Pangulong Smith na kalakip ng priesthood. Ano ang magagawa ng mga miyembro ng korum para suportahan ang isa’t isa sa kanilang mga responsibilidad? Paano matutulungan ng kababaihan ang mga maytaglay ng priesthood na manatiling tapat sa mga responsibilidad na ito? Ano ang magagawa ng mga maytaglay ng priesthood para suportahan ang kababaihan sa kanilang mga banal na tungkulin?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Juan 15:16; Alma 13:1–3, 6–10; Doktrina at mga Tipan 84:19–22; Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–72; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5
Tulong sa pagtuturo: “Magpatotoo kapag [hinikayat] kayo ng Espiritu na gawin ito, hindi lamang sa katapusan ng bawat aralin. Magbigay ng mga pagkakataon sa mga tinuturuan ninyo na makapagbigay ng kanilang mga patotoo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 55–56).