Kabanata 22
Palakihin ang mga Anak sa Liwanag at Katotohanan
Binigyan ng Panginoon ng responsibilidad ang mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang ebanghelyo sa salita at halimbawa.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Noong malapit na siyang pumanaw, ginunita ni Pangulong George Albert Smith ang pagpapalaki at mga itinuro ng kanyang mga magulang.
“Ipinanganak ako sa isang abang tahanan. … Ang aking mga magulang ay mahirap lamang, ngunit pinupuri ko ang aking Lumikha at pinasasalamatan siya nang buong puso sa pagdadala sa akin sa kanilang tahanan.
“Lumaki ako sa Salt Lake City. Noong ako ay walong taong gulang, nabinyagan ako sa City Creek. Ako ay nakumpirmang miyembro ng Simbahan sa isang fast meeting o pulong sa pag-aayuno sa Seventeeth Ward, at nalaman ko noong bata pa ako na ito ang gawain ng Panginoon. Nalaman ko na may mga propetang nabubuhay sa mundo. Nalaman ko na ang inspirasyon ng Maykapal ay iimpluwensya sa mga nagtatamasa nito. …
“Wala akong kilalang sinuman sa buong mundo na may mas malaking dahilan para magpasalamat maliban sa akin. Nagpapasalamat ako sa aking pamana, sa mga magulang na nagturo sa akin ng ebanghelyo ni Jesucristo at nagpakita ng halimbawa sa kanilang tahanan. Kung may nagawa man ako na hindi ko dapat ginawa sa buhay ko, isang bagay iyon na hindi ko natutuhan sa tahanan ng aking ina. Sa isang pamilyang maraming anak, kinailangan ng isang ina na napakatiyaga o mapagpasensya, at lagi siyang nagtitiyaga o nagpapasensya sa amin. Naroon lagi ang lambing at kabaitan at pagmamahal.”1
Sa kanyang sariling tahanan, sinikap ni George Albert Smith na sundan ang halimbawa ng kanyang mga magulang sa pagtuturo nang may tiyaga at pagmamahal. Ginunita ng kanyang anak na si Edith ang isang karanasan noong kabataan niya:
“Lagi niya kaming pinangangaralan tungkol sa aming pag-uugali, na binibigyang-diin ang katapatan at pagiging makatarungan. Naaalala ko na isang araw habang pauwi ako galing sa pag-aaral ng piyano, hindi nasingil ng konduktor ang pamasahe ko. … Nilampasan niya ako, at nakarating ako sa pupuntahan ko na hawak pa rin ang pamasahe ko, at aaminin ko na ikinatuwa ko na nalibre ako sa pamasahe.
“… Masaya akong tumakbo kay Itay para sabihin ang maganda kong kapalaran. Nakinig siya sa kuwento ko nang buong tiyaga. Nagsisimula na akong mag-isip na napakaganda ng nangyari sa akin. … Sigurado ako na hindi alam ng konduktor na hindi ako nagbayad, kaya walang problema.
“Nang matapos ang kuwento ko, sabi ni Itay, “Pero, anak, kahit hindi ito alam ng konduktor, alam mo at alam ko at alam din ng Ama sa Langit. Kaya, tatlo pa rin tayong dapat masiyahan na makitang nagbabayad ka nang buo sa serbisyong tinanggap mo.’”
Bumalik si Edith sa kanto at binayaran ang kanyang pamasahe nang bumalik ang sasakyan. Kalaunan ay nagpasalamat siya sa ginawa ng kanyang ama sa pagharap sa sitwasyon: “Talagang nagpapasalamat ako sa isang Ama na sapat ang karunungan para ituro sa akin ang pagkakamali ko, dahil kung nakaligtaan ito, iisipin ko na sang-ayon siya rito, at baka sinubukan kong gawin iyong muli sa ibang pagkakataon.”2 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 269.]
Mga Turo ni George Albert Smith
Ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad na ituro sa kanilang mga anak ang ebanghelyo.
Ang isa sa pinakamalaki at pinakamaganda sa lahat ng inyong pagpapala ay iyong dumarating kung nagtuturo kayo gaya ng nararapat, at tinuturuan ninyo nang nararapat ang mga hinirang na espiritung ito na ipinadadala ng ating Ama sa Langit sa mundo sa mga huling araw na ito. … Huwag ipaubaya sa mga pampublikong paaralan ang pagtuturo sa inyong mga anak. Huwag ipaubaya ang pagtuturo sa kanila sa Primary, sa Sunday School, sa [mga organisasyong pangkabataan ng Simbahan]. Ang mga ito ay makakatulong sa inyo at maganda ang maiaambag ngunit alalahanin ang sinabi ng Diyos mismo, na ang mga magulang na hindi nagtuturo sa kanilang mga anak ng pananampalataya sa Diyos, pagsisisi at binyag at ng pagpapatong ng mga kamay pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang [tingnan sa D at 68:25–28]. Hindi ito pagbabanta, mga kapatid, iyan ang magiliw at mapagmahal na payo ng ating Ama sa Langit na nakaaalam ng lahat ng bagay at nauunawaan at natatanto ang mangyayari kapag ang mga anak ay hinayaang lumaki nang hindi naturuan.3
Ang sasabihin ko ay gusto kong maikintal sa isipan ng bawat magulang sa Sion, at iyon ay, bagaman ibinigay sa atin ng Panginoon ang lahat ng mahuhusay na paaralang ito, bagaman malaki ang naitulong ng agham o siyensya para tayo guminhawa at mapagpala, bagaman ang Simbahan ay naghanda ng mga lugar na pagdadalhan natin sa ating mga anak para maturuan ng ebanghelyo ni Cristo, hindi niyan inaalis sa inyo o sa akin ang responsibilidad at obligasyong iniatang sa atin ng ating Ama sa Langit na turuan ang sarili nating mga anak. … Hindi sapat na ang aking mga anak ay maturuan ng pananampalataya, pagsisisi at binyag, at ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo sa mga auxiliary organization. Iniutos ng aking Ama sa Langit na ako mismo ang dapat gumawa niyan.4
Wala nang ibang maaaring gumanap sa bahaging iniatas sa atin ng Diyos bilang mga magulang. Tinanggap natin ang obligasyon noong tayo ang naging kasangkapan sa paghahatid ng mga batang ito sa mundo. Hindi natin maipapasa ang responsibilidad na iyan sa anumang organisasyon. Iyan ay atin. … Una at pinakamahalaga sa lahat ang obligasyon ko at ninyo hindi lamang para magpayo at mangaral kundi magturo, sa pamamagitan ng halimbawa, sa paglalaan ng sapat na panahon para sa ating mga mahal sa buhay, sa mga batang ito, nang hindi sila maakay sa … mga ipinagbabawal na landas.5
Tawagin sa inyong paligid ang inyong pamilya, at kung hindi ninyo naipaunawa sa kanila noon ang mga layunin ng buhay at naipaalam sa kanila ang Ebanghelyo ng ating Panginoon, gawin ito ngayon, sapagkat sinasabi ko sa inyo bilang lingkod ng Panginoon, kailangan nila ito ngayon at kakailanganin nila ito magmula ngayon.6 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 270.]
Ang ibang interes natin ay hindi dapat maging dahilan para malimutan ang tungkulin nating turuan ang ating mga anak.
Sinabi sa atin sa Lucas na darating ang panahon na ang mga tao ay maiinis sa mga pagsusumakit at kayamanan at kalayawan sa buhay [tingnan sa Lucas 8:14]. Nasa isipan ko … kahit ngayon, ang kalalakihan at kababaihang mahal ko, na ang espirituwalidad mismo ay nasasakal ng mga bagay na ito, at inaakay sila ng kaaway sa kalayawan at nalilimutan nila ang kanilang tungkulin bilang mga magulang at miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.
… Ngayon sa gitna ng kalituhan, kasiyahan at lahat ng kalayawan sa buhay, … huwag nating kalimutan ang tungkuling dapat nating gawin sa mga batang ito na nilikha sa larawan o wangis ng Diyos. Siya ang Ama ng kanilang espiritu, at tayo ang papananagutin niya sa turo o aral na natatanggap nila. Umaasa ako at nananalangin na maturuan natin sila nang gayon upang pagdating ng wakas ay matanggap natin sa kanya ang pagpapalang, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: … pumasok sa kagalakan ng [P]anginoon,” at makasama natin ang ating mga mahal sa buhay magpasawalang-hanggan.7
May gusto akong ikuwento sa inyo. Ilang taon na ang nakalilipas, may dalawang batang lalaking nakatira sa Indiana, dalawang binatilyong nagtrabaho sa bukid—sa mga bukiring lima hanggang pitong milya ang layo sa isa’t isa. Nagsikap sila araw-araw na gawin ang kanilang mga gawain, gatasan ang mga baka, atbp. Nagpunta ang unang bata sa kanyang ama isang araw noong siya ay mga 13 o 14 na taong gulang at sinabi, “Itay, gusto ko pong pumunta sa bayan. Gusto ko pong makita ang nagkikislapang mga ilaw. Puwede po kaya akong umalis nang maaga isang gabi, kapag tapos na ako sa trabaho?” Sabi ng ama, “Hindi ka puwedeng umalis dahil hindi mo magagawa ang trabaho mo.” “Kung gigising ako nang maaga at magtatrabaho buong maghapon, puwede po ba akong pumunta sa bayan? Malapit lang po iyon, at darating ako roon sa loob ng isa o dalawang oras at uuwi po ako nang maaga.” Sabi ng ama, “Sige, kung tapos mo nang lahat ang trabaho mo, puwede kang umalis.” Mga ama, unawain ninyo ito. Ang nangyari ay umalis nga siya. Halos madilim na nang makarating siya sa bayan. Sarado na ang mga tindahan at bangko. Napakarami pang bukas na bilyaran at sugalan. Lahat ng mabuting tao ay nasa loob na, karamihan ay nasa loob na ng sarili nilang tahanan. Lahat ng sanggano ay nasa kalye o sa mga lugar na ito. Nakita nila ang pagdating ng batang ito at pinag-initan nila ito. Hindi nagtagal ipinakita nila sa kanya ang ilang bagay na hindi dapat makita ng isang bata. Iyan ang naging karanasan niya. Natikman niya ang isang bagay na hindi makabubuti sa kanya.
Ang pangalawang bata ay nagpunta rin sa kanyang ama. Sabi niya, “Itay, gusto ko pong pumunta minsan sa bayan. Ayaw po ba ninyong makita ko ang ilan sa mga bagay na hindi ko pa nakikita? Kailangan ko pong magpunta roon bago magdilim para may makita ako.” “Anak,” sagot ng ama, “palagay ko may karapatan kang pumunta sa bayan, at palagay ko may karapatan kang isama ang iyong ama. Ikaw ang pumili ng araw at tutulungan kita sa mga trabaho para makaalis tayo nang maaga at maipakilala kita sa ilang kasamahan ko.”
Iisang lugar lang ang tinutukoy ko—hindi magkalayo ang dalawang bukirin. Sa loob ng isang linggo nakapili siya ng araw. Tinapos ng mag-ama ang mga trabaho, at nagpunta sa bayan. Nakarating sila bago mag-alas kuwatro. Nakarating sila roon bago nagsara ang mga bangko. Maayos ang bihis ng bata. Dinala siya ng kanyang ama sa bangko at ipinakilala siya sa empleyado ng bangko na humawak sa kanyang kamay at sinabing, “Kapag nasa bayan ka, bisitahin mo kami at tatanggapin ka namin.”
Dinala siya ng kanyang ama kung saan nakapuwesto ang kanyang negosyo, kung saan masaya siyang binati ng mga tao. Pag-uwi nilang dalawa, matapos silang manood ng isang palabas, nakilala ng batang iyon ang ilan sa mga kagalang-galang na tao sa komunidad. Kaya nang lumaki na siya at pumunta sa bayan, ang nakasama niya ay mga kagalang-galang na tao.8 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 270.]
Gusto kong ipahiwatig sa inyo na … , wala kayong panahong magugugol, walang paraan para magamit ang inyong oras nang mas kapaki-pakinabang kundi sa pagtuturo sa inyong mga anak na maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng ating Ama sa Langit.9
Ang halimbawa ng magulang ay aakay sa isang anak tungo sa kaligtasan, kabutihan, at kaligayahan.
Maging mga halimbawa ng kabutihan sa ating mga anak, manalangin sa pamilya at basbasan ang pagkain. Ipakita sa ating mga anak na mahal natin ang isa’t isa bilang mag-asawa. Hangga’t may panahon pa samantalahin ang pagkakataon bilang mag-asawa na magpakita ng pagmamahal, kabaitan at pagtulong sa isa’t isa sa lahat ng paraan. Samantalahin ang pagkakataon hangga’t may panahon pa na turuan ang inyong mga anak kung paano mabuhay nang maligaya. … Gawing kanlungan ng kapayapaan at pag-asa at pagmamahal ang ating tahanan.10
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nakita ko ang liham ng isang lalaking marahil ay nasa katanghalian na ng kanyang buhay. Sa sulat sa kanyang ama sinabi niyang: “Ang pagtingin ninyo sa inyong mga mahal sa buhay, ang pagtuturo ninyo sa akin, ang mga halimbawang ipinakita ninyo sa akin, ay naging inspirasyon sa akin na gawin ang nais ipagawa sa akin ng Panginoon. Nadama ko na sa pagsunod ko sa inyong mga yapak ay maliligtas ako.” Iyon ay isang matalinong ama, isang pinagpalang ama, na nakapagtanim nang gayong tiwala sa isipan ng kanyang anak. … Dahil sa ginawa ng kanyang ama—pinapurihan naman niya ang kanyang ama sa kanyang liham—dahil sa halimbawang ipinakita sa kanyang tahanan, isa siya ngayon sa mga pinakamatatag sa Simbahang ito. Maaari siyang mabuhay sa mundo at sumunod sa mga utos ng Panginoon. Ang kasabikan niyang gumawa ng mabuti ay natutuhan niya sa tahanang kinalakihan niya. Wala siyang nakitang kasakiman sa tahanan, kundi pagmamalasakit sa iba. Walang balak ang kanyang mga magulang na kamkamin ang lahat at sarilinin ito, kundi hinanap nila ang mga nangangailangan nito, at hinikayat sila at biniyayaan. Hindi nagawang hubugin ng mga sinasabi ng mundo ang pagkatao niya ngayon, kundi nahubog iyon ng halimbawang ipinakita ng kanyang mga magulang, ng mga taong kasama niyang lumaki sa tahanang iyon.
Wala akong alinlangan na ang daan-daang kalalakihan at kababaihan, marahil libu-libo sa kanila, sa mga komunidad na ating tinitirhan, ay ganoon din ang sasabihin tungkol sa mga itinuro ng kanilang mga ama at ina. Ngunit nag-aalala ako na baka may ilan sa atin na naiimpluwensyahan ng mga kaugalian sa mundo at nahuhumaling sa ideya na kailangan nating sundin ang ginagawa ng nakararami anuman ang kanilang pinaniniwalaan o ginagawa. Kapag nagkaganito ang ating halimbawa ay hindi makakatulong kundi makakasira pa sa kaligayahan ng ating mga anak.11
Ipakita natin sa ating mga ginagawa araw-araw, pati sa ating pananalita, na naniniwala tayo na ito ang gawain ng Ama at ang galak na hindi kayang ipaliwanag ay madarama natin, at ang ating mga anak na lumaki sa ating tahanan ay lalong mananampalataya at magpapakumbaba. Sila ay pagpapalain at bibigyan ng lakas na paglabanan ang panunukso ng kaaway, at kapalit ng dusang nagpapahirap sa mga anak ng tao dahil sa kasalanan, ay magkakaroon ng kaaliwan, kapanatagan at kaligayahan, at … ang mga kalalakihan at kababaihan ay mabubuhay sa mundong ito na may matatag na hangaring iwaksi ang kasamaan.12 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 270.]
Sa pagmamahal at pagtuturo sa ating mga kabataan, makakatulong tayo na pangalagaan sila laban sa kasamaan.
Mga Banal sa mga Huling Araw, turuan ang inyong mga anak na sundin ang batas ng kalinisan ng puri. Punuin sila ng pagmamahal, upang hindi sila magkaroon ng anumang hangarin na matukso sa kasamaang nakapalibot sa kanila. …
Napakalaking pribilehiyo para sa mga magulang na maupo sa kanilang tahanan at mapalibutan ng mabubuting mga anak na ibinigay sa kanila ng ating Ama sa Langit, na Kanyang mga espiritung anak! Napakalaking kagalakan ang magkakasama silang magkamit ng mga pagpapala ng ating Ama sa Langit at maligayang makasama ang kanyang Espiritu, at turuan silang mabuti hangga’t bata pa upang sa kanilang paglaki ay manatili silang namumuhay nang matwid!
Mga kapatid, nakikiusap ako na dagdagan pa ninyo ang pagsisikap, pag-iingat at pagtitiyaga upang mapangalagaan ninyo ang bagong henerasyon laban sa mga panunukso ng kaaway. Marami sa ating mga [pelikula], programa sa radyo, magasin, aklat, atbp., ang hindi angkop … , at kung hindi natin lalabanan ang epekto ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng magandang pagtuturo at kapaligiran, na ipinapaalam sa mga kabataan ang tulong na makukuha mula sa pag-aaral tungkol sa buhay ng mabubuting kalalakihan at kababaihan, na itinuturo sa kanila ang magagandang katangian ng mga propeta at ang kahulugan ng Ebanghelyo ni Jesucristo, maaaring lumayo sa atin ang ilan sa ating mga minamahal. …
Turuan natin ang ating mga anak na manatiling malinis ang puri at maging matwid. Turuan ang inyong mga anak na lalaki na ingatan ang puri ng kanilang mga kapatid na babae at mga kaibigan nilang babae. Turuan ang inyong mga anak na babae na ingatan ang puri ng mga lalaking nakakasama nila. … Magpakadalubhasa tayo, sabi nga, sa pagpapalaki ng ating mga anak nang may patnubay ng Espiritu ng Diyos, upang ang kaaway ay hindi magkaroon ng lakas na iligaw sila.13 [Tingnan sa mga mungkahi 5 at 6 sa pahina 270.]
Ang pag-aaral ng ebanghelyo bilang pamilya ay makakatulong upang mas mapalapit sa atin ang ating mga anak.
Sa ating mga tahanan, mga kapatid, pribilehiyo at tungkulin nating tipunin ang ating pamilya upang sama-sama nating palakasin at tulungan ang isa’t isa at turuan ng mga katotohanan ng mga Banal na Kasulatan. Sa bawat tahanan, ang mga bata ay dapat hikayating basahin ang salita ng Panginoon tulad nang inihayag sa atin sa lahat ng dispensasyon. Dapat nating basahin ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, at ang Mahalagang Perlas; hindi lamang basahin ito sa ating mga tahanan, kundi ipaliwanag din ito sa ating mga anak upang maunawaan nila ang … mga pakikitungo ng Diyos sa mga tao ng mundo.
Tingnan natin kung mas magagawa natin ito sa hinaharap kaysa sa nakaraan. Ipangako nating sundin ang alituntunin at tipunin ang ating mga pamilya sa ating mga tahanan. Itanong natin sa ating sarili: “Nagawa ko na ba ang aking tungkulin sa tahanan na basahin at ituro ang ebanghelyo, tulad ng inihayag sa mga propeta ng Panginoon? Natipon ko na ba ang aking mga anak sa aking tabi at ginawang kaaya-ayang lugar ng pagpipitagan, pagmamahal, pang-unawa, at katapatan ang aming tahanan?”
Kung hindi pa, pagsisihan natin ang ating kapabayaan at tipunin ang ating pamilya at ituro sa kanila ang katotohanan. …
“Naisaayos ko ba ang aking tahanan?” Ito ang dapat itanong ng bawat tao. Hindi, ginawa na ba ito ng aking kapwa? kundi, nagawa ko ba ang ipinagagawa sa akin ng Panginoon?14
Ang ating mga anak ang pinakamahagang regalo sa atin ng ating Ama. Kung magagabayan natin sila sa landas ng kaligtasan, walang-hanggan ang magiging kagalakan natin at nila. …
Ang isang paraan upang mapanatili natin silang mas malapit sa atin ay sa pagtipon sa kanila nang mas madalas sa ating mga tahanan. Iniutos ng Simbahan na maglaan ng isang gabi sa loob ng isang linggo para magtipon ang pamilya, matamasa ang simpleng kasiyahang dulot ng pagsasama-sama ng pamilya, at pag-usapan ng isa’t isa ang mga bagay na dakila at nagtatagal.
… Noong 1915 lumiham ang Unang Panguluhan sa “mga stake president, bishop, at magulang sa Sion,” at babanggitin ko ang sinabi nila noon:
“Ipinapayo namin at hinihikayat na pasimulan ang ‘Home Evening’ sa buong Simbahan, at sa oras na ito ay matitipon ng mga ama at ina ang kanilang mga anak sa tahanan, at maituturo sa kanila ang salita ng Panginoon. … Ang ‘Home Evening’ na ito ay dapat ilaan sa pagdarasal, pag-awit ng mga himno at awitin, pakikinig sa musika, pagbabasa ng Banal na Kasulatan, usapan tungkol sa pamilya, at pagtuturo tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo, at mga problema sa pag-uugali, gayundin sa mga tungkulin at obligasyon ng mga anak sa mga magulang, tahanan, Simbahan, lipunan, at bayan.”
At ito ang ipinangakong pagpapala sa mga gagawa ng hinihingi:
“Kung susundin ng mga Banal ang pangaral na ito, nangangako kami na magbubunga ito ng malalaking pagpapala. Ang pagmamahal sa tahanan at pagsunod sa mga magulang ay mag-iibayo. Lalakas ang pananampalataya sa puso ng mga kabataan ng Israel, at magtatamo sila ng lakas na labanan ang masasamang impluwensya at tukso sa kanilang paligid.”
Ang mga alituntunin at pangakong ito ay nasa atin pa rin ngayon.15
Kung magdaraos lamang ng home evening ang mga Banal sa mga Huling Araw, kung makakapiling natin nang isang gabi sa isang linggo ang ating pamilya, sa ilalim ng impluwensya ng espiritu ng Panginoon, sa sarili nating mga fireside na napaliligiran tayo ng mga taong ipinagkaloob sa atin ng Panginoon, at sinabi sa atin, lalo na, na dapat natin silang turuan, maraming tahanan ang magiging masaya na sa ngayon ay puno ng lungkot at alitan at problema. …
… Kapag tinalikuran natin ang mundo at mga makamundong bagay, at sa ilalim ng kapangyarihan ng panalangin at pasasalamat ay ibibigay natin sa ating mga anak ang mayayamang katotohanang iyon na inilagak ng Panginoon sa atin para sa atin at sa kanilang kapakanan, tunay na lalakas ang ating pananampalataya. Nawa’y makapagsimula tayong muli, kung nakalimot man tayo sa payo na iyon. Tipunin sa ating paligid ang ating mga anak at gawin nating lugar na tatahanan ng Espiritu ng Panginoon ang ating tahanan. Kung gagawin natin ang ating bahagi, malalaman at matitiyak natin na gagawin ng ating Ama sa Langit ang kanyang bahagi.16 [Tingnan sa mungkahi 7 sa pahina 271.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Pag-isipan ang kuwento sa mga pahina 259–260. Sa palagay ninyo, bakit matagumpay na naturuan ni George Albert Smith ang kanyang anak na si Edith? Pag-isipan ang isang pangyayari noong kabataan ninyo nang ituro sa inyo ng inyong magulang ang isang bagay na nakaapekto sa inyong buhay. Bakit epektibo ang aral na iyon?
-
Pag-aralan ang unang bahagi ng mga turo (mga pahina 260–262) at Doktrina at mga Tipan 93:37–40. Sa palagay ninyo, bakit ibinigay ng Panginoon sa mga magulang, sa halip na sa iba pang mga organisasyon, ang responsibilidad na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak? Paano matutulungan ng mga organisasyon ng Simbahan ang mga magulang sa responsibilidad na ito? Paano makakatulong ang mga kamag-anak? Kung wala kayong sariling mga anak, mag-isip ng mga paraan para maging mabuting impluwensya kayo sa mga kabataan ng Simbahan na makakatulong sa mga magulang.
-
Repasuhin ang kuwento sa mga pahina 262–263. Paano nakikinabang ang mga anak kapag pinaglalaanan sila ng oras ng kanilang mga magulang? Ano ang ilan sa mga “pagsusumakit at … kalayawan sa buhay” (mga pahina 262) na magiging dahilan para makaligtaan natin ang ating mga responsibilidad sa pamilya? Ano ang magagawa natin para maalis ang mga pang-aabalang ito?
-
Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina 264. Pag-isipan ang saloobin ninyo tungkol sa “mga kaugalian sa mundo” at paano maaaring maapektuhan ng damdaming iyon ang inyong mga anak. Ano ang ilang “ginagawa araw-araw” na lalong nagpapatotoo sa ating mga anak tungkol sa ating mga pinaniniwalaan?
-
Ano ang ilan sa mga tuksong nararanasan ng mga bata at kabataan sa inyong komunidad? Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 266, na hinahanap ang mga bagay na magagawa ng mga magulang, lolo at lola, at iba pa para tulungan ang mga kabataan na labanan ang tukso.
-
Ipinayo ni Pangulong Smith na dapat tayong “magpakadalubhasa,” o magpakahusay, sa pagpapalaki sa ating mga anak sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu (tingnan sa pahina 266). Ano ang kahulugan niyan sa inyo? Anong uri ng mga bagay ang magagawa ng mga magulang upang magpakahusay sa pagpapalaki sa kanilang mga anak sa kabutihan?
-
Sa mga pahina 268–269, muling binanggit ni Pangulong Smith ang ilan sa mga pangako sa mga pamilyang regular na nagdaraos ng mga family home evening. Paano natupad ang mga pangakong ito sa inyong pamilya? Ano ang maipapayo ninyo sa isang pamilyang hindi pa nakapagdaos ng family home evening ngunit nais itong simulan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Kawikaan 22:6; Isaias 54:13; Enos 1:1–3; Mosias 4:14–15; Alma 56:45–48; Doktrina at mga Tipan 68:25–31; tingnan din sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 1995, 102.
Tulong sa pagtuturo: “Maging maingat na huwag madaliing tapusin ang magagandang talakayan sa pagtatangkang mailahad ang lahat ng materyal na inyong inihanda. Bagaman mahalagang tapusin ang materyal, mas mahalagang tulungan ang mga mag-aaral na madama ang impluwensya ng Espiritu, masagot ang kanilang mga katanungan, mapalawak ang kanilang pagkaunawa sa ebanghelyo, at mapalalim ang kanilang pangakong sundin ang mga kautusan” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 79–80).