Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 9: Buksan ang Inyong Kaluluwa sa Panginoon sa Panalangin


Kabanata 9

Buksan ang Inyong Kaluluwa sa Panginoon sa Panalangin

Sa pamamagitan ng personal at pampamilyang panalangin, madarama natin ang impluwensya ng Ama sa Langit sa ating buhay at sa ating tahanan.

Mula sa Buhay ni George Albert Smith

Ang panalangin ay mahalagang bahagi ng tahanang kinalakhan ni George Albert Smith. “Mga lihim at pampamilyang panalangin ang ginawa ng bawat miyembro ng pamilya,” wika niya. “Maaga kong nalaman sa buhay na sasagutin ng Panginoon ang panalangin dahil sinagot Niya ang akin at maraming beses Niyang pinatunayan sa akin ang Kanyang maingat na pangangalaga.”1

Kahit sa kanyang katandaan, masayang ginunita ni Pangulong Smith kung paano siya tinuruang magdasal ng kanyang inang si Sarah Farr Smith:

“Tinuruan ako ng isang madasaling inang Banal sa mga Huling Araw. Isa sa mga unang naaalala ko ay nang hawakan niya ako sa kamay at akayin ako paakyat. May dalawang kama sa silid, ang kamang tinutulugan ng mga magulang ko, at isang maliit na kamang de-gulong sa kabilang panig ng ilalim ng kama nila. Parang kahapon lamang. Pag-akyat namin sa itaas, umupo siya sa tabi ng maliit na kama ko. Pinaluhod niya ako sa harap niya. Pinagsalikop niya ang mga kamay ko at hinawakan ang mga ito, at itinuro sa akin ang una kong panalangin. Hinding-hindi ko iyon malilimutan. Ayaw ko iyong kalimutan. Isa iyon sa pinakamagagandang alaala ko sa buhay, isang inang parang anghel na nakaupo sa tabi ng kama ko at tinuturuan akong magdasal.

“Simpleng dasal lang iyon, pero … binuksan ng panalanging iyon ang mga dungawan sa langit. Iniunat sa akin ng panalanging iyon ang kamay ng aking Ama sa langit, sapagkat ipinaliwanag sa akin ni Inay ang ibig sabihin ng lahat ng ito ayon sa kayang unawain ng isang musmos. Mula noon hanggang ngayon, sa tinatayang isang milyong milyang nilakbay ko sa mundo sa piling ng ibang mga anak ng ating Ama, araw at gabi, saan man ako naroon, sa paghiga ko at pagbangon mula sa kama ko, nadarama ko na malapit ako sa aking Ama sa Langit. Nariyan lang Siya.”2

Buong buhay niya, umasa sa panalangin si Pangulong Smith hindi lamang para mapalapit sa Diyos kundi para humingi rin ng tulong sa Kanya sa oras ng pangangailangan. Isang araw habang lumalangoy sa Pacific Ocean, sa baybayin ng California, ganito ang kanyang naranasan:

“Itinuring nila akong isang napakagaling na manlalangoy at ganap akong nasiyahan sa isport na ito. Sa araw na ito ay malaki ang tubig sa dagat at mabilis ang agos. Nang umalis ako sa pampang at lumangoy palaot, tinalon ko ang malalaking alon kapag umaangat ang mga ito at sumasalpok sa akin. Ang layon ko ay ang malalaking alon na lagpas pa roon, kung saan maaari akong tumihaya at sumakay sa indayog ng malalaking alon.

“Habang naaaliw sa nakatutuwang isport na ito, isang napakalaking alon ang umangat at sumalpok bago ko pa naipuwesto nang tama ang sarili ko matapos talunin ang naunang alon. Nahagip ako ng ikalawang alon at inilubog ako hanggang sa kailaliman ng dagat. Naramdaman ko na hinihigop ako nito pababa. Sa sandaling ito sunud-sunod ang mabilis na dating ng mga alon at hindi ko naipuwesto nang tama ang sarili ko bago talunin ang sunud-sunod na mga alon. Nadama ko na mabilis na naglalaho ang lakas ko, na kailangan kong makahanap kaagad ng anumang makakatulong sa akin. Habang nasa ibabaw ako ng isang malaking alon, nakita ko ang mga haligi ng daungan, at naisip ko na kung bigay-todong lakas ang gagamitin ko mararating ko ang mga haligi at maililigtas ko ang buhay ko.

“Tahimik kong hiniling sa aking Ama sa Langit na bigyan ako ng lakas para makarating doon. Nang tangayin ako ng tubig hanggang isang dipa mula sa piyer, inabot ko ito at ipinulupot ang mga braso ko sa isa sa mga haligi. Puno ito ang matatalim na susong-dagat, at nang ipulupot ko rito ang mga braso at binti ko para manatiling ligtas, nagkahiwa-hiwa naman ang dibdib, mga binti at hita ko. Kumapit ako hangga’t kaya ko ang sakit at hapdi at naghintay ng magandang alon para matangay ako nito at makapunta sa isang haliging mas malapit sa pampang. Tuwing gagawin ko iyon habang nagdarasal sinikap kong magpalipat-lipat sa mga haligi sa tulong ng malalaking alon.

“Dahan-dahan ngunit hirap na hirap, nakarating ako sa pampang kung saan sapat na ang babaw ng tubig para makalakad ako papunta sa dalampasigan. Nang ligtas na ako sa mainit na buhangin, natumba ako, sa pagod. Hinang-hina ako, muntik nang malunod kaya hindi ako makalakad pauwi hanggang sa makapahinga ako nang kaunti. Habang nakahiga sa init at kaligtasan ng buhangin, naisip ko ang nakakatakot na karanasang nalagpasan ko at napuspos ng pasasalamat at pagpapakumbaba ang puso ko na isinalba ng Panginoon … ang buhay ko.”3 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 110.]

Mga Turo ni George Albert Smith

Dahil sa panalangin ay nakakausap natin ang ating Ama sa Langit na para bang narito Siya.

Malaking pagpapala ang tinatamasa natin sa panahong ito ng kagipitan at kawalang-katiyakan na matiyak ang banal na patnubay, na magkaroon ng lubos na pananalig sa isang Diyos na nagmamalasakit sa atin at nakikinig at sumasagot sa ating mga dalangin.4

Ilang taon na ang nakalilipas … nabalitaan ko ang tungkol sa [isang] siyam-na-taong-gulang na batang lalaki, isang ulila, na itinakbo sa ospital, kung saan nasuri na kailangan siyang maoperahan kaagad-agad. Nakikitira siya noon sa mga kaibigan na itinuring siyang kapamilya. Ang kanyang ama at ina, (noong nabubuhay pa sila) ay tinuruan siyang manalangin; kaya, pagdating niya sa ospital, ang gusto niya ay tulungan siya ng Panginoon.

Nagdesisyon ang mga doktor na mag-usap-usap sila. Nang dalhin na siya sa operating room, tiningnan niya ang paligid at nakita ang mga narses at doktor na nag-uusap-usap tungkol sa kanyang kaso. Alam niyang malubha ang kanyang lagay, at sinabi niya sa isa sa mga ito, habang naghahanda silang turukan siya ng pampatulog: “Dok, bago ninyo simulan ang operasyon, puwede po ba ninyo akong ipagdasal?”

Ang doktor, na tila napahiya, ay nagdahilan at sinabing, “Hindi kita puwedeng ipagdasal.” Pagkatapos ay tinanong ng bata ang iba pang mga doktor, na gayon din ang sagot.

Sa huli, may lubhang kakaibang nangyari; sabi ng batang ito, “Kung hindi ninyo ako maipagdasal, puwede po bang maghintay kayo sandali habang ipinagdarasal ko ang sarili ko?”

Inalis nila ang kumot, at lumuhod ang bata sa operating table, yumuko at sinabing, “Ama sa Langit, ako po ay isang ulila lamang. Malubha po ang sakit ko. Puwede po bang pagalingin ninyo ako? Basbasan po ninyo ang mga taong ito na mag-oopera sa akin na magawa nila ang tama. Kung pagagalingin po ninyo ako, sisikapin ko pong maging mabuting tao paglaki ko. Salamat po, Ama sa Langit, sa pagpapagaling ninyo sa akin.”

Pagkatapos niyang magdasal, humiga na siya. Napuno ng luha ang mga mata ng mga doktor at narses. Pagkatapos ay sinabi ng bata, “Handa na po ako.”

Isinagawa ang operasyon. Ibinalik ang bata sa kanyang silid, at ilang araw lang ay inilabas na siya mula sa ospital, tungo sa lubusang paggaling.

Pagkaraan ng ilang araw, isang lalaking nakabalita sa nangyari ang nagpunta sa opisina ng isa sa mga surgeon at sinabing, “Ikuwento nga ninyo sa akin ang operasyong isinagawa ninyo ilang araw na ang nakalilipas—ang operasyon sa isang batang lalaki.”

Sabi ng surgeon, “Ilang batang lalaki na ang naoperahan ko.”

Dagdag pa ng lalaki, “Ito ang batang gustong ipagdasal siya ng iba.”

Seryosong-seryosong sinabi ng doktor, “Nagkaroon nga ng gayong kaso, pero sa palagay ko napakasagrado niyon para pag-usapan.”

Sabi ng lalaki, “Dok, kung sasabihin mo sa akin, igagalang ko ito; gusto ko itong marinig.”

At ikinuwento iyon ng doktor tulad ng pagkakuwento ko rito ngayon, at idinagdag na: “Daan-daang tao na ang naoperahan ko, mga lalaki at babaeng akala nila ay may pananampalataya silang gumaling; ngunit noon ko lamang nadama ang presensya ng Diyos habang nakatayo ako sa tabi ng batang iyon. Binuksan ng batang iyon ang mga dungawan sa langit at kinausap ang kanyang Ama sa Langit tulad ng pakikipag-usap ng isang tao nang harapan sa iba. Gusto kong sabihin sa inyo na mas mabuting tao ako ngayon dahil sa karanasang iyon na tumayo at makinig sa pakikipag-usap ng isang batang lalaki sa kanyang Ama sa langit na para bang naroon siya.”5 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 110.]

Nawa’y mamuhay tayo sa paraan na kapag lumuluhod tayo tuwing gabi para manalangin at yumuyuko tayo tuwing umaga para magpasalamat sa Panginoon, sasaatin ang kapangyarihang buksan ang kalangitan para marinig at sagutin ng Diyos ang ating mga dalangin at malaman natin na sang-ayon Siya sa ating ginagawa.6

Kung mamumuhay tayo nang malapit sa ating Ama sa Langit, magkakaroon tayo ng inspirasyong malaman ang ating ipagdarasal.

Noong binata pa ang tatay ko [muntik] na siyang malunod sa Provo River. … Nadama ng kanyang ama, na nasa Salt Lake City noon, na magpunta sa isang silid na inilaan para sa panalangin. Siya ay … lumuhod … at sinabing, “Ama sa Langit, may kutob po ako na may masamang nangyari sa pamilya ko sa Provo. Alam po Ninyo na hindi ako puwedeng mapunta sa dalawang lugar. Ama sa Langit, ingatan at bantayan po sana Ninyo sila. …”

Noong nagdarasal siya, at posibleng halos sa oras ding iyon kung titingin kayo sa orasan, nahulog ang tatay ko sa ilog. Bumabaha noon. Naaanod ang mga troso at bato mula sa bangin, at walang makatulong sa kanya. Nakita ng mga naroon ang kanyang kalagayan, ngunit hindi nila siya maabot. Napakalakas ng agos ng tubig kaya walang taong makakaligtas doon. Nakatayo lamang sila roon sa takot. Ginawa ni Itay ang lahat ng kaya niya para manatiling nakalutang ang ulo niya sa tubig, ngunit lumubog-lumitaw siya at bumangga sa mga bato at troso. Biglang may isang alon na nag-angat sa kanyang katawan at tinangay siya sa pampang. Tuwirang sagot iyon sa … panalangin.7

Dapat tayong manalangin nang lihim. Dapat tayong mamuhay nang malapit sa ating Ama sa Langit para kapag yumuko tayo sa kanyang harapan ay malaman natin na ang hinihiling natin ay ikasisiya niya, at kung hindi man ito ipagkaloob sa paraang hinihiling natin ay malaman natin na darating sa atin ang pagpapalang nararapat sa atin at talagang magiging pagpapala.8 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 111.]

Ang panalangin ay isang makapangyarihang impluwensya sa ating personal na buhay, sa ating mga tahanan, at sa ating komunidad.

Ipinaliwanag ng Panginoon … sa atin kung paano nating matatanggap ang mga pagpapala sa pamamagitan ng panalangin. Maraming tao sa mundo ang hindi nakaaalam sa mga tunay na pakinabang ng panalangin. Ang panalangin ay isang kapangyarihan. Ito ay may impluwensya na iilang tao lamang ang tila nakauunawa. …

… Ilan ba sa Simbahang ito ang hindi nakaaalam na sila ay may karapatan, ganap na karapatan, na manalangin sa kanilang Ama sa langit, at hilingin sa Kanya na alisin ang mga bumabagabag sa kanila at akayin sila sa kasiyahan at kaligayahan?9

Kakatwa na sinumang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat pang himuking manalangin, subalit may ilang tao na hindi nagdarasal nang lihim o hindi nagdarasal ang kanilang pamilya. Gayunpaman kung hindi tayo magdarasal mawawala sa atin ang proteksyong dulot ng panalangin.10 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 111.]

Gusto ko itong bigyang-diin: Sana’y hindi malimutan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang panalangin, kanilang mga lihim na panalangin at panalangin ng kanilang pamilya. Malaki ang nawawala sa mga batang lumaki sa mga tahanang walang mga panalangin ng pamilya at mga lihim na panalangin, at nangangamba ako na sa gitna ng kalituhan sa mundo, pagmamadali at ingay, maraming pagkakataon na ang mga pamilya ay hindi nakapagdarasal at walang mga pagpapala ng Panginoon; ang mga pamilyang ito ay hindi patuloy na liligaya. Nabubuhay tayo sa panahon na kailangan natin ang ating Ama sa Langit tulad ng pangangailangan nila sa Kanya sa anumang panahon.11

Huwag ninyong iwaksi ang kapangyarihan ng Diyos. Panatilihin sa inyong tahanan ang mga impluwensya ng panalangin at pasasalamat, at hayaang dumaloy ang malaking pasasalamat sa kanya na siyang may-akda ng ating pagkatao at tagapagbigay ng lahat ng mabuti.12

Hayaang maging lugar ng panalangin at pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob ang ating tahanan. … Ipagdasal natin ang mga dakilang lalaki at babae sa mundo na nangangailangan sa Panginoon ngunit hindi nauunawaan ang kanyang pagmamalasakit sa kanila. Ipagdasal ang … ating mga gobernador, ating mga meyor sa lungsod, mga taong may impluwensya sa pulitika sa ating iba’t ibang komunidad, nang magawa nila ang mga bagay na makakabuti para sa ating lahat at magpapaligaya sa atin, at ikasisiya ng ating Ama sa Langit. Pribilehiyo natin iyan. Sinasabi ko sa inyo na ang kapangyarihan ng panalangin ay isang bagay na masusukat.13

Ang panalangin ng pamilya ay nagdudulot ng pagkakaisa sa mga pamilya.

Tayo [bilang magkakapamilya] ay hindi laging iisa ang pananaw; hindi laging nagkakaisa sa katwiran ang mag-asawa, ngunit kung magkasama kayong mananalangin, na may tunay na hangaring magkaisa, masasabi ko sa inyo, magkakasundo kayo sa lahat ng bagay na mahalaga.

Napansin ko … sa isang billboard: “Ang pamilyang nagdarasal nang sama-sama ay nananatiling magkakasama.” Hindi ko alam kung sino ang naglagay niyon doon, ngunit nais kong sabihin na kung iisipin ninyo ito sandali ay malalaman ninyong totoo ito. Hinihikayat ko kayo na sama-samang manalangin sa Panginoon, at hindi ko ibig sabihing manalangin lamang, hindi ko ibig sabihing … paulit-ulit na panalangin, kundi buksan ang inyong kaluluwa sa Panginoon bilang mga asawa at ama sa inyong tahanan, at anyayahan ang inyong kabiyak at mga anak na samahan kayo. Hayaan silang makibahagi. At darating sa tahanan ang impluwensyang madarama ninyo kapag naroon kayo.14

Bilang isa sa mga nahilingan ng Panginoon na magturo, isinasamo ko sa inyo na isaayos ang inyong bahay. Huwag balewalain ang napakaraming bagay. Huwag patangay sa mga kahangalan at kamalian ng mundo. Pangalagaan ang inyong pamilya sa lahat ng paraan. Pagkaisahin sila sa impluwensya ng panalangin. … Malaki ang impluwensya ng panalangin para mapanatili tayo sa landas tungo sa buhay na walang hanggan at akayin tayo papasok sa kahariang selestiyal!15 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina 111.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.

  1. Sa “Mula sa Buhay ni George Albert Smith” (mga pahina 101–104), pansinin kung paano naimpluwensyahan ng maagang karanasan sa panalangin ang kanyang buhay. Ano ang ilang epektibong paraan para maituro sa mga bata ang kapangyarihan ng panalangin?

  2. Repasuhin ang kuwento tungkol sa siyam-na-taong-gulang na batang lalaki (mga pahina 104–106). Bakit kung minsan ay tila hindi pakikipag-usap nang harapan sa ating Ama sa Langit ang ating mga dalangin? Isipin kung ano ang magagawa ninyo sa inyong mga personal na panalangin para madama nang mas madalas ang Kanyang presensya.

  3. Habang pinag-iisipan ninyong mabuti ang mga turo ni Pangulong Smith sa pahina 107, mag-isip ng isang pagkakataon na nahikayat kayong humiling ng isang bagay sa panalangin. Ano ang sasabihin ninyo sa isang taong nadarama na hindi nasagot ang kanyang mga dalangin?

  4. Pag-isipan ang sinabi ni Pangulong Smith, “Kung hindi tayo magdarasal mawawala sa atin ang proteksyong dulot ng panalangin” (pahina 109). Sa anong mga paraan ninyo nadama ang kapangyarihan at proteksyon ng panalangin? Pag-isipang ibahagi ang inyong patotoo tungkol sa kapangyarihan ng panalangin sa mga binibisita ninyo bilang home teacher o visiting teacher.

  5. Itinuro ni Pangulong Smith na ang panalangin ay “mapa[pa]natili tayo sa landas tungo sa buhay na walang hanggan” (pahina 110). Sa palagay ninyo, bakit ganoon? Ano ang magagawa ng mga pamilya para matiyak na lagi silang sama-samang nagdarasal? Isipin kung ano ang magagawa ninyo para maging mas makabuluhang bahagi ng inyong buhay ang personal na panalangin.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 6:7–13; 7:7–11; 2 Nephi 4:35; Alma 34:18–27; 37:37; 3 Nephi 18:20–21; Doktrina at mga Tipan 88:63–64

Tulong sa pagtuturo: “Ang pag-aaral ay dapat na isinasagawa ng mag-aaral. Kapag nakatuon na sa isang guro ang spotlight, nagiging bida sa palabas, ang siyang nagsasalita sa lahat ng oras, at kung hindi naman siya ang namumuno sa lahat ng gawain, halos matitiyak natin na nahahadlangan niya ang pagkatuto ng mga miyembro ng klase” (Asahel D. Woodruff, sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 76).

Mga Tala

  1. “Testimony of Elder George Albert Smith,” Liahona: The Elders’ Journal, Peb. 2, 1915, 501.

  2. Sa Conference Report, Okt. 1946, 150–51.

  3. “How My Life Was Preserved,” George Albert Smith Family Papers, University of Utah, box 121, scrapbook 1, mga pahina 45–46.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1931, 31.

  5. “A Story of Two Boys,” Improvement Era, Hunyo 1949, 365.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1942, 17.

  7. “Pres. Smith’s Leadership Address,” Deseret News, Peb. 16, 1946, bahaging pang-Simbahan, 1.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1934, 51.

  9. “Saints Blessed,” Deseret News, Nob. 12, 1932, bahaging pang-Simbahan, 5.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1941, 25.

  11. Pagpupulong ng priesthood, Okt. 4, 1947, Church History Library, Salt Lake City.

  12. “Pres. Smith’s Leadership Address,” 6.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1948, 163–64.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1949, 190.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1933, 72.

“Malaking pagpapala ang tinatamasa natin … na matiyak ang banal na patnubay, na magkaroon ng lubos na pananalig sa isang Diyos na nagmamalasakit sa atin at nakikinig at sumasagot sa ating mga dalangin.”

“Dapat tayong mamuhay nang malapit sa ating Ama sa Langit para kapag yumuko tayo sa kanyang harapan ay malaman natin na ang hinihiling natin ay ikasisiya niya.”

“Pangalagaan ang inyong pamilya sa lahat ng paraan. Pagkaisahin sila sa impluwensya ng panalangin.”