Kabanata 13
Gawin ang Ating Tungkulin na Ibahagi ang Ebanghelyo
Maraming paraan para makabahagi tayo sa dakilang gawain ng pagbabahagi ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Dagdag pa sa paglilingkod nang halos 48 taon bilang General Authority, naglingkod si George Albert Smith sa tatlong full-time mission para sa Simbahan, kasama na ang dalawang taon bilang pangulo ng European Mission. Hinikayat niya ang mga miyembro ng Simbahan na espirituwal na maghanda para sa paglilingkod bilang full-time missionary at tanggapin ang gayong mga tawag kapag dumating. Ngunit tinuruan din niya sila na kailangan silang makatanggap ng pormal na tawag sa misyon upang maipangaral ang ebanghelyo. Si George Albert Smith ay isang misyonero sa buong buhay niya, at madalas niyang ipaalala sa mga miyembro ng Simbahan na marami silang pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa kanilang mga kapitbahay at kaibigan at hinikayat silang maging mabuting halimbawa ng disipulo ni Cristo.
Ang paglilingkod ni Pangulong Smith sa European Mission ay nagsimula kaagad pagkaraan ng Unang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa giyera, nabawasan nang husto ang mga misyonero sa misyon, at ang mga pagsisikap na dagdagan ang bilang nila ay nahadlangan dahil ayaw bigyan ng visa ang mga misyonero. Bukod pa rito, ang mga kalaban ng Simbahan ay nagpapalaganap ng mga maling kuwento tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw, na lumikha ng mga maling palagay na mahirap pawiin. Sa kabila ng mga limitasyong ito, tiwala si Pangulong Smith na susulong ang gawain dahil sa mga halimbawang ipinakita ng mga Banal sa mga Huling Araw. Napansin niya na habang lalong nakikilala ang Simbahan, “tinitingala ang mga miyembro nito dahil sa kanilang mabubuting katangian,” at “agad naglalaho ang mga walang-basehang maling palagay nila, sa tuwirang pakikipag-ugnayan nila sa mga Banal sa mga Huling Araw sa pang-araw-araw nilang buhay. … Pagkatapos ay hinahatulan nila tayo dahil sa ating mga bunga, mula sa personal na obserbasyon, at ang impormasyong ito, kapag ibinahagi nila sa iba, ay iisa ang epekto, at napakaganda ng epektong iyon sa atin.”1
Hindi nagtagal matapos simulang maglingkod bilang pangulo ng misyon, sumulat siya sa mga miyembro ng Simbahan sa Europa, at ipinaalala sa kanila ang kanilang mga responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo at tumulong sa pagsulong ng gawain:
“Buong tiwalang ibabaling ng Panginoon sa ebanghelyo ang puso ng lahat ng taong karapat-dapat kapag naunawaan nila ito, sama-sama nating samantalahin ang pagkakataong gumawa habang may panahon pa. Palaganapin natin ang mga turo ng Panginoon para sa kaligtasan, kapwa temporal at espirituwal, ng mabubuting mamamayan ng Great Britain at ng iba pang mga bansa ng European mission.”2
Makalipas ang ilang buwan isinulat niya: “Bawat miyembro ng Simbahan ay dapat magalak sa pagtuturo ng katotohanan. Dapat ay may gawin ang bawat isa sa atin araw-araw upang maghatid ng liwanag sa ating kapwa. Lahat ay mahalaga sa paningin ng ating Ama sa Langit, at gagantimpalaan niya tayo nang sapat para sa pagbibigay-liwanag natin sa kanila. Hindi natin maaaring ipabalikat sa iba ang ating responsibilidad.”3
Nang makabalik mula sa Europa noong 1921, iniulat ni George Albert Smith sa pangkalahatang kumperensya, “Ang maling palagay laban sa atin noong araw ay halos napawi na at daan-daan at libu-libong kalalakihan at kababaihan ang nakaaalam na sa ating gawain.” Pagkatapos ay hinikayat niya ang mga Banal na palaging humanap ng mga paraang maibahagi ang ebanghelyo sa iba: “Ang ating problema ay humanap ng paraan para mailahad sa lahat ng tao ang ebanghelyo ng ating Panginoon. Problema natin iyan, at sa tulong ng langit ay makakahanap tayo ng paraan para malutas ito. Pananagutan nating tiyakin kung walang paraan para makagawa tayo ng higit pa sa nagawa na natin, kung tutugunan natin ang mga kahilingan ng ating Ama sa Langit.”4 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 160.]
Mga Turo ni George Albert Smith
Bawat miyembro ng Simbahan ay may responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo.
Labis ang pasasalamat ko sa aking mga pribilehiyo sa Simbahan ni Jesucristo, sa mga kasamahan kong kalalakihan at kababaihan ng Simbahang ito at ng iba pang mga simbahan. Nagpapasalamat ako na marami akong kaibigan sa iba’t ibang simbahan sa mundo, na nagkalat sa iba’t ibang dako. Nagpapasalamat ako sa mga pagkakaibigang iyon, ngunit hindi ako masisiyahan hangga’t hindi ko naibabahagi sa kanila ang ilan sa mga bagay na hindi pa nila natatanggap.5
Nagpapadala tayo ng mga misyonero sa mga bansa sa daigdig upang ipahayag ang Ebanghelyo ayon sa inihayag sa huling araw na ito. Ngunit hindi lamang ito ang ating tungkulin. Sa ating mga pintuan, daan-daan at libu-libo ang mga piling anak ng ating Ama sa Langit. Kapiling natin sila, nagiging magkakaibigan tayo, ngunit hindi natin sila natuturuan na tulad ng dapat nating gawin, hinggil sa Ebanghelyo na alam nating siyang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan. Ginagawa ng Panguluhan ng Simbahan ang lahat ng abot-kaya nila; inilalaan nila ang kanilang oras sa maghapon, at madalas ay hanggang hatinggabi, para sa kapakanan ng Simbahan. Ang mga kapatid na kasama nila ay malayang nag-uukol ng kanilang oras, naglalakbay at nagtuturo sa mga Banal sa mga Huling Araw at naghahatid ng Ebanghelyo sa mga anak ng ating Ama. Ang mga pangulo ng stake, high councilor, bishop ng ward, at kanilang mga assistant, ay patuloy na gumagawa upang mabasbasan ang mga tao, at tiyak ang kanilang gantimpala. Ngunit ginagawa ba natin ang lahat ng dapat nating gawin, upang pagharap natin sa hukuman ng ating Ama sa Langit ay sabihin Niya na nagampanan natin ang lahat ng ating tungkulin sa ating kapwa, na Kanyang mga anak?6
Ganito ang nakasaad sa isa sa pinakaunang mga paghahayag … sa Doktrina at mga Tipan:
“Ngayon masdan, isang kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap sa mga anak ng tao; …
“Samakatwid, kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos, ikaw ay tinatawag sa gawain.” [D at T 4:1, 3.]
Hindi na kayo kailangan pang tawaging magpunta sa misyon upang ipahayag ang katotohanan. Magsimula sa kapitbahay sa pamamagitan ng pagganyak sa kanya na magkaroon ng tiwala sa inyo, na mahalin kayo dahil sa inyong kabutihan, at nagsimula na ang inyong gawaing misyonero,
“Sapagkat masdan ang bukid ay puti na upang anihin.” D at T 4:4.]7
Ang pagkakalat ng katotohanan ay hindi responsibilidad ng ibang tao, kundi responsibilidad nating tiyakin na ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kadalisayan nito ay naituro sa mga anak ng tao. Hindi ba ninyo ito pasasalamatan?8
Malaki ang pagkakataon ng bawat isa sa atin. Gusto kong bigyang-diin ang gawaing misyonero ng bawat isa sa ating mga kapitbahay. Magugulat tayo, kapag ginawa natin ang lahat ng abot-kaya natin, kung gaano karami ang magiging interesado, at hindi lamang nila tayo pasasalamatan dahil inihatid natin sa kanila ang katotohanan, at binuksan ang kanilang mga mata sa mga kaluwalhatian at pagpapalang inihanda ng ating Ama sa Langit, kundi mamahalin nila tayo at pasasalamatan nang walang hanggan.
Napakaraming ipinagkaloob ang Panginoon sa atin na hindi pa natatanggap ng ibang tao. Tiyak na hindi naman tayo magdadamot. Dapat ay may hangarin tayo sa ating puso na ibahagi sa bawat kaluluwa hangga’t maaari ang nakagagalak na mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.9
Kaya, sa pagsulong natin, na bawat isa ay may impluwensya sa ating mga kapitbahay at kaibigan, huwag tayong mangimi. Hindi natin kailangang inisin ang mga tao, kundi ipadama at ipaunawa natin sa kanila na interesado tayo, hindi para gawin silang mga miyembro ng Simbahan, kundi para dalhin sila sa Simbahan upang matamasa rin nila ang mga pagpapalang tinatamasa natin.10 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 160.]
Kung uliran ang ating pamumuhay, ang ating impluwensya ay maaaring maghikayat sa iba na alamin ang tungkol sa ebanghelyo.
Tandaan, lahat tayo ay may mga responsibilidad. Maaaring hindi tayo tawagin sa isang katungkulan, ngunit sa bawat sambayanan ay may pagkakataon ang bawat isa sa atin na ipadama ang diwa ng kapayapaan at pagmamahal at kaligayahan upang maunawaan ng mga tao ang ebanghelyo at matipon sila sa kawan.11
Ilang araw pa lang ang nakalilipas, isa sa ating kababaihan, na bumisita sa silangan, ang sinabihan ng isang edukadong tao sa pag-uusap nila, “Hindi ako makapaniwalang gaya ninyo pero sana magawa ko. Maganda iyan.” At totoo rin ito sa marami sa mga anak ng ating Ama, na, sa pagmamasid sa katangian ng gawaing ito, at sa mga kilos ng kalalakihan at kababaihang tumanggap sa katotohanan, sila ay puno ng paghanga sa nagawa, at ng kapayapaan at kaligayahang nadarama ng tapat na nananalig, at nagnanais na sana ay maging bahagi sila nito; at maaari naman kung may pananampalataya sila.12
Madalas kong mapuna, at palagay ko ay alam ito ng karamihan sa inyo na naging misyonero, na walang mabuting lalaki o babae ang maiimpluwensyahan ng matatapat na miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na hindi pupurihin ang nakita nila habang kasama tayo. Paglisan nila, kung minsan ay iba na, ngunit habang naiimpluwensyahan sila ng Panginoon, na taglay ng Kanyang mga lingkod, na naglilingkod sa kanya, karaniwan ay nalulugod silang purihin ang nakita at nadama nila.13
Nagamit na ng kalaban ang pinakamatindi niyang pagsisikap na hadlangan ang paglaganap ng mga katotohanan ng ebanghelyo. At tungkulin natin, sa magaling na pakikitungo at pagmamahal at pananampalataya ng isang kapatid, na pawiin ang maling palagay na itinanim ng kaaway sa puso ng mga anak ng ating Ama, na alisin ang mga maling ideyang nasa isipan kung minsan ng mabubuting lalaki at babae, at ituro sa kanila ang ebanghelyo ng ating Panginoon, na ito ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan ng lahat ng naniniwala at sumusunod dito.14
Palagay ko ang dakilang organisasyong ito na kinabibilangan natin ay nararapat magpakita ng magandang halimbawa upang ang mga tao sa ating sambayanan, na hindi miyembro ng Simbahan, pagkakita sa ating mabubuting gawa, ay mapilitang luwalhatiin ang pangalan ng ating Ama sa Langit. Ganyan ang pakiramdam ko hinggil sa bagay na iyan. Ang kailangan lang nating gawin ay magpakita ng halimbawa, maging mabubuting lalaki at babae, at mapupuna nila ito. At marahil bibigyan nila tayo ng pagkakataong ituro sa kanila ang mga bagay na hindi nila alam.15
Kung tayo, bilang mga miyembro ng Simbahan, ay sumusunod sa mga utos ng Diyos, kung bibigyan natin ng karampatang pagpapahalaga ang katotohanan, kung nakaayon ang ating buhay sa magagandang turo nito, upang ang ating mga kapitbahay, kapag namasdan ang ating pag-uugali, ay mapilitang hanapin ang katotohanan, napakaganda ng ating gawaing misyonero.16 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 160.]
Nakikibahagi tayo sa gawaing misyonero sa pamamagitan ng pagtulong na ihanda ang mga magiging misyonero at pagsuporta sa kanila sa misyon.
Hindi lamang natin misyon na ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo at ipamuhay ito, kundi misyon din nating isugo sa daigdig ang ating mga anak na lalaki at babae kapag tinawag sila sa bawat panahon na maglingkod sa Simbahan. Sa paghayo nila dapat ay nasanay na sila na maging matatag laban sa mga tukso ng kaaway; dapat ay maging dalisay at malinis at matwid ang kanilang buhay hangga’t maaari, sa gayon ay madarama ng mga taong nakakasalamuha nila ang impluwensya ng kanilang presensya. Ang Espiritu ng Diyos ay hindi mananahan sa maruruming tabernakulo, kundi ang kanyang Espiritu ay mananahan sa mga yaong nananatiling malinis at dalisay.
Dahil dito, [palakihin] natin ang ating mga anak sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ng Diyos.17
Huwag hayaang lumaki ang inyong mga anak nang hindi itinuturo sa kanila ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Huwag nang hintaying ipadala pa sila sa misyon para matutuhan ang kahulugan ng ebanghelyo. Naaalala ko noong nasa Timog ako [bilang misyonero] limampu’t lima o animnapung taon na ang nakalilipas, sinabi ng isang lalaking nagmula sa isang malaking pamilya, “Hindi ko alam ang sasabihin ko. Hindi ko alam ang sasabihin ko sa mga taong ito.”
“Aba,” sabi ng isa sa mga kapatid, “ituro mo sa kanila ang Biblia. Kunin mo ang iyong Biblia at basahin mo ang Genesis.” Sabi niya, “Hindi ko alam kung nasaan ang Genesis sa Biblia,” subalit lumisan siya mula sa isang … tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw upang ihatid ang mensahe ng buhay at kaligtasan sa mga tao sa Timog. Gayunman, hindi pa gaanong katagalan matapos iyon ay nagbago ang isip niya. Tumanggap siya ng patotoo sa katotohanan sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin, at nalaman niyang narito ang ebanghelyo, at nakatayo siya sa kanyang mga paa at malayang nagpatotoo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang katotohanan.18
Hanga ako sa kahalagahan ng paghahanda para sa gawain. Hindi sapat na magpakita lang ng hangarin ang isang bata, dahil sa tiwala niya sa kanyang mga magulang, na gawin ang ipinagagawa nila sa kanya, ang humayo sa mundo at ipangaral ang ebanghelyo; hindi sapat na tugunan niya ang mga pagtawag sa misyon ng ating Ama sa Langit sa bawat panahon sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod; kundi kailangan din niyang maging karapat-dapat sa gawain, magsaliksik sa mga banal na kasulatan, at alamin ang gustong ipaalam sa kanya ng Panginoon. Mahalagang maging matatag ang pananampalataya ng ating mga anak at malaman na katulad ng kanilang mga magulang, na ito ang gawain ng ating Ama. …
Ang isang dosenang kalalakihan na karapat-dapat sa gawain ay higit ang halaga sa misyon kaysa sa isandaang kalalakihang walang alam sa katotohanan at sila mismo ay kailangang maturuan bago nila ito maipaliwanag sa iba.
Ito ang gawain ng ating Ama at hindi ito dapat ipagwalang-bahala. Napakahalaga nito sa atin. Sikapin nating … patatagin ang pananampalataya ng ating mga anak, nang maging handa silang tumugon sa bawat tawag, at madama nila sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa na sabihing, “Handa akong magpunta saan man ako papuntahin ng aking Ama sa Langit.”19 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 160.]
Nagsumamo na … na ipadala natin ang ating mga anak sa misyon. … Natutuwa akong makita ang kalalakihan at kababaihan na nagtitipid at nagpaplano upang makahayo ang kanilang mga anak sa mundo. Nitong mga huling linggo isang binata ang … umalis papuntang misyon, at ang dalawang kapatid niyang babae … ay nagpapadala sa kanya ng kaunting bahagi ng kanilang kita upang matamasa nila ang pagpapala ng misyon. Siya ang una sa isang malaking pamilya na maraming anak na nagmisyon upang ipalaganap ang katotohanan. … Alam ko ang galak na sasapuso ng dalawang mabubuting babaeng iyon na may pananampalatayang nagbigay ng pera sa kanilang kapatid upang mapaglingkuran nito ang Panginoon sa misyon. Matatanggap nila ang pagpapalang nagmumula sa pagtuturo ng Ebanghelyo, hangga’t maaari itong matanggap nang hindi sila mismo ang naglilingkod.20
Iniisip ko … ang ating mga kinatawan sa misyon, na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa ilang bansang dayuhan. Ipagdasal ninyo sila, mga kapatid. Kailangan nila ang tulong ng Panginoon at ang ating pananampalataya at mga dalangin. Sulatan sila at hikayatin sila, nang kapag nakatanggap sila ng sulat mula sa bahay ay malaman nila na lagi silang naaalala.21
Nakikilahok tayo sa gawaing misyonero sa pamamagitan ng paghahanda natin mismo na magmisyon.
Hindi magtatagal at kakailanganin ang may kakayahang kalalakihan at kababaihan sa Simbahang ito na ituro ang katotohanan sa iba’t ibang bahagi ng mundo na hanggang ngayon ay ayaw pa tayong papasukin: at kung gusto nating magkaroon ng walang hanggang kagalakan sa kaharian ng ating Ama sa piling ng mga taong ibinigay niya sa atin dito, huwag tayong magdamot sa buhay: maghanda tayo para sa gawain, at humayo sa mundo at ipahayag ang katotohanan, kapag may pagkakataon, at maging kasangkapan sa mga kamay ng ating Ama na maibalik ang kanyang mga anak sa kanya sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng kagandahan ng kanyang ebanghelyo.22
Ilang taon pa lamang ang nakalilipas marami sa mga kaibigan ko ang mayayaman, nasa kanila ang mga pangangailangan sa buhay, at ang maraming karangyaan, at nang ipahiwatig na baka ipadala sila sa misyon sinabi ng ilan sa kanila: “Hindi ko maiiwan ang negosyo ko, hindi ako mabubuhay kung aalis ako at iiwanan ang kayamanan ko.” Ngunit nalugi ang kanilang negosyo at iniwan sila nito. Ang mga bagay na inakala nilang hindi sila mabubuhay kung wala ay naglaho sa kanilang kamay, at marami sana sa mga lalaking ito ngayon ang maligaya kung mababalikan lang nila ang nagdaang sampung taon, at kung tinawag man sila noon na maglingkod sa Panginoon, ay masasabi nilang: “Iaayos ko ang mga gawain ko, masaya ako sa pagkakataong ibinigay sa akin na maging ministro ng buhay at kaligtasan.”
… Isipin ang mga pagkakataon at pribilehiyo natin, na makaupo sa tahanan ng mga kagalang-galang na kalalakihan ng mundo at ituro sa kanila ang Ebanghelyo ni Jesucristo; isipin kung ano ang kabuluhan ng makipag-usap sa kalalakihang walang banal na awtoridad, at ituro sa kanila ang plano ng kaligtasan at ipaliwanag sa kanila ang paraan upang matamasa rin nila ang mga pagpapala ng banal na awtoridad na tinatamasa ninyo.
Nadarama kong sakim ang ilan sa atin. Tuwang-tuwa tayong tamasahin ang ating mga pagpapala, masayang-masaya tayong mapaligiran ng ginhawa sa buhay at makasama ang pinakamagagaling na lalaki at babae sa buong mundo, na nalilimutan na natin ang ating tungkulin sa iba. Mas liligaya tayo kung sisikapin nating maging mas mabisa para sa kabutihan sa mundo sa pagmiministeryo sa mga yaong hindi pa nauunawaan ang Ebanghelyo ng ating Panginoon.
Marami sa atin ang may edad na, marami sa atin ang patapos na sa ating gawain. Kailangang magpadala ang Simbahan ng mga misyonero. Kalalakihang nauunawaan ang Ebanghelyo at handang magbuwis ng buhay para dito kung kailangan, at kapag sinasabi kong kailangan natin ng mga misyonero ang ibig kong sabihin ay kailangan sila ng mundo.23
Ang larangan ng misyon ay nasa ating harapan. Kailangan tayo ng mga anak ng ating Ama. … Sa Simbahang ito ay may libu-libong kalalakihan at kababaihang may kakayahang magturo ng ebanghelyo at magkakaroon pa ng higit na kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin sa misyon. Bibiyayaan sila ng panustos, sapat upang maisagawa ang gawaing ipinagagawa sa atin ng Panginoon.24
Ngayong malapit nang ibaba ang mga hadlang at alisin ang mga balakid na pumipigil sa paglaganap ng ebanghelyo, na ang tinig ng Panginoon ay maririnig ninyo, sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod, “Maghandang humayo sa mundo at ipangaral ang ebanghelyo,” huwag ninyong gawin ang ginawa ni Jonas, huwag tangkaing taguan o takasan ang iyong tungkulin; huwag magdahilan na wala kayong sapat na panustos para humayo; huwag gawing hadlang sa inyong paningin ang mga kalokohan na pipigil sa pagtatamasa ninyo ng buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit, na makakamtan lamang sa pamamagitan ng pananampalataya at katapatan sa kanyang layon. Isaayos ng bawat tao ang kanyang sambahayan; isaayos ng bawat maytaglay ng priesthood ang kanyang sarili, at pagdating ng tawag mula sa mga lingkod ng Panginoon, na pinahahayo siya sa mundo upang ituro ang katotohanan, balaan ang mga anak ng tao, tulad ng utos ng ating Ama na sila ay balaan, huwag hayaang magtago ang sinuman sa likod ng anumang kalokohan, na malunok, kung hindi man ng isang malaking isda, ng mga kalokohan sa mundo. [Tingnan sa Jonas 1:1–17.]25
Hindi madali ang gawain; hindi siguro kaiga-igayang matawag na humayo sa mundo, na iwan ang mga mahal sa buhay, ngunit sinasabi ko sa inyo na magdudulot ito sa matatapat, sa mga tumutupad sa obligasyong ipinagagawa sa kanila, ng kapayapaan at kaligayahang mahirap unawain, at ihahanda sila, sa takdang panahon, kapag tapos na ang gawain sa buhay na ito, na tumayo sa harap ng kanilang Lumikha, at tanggapin Niya sila dahil sa kanilang nagawa.26
Dalangin ko na nawa’y madama ang kanyang Espiritu sa buong [Simbahan], na maisapuso natin ang pagmamahal sa mga anak ng ating Ama, na madama natin ang kahalagahan ng ating misyon sa mundo, habang hawak natin ang mga bagay na hindi atin, na ipinahiram lamang sa atin bilang mga katiwala, nang hindi natin malimutan ang walang-katumbas na kaloob, ang walang-kapantay na pribilehiyo, na abot-kamay natin, na ituro ang ebanghelyo at iligtas ang kaluluwa ng mga anak ng tao.27 [Tingnan sa mungkahi 5 sa kasunod na pahina.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Pag-isipang mabuti ang mga salita ni Pangulong Smith sa “Mula sa Buhay ni George Albert Smith” (mga pahina 149–151). Sa palagay ninyo, bakit napakaganda ng pananaw niya tungkol sa gawaing misyonero sa Europa sa kabila ng oposisyong nakaharap niya? Paano makakatulong sa inyo ang kanyang halimbawa kung tanggihan ng inyong mga kapamilya o kaibigan ang imbitasyon ninyong pag-aralan ang ebanghelyo?
-
Repasuhin ang unang bahagi ng mga turo (mga pahina 151–152). Anong mga pamamaraan ang nakita ninyong napakabisa sa mga pagsisikap ninyong ibahagi ang ebanghelyo sa mga kapitbahay at kaibigan?
-
Habang binabasa ninyo ang bahaging nagsisimula sa pahina 153, umisip ng isang pagkakataon na naakay ng halimbawa ng isang miyembro ng Simbahan ang isang tao na higit pang pag-aralan ang Simbahan. Ano ang iba pang mga dahilan kung bakit napakahalaga sa gawaing misyonero ang ipamuhay ang mga pamantayan ng Simbahan?
-
Sa mga pahina 155–156, hanapin ang mga bagay na kailangang gawin ng mga magiging misyonero upang espirituwal na makapaghanda para sa kanilang misyon (tingnan din sa D at T 4). Ano ang magagawa ng mga magulang para matulungang maghanda ang kanilang mga anak? Paano makakatulong ang mga korum ng priesthood at kababaihan ng Relief Society?
-
Repasuhin ang huling bahagi ng mga turo (mga pahina 157–159). Ano ang ilan sa “mga kalokohan” na maaaring humadlang sa ating pagmimisyon? Ano ang ilan sa mga pagpapalang dumarating sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga senior missionary? Pag-isipang mabuti kung ano ang kailangan ninyong gawin upang maihanda ang inyong sarili na maglingkod sa misyon.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 5:14–16; Marcos 16:15–16; I Kay Timoteo 4:12; Alma 17:2–3; Doktrina at mga Tipan 31:1–8; 38:40–41
Tulong sa pagtuturo: “Kapag gumagamit kayo ng iba’t ibang gawain sa pagkatuto, mas mauunawaan ng mga mag-aaral at higit na matatandaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang maingat na piniling pamamaraan ay higit na nakapagpapalinaw, higit na nakapagpapawili, at higit na nakapagpapaalala ng isang alituntunin” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 113).