Kabanata 24
Mabuting Pamumuhay sa mga Panahong Mapanganib
Sa pamamagitan ng ating katapatan sa ebanghelyo, maaari tayong maligtas mula sa mga panganib ng ating panahon at maging magandang impluwensya sa mundo.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Ang paglilingkod ni George Albert Smith bilang General Authority ay sumaklaw sa halos unang kalahati ng ika-20 siglo. Sa panahong ito naranasan ng daigdig ang maraming nakapipinsala at napakagulong pangyayari, kabilang na ang Matinding Kahirapan (Great Depression) at dalawang digmaang pandaigdig. Ang mga kalamidad na ito, pati na ang itinuring niyang malawakang pagbagsak ng moralidad sa lipunan, ang nagtulak kay Pangulong Smith na sabihin nang hindi lang minsan, “Nasa mapanganib na kalagayan ang mundong ito.”1 Nakita niya sa mga kaganapan sa mundo ang katuparan ng mga propesiya tungkol sa mga huling araw, at natiyak niya na ang tanging pag-asa para mapayapa ang mundo ay sumunod sa mga batas ng Diyos. Sa kasukdulan ng Unang Digmaang Pandaigdig, nagbabala siya, “Hindi titigil ang digmaan at hindi magwawakas ang alitan sa mundong ito hangga’t hindi pinagsisisihan ng mga anak ng tao ang kanilang mga kasalanan at bumaling sa Diyos at maglingkod sa kanya at sumunod sa kanyang mga utos.”2
Sa gitna ng mahihirap na panahong ito, nakita ni Pangulong Smith na maraming tao ang pinanghinaan ng loob. Inireport niya na, “Pribilehiyo kong makapunta sa iba’t ibang bahagi ng [Estados Unidos] at bihirang makakita ng mga taong maganda ang pananaw, dahil sa mga sitwasyong tila hindi natin mapigilan.”3 Bagama’t tinatanggap niya na ang digmaan, mga pinsalang dulot ng kalikasan, at espirituwal na panganib ay bahagi ng buhay sa mga huling araw, itinuro ni Pangulong Smith sa mga Banal na matatakasan nila ang karamihan sa pagdurusa sa mapanganib na mga panahong ito sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo at paglaban sa tukso.
Lubos din siyang naniniwala na maaaring magkaroon ng mabuting impluwensya ang matwid na mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang kapaligiran. Itinuro niya na hindi dapat basta tanggapin ng mga Banal ang kalagayan ng mundo kundi dapat silang manatiling aktibo sa kanilang komunidad at sikapin nilang ipadama ang kanilang impluwensya, sa kabila ng anumang oposisyong makakaharap nila. “Lahat tayo ay may obligasyong gawing mas masayang lugar ang mundong ito dahil nakatira tayo rito,” sabi niya.4
Nagbahagi ng karanasan si Sister Belle S. Spafford, pangkalahatang pangulo ng Relief Society, kung saan itinuro sa kanya ni Pangulong Smith ang alituntuning ito. Matapos siyang tawagin sa katungkulan, ipinaalam kay Sister Spafford na may pulong na gaganapin sa New York City ang National Council of Women. Matagal nang miyembro ng kapulungang iyon ang Relief Society, ngunit kamakailan ay kinalaban ng ilang miyembro ng kapulungan ang Simbahan at ipinahiya ang mga delegadong Banal sa mga Huling Araw sa mga pulong nila. Dahil dito, naisip ni Sister Spafford at ng kanyang mga tagapayo na dapat nang wakasan ng Relief Society ang pagiging miyembro nito sa kapulungan, at nagplano sila ng rekomendasyong nagpahayag ng kanilang mga pananaw. Ginunita ni Sister Spafford kalaunan:
“Sa pakikipagkita isang umaga, mag-isa akong nagpunta kay Pangulong George Albert Smith, dala ang rekomendasyon, kasama ang isang listahan ng mga dahilan kung bakit ginawa ang rekomendasyon. Binasang mabuti ng Pangulo ang nakamakinilyang materyal. Pagkatapos ay itinanong niya, ‘Hindi ba ito ang organisasyong sinalihan ng kababaihan bago natapos ang siglo?’
“Sabi ko’y, ‘Opo.’
“Sabi niya, ‘Tama ba ang pagkaintindi ko na gusto na ninyong wakasan ang pagiging miyembro ninyo?’
“Sabi ko’y, ‘Opo.’ At idinagdag ko pa, ‘Alam po ninyo, Pangulong Smith, wala kaming napapala sa Council.’
“Gulat na tiningnan ako ng Pangulo. Sabi niya, ‘Sister Spafford, ang lagi bang nasa isip ninyo ay kung ano ang makukuha o mapapala ninyo? Hindi ba mas makabubuting isipin kung minsan kung ano ang maibibigay ninyo? Naniniwala ako,’ pagpapatuloy niya, ‘na ang mga babaeng Mormon ay may maibibigay sa kababaihan ng mundo, at may matututuhan din sila mula sa kanila. Sa halip na wakasan ang inyong pagiging miyembro, iminumungkahi ko na isama mo ang pinakamagagaling ninyong board member at bumalik sa pulong na ito.’
“Pagkatapos ay mariin niyang sinabi, ‘Ipadama ninyo ang inyong impluwensya.’”5
Sinunod ni Sister Spafford ang payong ito at kalaunan ay hinirang siya sa mga katungkulan sa pamunuan sa National Council of Women, at kalaunan pa ay nahalal na pangulo nito. [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina 292.]
Mga Turo ni George Albert Smith
Ipinropesiya na magkakaroon ng matitinding kahirapan sa mga huling araw.
Sinabihan tayo na sa mga huling araw ay magkakaroon ng matitinding kahirapan. … Hindi lamang tayo binalaan sa mga banal na kasulatang ibinigay sa panahon ng Tagapagligtas at bago siya naparito, at ng mga ibinigay pagkatapos niyang umakyat sa langit, kundi sa sarili nating panahon ay nangusap ang Panginoon at ang paghahayag ng ating Ama sa Langit ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan. Kung babasahin natin ang mga paghahayag na ito malalaman natin na ibinadya o ipinropesiya ang mga karanasang pinagdaraanan natin. …
… Inihahatid sa atin ng pang-araw-araw na pahayagan ang mga balita ng kapinsalaan sa lahat ng dako—maunos ang dagat at maraming namatay dito, mga lindol, malalaking buhawi, tulad ng sinabi sa atin na magaganap sa mga huling araw—at sa tingin ko, mga kapatid, kung seryosong nag-iisip ang mga tao, kung nagbabasa sila ng mga banal na kasulatan, dapat ay alam nila na nagaganap na ang mga sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga huling araw. Umuusbong nga ang mga dahon ng puno ng igos [tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:38–39], at yaong mga nag-iisip ay malalaman na malapit na ang tag-araw, na ang mga bagay na iyon na ibinadya ng Panginoon na darating bago ang kanyang ikalawang pagparito ay nangyayari na ngayon.6
Nanganganib pa rin tayo. Kailangang linisin ang mundong ito maliban kung pagsisisihan ng mga anak ng ating Ama sa Langit ang kanilang mga kasalanan at babaling sa kanya. At nangangahulugan iyan na ang mga Banal sa mga Huling Araw, o tayong mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang dapat manguna sa pagpapakita ng halimbawa.7 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 292.]
Ang tanging daan tungo sa kapayapaan ay ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Iisa lang ang remedyo o lunas sa problema ng sansinukob—isang lunas para sa sakit ng mundo. Iyan ay ang ebanghelyo ni Jesucristo; ang perpektong batas ng buhay at kalayaan, na muling naipanumbalik bilang katuparan ng mga Banal na Kasulatan.8
“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” (Juan 14:27.)
Ito ang nakapapanatag na mga salita ng Pangulo ng Kapayapaan sa kanyang matatapat na disipulo. Tiyak na walang higit na kailangan ang mga tao kundi mga pagpapala ng kapayapaan at kaligayahan at mga pusong walang pinangangambahan. At ibinibigay ito [sa] ating lahat kung makikibahagi lamang tayo rito.
Nang ipanumbalik ang ebanghelyo sa lupa sa dispensasyong ito, inulit ng Panginoon ang kanyang sinabi nang napakaraming beses sa Lumang Tipan at Bagong Tipan, na ang kapalit ng kapayapaan at kaligayahan ay kabutihan. Sa kabila ng kaalamang ito, tila maraming nag-iisip na magkakaroon tayo ng kaligayahan sa iba pang paraan, ngunit dapat alam na nating lahat sa oras na ito na wala nang ibang paraan. Subalit sa kanyang katusuhan nakumbinsi ni Satanas ang karamihan sa sangkatauhan na huwag tahakin ang landas na hahantong sa tiyak na kaligayahan, at patuloy pa rin niyang ginagawa ito. Ang kaaway ng kabutihan ay hindi natutulog kailanman.
Ngunit sa pagsunod sa mga turo ng Panginoon, sa pagbaling sa kanya at pagsisisi ng kasalanan, sa paggawa ng kabutihan, maaari tayong magkaroon ng kapayapaan at kaligayahan at kaunlaran. Kung magmamahalan ang sangkatauhan, mapapawi ang poot at kalupitang umiral nang matindi sa mundo.9
Sa mga panahong ito ng kawalang-katiyakan na ang mga tao ay paroo’t parito sa paghahanap ng bagong planong maghahatid ng kapayapaan sa mundo, alamin ito: na ang tanging daan tungo sa kapayapaan sa mundong ito ay ang landas ng Ebanghelyo ni Jesucristo na ating Panginoon. Wala nang iba pa. … Ang pagkakaroon ng kaalaman ng katotohanan ay katumbas ng lahat ng yaman sa mundo, ang kaalaman na tayo ay nasa ligtas na daan kapag tayo ay nasa landas ng tungkulin ayon sa itinakda ng ating Ama sa Langit, at malaman na maaari tayong magpatuloy roon kung gusto natin, anuman ang mga impluwensya at panghihikayat ng mga hindi hinirang na maging mga pinuno natin, ay pagpapalang walang-kapantay.10
Nabubuhay tayo sa panahon na ang banal na kasulatan ay natutupad sa mga bansa kung saan sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng isa sa kanyang mga propeta, na sa mga huling araw, “… ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi, at ang unawa ng kanilang mga mabait ay malilingid.” (Isaias 29:14.) Taglay ang lahat ng karunungan ng mundo, wala pang grupo hanggang ngayon na nakapagturo ng daan tungo sa kapayapaan nang may katiyakan na iyon nga ang daan. Mapalad tayong … malaman na may daan tungo sa kapayapaan na tanging magbubunga ng maganda, at ang daang iyan ay ang sundin ang mga utos ng Diyos ayon sa inihayag sa mga anak ng tao noong una at sa ating panahon. Kung tatahakin ang daang iyan, lahat ng problemang napakabigat sa mundo ay malulutas, at darating ang kapayapaan sa malungkot na daigdig na ito.11
Bagama’t ang mundo ay puno ng panganib, at nagdidilim ang kalangitan, at matatalim ang pagkidlat, at malawakan ang paglindol, kung alam natin na ang Diyos ay buhay, at ang ating buhay ay matwid, liligaya tayo, magkakaroon ng kapayapaang hindi mailarawan dahil alam natin na sang-ayon ang ating Ama [sa] ating pamumuhay.12 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 292.]
Hindi tayo kailangang matakot kung ginagawa natin ang ipinagagawa ng Panginoon.
Hindi tayo kailangang matakot kung ginagawa natin ang ipinagagawa ng Panginoon. Ito ay Kanyang mundo. Lahat ng lalaki at babae ay sakop Niya. Lahat ng kapangyarihan ng kasamaan ay pipigilin alang-alang sa Kanyang mga tao, kung igagalang nila Siya at susundin ang Kanyang mga utos.13
Kung may tiwala tayo sa ating Ama sa Langit, kung nasa atin ang Kanyang pagmamahal, kung tayo ay karapat-dapat sa Kanyang mga pagpapala, hindi tayo malilipol ng lahat ng hukbo ng mundo, hindi masisira ang ating pananampalataya, at hindi madaraig ang Simbahang ipinangalan sa Anak ng Diyos.
Basahin sa ikalabinsiyam na kabanata ng II Mga Hari kung paano hinangad ni Sennacherib na hari ng Asiria na ibagsak ang Jerusalem. Si Ezechias, ang haring kumatawan sa Israel, ay nagsumamo sa Panginoon na iligtas sila habang kinukutya siya ni Sennacherib, na nagsasabing, “Huwag mong akalain na tutulungan ka ng pagdarasal sa iyong Diyos. Sa lahat ng lugar na napuntahan ko at nasakop, nangagdarasal sila. Wala kayong laban,” at kinabukasan ay natagpuang patay ang malaking bahagi ng hukbo ng Asiria, at iniligtas ng Panginoon ang Jerusalem. [Tingnan sa II Mga Hari 19:10–20, 35.] Siya ang ating lakas, … ang Ama natin, ang Ama ng lahat; kung tayo lamang ay magiging karapat-dapat ililigtas Niya tayo tulad ng ginawa Niya sa mga anak ni Helaman [tingnan sa Alma 57:24–27], at tulad ng pagliligtas Niya kay Daniel mula sa mga leon [tingnan sa Daniel 6], at sa tatlong batang Hebreo mula sa nagniningas na hurno [tingnan sa Daniel 3], at sa anim na raang libong inapo ni Abraham nang ilabas niya ang mga ito mula sa Egipto sa pamumuno ni Moises at nilunod ang hukbo ni Faraon sa Dagat na Mapula [tingnan sa Exodo 14:21–30]. Siya ang Diyos ng sansinukob na ito. Siya ang Ama nating lahat. Siya ay lubos na makapangyarihan at nangangako Siya na pangangalagaan tayo kung mamumuhay tayo nang marapat para dito.14
Anumang paghihirap ang dumating, sino man ang nasa digmaan, anuman ang mangyari sa mundo, dito sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, saanman tayo naroon na gumagalang at sumusunod sa mga utos ng Diyos, ay magkakaroon ng proteksyon mula sa mga kapangyarihan ng kasamaan, at ang mga lalaki’t babae ay tutulutang mabuhay sa daigdig hanggang sa magwakas ang kanilang buhay sa karangalan at kaluwalhatian kung susundin nila ang mga utos ng ating Ama sa Langit.15 [Tingnan ang mungkahi 4 sa pahina 292.]
Ang ating mga tahanan ay maaaring maging payapa at banal na mga lugar sa gitna ng mga kalamidad.
Palagay ko sa panganib sa lahat ng dako, sa ipinropesiya ng Panginoon sa unang Bahagi ng Doktrina at mga Tipan, na “ang kapayapaan ay aalisin sa mundo,” [D at T 1:35] dapat nating madama na dumating na ang panahong ito. Tunay ngang dapat nating suriin ang ating sarili, at ang ating tahanan ay dapat manatiling lugar ng panalangin at pagtanaw ng utang-na-loob at pasasalamat. Ang mga lalaki ay dapat maging mabait sa kanilang asawa, at ang mga babae ay dapat maging maunawain sa kanilang asawa. Ang mga magulang ay dapat maging marapat sa pagmamahal ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay. Ang ating tahanan kung gayon ay hindi lamang mananatiling lugar ng panalangin at pasasalamat, kundi lugar kung saan ipagkakaloob ng ating Ama ang Kanyang pinakamaiinam na pagpapala, dahil sa ating pagkamarapat.16
Dalangin ko na ang ating tahanan ay mapabanal ng kabutihan ng ating buhay, upang ang kaaway ay mawalan ng kapangyarihang pumasok doon at wasakin ang mga anak sa ating tahanan o ang mga nakatira sa ating tahanan. Kung igagalang natin ang Diyos at susundin ang kanyang mga utos, magiging sagrado ang ating tahanan, mawawalan ng impluwensya ang kaaway, at mabubuhay tayo sa kaligayahan at kapayapaan hanggang sa pagtatapos ng mortalidad at hahayo tayo upang tanggapin ang ating gantimpala sa imortalidad.17
Iayon ang inyong buhay sa mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo at kapag nagbanta ang mga kalamidad madarama ninyo ang pag-alalay ng kanyang makapangyarihang bisig. Panatilihin ang espiritu ng Panginoon sa inyong tahanan; gawin itong mga banal na lugar, kung saan hindi makapapasok ang kaaway; pakinggan ang marahan at banayad na tinig na humihikayat sa inyo na gumawa ng kabutihan. Dalangin ko para sa inyong lahat na hindi kayo mawala sa landas tungo sa kaalaman at kapangyarihan ng Diyos, ang pamana ng matatapat, maging sa buhay na walang-hanggan.18
Dalangin ko na manatili sa ating puso at sa ating tahanan ang diwa ng pagmamahal, pagtitiis, kabaitan, pag-ibig sa kapwa, pagtulong na nagpapasigla ng ating buhay at dahil diyan ang mundo ay mas napaniningning at napabubuti.19 [Tingnan ang mungkahi 5 sa pahina 292.]
Maaari tayong maging mabuting impluwensya sa mundo.
Sumasamo ako sa inyo, … maging mga angkla sa komunidad na kinaroroonan ninyo nang mapalapit sa inyo ang iba at makadama sila ng seguridad. Hayaang magliwanag nang gayon ang inyong ilaw upang ang iba na nakakakita ng inyong mabubuting gawa ay magkaroon ng hangarin sa kanilang puso na tularan kayo.20
Tungkulin nating magpakita ng halimbawa; tungkulin nating itaas ang bandila ng katotohanan. Tungkulin nating hikayatin ang ibang mga anak ng ating Ama na makinig sa kanyang turo at payo at baguhin ang mga bagay-bagay para saanman tayo naroon ay matagpuan natin ang espiritu ng Diyos na nagniningas sa ating kaluluwa at ang ating impluwensya ay maging para sa kabutihan.21
Hindi nag-utos ang Panginoon ng anumang bagay na imposible. Sa kabilang banda, binigyan niya tayo ng mga utos at turo at payo kaya posibleng makasunod tayong lahat sa panahong ito na tayo ay nabubuhay. …
… Mga kapatid, dapat tayong maging matapat. Ang lupaing tinitirhan natin ay dapat mapabanal ng ating mabuting pamumuhay. … Ang kailangan lang natin ay pagsisihan ang ating mga kasalanan, talikuran ang ating mga kamalian, linisin ang ating maruming buhay, at maglibot na gumagawa ng kabutihan. Hindi kinakailangang italaga tayo para sa layuning iyan. Bawat lalaki, babae at bata sa Simbahan ni Jesucristo ay maaaring maglibot na gumagawa ng kabutihan at matanggap ang pagpapalang bunga niyon. [Tingnan ang mungkahi 6 sa pahina 292.]
… Simulan natin ang gawaing ipinagkatiwala niya sa atin, tulungan natin ang mga anak ng ating Ama saanman sila naroon, at ang ating buhay ay uunlad at ang mundong ito ay magiging mas masaya. Ito ang misyong iniatang sa ating mga balikat. Mananagot tayo sa ating Ama sa Langit sa pamamaraan ng pagsasakatuparan natin nito. Nawa’y loobin ng Diyos na sa kapakumbabaan ng ating kaluluwa ay maglibot tayo na may hangarin sa puso na gumawa ng mabuti sa lahat ng tao saanman sila naroon, at maghatid sa kanila ng galak na darating lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga batas at mga utos. Nawa’y manatili ang kapayapaan sa ating puso at tahanan, na mabanaag sa atin ang liwanag at galak saanman tayo magtungo, na mapatunayan natin sa mundo na talagang alam natin na ang Diyos ay buhay, sa pamamagitan ng ating pamumuhay, at matanggap ang kanyang mga pagpapala dahil dito, ang mapagpakumbaba kong dalangin.22
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan ang mga pahina v–viii.
-
Basahin ang kuwento tungkol kay Belle S. Spafford na tumatanggap ng payo mula kay Pangulong Smith (mga pahina 284–285). Sa anong mga paraan ninyo “maipadarama ang inyong impluwensya”?
-
Sa unang bahagi ng mga turo (pahina 285), ikinuwento ni Pangulong Smith ang mga paghihirap na ipinropesiyang darating bago ang Ikalawang Pagparito (tingnan din sa II Kay Timoteo 3:1–7; D at T 45:26–35). Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman na ipinropesiya sa mga banal na kasulatan ang mga paghihirap na ito?
-
Rebyuhin ang bahaging nagsisimula sa bandang ilalim ng pahina 286. Ano ang ilan sa mga problema sa mundo na malulutas ng pagsunod sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo? Paano naghatid ng kapayapaan ang ebanghelyo sa inyong personal na buhay? sa inyong pamilya? sa inyong pakikipag-ugnayan sa iba?
-
Sa mga pahina 288–289 nagbigay ng mga halimbawa si Pangulong Smith mula sa mga banal na kasulatan tungkol sa pagprotekta ng Panginoon sa Kanyang mga tao. Sa anong mga paraan Niya kayo naprotektahan at ang inyong pamilya? Paano tayo natutulungan ng pagsunod na madaig ang takot o pangamba?
-
Ano ang ilan sa mga panganib na nagbabanta sa espirituwal na kaligtasan ng ating tahanan ngayon? Ano ang magagawa natin para ang ating tahanan ay maging “mga banal na lugar, kung saan hindi makapapasok ang kaaway”? (Para sa ilang ideya, rebyuhin ang bahaging nagsisimula sa pahina 289.)
-
Basahin ang unang talata sa pahina 290 at ang ikatlong talata sa pahina 291. Paano naging katulad ng “mga angkla” sa kanilang komunidad ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw? Bakit natin mas magagawang “maglibot na gumagawa ng kabutihan” kapag “[malinis na ang] marumi nating buhay”? Mapanalanging pag-isipan ang dapat ninyong gawin para malinis ang karumihan ng inyong sariling buhay.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Isaias 54:13–17; Mateo 5:13–16; Juan 16:33; 2 Nephi 14:5–6; Doktrina at mga Tipan 87:6–8; 97:24–25; Joseph Smith—Mateo 1:22–23, 29–30
Tulong sa pagtuturo: Pag-isipan na anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga panimula sa “Mga Turo ni George Albert Smith” at piliin ang bahaging makabuluhan sa kanila o sa kanilang pamilya. Anyayahan silang pag-aralan ang mga turo ni Pangulong Smith sa bahaging iyon, kabilang na ang anumang kaukulang mga tanong sa dulo ng kabanata. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang natutuhan nila.