Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 3: Ang Ating Patotoo Tungkol kay Jesucristo


Kabanata 3

Ang Ating Patotoo Tungkol kay Jesucristo

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay nagbibigay ng dagdag na patotoo sa mga Banal sa mga Huling Araw na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.

Mula sa Buhay ni George Albert Smith

Sa mga paglalakbay ni George Albert Smith bilang General Authority, may nakilala siya paminsan-minsan na mga taong nag-aakala na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi naniniwala kay Jesucristo. Ang maling palagay na ito ay ikinamangha at ikinabahala ni Pangulong Smith, at sinikap niyang itama ito sa pagbabahagi ng sarili niyang patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Minsan ay nagsalita siya sa isang pulong ng Simbahan sa Cardston, Canada, tungkol sa buhay at misyon ni Cristo. Kinabukasan nagpunta siya sa isang istasyon ng tren para bumili ng tiket. Habang naghihintay siya sa pila, narinig niya ang pag-uusap ng isang babae at ng takilyera. Binanggit ng babae na noong nakaraang gabi ay nagpasiya siyang dumalo sa isang samba ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Mukhang nagulat ang takilyera. “Naku naman,” sabi ng takilyera. “Huwag mong sabihing nagsimba ka nga roon.”

“Oo naman,” sagot ng babae. “Bakit hindi?”

Sabi ng takilyera, “Ni hindi sila naniniwala kay Jesucristo.”

At sumagot ang babae, “Kagabi lang ay nakinig ako sa mensahe ng isa sa mga elder ng Simbahan tungkol sa buhay ni Jesus ng Nazaret, at wala pa akong narinig na sinumang nagsalita na para bang alam na alam niya na talagang si Jesus ang Cristo, maliban sa tagapagsalitang iyon noon.”1 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 33.]

Si George Albert Smith ay nagtamo ng lakas mula sa kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo, at natuwang ibahagi ito sa iba. Sa edad na 44, sa 11 taon niyang paglilingkod bilang apostol, sinabi niya:

“Nahikayat ako at nabigyan, ika nga, ng higit na kakayahan at kapangyarihang hindi akin na ituro ang maluluwalhating katotohanang ipinahayag ng Manunubos ng daigdig. Hindi ko pa Siya nakita nang harapan ngunit natamasa ko na ang patnubay ng Kanyang espiritu at nadama ang Kanyang presensya sa paraang hindi maipagkakamali. Alam ko na ang aking Manunubos ay buhay at mapagpakumbaba kong gagawin ang lahat upang patotohanan ang Kanyang mga turo. … Buong katauhan ko ay puspos ng kaalaman na Siya ay buhay at balang-araw ay malalaman ito ng lahat ng tao.

“Ang Tagapagligtas ay namatay upang tayo ay mabuhay. Dinaig Niya ang kamatayan at libingan at nangangako Siya ng pag-asa ng maluwalhating pagkabuhay na mag-uli sa lahat ng sumusunod sa Kanyang mga turo. … Alam kong ito ang gawain ng Panginoon, na si Jesus ang ating Tagapagligtas.”2

Si Pangulong Smith ay namatay noong ika-81 kaarawan niya, Abril 4, 1951. Sa mga huling sandali ng kanyang buhay, sa harap ng kanyang pamilya, itinanong ng kanyang anak na lalaki, “Itay, may gusto po ba kayong sabihin sa pamilya—isang bagay na espesyal?”

Nakangiting muli niyang pinagtibay ang patotoong ilang beses na niyang ibinahagi sa buong buhay niya: “Oo, ito lamang: Alam ko na ang aking Manunubos ay buhay; alam ko na ang aking Manunubos ay buhay.”3

Mga Turo ni George Albert Smith

Si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at Siya ay buhay ngayon bilang ating nabuhay na mag-uling Tagapagligtas.

Marami akong nakita sa mundo na hindi alam na naniniwala tayo sa banal na misyon ng ating Panginoon, at hindi lang minsan ako nahikayat na sabihin na wala nang ibang mga tao sa mundo na lubos na nakauunawa sa banal na misyon ni Jesucristo, na lubos na naniniwala na siya ang Anak ng Diyos, na lubhang umaasa [tiwala] na sa kasalukuyan ay nakaluklok siya sa kaluwalhatian sa kanang kamay ng kanyang Ama, na katulad ng mga Banal sa mga Huling Araw.4

Alam ko tulad ng pagkaalam na ako ay buhay na siya ang anak ng Diyos, na sa pamamagitan niya at tanging sa pamamagitan niya tayo magtatamo ng kadakilaan sa kahariang selestiyal at lahat ng susunod sa kanyang mga yapak at mamumuhay ayon sa mga turong ibinigay niya, ay liligaya sa buhay na ito at maghahanda para sa kanilang sarili ng isang mansiyon sa kanyang selestiyal na kaharian, kung saan sila mananahan sa kanyang piling magpakailanman.5

Ang Manunubos ng sangkatauhan ay higit pa sa mabuting taong naparito sa mundo upang turuan tayo ng kagandahang-asal. Ang Manunubos ng sangkatauhan ay nagtaglay ng higit pa kaysa pangkaraniwang katalinuhan. Tunay na Siya ang Anak ng Diyos, ang bugtong na anak ng Diyos sa laman. … Naparito Siya upang pagsisihin ang mga tao, upang ituwid ang kanilang landas. Nakihalubilo Siya sa kanila na kinakatawan ang Diyos Amang Walang Hanggan, na ipinapahayag na siya ang wangis ng kanyang Ama, at ang mga nakakita sa kanya ay nakita na ang Ama, at sinabi sa kanila na isinugo siya upang gawin ang kalooban ng kanyang Ama, at nanawagan sa lahat ng tao na talikuran ang maling gawain nila, na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at lumusong sa tubig ng binyag.6

Noong kapanahunan ng Tagapagligtas ibinulong ng kaaway sa [mga] tao, hindi siya ang Anak ng Diyos, tiyak na hindi ninyo siya tatanggapin, isa lamang siyang karaniwang tao, anak lang siya nina Maria at Jose at hindi rin siya Anak ng Diyos na katulad ninyo, at pinakinggan ng mga tao ang mapanira at masamang nilalang na iyon at ipinako sa krus ang Manunubos ng sangkatauhan.7

Tunay ngang Siya ang Anak ng Diyos. Tumulong Siya sa [mga tao] nang may pagmamahal at kabaitan; ngunit kinutya nila ang Kanyang pangalan at sinabing Siya ay masama. … Siya ang Anak ng Diyos, at talagang may karapatan Siyang magsalita sa ngalan ng Ama. Ang mga katotohanang hatid Niya sa lupa ay nagmula sa Ama; at bagaman ipinako nila Siya sa krus, bagaman ipinutong nila sa Kanyang ulo ang koronang tinik, at inilagay ang kunwaring setro sa Kanyang mga kamay, bagaman pinatulo nila ang Kanyang dugo sa pamamagitan ng malupit na sibat, ang salitang hatid Niya sa kanila ay salita ng Panginoon, at tunay na Siya ang Anak ng Diyos.8

Hindi lamang tayo naniniwala na si Jesus ng Nazaret ay nabuhay sa mundo, kundi naniniwala tayo na Siya ay buhay ngayon, hindi lamang sa diwa, hindi bilang isang bagay na walang katawan o hindi nahahawakan, kundi naniniwala tayo sa Kanya bilang isang taong dinakila; dahil nagbangon Siya taglay ang katawan ding iyon na inihimlay sa libingan ni Jose ng Arimatea, ang katawang pinaglingkuran ng mga taong nagmamahal sa Kanya. Ang Jesucristong iyon na nagbangon mula sa libingan, ay dinala ang katawang iyon na dinalisay at nilinis, … at dinala niya ang katawang ito nang mawala siya sa paningin ng mga tao sa Jerusalem nang sabihin ng dalawang lalaking nakaputi na: “Paparito [siyang] gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit.” [Tingnan sa Mga Gawa 1:10–11.]

Ito si Jesus ng Nazaret na pinaniniwalaan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naniniwala rin tayo na ang mga pangakong nagawa hinggil sa sangkatauhan ay matutupad, na sa takdang panahon, kapag naipangaral na ang ebanghelyo sa buong mundo, sa bawat bansa, lahi, wika at tao, kapag wala nang maidahilan ang mga tao tungkol dito, naniniwala tayo na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng ating Ama sa Langit ay matatanggap ng sangkatauhan ang napakagandang pagpapalang iyon ng pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay, at na ang Manunubos ng sangkatauhan ay darating sa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at kaluwalhatian upang manahan dito sa lupa. Naniniwala tayo na si Jesus ng Nazaret ay paparito upang manahan sa piling ng mga karapat-dapat sa kaluwalhatiang selestiyal.9 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 33.]

Tinatanggap natin ang patotoo sa Biblia tungkol sa banal na misyon ni Jesucristo.

Si Jesus ng Nazaret ay lumusong sa tubig at bininyagan ni Juan, at nang umahon siya mula sa tubig, bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa anyo ng kalapati. At sabi ng isang tinig mula sa langit, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.” [Tingnan sa Mateo 3:13–17.]

Mayroon pa bang mas tiyak kaysa rito? Ang kahanga-hangang Biblia natin ay naglalaman ng lahat ng impormasyon at higit pa rito, mangyari pa. Kapag sinabi o inisip ng mga tao na hindi tayo naniniwala sa banal na misyon ni Jesucristo, ipaalam sa kanila na naniniwala tayo sa lahat ng itinuturo ng Biblia tungkol sa kanya. Naniniwala tayo sa kuwento kung paano niya inorganisa ang kanyang mga tao at tinuruan sila, at kung paanong sa huli, … siya ay ipinako sa krus.10

Tinatanggap natin nang walang pag-aalinlangan ang patotoo ng lahat ng apat na ebanghelista na nasa Bagong Tipan hinggil sa pagkabuhay na mag-uli ng Manunubos ng sangkatauhan. Napakalinaw nito kaya para sa akin ay tiyak na mauunawaan ito ng bawat taong nag-iisip. Ang katotohanan ay matapos ipako sa krus at ihimlay sa libingan ang Tagapagligtas siya ay nagbangon, at sa loob ng apatnapung araw ay nakihalubilo sa kanyang mga disipulo, kumain ng isda at pulot-pukyutan na kasama nila, nadama nila ang bakas ng mga pako sa kanyang mga kamay at marka ng sibat sa kanyang tagiliran. Sinabi niya sa kanila habang kasama sila, “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” [Tingnan sa Lucas 24:39–43. ] Tiyak na hindi maikakaila ang katibayang ito at magkagayunman ay marami sa mga anak ng ating Ama ang hindi ito nauunawaan.11 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 34.]

Ang Aklat ni Mormon at ang patotoo ni Joseph Smith ay nagbibigay sa atin ng karagdagang katibayan sa kabanalan ni Cristo.

May duda noong unang panahon na hindi banal ang pinagmulan ni Jesus, dahil isinilang Siya na isang sanggol, inilagay sa isang sabsaban, at ang Kanyang ina ay si Maria at ang kapuri-puri niyang ama ay ang karpinterong si Jose. Maraming umamin na Siya ay isang dakila at mabuting tao, ngunit hinangad nilang agawin sa Kanya ang kabanalan ng Kanyang pagsilang.

Gayunman, mabuti na lang at tumanggap tayong mga Banal sa mga Huling Araw ng isang patotoo na ang mga bagay na ito ay totoo; at bukod pa riyan, tumanggap tayo ng patotoo na nagtungo Siya sa kanlurang hemispero, tulad ng nakatala sa Aklat ni Mormon, at naglingkod sa mga Nephita sa kontinenteng ito. Hindi siya dumating sa pagkakataong ito bilang isang munting bata, kundi dumating Siya sa mga alapaap ng langit; at ang Kanyang pagdating ay ipinahayag ng isang tinig na tumimo sa kaibuturan ng bawat taong nasa lupain. Dumating siya sa pagkakataong ito bilang isang tao mula sa langit, at nakita nila ang Kanyang pagdating. Nalaman nila na Siya ang Cristo, sapagkat ang Kanyang pagdating ay hinulaan ng kanilang mga propeta. Ibinigay Niya sa kanila ang organisasyong umiral din sa Simbahan sa Jerusalem. Itinuro Niya sa kanila na dapat silang mabinyagan, tulad Niya, ng mga taong may awtoridad na mangasiwa sa ordenansang iyon. [Tingnan sa 3 Nephi 11:1–27.] Hindi ito salita ng isang karaniwang tao; ito ang salita ng Anak ng Diyos, na umakyat sa kanyang Ama, at nagbalik, upang ang mga anak ng tao ay magkaroon ng isa pang patotoo bukod pa sa naibigay na sa kanila.12

Ano pang ibang mas tuwirang katibayan ng pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay maliban sa siya, sa kanyang nabuhay na mag-uling katawan, ay nagtungo sa [mga Nephita] at itinuro sa kanila ang Ebanghelyong itinuro din niya sa Jerusalem? At ngayon ay tinupad niya ang pangakong ginawa niya sa Jerusalem nang sabihin niyang, “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila’y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.” Juan 10:16.] Dumating siyang taglay ang kanyang nabuhay na mag-uling katawan upang ihatid sa kanila ang impormasyong ipinropesiya niyang dapat ibigay sa mga taong pinaglilingkuran niya ngayon.

Napakagandang karanasan para sa mga taong iyon. Matapos silang turuan maghapon … pinagaling niya ang kanilang maysakit at binasbasan ang kanilang mga anak at patuloy na itinuro sa kanila ang kagandahan ng kanyang Ebanghelyo. Walang pag-aalinlangan sa kanilang isipan na Siya ang Tagapagligtas ng mundo. Nakita nila ang kanyang pagbaba mula sa langit at nasaksihan ang kanyang kagila-gilalas na kapangyarihan. … Dumating siya nang maluwalhati. Bumaba ang mga anghel mula sa langit na naliligiran ng apoy at pinalibutan ang mga batang paslit kaya’t sila ay naliligiran ng apoy. At naglingkod sa kanila ang mga anghel. [Tingnan sa 3 Nephi 17:6–24.]

Iyon ay hindi mga guni-guni, kundi mga kagila-gilalas na karanasang maaalala magpakailanman ng mga nakaranas nito. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw tinatanggap natin ang talaang ito bilang katibayan ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo na ating Panginoon.13

Pagkatapos sa ating panahon ay may isa pang taong nabuhay. … [Si Joseph Smith] ay hindi lamang nagkaroon ng patotoo sa Biblia na si Jesus ang Cristo, kundi nakita pa niya ang Diyos Ama na nakatayo sa mga alapaap ng langit, na puno ng kaluwalhatian, at si Jesucristo, ang Manunubos ng daigdig, na dinakila sa Kanyang kanang kamay, at narinig niya ang tinig ng Panginoon, na nagsasabing, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak, pakinggan Siya.” [Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17.] Nagpatotoo siya tungkol sa maluwalhating pangitaing ito sa mga taong nakahalubilo niya. Ang iba ay tumanggap din ng patotoo mula sa itaas. Ang kanilang patotoo sa kabanalan ng misyon ng Tagapagligtas ay naragdagan at napalakas, kaya’t hindi na ito bahagi ng lumang kasaysayan na ang Diyos ay buhay at si Jesus ang Cristo; alam nila ito sa kanilang sarili, dahil nakatanggap sila mismo ng patotoo.14

Sa aking isipan isa sa pinakamalalakas na patotoo tungkol sa kabanalan ng buhay ng ating Tagapagligtas ang patotoo ni Joseph Smith na nagbuwis ng kanyang buhay bilang saksi ng katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.15 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 34.]

Bawat isa sa atin ay maaaring magtamo ng personal na patotoo na si Jesus ang Cristo.

May isa pa tayong patotoo, isa pang katibayan na mas perpekto at higit pang nakakakumbinsi kaysa iba, dahil ito ay isang patotoong dumarating sa isang tao kapag nasunod niya ang mga ipinagagawa ng ating Ama sa Langit. Ito ay isang patotoong tumimo sa ating kaluluwa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, kapag nagawa natin ang ipinagagawa ng Panginoon kung malaman natin na ang doktrina ay sa Diyos o sa tao.16

Siya mismo ang nagsabi, “Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.” (Juan 7:16–17) Iyan ang Kanyang sariling pangako. Tinatanggap natin ang pangakong iyon bilang mga Kristiyano sa buong mundo at dapat nating sikaping patunayan ito upang malaman kung magagawa ito o hindi. Marami na ang nakagawa nito. Natanto ko na … marami na ang sumubok dito, marami na ang nakaaalam na ang Diyos ay buhay, na si Jesus ang Cristo, na Siya ang Tagapagligtas ng daigdig.17

Kaya, hindi lamang katibayan ng mga talaan ang nasa atin … , hindi lamang patotoo ng mabubuting taong nabuhay sa mundo sa ating panahon, kundi kung sumunod tayo sa mga ipinagagawa ng ating Ama sa Langit, kung sumampalataya tayo sa Diyos, kung pinagsisihan natin ang ating mga kasalanan, kung nabinyagan tayo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, kung natanggap natin ang Espiritu Santo mula sa kamay ng mga awtorisadong lingkod ng Panginoon, sinasabi ko, kung nagawa natin ang lahat ng ito ay may tiyak na kaalaman sa bawat kaluluwa na hindi maikakaila [maitatatwa] na ang Diyos ay buhay at si Jesucristo ang Manunubos ng sangkatauhan. …

… Bilang isa sa mga mapagpakumbabang miyembro ng Simbahang ito pinatototohanan ko sa inyo na alam ko na siya ay buhay katulad ng pagkaalam ko na ako ay buhay. … Si Jesus ang Cristo, at alam ko na ang mga anak ng tao ay kailangang malaman ito, na kailangan nilang matanggap ito, at wika nga niya na nasa langit, “bawat tuhod ay luluhod, at bawat dila ay magtatapat [na si Jesus ang Cristo].” [Tingnan sa D at T 88:104.]18 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 34.]

Ang ating misyon ay ibahagi sa lahat ng tao ang alam natin tungkol kay Jesucristo.

Sinasabi ko sa inyong mga Banal sa mga Huling Araw, wala nang iba pang mga tao sa buong mundo na nagtataglay ng lahat ng impormasyong nasa atin hinggil sa kabanalan ng Tagapagligtas; at kung hindi tayo naniwala sa Kanya sasailalim tayo sa mas masidhing sumpa kaysa ibang hindi kailanman nagtamo ng gayong impormasyon. Kaya nga walang pag-aatubili nating masasabi sa mundo na naniniwala tayo sa mga bagay na ito. …

Binabati ko kayo na dumating sa inyong buhay ang pribilehiyo at pagpapalang ito. At ngayon nakikiusap ako sa inyo bilang kapatid, nagsusumamo ako sa inyo tulad ng isa sa mga pinakahamak sa inyo, huwag ninyong itago ang inyong ilawan sa ilalim ng takalan. Huwag ninyong itago sa inyong kapwa ang kaalamang ipinagkaloob sa inyo ng Diyos.

Huwag ninyo silang inisin, ngunit huwag maging mangmang para itago sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo. Iyan lang ang tanging kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan sa kahariang selestiyal.19

Ang pinakamaliligayang lalaki at babaeng kilala ninyo sa mundo ay yaong ang kanilang buhay ay nakaayon sa mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sila ang mga yaong nakatitiyak sa buhay na walang hanggan; sila ang mga yaong nakauunawa sa layunin ng ating pag-iral. … Sa pagparoo’t parito ko sa mundo na hatid ang mensaheng ito, napuspos ng kagalakan ang aking kaluluwa, at nanlabo ang aking mga mata sa mga luha, nang makita ko kung gaano kalaki ang pagbabagong dulot ng ebanghelyo ni Jesucristo sa buhay ng mga tao. Nakakita na ako ng mga taong nasiraan ng loob, mga taong nasa kadiliman, mga taong nagduda sa layunin ng kanilang pag-iral, at nang maituro sa kanila ang maluluwalhating katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo, sila ay nagbago, natuto silang maging masaya, makuntento, masiyahan, masigla sa paniniwala at pagtuturo ng ebanghelyong ipinahayag ni Jesucristo noong narito siya sa lupa at naglakbay sa Galilea.

Mga kapatid, hindi iyan nauunawaan ng daigdig, ngunit misyon nating tulungan sila na maunawaan ito, at hindi sa pagmamataas, ni sa pagyayabang, kundi sa pag-ibig sa lahat, na may magiliw na pagmamahal, ipinararating ang mensaheng ito. …

Bilang isa sa mga pinakahamak sa inyo, buong-puso ko siyang pinasasalamatan para sa katiyakang dumating sa aking buhay. … Higit sa lahat, pinasasalamatan ko siya para sa kaalamang tumimo sa aking kaluluwa; alam ko na ang aking Ama sa Langit ay buhay, alam ko na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sangkatauhan, at na wala nang iba pang pangalan sa ilalim ng langit na magpapadakila sa mga lalaki at babae, kundi ang pangalan ni Jesucristo, na ating Panginoon. Alam ko na pumarito siya sa mundo sa huling araw na ito, na pinagkalooban niya ng banal na awtoridad ang isang mapagpakumbabang batang lalaki na naghahanap ng katotohanan, at bunga niyon ay naorganisa ang Simbahan na ating kinabibilangan; at naroon ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan ng lahat ng naniniwala.20

Dalangin ko na mamuhay tayo sa paraang tayo ay marapat na mga uliran ng Kanyang layunin. Dalangin ko na sa pamamagitan nito ay maipakita natin sa ating buhay na tayo ay tunay na naniniwala sa Panginoong Jesucristo.21 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina 34.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.

  1. Basahin ang kuwento sa pahina 23. Paano mo sasagutin ang isang taong nagsasabi na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi naniniwala kay Jesucristo?

  2. Itinuro ni Pangulong Smith, “Hindi lamang tayo naniniwala na nabuhay sa mundo si Jesus ng Nazaret, kundi naniniwala tayo na siya ay nabubuhay pa” (pahina 26). Ano ang mga dahilan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa paniniwala na si Jesucristo ay nabubuhay ngayon? Ano ang personal ninyong mga dahilan sa paniniwala sa bagay na ito?

  3. Repasuhin nang bahagya ang mga pahina 26–30. Ano ang ilang kuwento o talata mula sa mga banal na kasulatan na nagpalakas sa inyong patotoo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos? Basahin ang 1 Nephi 10:17 at mag-isip ng mga paraan na madaragdagan ninyo ang inyong pag-unawa sa misyon ng Tagapagligtas.

  4. Habang binabasa ninyo ang pahina 31, isipin kung paano napalakas ng pagsunod sa mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ang inyong patotoo kay Jesucristo. Ano ang magagawa ng mga magulang para matulungan ang kanilang mga anak na magtamo ng patotoong ito?

  5. Ano ang naiisip o nadarama ninyo habang binabasa ninyo ang patotoo ni Pangulong Smith sa mga pahina 32–33? Umisip ng mga pagkakataon na nakita ninyong nagbago ang buhay ng mga tao dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo. Paano binago ng ebanghelyo ang inyong buhay?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 16:15–17; 17:1–5; 2 Nephi 25:26; Alma 5:45–48; Doktrina at mga Tipan 76:22–24; 110:1–4

Tulong sa pagtuturo: “[Iwasan] ang tuksong talakayin ang napakaraming materyal…. Nagtuturo tayo ng mga tao, hindi lamang ng paksa; at … bawat balangkas ng lesson na nakita ko na ay tiyak na mas maraming nilalaman kaysa sa maituturo natin sa itinakdang oras” (Jeffrey R. Holland, “Pagtuturo at Pag-aaral sa Simbahan,” Liahona, Hunyo 2007, 59).

Mga Tala

  1. Sa Deseret News, Dis. 27, 1924, bahaging pang-Simbahan, 6; tingnan din sa Sharing the Gospel with Others, pinili ni Preston Nibley (1948), 201–2.

  2. “Testimony of Elder George Albert Smith,” Liahona: The Elders’ Journal, Peb. 2, 1915, 502.

  3. Sa Robert L. Simpson, The Powers and Responsibilities of the Priesthood, Brigham Young University Speeches of the Year (Mar. 31, 1964), 8.

  4. Sa Deseret News, Dis. 27, 1924, bahaging pang-Simbahan, 6.

  5. Sa Deseret News, Ene. 15, 1927, bahaging pang-Simbahan, 8.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1921, 39.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1918, 39.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1904, 63.

  9. Sa Deseret News, Dis. 27, 1924, bahaging pang-Simbahan, 6.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1950, 156.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1939, 120–21.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1905, 61.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1939, 121–22.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1905, 61–62.

  15. Sa Deseret News, Ene. 15, 1927, bahaging pang-Simbahan, 8.

  16. Sa Deseret News, Dis. 27, 1924, bahaging pang-Simbahan, 6.

  17. Sharing the Gospel with Others, 206; mensaheng ibinigay noong Nob. 4, 1945, sa Washington, D.C.

  18. Sa Deseret News, Dis. 27, 1924, bahaging pang-Simbahan, 6.

  19. Sharing the Gospel with Others, 211, 214; mensaheng ibinigay noong Nob. 4, 1945, sa Washington, D.C.

  20. Sa Conference Report, Okt. 1927, 48–50.

  21. Sa Deseret News, Ene. 12, 1907, 31.

“Alam ko na ang aking Manunubos ay buhay at mapagpakumbaba kong gagawin ang lahat upang patotohanan ang Kanyang mga turo.”

“Tinatanggap natin nang walang pag-aalinlangan ang patotoo … na nasa Bagong Tipan hinggil sa pagkabuhay na mag-uli ng Manunubos ng sangkatauhan.”

Nang bisitahin ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang mga Nephita, “bumaba ang mga anghel mula sa langit na naliligiran ng apoy at pinalibutan ang mga batang paslit.”