Kabanata 21
Ang Bisa ng Kabaitan
Sa pagiging mabait at matiyaga, mapapalambot natin ang mga puso at mahihikayat ang iba na mamuhay nang matwid.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Matibay ang paniniwala ni George Albert Smith sa bisa ng kabaitan na palambutin ang mga puso. Itinuro niya na dapat nating “harapin ang ating mga problema nang may pagmamahal at kabaitan sa lahat.”1 Sinabi ng kanyang apo kung paano naghatid ng kapayapaan ang kanyang kabaitan at malasakit sa iba sa isang maligalig na sitwasyon:
“Isang araw ng tag-init may kaunting problemang nangyayari sa kalye malapit sa bahay ng lolo niya sa Salt Lake City, at dumating ang ilang trabahador mula sa lungsod para ayusin iyon. Mainit sa labas, matindi ang sikat ng araw, at ang trabahong gagawin ay magkalaykay at magpala na nagpatulo ng pawis sa mukha at likod ng mga lalaki nang maghukay sila sa daan. Walang-ingat sa pagsasalita ang mga trabahador, o marahil ay hindi sila gaanong naturuan ng kanilang ina, ngunit nagmumura sila at mahirap sikmurain ang sinasabi nila. Hindi nagtagal nayamot sa kanilang pananalita ang marami sa mga kapitbahay na bukas ang mga bintana ng bahay para mahanginan at malamigan sila.
“Isang tao ang lumabas at nakiusap sa mga lalaki na huminto sa pagsasalita ng masama, at ipinaalam na doon mismo nakatira si Brother Smith—hindi ba sila maaaring gumalang at tumahimik kahit sandali? Lalo pang nagpawala ng sunud-sunod na pagmumura ang mga lalaki. Tahimik na naghanda si Lolo ng lemonada at inilagay ang mga baso at pitsel sa trey at dinala ito sa pawisang mga lalaki at sinabing, ‘Mga kaibigan, mukhang naiinitan at pagod na kayo. Bakit hindi muna kayo maupo sa ilalim ng mga puno ko at uminom ng malamig na inumin?’ Nawala ang galit, ginantihan ng mga lalaki ang kabaitang iyon ng kaamuan at pasasalamat. Matapos ang masayang pahinga bumalik na sila sa trabaho at tinapos ito nang maayos at tahimik.”2 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 255.]
Ang isang dahilan kaya nagpakita ng gayong kabaitan si Pangulong Smith sa mga tao ay naniniwala siya na may likas na kabutihan ang bawat tao. Ilang linggo lang bago pumanaw si Pangulong Smith, binisita siya sa ospital ni Elder Matthew Cowley, miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Lumapit ako sa tabi ng kama niya,” sabi ni Elder Cowley, “at hinawakan niya ako sa kamay, at habang mahigpit na hawak ang kamay ko sinabi niya, ‘Iho, tandaan mo habambuhay na makakakita ka ng kabutihan sa iba kung hahanapin mo lang ito.’”
Pagkatapos ay ganito ang sinabi ni Elder Cowley tungkol kay Pangulong Smith:
“Minahal niya ang lahat dahil nakita niya ang likas na kabutihan sa kanilang kalooban. Hindi siya tumingin sa kasalanan nang may munti mang antas ng pagpapahintulot, ngunit minahal niya ang makasalanan dahil alam niya na ang Diyos ay pag-ibig [tingnan sa I Juan 4:16], at na pagmamahal ng Diyos ang muling nagpapasigla sa kaluluwa ng tao at ang makasalanan, sa prosesong iyan, ay maaaring maging banal.
“Maaaring may mga makasalanang nag-akala na ang kanyang pagmamahal ay paggalang. Hindi niya iginalang ang makasalanan, kundi minahal niya ito. Tiyak ko na ang pagmamahal na iyon ay nagkaroon ng puwang sa puso at buhay ng mga taong minahal niya.”3
Mga Turo ni George Albert Smith
Ang Espiritu ng Panginoon ay diwa ng kabaitan, hindi ng pananakit at pamimintas.
Nalulungkot ako kung minsan kapag nakakarinig ako ng masasakit na salita, hindi lamang sa mga tao sa ating simbahan, kundi sa ibang tao sa mundo. Ang masasakit na salita ay hindi karaniwang sinasabi nang may inspirasyon ng Panginoon. Ang Espiritu ng Panginoon ay diwa ng kabutihan; ito ay diwa ng pagtitiyaga; ito ay diwa ng pag-ibig sa kapwa at pagmamahal at pagpaparaya at mahabang pagtitiis; at walang sinuman sa atin na hindi nangangailangan ng magagandang katangiang ito na bunga ng pagtataglay ng Espiritu ng ating Ama sa Langit.4
Bawat impluwensya para sa kapayapaan ay kailangang gamitin. Ginagawa ni Lucifer ang lahat ng paraan para wasakin ang mga kaluluwa ng sangkatauhan. Mas aktibo siya ngayon kaysa dati at kumikilos sa napakamapanganib na paraan. Madaling isa-isahin ang maraming paraang ginagamit niya ngunit may isang bagay siyang ginagawa, at ginagawa na niya sa simula pa lamang, at iyan ay ang tuksuhin ang isang tao na sirain ang reputasyon ng iba sa pagsasalita ng masasama tungkol sa kanila.5
Napakadaling pintasan ang iba, napakadaling maghanap ng mali, at kung minsan ay nagsasalita tayo ng masama tungkol sa ating mga kapitbahay at kaibigan. Ngayon ito ang sabi sa atin ng ating Ama sa Langit … :
“Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan.
“Sapagka’t sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.
“At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng inyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata?
“O paanong sasabihin mo sa iyong kapatid, Pabayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo; at narito, ang tahilan sa iyong sariling mata?” [Mateo 7:1–4.]
Bilang isang grupo pinapayuhan tayo na huwag maging mapamintas, walang-galang, at magsalita ng masakit sa ating mga kasalamuha. Dapat tayong maging mga dakilang huwaran sa buong mundo sa bagay na iyan. Isipin ninyo ang pamimintas ngayon. Damputin ang inyong mga diyaryo at tingnan ang masasamang salitang sinasabi ng mga tao sa iba, subalit maraming beses ay ang taong namimintas ang may puwing sa mata at hindi malinaw na nakakakita, ngunit iniisip niya talaga na ang kanyang kapwa ang may puwing sa mata.6 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 256.]
Hindi ba mahilig tayong tumingin sa mga limitasyon at kahinaan ng ating kapwa? Subalit salungat iyan sa mga turo ng Ebanghelyo ni Jesucristo. May uri ng mga tao na naghahanap ng mali at laging namimintas sa mapanirang paraan. May kaibhan sa pamimintas. Kung maaari tayong mamintas para magwasto sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ng Panginoon, maaaring mabago at maging kapaki-pakinabang at angkop ang ilang bagay na ginagawa. Ngunit kung mahilig tayong maghanap ng mali, magdiin ng mga kahinaan at pagkukulang ng iba sa mapanirang paraan, hindi iyan kailanman bunga ng patnubay ng Espiritu ng ating Ama sa Langit, at lagi itong nakakasira.7
Dapat nating hanapin ang magagandang katangian sa iba at taos-puso silang purihin.
Ngayong gabi narito ako para ikuwento ang tungkol sa isang lalaki na ilang taon nang namayapa. … Ang tinutukoy ko ay si Francis M. Lyman [ng Korum ng Labindalawang Apostol] at nais kong sabihin sa inyo na ang dakilang taong iyan ay magiliw na tulad ng sanggol, tulad ng bata, at maganda ang hangarin niyang tumulong at manghikayat. Maraming beses ko nang narinig na pinuri niya ang kalalakihan ng Simbahan kapag may nagawa silang kapuri-puri—ang isa ay nagbigay ng magandang mensahe, ang isa pa ay nagbahagi ng nakakukumbinsing patotoo, at ang isa naman ay nakagawa ng isang bagay na kapuri-puri. Nakita kong inakbayan niya sila at sinabing, “Ipinagmamalaki kita at ang magandang bagay na nagawa mo.” Hindi ba kapuri-puring pamumuhay iyan? Iyan ang paraan para mapaligaya natin ang ating sarili. Sa halip na mainggit, kung titingnan at pahahalagahan at pupurihin natin ang magagandang katangian at kakayahan ng ating kapwa, kung makikita natin ang kapangyarihan ng kabutihan sa [iba], mas gaganda ang buhay.
Marami sa atin ang nabubuhay sa isang kapaligiran na halos hindi na tayo umiimik pagdating sa pagpuri sa ibang tao. Tila hindi natin masabi ang mga bagay na maaaari nating sabihin … para mapagpala ang iba. Hanapin natin ang magagandang katangian ng ating mga kasamahan at ang pagmamasid sa kanila ay nagpapasaya sa kanila kapag pinuri natin sila.8
Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, maging mapagbigay tayo sa isa’t isa. Maging mapagtiyaga tayo sa isa’t isa tulad ng gusto nating gawin sa atin ng iba. Tingnan natin ang magagandang katangian ng ating kapwa at mga kaibigan at banggitin ang mga katangiang iyon, huwag maghanap ng mali at mamintas. Kung gagawin natin iyan mapapasaya natin ang iba, at mamahalin tayo ng mga taong nakakakilala sa atin.9 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 256.]
Ang kabaitan ay may kapangyarihang ilayo ang mga tao sa kanilang mga kamalian.
May mga taong magkakamali. Mayroon sa atin na naliligaw ng landas, ngunit sila ay mga anak ng ating Panginoon at mahal niya sila. Binigyan niya tayo ng karapatang pakitunguhan sila nang may kabaitan at pagmamahal at tiyaga at hangaring pagpalain sila, ilayo sila sa mga kamaliang ginagawa nila. Wala akong pribilehiyong husgahan ang ilan sa kanila na nagkamali at patuloy na nagkakamali, maliban kung magkaroon ako ng awtoridad na maaaring ipagkaloob sa akin. Ngunit pribilehiyo ko, kung makita ko silang gumagawa ng mali, na ibalik sila sa anumang paraan, kung maaari, sa landas tungo sa buhay na walang-hanggan sa kahariang Selestiyal.10
Huwag tayong magreklamo sa ating mga kaibigan at kapitbahay, dahil lang sa hindi nila ginagawa ang nais nating gawin nila. Bagkus ay mahalin natin sila hanggang sa gawin nila ang mga bagay na ipinagagawa sa kanila ng ating Ama sa Langit. Magagawa natin iyan, at hindi natin makukuha ang kanilang tiwala o pagmamahal sa iba pang paraan.11
Napakalaking kagalakan, kapanatagan, at kasiyahan ang madaragdag sa buhay ng ating mga kapitbahay at kaibigan sa pamamagitan ng kabaitan. Gustung-gusto kong isulat ang salitang iyan sa malalaking titik at ipaglantaran. Kabaitan ang kapangyarihang bigay sa atin ng Diyos upang palambutin ang mga puso at pasunurin ang matitigas ang ulo at ipaunawa sa kanila ang Kanyang mga layunin.12 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 256.]
Ang pagmamahal at kabaitan sa ating tahanan ay makahihikayat sa ating mga anak na makinig sa ating payo.
Tungkulin natin—pribilehiyo pala natin at tungkulin na maglaan ng sapat na oras para pangalagaan ang ating mga anak at mahalin sila at kamtin ang kanilang pagmamahal para magalak silang makinig sa ating payo at pangaral.13
Mamuhay nang may pagmamahal at kabaitan, upang ang kapayapaan at panalangin at pasasalamat ay sama-samang mapasainyong tahanan. Huwag hayaang maging isang lugar ang inyong tahanan na sasabitan lamang ninyo ng sumbrero sa gabi at kakainan at pagkatapos ay tatakbo na kayo sa ibang lugar kundi sa halip ay gawin itong lugar na tatahanan ng Espiritu ng Panginoon.14
Dalangin ko na mapuspos kayo ng diwang nagmumula sa [Panginoon], at iyan ay ang diwa ng pagmamahal, ng kabaitan at pagtulong at tiyaga at pagpaparaya. Sa gayon, kung mapanatili natin ang diwang iyan sa ating tahanan, lalaki ang ating mga anak na katulad ng inaasam natin.15
Naaalala ko pa ilang taon na ang nakararaan na sakay ako ng tren pahilaga. Nakita kong nakaupo sa tren sa umagang iyon ang isang babaeng kakilala ko. … Nakilala niya ako pagdaan ko sa tapat niya. Kinausap niya ako, at tinanong ko siya: “Saan ka pupunta?” Sabi niya: “Pupunta ako sa Portland, [Oregon].” Alam ko na mahirap lang ang pamilyang ito. Alam kong maraming anak na lalaki ang babaeng ito, kaya itinanong ko: “Ano ang sadya mo sa Portland?” Sabi niya: “May anak ako roon na naospital.”
Hindi ko alam na may umalis na pala siyang anak, kaya nagtanong pa ako, at nagtapat siya sa akin. Sabi niya: “Ang bunso ko, nitong nakaraang ilang linggo, ay umalis ng bahay at hindi sinabi sa amin kung saan siya pupunta. Wala kaming balita mula sa kanya, pero walang dudang gusto niyang lumaya at maranasang magsarili, at ang unang impormasyon namin sa kinaroroonan niya ay nang dumating ang isang telegrama mula sa Mercy Hospital sa Portland, na nagsabing naroon ang anak ko sa ospital at maysakit.” Sabi niya: “Siyempre nabigla kami talaga sa balita. Isang bagay lang ang dapat gawin, at iyan ay maghanap ng pera at puntahan kaagad ang batang iyon.”
… Handa siyang bumiyahe nang matagal, araw at gabi, walang hinanakit sa kawalang-galang at kawalang-isip ng kanyang anak, kundi iniisip lang na ito ay kanyang anak, na sa kanya ito, na bigay ito ng Diyos sa kanya, at inaasahan siya ng ating Ama sa Langit na gagamitin niya ang lahat ng posibleng paraan para mapabuti ang buhay nito at maihanda ito para sa mga pagkakataong naghihintay rito. Kaya sa buong magdamag, habang binabagtas ng tren ang mga riles, nakaupo ang butihing babaeng ito, nasasabik sa kanyang anak, bawat milya ay naglalapit sa kanya sa bagay na iyon na humihila sa kanyang puso. Nang dumating siya sa wakas, kaagad siyang nagpunta sa ospital. Nagkataon na ang lugar na titirhan ko ay di-kalayuan sa ospital kaya bumisita ako roon upang makita kung ano ang nangyari.
Nakaupo ang malambing na inang iyon sa tabi ng kama ng kanyang anak na may matinding pulmonya, at namimilipit sa sakit. Hindi niya ito pinagalitan dahil sa pagbabalewala nito sa kanya; hindi siya nagalit sa kawalang-isip at kawalang-ingat nito, nagpasalamat na lang siyang makasama ang anak na bigay sa kanya ng Diyos. Sinisikap niya ngayon na alagaang muli ang anak na sa pakikipagtuwang niya sa Ama sa Langit ay isilang niya sa mundong ito. Ang bata nga palang ito ay mga 16 na taong gulang na, pero bata pa rin ang turing niya. Sinisikap niyang palakasin ang loob nito sa pagkukuwento rito ng mga bagay na magpapasaya at makakalugod dito, na nangangako sa anak ng mga pagkakataong mapapasakanya kapag gumaling na siya. Sa lugar ng lungkot at sakit na pumuno sa silid na iyon bago siya pumasok, may sinag at kapayapaan at kaligayahan sa mukha ng batang iyon habang nakatingin siya sa mukha ng taong nag-alay ng kanyang buhay upang siya ay maisilang, at sa pagkakataong ito ay naglakbay nang napakalayo upang mabantayan siya at maalagaan.
Kung minsan iniisip ko kung batid ng mga inang ito kung gaano sila kabuti sa mga mata ng kanilang mga anak sa sitwasyong tulad niyon. Naipasiya na ng binatilyong iyon bago dumating ang kanyang ina na kailanman ay hindi na niya ito susuwayin, hindi na niya kailanman babalewalain ang naibigay nito sa kanya, at sa halip ay nagpasiya siya na ang pangalang marangal na ibinigay sa kanya ay igagalang niya habang siya ay nabubuhay.16 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina 256.]
Dalangin ko na mag-alab ang pagmamahal ng ebanghelyo ng ating Panginoon sa ating puso at pagyamanin ang ating buhay, na maging mas mabait ang mga lalaki sa kanilang asawa, at ang mga babae sa kanilang asawa, ang mga magulang sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo, na isang ebanghelyo ng pag-ibig at kabaitan. 17
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Basahin ang kuwento tungkol sa paghahanda ni George Albert Smith ng lemonada para sa pagod na mga trabahador (pahina 247). Kailan kayo nakakita ng kabaitang nagpalambot sa puso ng isang tao? Ano ang ilang problema na iniisip ninyong malulutas ng “pagmamahal at kabaitan sa lahat”?
-
Itinuro ni Pangulong Smith na “dapat tayong maging mga dakilang huwaran sa buong mundo” sa pag-iwas sa malupit na pamimintas (pahina 250). Ano ang ilang sitwasyon na makapagpapakita tayo ng gayong halimbawa? Sa inyong opinyon, bakit lubhang nakakasira ang malupit na pamimintas at paghahanap ng mali?
-
Sa mga pahina 251–252, ikinuwento ni Pangulong Smith ang pagpuri ni Elder Francis M. Lyman sa kalalakihan ng Simbahan. Paano kayo naapektuhan ng taos na pagpuri sa inyo ng isang tao? Isipin sandali ang isang taong dapat ninyong purihin.
-
Itinuro ni Pangulong Smith na “kabaitan ang kapangyarihang bigay sa atin ng Diyos upang palambutin ang mga puso” (pahina 252). Anong mga kuwento ang maiisip ninyo mula sa mga banal na kasulatan na naglalarawan sa alituntuning ito? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa Mateo 9:10–13; Alma 20:1–27.)
-
Repasuhin ang kuwento tungkol sa ina na dumalaw sa kanyang anak sa ospital (mga pahina 253–255). Kapag nalihis ng landas ang isang anak, bakit mahirap kung minsan na gawin ang ginawa ng ina sa kuwento? Mapanalanging pag-isipang mabuti kung paano mapapabuti ng kabaitan at tiyaga ang kaugnayan ninyo sa inyong mga kapamilya.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Kawikaan 15:1; Mateo 18:15; Juan 8:2–11; Mga Taga Efeso 4:29–32; 3 Nephi 12:22–24; Doktrina at mga Tipan 121:41–46
Tulong sa pagtuturo: Ang mga talakayan sa maliliit na grupo ay “[nagbibigay sa] maraming tao ng pagkakataong makilahok sa aralin. Ang mga taong karaniwang atubiling makilahok ay maaaring magbahagi ng mga ideya sa maliliit na grupo upang hindi sila magsalita sa harapan ng buong grupo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 213).