Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 18: Manatili sa Panig ng Panginoon


Kabanata 18

Manatili sa Panig ng Panginoon

Binigyan tayo ng Panginoon ng mga kautusan upang mapaglabanan natin ang kasamaan at tayo ay maging maligaya.

Mula sa Buhay ni George Albert Smith

Ang lolo ni George Albert Smith na si George A. Smith ay naglingkod nang maraming taon sa Korum ng Labindalawang Apostol at sa Unang Panguluhan bilang tagapayo kay Brigham Young. Madalas ulitin ni George Albert Smith ang payong madalas ibigay ng kanyang lolo sa kanyang pamilya: “May malinaw na hangganan sa pagitan ng teritoryo ng Panginoon at ng teritoryo ng diyablo. Kung mananatili kayo sa panig ng Panginoon kayo ay sasailalim sa kanyang impluwensya at hindi ninyo hahangaring gumawa ng mali; ngunit kung tatawid kayo sa panig ng diyablo nang kahit isang pulgada kayo ay nasa kapangyarihan ng manunukso at kung siya ay magtagumpay, hindi kayo makapag-iisip ni makapagdadahilan nang wasto dahil nawala na sa inyo ang Espiritu ng Panginoon.”

Sinabi ni George Albert Smith na buong buhay niyang ginamit ang payong ito upang magabayan ang kanyang mga pagpapasiya o pagpili: “Kung minsan kapag natutukso akong gawin ang isang bagay, tinatanong ko sa aking sarili, ‘Kanino ba ako nakapanig?’ Kung determinado akong mapunta sa ligtas na panig, sa panig ng Panginoon, ginagawa ko ang tama sa tuwina. Kaya nga pagdating ng tukso mapanalanging pag-isipan ang inyong problema at tutulungan kayo ng kapangyarihan ng Panginoon na makagawa ng matalinong desisyon. Sa panig lamang ng Panginoon tayo magiging ligtas.”1 [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina 221.]

Mga Turo ni George Albert Smith

Ang pananatili sa panig ng Panginoon ay nangangailangan ng mahigpit na pagsunod sa mga kautusan.

Lahat ng kaligtasan, lahat ng kabutihan, lahat ng kaligayahan ay nasa panig ng Panginoon. Kung sinusunod ninyo ang mga utos ng Diyos sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath, kayo ay nasa panig ng Panginoon. Kung personal kayong nagdarasal at nagdarasal kayo sa pamilya, kayo ay nasa panig ng Panginoon. Kung nagpapasalamat kayo para sa pagkain at pinasasalamatan ang Diyos, kayo ay nasa panig ng Panginoon. Kung mahal ninyo ang inyong kapwa tulad sa inyong sarili, kayo ay nasa panig ng Panginoon. Kung tapat kayo sa pakikitungo sa inyong kapwa-tao, kayo ay nasa panig ng Panginoon. Kung sinusunod ninyo ang Word of Wisdom, kayo ay nasa panig ng Panginoon. At maaari ko ring banggitin ang Sampung Utos at ang iba pang mga utos na ibinigay ng Diyos para sa ating patnubay at muling sabihing, lahat ng nagpapasigla sa ating buhay at nagpapasaya sa atin at naghahanda sa atin para sa walang-hanggang kagalakan ay nasa panig ng Panginoon. Ang paghahanap ng maipipintas sa mga bagay na ibinigay sa atin ng Diyos para sa ating patnubay ay hindi sa panig ng Panginoon.2 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 221.]

[Sabi ng Panginoon]: “Ako … ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang;” wala ni katiting na pagsasaalang-alang (D at T 1:31). Bakit? Dahil alam Niya na kung nagkakasala tayo ay nawawala sa atin ang pagpapalang matatamasa sana natin kung hindi tayo lumihis sa landas na patungo sa pagpapalang iyon.3

Paminsan-minsan naririnig nating sinasabi ng isang tao, “Ah, hindi ako masyadong magiging partikular. Hindi tayo gaanong parurusahan ng Panginoon kung iilang kautusan lamang ang nasunod natin.” Ang nagsasalita nang gayon ay nasa panig na ng diyablo, hindi ninyo nanaising makinig sa kanya dahil kung makikinig kayo, kayo ay maliligaw. Walang sinumang nagsasalita nang gayon na may Espiritu ng Panginoon. Sinabi mismo ng Panginoon na dapat nating sundin ang kanyang mga kautusan: “May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay.” (D at T 130:20.) Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang magtuturo sa atin kung paano matatamo ang pagpapalang iyan.4

Binibigyan tayo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ng mga kautusan para tulungan tayong maging maligaya.

Ang Panginoon, sa Kanyang kabaitan, na nakikita ang pag-uugali ng Kanyang mga anak, at batid na kakailanganin nila ng patnubay, ay binigyan tayo ng Sampung Utos, at iba pang mga kautusang naibigay sa pana-panahon, para tulungan tayong maging maligaya. Nakikita ninyo ang mga tao na paroo’t parito sa mundo, naghahanap ng kaligayahan ngunit hindi ito matagpuan. Kung titigil lang sila sandali para tanggapin ang payo ng Panginoon susundan ito ng kaligayahan, ngunit hindi nila ito matatagpuan sa ibang paraan.5

Noong bata pa ako naunawaan ko, o akala ko’y naunawaan ko, na ang mga utos ng Panginoon ay Kanyang mga batas at tuntunin para patnubayan ako. Akala ko naunawaan ko na sa pagsuway sa mga batas na iyon ay susunod ang kaparusahan, at noong bata pa ako parang nadama ko na isinaayos at itinalaga ng Panginoon ang mga bagay sa buhay na ito kaya’t kailangan kong sundin ang mga partikular na batas dahil kung hindi ay mabilis na kaparusahan ang kasunod. Ngunit nang magkaedad ako natutuhan ko ang aral sa ibang aspeto nito, at ngayon para sa akin ang tinatawag na mga batas ng Panginoon, ang mga payo na nasa mga Banal na Kasulatan, ang mga paghahayag ng Panginoon sa atin sa panahong ito ng mundo, ay magiliw na musika lamang ng tinig ng ating Ama sa Langit sa awa Niya sa atin. Ang mga ito ay tagubilin at payo lamang ng isang mapagmahal na magulang, na mas nag-aalala sa ating kapakanan kaysa mga magulang sa lupa, at dahil dito, ang dati-rating tila marahas na batas sa akin ay mapagmahal at magiliw na tagubilin na ngayon ng isang napakatalinong Ama sa Langit. Kaya nga sinasabi ko na hindi mahirap para sa akin ang maniwala na pinakamainam para sa akin na sundin ang mga utos ng Diyos.6

Lahat ng kaligayahang dumating sa akin at sa pamilya ko ay resulta ng pagsisikap na sundin ang mga utos ng Diyos at ng pamumuhay nang marapat para sa mga pagpapalang ipinangako niya sa mga gumagalang sa kanya at sumusunod sa kanyang mga utos.7

Kung susundin natin ang tagubilin at payong ibinigay ng Panginoon, ang ating landas ay magiging maligaya. Ito ay magiging landas na marahil ay hindi palaging madali at matiwasay, ngunit sa huli ay hahantong ito sa piling ng ating Ama sa Langit, at kaluwalhatian, imortalidad at buhay na walang-hanggan ang ating makakamtan.8 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 221.]

Sinisikap ng kaaway na iligaw tayo sa pamamagitan ng kanyang mga panlilinlang at panloloko.

May dalawang impluwensya sa mundo ngayon at noong una pa man. Ang isa ay impluwensyang mabuti, na nagdudulot ng kaligayahan at nagpapabuti sa pagkatao. Ang isa pa ay ang impluwensyang mapangwasak, na nagpapasama sa mga tao, naninira at nagpapahina ng loob. Tayong lahat ay madaling maimpluwensyahan ng dalawang ito. Ang isa ay nagmumula sa ating Ama sa Langit at ang isa naman ay nagmumula sa pinanggagalingan ng kasamaan na noong una pa man ay nasa mundo na at hangad wasakin ang sangkatauhan.9

Lahat tayo ay matutukso; walang taong hindi tinutukso. Gagamitin ng kaaway ang lahat ng paraan para linlangin tayo; sinubukan niyang gawin ito sa Tagapagligtas ng mundo ngunit hindi siya nagtagumpay. Sinubukan niya ito sa marami pang ibang taong nagtaglay ng banal na awtoridad, at kung minsan ay nakakakita siya ng kahinaan at nawala sa indibiduwal ang isa sanang malaking pagpapala kung naging tapat lamang siya.10

Minsan ay sinabi sa akin ng isang tao—o sinabi niya sa isang lugar kung saan nagkataong naroon ako—“Aba, mukhang akala ng mga tao rito ay napakasama ko, pero hindi naman.” At sinabi ko sa kanya, “Kapatid, may kilala ka bang sinuman na napakasama at alam niya iyon?” Isa iyan sa mga panlilinlang ng diyablo: Ang mabihag kayo nang hindi ninyo alam. At isa iyan sa ating mga problema.11

Nakita ni Propetang Nephi, daan-daang taon na ang nakararaan, kung ano ang mangyayari, na mag-aaway-away ang mga tao at itatatwa ang kapangyarihan ng Espiritu Santo at ng Banal ng Israel, at ituturo bilang doktrina ang mga kautusan ng tao. May impluwensya sa mundo ngayon na nagsisikap paniwalain ang mga tao na sa pamamagitan ng sarili nilang talino at sariling kakayahan ay matatamo nila ang buhay na walang-hanggan. Hayaan ninyong … basahin ko mula sa Nephi:

“At marami rin ang magsasabi: Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya; gayon pa man, matakot sa Diyos—kanyang bibigyan ng katwiran ang paggawa ng kaunting kasalanan.”

Nais kong pansinin ninyo ang: “Kanyang bibigyan ng katwiran ang paggawa ng kaunting kasalanan.” Ang tusong kaaway na iyon batid na kung mapapagawa lang niya ang isang lalaki o babae ng kaunting kamalian, sila ay nakapasok na sa kanyang teritoryo, sila ay nasa ilalim na ng kanyang kapangyarihan.

“Gayon pa man, matakot sa Diyos—kanyang bibigyan ng katwiran ang paggawa ng kaunting kasalanan; oo, magsinungaling nang kaunti, pagsamantalahan ang isa dahil sa kanyang mga salita, humukay ng hukay para sa iyong kapwa; walang masama rito. At gawin ang lahat ng bagay na ito, sapagkat bukas tayo ay mamamatay; at kung tayo man ay may kasalanan, hahagupitin tayo ng Diyos ng ilang palo, at sa wakas tayo ay maliligtas sa kaharian ng Diyos.” [2 Nephi 28:8.]

Hindi nga ba iyan mismo ang sinasabi ng diyablo sa mga anak ng tao ngayon na kasinglinaw ng nakasulat dito? Ah, magkasala nang kaunti, walang masama riyan, magsinungaling nang kaunti, hindi iyan makasisira, patatawarin iyan ng Panginoon at hahagupitin ka lang ng ilang palo at sa huli ay maliligtas ka sa kaharian ng Diyos. Iyan ang sinasabi niya sa lalaki o babaeng naturuan ng Word of Wisdom kapag sinasabi niyang, ah, uminom ng kaunting tsaa, hindi iyan makasasama sa iyo; manigarilyo nang kaunti, walang kaibhang magagawa iyan; hindi ka mapapahamak sa pag-inom ng kaunting alak. Maliliit na bagay ito; lagi niya itong ginagawa nang paunti-unti, hindi biglaan. Iyan ang gusto kong tandaan natin. … Ang walang-kabuluhan at mapanlinlang na mga bulong na ito ang nagkakanulo sa sangkatauhan at naglalagay sa atin sa kapangyarihan ng diyablo. …

At sinabi pa ni Nephi:

“At gagawin niyang payapa ang iba, at dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan, na kanilang sasabihin: Mainam ang lahat sa Sion; oo, umuunlad ang Sion, mainam ang lahat—at sa gayon lilinlangin ng diyablo ang kanilang mga kaluluwa.”

Ngayon ay nais kong pansinin ninyo ang: “At sa gayon lilinlangin ng diyablo ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang aakayin pababa sa impiyerno.” [2 Nephi 28:21.] At ganyan ang paraan niya, ganyan mismo ang paraan niya. Hindi siya lalapit at susunggaban ang inyong katawan at dadalhin kayo sa kanyang teritoryo, kundi bubulong siya, “Gawin mo ang kaunting kasamaang ito,” at kapag nagtagumpay siya riyan, isa pang kaunting kasamaan at isa pa, at, sabi nga sa binanggit ko, “lilinlangin [niya] ang kanilang mga kaluluwa.” Iyan ang ginagawa niya. Pinaniniwala niya kayo na nagtatamo kayo ng isang bagay samantalang nawawalan kayo. Gayon ang nangyayari tuwing hindi natin sinusunod ang isang batas ng Diyos o isang utos, nalilinlang tayo, dahil walang matatamo sa mundong ito o sa kabilang-buhay kundi sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng ating Ama sa Langit.

… Ang naiibang mungkahing iyan, “At maingat silang aakayin pababa sa impiyerno” ay makahulugan, iyan ang kanyang paraan. Ang mga lalaki’t babae sa mundo ngayon ay nasasailalim ng impluwensyang iyan, at sila ay hinihila doon at dito, at patuloy ang bulong na iyan at hindi nila nauunawaan ang gustong ipagawa sa kanila ng Panginoon, kundi patuloy sila sa teritoryo ng diyablo, na napapailalim sa kanyang kapangyarihan kung saan hindi tutungo ang Espiritu ng Panginoon.

Sabi pa niya: …

“At masdan, pupurihin niya nang labis-labis ang iba, at sasabihin sa kanila na walang impiyerno; at sasabihin niya sa kanila: Hindi ako diyablo, sapagkat walang diyablo—at ganito ang ibinubulong niya sa kanilang mga tainga, hanggang sa kanyang mahawakan sila ng kanyang mga kakila-kilabot na tanikala, na kung saan ay walang kawala.” [2 Nephi 28:22.]

Ngayon, mga kapatid, iyan ang kalagayan ng mundo ngayon. Ito na ang pinakamalinaw na masasabi ni Nephi kung narito siya mismo sa mundo ngayon. At hindi tumitigil ang kaaway, at dahil hangad ng ating Ama sa Langit na ingatan ang kanyang mga anak mula sa kasamaan ng turong iyon at ng paniniwalang iyon isinugo niya ang batang propeta, si Joseph Smith, sa mundo, pinagkalooban siya ng banal na awtoridad, inorganisa ang Kanyang Simbahan, at muling sinimulang ituro ang katotohanan sa mga anak ng tao, upang sila ay mailayo sa kamalian ng kanilang mga gawain.12

Dapat nating matutuhang pigilin ang ating mga pagnanasa, ang ating masasamang ugali. Dapat nating matutuhang labanan ang mga tukso. Kaya nga tayo narito, at para higit natin itong magawa, ipinanumbalik ang ebanghelyo sa lupa, at tayo ay ginawang kabahagi nito, at may lakas tayo na dumarating sa atin dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Hindi lamang natin taglay ang lakas ng isang pangkaraniwang tao na daigin ang tukso, isang taong may mga limitasyon dahil walang alam sa katotohanan—may lakas tayong daigin ang tukso, at may karagdagang lakas pa dahil alam natin ang katotohanan at ang layunin ng ating buhay.13 [Tingnan ang mungkahi 4 sa mga pahina 221.]

Malalabanan natin ang kasamaan kung pipiliin nating magpasakop sa kapangyarihan ng Panginoon.

Naaalala ko ang isang mabuting lalaki ilang taon na ang nakararaan na noon ay chairman ng board of control ng Universalist Church of America. Nagpunta siya rito para bumisita [sa Salt Lake City] at dumalo siya sa dalawa sa ating mga Sunday School. Lubha siyang naging interesado sa isa sa mga klase [ng mga bata]. Kalaunan, nang patapos na [ang klase], sinabi ng Sunday School president, “Gusto mo bang magsalita nang kaunti sa [klase]?” … Sabi niya, “May kaunti lang akong sasabihin.” Sabi niya, “Kung mamumuhay lang ako sa kapaligirang natagpuan ko sa maliit na … klase sa Sabbath school na ito ngayong umaga, talagang magiging mabuting tao ako.” [Tingnan ang mungkahi 5 sa pahina 222.]

Maraming beses ko nang naisip iyan. Maingat nating pinipili ang kapaligirang titirhan natin, upang mapangalagaan ang ating kalusugan. Ngunit kung minsan, sa ating kapabayaan, nagpapasakop tayo sa mahahalay na impluwensya na sumisira sa kakayahan nating labanan ang kasamaan, at naaakay tayong gawin ang mga bagay na hindi natin dapat gawin at hindi natin gagawin kung nagpasakop tayo sa kapangyarihan ng Panginoon. Kung magpapakumbaba lamang tayo, kung magiging madasalin lamang tayo, kung mamumuhay lang tayo sa paraang bawat oras ng ating buhay ay tapat nating masasabing, “Ama sa Langit, handa at sabik po akong gawin ang ipagagawa ninyo sa akin,” uunlad ang ating buhay araw-araw habang nabubuhay tayo sa mundong ito.14

Pinipili natin kung saan tayo pupunta. Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaan. Hindi Niya ito babawiin sa atin, at kung gagawin ko ang mali at papasok sa teritoryo ng diyablo, ginagawa ko ito dahil gusto ko at may kakayahan akong gawin ito. Hindi ko masisisi ang iba, at kung ipapasiya kong sundin ang mga utos ng Diyos at mamumuhay nang nararapat at mananatili sa panig ng Panginoon ginagawa ko ito dahil kailangan ko itong gawin, at tatanggapin ko ang pagpapalang ukol dito. Hindi ito bunga ng magagawa ng ibang tao.15

Tayo, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ay dapat maging maingat sa pamumuhay sa araw-araw nang sa gayon ay maimpluwensyahan tayo ng kapangyarihan ng Panginoon, at malayo sa mga bagay na maaaring sumira sa kakayahan nating makamtan ang kahariang selestiyal.16

Tiyakin na ang inyong mga paa ay matatag na nakatayo sa bato. Tiyakin na malalaman ninyo ang mga hangarin ng Panginoon para sa inyo, at, batid ang mga hangaring iyon, tiyakin na susundin ninyo ang Kanyang mga batas at utos. Tiyakin na ang kadalisayan ng inyong buhay ay magbibigay sa inyo ng karapatan na makasama ang Banal na Espiritu, dahil kung kayo ay dalisay at banal at matwid, mawawalan ng kapangyarihan ang diyablo na wasakin kayo.17

Dalangin ko na suriin natin ang ating sarili at tuklasin kung saang panig tayo naroon; at kung tayo ay nasa panig ng Panginoon, manatili roon, dahil ang ibig sabihin niyan ay kaligayahan sa piling ng pinakamababait na lalaki at babae na nabuhay sa daigdig.

Kung nagkamali tayo sa anumang paraan, kung naging pabaya tayo; kung nakinig tayo sa manunukso at tumawid tayo ng teritoryo upang makibahagi sa mga bagay na iyon na iniisip ng mundo na kaakit-akit at sinabi ng Panginoon na hindi mabuti para sa atin, kaagad tayong bumalik sa kabilang panig, ihingi ng tawad sa Panginoon ang ating kahangalan, at sa tulong niya ay patuloy tayong mamuhay sa paraang magbubunga ng walang-hanggang kaligayahan.18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.

  1. Basahin ang “Mula sa Buhay ni George Albert Smith” (pahina 211) at Moroni 7:10–19. Paano ninyo malalaman na kayo ay “nasa panig ng Panginoon”? Ano ang magagawa natin para matulungan ang isa’t isa na manatili sa panig ng Panginoon?

  2. Sa unang talata sa pahina 213, binanggit ni Pangulong Smith ang ilang kautusang dapat nating sundin para manatili tayo sa panig ng Panginoon. Anong iba pang mga pamantayan ang ibinigay sa atin ng Panginoon para tulungan tayong manatili sa Kanyang panig?

  3. Habang binabasa ninyo ang bahaging nagsisimula sa pahina 214, isipin kung paano ninyo magagamit ang mga turo ni Pangulong Smith para tulungan ang isang tao na nakadaramang napakahigpit ng mga utos.

  4. Habang pinag-aaralan ninyong muli ang mga pahina 215–219, hanapin ang mga pakana ni Satanas na inilarawan ni Pangulong Smith, at pag-isipan ang mga panahon na nakakita kayo ng katibayan ng mga taktikang ito. Paano natin matutulungan ang mga kabataan na makilala at madaig ang mga ito? Paano tayo natutulungan ng “[kaalaman] sa layunin ng ating buhay” (pahina 219) na labanan ang tukso?

  5. Pag-isipan kung paano aakma sa inyo ang kuwento sa pahina 219. Ano ang ilan sa mga lugar o sitwasyon kung saan wala kayong hangad na gumawa ng masama? Ano ang magagawa natin upang makalikha ng gayong kapaligiran sa ating mga tahanan? sa ating pinapasukan? sa ating komunidad? sa ating personal na buhay?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 4:1–11 (kabilang na ang mga hango sa Pagsasalin ni Joseph Smith sa mga talababa); Santiago 4:7; I Ni Juan 5:3–4; Alma 13:27–28; Helaman 5:12; Doktrina at mga Tipan 82:8–10

Tulong sa pagtuturo: “Ang mga katanungang nakasulat sa pisara bago magklase ay makatutulong sa mga mag-aaral na magsimulang mag-isip tungkol sa mga paksa maging bago pa man magsimula ang aralin” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 120).

Mga Tala

  1. “A Faith Founded upon Truth,” Deseret News, Hunyo 17, 1944, bahagi tungkol sa Simbahan, 9.

  2. Sa Conference Report, Okt. 1945, 118.

  3. Sharing the Gospel with Others, pinili ni Preston Nibley (1948), 198; mensaheng ibinigay noong Nob. 4, 1945, sa Washington, D.C.

  4. “Seek Ye First the Kingdom of God,” Improvement Era, Okt. 1947, 690.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1941, 25.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1911, 43–44.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1949, 87.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1937, 36.

  9. “A Faith Founded upon Truth,” 9.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1945, 117.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1948, 179.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1918, 39–41.

  13. Sa Conference Report, Okt. 1926, 102.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1929, 23.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1932, 27.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1926, 103.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1906, 48.

  18. “Seek Ye First the Kingdom of God,” 691.

“Kung susundin natin ang tagubilin at payong ibinigay ng Panginoon, ang ating landas ay magiging maligaya.”

“Ang mga paghahayag ng Panginoon sa atin sa panahong ito ng mundo, ay magiliw na musika lamang ng tinig ng ating Ama sa Langit sa awa Niya sa atin.”

“Tayo, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ay dapat maging maingat sa pamumuhay sa araw-araw nang sa gayon ay maimpluwensyahan tayo ng kapangyarihan ng Panginoon.”