Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 16: ‘Ihandog ang Inyong Sakramento sa Aking Banal na Araw’


Kabanata 16

“Ihandog ang Inyong Sakramento sa Aking Banal na Araw”

Ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath at pakikibahagi ng sakrament nang karapat-dapat ay nagdaragdag sa ating espirituwal na lakas.

Mula sa Buhay ni George Albert Smith

Noong bata pa siya, natutuhan ni George Albert Smith ang kahalagahan ng paggalang sa araw ng Sabbath. Madalas tuwing Linggo nagpupunta sa bahay nila ang isang grupo ng mga batang lalaki sa kanilang lugar pagkatapos ng Sunday School para yayain siyang maglaro ng bola. “Kagaya ako ng mga batang iyon,” sabi niya. “Inisip ko na napakasayang maglaro ng bola o ng iba pang laro. Ngunit napakabait ng aking ina. Hindi niya sinabing, ‘Hindi mo puwedeng gawin iyan,’ kundi sinabi niyang: ‘Anak, mas sasaya ka kapag hindi mo ginawa iyan. …’ Gusto kong sabihin sa inyo na nagpapasalamat akong maturuan nang ganoon sa tahanan.”1 Ang epekto ng mga turo ng kanyang ina ay makikita sa madalas na pagpapaalala ni Pangulong Smith sa mga Banal na nagdudulot ng malalaking pagpapala ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath.

Bilang General Authority, nagkaroon ng pagkakataon si George Albert Smith na dumalo sa mga pulong ng Simbahan tuwing Linggo sa iba’t ibang lugar. Habang inoobserbahan ang mga Banal na magkakasamang sumasamba sa araw ng Sabbath, natuwa siya sa kanilang pagpipitagan sa sakrament: “Naniniwala ako na ang pag-unawa sa kasagraduhan ng sakrament ng Hapunan ng Panginoon ay mahalaga sa mga miyembro ng Simbahan. … Nagagalak ako kapag nakikita ko ang ating mga kapatid na nagpupunta sa kapilya at nakikibahagi sa mga simbolong ito … nang karapat-dapat.”2 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 196.]

Mga Turo ni George Albert Smith

Ang utos ng Diyos na panatilihin nating banal ang araw ng Sabbath ay hindi isang pasanin kundi isang pagpapala.

Itinuro sa atin [ng Panginooon] na dapat nating panatilihing banal ang Araw ng Sabbath. Itinalaga niya ang isa sa pitong araw bilang kanyang araw, at alang-alang sa lahat ng pagpapalang ipinagkaloob niya sa atin sa iba pang mga araw sa tingin ko ay dapat tayong magalak sa paggawa ng mga bagay na ipinagagawa niya sa atin sa kanyang banal na araw, at naniniwala ako na kung hindi natin ito gagawin ay hindi tayo magiging maligaya. … Gusto niyang lumigaya tayo at sinabi sa atin kung paano makakamtan ang kaligayahang iyon.3

Dapat nating isipin ang layunin ng araw [ng Panginoon] at makibahagi sa bisa ng pagsamba. Ano ang magagawa nito sa mundo kung lahat ng anak ng ating Ama sa Langit—at lahat tayo ay kanyang mga anak—ay igagalang ang kanyang hangarin na maging araw ng pagsamba ang Sabbath. Walang paraan para matantiya kung anong kapaki-pakinabang na pagbabago ang magiging bunga, hindi lamang sa sarili nating bansa, kundi sa lahat ng bansa sa daigdig kung igagalang natin ang Araw ng Sabbath at pananatilihin itong banal.4

Ang Sabbath ay naging araw ng paglilibang … —ang araw na itinakda ng libu-libong tao upang labagin ang utos na napakatagal nang ibinigay ng Diyos, at kumbinsido ako na karamihan sa kalungkutan at pagdurusang nagpapahirap at patuloy na magpapahirap sa mga tao ay dahil sa pagbalewala nila sa utos na panatilihing banal ang araw ng Sabbath.5 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 196.]

Isa sa mga unang sermon na ipinangaral dito [sa Salt lake Valley] ay mula kay Pangulong Brigham Young na nagbabala sa mga tao na igalang ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal, at gaano man kahirap ang kanilang sitwasyon hindi sila dapat lumabas at magtrabaho sa araw ng Sabbath. … Hinikayat ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga miyembro nito na alalahanin na panatilihing banal ang araw ng Sabbath dahil ikinalulugod ng ating Ama sa Langit na ginagawa natin ito.6

Turuan natin ang mga batang lalaki at babae [ng Simbahan] habang sila ay lumalaki na gawin ang mga bagay na nais ipagawa sa kanila ng Panginoon sa araw ng Sabbath, at nakakagulat ang magiging impluwensya nila sa mga komunidad na kanilang tinitirhan. Maliban kung pagsisihan ng mundo ang kapabayaan at pagwawalang-bahala nito, maliban kung tayong mga Banal sa mga Huling Araw, sa maraming pagkakataon, ay magsisi sa pagwawalang-bahala sa banal na araw ng ating Ama sa Langit, hindi natin madarama ang lahat ng kagalakan at kaligayahang nais nating matamasa rito, at hindi ito mapapasaatin sa kawalang-hanggan.7

Mukhang iniisip ng ilan na kung nakadalo na sila sa mga pulong ng simbahan o nakagawa ng kaunting paglilingkod na inaasahan sa kanila sa araw ng Linggo, ay malaya na silang maglibang at gawin ang mga aktibidad na hindi akma sa diwa ng Sabbath at patuloy pa ring kasihan o kalugdan ng ating Ama. Sinasabi ko sa inyo na kung ang mga miyembro ng Simbahan, na higit na nakaaalam, ay magpumilit na labagin ang araw ng Sabbath dahil sa makamundong paglilibang, mawawala ang kanilang pananampalataya, at iiwan sila ng Espiritu ng ating Ama sa Langit.8

Hindi maliit na bagay ang labagin ang araw ng Sabbath. Gusto kong sabihin na nawawalan kayo tuwing lalabagin ninyo ang araw ng Sabbath, mas nawawalan kayo kaysa nagkakaroon, anuman ang iniisip ninyong matatamo ninyo.9

Ang kalimutan na ito [ang araw ng Sabbath] ay araw ng Panginoon, tulad ng ginagawa ng ilan sa atin, ay kawalan ng utang-na-loob. Itinakda Niya ang isa sa pitong araw, hindi para gawin itong pasanin, kundi para maghatid ng galak sa ating buhay at upang ang ating tahanan ay maging lugar na pagtitipunan ng pamilya, kung saan magtitipon ang mga magulang at mga anak na may ibayong pagmamahal sa isa’t isa. …

Igalang ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal, mga Banal sa mga Huling Araw, at lubos kayong magagalak at pagkakalooban kayo ng ating Ama sa Langit ng mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod ninyo sa kanyang payo at pangaral.10

Ang pagsisimba ay mahalagang bahagi ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath.

Kung gagawin natin ang gustong ipagawa sa atin ng Ama sa Langit pupunta tayo sa kanyang banal na bahay sa araw ng Sabbath at makikibahagi roon sa sakrament bilang pag-alaala sa sakripisyong ginawa ng Manunubos ng sangkatauhan para sa atin.11

Ito [ang araw ng Sabbath] ay banal na araw ng Panginoon; ito ang araw na kanyang itinalaga para sambahin natin siya, at sa mga huling araw na ito binigyan niya tayo ng karagdagang utos na magpunta sa bahay ng dalanginan at pag-aayuno sa kanyang banal na araw, at aminin doon ang ating mga pagkakamali at magpatotoo sa isa’t isa [tingnan sa D at 59:9–12]. …

Sa kagila-gilalas na panahon ngayon na komportableng nakakaupo ang mga tao sa bahay at nakikinig sa musika ng mundo at sa mga talumpating pampubliko, at mga sermon, mananatili sila sa sarili nilang tahanan at marahil ay aakalain nila na matatanggap nila ang lahat ng maaari nilang matanggap kung pupunta sila sa lugar na itinakda para sa mga serbisyo ng simbahan.

Hindi dapat magpalinlang ang mga Banal sa mga Huling Araw sa bagay na ito. Hindi lamang ang naririnig natin ang mahalaga, kundi pati na ang impluwensyang nananaig sa mga bahay-sambahan na nagmumula sa ating Ama sa Langit. Maaaring may radyo tayo sa ating tahanan, ngunit hindi tayo espirituwal na makikinabang dito, na katulad ng kung pupunta tayo sa bahay ng Panginoon sa kanyang banal na araw, kung saan tayo tinutulutang makibahagi sa Sakrament at makapagdarasal at makahihiling ng mga pagpapala ng ating Ama sa Langit at tatanggap ng patotoo sa katotohanang itinuturing na magliligtas sa sangkatauhan.12 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 196.]

Isang sagradong pribihileyo ang makibahagi sa sakrament sa araw ng Sabbath.

Palagay ko marami siguro sa atin ang nakatatanto na napakagandang kaloob ang napasaatin sa mga pagkakataong iyon na tayo ay natulutang magtipon nang payapa at tahimik, at magkita-kita at makibahagi sa mga simbolo ng katawan at dugo ng Panginoon. Ito dapat, at sa palagay ko ay [ito] nga, ang nasa isipan ng bawat isa sa atin na isa itong napakasagrado at banal na pagkakataong maunawaan na tayo ay nagpapanibago ng ating mga tipan sa kanya na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay mabuhay na mag-uli at madakila. Kapag nakikibahagi tayo sa mga simbolong ito, tiyak ko na nauunawaan nating lahat na ang sakrament, na kanyang pinasimulan bago siya pumanaw, ay dapat maging pampasigla at inspirasyon at pagpapala sa atin sa buong kawalang-hanggan.13

Ang sakrament ay napakahalaga. Inorden ng Panginoon Mismo na makibahagi tayo sa mga simbolong ito. Maraming taong naniniwala na kailangan ang mabinyagan, at maisagawa ang iba pang mga ordenansa ng Ebanghelyo para sa kanila, subalit nagwawalang-bahala sila o nagpapabaya sa mga simbolo ng sakrament ng Hapunan ng Panginoon. Itinuring ito ng ating Ama sa Langit na napakahalaga kaya, sa pamamagitan ng Kanyang pinakamamahal na Anak, at ng mga apostol at propeta, tulad ng nakatala sa mga banal na kasulatan, pinayuhan ang mga Banal na regular na makibahagi sa sakrament. Tatlo sa mga ebanghelista [mga manunulat ng Evangelio] ang tumukoy rito [tingnan sa Mateo 26:26–28; Marcos 14:22–24; Lucas 22:19–20], at nalaman natin na itinuturo sa banal na kasulatan, sa maraming bahagi, ang kahalagahan nito, tulad ng pagkaturo ng Panginoon Mismo nang mabuhay Siya sa mundo. Ang ating Ama sa Langit ay hindi nagbibigay sa atin ng mga utos o payo na hindi mahalaga. Tinuturuan Niya tayo para tayo sumigla, lumago at umunlad, at kung susundin natin ang Kanyang payo ihahanda tayo nito na makabalik sa Kanyang piling. … Tuwing araw ng Sabbath inaasahan na magkikita-kita tayo at makikibahagi sa mga simbolo ng katawan at dugo ng ating nagbangong Manunubos. …

Makikita rin natin ito sa ika-18 kabanata ng 3 Nephi, kung saan pinagbilinan ng Tagapagligtas ang mga tao sa kontinenteng ito [ng Amerika], tulad ng pagtuturo Niya sa Kanyang mga disipulo noong araw na makibahagi sa sakrament. Ganito ang sabi:

“At nang ang maraming tao ay nakakain at nabusog, kanyang sinabi sa mga disipulo: Masdan magkakaroon ng isang oordenan sa inyo, at sa kanya ibibigay ko ang kapangyarihang pagputul-putulin ang tinapay at basbasan ito at ibigay ito sa mga tao ng aking simbahan, sa lahat ng yaong maniniwala at magpapabinyag sa aking pangalan.

“At ito ay lagi ninyong gagawin, maging katulad ng aking ginawa, maging katulad ng pagputul-putol ko ng tinapay at binasbasan ito at ibinigay ito sa inyo.”

… Mababasa sa kasunod na talata:

“At ito ay gagawin ninyo sa pag-alaala sa aking katawan, na ipinakita ko sa inyo. At ito ay magiging patotoo sa Ama, na lagi ninyo akong naaalaala. At kung lagi ninyo akong aalalahanin, ang aking Espiritu ay mapapasainyo.” [3 Nephi 18:5–7.]

… Bukod pa riyan, nalalaman natin na sa ating panahon ay binigyan tayo ng Panginoon ng paghahayag tungkol sa paksang iyan. Sa bahagi 20 ng Doktrina at mga Tipan, pinagbilinan tayo ng Panginoon tungkol sa bagay na iyan. Sa paghahayag na iyan, simula sa talata 75, sinabi Niya:

“Kinakailangan na ang simbahan ay magtipon nang madalas upang makakain ng tinapay at makainom ng alak sa pag-alaala sa Panginoong Jesus;

“At ang elder o saserdote ang mangangasiwa nito; at alinsunod sa pamamaraang ito kanya itong pangangasiwaan—siya ay luluhod, kasama ang simbahan at mananalangin nang taimtim sa Ama, sinasabing—”

Pansinin ang magandang panalanging sumunod … :

“O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito sa mga kaluluwa ng lahat nila na kakain nito, nang sila ay makakain bilang pag-alaala sa katawan ng inyong Anak, at patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen.” [D at T 20:75–77.]

Ang panalangin at pagbabasbas sa tubig ay halos gayon din [tingnan sa D at T 20:78–79].

Napakasagrado, totoong napakasagrado, ng mga ipinahayag sa panalangin ng sakrament. Pinapayuhan ko kayo, mga kapatid, na kapag nangangasiwa tayo sa pamamahagi ng sakrament, inuulit natin … ang eksaktong mga salitang ibinigay sa paghahayag, at ginagawa ito na kasama ang Espiritu ng Panginoon. Kapag inulit natin ang mga panalanging ito, dapat nating madama ang kahulugan ng mga salitang sinasambit natin.14

Kung minsan ay nag-aalala ako na habang pinangangasiwaan ang sakrament sa ilan sa ating mga miting o pulong ay walang pagpipitagan sa paligid na siyang nararapat. Ito ay napakasagradong pribilehiyo. … Dapat isaisip ng mga [nakikibahagi] sa sakrament ang obligasyong sinasabi sa panalangin.15 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 196.]

Ang marapat na pakikibahagi sa sakrament ay nagpapanibago sa ating espirituwal na lakas.

Nakikibahagi tayo sa pisikal na pagkain—ibig sabihin, kumakain tayo ng tinapay at umiinom ng tubig atbp., upang pangalagaan ang pisikal na katawan. Kailangan din tayong makibahagi sa mga simbolo ng katawan at dugo ng ating nagbangong Panginoon para madagdagan ang ating espirituwal na lakas. Naobserbahan na ang mga lalaki at babae na ilang taon nang hindi nakikibahagi sa Hapunan ng Panginoon, ay unti-unting nawawalan ng Espiritu ng ating Ama sa Langit; hindi nila ito nakakasama nang magkaroon sila ng pagkakataong makibahagi sa pagpapalang iyon, at nabigong samantalahin ito. …

Nabaling ako sa isang talata sa banal na kasulatan sa ika-11 kabanata ng Unang Mga Taga Corinto, simula sa ika-23 talata, kung saan nakasaad:

“Sapagka’t tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo, Na ang Panginoong Jesus nang gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay:

“At nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, ito’y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.

“At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo’y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin.

“Sapagka’t sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.

“Kaya’t ang sinomang kumain ng tinapay, o uminom sa saro ng Panginoon, na di nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.

“Datapuwa’t siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro.

“Sapagka’t ang kumakain at umiinom, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, kung hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon.

“Dahil dito’y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin, at hindi kakaunti ang nangatutulog.” [I Mga Taga Corinto 11:23–30.]

… Gusto kong ituon ang inyong pansin sa katotohanan na may panganib kung gagawin natin ito [makibahagi sa sakrament] nang hindi karapat-dapat. Bago makibahagi sa sakrament na ito, dapat ay dalisay ang ating puso; malinis ang ating mga kamay; wala tayong pagkamuhi sa ating mga kasamahan; dapat ay kasundo natin ang ating kapwa; at dapat ay may hangarin sa ating puso na gawin ang kalooban ng ating Ama at sundin ang lahat ng Kanyang mga utos. Kapag ginawa natin ito, ang pakikibahagi sa sakrament ay magiging pagpapala sa atin at magpapanibago sa ating espirituwal na lakas. …

… Dapat nating seryosohin ang mga tipang ginagawa natin sa ating Ama. Mahigpit tayong magtuon sa mga tipang iyon, at tiyakin nating kumain at uminom nang karapat-dapat, para mapagpala ang ating mga kaluluwa at madagdagan ang ating espirituwal na lakas. Ang mga pagpapalang ito ay inyo, mga kapatid, na magkakasambahay sa pananampalataya. Pahalagahan natin ang mga ito, at mamuhay nang marapat para dito, nang maihalimbawa sa ating buhay ang ating paniniwala. Huwag hayaang mapailalim sa sumpa ang sinuman sa atin dahil sa pakikibahagi sa sakrament nang hindi karapat-dapat, at dahil dito ay mapagkaitan ng pagsama ng Espiritu ng ating Ama.16

Dapat tayong makibahagi rito [sa sakrament] nang may pagpapakumbaba, na may handang malilinis na kamay at dalisay na puso, at may hangaring maging katanggap-tanggap sa ating Ama; sa gayon ay matatanggap natin ito nang karapat-dapat, at magagalak tayo sa pagpapalang dumarating sa atin.17

Nawa’y pagpalain tayo ng Panginoon; nawa’y patuloy na ibuhos sa atin ang Kanyang Espiritu. Nawa’y mahalin natin ang isa’t isa, tulad ng utos ng ating Ama na gawin natin. Kung maaari tayong makibahagi sa sakrament nang karapat-dapat, maaari nating mahalin ang isa’t isa, tulad ng utos ng ating Ama; na inaalala ang sinabi Niya sa atin: “Kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.” [D at T 38:27.]18 [Tingnan sa mungkahi 5 sa ibaba.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.

  1. Basahin ang huling talata sa pahina 187. Kung dadalo ang Pangulo ng Simbahan sa sakrament miting ninyo, ano sa palagay ninyo ang kanyang madarama? Ano ang magagawa ninyo mismo upang magpakita ng higit na pagpipitagan sa Panginoon at sa sakrament?

  2. Pag-isipang mabuti ang mga salita ni Pangulong Smith sa pangalawa at pangatlong talata sa pahina 188. Paano makikinabang ang buong lipunan kung mas maraming tao ang gagalang sa araw ng Sabbath? Ano ang ilang angkop na paraan para matulungan ang ating pamilya at iba pa na ituring na pagpapala ang paggalang sa araw ng Sabbath sa halip na isang pasanin?

  3. Ano ang ilan sa mga pakinabang ng pagsamba nang magkakasama sa araw ng Linggo na hindi natin natatanggap sa simpleng pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa ating tahanan? (Tingnan ang pahina 190 para sa ilang halimbawa; tingnan din sa D at T 59:9–12.)

  4. Habang binabasa ninyo ang bahaging nagsisimula sa pahina 190, pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa ninyo para gawing mas makahulugang bahagi ng inyong buhay ang ordenansa ng sakrament. Ano ang ilang epektibong paraan upang maihanda ang mga bata para sa sakrament at magpitagan sila rito?

  5. Habang binabasa ninyo ang huling apat na talata ng mga turo (pahina 195), hanapin ang sinabi ni Pangulong Smith na magpapagindapat sa atin na makibahagi sa sakrament. Sa palagay ninyo, bakit nadaragdagan ang ating espirituwal na lakas ng marapat na pakikibahagi sa sakrament?

Kaugnay na mga banal na kasulatan: Exodo 20:8–11; Isaias 58:13–14; Mateo 18:20; 3 Nephi 18:1–12; 20:8–9; Moroni 6:5–6

Tulong sa pagtuturo: “Ang isang mahusay na guro ay hindi nag-iisip ng, ‘Ano ang gagawin ko ngayon sa klase?’ kundi nagtatanong ng, ‘Ano ang gagawin ngayon ng aking mga mag-aaral sa klase?’; hindi, ‘Ano ang ituturo ko ngayon?’ kundi, ‘Paano ko matutulungan ang aking mga mag-aaral na matuklasan ang kailangan nilang malaman?’” (Virginia H. Pearce, sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 76).

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Okt. 1948, 188.

  2. Sa Conference Report, Abr. 1908, 34–35.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1937, 50.

  4. “A Faith Founded upon Truth,” Deseret News, Hunyo 17, 1944, bahaging pang-Simbahan, 4.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1935, 120.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1948, 13–14.

  7. “Tribute to Richard Ballantyne,” Instructor, Nob. 1946, 505.

  8. “Faith—and Life,” Improvement Era, Apr. 1949, 252.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1948, 188.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1932, 23.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1932, 23.

  12. Sa Deseret News, Ene. 31, 1925, bahagi 3, pahina 4.

  13. “The Sacredness of the Sacrament,” Improvement Era, Abr. 1946, 206.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1908, 35–37.

  15. “The Sacredness of the Sacrament,” 206.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1908, 34–35, 37.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1908, 36.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1908, 37.

“Igalang ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal, mga Banal sa mga Huling Araw, at lubos kayong magagalak.”

“Ang sakrament, na … pinasimulan [ng Panginoon] bago siya pumanaw, ay dapat maging pampasigla at inspirasyon at pagpapala sa atin sa buong kawalang-hanggan.”